Lunes, Disyembre 29, 2014

Ang Aklat na Philippine Native Trees 101

ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.

Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.

Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.

Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim. 

Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.

Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina. 

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Ulat ni Greg Bituin Jr.

 Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.
 

Linggo, Disyembre 7, 2014

12 tula muna sa Climate Walk

Narito ang 12 tula, sa higit 70 tula ng makatang Gregorio V. Bituin Jr., sa kanyang aklat na "SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" na produkto ng naganap na Climate Walk mula Oktubre 2 sa Luneta hanggang marating ang Tacloban noong Nobyembre 8, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda. Ang nasabing aklat ay magkakaroon ng soft launching sa isang forum sa ika-19 ng Disyembre, 2014, araw ng Biyernes. Ito'y sa Kamayan Environment Forum, Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC Ortigas sa umaga, at sa nakatakdang General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon.

WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy

nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama

kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero

sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos

bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit

walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa

hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?

nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?

di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla

hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014


PAANO ANG BUKAS? 
ni Gregorio V. Bituin Jr 
10 pantig bawat taludtod

ambon, ambon, lansangan ay butas
ulan, ulan, panganib ay bakas
bagyo, bagyo, paano ang bukas
kung buhay naman ay malalagas

kalsadang butas ay binabaha 
kaunting ambon, animo'y sigwa
problema itong kasumpa-sumpa
ngunit tayo pa'y may magagawa 

butas sa daan, lagyan ng tagpi
ngunit bayan ay walang salapi
problema pa itong anong sidhi
pagkat kinurakot ng tiwali

klima'y patuloy na nagbabago
kalsada'y butas pa ring totoo
nakatanghod lang ang mga trapo 
kakamot-kamot pag may delubyo

- sa Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes, Tagkawayan, Quezon, Oktubre 14, 2014


BINGKAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tangan niyang bingkaka'y pinatutugtog sa palad
animo'y walang kapaguran habang naglalakad
malayo pa'y dinig na, tila ba ibinubungad
sa buong bayan ang Climate Justice na hinahangad

payak na tugtog, tila may diwatang sasalubong
pare-parehong tunog sa iba't ibang pagsuong
di nakauumay, sari-saring interpretasyon
may diwatang di nakikita ngunit naroroon

ang tangan niyang bingkaka'y kawayang kapiraso
ngunit nagpapatiwasay sa isipang magulo
inuudyukan kang suriin kung ano ang wasto
at di basta gawin na lamang kung ano ang gusto

maraming salamat, kasamang Joemar, sa pagtugtog
ng bingkaka pagkat nanggigising ng diwang tulog
hawak mula umaga hanggang araw ay lumubog
himig na malamyos, kaygaang timpla ng indayog

marahang ipinapalo sa palad ang bingkaka
di mo pansin ang hapo, masarap sa puso't diwa
sana'y masalubong namin ang magandang diwata
habang marubdob na nililinang ang isang katha

- Luna's Eatery and Sari-sari Store, Brgy. Canda Ibaba, Lopez, Quezon, Oktubre 12, 2014


BASANG-BASA SA ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod 

heto kami, basang-basa sa ulan
naglalakad, walang masisilungan
patuloy na tinatahak ang daan 
kahit ang nilalandas na'y putikan

pag-ulan bang ito'y masalimuot?
at tilamsik nito'y nakatatakot?
daan ay maputik, saan susuot?
nasa diwa'y paano na lulusot?

di inalala ang patak ng tubig
nasa gunita'y naiwang pag-ibig
maigi pang pagsinta ang idilig 
sa mga layuning nakaaantig

nakakapote kami't nakapayong
habang ulan naman ay sinusuong
at sa taumbayan ay sinusulong 
ang misyong sa balikat nakapatong

ipaglaban ang pangklimang hustisya 
dito'y pakilusin natin ang masa
pagkakaisa nati'y mahalaga
sa pagharap sa nagbabagong klima 

- Ragay National Agricultural and Fisheries School, Liboro, Ragay, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014


ANG BATANG BABAE AT ANG KURUS-KURUS
(The Girl and the Starfish)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan, isang matanda ang namamaybay sa aplaya
katatapos lang iyon ng unos na nanalanta
doon, isang batang babae ang kanyang nakita
sa ginagawa ng bata, matanda'y nagtataka

bakit binabalik isa-isa sa karagatan
ang mga kurus-kurus na nasa dalampasigan
gayong kayrami nito't animo'y libo ang bilang
kaya batang babae'y dagli niyang pinuntahan

natutuwa ang ibang nakakakita sa bata
ang akala'y naglalaro lamang ito sa tuwa
ngunit iba ang palagay ng nasabing matanda
nagtataka man, bata'y kinausap niyang kusa

"Bakit mo iyan ginagawa, hoy, batang maliit?
Lahat ng iyan ay hindi mo naman masasagip?
Di mo mababago ang kalagayan nila, paslit!
Sa ginagawa mong iyan, di ka ba naiinip?"

napatungo ang bata, animo ito'y nakinig
maya-maya, isang kurus-kurus ang ibinalik
ng bata sa dagat, sa matanda'y di natigatig
ang bata'y nagsalita sa malumanay na tinig:

"sa isa pong iyon, kahit paano'y may nagawa
sa sariling bahay, di na siya mangungulila"
at ang matanda'y di nakahuma, biglang napatda
naisip niyang ito'y di kaya ng isang bata

kaya tinawag ng matanda ang kanyang kanayon
"magtulung-tulong tayong ibalik ang mga iyon"
lahat ng kurus-kurus na tangay ng bagyo't alon
sa aplaya ay naibalik sa dagat nang lumaon

"sa sama-samang pagkilos natin, may magagawa
maraming salamat sa inumpisahan ng bata"
aral iyong nagbigay ng inspirasyon sa madla
upang kapwa'y magtulungan, harapin man ay sigwa

* Ang bituing-dagat, isdang-bituin, at kurus-kurus ang salin ng starfish ayon sa UP Diksyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010) at sa Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles, 1990) ni Fr. Leo James English.

* Maraming salamat kay Ginoong Naderev "Yeb" Saño, commissioner ng Climate Change Commission, sa kanyang palagiang pagkukwento nito sa mga Climate Fair, at sa mga nakakadaupang palad sa Climate Walk.

- Libmanan covered court, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014


SI YOLANDA ANG MUKHA NG NAGBABAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Yolanda ang mukha ng climate change, si Yolanda
oo, si Yolanda'y mukha ng nagbabagong klima
ipinakita niya bakit dapat kumilos na
ang mamamayan ng mundo upang pigilan sila

daigdig natin ngayo'y nagbabaga, nagbabago
may global warming, nagbabaga, tinunaw ang yelo
sala sa init, sala sa lamig na itong mundo
paano uunawain ang nangyayaring ito

wala, kundi si Yolanda pa ang nagpaliwanag
kung di tayo kikilos, lahat na'y ibabalibag
sa punong usok na atmospera'y sinong papalag
maliitang pagkilos ay tila ba pampalubag

mga bansang industriyalisado'y dapat pigilan
sa pagsusunog ng mga fossil fuels saanman
mga coal-fired power plants ay dapat na ring bawasan
ngunit teka, makikinig ba ang pamahalaan

dapat si Yolanda'y pakinggan ng buong daigdig
ang mensahe niya sa mundo'y nakapanlalamig
mga tulad ni Yolanda'y dapat nating malupig
mamamayan ng mundo, tayo nang magkapitbisig

ang climate change ay tila nakatarak na balaraw
sa ating likod, di ba't dapat nang tayo'y gumalaw?
di dapat ang ating mundo'y unti-unting magunaw
ating ipanawagan sa lahat: "Climate Justice Now!"

- sinimulan sa kainan sa Brgy. Concepcion Grande, Lungsod ng Naga, tapat ng Viva Home Depot, at tinapos sa Jesse M. Robledo Coliseum, Lungsod ng Naga, Oktubre 18, 2014


TEAMWORK AT ANG CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos ang lakad, naglaro kami ng basketbol
tila di kami pagod, sa bola'y panay ang habol

kita ang saya't pagkakaisa sa bawat isa
mahusay ang teamwork, pati bola'y nakikisama

animo'y sinasabing kung tayo'y magtutulungan
maraming magagawa't problema'y malulunasan

tulad din ng ipinakitang teamwork sa Climate Walk
sa laro nga'y nakita ang tamang labas at pasok

paano ang teamwork sa pandaigdigang usapin
lalo't climate change na itong kinakaharap natin

sapat ba ang paglinang at pagtatanim ng puno
sapat din ba ang ginagawa ng mga pinuno

ng bawat bansa upang Yolanda'y di na maulit
upang mapigilan ang gayong bagyong sakdal-lupit

kailangan ng teamwork sa paghanap ng solusyon
kung paanong may teamwork din ang pagrerebolusyon

- sa Jesse Robledo Coliseum sa Naga City, Oktubre 18, 2014


ANG SOLAR SUITCASE NI KASAMANG ALBERT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang solar suitcase ni kasamang Albert ay atraksyon 
na kanyang hila-hila sa paglalakad maghapon
minsan ang humihila niyon ay si kasamang Ron
minsan din ay pinahila niya sa akin iyon
ramdam ko'y lumakas, tila ni-recharge ako niyon

mabuti't yaong solar suitcase ay kanyang dinala
pagkat natataguyod ang solar na enerhiya
alternatibong kuryenteng sa araw kinukuha
renewable energy itong di usok ang dala
na kung gagamitin ng marami'y tulong sa masa

hila'y solar suitcase sa kilo-kilometrong lakad
kasabay ng Climate Walk na climate justice ang hangad
kung buti ng enerhiyang solar ay malalantad
enerhiya itong sa buong bansa'y mapapadpad
asahang kuryente'y mura kundi man walang bayad

paggamit ng solar na enerhiya'y ating gawin
saanman tayo tumungo, ito'y palaganapin
saanmang bayan, malinis na enerhiya'y kamtin
wala nang fossil fuels na kailangang sunugin
wala nang polusyon, madarama'y sariwang hangin

- Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

- maraming salamat kay kasamang Albert Lozada ng Greenpeace


ANG CLIMATE SONG NI NITYALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Alpha Walker Nityalila ang kumatha
ng Climate Song na sadyang nagbibigay-sigla
pinamagatang “Tayo Tayo” ay nilikha
para sa Climate Walk, isang kantang pangmadla

awit niyang itinuro sa naglalakad
sa mga programa’y aming ibinubungad
mensahe’y para sa hustisyang hinahangad
climate justice para sa bayang sawimpalad

inawit na namin mula pa sa Luneta
“tanaw na pag-asa’t hustisya’y hintay ka na”
taos na inaawit ng mga kasama
taimtim na inaawit para sa masa

habang inaawit, madarama mo’y galak
at sasabayan pa nila ito ng indak
masaya man, nasa isip ang napahamak
sa bagyong Yolandang sadyang nagbigay-sindak

maraming salamat, Nityalila, sa awit
mensahe nito, nawa’y abot hanggang langit
upang Yolanda, saanma’y di na maulit
nawa mensahe ng kanta’y laging mabitbit

- Travesia Elementary School, Travesia, Guinobatan, Albay, Oktubre 22, 2014, kaarawan ni Nityalila


SA MGA PHARAOH DANCERS NG PILAR, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Isinalubong ninyo'y katutubong indak
Malumanay, masaya, sa puso'y may galak
Nagbigay-sigla sa mahabang paglalakad
Ng mga nasa Climate Walk na hinahangad
Ay pagkamulat ng nakararaming masa
Sa kinakaharap na nagbabagong klima
Nagsabit pa kayo ng kakaibang kwintas
Sa leeg ng Climate Walkers, ang saya'y bakas
Sa aming mukha, ligaya’y di madalumat
Tanging nasabi namin sa inyo’y salamat
Ang pag-indak ninyo sa puso'y nagpabilis
Inyong ngiti nga sa pagod nami'y nag-alis
Sa inyo, Pharaoh Dancers ng Pilar, Sorsogon
Maraming salamat sa bunying pagsalubong
Munting tulang ito nawa'y inyong mabatid
Pagkat sa Climate Walk, ligaya'y inyong hatid.

- sa aming pagdaan sa hangganan ng Albay at Sorsogon, Oktubre 23, 2014


TIIM-BAGANG SA SALIMUOT 
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

masalimuot din ang climate change, masalimuot
di malirip bakit isyu itong nakakatakot
di matingkala ang panganib na idinudulot
sa suliraning ito'y paano makalulusot

halina't magsuri at hanapin kung anong sagot
industriyalisadong bansa ba ang nambalakyot

pagsunog ng fossil fuels ang pangunahing sanhi
nariyan ang coal-fired power plants na nakadidiri
mga bansa'y yumaman dito't naging masalapi
habang dapog sa atmospera'y naipon, nagbinhi

kaya karaniwang klima'y nagbagong di mawari
dito'y sinong naging mapalad, sinong nangalugi

mga industriyalisadong bansa'y nakinabang
nagsunog ng maruming enerhiya'y nagsiyaman
tama bang umunlad, masira man ang kalikasan
tama bang dukhang bansa'y maapektuhang tuluyan

aling bansa ang apektado't alin ang nanlamang
masdan mo ang nangyayari't mapapatiim-bagang

paano tayo aakma sa klimang nagbabago
paano aagapay sa nararanasang bagyo
paano ang gagawin sa tumitinding delubyo
di sapat ang mapatiim-bagang, kumilos tayo

singilin, pagbayarin mga bansang sanhi nito
sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo

- sa bayan ng Motiong, Samar, Nobyembre 4, 2014


PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Biyernes, Oktubre 31, 2014

Bawal manigarilyo - ordinansa sa Calbayog City


Kuha ni Greg Bituin Jr., bilang bahagi ng Climate Walk.

Sabado, Setyembre 13, 2014

Basura at Pagreresiklo - ni Jhuly Panday

BASURA AT PAGRERESIKLO
ni Jhuly Panday

Basura

Walang halaga, madumi, mabaho o malansa, na maaaring magdulot ng sakit sa tao.

Itinatapon at kung minsan ay sinusunog upang hindi na humalo pa sa mga gamit na may halaga pa.

Itinuturing rin na "eye sore" o hindi magandang tingnan kaya't ginagawan ng paraan na ito ay maitago sa paningin ng tao.

Basurahan

Lalagyan ng mga basura na matatagpuan sa isang tabi o isang sulok.

May mga takip ang mga ilan dito upang hindi umalingasaw ang baho ng basurang nakalagay dito.

Nilagyan na rin ng "color coding" ang mga ito upang ihiwalay ang mga nabubulok sa mga hindi nabubulok.

Pagreresiklo

Paraan kung saan ang mga basura ay pinipili upang muling mapakinabangan.

Mula sa mga basura na itinapon na ay muling nakalilikha ng mga bagong bagay na maaaring mapakinabangan.

Dito mahalaga ang mga basurahang may "color coding" dahil alam ng mga tao kung saang basurahan dapat ilagay ang mga basurang maaaring irisiklo.

Eleksyon sa Pilipinas

Parang Basura at Pagreresiklo lang.

Basura ang mga kumakandidato.

Mga basurang kandidato na nakatago sa ibat-ibang kulay na basurahan na tinatawag nilang traditional political party (TRAPO Party).

Mga botante na napipilitang magresiklo na lang ng magresiklo ng mga walang kuwentang basura tuwing eleksyon.

Eleksyon 2016

Sa 2016 ibasura na ang mga Trapo at huwag na silang iresiklo pa!

Panahon na upang magluklok ng mga taong tunay na maglilingkod sa masa!

Mayroong alternatibo laban sa mga basura!

Ihalal natin ang magtataguyod ng Gobyerno ng Masa!

Lumikha ng isang partido na kabibilangan ng mga Lider ng Masa at Lider Manggagawa!

Biyernes, Agosto 15, 2014

Talakayan hinggil sa toxic waste, idinaos

TALAKAYAN HINGGIL SA TOXIC WASTE, IDINAOS

Agosto 15, 2014 - Muling idinaos ang Kamayan Environment Forum, sa pangunguna ng Green Convergence, sa Kamayan Saisaki Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC Ortigas sa Mandaluyong.

Ang mga naging tagapagsalita rito ay sina Ms. Abby ng Greenpeace at Ms. Marlene ng Ban Toxic. Kasama naman sa panauhin si Ms. Juliet ng DENR.

May niluluto umanong bagong panukalang batas (House Bill) na tila pag-amyenda o bagong batas na papalit sa Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990) upang punan ang kakulangan (loopholes) nito sa batas.

Ilang sa mga puntong lumabas ay ito:
- walang kapasidad na mamahala ang mga LGU sa municipal at hazardous waste
- pangangailangang maratipika ng Pilipinas ang Basel Ban Amendment
- hindi lahat ng cosmetics ay may mercury
- maraming toxic sa mga pabrika ng manufacturing, semiconductor, dyeing, bleaching
- ang grupong Ban Toxics ay nakipag-ugnayan sa DepEd upang makagawa ng mga materyales na ipamamahagi sa mga pampublikong eskwelahan
- para malaman ng taumbayan
- may proposed 5 bills
- sa hospital waste, ang DOH ang may mandato 
- ang LGU naman ang may mandato sa domestic waste
- TSD - treatment storage disposal
- kailangan ng bayan natin ay isang treatment system
- may 4 classified waste ang mga domestic waste
- hindi dapat isama sa hindi nabubulok ang mga special waste, tulad ng battery ng cellphone, radio, zonrox
- ang cellphone battery ay may lead content kaya hindi dapat isama sa nabubulok
- may bagong proposal, ipasok ang extended responsibility
- minamadali ang bill dahil "some congressmen want nuclear" at dapat maisabatas ang "disposal of radioactive waste"
- "extended producers responsibility"  should be added to the bill
- proposal na maitayo ang Environmental Protection Agency (EPA) dito sa Pilipinas

Ang solusyong ibinigay ng mga tagapagsalita ay "needs disclosure of information to compel industries to substitute cleaner technologies"

Ang Kamayan para sa Kalikasan Forum ay ginaganap tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Maraming salamat sa Triple V na siyang ilang taon nang sponsor ng talakayang ito.

Nakarating ako sa ikalawang bahagi na ng programa, dahil dumalo pa ako sa isang rali laban sa pagmimina sa Ortigas Center. Matapos iyon ay dumiretso na ako sa Kamayan Forum. Natapos ang forum sa ganap na ika-1:30 ng hapon.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Bawal manigarilyo! Multa - P500

BAWAL NANG MANIGARILYO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patakaran sa lansangan: bawal manigarilyo
kapag nahuli ka, multa mo'y limangdaang piso
huwag ka nang magyosi, para sa kalusugan mo
huwag magyosi, kundi'y kawawa ang katawan mo

kailangan pa bang ikaw ay paalalahanan
na sarili mong katawan ay dapat alagaan
na sarili mong baga ay iyo nang pangalagaan
paalala nama'y para sa iyong kaligtasan

usok, usok, nalalanghap na pati usok ng bus
paalala'y di lang para sa basura mong upos
malinis ang hangin, wala pang usok na tatapos
ng buhay, kaya paalala'y sundin mo ng taos

15 Agosto 2014
Kuha ang mga litrato sa tapat ng Robinsons Galleria sa Ortigas Center, EDSA, Mandaluyong, hapon ng Agosto 15, 2014, araw ng Biyernes.

Biyernes, Hulyo 18, 2014

Talakayan sa Kamayan: Basel Ban Amendment

TALAKAYAN SA KAMAYAN: BASEL BAN AMENDMENT

Hinggil sa kampanyang pagratipika sa Basel Ban Amendment ang paksa ng ika-281 sesyon ng Kamayan Environment Forum sa Kamayan Edsa nitong Hulyo 18, 2014. Ang nasa panel ay sina Dra. Nina Galang, pangulo ng Green Convergence, at Gng. Marie Marciano, tagapagpadaloy ng talakayan at ikalawang pangulo ng Green Convergence.

Ang naging tagapagsalita sa sesyong ito ay si Arvin A. Jo, JD, MDE Cand. ng Ateneo School of Government. Ang kanyang powerpoint presentation ay may pamagat na "Demistifying the impacts of the Basel Ban Amendment Ratification by the Philippines (Economic and Social Impacts).

Narito ang ilan sa kanyang mga tinalakay: Ang Basel Ban Amendment ay isang multilateral treaty na nangangailangan ng 2/3 lagda ng 180 bansang naunang pumirma rito. At sa ngayon ay kailangan pa ng 17 bansang lalagda para rito. Sa Asya, ang Pilipinas at Vietnam na lamang ang hindi nakapirma.

May nauna nang Basel Convention, na nalagdaan noong 1989, at sa Basel Ban Amendment, dapat maamyendahan ang mga eksempsyon, lalo na yaong e-waste ay para sa resiklo. Kailangan ay isang tahasang pagbabawal (absolute ban) sa paglilipat o pag-import-export ng bansa sa bansa (intercountry transfer) ng electronic waste.

May dalawang kategorya ang mga basurang toxic, at ito'y ang e-waste o electronic waste, at ang used-lead acid batteries. Ang mga industriyang pinanggagalingan nito o gumagawa nito ang siyang mariing tumututol sa Basel Ban Amendment, dahil umano malaki ang mawawala sa kanila, makakaapekto ng malaki at makasasama sa ekonomya, at mawawalan pa ng trabaho ang kanilang mga manggagawa. Ang mga tagaresiklo (recyclers) naman, bukod sa malaki ang kinikita, ay binabayaran pa.

Ang malaking pinanggagalingan ng e-waste ay ang call center, dahil sa mga kagamitan nitong computer, telepono, aircon, atbp., na tuwing tatlong taon ay nagpapalit ng malaking bilang ng mga kagamitan.

Ayon naman kay Gng. Marie Marciano, na siyang tagapagpadaloy ng programa, ang Basel Ban Amendment ay isang lunas sa mga butas ng Basel Ban. Sa Basel Ban, hindi maaaring magtambak ng basura ang mga mauunlad na bansa sa mga mahihirap na bansa. Ngunit may pasubali ito, maaari lamang makapasok ang mga basura sa anyo ng recycling. Ang pasubaling ito ang sinasabing loopholes.

Sinabi naman ni Ms. Angel, na assistant ng di nakarating na si Atty. Golda Benjamin ng Ban Toxics, malaki ang maitutulong ng amendment para sa bansa at sa kalusugan ng mamamayan. Dapat ding i-transmit ng gobyerno sa senado ang Basel Ban Amendment upang maratipika. Ayon pa kay Ms. Angel, para sa karagdagang impormasyon ay bisitahin ang kanilang website na www.bantoxics.org.

Dito'y inanunsyo na rin ni Dra. Galang ang gaganaping Green SONA (State of the Nature Assessment) sa Agosto 5, 2014 sa Miriam College simula ika-8 ng umaga. Ayon pa sa kanya, marami na tayong basura kaya bakit kailangan pa natin ng basura galing sa ibang bansa. Dagdag pa niya, dapat holistic ang pagtingin. Pag mahusay sa kapaligiran, mahusay din sa kalusugan at kabuhayan (health and livelihood). "For the good of our people and for the good of our environment. That is the essence of sustainable development," pagtatapos ni Dra. Galang.

Nagsimula ang programa sa ganap na ika-11 ng umaga at natapos bandang ika-1:30 ng hapon.

Ang Kamayan Environment Forum ay nagsimula noon pang Marso 1990 at ginaganap tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Hulyo 5, 2014

Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man


Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man
ni Victor Vargas

Ang isang puno ay nananatili at nagpapatuloy bilang tirahan o habitat ng mga ibon, insekto, halaman at iba pang mga bagay na nabubuhay, kahit pa matagal na itong bangkay o poste na lamang ng Meralco. Ganito ang kaso ng dalawang magkalapit na poste sa Junction sa Los Baños sa tapat ng Healthserve na pinamumugaran ng mga uwak.

Halos mag-iisang buwan na nang una kong napansin ang isang pares ng uwak na nakadapo sa linya ng kuryente malapit sa isang mababang poste na nagsisilbi nila ngayong tahanan. Sa kalapit pang mas mataas na poste ay may isang pares din ng uwak na kapwa talubata o juvenile.

Huwebes, Hulyo 3 nang huli akong pumunta sa Healthserve ay aking napansin na dumoble ang kanilang bilang. Maliban sa naunang dalawang pares ay meron pang bagong dalawang pares ng uwak na pawang mga talubata din. Doble gwardiyado ng naunang dalawang pares ang kanilang pugad at pilit tinataboy ang mga bagong salta.

Ano naman kaya ang meron dito sa Junction at dito nila piniling mamalagi at manirahan? Saang sulok o hangganan kaya ng Bundok Makiling sila dati nakatira?

Nito lamang buwan ng Marso ng taon ito ay kapansin-pansin na ang madalas na pagpaparamdam at pagpapakita ng mga ibong ito dito sa Los Baños. Ilang mga kaibigan ko na tubo mismo sa bayang ito ang nagsabing minsanan lamang sila noon nakakatiyempong makakita ng uwak.

Matalino daw ang ibong ito at napakagaling humanap ng pagkakataong lumapag sa lupa upang manginain. Dito sa likuran ng aming bahay ay madalas silang bumababa sa ilat na karugtong ng Anos-Malinta Creek, isang tributary ng Laguna de Bay. Madali ko silang napapansin dahil sa kakaibang ingay at pagpuputak ng mga manok ng kapitbahay kapag may uwak na lumalapag sa bambang.

Noong isang linggo naman ay nakatsamba akong makakita ng isang pares ng uwak sa isang malaking punong baobab habang ako’y naglalakad sa kahabaan ng bagong gawang kalsada (karugtong ng Caimito St.) sa gilid ng Maulawin Creek at IRRI Staff Housing sa bandang Pook ni Maria Makiling.

Napaka-maparaang tunay ng uwak at dito naman sa Junction ay nakahanap sila ng bagong tirahan matapos nila lisanin ang dati nilang tinitirhang dako. Eksakto naman at nakahanap sila ng posteng kahoy o puno na maluwag silang pinatuloy at kinalinga.

Nananatiling magiliw at malapit ang relasyon ng isang puno sa ibang kapwa niya nabubuhay sa kapaligiran – sa kabila man ng kanyang pagiging isang halaman na matagal nang patay. Patunay ito sa likas na katangian ng kalikasan na manatiling mapagbigay ng anumang kabutihang papakinabangan ng anumang nabubuhay sa kanyang nasasakupan. Ito ay sa kabila nang matagal na siyang nagupo o nasakop ng mga tao o napatay, sa kaso ng dalawang “patay” na punong ito.

Marami pang ganitong kaso ng mapanlikha at maparaang ugnayan ng mga nabubuhay na wildlife (hayop at halaman) at kanilang kapaligiran sa gilid-gilid o karatig ng kagubatan ng Makiling o yung tinatawag na buffer zones ng bundok.

Lunes, Hunyo 2, 2014

Rodne Galicha's 8 R's on how to protect the environment


Rodne Galicha (b. June 2, 1979) is a Filipino environmentalist and human rights activist currently involved in climate justice, biodiversity conservation and natural resources conflict management. ~ Wikipedia

Sabado, Mayo 31, 2014

Sabado, Mayo 17, 2014

Dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Luneta, May 17, 2014

Dalawang gabing ipinalabas nitong Mayo 2014 ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Park sa Luneta, Mayo 16 at 17, 2014, sa ganap na ikaanim hanggang ikapito ng gabi.

Sinimulan ang palabas sa pag-awit ng Lupang Hinirang, at paliwanag ng emcee ng palatuntunan na si Pia Marie Paulican. Inawit naman sa entablado ang awiting pangkalikasan ng bandang ASIN, ang "Masdan mo ang kapaligiran", na may ilang pagbabago sa liriko ng awit, lalo na hinggil sa ilog.

Napakapayak ng kwento, ngunit napakabisa ng mensahe. Sa dula'y nagkwento ang isang matanda sa kanyang apo na nakita niya noon ang isang magandang diwata ng tubig. Maganda pa noon ang kalikasan, may mga ibong nagliliparan at mga isdang naglalayungan sa malinis na ilog. Ngunit dahil sa pagtatapon ng mga basura sa ilog, ang diwata ng tubig ay naging halimaw. Ito ang nagpapakita sa batang si Rosa, at dahilan ng pagkakasakit ng maraming bata sa pamayanan.

Hindi maniwala ang taumbayan sa sinasabing nakitang halimaw ng bata, ngunit sa kalaunan ay nakita rin ito ng marami sa pamayanang iyon.

Nang mapagtanto ng taumbayan na ang halimaw na sinasabi ni Rosa ay ang mga basurang itinapon sa ilog, agad nilang nilinis ang ilog mula sa mga basurang pinamugaran na ng mga lamok at iba pang parasito.

Nang luminis ang ilog ay nagpakita sa kanila ang diwata ng tubig, at sinabi nitong siya ang halimaw. Ngunit hindi niya iyon kagustuhan. Bagkus ang dahilan ng kanyang pagiging halimaw ay ang mga taong nagtatapon ng basura sa kanyang ilog na tahanan.

Marapat na ipalabas sa mas maraming manonood ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" dahil sa napakagandang mensahe tungkol sa kapaligiran, lalo na sa kalinisan ng ating mga ilog na hindi dapat tinatapunan ng basura.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.