Lunes, Hunyo 10, 2013

Pambungad sa aklat na ANG MUNDO SA KALAN

Pambungad
MULA EASC, KAMAYAN FORUM, SALIKA, PMCJ, ATBP.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lagaslas ng tubig, mga pilapil ng palay, luntiang bukirin, batis, matatayog na bundok, bahay kubo, naglipanang langkay-langkay na ibon, kumpay at kalabaw, huni ng pipit, kilyawan, at kuliglig, talaba at halaan, malalagong bakawan, nara, uwak at tagak, aplaya at laot...

Ganito kadalasang inilalarawan ang kalikasan (nature) at kapaligiran (environment), lalo na sa mga lumang panitikan. Ngunit kung susuriing maigi, ito'y karaniwang pumapatungkol sa buhay ng isang liblib na kanayunan. Sa lugar na hindi naabot ng pag-unlad. Hindi sa marangyang kalunsuran o nanlilimahid na lunsod.

Ngunit hindi pala ito lang ang kalikasan. Lumaki ako sa lungsod na nagpuputik sa taunang pagbaha, pulos aspaltado't sementadong daan, laganap ang polusyon, kaya ang ganda ng kanayunan ay isang pangarap. Gayunman, nagbago ang pagtinging ito nang makasalamuha ko at maging bahagi ng iba't ibang grupong nakatutok sa samutsaring isyu ng kalikasan. Iba pala ang buhay-probinsya sa pangkalikasang usapin. Ngunit paano nga ba ako napunta sa larangang ito?

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng mga tanim niyang halaman, tulad ng punong gumamela. Hanggang isang araw, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay. Mabuti't sinalo siya ng punong gumamela kaya hindi siya nahulog sa sementadong bangketa. Kaya ang pangyayaring iyon ang unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Nang magkolehiyo ako'y natuto sa ilang usaping pangkalikasan, tulad ng pagkapunta ko noon sa Basilan, nang sinabi ni retiradong obispo Querexeta na hindi dapat ipagdiwang ang Earth Day, bagkus ipagluksa. Hanggang sa mapasali ako noong kolehiyo sa pangrehiyonal (NCR) na pormasyong EASC (Environmental Advocacy Students Collective). Naimbitahan naman ako ni Roy Cabonegro sa grupong ito nang magtungo siya sa tanggapan ng NFSC (National Federation of Student Councils) sa Dapitan. Nagpupulong noon sa NFSC ang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) kung saan isa ako sa rehiyonal na opisyal. Nag-imbita siya kung sino ang maaaring dumalo sa pulong ng EASC. Sa aking mga kasama, ako lang ang tumugon, at nag-usap kami ni Roy hinggil sa isyung kalikasan at ang papel ng mag-aaral tulad ko sa usaping ito. Naghalalan noong Hunyo 1995 at nahalal ako bilang isa sa mga opisyal ng EASC. Dahil sa EASC, nakarating ako sa Kamayan para sa Kalikasan Forum. Mula noon, dumadalo na ako’t naging aktibo sa kilusang makakalikasan.

Nakilala ko si Sir Ed Aurelio “Ding” Reyes na tagapagpadaloy ng Kamayan Forum, at siyang nagyaya sa akin sa Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Mula dito ay marami na akong nakilala't nadaluhan, tulad ng Saniblakas Foundation, magasing Tambuli, Kampanyang Tangkilikan, at iba pa. Nalathala ang ilan kong sulatin sa Kamayan Journal, at naging associate editor ako ng Tambuli. Nilathala naman ng Kamalaysayan ang aklat kong Macario Sakay noong 2007.

Noong 1996, dumating ang barkong Rainbow Warrior ng Greenpeace, at isa ako sa naging staff sa sanlinggong pamamalagi noon dito. At doon ko rin nakilala ang Greenpeace Southeast Asia na pinamumunuan ni Athena Ronquillo at ang Nuclear Free Philippines Coalition ni Cora Fabros. Tinauhan ko rin noon ang environmental desk ng grupong Sanlakas. Sa isang pulong ng kabataan sa La Salle kaugnay ng Philippine Agenda 21, minungkahi ko ang pangalang Youth for Sustainable Development Assembly dahil sa daglat nitong YSDA na tunog isda, ito’y naaprubahan, at siyang pangalan ng grupong naitayo.

Naitayo ang SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) noong 2000. Noong Hunyo 2008 ay nahalal akong bise-presidente nito, at si George Dadivas ang pangulo, Marz Sape ang sekretaryo heneral, at Pia Montalban ang treasurer. Sa pagdaan ng panahon, nakilala ko ang EcoWaste Coalition nina Rei Panaligan, ang Green Convergence na pinamumunuan ni Dra. Nina Galang, ang Consumer Rights for Safe Food (CRSF), ang Haribon Foundation. Di ako kasali sa Lingkod Tao Kalikasan ni Sis. Aida Velasquez ngunit mayroon ako ng ilang isyu ng kanilang 8-pahinang pahayagang Tao Kalikasan. Maganda ang pananagalog sa pahayagang iyon at doon ko nakita ang salin sa wikang Filipino ng ilang salitang Ingles, tulad ng bahura na tagalog sa coral reef. Nagagamit ko ang mga ito sa pagtula.

Sa paanyaya ni Val Vibal ng AMA (Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura), nakasama ako sa core group ng Green Collective sa pulong sa tanggapan ng PLM (Partido Lakas ng Masa). Nasaksihan ko rin ang pagsasama ng kilusang paggawa at kilusang makakalikasan sa panawagang pagbasura sa JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Isa sa magandang oportunidad sa akin ay nang mapasama ako sa Bangkok, Thailand noong Setyembre-Oktubre 2009 bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok. Climex (ClimatExchange) ang pangalan ng grupo namin mula Pilipinas dito, at noong Hunyo 2010, sa pulong ng Climex ay pinalitan ito ng pangalang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Nitong Nobyembre 2009 naman ay nakasama ako sa mahabang lakaran mula lalawigan ng Quezon hanggang Maynila laban sa pagtatayo ng Laiban Dam.

Naging aktibo rin ako sa ilang aktibidad ng ATM (Alyansa Tigil Mina) at ng No to Mining in Palawan campaign ng AFI (ABS-CBN Foundation Inc.). Ilang ulit na rin akong nakasama sa mga rali sa harap ng DENR (Department of Environment and Natural Resources).

Sa ngayon, naglilingkod ako bilang manunulat at makata sa kilusang paggawa, partikular sa BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino) at sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod). Ang mga natutunan kong mga isyu't pagsusuri sa kilusang makakalikasan ay dinadala ko, sinusulat at ibinabahagi sa kilusang paggawa. Ito ang isa kong papel na mahalaga kong ginagampanan.

Naging aktibo ako sa kilusang makakalikasan, hindi para magpatay-oras lamang dahil walang magawa, kundi dahil interesado ako sa iba’t ibang isyu hinggil sa kalikasan. Ngunit paano ko ba maibabahagi ang mga napag-aralan ko sa kanila? Sinuri ko ang aking sarili. Paano ba ako makakatulong? Di ako magaling magsalita. Di ako speaker. Napunta ako noong 1995 sa kilusang makakalikasan sa panahong nasa publikasyong pangkampus ako. Bilang manunulat. Bilang makata. Bilang editor. Ito ang kakayahan ko. Tama. Ito ang gagamitin ko upang makatulong, upang maibahagi ang naibahagi sa aking kaalaman.

Sa pamamagitan ng pluma, lumikha ako ng mga sanaysay at tula upang makapagmulat at matuto rin ang iba sa mga napapanahon at di napapanahong isyu ng kalikasan. Hanggang sa ilunsad ko ang blog na Diwang Lunti sa internet na matatagpuan sa kawing na http://diwanglunti.blogspot.com/. Dito ko inilalagak ang ilang mahahalagang artikulong gawa ko at ng ilang kaibigan upang madaling makita at maipamahagi sa marami, at kung kinakailangan ay agad mahanap.

Napagtanto kong hindi maihihiwalay ang usaping pulitikal sa usaping kalikasan. Tunay ngang lahat ng bagay ay magkaugnay. Sa pangkalahatan, mula personal na pagtingin tungo sa pulitikal, patuloy tayong dapat kumilos at makibaka para sa ikagaganda ng tanging daigdig na tahanan ng mahigit pitong bilyong katao at iba pang nilalang.

Sa lakbaying ito, kasama ang iba’t ibang kilusang makakalikasan, ay kumatha ako ng mga sulatin at iba’t ibang tula. Ilan sa mga kathang ito’y aking tinipon at inilathala sa aklat na ito bilang handog ng pasasalamat sa mga nakasama at makakasama pa sa lakbaying ito, at sa iba pang hindi nakasama ngunit katulad ko’y nagtataguyod ng isang kalikasang malinis at maayos na maipapamana natin sa mga susunod na henerasyon. May limampu’t limang tula at labing-isang sanaysay na naririto. Sa labing-isang sanaysay, kasama na rito ang Pambungad, at ang dalawa kong sanaysay sa Ingles na naisulat ko sa kalagitnaan ng 1990s sa publikasyong The Featinean, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng FEATI University, na nasa bahaging likod ng aklat na ito.

Taos-pusong pasasalamat sa inyo, mga kasama’t kalakbay. Mahaba pa ang ating lalakbayin, kaya tuluy-tuloy tayong kumilos tungo sa pangarap nating kalikasang malusog, malinis at kaaya-aya at tungo sa pagtatayo ng isang lipunang may pagkakapantay para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon. Mabuhay kayo!

Sampaloc, Maynila
Hunyo 9, 2013