Linggo, Disyembre 7, 2014

12 tula muna sa Climate Walk

Narito ang 12 tula, sa higit 70 tula ng makatang Gregorio V. Bituin Jr., sa kanyang aklat na "SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" na produkto ng naganap na Climate Walk mula Oktubre 2 sa Luneta hanggang marating ang Tacloban noong Nobyembre 8, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda. Ang nasabing aklat ay magkakaroon ng soft launching sa isang forum sa ika-19 ng Disyembre, 2014, araw ng Biyernes. Ito'y sa Kamayan Environment Forum, Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC Ortigas sa umaga, at sa nakatakdang General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon.

WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy

nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama

kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero

sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos

bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit

walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa

hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?

nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?

di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla

hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014


PAANO ANG BUKAS? 
ni Gregorio V. Bituin Jr 
10 pantig bawat taludtod

ambon, ambon, lansangan ay butas
ulan, ulan, panganib ay bakas
bagyo, bagyo, paano ang bukas
kung buhay naman ay malalagas

kalsadang butas ay binabaha 
kaunting ambon, animo'y sigwa
problema itong kasumpa-sumpa
ngunit tayo pa'y may magagawa 

butas sa daan, lagyan ng tagpi
ngunit bayan ay walang salapi
problema pa itong anong sidhi
pagkat kinurakot ng tiwali

klima'y patuloy na nagbabago
kalsada'y butas pa ring totoo
nakatanghod lang ang mga trapo 
kakamot-kamot pag may delubyo

- sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, Tagkawayan, Quezon, Oktubre 14, 2014


BINGKAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tangan niyang bingkaka'y pinatutugtog sa palad
animo'y walang kapaguran habang naglalakad
malayo pa'y dinig na, tila ba ibinubungad
sa buong bayan ang Climate Justice na hinahangad

payak na tugtog, tila may diwatang sasalubong
pare-parehong tunog sa iba't ibang pagsuong
di nakauumay, sari-saring interpretasyon
may diwatang di nakikita ngunit naroroon

ang tangan niyang bingkaka'y kawayang kapiraso
ngunit nagpapatiwasay sa isipang magulo
inuudyukan kang suriin kung ano ang wasto
at di basta gawin na lamang kung ano ang gusto

maraming salamat, kasamang Joemar, sa pagtugtog
ng bingkaka pagkat nanggigising ng diwang tulog
hawak mula umaga hanggang araw ay lumubog
himig na malamyos, kaygaang timpla ng indayog

marahang ipinapalo sa palad ang bingkaka
di mo pansin ang hapo, masarap sa puso't diwa
sana'y masalubong namin ang magandang diwata
habang marubdob na nililinang ang isang katha

- Luna's Eatery and Sari-sari Store, Brgy. Canda Ibaba, Lopez, Quezon, Oktubre 12, 2014


BASANG-BASA SA ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod 

heto kami, basang-basa sa ulan
naglalakad, walang masisilungan
patuloy na tinatahak ang daan 
kahit ang nilalandas na'y putikan

pag-ulan bang ito'y masalimuot?
at tilamsik nito'y nakatatakot?
daan ay maputik, saan susuot?
nasa diwa'y paano na lulusot?

di inalala ang patak ng tubig
nasa gunita'y naiwang pag-ibig
maigi pang pagsinta ang idilig 
sa mga layuning nakaaantig

nakakapote kami't nakapayong
habang ulan naman ay sinusuong
at sa taumbayan ay sinusulong 
ang misyong sa balikat nakapatong

ipaglaban ang pangklimang hustisya 
dito'y pakilusin natin ang masa
pagkakaisa nati'y mahalaga
sa pagharap sa nagbabagong klima 

- Ragay National Agricultural and Fisheries School, Liboro, Ragay, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014


ANG BATANG BABAE AT ANG KURUS-KURUS
(The Girl and the Starfish)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan, isang matanda ang namamaybay sa aplaya
katatapos lang iyon ng unos na nanalanta
doon, isang batang babae ang kanyang nakita
sa ginagawa ng bata, matanda'y nagtataka

bakit binabalik isa-isa sa karagatan
ang mga kurus-kurus na nasa dalampasigan
gayong kayrami nito't animo'y libo ang bilang
kaya batang babae'y dagli niyang pinuntahan

natutuwa ang ibang nakakakita sa bata
ang akala'y naglalaro lamang ito sa tuwa
ngunit iba ang palagay ng nasabing matanda
nagtataka man, bata'y kinausap niyang kusa

"Bakit mo iyan ginagawa, hoy, batang maliit?
Lahat ng iyan ay hindi mo naman masasagip?
Di mo mababago ang kalagayan nila, paslit!
Sa ginagawa mong iyan, di ka ba naiinip?"

napatungo ang bata, animo ito'y nakinig
maya-maya, isang kurus-kurus ang ibinalik
ng bata sa dagat, sa matanda'y di natigatig
ang bata'y nagsalita sa malumanay na tinig:

"sa isa pong iyon, kahit paano'y may nagawa
sa sariling bahay, di na siya mangungulila"
at ang matanda'y di nakahuma, biglang napatda
naisip niyang ito'y di kaya ng isang bata

kaya tinawag ng matanda ang kanyang kanayon
"magtulung-tulong tayong ibalik ang mga iyon"
lahat ng kurus-kurus na tangay ng bagyo't alon
sa aplaya ay naibalik sa dagat nang lumaon

"sa sama-samang pagkilos natin, may magagawa
maraming salamat sa inumpisahan ng bata"
aral iyong nagbigay ng inspirasyon sa madla
upang kapwa'y magtulungan, harapin man ay sigwa

* Ang bituing-dagat, isdang-bituin, at kurus-kurus ang salin ng starfish ayon sa UP Diksyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010) at sa Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles, 1990) ni Fr. Leo James English.

* Maraming salamat kay Ginoong Naderev "Yeb" Saño, commissioner ng Climate Change Commission, sa kanyang palagiang pagkukwento nito sa mga Climate Fair, at sa mga nakakadaupang palad sa Climate Walk.

- Libmanan covered court, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014


SI YOLANDA ANG MUKHA NG NAGBABAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Yolanda ang mukha ng climate change, si Yolanda
oo, si Yolanda'y mukha ng nagbabagong klima
ipinakita niya bakit dapat kumilos na
ang mamamayan ng mundo upang pigilan sila

daigdig natin ngayo'y nagbabaga, nagbabago
may global warming, nagbabaga, tinunaw ang yelo
sala sa init, sala sa lamig na itong mundo
paano uunawain ang nangyayaring ito

wala, kundi si Yolanda pa ang nagpaliwanag
kung di tayo kikilos, lahat na'y ibabalibag
sa punong usok na atmospera'y sinong papalag
maliitang pagkilos ay tila ba pampalubag

mga bansang industriyalisado'y dapat pigilan
sa pagsusunog ng mga fossil fuels saanman
mga coal-fired power plants ay dapat na ring bawasan
ngunit teka, makikinig ba ang pamahalaan

dapat si Yolanda'y pakinggan ng buong daigdig
ang mensahe niya sa mundo'y nakapanlalamig
mga tulad ni Yolanda'y dapat nating malupig
mamamayan ng mundo, tayo nang magkapitbisig

ang climate change ay tila nakatarak na balaraw
sa ating likod, di ba't dapat nang tayo'y gumalaw?
di dapat ang ating mundo'y unti-unting magunaw
ating ipanawagan sa lahat: "Climate Justice Now!"

- sinimulan sa kainan sa Brgy. Concepcion Grande, Lungsod ng Naga, tapat ng Viva Home Depot, at tinapos sa Jesse M. Robledo Coliseum, Lungsod ng Naga, Oktubre 18, 2014


TEAMWORK AT ANG CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos ang lakad, naglaro kami ng basketbol
tila di kami pagod, sa bola'y panay ang habol

kita ang saya't pagkakaisa sa bawat isa
mahusay ang teamwork, pati bola'y nakikisama

animo'y sinasabing kung tayo'y magtutulungan
maraming magagawa't problema'y malulunasan

tulad din ng ipinakitang teamwork sa Climate Walk
sa laro nga'y nakita ang tamang labas at pasok

paano ang teamwork sa pandaigdigang usapin
lalo't climate change na itong kinakaharap natin

sapat ba ang paglinang at pagtatanim ng puno
sapat din ba ang ginagawa ng mga pinuno

ng bawat bansa upang Yolanda'y di na maulit
upang mapigilan ang gayong bagyong sakdal-lupit

kailangan ng teamwork sa paghanap ng solusyon
kung paanong may teamwork din ang pagrerebolusyon

- sa Jesse Robledo Coliseum sa Naga City, Oktubre 18, 2014


ANG SOLAR SUITCASE NI KASAMANG ALBERT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang solar suitcase ni kasamang Albert ay atraksyon 
na kanyang hila-hila sa paglalakad maghapon
minsan ang humihila niyon ay si kasamang Ron
minsan din ay pinahila niya sa akin iyon
ramdam ko'y lumakas, tila ni-recharge ako niyon

mabuti't yaong solar suitcase ay kanyang dinala
pagkat natataguyod ang solar na enerhiya
alternatibong kuryenteng sa araw kinukuha
renewable energy itong di usok ang dala
na kung gagamitin ng marami'y tulong sa masa

hila'y solar suitcase sa kilo-kilometrong lakad
kasabay ng Climate Walk na climate justice ang hangad
kung buti ng enerhiyang solar ay malalantad
enerhiya itong sa buong bansa'y mapapadpad
asahang kuryente'y mura kundi man walang bayad

paggamit ng solar na enerhiya'y ating gawin
saanman tayo tumungo, ito'y palaganapin
saanmang bayan, malinis na enerhiya'y kamtin
wala nang fossil fuels na kailangang sunugin
wala nang polusyon, madarama'y sariwang hangin

- Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

- maraming salamat kay kasamang Albert Lozada ng Greenpeace


ANG CLIMATE SONG NI NITYALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Alpha Walker Nityalila ang kumatha
ng Climate Song na sadyang nagbibigay-sigla
pinamagatang “Tayo Tayo” ay nilikha
para sa Climate Walk, isang kantang pangmadla

awit niyang itinuro sa naglalakad
sa mga programa’y aming ibinubungad
mensahe’y para sa hustisyang hinahangad
climate justice para sa bayang sawimpalad

inawit na namin mula pa sa Luneta
“tanaw na pag-asa’t hustisya’y hintay ka na”
taos na inaawit ng mga kasama
taimtim na inaawit para sa masa

habang inaawit, madarama mo’y galak
at sasabayan pa nila ito ng indak
masaya man, nasa isip ang napahamak
sa bagyong Yolandang sadyang nagbigay-sindak

maraming salamat, Nityalila, sa awit
mensahe nito, nawa’y abot hanggang langit
upang Yolanda, saanma’y di na maulit
nawa mensahe ng kanta’y laging mabitbit

- Travesia Elementary School, Travesia, Guinobatan, Albay, Oktubre 22, 2014, kaarawan ni Nityalila


SA MGA PHARAOH DANCERS NG PILAR, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Isinalubong ninyo'y katutubong indak
Malumanay, masaya, sa puso'y may galak
Nagbigay-sigla sa mahabang paglalakad
Ng mga nasa Climate Walk na hinahangad
Ay pagkamulat ng nakararaming masa
Sa kinakaharap na nagbabagong klima
Nagsabit pa kayo ng kakaibang kwintas
Sa leeg ng Climate Walkers, ang saya'y bakas
Sa aming mukha, ligaya’y di madalumat
Tanging nasabi namin sa inyo’y salamat
Ang pag-indak ninyo sa puso'y nagpabilis
Inyong ngiti nga sa pagod nami'y nag-alis
Sa inyo, Pharaoh Dancers ng Pilar, Sorsogon
Maraming salamat sa bunying pagsalubong
Munting tulang ito nawa'y inyong mabatid
Pagkat sa Climate Walk, ligaya'y inyong hatid.

- sa aming pagdaan sa hangganan ng Albay at Sorsogon, Oktubre 23, 2014


TIIM-BAGANG SA SALIMUOT 
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

masalimuot din ang climate change, masalimuot
di malirip bakit isyu itong nakakatakot
di matingkala ang panganib na idinudulot
sa suliraning ito'y paano makalulusot

halina't magsuri at hanapin kung anong sagot
industriyalisadong bansa ba ang nambalakyot

pagsunog ng fossil fuels ang pangunahing sanhi
nariyan ang coal-fired power plants na nakadidiri
mga bansa'y yumaman dito't naging masalapi
habang dapog sa atmospera'y naipon, nagbinhi

kaya karaniwang klima'y nagbagong di mawari
dito'y sinong naging mapalad, sinong nangalugi

mga industriyalisadong bansa'y nakinabang
nagsunog ng maruming enerhiya'y nagsiyaman
tama bang umunlad, masira man ang kalikasan
tama bang dukhang bansa'y maapektuhang tuluyan

aling bansa ang apektado't alin ang nanlamang
masdan mo ang nangyayari't mapapatiim-bagang

paano tayo aakma sa klimang nagbabago
paano aagapay sa nararanasang bagyo
paano ang gagawin sa tumitinding delubyo
di sapat ang mapatiim-bagang, kumilos tayo

singilin, pagbayarin mga bansang sanhi nito
sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo

- sa bayan ng Motiong, Samar, Nobyembre 4, 2014


PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Walang komento: