Sabado, Hulyo 5, 2014

Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man


Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man
ni Victor Vargas

Ang isang puno ay nananatili at nagpapatuloy bilang tirahan o habitat ng mga ibon, insekto, halaman at iba pang mga bagay na nabubuhay, kahit pa matagal na itong bangkay o poste na lamang ng Meralco. Ganito ang kaso ng dalawang magkalapit na poste sa Junction sa Los Baños sa tapat ng Healthserve na pinamumugaran ng mga uwak.

Halos mag-iisang buwan na nang una kong napansin ang isang pares ng uwak na nakadapo sa linya ng kuryente malapit sa isang mababang poste na nagsisilbi nila ngayong tahanan. Sa kalapit pang mas mataas na poste ay may isang pares din ng uwak na kapwa talubata o juvenile.

Huwebes, Hulyo 3 nang huli akong pumunta sa Healthserve ay aking napansin na dumoble ang kanilang bilang. Maliban sa naunang dalawang pares ay meron pang bagong dalawang pares ng uwak na pawang mga talubata din. Doble gwardiyado ng naunang dalawang pares ang kanilang pugad at pilit tinataboy ang mga bagong salta.

Ano naman kaya ang meron dito sa Junction at dito nila piniling mamalagi at manirahan? Saang sulok o hangganan kaya ng Bundok Makiling sila dati nakatira?

Nito lamang buwan ng Marso ng taon ito ay kapansin-pansin na ang madalas na pagpaparamdam at pagpapakita ng mga ibong ito dito sa Los Baños. Ilang mga kaibigan ko na tubo mismo sa bayang ito ang nagsabing minsanan lamang sila noon nakakatiyempong makakita ng uwak.

Matalino daw ang ibong ito at napakagaling humanap ng pagkakataong lumapag sa lupa upang manginain. Dito sa likuran ng aming bahay ay madalas silang bumababa sa ilat na karugtong ng Anos-Malinta Creek, isang tributary ng Laguna de Bay. Madali ko silang napapansin dahil sa kakaibang ingay at pagpuputak ng mga manok ng kapitbahay kapag may uwak na lumalapag sa bambang.

Noong isang linggo naman ay nakatsamba akong makakita ng isang pares ng uwak sa isang malaking punong baobab habang ako’y naglalakad sa kahabaan ng bagong gawang kalsada (karugtong ng Caimito St.) sa gilid ng Maulawin Creek at IRRI Staff Housing sa bandang Pook ni Maria Makiling.

Napaka-maparaang tunay ng uwak at dito naman sa Junction ay nakahanap sila ng bagong tirahan matapos nila lisanin ang dati nilang tinitirhang dako. Eksakto naman at nakahanap sila ng posteng kahoy o puno na maluwag silang pinatuloy at kinalinga.

Nananatiling magiliw at malapit ang relasyon ng isang puno sa ibang kapwa niya nabubuhay sa kapaligiran – sa kabila man ng kanyang pagiging isang halaman na matagal nang patay. Patunay ito sa likas na katangian ng kalikasan na manatiling mapagbigay ng anumang kabutihang papakinabangan ng anumang nabubuhay sa kanyang nasasakupan. Ito ay sa kabila nang matagal na siyang nagupo o nasakop ng mga tao o napatay, sa kaso ng dalawang “patay” na punong ito.

Marami pang ganitong kaso ng mapanlikha at maparaang ugnayan ng mga nabubuhay na wildlife (hayop at halaman) at kanilang kapaligiran sa gilid-gilid o karatig ng kagubatan ng Makiling o yung tinatawag na buffer zones ng bundok.

Walang komento: