Linggo, Marso 22, 2015

10 Punto Laban sa Pagmimina


10 PUNTO LABAN SA PAGMIMINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong nakasama sa rali sa harap ng tanggapan ng isang kilalang korporasyong nangunguna sa pagmimina. Noong Marso 12, 2014, kasama ako sa grupong Sanlakas na nagrali sa harapan ng tanggapan ng Philex Mining Corporation sa #27 Brixton St., Brgy, Capitolio, Pasig City upang kondenahin ang 19 na taon ng disgrasya sa mamamayan dulot ng walang habas na pagmimina.  Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"

Noon namang Agosto 15, 2014 ay sumama rin ang inyong lingkod sa rali sa harap ng tanggapan ng internasyunal na kumpanyang Glencore sa Ortigas. Dala ang panawagang "Glencore: World-Class Human Rights Abuser!", ang nasabing pagkilos ay bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na manggagawa sa minahan noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.

Ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang Agosto 16 ng bawat taon ay idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita) sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana. 

Nitong Nobyembre 19-21, 2014 ay nakasama ako sa 3-araw na environmental and workers rights training sa isang anti-mining area sa Zambales. Ako ang kinuhang tagatala ng mga usapan o minutero ng buong tatlong araw na pagsasanay ng mga manggagawa mula sa iba't ibang minahan sa Zambales. Ang kanilang isyu - sila ay tinanggal sa trabaho, at kung may trabaho man, hindi sila regular, mababa ang sahod, at walang TIN, SSS, at PhilHealth. Sa ikatlong araw ng aktibidad na ito'y naitatag ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA). Ito'y binubuo ng mga manggagawa mula sa apat na malalaking kumpanya sa pagmimina, na Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) sa pangunguna ni Dr. Ben Molino, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa Tigil Mina (ATM), at dumating din doon bilang tagapagsalita si Mr. Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Kinabukasan, Nobyembre 22, 2014, ay inilunsad naman ang isang talakayan sa umaga, na pinamagatan nilang "Ang Kapaligiran, ang Batas at Pagmimina, at Kagalingan ng Mamamayan".

Nito lang Marso 10, 2015 ay dalawang dekada na ang Batas Republika 7942, na mas kilala bilang Mining Act of 1995 ng Pilipinas. Isa umano itong batas na magdudulot ng paglago ng ekonomya, sustenableng pag-unlad, oportunidad na magkatrabaho ang marami, at lubusang magamit ang yamang mineral ng bansa. Ngunit hindi iyon ang naganap. Ang mga pangako’y napako, dahil na rin marahil pangako iyong walang katiyakan at nakabatay sa pagwasak ng ating kapaligiran Pagkat dalawampung taon na ay hindi pag-unlad ang nakamit ng bansa, kundi pagkawasak ng kalikasan, pagkaapi, pagkataboy, at kamatayan ng mga katutubong naninirahan sa paligid ng minahan. Mungkahi ng iba't ibang organisasyong laban sa pagmimina na maisabatas ang Alternative Minerals Management Bill (AMMB) na siyang dapat pumalit sa pagmimina.

Ano na nga bang kinahinatnan ng mga imbestigasyon sa naganap sa Marcopper sa Marinduque? Sa iba pang lugar ng pagmimina, tulad sa Didipio?

Sa mga nangyayaring iyon, may inilatag na sampung punto ng karapatang pantao hinggil sa pagmimina (Ten-Point Human Rights Agenda on Mining) ang iba't ibang grupong makakalikasan, sa pangunguna ng Alyansa Tigil Mina (ATM). 

Ang sampung punto o kahilingan, o gabay sa pagkilos, ay ang mga sumusunod, pati na ang kanilang paliwanag:

1. IBASURA ANG MINING ACT OF 1995! ISABATAS ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL (AMMB)! Hindi buti kundi pagkawasak ng likas-yaman ang dulot ng pagpapatupad ng Batas Republika 7942 (o ang Batas sa Pagmimina ng 1995). May depekto ang batas na ito, at hindi nito kinikilala ang karapatan ng pamayanan, lokal na pamahalaan, at mga katutubo na epektibong makalahok sa pagpapasya kung tatanggapin ang pagmimina o hindi. Kinakailangan ng isang bagong batas sa pagmimina na magtataguyod hindi lamang ng karapatang pang-ekonomya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang pagbabahaginan ng mga benepisyong galing sa mga mineral, kundi isang makatwirang paraan ng pagpapahalaga at pamamahala ng ating mga mineral patungo sa pambansang industriyalisasyon

2. ITIGIL ANG MALAWAKANG PAGMIMINA! Tuluyan nang winawasak ng malawakang pagmimina ang kalikasan, binabago na ang kapaligiran, at pati na pamumuhay ng mga tao, bukod pa sa ito'y nagiging dahilan ng maraming pang-aabuso at paglabas sa karapatang pantao. Ang mga malawakang pagmiminang ito ay inaari at pinatatakbo ng mga lokal at transnasyunal na korporasyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas, panlilinlang, pang-uuto, panunuhol, mga pwersang paramilitar at kahit na pagpatay upang mapatahimik lamang ang mga tumututol sa mga proyektong pagmimina. Malaki rin ang negatibong epekto ng malawakang pagminina sa buhay at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito, tulad ng pagkataboy sa tirahan, di-tiyak na trabaho, pagkawala ng kultura, pagkawasak ng kapaligiran.

3. IGALANG, PROTEKTAHAN AT IPATUPAD ANG KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA NG MGA LUMAD (FPIC)! Isa sa mga matitinding isyu laban sa pagmimina ay ang kabiguan nitong humingi sa mga katutubo ng malaya, una, at ganap na pagsang-ayon, o yaong FPIC (free, prior and informed consent), na nakalatag sa IPRA (Indigenous People's Rights Act).

4. PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO NG MGA KABABAIHAN AT MGA LUMAD NA BABAE SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Ang mga kababaihan, taganayon man o lumad, ang siyang pangunahing nakaharap sa labanan, lalo na sa pakikibaka upang protektahan ang pamayanan laban sa salot ng pagmimina. Dama nilang tungkulin nilang ipagtanggol ang pamayanan upang manatiling buhay sila at ang kanilang lugar. Ngunit may banta sa kanilang kaligtasan. Nariyan ang pagpaslang noong Oktubre 2012 kay Juvy Capion na isang lider ng tribung B’laan.

5. ITIGIL ANG PAGSASAMANTALA SA MGA MANGGAGAWA SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Hindi lamang ang kalikasan ang pinagsasamantalahan ng pagmimina kundi maging ang ating mga manggagawa. Nakalantad sa maruming kapaligiran, tulad ng maruming hangin at kakulangan ng proteksyon sa paggawa, ang mga manggagawa sa minahan. Nariyan pa ang tinatawag na unfair labor practice (ULP) o hindi makatarungang patakaran sa paggawa, tulad ng salot na kontraktwalisasyon at kakulangan ng pasahod. Ayon umano sa International Solidarity Mission on Mining (ISMM), kumikita ng higit sa P36 milyon ang mga kumpanya sa pagmimina sa dalawang araw na pagtatrabaho ng mga manggagawang Pinoy sa minahan na nakatatanggap lamang ng P233 na sahod kada araw, na sadyang kalahati lamang ng P466 na minimum na pasahod kada araw na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region. Dinudurog din ang pagtatayo ng mga unyon ng manggagawang nagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

6. PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN AT ANG KARAPATAN SA ISANG LIGTAS, MAKATARUNGAN AT BALANSENG EKOLOHIYA! Maraming mga aplikasyon sa pagmimina, pati na mga proyekto, ang nasa nalalabing kagubatan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng malaking suliranin pagkat 18% na lang ng buong kagubatan ang natitira, gayong ang ideyal na bahagdan dapat ay nasa 50% para sa isang maayos na kapaligiran. Ang mga kontrata ng pagmimina ay may mga probisyong nagbibigay ng karapatan sa mga minahan na magtroso sa mga lugar na minimina. Ang maramihang pagpuputol ng puno at pananalanta nila sa kagubatan, ang paglilihis sa pinagkukunang tubig, at paglalagay ng imprastruktura sa mga lugar na ito ay nakasisira sa balanse ng kalikasan. Nanganganib ang kalikasan dahil sa pangwawasak ng pagmimina. Dahil sa lalong pag-unti ng mga puno ay mas mahihirapan tayong umangkop at masolusyonan ang banta ng nagbabagong klima, kaya ang mga dukha'y nahaharap sa panganib na dulot ng mga kalamidad, tulad ng bagyo, baha, at pagguho ng lupa.

7. ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG! PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO! Ang paglaganap ng operasyon ng pagmimina sa bansa ay kinakitaan ng pamamaslang sa mga Human Rights Defenders (HRDs) sa larangan ng kanilang pagtindig laban sa malawakang pagmimina, at pagtataguyod ng adbokasya para protektahan ang kalikasan. Ang ilan sa mga kilalang taong napaslang ay sina Fr. Fausto Tentorio ng Hilagang Cotabato at Dr. Gerry Ortega ng Palawan. Gayundin naman, may mga pinaslang ding mga hindi kilala ngunit nakibaka para sa kalikasan, tulad ng nangyari kina Genesis Ambason ng Agusan del Sur, Francisco Canayong ng Leyte, Armin Marin ng Romblon, Gensun Agustin ng Cagayan, Datu Roy Bagtikan Gallego ng Surigao Sur at marami pang iba. Ang mga nakikitang direktang responsable sa pamamaslang ay ang mga pribadong ahensya ng mga gwardya ng kumpanya, ang mga militar at mga grupong paramilitar, ngunit kasama rin nilang responsable sa pamamaslang ang mga may-ari ng mga minahan at ang pamahalaan.

8. ITIGIL ANG PAGTATABOY SA MGA TAGANAYON! Protektahan ang karapatan sa pagkain, tubig, at pagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit dahil sa kakulangan ng konsultasyon at di-pagsisiwalat sa taumbayan ng impormasyon, ang malawakang pagmimina ay karaniwang nagtataboy sa mga lumad at iba pang nakatira sa lugar na binigyan ng permisong magmina. Maraming dokumentadong kaso ang nagpapakita na ang mga operasyon ng mga nagmimina ay nagdudulot ng takot, pagkabalisa at mga labanan sa mga apektadong lugar. Pag nagsimula nang minahin ang isang lugar, malaking panganib na ang dulot nito sa pagkukunan ng maiinom na tubig, tulad ng ilog, sapa, batis at balon. Napakaraming tubig ang kinakailangan ng mga nagmimina sa kanilang operasyon at dumudumi pa ang tubig, na siyang dahilan upang maapektuhang todo ang produksyon ng pagkain at kalusugan ng mga naninirahan. Ang pagkataboy at paglikas ng mga kababaihan sa lugar ay nagdudulot ng malaking aalalahanin dahil maaari silang maging biktima ng sex trafficking.

9. ITIGIL ANG MILITARISASYON AT PAGPAPADALA NG MGA PWERSANG PANDEPENSA PARA SA NEGOSYO! Ang pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan ay nagdulot ng militarisasyon sa mga lugar ng katutubo. Madalas na nagpapadala roon ng mga tropang militar upang depensahan nito ang mga kumpanya ng pagmimina at magdulot ng takot sa mga tagaroong ayaw sa pagmimina, dahil winawasak nito ang kanilang lugar, kalikasan at kabuhayan. Gayundin naman, nagbuo ng sariling pwersang paramilitar ang mga kumpanya ng pagmimina. Nagdulot ito ng kamatayan at pagkawasak, at di mabilang na paglabag sa karapatang pantao.

10. KATARUNGAN SA LAHAT NG MGA BIKTIMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO DAHIL SA ISYU NG PAGMIMINA! Wakasan ang mapagsamantalang pag-unlad! Ang pag-unlad ay nagiging mapagsamantalang pag-unlad kung ang mamamayan ay nagiging biktima na, at hindi mga benepisyaryo; kapag binabalewala ang kapakanan at partisipasyon ng mamamayan sa pagpaplano ng pag-unlad ng kanilang pamayanan; at kapag ang mamamayan ay itinuturing lang na pain upang tumubo, imbes na sentro ng pag-unlad. Niyuyurakan ng mapagsamantalang pag-unlad ang karapatang pantao ng ating mamamayan sa lahat ng aspeto – sa pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura.

Marso 22, 2015

Mga pinaghalawan:
http://alyansatigilmina.net/gallery/tao-muna-hindi-mina-campaign-national-launch/
http://sanlakasfamily.blogspot.com/2014/03/sanlakas-nagrali-sa-tanggapan-ng-philex.html
http://kilusangmasa.blogspot.com/2014/08/kumpanyang-glencore-world-class-human.html
http://alyansatigilmina.net/2015/03/10/atm-statement-for-anti-mining-solidarity-week-9-13-march-2015/

Miyerkules, Marso 11, 2015

BasuRUN laban sa toxic waste ng Canada, Inilunsad


BasuRUN laban sa toxic waste ng Canada, Inilunsad

Lungsod Quezon, 10 Marso 2015 - Sa pangunguna ni Fr. Robert Reyes, inilunsad ng mga grupong Ban Toxics, Greenpeace at EcoWaste Coalition, kasama ang ilang kasapi ng Climate Walk, ang BasuRUN sa lungsod ng Makati at nagtungo sila sa harap ng embahada ng Canada na nasa RCBC Plaza. Tumakbo sa Ayala ang may 30 katao at nagsagawa ng munting pagkilos upang ipanawagan sa pamahalaan ng Canada na dapat nilang ibalik sa kanilang bansa ang basurang dinala nila sa Pilipinas. Sigaw ng mga tumakbo, “Hindi basurahan ang Pilipinas!” “Canada, Take Back Your Wastes!”

Ang nasabing pagkilos ay bunsod ng matagal nang pagkahimpil ng 50 container vans ng mga toxic waste sa Port of Manila. Ayon sa press release ng Ban Toxics, noong Pebrero 2014 ay sinamsam ng Bureau of Customs ang 50 container vans na naglalaman ng iba't ibang materials at hazardous wastes na mula pa sa Canada, kung saan ang umangkat nito mula sa Pilipinas ay ang kumpanyang Chronic Plastics, Inc. Idineklara nila ang mga kargamentong iyon bilang 'assorted scrap materials for recycling'.

Ngunit sinisi ng Canada ang pribadong kumpanyang exporter na Chronic Incorporated, at nanindigan ang Canada na wala silang ligal na kapasidad na pasunurin ang kumpanyang ito na kuning muli at ibalik ang kanilang mga kargamento.

Sinabi ni Fr. Robert Reyes na "Ang mga toxic wastes na ito ang pinakamasamang anyo ng pagpapahayag ng pagkakaibigan ng dalawang bansa. Nakakahiya ang pamahalaan ni Punong Ministro Stephen Harper sa kanyang mga kababayang mapagmahal sa kalikasan. Alam naming hindi ito ang totoong Canada. Iginigiit namin kay Punong Ministro Harper na magsagawa ng agarang aksyon. Iuwi nyo na ang inyong mga ilegal na basura. Ngayon!" (malayang salin ni GBJ)

Ang nasabing basura ng Canada ay paglabag sa ilang mga batas ng bansa, tulad ng DENR Administrative Order 28 (Interim Guidelines for the Importation of Recyclable Materials Containing Hazardous Substances) at ang Batas Republika 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ayon sa pagtataya ng Ban Toxics, gumagastos ang pamahalaan ng nasa P144,000 kada araw, ito'y pagkawala ng kita dahil sa espasyong lagakan (storage space) at sa mga dagdag na gastusin para sa demuurage, na sa ngayon ay umaabot sa P87M.

Sa pagsisikap na mas maunawaan pa ng publiko ang isyu ay nagsasagawa ng online petition sa change.org ang nasabing samahan na nakakuha na ng mahigit 25,000 lagda, kung saan mahigit kalahati nito ay mga taga-Canada. Hinihikayat pa ng grupo na lumagda rin ang mas marami pa upang igiit sa embahada ng Canada sa Pilipinas na pagunahan na ang pagbalik ng mga basura ng Canada sa kanilang bansa.

Ulat ni Greg Bituin Jr.

Mga litrato ni A. C. Dimatatac ng Ban Toxics

Sabado, Pebrero 14, 2015

Ang Paglalathala ng Pahayagang Diwang Lunti


Editoryal ng isyung Pebrero 2015 ng Diwang Lunti

ANG PAGLALATHALA NG 
PAHAYAGANG DIWANG LUNTI

Napakaraming balita, napakaraming natatagong pangyayaring dapat isiwalat sa madla. Napakaraming nararanasang delubyo. Napakaraming nasasalanta at nasasawi dahil sa ngitngit ng kalikasan.

Napakaraming isyung dapat pagdebatihan, dapat bigyang-pansin, dapat sang-ayunan, at dapat tanggihan. Napakaraming tanong na bakit ang dapat sagutin. Bakit maraming namatay sa landslide sa Ormoc, Leyte, at sa lalawigan ng Quezon? Bakit binaha ang lungsod ng Baguio nang minsang bumagyo rito gayong kaytaas namang lugar nito? Bakit ang isang buwan na pag-ulan ay naganap ng anim na oras lamang na nagpabaha sa maraming panig dulot ng bagyong Ondoy? Bakit libu-libong tao ang namatay nang manalanta ang bagyong Yolanda sa Tacloban? Bakit umiyak ang ating Climate Change negotiator sa United Nations at nanawagan ng matinding aksyon laban sa climate change?

Kapansin-pansing wala talagang pahayagang masasabing nakatuon lamang sa isyu ng kalikasan at kapaligiran, kundi naisisingit lamang ang mag balita sa mga pahayagan at telebisyon kapag may mga nasalanta na.

Kailangang magpasya. Marami tayong nakikita ngunit hindi napag-uusapan, dahil walang nagbibigay-pansin. Kung bigyang-pansin man ay sa mga maliitang pag-uusap lamang na hindi nauuwi sa mga positibo't kongkretong aksyon upang magawan ng tamang solusyon.

Ito ang papel ng Diwang Lunti: Ang mag-ulat at magmulat hinggil sa kalagayan ng ating daigdig, at pagtalakay hinggil sa mga napapanahong isyung pangkalikasan (nature) at pangkapaligiran (environment). Pagkat magiging dugtong ang pahayagang ito upang magkabalitaan ang iba't ibang environmental groups at magkatulungan.

Sa pamamagitan ng mga ulat mula sa iba’t ibang environmental groups ay makapagbabalitaan tayo ng mga isyung dapat talagang bigyang pansin agad ng mga kinauukulan at ng mamamayan. 

Binibigyang-pansin din ng Diwang Lunti ang panitikan, pagkat napakaraming mga sanaysay, kwento, tula, at awit ng ating mga kababayan hinggil sa kalikasan ang hindi nalalathala. Bukas ang Diwang Lunti upang ilathala ang mga ito.

Sana’y hindi mabigo ang Diwang Lunti sa paghahatid ng mga ulat at pagtalakay sa mga isyung hindi karaniwang nabibigyan ng espasyo sa mga malalaking midya, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon. 

Nawa’y lagi po tayong magtulungan upang magtagumpay ang ating layunin para sa sambayanan, sa pamayanan, sa lipunan, at higit sa lahat, kay Inang Kalikasan. Mabuhay kayo!

- Gregorio V. Bituin Jr., patnugot ng Diwang Lunti

Lunes, Enero 26, 2015

Resolusyon sa Kongreso ng BMP hinggil sa climate change

 RESOLUSYON HINGGIL SA PAGBABAGO SA KLIMA

Yayamang totoong may pagbabago sa klima: matibay ang kaisahan ng mga siyentipko na signipikanteng tumaas ang pangkaraniwang temperatura ng daigdig simula nang paglawak ng mga industriya. Ang pagtaas na ito ng temperatura ay hindi likas sa pag-inog ng daigdig kundi dulot ng aktibidad ng tao.

Binasa ni Herbert Docena ang resolusyon sa klima
Yayamang nagdudulot na ang pagbabago ng klima ng matinding pagdurusa sa sangkatauhan at sa mga nabubuhay na nilalang: dokumentado ang patunay na pag-init ng mundo ay nagdudulot ng papadalas at papalakas na mga bagyo, tagtuyot, at ibang mga sakuna, gayundin ang iba pang mga pagbabago sa kalikasan gaya ng pagtaas ng lebel ng mga karagatan, pagiging asido ng tubig alat, pagkalipol ng mga nilalang, at iba pang abnormalidad na nagiging banta sa produksyon ng pagkain, hanapbuhay, pangkalahatang kapakanan, at kaligtasan ng milyon-milyong tao at mga nilalang sa buong planeta.

Yayamang gaya ng naranasan noong bagyong Yolanda at iba pang sakuna, ang mga mahihirap na mga bansa gaya ng Pilipinas ang siyang madalas matamaan ng pinakamalalakas na sakuna dulot ng pagbabago sa klima.

Yayamang sa mga bansang ito, ang pinakamasasalanta ay ang mga manggagawa at iba pang aping sektor ng mamamayan gaya ng mga kababaihan, LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transgenders, o ang ngayo'y terminong pagkakakilanlan sa mga dati'y tawag na bakla o tomboy), at mga katutubo.

Yayamang mas magiging mapanupil ang pagbabago sa klima kung hindi makakamit ng sangkatauhan ang biglaan at apurahang pagbabawas sa pagbubuga ng mapanirang usok at hangin (greenhouse gas) upang pababain ang kasalukuyang temperatura ng mas mababa sa 1.5 digri sentigrado.

Yayamang upang makamit ang kinakailangang pagbabawas na ito, kinakailangan ng sukdulang pagbabago sa lahat ng aspekto ng produksyon at paggamit ng sangkatauhan sa kanilang mga pangangailangan.

Yayamang hindi makakamit ang mga pagbabagong ito kung mananatiling nasa kamay ng mga kapitalista ang lahat ng desisyon at patakaran sa produksyon at paggamit ng mga pangangailangan, ng isang sistema ng pribadong pagmamay-ari sa mga kasangkapan ng produksyon, at kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalista para sa walang hanggang pagkakamal ng yaman na ginagawa nila sa pamamagitan ng lubusang pananamantala sa paggawa at kalikasan at sa pagbibigay prayoridad sa tubo kaysa kapakanan ng tao at kalikasan.

Yayamang ang pagbabago sa klima ay hindi masasawata nang hindi nilalansag ang kapitalismo at kung hindi itatayo ang SOSYALISMO: isang sistema na hindi pinaaandar ng walang hanggang pagkamal ng yaman at hindi nakatakdang unahin ang tubo kaysa kapakanan ng tao at kalikasan.

Yayamang sa halip na lansagin ang kapitalismo at umusad mula rito, ang mga elitista ng daigdig, kasama yaong mga nasa Pilipinas, gayundin ang iilang aktibong bahagi ng lipunan, ay naghahangad na palawigin pa ang kapitalismo at hindi unahin ang kaligtasan at kapakanan ng sangkatauhan at planeta kaysa tubo.

Yayamang ipinapakita ng kawalang kakayahan na resolbahin ang krisis na ito ang kanilang kapalpakan, sa kabila ng dalawang dekadang negosasyon, na ipasa ang isang matibay at mabisang pandaigdigang kasunduan sa pagbabago ng klima na may kakayanang isakatuparan ang biglaan at malawakang pagbaba sa pagbuga ng masamang hangin, gayundin ang mga patakaran na maglaan ng materyal upang mapakinabangan at makaangkop ang mga bansang madalas tamaan ng mga sakuna.

Yayamang sa halip na magpalit ng landas, ang mga gobyerno ng mundo, kasama ang sa Pilipinas, ay sa halip tumutungo sa isa na namang mahina, palpak, at di patas na kasunduan hinggil sa pagbabago ng klima na nakatakdang lagdaan sa Paris sa darating na Disyembre 2015.

Yayamang ang mahina, palpak, at di patas na pandaigdigang kasunduang ito - kaakibat ng mahina, palpak at di patas na mga patakarang pangklima sa Pilipinas - ay isang banta upang tuluyang kundinahin ang mamamayan ng daigdig, lalo na ang mga manggagawa, sa isang mapangwasak at sinalbaheng kinabukasan.

Ngayo'y PAGKAISAHAN, na ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino ay:

- isaalang-alang ang laban kontra sa pagbabago sa klima at para sa kapakanan ng kalikasan bilang mahalagang salik ng pakikibaka, na hindi maaaring maihiwalay sa laban ng mga manggagawa at laban para sa sosyalismo.

si Kat Leuch ng Philippine Movement for Climate Justice
- magkakaroon ng nangungunang papel sa pagtataguyod ng isang malawak, sa lebel na pambansa at pandaigdigan, na kilusan na isinusulong ang pansistemang pagbabago na kinakailangan upang masawata ang pagbabago ng klima.

- maglulunsad ng isang istratehikong kampanya para paigtingin ang pagkaunawa ng mga manggagawa at ng malawak na hanay ng mamamayan hinggil sa isyu ng klima, ang kaugnayan nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pakikibaka, at ang pagkaugat nito sa kapitalismo, habang nakikilahok sa mga debate at diskusyon hinggil sa mga sistematikong solusyon at alternatiba.

- isasama ang isyu ng pagbabago sa klima at kalikasan sa pangkalahatan bilang bahagi ng programang pang-edukasyon nito sa mga manggagawa

- magiging aktibo sa mga kampanya at adbokasya hinggil sa kalikasan, gaya ng pagpapalakas ng paglahok nito sa Philippine Movement for Climate Justice at iba pang kahalintulad na alyansa at koalisyon.

- mangunguna at makikilahok sa mga pagkilos, protesta, edukasyon, at iba pang gawain sa paparating na 2015 UN Summit on Climate Change kung saan nakatakdang pirmahan ang isang bagong internasyunal na kasunduan hinggil sa pagbabago sa klima.

Pinagtibay ng mga delegado ng Ika-7 Pambansang  Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ngayong ika-25 ng Enero 2015 sa Skyrise Hotel, Lungsod ng Baguio.

Biyernes, Enero 16, 2015

Talakayan sa Kamayan - Renewable Energy (RE)

Talakayan hinggil sa Renewable Energy, Idinaos sa Kamayan Forum

Idinaos kaninang umaga hanggang tanghali ang isang talakayan hinggil sa Renewable Energy o RE, partikular na ang hinggil sa solar energy o enerhiya mula sa araw. Ang mga naging tagapagsalita ay sina Ms. Charry Venturina, kinatawan ng mga developer sa renewable energy at bise presidente ng Wind Development Association of the Philippines, at si Ms. Claire Lee, bise presidente ng Philippine Solar Power Alliance at kalihim ng Renewable Energy Development Association of the Philippines. Ang naging tagapagpadaloy naman ng talakayan ay si Gng. Nina Galang ng Green Convergence, at hindi nakadalo ang tagapagpadaloy na si Gng. Marie Marciano na maysakit, at Ginoong Rene Pineda na maysakit naman ang asawa.

Nasa tatlumpung katao ang dumalo. Karaniwan na, may tatlong bahagi ang talakayan. Ang unang bahagi ng talakayan ay ang presentasyon ng mga tagapagsalita hinggil sa paksa, ang ikalawang bahagi ay mga tanong at komento mula sa mga tagapakinig, at ang ikatlong bahagi ay ang pagsagot ng mga tagapagsalita hinggil sa mga tanong at komento.

Ayon kay Ms. Venturina, may wind farm na sa Pilipinas na ang anyo ay parang baliktad na bentilador. Mayroon na umano nito sa isla ng Guimaras. Tinalakay rin niya na ang Republic Act 9153 o Renewable Energy Act of 2008 ay nagdaan sa apat na kongreso bago naisabatas, na ibig sabihin, labingdalawang taon ang binuno nito. Tinalakay rin niya ang komposisyon ng NREB o National Renewable Energy Board, ang ERC o Energy Regulatory Commission, ang Renewable Portfolio Standard rule, ang net metering, at marami pang iba. Sa pagtalakay sa Green Energy Option, sinabi niyang sa Tokyo ay may mga tinatawag na green company, kung saan makakapamili ka kung anong nais mong kuryente - "I only want green power" - na ang kuryente ay pabor sa renewable energy.

Tinalakay naman ni Ms. Lee ang solar farm sa San Carlos sa Bacolod na may 13MW. Ayon pa sa kanya, mas mura ang solar kaysa fossil fuel. Kailangan din ng grid connection imbes na battery para mas mura. Kailangan din ng grid impact study. Sabi pa niya, naghahanap tayo sa ilalim ng lupa ng fossil fuel gayong maaari naman tayong tumingala at nariyan ang araw. Mababawasan din ng solar energy ang papataas nating bayarin sa kuryente. Tinapos niya ang kanyang pagtalakay sa pamamagitan ng mga katagang "It's more sun in the Philippines."

Sa open forum, marami ang nagtanong. Dito'y sinabi ni Ms. Venturina na ang based-load ng coal plant ay 30 years, at hindi dapat pinag-uusapan lang ay ang based-load na dapat 100%, kundi ang midrange na 60%. Ayon naman kay Ms. Lee, ang mga solar farms ay dapat konektado sa grid. May mini-grid at mayroon ding off-grid. At dapat din, ang regulator ng renewable energy ay dapat na proconsumer. Tinapos naman ni Ms. Venturina ang kanyang talakay sa pagsasabing "renewable energy is the fuel of the future."

Ang Kamayan para sa Kalikasan Forum ay idinaraos sa Kamayan Saisaki Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas, tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. 

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Enero 10, 2015

Kumperensya Laban sa Nukleyar, Idinaos


Kumperensya Laban sa Nukleyar, Idinaos

Mahigit dalawang katao, na karamihan ay mga estudyante, ang dumalo sa idinaos na 2015 Asian No Nukes Conference on Environment, Justice and Peace na ginanap sa STI Academic Center, sa Samson Road, Lungsod ng Caloocan, noong Enero 10, 2015, araw ng Sabado. Ang nasabing eskwelahan ay katabi lamang ng UE Caloocan.

Naging tagapagsalita sa kumperensyang ito ang mga dayuhan mula sa Japan, tulad nina Dr. Fujio Yamamoto ng Fukui University, Dr. Fujimiro Mori mula sa Fukushima, ang batang si Ayaka Hagiwara na nagtalakay ng children's situation, si Ms. Hagiwara Yukimi hinggil sa plaintiff compensation class action suit, at Ms. Yoko Unoda ng No Nukes Asia Forum Japan. Nagbigay din ng pahayag si Ms. Ikuko Kubuke ng AKAY Japan.

Naging tagapagsalita rin ang mga kababayang sina Prof. Roland Simbulan ng UP Manila, Commissioner Nederev "Yeb" Saño ng Climate Change Commission, Fr. Fernando Loreto ng Nuclear Free Bataan Movement, Engr. Obet Bersola, Cora Fabros ng Nuclear Free Pilipinas, at ang mang-aawit na si Paul Galang.

Naghandog naman ng makabagbag-damdaming awitin ang mga bata mula sa Abakada preschool, at nagbigay ng munting dula ang mga kabataan mula sa ZOTO (Zone One Tondo Organization).

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)

Binasa at ipinamahaging mga tula sa 2015 Asian No Nukes Conference.

Ikaapat at unang pahina
Ikalawa at Ikatlong pahina

* Ang mga sumusunod na tula ay ipinamahagi sa mga dumalo sa Asian No Nukes Conference on Environment, Justice and Peace, na ginanap sa STI Academic Center, Samson Road, Caloocan City, Enero 10, 2015. Nagpakopya ng 100 sipi ang may-akda na kanyang ipinamahagi.

Ang apat na tulang narito'y bahagi ng inihahandang aklat ng makata para sa ika-70 anibersaryo ng pagbomba sa Hiroshima at Nagazaki sa Agosto 2015. Ang aklat ay pansamantalang pinamagatang "Mula Hiroshima hanggang Fukushima".

Ang tulang "Bangungot ng Hibakusha" ay binasa ng makata sa "No to Nukes" Fellowship and Cultural Presentation matapos ang kumperensya.


BANGUNGOT NG HIBAKUSHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila sampung libong uling ang sumunog sa balat
tila lalamunan ay sinakal at nagkalamat
tila diwa't puso'y unti-unti nang nawawarat
tila katawan na'y naputol, sa daan nagkalat

ang nayon nila't daigdig ay bigla nang nag-iba
marahil tanong sa sarili'y nasaan na sila
nasa dagat na ba ng apoy, doon natutusta
patay na ba sila't sa Hades sila napapunta

di madalumat na ito'y epekto ng radyasyon
nang Amerikano'y nagbagsak ng bomba sa Hapon
libong buwitre'y pumuksa sa kanila't lumamon
sa mga biktima'y sadyang bangungot ng kahapon

anila, sinalubong sila ng kayputing langit
kayliwanag, animo'y bahagharing lumalapit
hanggang pumula, rumagasa'y apoy na kumapit
sa katawan, buong puso't diwa nila'y hinaplit

hanggang sila'y maratay sa banig ng karamdaman
higaan nila animo'y larangan ng digmaan
ramdam ay nag-iisa kahit may kasama naman
nais nilang mabuhay kaya pilit lumalaban

karaniwang taong saksi sa bomba atomika
na sadyang binagsak sa Nagazaki't Hiroshima
animo'y bangkay na ang tulad nilang Hibakusha
wala akong masabi kundi Hustisya! Hustisya!

* The surviving victims of the atomic bombings of Hiroshima and Nagasaki are called hibakusha, a Japanese word that literally translates as "explosion-affected people" and is used to refer to people who were exposed to radiation from the bombings. ~ Wikipedia



TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro

ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian

bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?

Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan

nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?

totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako 



ANG KILABOT NA LAWA KARACHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Lake Karachay, located in the southern Ural Mountains in eastern Russia, was a dumping ground for the Soviet Union's nuclear weapon facilities. It was also affected by a string of accidents and disasters causing the surrounding areas to be highly contaminated with radioactive waste. Washington, D.C.-based Worldwatch Institute has described it as the "most polluted spot on Earth." - From Wikipedia

nakakakilabot ang tubig sa Lawa Karachay
higit pa sa tapunan ng nabubulok na bangkay
radyoaktibo na ito't isda'y di mabubuhay
di ka makatatagal, amoy na'y nakamamatay

sa timog ng bundok Ural sa Rusya naroroon
basura ng nukleyar ang doon ay tinatapon
mula sa Mayak kaya kaytindi na ng polusyon
radyoaktibo ang lawa, puno, buong rehiyon

likas-yaman na'y nangasira, lahat apektado
di ka makatatagal doon kahit limang minuto
nang magkasakuna sa Lawa Karachay ng todo
tumagos sa kailaliman ang basurang ito

sakuna sa nukleyar ay dusa na't pawang hirap
wala kang maririnig, mata mo'y aandap-andap
nasa iba ka nang mundo, wala ka nang hinagap
doon sa Lawa Karachay ay bangkay ka nang ganap



ARMAS-NUKLEYAR, AYON SA UNHRC, 1984
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

U.N. na ang nagsasabing / krimen sa sangkatauhan
ang produksyon at paggawa, / pag-aari at paglulan
lalo'y paggamit ng armas / na nukleyar sa digmaan
kaya dapat lamang itong / ipagbawal nang tuluyan

pinakamalaki itong / banta sa buhay ng tao
lalo na sa karapatan / nating mabuhay sa mundo
armas-nukleyar ay banta't / pruweba ng mga tuso
na sa anumang digmaan, / tiyak silang mananalo

ngunit maraming sibilyan / ang totoong nadaramay
sa kasaysayan ng mundo'y / kayrami nilang namatay
sanlaksa ang naulila / sa mga mahal sa buhay
nagpakana'y walang paki / may pamilya mang malumbay

sa paggawa ng armas / kaylaki na ng gastos
imbes na sa kalusugan / o edukasyon itustos
mas nais pang mag-alipin, / ibang bansa'y mabusabos
pag nanalo'y pawang kabig / habang iba'y kinakapos

magkaisa bawat bansang / manawagan nang pawiin
lahat ng armas-nukleyar / pagkat ito'y sadyang krimen
sa buong sangkatauhan / na sinabi nga ng U.N.
nawa panawagang ito / ay kanila namang dinggin

halina't tayo'y kumilos / laban sa ganitong armas
makakamtan lamang natin / ang isang magandang bukas
kung walang armas-nukleyar / at may sistemang parehas
at iiral ang hustisya't / pag-ibig na sadyang wagas

* In 1984 the United Nations Human Rights Committee noted that "it's evident that the designing, testing, manufacture, possession and deployment of nuclear weapons are among the greatest threats to the right to life which confront mankind today" and concluded that "the production, testing, possession, deployment and use of nuclear weapon shold be prohibited and recognized as crimes against humanity." ~ from the article "The Effects of nuclear weapons" by www.motherearth.org

Lunes, Disyembre 29, 2014

Ang Aklat na Philippine Native Trees 101

ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.

Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.

Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.

Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim. 

Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.

Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina. 

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Ulat ni Greg Bituin Jr.

 Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.
 

Linggo, Disyembre 7, 2014

12 tula muna sa Climate Walk

Narito ang 12 tula, sa higit 70 tula ng makatang Gregorio V. Bituin Jr., sa kanyang aklat na "SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" na produkto ng naganap na Climate Walk mula Oktubre 2 sa Luneta hanggang marating ang Tacloban noong Nobyembre 8, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda. Ang nasabing aklat ay magkakaroon ng soft launching sa isang forum sa ika-19 ng Disyembre, 2014, araw ng Biyernes. Ito'y sa Kamayan Environment Forum, Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC Ortigas sa umaga, at sa nakatakdang General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon.

WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy

nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama

kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero

sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos

bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit

walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa

hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?

nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?

di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla

hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014


PAANO ANG BUKAS? 
ni Gregorio V. Bituin Jr 
10 pantig bawat taludtod

ambon, ambon, lansangan ay butas
ulan, ulan, panganib ay bakas
bagyo, bagyo, paano ang bukas
kung buhay naman ay malalagas

kalsadang butas ay binabaha 
kaunting ambon, animo'y sigwa
problema itong kasumpa-sumpa
ngunit tayo pa'y may magagawa 

butas sa daan, lagyan ng tagpi
ngunit bayan ay walang salapi
problema pa itong anong sidhi
pagkat kinurakot ng tiwali

klima'y patuloy na nagbabago
kalsada'y butas pa ring totoo
nakatanghod lang ang mga trapo 
kakamot-kamot pag may delubyo

- sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, Tagkawayan, Quezon, Oktubre 14, 2014


BINGKAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tangan niyang bingkaka'y pinatutugtog sa palad
animo'y walang kapaguran habang naglalakad
malayo pa'y dinig na, tila ba ibinubungad
sa buong bayan ang Climate Justice na hinahangad

payak na tugtog, tila may diwatang sasalubong
pare-parehong tunog sa iba't ibang pagsuong
di nakauumay, sari-saring interpretasyon
may diwatang di nakikita ngunit naroroon

ang tangan niyang bingkaka'y kawayang kapiraso
ngunit nagpapatiwasay sa isipang magulo
inuudyukan kang suriin kung ano ang wasto
at di basta gawin na lamang kung ano ang gusto

maraming salamat, kasamang Joemar, sa pagtugtog
ng bingkaka pagkat nanggigising ng diwang tulog
hawak mula umaga hanggang araw ay lumubog
himig na malamyos, kaygaang timpla ng indayog

marahang ipinapalo sa palad ang bingkaka
di mo pansin ang hapo, masarap sa puso't diwa
sana'y masalubong namin ang magandang diwata
habang marubdob na nililinang ang isang katha

- Luna's Eatery and Sari-sari Store, Brgy. Canda Ibaba, Lopez, Quezon, Oktubre 12, 2014


BASANG-BASA SA ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod 

heto kami, basang-basa sa ulan
naglalakad, walang masisilungan
patuloy na tinatahak ang daan 
kahit ang nilalandas na'y putikan

pag-ulan bang ito'y masalimuot?
at tilamsik nito'y nakatatakot?
daan ay maputik, saan susuot?
nasa diwa'y paano na lulusot?

di inalala ang patak ng tubig
nasa gunita'y naiwang pag-ibig
maigi pang pagsinta ang idilig 
sa mga layuning nakaaantig

nakakapote kami't nakapayong
habang ulan naman ay sinusuong
at sa taumbayan ay sinusulong 
ang misyong sa balikat nakapatong

ipaglaban ang pangklimang hustisya 
dito'y pakilusin natin ang masa
pagkakaisa nati'y mahalaga
sa pagharap sa nagbabagong klima 

- Ragay National Agricultural and Fisheries School, Liboro, Ragay, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014


ANG BATANG BABAE AT ANG KURUS-KURUS
(The Girl and the Starfish)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan, isang matanda ang namamaybay sa aplaya
katatapos lang iyon ng unos na nanalanta
doon, isang batang babae ang kanyang nakita
sa ginagawa ng bata, matanda'y nagtataka

bakit binabalik isa-isa sa karagatan
ang mga kurus-kurus na nasa dalampasigan
gayong kayrami nito't animo'y libo ang bilang
kaya batang babae'y dagli niyang pinuntahan

natutuwa ang ibang nakakakita sa bata
ang akala'y naglalaro lamang ito sa tuwa
ngunit iba ang palagay ng nasabing matanda
nagtataka man, bata'y kinausap niyang kusa

"Bakit mo iyan ginagawa, hoy, batang maliit?
Lahat ng iyan ay hindi mo naman masasagip?
Di mo mababago ang kalagayan nila, paslit!
Sa ginagawa mong iyan, di ka ba naiinip?"

napatungo ang bata, animo ito'y nakinig
maya-maya, isang kurus-kurus ang ibinalik
ng bata sa dagat, sa matanda'y di natigatig
ang bata'y nagsalita sa malumanay na tinig:

"sa isa pong iyon, kahit paano'y may nagawa
sa sariling bahay, di na siya mangungulila"
at ang matanda'y di nakahuma, biglang napatda
naisip niyang ito'y di kaya ng isang bata

kaya tinawag ng matanda ang kanyang kanayon
"magtulung-tulong tayong ibalik ang mga iyon"
lahat ng kurus-kurus na tangay ng bagyo't alon
sa aplaya ay naibalik sa dagat nang lumaon

"sa sama-samang pagkilos natin, may magagawa
maraming salamat sa inumpisahan ng bata"
aral iyong nagbigay ng inspirasyon sa madla
upang kapwa'y magtulungan, harapin man ay sigwa

* Ang bituing-dagat, isdang-bituin, at kurus-kurus ang salin ng starfish ayon sa UP Diksyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010) at sa Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles, 1990) ni Fr. Leo James English.

* Maraming salamat kay Ginoong Naderev "Yeb" Saño, commissioner ng Climate Change Commission, sa kanyang palagiang pagkukwento nito sa mga Climate Fair, at sa mga nakakadaupang palad sa Climate Walk.

- Libmanan covered court, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014


SI YOLANDA ANG MUKHA NG NAGBABAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Yolanda ang mukha ng climate change, si Yolanda
oo, si Yolanda'y mukha ng nagbabagong klima
ipinakita niya bakit dapat kumilos na
ang mamamayan ng mundo upang pigilan sila

daigdig natin ngayo'y nagbabaga, nagbabago
may global warming, nagbabaga, tinunaw ang yelo
sala sa init, sala sa lamig na itong mundo
paano uunawain ang nangyayaring ito

wala, kundi si Yolanda pa ang nagpaliwanag
kung di tayo kikilos, lahat na'y ibabalibag
sa punong usok na atmospera'y sinong papalag
maliitang pagkilos ay tila ba pampalubag

mga bansang industriyalisado'y dapat pigilan
sa pagsusunog ng mga fossil fuels saanman
mga coal-fired power plants ay dapat na ring bawasan
ngunit teka, makikinig ba ang pamahalaan

dapat si Yolanda'y pakinggan ng buong daigdig
ang mensahe niya sa mundo'y nakapanlalamig
mga tulad ni Yolanda'y dapat nating malupig
mamamayan ng mundo, tayo nang magkapitbisig

ang climate change ay tila nakatarak na balaraw
sa ating likod, di ba't dapat nang tayo'y gumalaw?
di dapat ang ating mundo'y unti-unting magunaw
ating ipanawagan sa lahat: "Climate Justice Now!"

- sinimulan sa kainan sa Brgy. Concepcion Grande, Lungsod ng Naga, tapat ng Viva Home Depot, at tinapos sa Jesse M. Robledo Coliseum, Lungsod ng Naga, Oktubre 18, 2014


TEAMWORK AT ANG CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos ang lakad, naglaro kami ng basketbol
tila di kami pagod, sa bola'y panay ang habol

kita ang saya't pagkakaisa sa bawat isa
mahusay ang teamwork, pati bola'y nakikisama

animo'y sinasabing kung tayo'y magtutulungan
maraming magagawa't problema'y malulunasan

tulad din ng ipinakitang teamwork sa Climate Walk
sa laro nga'y nakita ang tamang labas at pasok

paano ang teamwork sa pandaigdigang usapin
lalo't climate change na itong kinakaharap natin

sapat ba ang paglinang at pagtatanim ng puno
sapat din ba ang ginagawa ng mga pinuno

ng bawat bansa upang Yolanda'y di na maulit
upang mapigilan ang gayong bagyong sakdal-lupit

kailangan ng teamwork sa paghanap ng solusyon
kung paanong may teamwork din ang pagrerebolusyon

- sa Jesse Robledo Coliseum sa Naga City, Oktubre 18, 2014


ANG SOLAR SUITCASE NI KASAMANG ALBERT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang solar suitcase ni kasamang Albert ay atraksyon 
na kanyang hila-hila sa paglalakad maghapon
minsan ang humihila niyon ay si kasamang Ron
minsan din ay pinahila niya sa akin iyon
ramdam ko'y lumakas, tila ni-recharge ako niyon

mabuti't yaong solar suitcase ay kanyang dinala
pagkat natataguyod ang solar na enerhiya
alternatibong kuryenteng sa araw kinukuha
renewable energy itong di usok ang dala
na kung gagamitin ng marami'y tulong sa masa

hila'y solar suitcase sa kilo-kilometrong lakad
kasabay ng Climate Walk na climate justice ang hangad
kung buti ng enerhiyang solar ay malalantad
enerhiya itong sa buong bansa'y mapapadpad
asahang kuryente'y mura kundi man walang bayad

paggamit ng solar na enerhiya'y ating gawin
saanman tayo tumungo, ito'y palaganapin
saanmang bayan, malinis na enerhiya'y kamtin
wala nang fossil fuels na kailangang sunugin
wala nang polusyon, madarama'y sariwang hangin

- Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

- maraming salamat kay kasamang Albert Lozada ng Greenpeace


ANG CLIMATE SONG NI NITYALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Alpha Walker Nityalila ang kumatha
ng Climate Song na sadyang nagbibigay-sigla
pinamagatang “Tayo Tayo” ay nilikha
para sa Climate Walk, isang kantang pangmadla

awit niyang itinuro sa naglalakad
sa mga programa’y aming ibinubungad
mensahe’y para sa hustisyang hinahangad
climate justice para sa bayang sawimpalad

inawit na namin mula pa sa Luneta
“tanaw na pag-asa’t hustisya’y hintay ka na”
taos na inaawit ng mga kasama
taimtim na inaawit para sa masa

habang inaawit, madarama mo’y galak
at sasabayan pa nila ito ng indak
masaya man, nasa isip ang napahamak
sa bagyong Yolandang sadyang nagbigay-sindak

maraming salamat, Nityalila, sa awit
mensahe nito, nawa’y abot hanggang langit
upang Yolanda, saanma’y di na maulit
nawa mensahe ng kanta’y laging mabitbit

- Travesia Elementary School, Travesia, Guinobatan, Albay, Oktubre 22, 2014, kaarawan ni Nityalila


SA MGA PHARAOH DANCERS NG PILAR, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Isinalubong ninyo'y katutubong indak
Malumanay, masaya, sa puso'y may galak
Nagbigay-sigla sa mahabang paglalakad
Ng mga nasa Climate Walk na hinahangad
Ay pagkamulat ng nakararaming masa
Sa kinakaharap na nagbabagong klima
Nagsabit pa kayo ng kakaibang kwintas
Sa leeg ng Climate Walkers, ang saya'y bakas
Sa aming mukha, ligaya’y di madalumat
Tanging nasabi namin sa inyo’y salamat
Ang pag-indak ninyo sa puso'y nagpabilis
Inyong ngiti nga sa pagod nami'y nag-alis
Sa inyo, Pharaoh Dancers ng Pilar, Sorsogon
Maraming salamat sa bunying pagsalubong
Munting tulang ito nawa'y inyong mabatid
Pagkat sa Climate Walk, ligaya'y inyong hatid.

- sa aming pagdaan sa hangganan ng Albay at Sorsogon, Oktubre 23, 2014


TIIM-BAGANG SA SALIMUOT 
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

masalimuot din ang climate change, masalimuot
di malirip bakit isyu itong nakakatakot
di matingkala ang panganib na idinudulot
sa suliraning ito'y paano makalulusot

halina't magsuri at hanapin kung anong sagot
industriyalisadong bansa ba ang nambalakyot

pagsunog ng fossil fuels ang pangunahing sanhi
nariyan ang coal-fired power plants na nakadidiri
mga bansa'y yumaman dito't naging masalapi
habang dapog sa atmospera'y naipon, nagbinhi

kaya karaniwang klima'y nagbagong di mawari
dito'y sinong naging mapalad, sinong nangalugi

mga industriyalisadong bansa'y nakinabang
nagsunog ng maruming enerhiya'y nagsiyaman
tama bang umunlad, masira man ang kalikasan
tama bang dukhang bansa'y maapektuhang tuluyan

aling bansa ang apektado't alin ang nanlamang
masdan mo ang nangyayari't mapapatiim-bagang

paano tayo aakma sa klimang nagbabago
paano aagapay sa nararanasang bagyo
paano ang gagawin sa tumitinding delubyo
di sapat ang mapatiim-bagang, kumilos tayo

singilin, pagbayarin mga bansang sanhi nito
sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo

- sa bayan ng Motiong, Samar, Nobyembre 4, 2014


PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014