Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT
KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Huwebes, Marso 15, 2012

Ang Iwate Noon at ang Iwate Ngayon


ANG IWATE NOON AT ANG IWATE NGAYON
ni Greg Bituin Jr.

Irashaimase.

Nitong Marso 11, 2012 ang unang anibersaryo ng trahedyang tumama sa Japan - ang tsunami at lindol na nagdulot ng pagkasira ng nuclear reactor sa Fukushima.

Nang pinatalastas sa GMA 7 ang dokumentaryo ni Kara David hinggil dito, kasama ang Iwate TV, agad akong nagkainteres kaya inabangan ko ito upang panoorin. Hindi lang dahil sa trahedya kundi dahil sa patalastas na Iwate TV ang kasama ni Kara sa kanyang dokumentasyong pinamagatang "Pagsibol ng Pag-asa: Japan Tsunami 1st Anniversary Special". Nanggaling kasi ako noon sa lalawigan ng Iwate, sa lungsod ng Hanamaki, mahigit nang dalawang dekada ang nakararaan.

Nagtungo ako, kasama ang apat pang Pilipino, sa Hanamaki-cho, Iwate-Ken, bilang student scholar (on-the-job training) sa isang kumpanya ng electronics, at namalagi kami roon ng anim na buwan. Mula Hulyo 1988 hanggang Enero 1989, nasa Hanamaki City ako na ang layo sa Tokyo ay kapara ng Maynila at Ilokos Norte. Pinadala ako ng isang technical school habang kumukuha ng 6-na-buwang radio-TV technician course. Tatlong buwan pa lang ako sa school na iyon nang pumunta akong Japan upang mag-aral ng aktwal ng electronics. Dalawa kami mula sa aming klase ng 40 ang pinadala. May nakasabay pa kaming tatlo pa na iba naman ang pinanggalingan. Pagdating namin sa Hanamaki, marami kaming nadatnang Pilipino roong nauna sa amin. Pagbalik ko dito sa bansa, agad kaming kinuha ng isang Filipino-Japanese company bilang pioneer na manggagawa. Tatlong taon akong machine operator sa kumpanyang gumagawa ng pyesa ng computer.

Sa aking pananaliksik, sa Iwate Prefecture (lalawigan ng Iwate) pa lang, may labing-isang lungsod na, at isa rito ang Hanamaki City. Noong naroroon pa kami, meron nang shinkansen (bullet train). Naikot din namin ng aming mga kasama ang mga onsen o yaong mga otel na may swimming pool na parang sauna dito sa ating bansa. Pati na mga club na maraming Pinay ay pinupuntahan namin. At syempre, lagi kaming may dalang kamera, at ito ang una kong binili sa Japan. Naabutan ko sa Hanamaki City ang snow, lalo na pag umaga ay kinakayod na ito ng mga bulldozer. Marami din kaming naging kaibigang Hapon at Haponesa dito. Nakasama pa nga ako sa pamimitas ng mga mansanas sa isang tanimang pag-aari ng Haponesang kasama namin sa kumpanya. Doon ko natikman ang Sapporo na katumbas ng San Miguel Beer, at saki na katumbas ng lambanog. Doon ko napanood sa telebisyon ang nagaganap noong Seoul Olympics. Naroon ako nang mabalitang namatay na si Emperor Hirohito.

Maganda ang Hanamaki City, kaya nang mapanood ko ang dokumentasyon ng hinahangaan kong si Kara David hinggil sa Iwate, napapaisip ako kung ano na kayang itsura ng Hanamaki ngayon? Naroon pa kaya ang kumpanyang pinuntahan ko, ang bahay na tinirahan namin ng anim na buwan, ang aming mga naging kaibigan? Kumusta na kaya sila?

May ilang binanggit na lugar si Kara, ngunit wala ang Hanamaki City. Marahil di na kaya nina Kara David na ikutin pa ang lahat ng lugar na tinamaan ng trahedya, kundi nagtuon na lamang sa ilang lugar na talagang grabeng inubos ng tsunami. At marahil din, di na gaanong tinamaan ng tsunami ang Hanamaki City. Ngunit isang probinsya lang ang layo ng Iwate Prefecture sa Fukushima. Napapagitnaan ng Iwate at Fukushima ang Miyagi Prefecture, kung saan naroon ang Sendai, na unang napabalitang lumubog sa tsunami. Sa mapa, malayo ang Hanamaki City sa dalampasigan, kaya marahil ay di na ito naabot ng tubig. Ngunit di pa rin dapat maging kampante, dahil paano naman ang radyasyon ng nukleyar sa Fukushima, kaya itong ilipad ng hangin.

Ang alaala ng Hanamaki City, ang balita ng tsunami, lindol at pagkasira ng plantang nukleyar sa Fukushima, ang pagkakaisa ng mga Hapones noong Enero 2012 upang ideklara ang Yokohama Declaration for a Nuclear-Free World, mga gunita at isyu itong di dapat balewalain. Dapat nating ikampanya ang isang mundong walang nukleyar, at maghanda sa mga panahong dumating ang mga kalamidad. Bagamat sanay na ako sa kalamidad, na mula pa pagkabata ay lagi nang dinadalaw ng baha ang aming lugar sa Balic-Balic, ang huli ay ang naganap na Ondoy na umabot ng tuhod, di pa rin dapat tingnan na karaniwan lang ang ganitong mga kalamidad. Dahil bukod sa mga nasisirang kasangkapan, may nagbubuwis ng buhay.

Bihira akong umuwi ng bahay dahil sa opisina na ako natutulog. Ngunit nang mangyari ang Ondoy noong Setyembre 26, 2009, agad akong tumungo sa aming bahay sa Sampaloc, at ikinuwento na lang ng aking ama kung hanggang saan ang baha. Paalis na sila noon ng mahal kong ina upang magtungo ng Tondo para magpagamot, kaya tinanong ako kung baha pa ba sa España St., at ang sabi ko'y baha pa. Ngunit mababa na ang tubig sa bandang Vicente Cruz St. Kaya sakay ang owner, nag-iba na lang sila ng direksyon. Kahit ang opisinang tinutuluyan ko ay inabot din ng abot-tuhod na tubig ni Ondoy, buti na lang at wala ako roon nang mangyari, dahil baka kasamang nabasa ang aking passport. Dalawang araw matapos ang trahedyang dulot ni Ondoy, muli akong nangibang bansa, patungong Bangkok, Thailand upang daluhan ang walong araw na kumperensya hinggil sa climate change, at katawanin ang aming organisasyon.

Pumatak ng araw ng Linggo ang Marso 11, 2012, simpleng pagtitirik ng kandila para sa mga biktima ng trahedya sa Japan. Kinabukasan, araw ng Lunes, nakaiskedyul ang rali (solidarity action) namin sa Japanese Embassy upang ipakita ang aming pakikiramay sa mga Hapong biktima ng naganap na trahedya. Sumama ako sa raling iyon at isa sa nanawagang huwag nang buksan pa ang plantang nukleyar. Katunayan, sa isang plakard na ginawa ko ay nakasulat: "Nuclear is Unclear! No to Nukes!"

Ondoy, Pedring, Quiel, Sendong, Fukushima, Sendai, Iwate, nukleyar, tsunami, lindol, climate change - lahat ng ito ay usapin ng kalikasan at kapaligiran (nature and environment). Mga seryosong isyung di dapat balewalain, o basta ipagkibit-balikat na lamang. Kaya kung may pagkakataon, sumasali ako sa mga aktibidad hinggil sa usaping pangkalikasan, lalo na sa usaping climate justice, at kung paano ang ating mga dapat gawin at ikampanya. Bilang karaniwang tao at bilang mamamayan ng mundong ito, paano tayo magkakatulungan? Sa harap ng mga kalamidad na di maiiwasan, paano natin ito haharapin, at anong mga dapat nating gawin bago at matapos itong maganap? Paano tayo mag-a-adapt at magmi-mitigate upang matiyak ang kaligtasan ng mundo? Mga katanungang naghahanap ng katugunan.

Salamat, Kara David, sa iyong ulat. Salamat, Hanamaki, sa karanasan. Salamat, ama't ina, sa taglay kong katatagan. Nagbabalik ang alaala, nagpapaalala. Sa kinakaharap na mga alalahanin sa isyung pangkalikasan at usapin ng kaligtasan ng mundo, dapat na magkatulungan ang bawat bansa at bawat tao upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Dapat tayong maging handa.

Arigato gozaimashita.

Linggo, Pebrero 19, 2012

Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World

Isang taong anibersaryo sa Marso 11, 2012 ng naganap na tsunami sa Japan na nagdulot ng pagkawasak ng maraming buhay at pagkasira ng mga nuclear plant. Dahil dito, nagkakaisang nagpahayag ang mga delegado ng Global Conference for a Nuclear Power Free World na ginanap sa Pacifico Yokohama noong Enero 14 at 15, 2012 para sa isang daigdig na walang nukleyar, sa pamamagitan ng Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World. Ang nasabing kumperensya ay dinaluhan ng 6,000 katao sa unang araw at 5,500 katao sa ikalawang araw, kasama ang 100 international participants mula sa may 30 bansa, na sa kabuuan ay 11,500 katao ang dumalo sa kumperensya.

Ang sumusunod ang nilalaman ng "Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World":

Yokohama Declaration for a Nuclear Power Free World

The 11 March 2011 earthquake, tsunami and related melt down at the Fukushima Daiichi nuclear power plant has led to great suffering for the people of Japan and has increased radioactive contamination across the globe. It has also sounded a warning bell throughout the world about the long-term health, environmental and economic risks of nuclear power.

As with Three Mile Island and Chernobyl, the accident at Fukushima has reminded us once again that nuclear technology is unforgiving and accidents cannot be contained. The situation is not under control as declared by the Japanese Government. The nuclear power plant is still unstable and workers continue to work under life-threatening conditions.

Radioactive contamination is spreading. This is a regional and global emergency. People are either forced to flee with their children or live with unacceptable health dangers and prolonged radiation exposure. In Fukushima prefecture, evidence of radioactive material has been found in the breast milk of mothers and the urine of children. Lives are threatened, including those of future generations. The regional economy has been destroyed.

Every step in the nuclear fuel chain has created Hibakusha, a term initially used to describe survivors of the Hiroshima and Nagasaki bombs, but now used for all victims of radiation exposure. Uranium mining, nuclear weapons testing, accidents at nuclear power plants, and the storage and transport of nuclear waste have all created Hibakusha.

The experience of these Hibakusha around the world is one of secrecy, shame and silence. The right to information, health records, treatment and compensation has been inadequate or denied with excuses of “national security” or due to cost. This lack of accountability is not limited to Japan, but is a problem fundamentally present in the nuclear industry everywhere due to the corrupt relationship between governments and the nuclear industry.

We now stand at a crossroads. We have the choice to break out of the nuclear fuel chain and move towards efficient, renewable and sustainable energy that does not threaten health or environment. For the sake of future generations, it is our responsibility to do so. Turning away from nuclear energy goes hand in hand with nuclear weapons abolition, and will contribute to lasting world peace.

The global solidarity shown towards the people of Fukushima and the spirit of those gathered at the Yokohama Global Conference for a Nuclear Power Free World demonstrates that connections between people are truly what will create the foundations for our future.

We call for:

1. The protection of the rights of those affected by the Fukushima nuclear power plant accident; including the right to evacuation, health care, decontamination, compensation and the right to enjoy the same standard of living as before 11 March 2011;

2. Full transparency, accountability and responsibility of the Japanese Government and the Tokyo Electric Power Company (TEPCO) and the establishment of an independent body to disseminate information to the public to reverse the history of concealing information from the public and releasing contradictory information.

3. Ongoing comprehensive data collection and radiation measurement of humans, food, water, soil and air to inform the urgent and necessary measures to minimise the populations exposure to radiation. Data collection will be necessary for generations and inter-agency governmental undertakings and the support of the international community are required. Corporations that have profited from the nuclear industry should carry their share of the costs.

4. A global road map for the phase out of the nuclear fuel chain – from uranium mining to waste – and the decommissioning of all nuclear power plants. The ‘safety myth’ has been destroyed. Nuclear technology has never been safe and has never survived without massive public subsidies. Renewable energy is proven and ready to be deployed on a decentralised and local scale if only policies to promote it were advanced to support local economies, such as Feed-in-Tariffs.

5. Currently closed Japanese nuclear power plants to not be reopened. Japan’s energy needs can be met by implementation of policies including the Feed-in-Tariff law that has been adopted and the structural separation of ownership of transmission and production of energy.

6. The prohibition of export of nuclear power plants and components, especially to industrialising nations in Asia, the Middle East, Africa and Europe.

7. Support for local and municipal authorities that play an important role in creating a society not dependent on nuclear power. We encourage solidarity between local municipal leaders, regional parliamentarians and civil society to promote strong communities, decentralization, bottom up approaches and an end to economic, racial and gender discrimination.

8. Actions, demonstrations, seminars and media events to be held throughout the world on 11 March 2012 to protest the treatment of the citizens of Fukushima and call for a nuclear power free world.

Based on the above principles, the participants of the Global Conference have launched the “Forest of Action for a Nuclear Power Free World”, containing concrete plans for action. These many recommendations will be submitted as appropriate to the Japanese Government, governments of other nations, the United Nations Conference on Sustainable Development (Rio+20) and so on.

10,000 people came to the Global Conference for a Nuclear Power Free World in Yokohama, and 30,000 watched online. We, the participants are determined to maintain an international network to support Fukushima, cooperation among those affected by radiation through the Global Hibakusha Network, the establishment of the East Asia Non Nuclear Power Declaration Movement, and a network of local municipal leaders and mayors.

15 January 2012
Declared at the Global Conference for a Nuclear Power Free World
Yokohama, Japan

This Declaration was drafted by the Organizing Committee of the Global Conference for a Nuclear Power Free World, and is supported by participants from around the world

Huwebes, Pebrero 2, 2012

Apat na batas sa ekolohiya ni Barry Commoner

APAT NA BATAS SA EKOLOHIYA NI BARRY COMMONER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may apat na batas sa ekolohiyang pamana
si Barry Commoner na kilalang ekolohista
paglimiang mabuti ang mga sinabi niya
tiyak unawa mong ang buhay sa mundo'y kayganda

una, lahat ng bagay sa mundo'y magkakaugnay
may hininga, kumakain, umiinom, may buhay
ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong kamay
di ka man nalasing, kumpare mo ang sumusuray

ikalawa, bawat bagay ay pupunta kung saan
walang nawawala, kundi natatransporma lamang
mula yelo'y naging tubig, ulap ay naging ulan
buto'y naging puno, puno'y sibak, naging tahanan

ikatlo, alam ng kalikasan anong mabuti
upang buhay ng bawat isa sa mundo'y umigi
walang kandilang magulang ang maya't kalapati
ngunit buhay, kumakain, wala kang masasabi

walang libreng pananghalian yaong ikaapat
lahat ay may dahilan kung bakit nariyan lahat
dapat kang gumawa upang makakuha ng sapat
di dapat tumunganga ka lang di ka mabubundat

Linggo, Enero 22, 2012

Rio+20 - “The Future We Want”: Ito ba ang gusto ng masa?

ni Greg Bituin Jr.

Nitong Enero 10, 2012, inilabas na ng United Nations Conference on Sustainable Development (UNCED) ang 19-pahinang dokumentong pinamagatang “The Future We Want”, o Zero Draft. Ang burador na ito ang pag-uusapan ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Rio de Janeiro Brazil, sa darating na Hunyo 20-22, 2012.

Ito’y bilang paghahanda na rin sa ika-20 taong anibersaryo ng Rio Declaration on Environment and Development na naglatag ng Agenda 21, habang sa bansa natin ay ang Philippine Agenda 21 for Sustainable Development. Ibig sabihin ng 21 ay ika-21 Siglo, kung saan kabilang na tayo ngayon. Matatandaang inilunsad noong Hunyo 3-14, 1992 ang Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil at pinag-usapan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa temang “Environment and Sustainale Development” na dinaluhan ng 172 gobyerno, at 108 dito ay mga head of state. Nagresulta ito sa mga dokumentong Agenda 21, ang Rio Declaration on Environment and Development, ang Statement of Forest Principles, ang United Nations Framework Convention on Climate Change, at ang United Nations Convention on Biological Diversity.

Matapos ang 20 taon ng kauna-unahang global environment conference sa Rio de Janeiro, babalik muli ang mga bansa sa Rio upang muling pag-usapan ang hinaharap ng sangkatauhan. Ang tanong ng masa, ito ba ang gusto nila?

Isinama rin sa dokumento na pwede namang makasama ang masa sa usapang ito. Ayon sa dokumentong Zero Draft sa paksang Engaging Major Groups: “17. Sustainable development requires major groups – women, children and youth, indigenous peoples, non-governmental organisations, local authorities, workers and trade unions, business and industry, the scientific and technological community, and farmers – to play a meaningful role at all levels.”

Kung noon ay sustainable development ang sentrong usapin, tampok sa bagong dokumento ay ang Green Economy sa konteksto ng sustainable development and poverty eradication. Ang tanong: Sino ang kokontrol sa Green Economy? Ang mga kapitalistang bansa ba? Muli na naman bang mai-etsapwera ang masa dahil hindi natutugunan ang mga suliranin ng bayan at pag-upak sa kapitalistang sistemang siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan? Ang balangkas ba ng Rio+20 ay makakatulong bang talaga sa masa? Dahil kung hindi, dapat lang ibasura ang dokumentong ito, at gumawa tayo ng parallel na dokumento, kasama ang mga dukha’t manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo para isulat din ang sariling bersyon natin ng “The Future We Want.” Ngunit sa ngayon, repasuhin natin ito dahil tiyak na malaki ang epekto nito sa ating hinaharap.

Martes, Marso 29, 2011

O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan) - ni Anthony Barnedo



O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan)
ni Anthony Barnedo
March 26, 2011



Pumapailanlang ang tinig ng iyong pagtangis
Ang kaluwalhatian mo ay pilit na dinahas
Hinamak ang iyong kagandahan sa isang kumpas
Niyurakan ang dangal, walang awang winasiwas.

Ang puno mo’y itinumba, batis mo’y dinungisan
Ang magsasaka’y natanggalan ng lupang sakahan
Ang mangingisda’y nataboy sa laot ng kawalan
O, Inang Kalikasan, panganib ay nariyan.

Nagdiwang sa pagkamal ng karampot na salapi
Sinisilaw sa pag-unlad, buhay ay binibili
Kaguluhan sa tunggalian ng iisang lahi
Habang ang nagpapayamang uri ay nakangisi.

Walang habas sa pagbungkal, magiting na minero
Tila di alintana pagdaing ng palawenyo
Ano ang papel ng kagalang-galang na gobyerno?
Ang Inang Kalikasan, tuluyan bang maglalaho?

Kayamanan ng Palawan ay yaman nga ng bansa
Di ng dayuhan at negosyanteng hangad ay kita
Sukdulang inangkin, sa perlas niya’y nagpasasa
O, Inang Kalikasan, sa pusod ng kanyang diwa

Martes, Marso 8, 2011

Ang Nakatarak sa Pusod ng Palawan

ANG NAKATARAK SA PUSOD NG PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Palawan, kalikasan, yaman ng buong bayan
Ano't ito'y wawasakin ng mga minahan
Tila walang pakialam sa kinabukasan
Ng kapwa, ng bayan, ng buhay, ng kalikasan

Lalasunin ng mina ang lupang katutubo
Lalasunin upang kapitalista'y tumubo
Tubo'y nag-udyok kahit Palawan na'y maglaho
Sa tubo'y sakim basta't magpatuloy ang luho

Solusyon ba ang pagmimina sa kahirapan
Bakit ito'y papayagan ng pamahalaan
Nang mapunan ba ang bangkaroteng kabang-yaman
Na halos ubusin ng mga trapong gahaman

Kasama ba ang Palaweños sa pagpapasya
Upang Palawan ay masukol ng pagmimina
Hindi, mga Palaweños ay di isinama
Pagkat batid ng maypakanang tatanggi sila

Sa pusod ng Palawan ngayon na'y nakaumang
Ang matalas na patalim nilang mapanlamang
Nang dahil sa tubo, kanila bang nalalamang
Buhay nati'y wawasakin nilang mga halang

Lalasunin ng pagmimina ang mga tanim
Wawasakin ng mga sakim ang puno't lilim
Gutom, sakit, masa'y mapupunta na sa dilim
Pagkawasak ng Palawan ay ating panimdim

Pagmimina'y sadya ngang karima-rimarim
Pagkat idudulot nito sa bayan ay lagim
Huwag nating pabayaan silang mga sakim
Na sa likuran tayo'y tarakan ng patalim

Sa pusod ng Palawan, ang pagmimina'y banta
Sa buhay ng masa, magsasaka't manggagawa
Gawin natin anumang tulong na magagawa
Tulad nitong panawagang sampung milyong lagda

(May proyektong 10 million signatures campaign ang Save Palawan Movement, Alyansa Tigil Mina [ATM], at ABS-CBN Foundation, Inc., upang itigil ang pagmimina sa Palawan.)

Biyernes, Nobyembre 19, 2010

Aktibista at Ilog

AKTIBISTA AT ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"The activist is not the man who says the river is dirty.
The activist is the man who cleans up the river."

puna ng puna, wala namang ginagawa
upang problema'y malutas at maapula
puna ng puna, mahilig lamang ngumawa
wala namang alternatibang hinahanda

pinupuna ang pamahalaang inutil
dahil ito'y dahilan daw ng mga hilahil
marami nang buhay ang nawala't kinitil
paano bang sistemang ganito'y mapigil

halina't pagmasdan, marumi na ang ilog
kapara'y basura, ang tubig nito'y lamog
sa nangyari'y kailan tayo mauuntog
nang maunawaang ilog na'y nadudurog

napagmasdan ito ng mga aktibista
hinanap ang puno'y dulo ng problema
linisin natin ang ilog para sa masa
upang ang duming ito'y di na lumala pa

sino ba ang nagdurumi, ralihan natin
mga pabrikang nagdurumi'y patigilin
mga nagtatapon sa ilog ay awatin
pagsabihang ito'y huwag nang uulitin

ilog na ito'y mananatiling basura
kung walang ginagawa tayong aktibista
halina't kumilos na tayo't magkaisa
upang maruming ilog ay malinisan pa

Huwebes, Pebrero 25, 2010

Bakit Kailangang Luminis ang Tubig sa Ilog

BAKIT KAILANGANG LUMINIS ANG TUBIG SA ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit kailangang luminis ang tubig sa ilog
nais ko ng kasagutan kahit na di matayog
sa katugunan naman ay di tayo malalamog
ang masasabi ko'y dapat tayong maging malusog
upang di masira yaong katawan at alindog
ng mamamayang ang buhay sa mundo'y laging lubog
sa utang at kahirapang sa puso'y dumudurog
kabutihan ng kalikasan ang dapat mahubog
malinis na tubig sa ilog siya nating handog
sa kinabukasan ng bayan nating iniirog

Linggo, Nobyembre 22, 2009

Kalikasan - ni Erica ng Caloocan

mula sa multiply ni erica ng caloocan:
http://emjim.multiply.com/journal/item/7/Kalikasantula_sa_pinoy?replies_read=1

Kalikasan

(Sit-si-rit-sit)

Kalikasa’y ating pag-ingatan,

Nang magamit sa kinabukasan.

Likas na yaman ating mahalin,

Ito’y para sa atin din.

Kalikasan ay magandang tunay,

Na nagbibigay sa ‘tin ng buhay.

Nang inabuso ng mga tao,

Ang kapaligiran ay yumao.

Kalikasan lubos na nawasak,

Kaya tayo’y sa dusa nasadlak.

Ito’y dahil sa ating kapabayaan,

Tayo na’t gumawa ng paraan.

Kalikasan ating alagaan,

Panatilihin ang kagandahan,

Kalikasan ating payabungin,

Nang ang Diyos Ama ay sumaatin.

Biyernes, Nobyembre 13, 2009

Utang kay Inang Kalikasan

UTANG KAY INANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sadyang kayrami na ng utang
natin kay inang kalikasan
kinalbo na ang kabundukan
at puno'y di pa pinalitan

di maalalang pagtaniman
ang kanilang pinagputulan
nais lang nilang pagtubuan
ang mga punong naririyan

kaya pag may nangyaring sigwa
at buong bayan ang binaha
na lumunod sa mga dukha
sisisihin pa'y maralita

gayong sila'y kaawa-awa
wala na ngang sariling lupa
sa kabuhayan pa'y walang wala
tinataboy pang parang daga

ang nais ng mamumuhunan
ay kung paano pagtubuan
ang ating mga likasyaman
at wala silang pakialam

sa ating Inang Kalikasan
kaya sino ba ang may utang
sa pagwasak sa kalikasan
ang mahirap o ang mayaman

tayo rin ang makasasagot
sa tanong na itong sumulpot
sino ba ang dapat managot
sa nangyaring delubyong salot

yaon bang mga mapag-imbot
sa yamang nais makurakot
o dukhang sa puso'y may kirot
pagkat buhay ay isang dakot

Karapatan at Kalikasan

KARAPATAN AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tayong tao raw ang tagapangalaga
nitong kalikasang bigay ni Bathala
ngunit ngayon tayo'y tagapangasiwa
nasa diwa'y tubo sa pamamahala

"yaong mga puno'y sibaking tuluyan
gawin nating troso upang pagtubuan
at nang mga ito'y maging kasangkapan
at malaking ambag pa sa kaunlaran"

at ang dugtong pa ng kapitalista:
"itapon sa dagat ang mga basura
na pawang nalikha sa ating pabrika
at nang makatipid sa tuwi-tuwina"

"pati mga usok, itaboy sa hangin
itapon ang dumi sa may papawirin
mga dagdag karbon pa'y ating sunugin
ito nama'y para sa pag-unlad natin"

sadyang kawawa na itong kalikasan
winawasak para lamang pagtubuan
di na iniisip ang kinabukasan
kundi tubo, tubo, tubo lamang

karaniwang tao'y laging nagtatapon
ng mga basura dito, diyan, doon
kung saan-saan lang, tila sila maton
di na iniisip ang mahihimaton

karapatan natin ang pangalagaan
itong kalikasan at kapaligiran
at di karapatang gawing basurahan
itong mundong ating pinaninirahan

Sala sa Init, Sala sa Lamig

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sala sa init, sala sa lamig
tag-araw ngunit nangangaligkig
sa ginaw ang butong nanginginig
para bang yelo ang dinadaig

sala sa lamig, sala sa init
ang panahon ay nakakabwisit
ang buhay natin ay nasa bingit
tayo'y tiyak nang magkakasakit

dahil nagbabago na ang panahon
kaya marami'y nagkakasipon
nagbabaga ang araw kahapon
at biglang taglamig naman ngayon

dapat nating pag-aralan ito
bakit nangyayari ang ganito
bakit panahon ay nagbabago
at marami tayong apektado

sala sa lamig, sala sa init
buhay na'y nagkakasabit-sabit
imbes maalwan, pulos pasakit
parang sistema'y wala nang bait

sala sa init, sala sa lamig
dahil daw ito sa global warming
tayo ngayon ay dapat makinig
nang klima'y di tayo malupig

dapat natin itong intindihin
nang malaman din ang dapat gawin
pagkat kayhirap itong tiisin
lalo na ng mga anak natin

at kung di tayo kikilos ngayon
kawawa ang bagong henerasyon
alamin kung ano't sinong rason
at pagbayarin ang mga iyon

Tres Singkwenta (350ppm)

TRES SINGKWENTA (350ppm)
(350 parts per million)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tatlong daan limampung bahagi bawat angaw
ang umano'y antas na ligtas ang mundong saklaw
na ng karbong nanunuot sa lupang ibabaw
ngunit di lamang ito numerong paimbabaw

pagkat ang tres singkwentang bahagi kada milyon
ang siyang antas ayon sa mga aghamanon
na siyang ating dapat na pagtuunan ngayon
nang masagip ang atmospera sa mga karbon

pag yaong karbon sa antas na ito'y lumampas
ating atmospera'y tuluyan nang mabubutas
krisis na ang klima, baka tayo na'y maagnas
at wala nang kahapong sa mundo'y mababakas

palilipasin ba natin ang pagkakataon
na tayo'y maaaring may magawa pa ngayon
kaysa tumunganga't pabayaan lang mabaon
sa limot at karbon ang masasayang kahapon

habang pinag-aaralan natin ang lipunan
aralin din ang kalagayan ng kalikasan
na unti-unti nang winawasak ng puhunan
mismong mundo ang kanilang pinagtutubuan

tandaan: tres singkwentang bahagi kada milyon
o kaya'y ang numerong mas mababa pa roon
tulad ng bago mag-Industrial Revolution
ang tanong: maibabalik pa ba ang kahapon

Katarungang Pangkalikasan

KATARUNGANG PANGKALIKASAN
(Climate Justice)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

umiiyak ang maraming kaluluwa
na gumagala pa sa sangkalupaan
bakit ganito raw ang ating sistema
at winawasak pa itong kalikasan

di ko alam kung anong dapat isagot
sa ninunong kaytindi ng mga tanong
ah, bakit nga ba ganito ang inabot
sagot ko'y sa sarili lang binubulong

ang delubyo ba'y isang paghihiganti
pagputok ng bulkan ba'y tanda ng galit
kalikasan kung mapoot ba'y kaytindi
kaya may global warming, mundo'y nag-init

pagkaalam ko'y ang mayamang hilaga
yaong nagdulot ng ganitong sistema
kaya maraming bansa ang naging dukha
pagkat taga-hilaga ang nag-okupa

nang dahil sa tubo'y walang pakialam
kung anong mangyayari sa ating mundo
nagmina, nagkalbo, itatayo pa'y dam
tanging alam nila'y tubo, tubo, tubo

sumigaw ang kalikasan ng hustisya
pagbayarin lahat ng may kagagawan
hustisya para sa apektadong masa
dapat makakalikasang katarungan

Ang Mundo sa Kalan

ANG MUNDO SA KALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Ang ating mundo'y tila ba nasa kalan
Pagkat ito'y nag-iinit ng tuluyan
May global warming na dito sa silangan
At pati na sa buong sandaigdigan

Anong dapat nating gawin sa problema
Lalo't apektado'y ang lahat-lahat na
Kalikasan, kapaligiran, ang masa
At pati na ekonomya't pulitika

Nag-iinit ang mundo dahil nabutas
Ang atmospera sa dami na raw ng gas
Ang mga tao'y saan kaya lilikas
Pag nagpatuloy itong masamang landas

Sino bang naglagay ng mundo sa kalan
Yaon bang mahihirap o mayayaman
Sinong dapat sisihin ng mamamayan
Kung ang kalikasa'y masirang tuluyan

Ang mga pabrika ng kapitalista
Ay panay na usok ang ibinubuga
Coal power plant ang pinaaandar nila
Panay luho lang ang mga elitista

Tila ang burgesya'y walang pakialam
Ayaw hanguin ang mundong nasa kalan
Mga elitista'y walang pakiramdam
Kahit masira man itong kalikasan

Katwiran nila'y di agad apektado
Yaong tulad nilang mayayaman dito
Pabayaan daw ang karaniwang tao
Na mamatay sa pag-iinit ng mundo

Kung magsalita'y parang walang daigdig
Silang tahanan kaya ayaw palupig
Ngunit tayong karaniwan ay titindig
Hanggang silang elitista na'y manginig

Karaniwang masa'y dapat nang magsama
Mag-aklas na tayo laban sa burgesya
Palitan natin ang bulok na sistema
Maghanda nang gibain ang dibdib nila

Ang bawat laban ay ating paghandaan
Dapat nang magwagi sa mga gahaman
Mundo'y di dapat manatili sa kalan
Kaya ito'y ating hanguing tuluyan

Niyebe sa Perlas ng Silangan

NIYEBE SA PERLAS NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano kaya kung umulan ng niyebe
marahil magtatampisaw rito'y marami
ngunit tiyak tayo'y magugulantang dine
ang tanong natin: paano ito nangyari

kung magkaniyebe sa perlas ng silangan
tayo ba'y uunlad na tulad sa kanluran
bansang may niyebe'y maunlad kadalasan
tulad ng sa Amerika't Europang bayan

ngunit niyebe'y di taal sa ating bansa
sari-sari na ang iisipin ng madla
may magsasabing magbago ang masasama
kaya ang bansang ito'y agad isinumpa

ngunit bakit ba magkakaniyebe rito
gayong tayo'y isang bansang nasa tropiko
kayganda ng panahon at di nagyeyelo
at ang ating bansa'y nasa gitna ng mundo

yaong bansang nasa dulo ang kaylalamig
sagad sa yelong sadyang nakapanginginig
magsasalita ka'y umaaso ng bibig
nanunuot ang ginaw sa laman at bisig

pag nagkaniyebe rito'y krisis ang klima
lagay ng panahon ay pabago-bago na
mababagong tiyak ang lakad sa pabrika
pati na sa mga kumpanya't opisina

mababagong tiyak ang ating pamumuhay
sa bagong klima'y baka di pa makasabay
marami'y hirap kung paano aagapay
kahit maaring malagpasan itong tunay

kung sakaling may niyebe sa ating bayan
aba'y agad alamin kung anong dahilan
ito'y talakayin at agad pag-usapan
bago pa ito magdulot ng kamatayan

Tayo'y Iisang Daigdig

TAYO'Y IISANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Tayo'y nasa iisang daigdig
Na dapat punuan ng pag-ibig
Sa pag-asa tayo ay sumandig
Puso't diwa ang ating kaniig

Bakit ba tao'y nagpapatayan
Imbes na problema'y pag-usapan
Bakit nais lagi'y mag-initan
Imbes na sila'y naggagalangan

Anuman ang ating lahi't kulay
Tayo'y magkakapatid na tunay
Sa anumang problema'y kadamay
Bawat isa'y dapat maging gabay

Bawat isa'y ating irespeto
Lalo ang karapatang pantao
Pagkat iisang daigdig lang tayo
Magmahalan na ang buong mundo

Nagbabagang Taglamig, Nagyeyelong Tag-araw

NAGBABAGANG TAGLAMIG
NAGYEYELONG TAG-ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nagbabagang taglamig, nagyeyelong tag-araw
tila baligtad na ang dito sa mundo'y galaw
yelo sa dulong mundo'y tuluyan nang nalusaw
umangat na ang tubig, mga lupa'y nagsabaw

nagyeyelong tag-araw, nagbabagang taglamig
ano na ang nangyayari sa ating daigdig
tag-araw nga ngunit kayraming nangangaligkig
at sa tag-ulan ay kay-init ng dinidilig

sinong dapat sisihin sa nangyayaring ito
ang may gawa ba nito'y tadhana o ang tao
o kasalanan ng sistemang kapitalismo
ngunit tiyak dapat na may mananagot dito

apaw ang ilog, barado pati mga kanal
pati namamahala ng dam ay tila hangal
kung anu-ano na lang ang ating nauusal
pagkat di matukoy kung sino ba ang kriminal

anong mangyayari sa sunod na henerasyon
kung tila tayo rito ngayon na'y nilalamon
ng delubyo, baha, at kung anu-ano pa iyon
gusto ba nating basta na lang tayo mabaon

nagbago na ang kalagayan ng ating mundo
dahil nalulusaw na sa hilaga ang yelo
apaw na rin ang tubig sa kalupaan dito
butas na rin ang atmospera ng mundong ito

kaybigat ng kinakaharap na suliranin
kaya sadyang kailangang agad talakayin
at pag-usapan na ang nangyayari sa atin
ating alamin ang mga nararapat gawin

bawat bansa't mamamayan dapat magtulungan
panahon na ito ng totoong bayanihan
kung hindi ngayon, pagkilos pa ba ay kailan
walang ibang panahon, ngayon na, kaibigan

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
ang produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
pagkat mga puno'y dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
itong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin

Lawa at Tahanan

LAWA AT TAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pinatay nyo kami pag pinatay ang lawa
Malinaw na sabi ng mga mangingisda
Tulad din ng tahanan naming maralita
Pag dinemolis parang pinatay ang dukha.

Igalang nyo naman ang aming karapatan
Sa maayos at disenteng paninirahan
Kapag ito'y pinilit agawin ninuman
Maghahalo na ang balat sa tinalupan.

Pag tuluyan nyong winasak ang aming bukas
Buhay namin ay unti-unti nyong inutas
Di kami payag ganito ang maging landas
Gaganti kaming tiyak kami'y paparehas

Kaya ang lawa'y huwag gawing basurahan
Pagkat pagkain natin iyan ang kuhanan
Lawa't kalikasan ay ating alagaan
At labanan ang sinumang sisira niyan

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
na mga puno rito habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Kapitalismo'y Laban sa Kalikasan

KAPITALISMO'Y LABAN SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ang kapitalismo'y laban sa kalikasan
Ito ang sistemang sumira ng sagaran
Sa ating mundo, pagkatao, karangalan
At sa buhay ng karaniwang mamamayan

Nang dahil sa tubo, unti-unting sinira
Ng kapital ang kalikasang lumuluha
Ang nagpapasasa dito't kumakawawa
Ay mga kumpanya at tao sa hilaga

Nang dahil sa tubo, kung saan-saan sila
Nagtatapon ng kanilang mga basura
Ginagawang tambakan ang kalapit nila
Walang pakialam kung makakasira na

Sa tubo nabubuhay ang kapitalismo
Na isang sistemang sadyang salot sa mundo
Pinapatay nitong unti-unti ang tao
Ito'y walang pakialam kahit kanino

Sinakop ang mga bansa upang nakawin
Ang likas na yaman ng mga bayan natin
Ginahasa nila ang kalikasang angkin
At mamamayan pa'y kanilang inalipin

Kaya ibagsak natin ang kapitalismo
Na yumurak na sa dangal ng bawat tao
At sumira pa sa daigdig nating ito
Magkaisa na ang mamamayan ng mundo

Makibaka para kay Inang Kalikasan

MAKIBAKA PARA KAY INANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't inyong pakinggan ang panawagang
makibaka para kay Inang Kalikasan
magsama-sama ang lahat ng mamamayan
upang maapula ang mga kasiraan

nararamdaman natin ang sakit ni ina
nadadamay rin tayong mga anak niya
dahil pag si ina'y nawalan ng hininga
tayong naririto pa'y tiyak magdurusa

ating durugin lahat ng may kagagawan
ng pagkasira ng likas nating tahanan
makibaka para kay Inang Kalikasan
siya'y ating patuloy na pangalagaan

pag ang kalikasan ay tuluyang nasira
at si Inang Kalikasan na ay nawala
paano na tayong narito pa sa lupa
tiyak tayong lahat dito'y kaawa-awa

kaya ngayon pa lang atin nang alagaan
itong ating nag-iisa't tanging tahanan
at suriing mabuti ang mga dahilan
nang sa gayon ito'y ating masolusyunan

gibain natin ang anumang mekanismo
na unti-unting sumira sa ating mundo
maraming nagsasabing dahilan daw nito
ay ang bulok na sistemang kapitalismo

dahil sistemang ito'y walang pakialam
sa kapwa tao kundi sa tutubuin lang
kalikasan ay sinira ng mga gahaman
na iniisip lang ay pawang karangyaan

kaya nga dapat mabago na ang sistema
upang sistemang bulok ay mapalitan na
kung di tayo kikilos ngayon, kailan pa
halina't magpatuloy sa pakikibaka

Biyernes, Agosto 21, 2009

Laiban Dam, Tutulan

LAIBAN DAM, TUTULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

(binasa ang ilang bahagi ng tulang ito sa environment forum na ang paksa'y ang balak na pagtatayo ng Laiban Dam at ang pagtutol ng marami sa prouektong ito, noong Agosto 21, 2009 ng tanghali sa Kamayan Edsa)

Proyektong Laiban Dam ay para lang
Sa pagpapayaman ng iilan
Ito'y di para sa kalahatan
Kundi sa tubo ng kalakalan.

Ang Laiban Dam ay dapat tutulan
Pagtayo nito'y ating labanan
Ang kalikasan ay alagaan
Pati katutubong mamamayan.

Ito'y hindi lang lokal na isyu
Kaya huwag tumahimik dito
Pagkat tayong lahat apektado
Di lang ang nasa paligid nito.

Ang tubig ay ating karapatan
Hindi lang ng nasa kalunsuran
O narito sa Kamaynilaan
Higit pa'y sa tagalalawigan.

Laiban Dam ay hindi kailangan
Ito'y dapat nating mapigilan
Para sa ating kinabukasan
At sa kinabukasan ng bayan

Sulyap sa Kalikasan

SULYAP SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Nang magkapulmonya ang daigdig
Dama natin ang kanyang kaligkig
Apektado tayo't nanginginig
Dahil climate change ay lumalawig

Kahit tag-araw ay umuulan
Nagbabaha lagi sa lansangan
Basura'y nagkalat kahit saan
Puno'y unti na sa kagubatan

Tumaas ng ilang sentimetro
Ang tubig dagat sa buong mundo
At natutunaw na raw ang yelo
Ah, mabuti't di pa metro-metro

Ang tag-init ay naging taglamig
Kayrumi pa rin ng Ilog Pasig
Dito'y ano ba ang ating tindig
Sa pagkasira'y sinong uusig

Bakit naghihingalo na ang lupa
Sa kaunting ulan bumabaha
Dahil ba tayo'y naging pabaya
Sa mundo'y di na mapagkalinga

Ang tao pa ba'y nakababatid
O sa atin pa ba'y nalilingid
Na panay usok ang himpapawid
Na kagagawan natin, kapatid

Paano tayo nito kikilos
Kung sa isyung ito'y tayo'y kapos
Dapat nating unawaing lubos
Ang iba't ibang isyu ng signos

Ang ganitong problema'y di biro
Kaya kilos na't huwag susuko
Nang lupa'y di tuluyang gumuho
At mundo'y di ganap na maglaho

Mundo'y nagkasugat ng tuluyan
Ngunit maghilom ma'y balantukan
Dapat kumilos ang taumbayan
Upang magamot ang kalikasan

Pagkat walang mag-aayos nito
Kundi tayong nakatira rito
Kaya halina't kumilos tayo
Para sa iisa nating mundo

Mahalin Natin ang Kalikasan

MAHALIN NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mahalin natin ang kalikasan
pagkat isa lang ang ating mundo
kung ito'y ating pababayaan
tiyak magiging kawawa tayo

papayag na ba tayong mawala
ang mundong kinalakihan natin
papayag na ba tayong masira
itong daigdig na sadyang atin

hindi, huwag, pagkat kawawa lang
ang bukas ng ating mga anak
at huwag pabayaan sa hunghang
baka mundo'y lalong mapahamak

alagaan natin ang daigdig
ito'y huwag nating pabayaan
pagkat ito'y pugad ng pag-ibig
ng marami nating mamamayan

Martes, Nobyembre 18, 2008

Usapang Isda

USAPANG ISDA
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

Martes, Nobyembre 11, 2008

Puno at Bunga

PUNO AT BUNGA
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bunga'y ang iyong ginawa
At dahon lamang ang salita
Itong sanga yaong adhika
Habang ugat nama'y panata.
Ang buong puno'y siyang diwa
Kasama ng katas at dagta
Ng bungang nais mong mangata.

Diskriminasyon at Losyon

DISKRIMINASYON AT LOSYON
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaytindi ng diskriminasyon
Kahit sa patalastas doon
Sa dyaryo, radyo't telebisyon
Upang pumuti ka'y mag-losyon.
Maputi'y gumanda ang layon
At kayumanggi'y pangit doon.
Di ba't iya'y diskriminasyon?

Dayukdok sa Usok

DAYUKDOK SA USOK
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit sa bisyo ninyong usok
Ay tila kayo'y nadayukdok
Kapara nito'y hanging bulok
O tambutsong sumusulasok.
Kung tila titigil ang tibok
Ng puso't sumakit ang batok
Aba'y tigilan ang pausok.

Linggo, Nobyembre 2, 2008

Dyenosidyo ng mga Binhi

DYENOSIDYO NG MGA BINHI
(isang tula laban sa gentically-modified organism)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Ano bang nangyayari sa sandaigdigan
Bakit pati selula'y pinakialaman
Ginawa ba nila'y sagot sa kagutuman
O ito ba'y kagaguhan at kahangalan?

Bakit kailangang baguhin ang selula
Para bumilis daw ang paglago ng bunga
Nitong puno, halaman, hayop at iba pa
Upang matugunan daw ang gutom ng masa?

May nagsasabing sagot sa kalam ng tiyan
Ay retokehin na yaong pinagkukunan
Ng pagkain mula gubat at kabukiran
Nang di magkulang ang nasa hapag-kainan.

Ngunit wala naman itong kasiguruhan
Kung genes ng lamok ilalagay sa halaman
At wala na ring buto ang ibang dalandan
Kaya binhing pantanim ay mababawasan.

Ang paniniwala nila'y di ko mawari
Pagkat sila nga'y puno ng pagkukunwari
Kung sino raw ang may kontrol ng mga binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari.

At bayani raw silang dapat maturingan
Gawa daw nila'y sa ngalan ng kaunlaran
Binalewala na ang mga karapatan
Ng magsasakang bumubuhay sa lipunan

Kailangang bilhin na nitong magsasaka
Ang mga binhi sa kumpanyang nagbebenta
Pagtatanim ng binhi'y di na basta-basta
Pagkat binhi'y kontrolado na ng kumpanya.

Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi
Na pakana nitong mga kumpanyang imbi
Binhi'y inuubos na nilang unti-unti
Sa lupang sakahan ng iba't ibang lahi.

Tanging alam kong nag-uudyok sa ganito
Ay dahil ang sistema pa'y kapitalismo
Kung paano tutubo ang tanging motibo
Ng kapitalistang tulad nitong Monsanto.

Kapag pinayagan nating magpatuloy pa
Ang pinaggagawa ng ganitong kumpanya
Tiyak na ang tao'y sa kanila sasamba
Pagkain at sistema'y kontrolado nila.

Tandaang tinurang prinsipyo nilang imbi
Na kung sino raw ang may kontrol nitong binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari
Nagaganap na ang dyenosidyo ng binhi.

Halina't magpatuloy sa pakikibaka
Laban sa sistemang nagbunsod nitong dusa
Dyenosidyong ito'y dapat mapigilan pa
Tayo'y magkaisang baguhin ang sistema.

Huwebes, Oktubre 23, 2008

Patak sa Gripo

PATAK SA GRIPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Tik-tak-tik, iyo pa bang nababatid
Tubig ay ginto sa bawat kapatid
Tik-tak-tik, sahurin natin ang tubig
Pagkat kung ito'y tuluyang masaid
Tik-tak-tik, uhaw ay di mapapatid.

Pulitiko at Plastik

PULITIKO AT PLASTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Plastik ay sadyang kayrami na
At lagi na lang bumabara
Sa kanal ng mga kalsada
Pulitiko'y kanyang kagaya.
Minsanan lang ang gamit nila
At sa mundo sila'y tambak na
Huwag silang paramihin pa.

Linggo, Oktubre 19, 2008

Sa Bata Ba'y Isa Kang Halimbawa? - ni GBJ

SA BATA BA'Y ISA KANG HALIMBAWA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Bata pa tayo'y tinuruang
Huwag magtapon saan-saan
Paglaki'y naglahong tuluyan
Itong ating pinag-aralan.
Kung turong ito'y nalimutan
Ngayon nga'y ating pag-isipan:
Bata'y paano tuturuan?

Kayrumi na ng Karagatan - ni GBJ

KAYRUMI NA NG KARAGATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kayrumi na ng karagatan
Pagkat ginawang basurahan
Mga plastik ay naglutangan
At isda'y nagkakamatayan.
Tayo'y dapat nang magtulungan
Upang di dumuming tuluyan
Ang mahal nating karagatan.

Magdilig Lagi - ni GBJ

MAGDILIG LAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Diligan ang mga halaman
Lalo na kung hindi tag-ulan
Baka ito na'y matuyuan
At malanta na ng tuluyan.
Kung tayo'y maraming halaman
Ito'y ambag sa kalusugan
Kaya't ito'y laging diligan.

Ang Gamit ng Tubig - ni GBJ

ANG GAMIT NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ang tubig sa batis at gripo
Sa paggamit nama'y pareho
Inumin nitong bawat tao
Ngunit may kaibhan din ito:
Una'y di kalakal ng tao
At ang isa nama'y produkto
Pinagtutubuan ang gripo.

Kaytindi na ng Polusyon - ni GBJ

KAYTINDI NA NG POLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

O, kaytindi na ng polusyon
Ang hangin nati'y panay karbon
Nakasusulasok sa ilong
Nakakawawa itong nasyon.
Hanapan natin ng solusyon
Na hangi'y malinisan ngayon
Nang maibsan na ang polusyon.

Ang Pangkalikasang Edukasyon - ni Greg Bituin Jr.

ANG PANGKALIKASANG EDUKASYON
(Nilikha at binasa sa Kamayan Environment Forum, Oktubre 17, 2008, Biyernes, na ginanap sa Kamayan Edsa, malapit sa SEC, na ang paksa'y Edukasyon at Kalikasan, at dinaluhan ng 40 katao.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Kailangan ng edukasyon ng buong bayan
Ng mga isyu at usaping pangkalikasan
Sa gayo'y mamulat ang maraming mamamayan
Na ang kalikasan pala'y dapat alagaan.

Tayong mga dumadalo dito sa Kamayan
Iba't ibang kuru-kuro'y nagbabahaginan
Sa mga isyu'y marami tayong natutunan
Sa mga nagtalakay na makakalikasan.

Kaya nga't sa ating pag-uwi sa ating bahay
Ibahagi ito sa mga mahal sa buhay
Sa mga kumpare, kaibigan, kapitbahay
Ito sa kalikasan ay maganda nang alay.

Kaya't pakahusayan natin ang edukasyon
Hinggil sa kalikasan at gawin itong misyon
Upang maraming masa'y matuto sa paglaon
At malaki nang ambag ito para sa nasyon.

Tikatik Ng Ulan - ni Raul Funilas

Tikatik Ng Ulan
ni Raul Funilas

Kahit ako, hindi ko alam ang aking pinagmulan,
Sinasabing ako’y galing sa balong sintanda ng daigdig.

Pawis ng nagbabagang araw na maghapong napagod
Sa paniniya ng nagbahagharing kulay sa nagtungkong ulap.

Hamog na handog at kipkip-kalupkop ng buong magdamag,
Singaw ng bulkang nayayamot sa asupreng mainit na kinalong.

Tamod ng dagim na alapaap na kinakatalik ang suso ng kabundukan
At luha ng langit na laging nagluluksa sa paninigwada ng himpapawid.

Ang alam ko, noong ako’y isang tikatik na ampiyas;
Natutuwa ang tigang na lupa at nagsasaya ang mga ugat ng puno.

Hanggang ako’y pawalan ng selosang ulap na yakap ng habagat,
Nilunod ko ang kabundukang gumugulo sa tining at linaw ;
Patuloy na dumaloy sa bikilang dahilig upang lumatag sa dagat.

Ako’y walang sawang hinihiwa ng sari-saring bangkang malaki’t maliit
Na ang mga nakalulan dito’y walang sawang nagdadagan ng mga libag.
Hindi iisang buntunghininga ang hinugot at umilambo sa aking paghihirap,
Naglalamat na ang aking kristal nang bulungan ko ang alimpuyong bagyo.

Lambalan naming sinalasa ang kapaligiran upang ipadamang ako’y nagtatampo,
Subalit bingi ang lahat nang sa aki’y nakikinabang;
Patuloy silang kumakalawkaw sa naipon kong tubig:

Sa tabo,
Sartin,
Lumbo,
Timba,
Balde,
Kanal,
Sanaw,
Tapayan,
Dram,
Balon,
Sapa,
Batis,
Ilog,
Lawa,
At minsa’y sa dinasalang agua bendita.

Ginamit ako sa paghuhugas ng kasalanan
Samantalang ako’y hindi nila hinahango
Sa maruruming kanal ng kanilang pagkakasala.

Linaw Ng Tubig - ni Raul Funilas

Linaw Ng Tubig
ni Raul Funilas

Ang aking salita ay isang gulong
Ng along nakapinid na alaala
Na siyang nag-iingat sa dalampasigan
Ng ating mga nakalipas.

Ako ay lumapit sa iyo at ibinulong
Ang ginintuang pangako sa iyong pananalig,
Ikaw ay nagpaubaya ng kapangyarihan
At kaluwalhatian.

Kakapiraso pang pangako ang aking ginagap—
Subalit higit kang nagging mapagbigay
Sa aking matinding pagkauhaw.

Tunay na walang hihigit pang alay
Sa tulad ng iyong hangaring:
Ginagawang labing nauuhaw ang aking buhay
At dinadalisay mong maging isang bukal.

Ditto nakasalalay ang aking karangalan at ang gantimpala,
Na tuwinang paparoon ako sa bukal upang uminom;
Natatagpuan kong nauuhaw din ang malinaw na tubig—
Nilalagok niya ako at tinutungga ko naman siya.

Pangako Ng Lupa - ni Francisco Monteseña

Pangako Ng Lupa
ni Francisco Monteseña

I
Ikaw na kumikilala sa akin,
Asahan mong hindi ko buburahin
sa aking mukha ang iyong kalinga
Bawat pitak ko’y pilak sa himaymay
na pinagpala ng iyong mga kamay.
Ang bawat pananim na kumakaway
ay bunga ng iyong pag-agapay…salamat.
Ikaw na karaniwang tao
ay hindi karaniwan ang adhikang
mahalin ako ng may pakikibaka.
Nag-iisa ka lamang na nakikita
ang ganda ng aking kabuuan;
Na ang pagkilala sa akin
ay hindi putik lamang.

II
Sa aking pagyaman,
ikaw ay aking sasamahan.
Sa aking pagyabong,
ikaw ay hindi kalilimutan.
Hindi mo man ngayon anihin
ang lahat ng magiging supling
na iyong itinanim sa akin,
Iyo nang pakasiguruhin
Na ang pagpapala ko
Bukas ay kakamtin.

Hinaing Ng Punong Saging - ni Francisco Monteseña

Hinaing Ng Punong Saging
ni Francisco Monteseña

Wala na nga siguro, wala.
Walang maipagmamalaki
sa mga katulad ninyong malakas,
matayog, mayabong, mayabang;
ang tulad kong maliit, malambot, mahina.
Madalas ninyong ipakitang hindi kayo
natatakot sa lakas ng hangin,
sa bagyo mang darating. Matibay ang inyong
mga sangang hindi kayang hapayin ng ihip,
ng tikatik, ng anumang pagngangalit.
Kayo ang taal na likhang nakaugat sa lupa,
matatag, kaya abot langit ang tiwala
sa sarili. Nakalimutan ninyo lamang
na sa lahat ng punong likha,
ako lamang ang natatanging
may puso.

5/15/06

Sa Pook Na Ito - ni Francisco Monteseña

Sa Pook Na Ito
ni Francisco Monteseña

Sa pook na ito’y paliit nang paliit
ang sakop ng tanaw. Tunaw
ang landas ng agam-agam.
Sa gunam-gunam ay laro lamang
ang minsang pagdaiti
ng ating kapalaran.
Wala ka na sa pook na ito,
di ko na nadatnan.Di ka na
nakapaghintay sa sumpang tipanan.
Nagsawa na sa pamumulaklak
ng halakhak ang mga lambak
na pinadaus-usan ng ating kamusmusan.
Nakitil sa hilahil ang kaparangan
ng ating pangarap. Hanggang
ang pook na ito’y maging bilangguan
ng mga alaala. Kapos sa luwag
sa pagsisiksikan ng di mabilang
na pangakong sana ay magtatapos
sa aking pagbabalik at sa iyong
paghihintay. Ay! nakapanghihinayang.

7/13/06

Pamamaybay - ni Francisco Monteseña

Pamamaybay
ni Francisco Monteseña

Kung ako ay isang anod ng tubig
na layon ay sa iyo sumanib,
dadaloy ako nang tahimik. Ayaw kong
dumating nang paragasa na may batong
madudurog o may dahong makakasama
sa pag-anod. Darating ako sa iyong kabuuan
nang payapa, halos di mo alam.
Sasanib sa iyong karagatan, magiging malaya
sa kabuuan ng aking pagyakap.
Batid kong malayo pa ang paglalakbay;
May mga kababawan sa pagdaloy,
ngunit titiyaking makatwiran ang paglulunoy
at sa batisang dalisay mamamaybay.
Sa pagsanib sa iyo ay magwawakas
na ang lumbay. Kuyumin man ng hahadlang
ay tutulas ako at tutuklas ng butas;
Walang makakaharang sa pagwisik
ng tanging layuning ikaw ay gisingin
ng aking pagdating at ako ay salubungin
hanggang tayo ay tuluyang maging isa.

Laguna Lagoon - ni Francisco Monteseña

Laguna Lagoon
ni Francisco Monteseña

Hindi na pamilyar
ang mga daan pauwi. Sawi
ang matang hinahanap
ang mga ilog. Durog
na ang mga bakas. Wakas
ng pinaglunuyang look, pook
ng aking kabataan. Lagot na ang pusod
na nagdurugtong sa Inang lalawigan
at sa aking kabuuan. Ang lahat
ay salamisim na di na masalamin.
Nagbabalik akong walang lawang
sumalubong, sumbong ng hangin
sa di na kilalang panauhin: “Wasak na
ang batuhang iyong tinatalon.
Taluntunin mo man sa iyong pagbabalik
ang nasa isip na daan, ililigaw ka na ng nakaraan!”
Ayokong pumayag na naglaho na
ang mga look, siguro’y nasa tagong sulok
ng nagtatampong bayang di kinawilihang
pasyalan ng naghahanap na anak-anakan.

Alaala - ni Anthony Pabon

ALAALA
ni Anthony Pabon

Ibig kong balikan
Ang panahon ng aking kamusmusan
Ang paglaro sa dagat, paghuli
Ng maliliksing isda at
Pakikipaglambingan sa
Alon ng karagatan

Ngunit ito’y isang alaala
Na lamang na aking maituturing
Hindi dahil ako’y matanda na
At akin nang iniwan ang kamusmusan
Kundi dahil wala ng espasyo
Na pwede panglanguyan
Dahil sa tambak na basurang
Bumabalot sa tubig dagat at
Sa itim nitong kulay na
Nakaririmarim tingnan.

Sa May Pantalan - ni Anthony Pabon

SA MAY PANTALAN
ni Anthony Pabon

Masaya akong nakaupo
Sa tabi ng puno ng pantalan
Ninanamnam ang sariwang hangin
At pinagmamasdan ang maganda
At malinis na karagatan

Mga isda’y nagsisipaghabulan
Mga puno sa dagat ay masayang
Nakikipagpaligsahan sa bulong
Ng hanging amihan.

Habang mga alon naman ay
Yumayakap at nagtatampisaw
Sa katawan ng bangkang
Sa laot palutang-lutang

Sa aking pagkakaupo ayaw
Ko nang umalis at tumayo
Dahil away kong iwanan
Itong aking karanasan dito
Sa tabi ng pantalan
Kahit na ito’y isang malamig na
Alaala na lamang.

Hinanakit ni Nemo - ni Anthony Pabon

HINANAKIT NI NEMO
ni Anthony Pabon

Malinis na karagatan
Corales na nagsisilakihan
Isdang matataba
At halamang dagat ay sariwa
Ito ang lugar na aking
Nasilayan at kinagisnan

Subalit sa aking paglaki
Paraiso na aking kinamulatan
Ngayon ginawang basurahan
Ng mga nilalang na walang
Inisip kundi ang kanilang
pansariling kapakanan

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.