Tikatik Ng Ulan
ni Raul Funilas
Kahit ako, hindi ko alam ang aking pinagmulan,
Sinasabing ako’y galing sa balong sintanda ng daigdig.
Pawis ng nagbabagang araw na maghapong napagod
Sa paniniya ng nagbahagharing kulay sa nagtungkong ulap.
Hamog na handog at kipkip-kalupkop ng buong magdamag,
Singaw ng bulkang nayayamot sa asupreng mainit na kinalong.
Tamod ng dagim na alapaap na kinakatalik ang suso ng kabundukan
At luha ng langit na laging nagluluksa sa paninigwada ng himpapawid.
Ang alam ko, noong ako’y isang tikatik na ampiyas;
Natutuwa ang tigang na lupa at nagsasaya ang mga ugat ng puno.
Hanggang ako’y pawalan ng selosang ulap na yakap ng habagat,
Nilunod ko ang kabundukang gumugulo sa tining at linaw ;
Patuloy na dumaloy sa bikilang dahilig upang lumatag sa dagat.
Ako’y walang sawang hinihiwa ng sari-saring bangkang malaki’t maliit
Na ang mga nakalulan dito’y walang sawang nagdadagan ng mga libag.
Hindi iisang buntunghininga ang hinugot at umilambo sa aking paghihirap,
Naglalamat na ang aking kristal nang bulungan ko ang alimpuyong bagyo.
Lambalan naming sinalasa ang kapaligiran upang ipadamang ako’y nagtatampo,
Subalit bingi ang lahat nang sa aki’y nakikinabang;
Patuloy silang kumakalawkaw sa naipon kong tubig:
Sa tabo,
Sartin,
Lumbo,
Timba,
Balde,
Kanal,
Sanaw,
Tapayan,
Dram,
Balon,
Sapa,
Batis,
Ilog,
Lawa,
At minsa’y sa dinasalang agua bendita.
Ginamit ako sa paghuhugas ng kasalanan
Samantalang ako’y hindi nila hinahango
Sa maruruming kanal ng kanilang pagkakasala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento