Lunes, Oktubre 31, 2022

Tanaga sa kandila

natumba ang kandilâ
at mesita'y nangitim
nangalabit nga kayâ
ang mga nasa dilim

umihip lang ang hangin
sa apoy na sumayaw
tila ba isang pain
sa gamugamong ligaw

- gbj.10.31.2022

Sabado, Oktubre 29, 2022

Pilipisan

PILIPISAN

akala mo'y nirambol ang titik ng Pilipinas
para bang larong scrabble ng utak-matatalas
ngunit totoo, pilipisan ay salitang wagas
na sa ating lumang wika'y talagang mawawatas

pilipisan yaong magkabilang gilid ng noo
sa pagitan ng kilay at patilya ng buhok mo
nabanggit sa isang kwento ni Liwayway Arceo
na dakilang manunulat ng maiikling kwento

sinabing may gumuhit na ugat sa pilipisan
nang mapangiti ang ama sa anak sa usapan
salitang bihirang gamitin sa kasalukuyan
kaya bago sa pandinig at kaysarap pakinggan

sa Espanyol ay sentido, pilipisan sa atin
temple sa Ingles, sa Hiligaynon ay agigising
sa Sebwano'y agising at sa Waray ay sapiring
kimut-kimutan, malingmingan, at dungan-dungan din

dagdag na kaalaman habang nagbabasa-basa
lalo't bumabagyong sanhi ng baha sa kalsada
bahagi ng mukha'y di lamang noo, mata, tenga,
kilay, bibig, buhok, anit, baba, pilipisan pa

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* mula sa kwentong "Maganda ang Ninang Ko" ni Liwayway A. Arceo sa kanyang aklat na "Mga Piling Katha", pahina 41
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 971

Magbasa ng kwento habang bumabagyo

MAGBASA NG KWENTO HABANG BUMABAGYO

kaylakas ng hangin, kaytindi ng bagyo
na ngalan ay Paeng, umaalboroto
habang giniginaw, kinuha ang libro
tinunghayan yaong maiikling kwento

samutsaring tinig na di madalumat
kung di maunawa't babasahing sukat
may kababalaghang tila nagdumilat
may totoong kwentong sa buhay ay lapat

pawang mga awtor nito'y kayhuhusay
na pawang kwentistang inidolong tunay
mga kwento'y batay sa aktwal na buhay
may katatakutang di ka mapalagay

pangalan ng isa'y si Washington Irving
Rosario De Guzman-Lingat, anong galing
kay Rabindranath Tagore, kwento'y gising
kay Liwayway Arceo'y di na humimbing

apat itong librong nasa aking tabi
habang bumabagyo't hangi'y humuhuni
sa pag-iisa man, sa lumbay sakbibi
aklat ay naritong tangi kong kakampi

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* nasa larawan ang mga aklat na
Mga Piling Katha - ni Liwayway A. Arceo
Si Juan Beterano at Iba Pang Kwento - ni Rosario De Guzman-Lingat
The Legend of Sleepy Hollow and Other Short Stories - ni Washington Irving
Selected Short Stories - ni Rabindranath Tagore

Biyernes, Oktubre 28, 2022

Sagipin ang kalikasan

SAGIPIN ANG KALIKASAN

may awit nga noon, "magtanim ay di biro"
mahalaga pa rin ito't di naglalaho
halina't magtanim pa rin tayo ng puno
pagkat may dala itong pag-asa't pangako

ang aking mamay nga'y may kabilin-bilinan
noong nabubuhay pa't kami'y kabataan
protektahan natin ang ating kalikasan
huwag hayaang gawin itong basurahan

huwag malito na parang bola ng pingpong
na pabalik-balik lang, parito't paroon
sa bawat hakbang, dapat tiyak ang pagsulong
at sadyang tuparin ang niyakap na layon

tulad ng kalikasang dapat maprotekta
ang mga naninira'y dapat iprotesta
tulad ng fossil fuel, coal na nanalasa
lalo na iyang kapitalistang sistema

ang buting ambag sa kalikasan ay gawin
mga iba't ibang bansa'y magpulong na rin
ang isyu ng klima't basura'y talakayin
ang buhay ng tao't ng planeta'y sagipin

- gregoriovbituinjr.
10.28.2022

Huwebes, Oktubre 27, 2022

Sapaw na sibuyas at bawang

SAPAW NA SIBUYAS AT BAWANG

ulam ko ngayong pananghalian
ay sapaw na sibuyas at bawang
pawang pampalakas ng katawan
magaling sa ating kalusugan

sibuyas pala'y allium cepa
sa agham ay katawagan nila
sa niluto'y di lang pampalasa
panlunas din sa sakit ng masa

ang sibuyas ay gamot sa hika
sa ubo, kagat ng surot, pigsa
ilagay sa paa nang mawala
ang lagnat mo, kahit na ng bata

bawang ay allium sativumo
sa agham ay katawagan dito
pampalasa na, gamot pa ito
sa tao'y kayraming benepisyo

sa alipunga nga ito'y lunas
sa cholesterol nakakabawas
sa laksang sakit, makakaiwas
huwag lang labis, sapat ang antas

sibuyas at bawang, pampalusog
sa katawan ay kaygandang handog
ito'y mga pangunahing sahog
sa lutuin nang tayo'y mabusog

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Pagmasdan natin ang daigdig

PAGMASDAN NATIN ANG DAIGDIG

halina't pagmasdan ang daigdig
ito pa kaya'y kaibig-ibig?
o ating mundo na'y nabibikig?
sa laksang kalat na hinahamig

bakit sangkatutak ang basura
sa mga ilog, dagat, kalsada?
ang mamamayan ba'y pabaya na
sa tanging mundong tahanan nila?

sinasabi nila noon pa man:
kalikasan at kapaligiran
ay dapat nating pangalagaan!
bakit mundo'y naging basurahan?

ang daigdig ay pagmasdang muli
paano ganda'y mapanauli?
ang alagaan ba ito'y mithi?
adhikain ba itong masidhi?

noon pa'y inawit ng ASIN 'yan
na tanda natin pag napakinggan:
hindi masama ang kaunlaran
kung di sisira sa kalikasan

sana'y gawin natin anong wasto
at sama-samang kumilos tayo
para sa bukas ng kapwa tao't
gumanda ang nag-iisang mundo

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Martes, Oktubre 25, 2022

Taliba ng Maralita

TALIBA NG MARALITA

nagsusulat sa sariling pahayagan ang dukha
nang mabasa ang mga hinaing ng maralita
marunong ding manindigan kahit ang walang-wala
na pinaaabot sa pamahalaan at madla

isang kahig at isang tuka man, di sila mangmang
na marunong ipaglaban ang talagang katwiran
silang handang ipagtanggol ang bawat karapatan
upang kanilang dignidad ay di apak-apakan

kahit hikahos man ay marunong ding makibaka
tila sila'y pader pag lumaban nang sama-sama
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
upang labanan ang anumang pagsasamantala

inyo lang basahin ang kanilang ginawang dyaryo
ito'y bahagi ng paglilingkod sa kapwa tao
sa Taliba ng Maralita, mababasa ninyo'y
pahayag, balita, tula, kwento, tindig sa isyu

may kolum ang pangulo ng K.P.M.L., basahin
editoryal ay pagsusuri sa lipunan natin
dyaryo'y kapara ng sugat kung inyong nanamnamin
na nagnanasang bawat pagdugo'y maaampat din

- gregoriovbituinjr.
10.25.2022

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Linggo, Oktubre 23, 2022

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog



PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm.

Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan."

Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Nagsalita roon si Atty. Chel Diokno na siyang Chairman ng Bantayog. At nag-emcee si Jun "Bayaw" Sabayton, na nang makita ako ay sinabing "O, nandito ka pala." Naroon din si Prof. Xiao Chua, na siya ring unang kumausap sa akin, "Hindi ba, nagkasama tayo sa Climate Reality? May bago ka bang libro diyan?" Ang sagot ko'y oo. Tamang-tama naman na may dala akong 101 Poetry at Liwanag at Dilim ni Jacinto, na binili naman niya.

Naglibot muna kami sa Bantayog Museum, bago ang paglilinis. Doon kami naglinis sa harap ng Bantayog ni Inang Bayan. Habang kami'y nagwawalis ng mga kalat na dahon, ay biglang umulan kaya natigil kami sa paglilinis, na ang mga nagpatuloy ay yaong mga nakakapote. Naubusan na ng kapote kaya wala akong nakuha, na sana'y patuloy din sana ang paglilinis ko.

Sumilong muna ang mga walang kapote, at nakita ako ng isa sa mga nag-organisa na basa ang tshirt, kaya binigyan niya ako ng tshirt na pula, na may tatak na Balik-Alindog, Bantayog, na may maliit na letrang @bantayogngmgabayani sa itaas ng malalaking letra.

Dahil sa patuloy na paglakas ng ulan, tinapos na ang programa bandang ika-3:30 ng hapon. Bago matapos ang programa ay nag-interbyu pa si Jun Sabayton, at isa ako sa natawag. Tanong niya: "Bakit mahalaga ang ginagawa nating ito?" Ang naging tugon ko, "Mahalaga ang paglilinis sa Bantayog kung gaanong mahalaga rin ang kasaysayan, at linisin din natin ito sa mga historical distortion."

Ako naman ay nagpaalam na bandang ikaapat ng hapon upang umuwi. Nang makauwi na'y naghanda ako ng tula hinggil sa aktibidad na ito na taospuso kong inaalay sa bawat nakiisa.

BALIK-ALINDOG, BANTAYOG

kaygandang layunin ng Balik-Alindog, Bantayog
tanggalin yaong duming sa puso'y nakadudurog
linisin ang kasinungalingan sa bayang irog
na kay Inang Bayan ay maibalik ang alindog

pagmamahal sa bayan ang paglinis nito ngayon
simbolo ng paglaban sa historical distortion
ating handog sa mga susunod pang henerasyon
mula sa mga pasakit, bayan ay maiahon

pagkilos ito ng mamamayang kumakandili
sa katotohanang ipinaglalabang matindi
sa mga naging martir na sa bayan ay nagsilbi
sa nakatayo nang Bantayog ng mga Bayani

ah, ibalik ang alindog ng Bantayog na ito
sagisag ng laksang buhay na naisakripisyo
para sa bayan, hustisya't karapatang pantao
sa sama-samang pagkilos ay kakamting totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Pansurò pala ang Tagalog ng dustpan




PANSURÒ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Ipinakita ko ang usapan sa bawat talata, hindi lang ang pangungusap, upang mabatid natin paano ba isinulat ang kwento nang lumitaw ang salitang "pansurò" kaya natiyak nating dustpan ang tinutukoy.

Nagsaliksik pa tayo. Tiningnan natin sa makapal na UP Disksiyonaryong Filipino ang salitang pansurò, na binubuo ng unlaping "pan" at salitang ugat na "suro". Sa pahina 930 nito ay walang "pansurò" sa gitna ng mga salitang "pansuri" at "pant". Kaya tiningnan natin ang salitang ugat na "suro" sa pahina 1189, kung saan nakasulat:

su-rò png 1: salok na patulak, 2: pagtulis ng nguso, 3: [Sinaunang Tagalog] kutsara. Makikita sa titik o na may tuldik na paiwa sa taas na ito'y may impit ngunit mabagal ang bigkas, may diin sa "su". At sa kahulugan ay hindi lapat ang ikalawa at ikatlong kahulugan, subalit marahil ay ang una, dahil ang dustpan ay pandakot, na sumasalok na patulak, upang makuha ang dumi.

Marahil nga ay lumang Tagalog na hindi na ginagamit. Subalit kaygandang nakita natin ito na may sariling wika pala tayo para sa dustpan.

Napag-alaman natin sa Rizal Library website na si De Guzman-Lingat ay nabuhay mula 1924 hanggang 1997. Nakasulat doon: "Rosario de Guzman-Lingat (1924 – 1997) was a prolific Filipina author, producing the bulk of her writings from the 1960s to the 1970s.  Her works included novels and short stories that came out in the popular magazines of the time, scripts for television drams, essays, and poetry." http://rizal.library.ateneo.edu/index.php/node/796

Kaya ang salitang "pansurò" ay ginagamit noong bandang dekada singkwenta hanggang sisenta. Ayon sa kanyang talambuhay na sinulat ni Soledad Reyes, "Lubusang nanahimik si Lingat noong dekada walumpu subalit patuloy pa rin siyang bahagi ng sinumang magbabasa ng kanyang mga akda..."

Ngayon ay maaari na nating gamitin ang salitang "pansurò", at hindi lang "pandakot" (na magagamit din sa pala) para sa dustpan. Kumatha ako ng munting soneto hinggil dito.

PANSURÒ
Munting soneto ni GBJ

nabanggit sa isang kwento ang walis at pansurò
katumbas ng dustpan na salitang di pa naglahò
sa kwento ni Rosario De Guzman-Lingat nahangò
tila siya sa pag-unlad ng ating wika'y sugò

halina't Tagalog ng dustpan ay ating gamitin 
bilang ambag upang sariling wika'y payabungin
payak mang salita ngunt may katumbas sa atin
na ginamit ng husay ng mga ninuno natin

kaya pagpupugay, taos-pusong pasasalamat
ang ating paabot kay Rosario De Guzman-Lingat
kanyang mga kwento'y kaylalim mang kapara'y dagat
sa panitikang pambansa'y isa siyang alamat

teka, gagamitin ko muna ang pansuro't walis
upang mga alikabok sa paligid ay mapalis

10.20.2022

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG

sa bawat hakbang, patuloy pa ring nakikibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
itatag ang sistemang walang pagsasamantala
ng tao sa tao, walang kaapihan ang masa

sa bawat hakbang, kinakapa anong nasa budhi
kundi ang kabutihan ng kapwa't bayan kong sawi
durugin ang mapagsamantalang sistemang sanhi
ng laksa-laksang kahirapan ng maraming lipi

sa bawat hakbang, kalikasa'y pangangalagaan
kapaligiran ay di dapat maging basurahan
huwag minahin ang lupang ninuno't kabundukan
lutasin ang polusyon sa hangin at kalunsuran

sa bawat hakbang, sinasabuhay, sinasadiwa
ang prinsipyong makatao't makauring adhika
di nakalutang sa hangin, ang paa'y nasa lupa
para sa bayan, kapwa dukha't uring manggagawa

sa bawat hakbang, naglalakad sa daang maputik
o sa tigang na lupang pagkadukha'y natititik
sa kawalan ng hustisya, puso'y naghihimagsik
katarungan para sa lahat yaring aking hibik

- gregoriovbituinjr.
10.19.2022    

Linggo, Oktubre 16, 2022

3 magkakasunod na araw na magkakaugnay

3 MAGKAKASUNOD NA ARAW NA MAGKAKAUGNAY

Oktubre 15
International Day of Rural Women
Idineklara dahil sa World Food Day

Oktubre 16
World Food Day
Pagkain para sa lahat! Kagutuman ay Solusyonan!

Oktubre 17
International Day for the Eradication of Poverty
Pagkain para sa Lahat! Kahirapan ay Labanan!

tatlong magkakasunod na araw
na pandaigdigan ang lumitaw
na kung dadalumatin mong tunay
ang pananaw ay magkakaugnay

kababaihan sa kanayunan
ang nagtatanim sa kabukiran
upang lutasin ang kagutuman
upang labanan ang kahirapan

halina't ating alalahanin
di ipagdiwang kundi kilanlin
ang magsasaka'y bayani natin
lumilikha ng ating pagkain

upang malutas ang kagutuman
upang labanan ang kahirapan
ang sistemang bulok na'y palitan
ng isang makataong lipunan

bayang walang pagsasamantala
pamayanang walang palamara
na ang umiiral na sistema'y
para sa lahat, para sa masa

- gregoriovbituinjr.
10.16.2022

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Kwento - Anong lamig ng katanghaliang tapat

ANONG LAMIG NG KATANGHALIANG TAPAT
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makulimlim ang langit. Tila nagbabanta na naman ang malakas na ulan. Narinig nga ni Aling Ligaya sa radyo na may bagyong paparating.

“Hoy, Luningning,” sabi niya sa anak, “ipasok mo na ang mga sinampay at mukhang uulan na. Nangingitim na ang mga ulap. Itaas na rin natin ang mga gamit at baka magbaha, tulad ng naranasan nating Ondoy noon, na biglaan. Nagulantang na lang tayong basa na lahat ng ating kagamitan.”

Naalala pa niya ang mga nakaraan. Kung paanong dinaklot ng Ondoy ang kanilang kabuhayan, Setyembre 26, 2009, labingtatlong taon na ang nakararaan. Sinasabi ng mga eksperto na dahil dito’y nagbabago na nga ang klima. Habang noong Nobyembre 8, 2013 ay nanalasa ang Yolanda sa pinanggalingang lalawigan na higit limang libong katao ang namatay.

Kamakailan lang ay dumalo sila sa patawag na pag-aaral ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kung saan tinalakay kung bakit nga ba nagbabago ang klima, at anong dapat nating gawin.

Naalala ni Aling Ligaya ang sinabi ng isang tagapagtalakay nito, na may mga usapan na sa pandaigdigang saklaw. “Nakikipaglaban at nagrarali tayo upang ipanawagan sa maraming bansa sa mundo na huwag nang paabutin pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Noon ngang Okrubre 2018 ay sinabi na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ang nalalabi upang ayusin natin ang mundo, kundi’y mapupunta na tayo sa tinatawag na ‘point of no return’ o hindi na tayo makakabalik sa dati. Baka lumubog na ang maraming isla. 2022 na, kaya walong taon na lang. Dapat tigilan na ang paggamit ng mga fossil fuel at pagsusunog ng coal, lalo na iyang nakakahumalingan nila ngayong natural gas, na lalong magpapalala sa pagbabago ng klima, at lalo pang pag-iinit ng mundo.”

Tinanong pa niya noon, “Ano pong dapat nating gawin, lalo na kaming mga maralita, na wala namang kakayahan upang makausap ang mga sinasabi ninyong lider ng mga bansa. Pagkain pa nga lang ay hirap na kami kung saan kukunin. Tapos, mananawagan pa kami ng climate justice?”

“Maganda ang tanong mo,” sabi ng tapapagtalakay, “Hindi totoo na dahil mahirap lang kayo ay wala kayong magagawa. Kung marami tayong sama-samang kikilos at mananawagan ng Climate Justice, at ang ating panawagang mag-shift na tayo sa renewable energy, mas maiparirinig natin ang ating tinig dahil sama-sama tayong nananawagan. Ang inyong pagdalo sa ating mga pagkilos ay malaking bagay na.” Tumango siya habang ramdam niya ang sagad sa butong lamig ng katanghaliang tapat.

Nasa gayon siyang pagmumuni nang naglagitikan na sa bubungan ang mga malalaking patak ng ulan. Kaluluto pa lang niya ng pananghalian ngunit hindi pa sila kumakain nang manalasa na ang bagyong Karding.

Binabaha pa naman ang kanilang lugar sa kaunting tikatik pa lamang. Barado na kasi ang kanal dahil sa mga basurang plastik, na kung kaya lang gawin ng pamahalaan ang tungkulin nito ay hindi sana sila binabaha. Iba pa ang usaping klima, na dahilan naman ay mga maruruming enerhiya.

“Nay, akyat na kayo dito sa ikalawang palapag ng bahay. Bumabaha na po!” Hinakot naman ni Aling Ligaya ang iba pang gamit upang dalhin sa itaas na silid. Buong tanghaling tapat na umulan. Mabuti’t tumila agad ang ulan at hindi nabuo ang kinatatakutang bagyo sa kanilang lugar.

Kinahapunan ay tinawagan si Aling Ligaya ng nagtalakay sa kanila noon hinggil sa klima. May pagkilos kinabukasan. Sumang-ayon naman si Aling Ligaya na isasama niya ang kanyang anak at ilang kapitbahay sa nasabing pagkilos.

Kinabukasan, sa tapat ng tanggapan ng Asian Development Bank (ADB), kasama ang ibang grupo, ay nakiisa sila sa panawagang huwag nang pondohan ng ADB ang mga dirty energy, tulad ng fossil fuel, coal at natural gas dahil palalalain lang nito ang pag-iinit pang lalo ng mundo,

Naging tagapagsalita ang kanyang anak na si Luningning, na nagsabi, “Saksi po ako sa mga nagaganap na pagbabago ng klima, dahil sa Ondoy at Ulysses, na kung ititigil ang pagpopondo sa mga fossil fuel ay baka bumuti pa ang ating kalagayan. Mag-shift na tayo sa renewable energy!”

Magaling nang magsalita ang kanyang anak, at nadama ni Aling Ligaya na mula sa puso at karanasan ang sinabi ni Luningning. “Tiyak magiging mabuting lider balang araw ang aking anak,” ang nasasaisip niya.

Natapos ang pagkilos, na ang nadarama ng kanilang kapitbahay ay pagmamalaki, dahil ang dalagitang tulad ni Luningning ay tulad ng isang bayaning pinaglalaban ang kinabukasan ng bayan at kanilang henerasyon.

Alam nila, mararanasan pa rin nila ang init ng katanghaliang tapat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Huwebes, Oktubre 13, 2022

Kanin

KANIN

isang tasang kanin ay sapat na
nang diabetes ay maiwasan
sa bahay man o sa karinderya
ang kalusugan na'y alagaan

staple food ang kanin sa Pinas
pangunahing pagkain sa atin
bakit ngayon dapat kang umiwas
gayong ito'y staple food natin?

mahalagang masagot ang bakit
sa staple food sa ating bansa
sana noong bata pa'y giniit
nang diabetes maiwasan nga

sana'y sa paaralan tinuro
tayo'y baka magkaka-diabetes
pag kayraming kaning isinubo
sana ngayon ay di nagtitiis

nang maiwasan habang maaga
iyang carbohydrates sa katawan
ah, hanggang sana nga lang talaga
habang patuloy pa sa gamutan

- gregoriovbituinjr.
10.13.2022    

Biyernes, Oktubre 7, 2022

Sibuyas

SIBUYAS

nakakaluha ang pagtatalop
pati paggagayat ng sibuyas
tila sa balikat mo'y sumubsob
ang mukha kong di maaliwalas

pinagmasdan ko ang iyong labi
at mga mata mong mapupungay
kayganda ng iyong angking ngiti
na sa puso ko'y nakabubuhay

iyang sibuyas daw ay maganda
sa katawan lalo't kalusugan
sa pagkain nati'y pampalasa
at gamot din daw sa karamdaman

huwag lang balat-sibuyas tayo
sa pakitungo natin sa madla
o maging maramdaming totoo
pag isyu'y di kaya, namumutla

ah, sibuyas, sarap mong kainin
kasama ng kamatis at bawang
sibuyas lang, ulam na sa akin
sa suliranin ko'y pumaparam

- gregoriovbituinjr.
10.07.2022

Huwebes, Oktubre 6, 2022

Bakit?

BAKIT?

bakit pinagpipitagan ang mga masalapi?
dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi?
bakit ginagalang ang may maraming pag-aari?
lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi?

bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto?
ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao?
balewala magsamantala man ang donya't donyo?
ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo?

ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan?
na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman?
habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan
ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan!

maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak
upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak
kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak
basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak

ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala!
na pulos kaplastikan ang umiiral talaga
nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema
lipunang makataong may panlipunang hustisya!

mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
sinasapantaha kong darating ang pagtutuos
upang pagsasamantala'y tuluyan nang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022    

Almusal

ALMUSAL

tara, kain tayo, may sibuyas,
kamatis, at sanlatang sardinas
payak na ulam, galing sa patas
kahit madalas na bulsa'y butas

kailangang maagang gumising
dahil mahirap nang tanghaliin
at kaylayo pa ng lalandasin
upang magampanan ang tungkulin

ipagluto muna ang pamilya
mahirap magutom, kain muna
upang may lakas tayo tuwina
ang katawan, puso't isip, paa

tara, kaibigan, kain tayo
nang may lakas sa pagtatrabaho
araw-gabi'y gawaing totoo
mababa man o kulang ang sweldo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022