(Binigyan natin ng espasyo sa ating blog ang isinulat na ito ng Philippine Movement for Climate Justice o PMCJ upang mas marami pa ang makabasa at makaunawa sa napakahalagang isyu na ito, lalo na sa panawagang Climate Emergency. Maraming salamat po sa pagbabasa. - Greg Bituin Jr.)
POLYETO PARA SA EARTH DAY 2023
IPAGLABAN ANG ISANG PLANETANG NAGKAKALINGA NG BUHAY!
IDEKLARA ANG CLIMATE EMERGENCY!
Mula 1965 hanggang 2021 - mahigit na isang milyong (1,304,844) toneladang carbon dioxide o CO2 - tipo ng greenhouse gas na binubuga mula sa pagsusunog ng fossil fuel gaya ng Coal, LNG / Fossil Gas at Oil, naiipon at nakonsentra sa atmospera na siyang dahilan ng pag-iinit ng planeta, mula sa produksyon ng elektrisidad, pagpapatakbo ng mga industriya at transportasyon sa buong mundo.
Sa loob naman ng panahong ito ay nakapagbuga ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas ng 3,275 milyong tonelada ng CO2. Ang pandaigdigang pagbubuga ng CO2 sa enerhiya ay patuloy ang pagtaas ng 5.9% kada taon batay sa datos sa taong 2022.
Patuloy ang pagtaas ng kontribusyon ng bansa sa pagbuga ng carbon dioxide. Sa katunayan, ang tantos ng Pilipinas ay umaabot sa 7.8% kada taon ang pagtaas. Katumbas nito ang kwadrilyong tonelada ng CO2 at hindi maitatangging nakapag-ambag nang malaki sa pagbabago sa klima at ngayon ay banta sa sangkatauhan at lahat ng mga nabubuhay sa planeta.
Noong 2018, idineklara ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), isang United Nations body na nag-aaral ng physical science, na ang mundo ay nasa yugto ng climate emergency. Dito sa Pilipinas, wala nang pagdududa ang epekto ng pagbabago ng klima sa anyo nang mas madalas at ibayong paglakas ng mga bagyo, pagbaha at tagtuyot. Halimbawa, ang supertyphoon Yolanda na kumitil sa buhay ng 6,300 katao at hanggang ngayon ay may 3,000 katao pa ang hindi nakikita. Matindi ang mga tagtuyot na ating naranasan na nagresulta ng food riot at masaker sa Kidapawan. Ang pagtaas ng dagat o sea level rise (SLR) na umaapekto na ngayon sa mga baybayin ng Pilipinas. Tinatantya na aabot ng 76 milyong mamamayan ang maaapektuhan ng sea level rise sa taong 2030. Ito ang ilan sa mga patunay na papatindi ng papatindi ang mapangwasak na epekto ng krisis sa klima.
Sinabi ni Antonio Guterres, Secretary General ng United Nations, na limitado na lang ang ating panahon para hanapan ng solusyon ang krisis sa klima. Kung hindi, ang haharapin na natin ay climate catastrophe.
Ayon sa IPCC, kung magagawa lamang na mapababa ang pagbuga ng mga greenhouse gases sa taong 2025, matitiyak nito na malilimita ang pag-init ng mundo sa 1.5 degrees Celsius. Ang pag-abot sa target na 1.5 degrees Celsius na siyang magseseguro sa paglilimita sa climate change sa hinaharap ay mangangailangan ng 'kagyat na pagkilos' upang malimitahan ang gas emissions.
Ngunit ang patuloy na business-as-usual na pagharap sa pagbabago ng klima ay tiyak na magdudulot ng malawakang pagwasak ng kalikasan sa buong mundo at lalong titindi ang pag-init ng daigdig. Mas ligtas tayo kung hindi na natin hihintayin pa ang deadline sa taong 2025. Kung mas maagap at mabilis tayong kikilos ay magiging mataas ang posibilidad na matigil ang pagtaas ng temperatura ng daigdig lampas ng 1.5 degrees Celsius.
Subalit sa kasamaang-palad, ang Philippine Energy Plan na isinusulong ng gobyerno ay mas lalo pang magsasadlak sa Pilipinas sa pagdepende sa mga fossil fuels. Ito ay malinaw na paglabag mula sa IPCC AR 6 na nagsasaad na huwag nang palawakin pa ang paggamit ng fossil fuels mula taong 2023. Pero sa plano ng gobyerno na ipagpatuloy ang business-as-usual na paggamit ng fossil fuel ay lalong itinutulak nito ang maraming bilang ng Pilipino papunta sa kamatayan.
Panahon nang itigil ang pagsasawalang-kibo at walang pakialam sa maling landas na tinatahak ng gobyerno ng Pilipinas ukol sa fossil fuels. Kinakailangang kumilos at manawagan tayo na magdeklara ng climate emergency ang pambansang pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at maging bahagi ng pandaigdigang solusyon sa krisis sa klima. Kailangan nating ipaglaban ang pagpapatigil ng fossil fuel generation plant na nagpapalala ng klima at paglulunsad ng malawak na pagpapatupad ng renewable energy sa bansa. Ipinapanawagan din natin ang pagpapatigil sa lahat ng mga proyektong sumisira sa kalikasan at nagpapahina sa kakayahan ng ating bansa sa epekto ng pagbabago ng klima.
Ngunit ang panawagan para sa climate emergency ay hindi maisasagawa kung walang pagkilos at laban mula sa mga mamamayan, lalo na ng mga bulnerableng komunidad na nasa frontline ng pagbabago sa klima. Ang laban natin ay huwag lumampas sa 1.5 degrees Celsius ang init ng planetang Earth upang tayong mga tao ay manatiling buhay at maging ang mga hayop at halamang sumusustento sa ating kabuhayan ay patuloy na mabuhay rin. Dalawang bagay para sa mga mamamayan: hintayin na lamang ang dilubyo ng kamatayan o lumaban para sa kaligtasan?
Para sa gobyerno: pakinggan ang sinasabi ng mamamayan at syensiya na kumilos para sa climate emergency o harapin ang delubyong dala ng klima at ang galit ng mamamayang nagnanais ng pagbabago ng sistema?
PLANETANG NAGKAKALINGA SA BUHAY, IPAGLABAN!
IDEKLARA ANG CLIMATE EMERGENCY, NGAYON!
HUSTISYANG PANGKLIMA, NGAYON NA!
PAGBABAGO NG SISTEMA, HINDI SA KLIMA!
Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento