TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro
ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian
bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?
Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan
nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?
totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento