Miyerkules, Marso 11, 2015

BasuRUN laban sa toxic waste ng Canada, Inilunsad


BasuRUN laban sa toxic waste ng Canada, Inilunsad

Lungsod Quezon, 10 Marso 2015 - Sa pangunguna ni Fr. Robert Reyes, inilunsad ng mga grupong Ban Toxics, Greenpeace at EcoWaste Coalition, kasama ang ilang kasapi ng Climate Walk, ang BasuRUN sa lungsod ng Makati at nagtungo sila sa harap ng embahada ng Canada na nasa RCBC Plaza. Tumakbo sa Ayala ang may 30 katao at nagsagawa ng munting pagkilos upang ipanawagan sa pamahalaan ng Canada na dapat nilang ibalik sa kanilang bansa ang basurang dinala nila sa Pilipinas. Sigaw ng mga tumakbo, “Hindi basurahan ang Pilipinas!” “Canada, Take Back Your Wastes!”

Ang nasabing pagkilos ay bunsod ng matagal nang pagkahimpil ng 50 container vans ng mga toxic waste sa Port of Manila. Ayon sa press release ng Ban Toxics, noong Pebrero 2014 ay sinamsam ng Bureau of Customs ang 50 container vans na naglalaman ng iba't ibang materials at hazardous wastes na mula pa sa Canada, kung saan ang umangkat nito mula sa Pilipinas ay ang kumpanyang Chronic Plastics, Inc. Idineklara nila ang mga kargamentong iyon bilang 'assorted scrap materials for recycling'.

Ngunit sinisi ng Canada ang pribadong kumpanyang exporter na Chronic Incorporated, at nanindigan ang Canada na wala silang ligal na kapasidad na pasunurin ang kumpanyang ito na kuning muli at ibalik ang kanilang mga kargamento.

Sinabi ni Fr. Robert Reyes na "Ang mga toxic wastes na ito ang pinakamasamang anyo ng pagpapahayag ng pagkakaibigan ng dalawang bansa. Nakakahiya ang pamahalaan ni Punong Ministro Stephen Harper sa kanyang mga kababayang mapagmahal sa kalikasan. Alam naming hindi ito ang totoong Canada. Iginigiit namin kay Punong Ministro Harper na magsagawa ng agarang aksyon. Iuwi nyo na ang inyong mga ilegal na basura. Ngayon!" (malayang salin ni GBJ)

Ang nasabing basura ng Canada ay paglabag sa ilang mga batas ng bansa, tulad ng DENR Administrative Order 28 (Interim Guidelines for the Importation of Recyclable Materials Containing Hazardous Substances) at ang Batas Republika 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ayon sa pagtataya ng Ban Toxics, gumagastos ang pamahalaan ng nasa P144,000 kada araw, ito'y pagkawala ng kita dahil sa espasyong lagakan (storage space) at sa mga dagdag na gastusin para sa demuurage, na sa ngayon ay umaabot sa P87M.

Sa pagsisikap na mas maunawaan pa ng publiko ang isyu ay nagsasagawa ng online petition sa change.org ang nasabing samahan na nakakuha na ng mahigit 25,000 lagda, kung saan mahigit kalahati nito ay mga taga-Canada. Hinihikayat pa ng grupo na lumagda rin ang mas marami pa upang igiit sa embahada ng Canada sa Pilipinas na pagunahan na ang pagbalik ng mga basura ng Canada sa kanilang bansa.

Ulat ni Greg Bituin Jr.

Mga litrato ni A. C. Dimatatac ng Ban Toxics

Walang komento: