Martes, Nobyembre 18, 2008

Usapang Isda

USAPANG ISDA
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

Martes, Nobyembre 11, 2008

Puno at Bunga

PUNO AT BUNGA
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bunga'y ang iyong ginawa
At dahon lamang ang salita
Itong sanga yaong adhika
Habang ugat nama'y panata.
Ang buong puno'y siyang diwa
Kasama ng katas at dagta
Ng bungang nais mong mangata.

Diskriminasyon at Losyon

DISKRIMINASYON AT LOSYON
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaytindi ng diskriminasyon
Kahit sa patalastas doon
Sa dyaryo, radyo't telebisyon
Upang pumuti ka'y mag-losyon.
Maputi'y gumanda ang layon
At kayumanggi'y pangit doon.
Di ba't iya'y diskriminasyon?

Dayukdok sa Usok

DAYUKDOK SA USOK
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit sa bisyo ninyong usok
Ay tila kayo'y nadayukdok
Kapara nito'y hanging bulok
O tambutsong sumusulasok.
Kung tila titigil ang tibok
Ng puso't sumakit ang batok
Aba'y tigilan ang pausok.

Linggo, Nobyembre 2, 2008

Dyenosidyo ng mga Binhi

DYENOSIDYO NG MGA BINHI
(isang tula laban sa gentically-modified organism)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Ano bang nangyayari sa sandaigdigan
Bakit pati selula'y pinakialaman
Ginawa ba nila'y sagot sa kagutuman
O ito ba'y kagaguhan at kahangalan?

Bakit kailangang baguhin ang selula
Para bumilis daw ang paglago ng bunga
Nitong puno, halaman, hayop at iba pa
Upang matugunan daw ang gutom ng masa?

May nagsasabing sagot sa kalam ng tiyan
Ay retokehin na yaong pinagkukunan
Ng pagkain mula gubat at kabukiran
Nang di magkulang ang nasa hapag-kainan.

Ngunit wala naman itong kasiguruhan
Kung genes ng lamok ilalagay sa halaman
At wala na ring buto ang ibang dalandan
Kaya binhing pantanim ay mababawasan.

Ang paniniwala nila'y di ko mawari
Pagkat sila nga'y puno ng pagkukunwari
Kung sino raw ang may kontrol ng mga binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari.

At bayani raw silang dapat maturingan
Gawa daw nila'y sa ngalan ng kaunlaran
Binalewala na ang mga karapatan
Ng magsasakang bumubuhay sa lipunan

Kailangang bilhin na nitong magsasaka
Ang mga binhi sa kumpanyang nagbebenta
Pagtatanim ng binhi'y di na basta-basta
Pagkat binhi'y kontrolado na ng kumpanya.

Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi
Na pakana nitong mga kumpanyang imbi
Binhi'y inuubos na nilang unti-unti
Sa lupang sakahan ng iba't ibang lahi.

Tanging alam kong nag-uudyok sa ganito
Ay dahil ang sistema pa'y kapitalismo
Kung paano tutubo ang tanging motibo
Ng kapitalistang tulad nitong Monsanto.

Kapag pinayagan nating magpatuloy pa
Ang pinaggagawa ng ganitong kumpanya
Tiyak na ang tao'y sa kanila sasamba
Pagkain at sistema'y kontrolado nila.

Tandaang tinurang prinsipyo nilang imbi
Na kung sino raw ang may kontrol nitong binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari
Nagaganap na ang dyenosidyo ng binhi.

Halina't magpatuloy sa pakikibaka
Laban sa sistemang nagbunsod nitong dusa
Dyenosidyong ito'y dapat mapigilan pa
Tayo'y magkaisang baguhin ang sistema.

Huwebes, Oktubre 23, 2008

Patak sa Gripo

PATAK SA GRIPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Tik-tak-tik, iyo pa bang nababatid
Tubig ay ginto sa bawat kapatid
Tik-tak-tik, sahurin natin ang tubig
Pagkat kung ito'y tuluyang masaid
Tik-tak-tik, uhaw ay di mapapatid.

Pulitiko at Plastik

PULITIKO AT PLASTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Plastik ay sadyang kayrami na
At lagi na lang bumabara
Sa kanal ng mga kalsada
Pulitiko'y kanyang kagaya.
Minsanan lang ang gamit nila
At sa mundo sila'y tambak na
Huwag silang paramihin pa.

Linggo, Oktubre 19, 2008

Sa Bata Ba'y Isa Kang Halimbawa? - ni GBJ

SA BATA BA'Y ISA KANG HALIMBAWA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Bata pa tayo'y tinuruang
Huwag magtapon saan-saan
Paglaki'y naglahong tuluyan
Itong ating pinag-aralan.
Kung turong ito'y nalimutan
Ngayon nga'y ating pag-isipan:
Bata'y paano tuturuan?

Kayrumi na ng Karagatan - ni GBJ

KAYRUMI NA NG KARAGATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kayrumi na ng karagatan
Pagkat ginawang basurahan
Mga plastik ay naglutangan
At isda'y nagkakamatayan.
Tayo'y dapat nang magtulungan
Upang di dumuming tuluyan
Ang mahal nating karagatan.

Magdilig Lagi - ni GBJ

MAGDILIG LAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Diligan ang mga halaman
Lalo na kung hindi tag-ulan
Baka ito na'y matuyuan
At malanta na ng tuluyan.
Kung tayo'y maraming halaman
Ito'y ambag sa kalusugan
Kaya't ito'y laging diligan.

Ang Gamit ng Tubig - ni GBJ

ANG GAMIT NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ang tubig sa batis at gripo
Sa paggamit nama'y pareho
Inumin nitong bawat tao
Ngunit may kaibhan din ito:
Una'y di kalakal ng tao
At ang isa nama'y produkto
Pinagtutubuan ang gripo.

Kaytindi na ng Polusyon - ni GBJ

KAYTINDI NA NG POLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

O, kaytindi na ng polusyon
Ang hangin nati'y panay karbon
Nakasusulasok sa ilong
Nakakawawa itong nasyon.
Hanapan natin ng solusyon
Na hangi'y malinisan ngayon
Nang maibsan na ang polusyon.

Ang Pangkalikasang Edukasyon - ni Greg Bituin Jr.

ANG PANGKALIKASANG EDUKASYON
(Nilikha at binasa sa Kamayan Environment Forum, Oktubre 17, 2008, Biyernes, na ginanap sa Kamayan Edsa, malapit sa SEC, na ang paksa'y Edukasyon at Kalikasan, at dinaluhan ng 40 katao.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Kailangan ng edukasyon ng buong bayan
Ng mga isyu at usaping pangkalikasan
Sa gayo'y mamulat ang maraming mamamayan
Na ang kalikasan pala'y dapat alagaan.

Tayong mga dumadalo dito sa Kamayan
Iba't ibang kuru-kuro'y nagbabahaginan
Sa mga isyu'y marami tayong natutunan
Sa mga nagtalakay na makakalikasan.

Kaya nga't sa ating pag-uwi sa ating bahay
Ibahagi ito sa mga mahal sa buhay
Sa mga kumpare, kaibigan, kapitbahay
Ito sa kalikasan ay maganda nang alay.

Kaya't pakahusayan natin ang edukasyon
Hinggil sa kalikasan at gawin itong misyon
Upang maraming masa'y matuto sa paglaon
At malaki nang ambag ito para sa nasyon.

Tikatik Ng Ulan - ni Raul Funilas

Tikatik Ng Ulan
ni Raul Funilas

Kahit ako, hindi ko alam ang aking pinagmulan,
Sinasabing ako’y galing sa balong sintanda ng daigdig.

Pawis ng nagbabagang araw na maghapong napagod
Sa paniniya ng nagbahagharing kulay sa nagtungkong ulap.

Hamog na handog at kipkip-kalupkop ng buong magdamag,
Singaw ng bulkang nayayamot sa asupreng mainit na kinalong.

Tamod ng dagim na alapaap na kinakatalik ang suso ng kabundukan
At luha ng langit na laging nagluluksa sa paninigwada ng himpapawid.

Ang alam ko, noong ako’y isang tikatik na ampiyas;
Natutuwa ang tigang na lupa at nagsasaya ang mga ugat ng puno.

Hanggang ako’y pawalan ng selosang ulap na yakap ng habagat,
Nilunod ko ang kabundukang gumugulo sa tining at linaw ;
Patuloy na dumaloy sa bikilang dahilig upang lumatag sa dagat.

Ako’y walang sawang hinihiwa ng sari-saring bangkang malaki’t maliit
Na ang mga nakalulan dito’y walang sawang nagdadagan ng mga libag.
Hindi iisang buntunghininga ang hinugot at umilambo sa aking paghihirap,
Naglalamat na ang aking kristal nang bulungan ko ang alimpuyong bagyo.

Lambalan naming sinalasa ang kapaligiran upang ipadamang ako’y nagtatampo,
Subalit bingi ang lahat nang sa aki’y nakikinabang;
Patuloy silang kumakalawkaw sa naipon kong tubig:

Sa tabo,
Sartin,
Lumbo,
Timba,
Balde,
Kanal,
Sanaw,
Tapayan,
Dram,
Balon,
Sapa,
Batis,
Ilog,
Lawa,
At minsa’y sa dinasalang agua bendita.

Ginamit ako sa paghuhugas ng kasalanan
Samantalang ako’y hindi nila hinahango
Sa maruruming kanal ng kanilang pagkakasala.

Linaw Ng Tubig - ni Raul Funilas

Linaw Ng Tubig
ni Raul Funilas

Ang aking salita ay isang gulong
Ng along nakapinid na alaala
Na siyang nag-iingat sa dalampasigan
Ng ating mga nakalipas.

Ako ay lumapit sa iyo at ibinulong
Ang ginintuang pangako sa iyong pananalig,
Ikaw ay nagpaubaya ng kapangyarihan
At kaluwalhatian.

Kakapiraso pang pangako ang aking ginagap—
Subalit higit kang nagging mapagbigay
Sa aking matinding pagkauhaw.

Tunay na walang hihigit pang alay
Sa tulad ng iyong hangaring:
Ginagawang labing nauuhaw ang aking buhay
At dinadalisay mong maging isang bukal.

Ditto nakasalalay ang aking karangalan at ang gantimpala,
Na tuwinang paparoon ako sa bukal upang uminom;
Natatagpuan kong nauuhaw din ang malinaw na tubig—
Nilalagok niya ako at tinutungga ko naman siya.

Pangako Ng Lupa - ni Francisco Monteseña

Pangako Ng Lupa
ni Francisco Monteseña

I
Ikaw na kumikilala sa akin,
Asahan mong hindi ko buburahin
sa aking mukha ang iyong kalinga
Bawat pitak ko’y pilak sa himaymay
na pinagpala ng iyong mga kamay.
Ang bawat pananim na kumakaway
ay bunga ng iyong pag-agapay…salamat.
Ikaw na karaniwang tao
ay hindi karaniwan ang adhikang
mahalin ako ng may pakikibaka.
Nag-iisa ka lamang na nakikita
ang ganda ng aking kabuuan;
Na ang pagkilala sa akin
ay hindi putik lamang.

II
Sa aking pagyaman,
ikaw ay aking sasamahan.
Sa aking pagyabong,
ikaw ay hindi kalilimutan.
Hindi mo man ngayon anihin
ang lahat ng magiging supling
na iyong itinanim sa akin,
Iyo nang pakasiguruhin
Na ang pagpapala ko
Bukas ay kakamtin.

Hinaing Ng Punong Saging - ni Francisco Monteseña

Hinaing Ng Punong Saging
ni Francisco Monteseña

Wala na nga siguro, wala.
Walang maipagmamalaki
sa mga katulad ninyong malakas,
matayog, mayabong, mayabang;
ang tulad kong maliit, malambot, mahina.
Madalas ninyong ipakitang hindi kayo
natatakot sa lakas ng hangin,
sa bagyo mang darating. Matibay ang inyong
mga sangang hindi kayang hapayin ng ihip,
ng tikatik, ng anumang pagngangalit.
Kayo ang taal na likhang nakaugat sa lupa,
matatag, kaya abot langit ang tiwala
sa sarili. Nakalimutan ninyo lamang
na sa lahat ng punong likha,
ako lamang ang natatanging
may puso.

5/15/06

Sa Pook Na Ito - ni Francisco Monteseña

Sa Pook Na Ito
ni Francisco Monteseña

Sa pook na ito’y paliit nang paliit
ang sakop ng tanaw. Tunaw
ang landas ng agam-agam.
Sa gunam-gunam ay laro lamang
ang minsang pagdaiti
ng ating kapalaran.
Wala ka na sa pook na ito,
di ko na nadatnan.Di ka na
nakapaghintay sa sumpang tipanan.
Nagsawa na sa pamumulaklak
ng halakhak ang mga lambak
na pinadaus-usan ng ating kamusmusan.
Nakitil sa hilahil ang kaparangan
ng ating pangarap. Hanggang
ang pook na ito’y maging bilangguan
ng mga alaala. Kapos sa luwag
sa pagsisiksikan ng di mabilang
na pangakong sana ay magtatapos
sa aking pagbabalik at sa iyong
paghihintay. Ay! nakapanghihinayang.

7/13/06

Pamamaybay - ni Francisco Monteseña

Pamamaybay
ni Francisco Monteseña

Kung ako ay isang anod ng tubig
na layon ay sa iyo sumanib,
dadaloy ako nang tahimik. Ayaw kong
dumating nang paragasa na may batong
madudurog o may dahong makakasama
sa pag-anod. Darating ako sa iyong kabuuan
nang payapa, halos di mo alam.
Sasanib sa iyong karagatan, magiging malaya
sa kabuuan ng aking pagyakap.
Batid kong malayo pa ang paglalakbay;
May mga kababawan sa pagdaloy,
ngunit titiyaking makatwiran ang paglulunoy
at sa batisang dalisay mamamaybay.
Sa pagsanib sa iyo ay magwawakas
na ang lumbay. Kuyumin man ng hahadlang
ay tutulas ako at tutuklas ng butas;
Walang makakaharang sa pagwisik
ng tanging layuning ikaw ay gisingin
ng aking pagdating at ako ay salubungin
hanggang tayo ay tuluyang maging isa.

Laguna Lagoon - ni Francisco Monteseña

Laguna Lagoon
ni Francisco Monteseña

Hindi na pamilyar
ang mga daan pauwi. Sawi
ang matang hinahanap
ang mga ilog. Durog
na ang mga bakas. Wakas
ng pinaglunuyang look, pook
ng aking kabataan. Lagot na ang pusod
na nagdurugtong sa Inang lalawigan
at sa aking kabuuan. Ang lahat
ay salamisim na di na masalamin.
Nagbabalik akong walang lawang
sumalubong, sumbong ng hangin
sa di na kilalang panauhin: “Wasak na
ang batuhang iyong tinatalon.
Taluntunin mo man sa iyong pagbabalik
ang nasa isip na daan, ililigaw ka na ng nakaraan!”
Ayokong pumayag na naglaho na
ang mga look, siguro’y nasa tagong sulok
ng nagtatampong bayang di kinawilihang
pasyalan ng naghahanap na anak-anakan.