Sabado, Agosto 1, 2015

GloBasura: Ang Globalisasyon ng Pagtatapon ng Basura

GLOBASURA: ANG GLOBALISASYON NG PAGTATAPON NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang Pilipinas ang bagong Payatas. Tapunan ng basura, di lamang sa isang rehiyon, kundi ng mapangyarihang bansang malayo sa kanyang kinapapaloobang rehiyon. Pilipinas ang tapunan ng basura ng bansang Canada, isang maunlad at malaking bansang katabi ng makapangyarihang Estados Unidos.

Unang inilagak sa bansa ang limampung container van na puno ng mga basura galing Canada, at ilang buwan pa ang nakaraan ay nadagdagan ito ng apatnapu't walo, galing pa rin ng Canada.

Hindi na ito usapin ng soberanya tulad ng ipinahahayag ng maraming pangkat pangkalikasan. Usapin ito ng Globasura o globalisasyon ng pagtatapong ng basura.

Kung ating matatandaan, nagsimula ang pakikipagniig ng bansa sa globalisasyon nang pumirma ang bansa sa World Trade Organization (WTO) noong 1995, sa pamamagitan ni dating Senador at naging pangulong Gloria Macapal Arroyo.

Pumutok naman ang usapin ng pagtatapon ng basura sa isyu ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) kung saan nagkaisang makibaka laban dito ang kilusang paggawa at mga pangkat pangkalikasan. Maraming usapin sa makapal na dokumentong JPEPA, tulad ng pangisdaan, trabaho para sa mga nars na Pinay, manggagawa, industriya, ngunit ang ipinagngitngit ng mga pangkat pangkalikasan ay ang pagtatapon sa Pilipinas ng mga basurang galing Japan kapalit ng trabahong ibibigay para sa mga nars na Pinay. Bakit ganoon?

Ilang ulit kaming nagrali sa tapat ng Senado, at nagkaroon pa ng talakayan sa loob ng Senado hinggil sa isyung JPEPA kasama ang ilang senador at ang mga nagpoprotestang pangkat pangkalikasan. Panahon iyon bago dumikit sa kamalayan ng publiko ang tanong na "nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?" na tila ba nagbabadya ng mangyayari sa Pilipinas kung aaprubahan ng Pilipinas ang JPEPA. Maliligo ang Pilipinas, o ang mga Pilipino sa dagat ng basura.

Iyan na ang simula ng pag-arangkada ng globalisasyon sa usaping basura. At mula sa JPEPA na nasubaybayan ng mga matitinik nating mga pangkat pangkalikasan, aba'y biglang nakalusot naman ang mga konte-container van na basura galing sa Canada. Wala tayong kamalay-malay na iyan na ang pagpapatupad ng GloBasura - globalisasyon ng mga basura - at ang unang biktima ng globalisasyong ito sa ating rehiyon ay ang Pilipinas.

Hindi sana problema ang globalisasyon kung dulot nito'y pagkakaisa ng uring manggagawa, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at pagdadamayan ng bawat isa. Ngunot hindi. Ito'y globalisasyong pakana ng mga kapitalista. Globalisasyong ang hangad ay kontrolin ang mga pabrika sa buong mundo at alipinin ang mga manggagawa, tulad ng makina at sinaunang alipin. Etsapuwera ang manggagawa. Etsapwera ang masa, ang dukha, ang mga naghihirap, ang buong sambayanan. Ang turing sa kanila'y kagamitan lang sa produksyon. Hindi sila tao tulad ng mga haring kapitalista.

Kaya ano ang aasahan natin sa globalisasyong ito kundi ang maging etsapwera rin tulad ng iba.

Kaya nga ang turing ng mayayamang bansa tulad ng Japan at Canada sa Pilipinas ay malayong pook na maaari nilang pagtapunan ng kanilang basura. Basurahan ang Pilipinas ng ibang bansa. Nagaganap na ang globalisasyon ng pagtatapon ng basura.

Kaya usapin ba ito ng soberanya? Hindi. Ginagamit lang natin ang isyung soberanya bilang pagbabakasakali. Pagbabakasakaling mapahiya ang Canada sa paningin ng buong mundo at kunin nila ang basurang itinambak nila sa atin.

Dahil kung usapin ito ng soberanya o kalayaan ng Pilipinas na itapon lang ang sarili nating basura sa sariling bayan, ang tanong: bakit nagtatapon din ng basura ang Pilipinas sa lalawigan ng Tarlac kung ayaw ito ng mga tao roon. Pagtinging mikro. Kung sa Lungsod Quezon, bakit pagtatapunan ang Payatas kung ayaw ng mga tao roon. Soberanya? Pag sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na pagtapunan ng basura ang Tarlac o ang Payatas, may magagawa ba ang mga taga-Tarlac o taga-Payatas? Power of eminent domain? Usaping makro. Pag sinabi ng pamahalaan ng Canada na pagtatapunan nila ang Pilipinas, may magagawa ba ang Pilipinas? Panahon na ng salot na globalisasyon. Anong dapat gawin kung estapwera ang Pilipinas o minamaliit ng ibang bansa kaya pinagtatapunan lang ng basura? Anong sabi ng mga taga-DENR, hindi naman toksik ang basura kaya ayos lang. Ganyan ba dapat ang asal ng mga lingkod bayang nag-iisip ng soberanya? Hindi na nila maiisip ang soberanya sa panahon ng globalisasyon.

Mas pinag-uusapan nga ngayon ay ang paglabag ng Canada sa Basel Convention, at hindi naman ginagamit ng Pilipinas, pati ng mga pangkat pangkalikasan ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Wala bang nakasulat sa RA 9003 na maaaring makasuhan ang mga bansang nagtatapon ng basura nila sa Pilipinas? Kung mayroon man, magkano lang ang multa, na marahil ay mani lang sa Canada.

Dahil sa globalisasyon ng mga kapitalita, hindi na rin sinusunod ang tinatawag na Basel Convention, o yaong pandaigdigang tratado o kasunduan ng bansa sa iba pang bansa, na hinggil sa pagpigil na mailipat o mapadala ang mga mapanganib na basura mula sa mga maunlad na bansa patungo sa hindi pa maunlad na bansa. Ang buong pamagat ng tratadong ito ay Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal na nalagdaan noong Marso 22, 1989 sa Basel, Switzerland. Noong 1995, nais ng iba pang mga bansa na amyendahan ito, kaya nagkaroon ng panawagang Basel Ban Amendment na hindi pa nakakapirma ang Pilipinas. May butas kasing nakita sa Basel Convention kung saan ang isang bansa'y pinadadala sa ibang bansa ang kanilang basura na kunwari ay ireresiklo. Nais ng Basel Ban Amendment na isama na sa batas ang pagbabawal ng mga basurang iniluluwas sa ibang bansa para iresiklo.

Paparating pa ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation). Pagpapalitan ng kalakalan. Pagsasarehiyon ng mga pabrika. Paano ang pagtatapon ng basura? Pagtatapunan ba muli tayo ng ibang bansa, o tayo na ang magtatapon ng basura sa ibang bansa? Sa parehong punto, parehong mali. Bakit tayo pagtatapunan ng basura ng taga-ibang bansa, at bakit natin itatapon ang basura natin sa ibang bansa. Tapat mo, linis mo? Tapat ko, linis ko? Ang basurang iyong itinapon ay babalik din sa iyo! Pinagtatapunan ba ng basura ng mga dayuhan ang ating bansa dahil ang utak ng mga namumuno sa atin ay basura? Pulos katiwalian, pulos kurakutan, pulos basura ang nasa isip, dahil pawang sariling interes lang ang naiisip.

Tama lamang na pigilan natin ang pagtatapon ng basura ng mga taga-ibang bansa sa Pilipinas. Tama lamang iyon. Ngunit higitan pa natin ang panawagang iyon, dahil hindi na iyon usapin ng soberanya. Usapin na iyon ng globalisasyon kung saan ang ekonomya ng mga bansa ay pinag-iisa na nang hindi nahaharangan ng mga patakarang pambansa. Hindi ba't ang tatlong anak ng globalisasyon ay iyan ang kahulugan? Walang balakid. Sa deregulasyon, merkado na ang magdidikta ng presyo ng pangunahing mga bilihin at hindi na ang pamahalaan ng Pilipinas. Sa pribatisasyon, isinasapribado na ang mga pampublikong ahensya ng pamahalaan, tulad ng tubig at kuryente, at dahil pribado na, wala nang magagawa pa ang pamahalaan, dahil pribadong sektor na ang magpapatakbo ng mga mahahalagang ahensyang ito. Liberalisasyon. Pinaluwag na at malaya na ang mga mamumuhunan sa kanilang pang-ekonomya't pampulitikang pamumuhay, at hindi na sila maaaring diktahan ng pamahalaan.

Soberanya? Ano pang silbi ng pamahalaan sa panahon ng globalisasyon kundi pangdekorasyon na lamang. Kung may pamahalaan pa talaga, dapat hindi zero tariff ang buwis na iniluluwas dito sa bansa ng mga kumpanyang dayuhan.

At ang matindi nito, nais ng mga dayuhang mamumuhunan, at ilang mga pulitiko, na tanggalin na ang 60%-40% na pag-aari ng mga dayuhan sa Pilipinas, tulad ng lupa at pabrika. At magagawa lang nila ito sa pamamagitan ng ChaCha o Charter Change. Papayag ba tayo? Mula sa charter change tungo sa globasura? Masalimuot pa ang usaping ito ng globalisasyon.

Ngunit iisa lang ang maliwanag, hindi soberanya ang sagot sa globasura, kundi pagkakaisa ng uring pinagsasamantalahan laban sa uring mapagsamantala, pagkakaisa ng dukha at manggagawa sa uring kapitalista, pagkakaisa ng karaniwang tao laban sa burgesya upang itayo ang isang lipunang tunay na makatao, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, at itinuturing ang bawat isa na kapatid, kapuso, kapamilya, at pagtatayo ng isang sistemang nakabatay sa pantay-pantay na hatian ng yaman sa lipunan, at hindi sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon.

Sa ganitong paraan, ang nangyayari ngayong GloBasura ay maging pantasya o kwentong kanto na lamang ng mga bangag.