ni Greg Bituin Jr.
Nitong Enero 10, 2012, inilabas na ng United Nations Conference on Sustainable Development (UNCED) ang 19-pahinang dokumentong pinamagatang “The Future We Want”, o Zero Draft. Ang burador na ito ang pag-uusapan ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Rio de Janeiro Brazil, sa darating na Hunyo 20-22, 2012.
Ito’y bilang paghahanda na rin sa ika-20 taong anibersaryo ng Rio Declaration on Environment and Development na naglatag ng Agenda 21, habang sa bansa natin ay ang Philippine Agenda 21 for Sustainable Development. Ibig sabihin ng 21 ay ika-21 Siglo, kung saan kabilang na tayo ngayon. Matatandaang inilunsad noong Hunyo 3-14, 1992 ang Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil at pinag-usapan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa temang “Environment and Sustainale Development” na dinaluhan ng 172 gobyerno, at 108 dito ay mga head of state. Nagresulta ito sa mga dokumentong Agenda 21, ang Rio Declaration on Environment and Development, ang Statement of Forest Principles, ang United Nations Framework Convention on Climate Change, at ang United Nations Convention on Biological Diversity.
Matapos ang 20 taon ng kauna-unahang global environment conference sa Rio de Janeiro, babalik muli ang mga bansa sa Rio upang muling pag-usapan ang hinaharap ng sangkatauhan. Ang tanong ng masa, ito ba ang gusto nila?
Isinama rin sa dokumento na pwede namang makasama ang masa sa usapang ito. Ayon sa dokumentong Zero Draft sa paksang Engaging Major Groups: “17. Sustainable development requires major groups – women, children and youth, indigenous peoples, non-governmental organisations, local authorities, workers and trade unions, business and industry, the scientific and technological community, and farmers – to play a meaningful role at all levels.”
Kung noon ay sustainable development ang sentrong usapin, tampok sa bagong dokumento ay ang Green Economy sa konteksto ng sustainable development and poverty eradication. Ang tanong: Sino ang kokontrol sa Green Economy? Ang mga kapitalistang bansa ba? Muli na naman bang mai-etsapwera ang masa dahil hindi natutugunan ang mga suliranin ng bayan at pag-upak sa kapitalistang sistemang siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan? Ang balangkas ba ng Rio+20 ay makakatulong bang talaga sa masa? Dahil kung hindi, dapat lang ibasura ang dokumentong ito, at gumawa tayo ng parallel na dokumento, kasama ang mga dukha’t manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo para isulat din ang sariling bersyon natin ng “The Future We Want.” Ngunit sa ngayon, repasuhin natin ito dahil tiyak na malaki ang epekto nito sa ating hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento