Lunes, Hulyo 14, 2008

O, Inang Kalikasan - tula ni Anthony Barnedo

O, Inang Kalikasan
-Anthony Barnedo
Jan. 6, 2008


Ninais kong umakyat ng isang mataas na bundok
Umiiwas sa nakakaasiwang maitim na usok
Manatili sa paraiso't punan ang pagkasabik
Sa Inang Kalikasan na maaaring makahalik.


Ako'y tutungo sa isang napakadilim na daan
Lilisanin ang naghihikahos at mahal kong bayan
Maglalakbay para sa hinahangad kong katuparan
Marating ang magandang pisngi ni Inang Kalikasan.


At nakita ko ang liwanag sa isang hatinggabi
Tila alitaptap sa kabundukan ay humahabi
kamangha-mangha pagsalubong, ito'y di ko mawari
O, Inang Kalikasan, Paano nga ba ito nangyari?


Ako ay di mapangiti sa pagsapit ng liwanag
Itong aking natatanaw ay sadyang kahabag-habag
At sa gitna ng kabundukan, 'tong puso'y nabagabag
O, Inang Kalikasan, Ito ba ang iyong tugatog?


Kasuklam suklam na larawan itong pinagmamasdan
Ganito na ba ang tao sa kanyang sarili bayan
Naglalakihang istraktura't sangkaterbang tahanan
Nasaan na ang kagubatan, O, Inang Kalikasan.


(Sinumulan ko ang kathang ito sa pangalawang gabi namin sa Baguio...
pagkatapos naming gumawa ng magagandang bagay sa aming mga kasama.
Tinapos ko ang ilang letra sa aking magulong kuwarto.)


Si Anthony Barnedo ay opisyal ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML)-NCRR Chapter