Martes, Agosto 28, 2012

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)


BURADOR (DRAFT)

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)
Inihanda ni Greg Bituin Jr. ng KPML-NCRR para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

1. Ano ang pagbabago ng klima o climate change?
Mula sa nakagisnang siklo ng panahon, tulad ng tag-init na buwan ng Mayo, tag-ulan na buwan ng Agosto, taglamig na Disyembre, nasira na ang padron at siklo nito. Umuulan sa Mayo, habagat sa Agosto, unos sa Setyembre, mas malamig na ang Pebrero kaysa Disyembre. Apektado ang mga magsasaka kung paano magtatanim, at ang mga estudyante’y laging walang pasok. Mas tumitindi ang klima at di na bumabalik sa dati. Sa naganap na bagyong Ondoy, ang ulan na dati'y umaabot ng ilang araw upang bahain ang kalunsuran, ngayon ay nagpalubog sa lungsod sa loob lamang ng maikling panahon, anim na oras. Pinalubog ng Sendong ang dating di binabagyong bahagi ng Mindanao. Hinabagat ang maraming lungsod. Sala sa init. Sala sa lamig.

2. Ano ang mga dahilan ng pagbabagong ito sa klima?

Tinitingnan lang noon ng mga aghamanon (syentista) na ang pagbabago sa klima ay bahagi lamang ng likas na siklo ng panahon, may tag-araw, may tag-ulan, sa mga bansa sa tropiko, habang may taglamig (winter), tagsibol (spring), tag-init (summer), at taglagas (fall). Ngunit ngayon, hindi na ganito ang kanilang pagtingin, dahil nawasak na ang siklo nito.

Ang pagbabago ng klima ay dahil sa epekto ng GHG o greenhouse gases. Ito ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

3. Ano ang epekto ng pagbabagong ito ng klima?

Dahil sa pag-iinit ng mundo, natutunaw ng mabilis ang mga yelo sa malalamig na lugar, tulad sa Antartica, na nagsisilbing dahilan upang tumaas ang tubig sa dagat, na maaaring ikalubog ng maraming mga pulo at makaapekto ng malaki sa tahanan ng mga mamamayang nakatira dito.

Sa ating bansa, ang mga lugar na hindi dati binabaha at binabagyo ay nakaranas na ng bagyo at pagbaha, tulad sa Mindanao sa kasagsagan ng bagyong Sendong noong 2011. Lumiit ang daluyan ng tubig sa ilog nang maitayo ang SM Marikina na naging dahilan ng mabagal na paglabas ng tubig patungong dagat, at pag-apaw nito patungong mga kabahayan. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa tulad ni Henry Sy, kundi ang mga maralita ang laging sinisisi. (Phil. Star news, Aug. 14, 2012 – 195,000 families in danger zones face relocation – upang ilipat sa mga death zone na relokasyon, mga relokasyong catch basin at nasa pagitan ng mga bundok.)

4. Sino ang dapat sisihin sa mga ito?

Bagamat maaari nating tukuyin na ang dahilan nito’y ang mga kaugaliang sobrang pag-aaksaya, tulad ng paggamit ng sasakyan para bumili sa kanto, pwede namang maglakad, ito’y maliit na bagay lamang pagkat may sistemang siyang dahilan ng  labis na pagkasirang ito. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon ng mga mayayamang bansa, isinakripisyo ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

5. Anong mga dapat gawin?

May apat na pangunahing hakbang na dapat isagawa: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).  

Ang adaptasyon ay pag-angkop sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali. Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan.

Ang mitigasyon ay pagbabawas, unti-unti man o mabilisan, ng pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagbabawas sa paggamit ng langis para sa sasakyan, na kung malapit lamang ang pupuntahan ay lakarin na lamang, pagbawas sa napuputol na puno, at muling magtanim upang ang mga nawalang puno ay mapalitan, pagbabawal ng plastik dahil sa ito'y hindi naaagnas o nareresiklo, pagbawas sa mga plastik na nagpapabara sa mga kanal, itigil ang pagminina. Ibig sabihin, kailangan ng bagong oryentasyon ng pamumuhay o bagong lifestyle. Bawasan ang carbon footprints. Maaari namang di na umangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa ibang bansa na meron naman sa atin, upang makatipid sa mga langis o gasolinang ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto.

Ang technology transfer naman ay pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang organisasyon tungo sa isang organisasyon, o sa pagitan ng dalawa o mahigit pang bansa.  Napakahalaga nito dahil ang mga kaalaman sa ibang bansa ay maaaring magamit natin. Halimbawa, ang bansang Netherlands ay mababa pa kaysa lebel ng dagat, ngunit dahil sa mga itinayo nilang dike at magaling na engineering ay nagpatuloy ang matiwasay na pamumuhay sa kanila. Dapat matutunan kung paano ang tamang  paglalapat ng siyentipikong kaalaman sa mga disenyo, pagbubuo at pagpapatakbo sa mga makinarya, kagamitan at mga pamamaraan sa paraang matipid at epektibo, na ang makikinabang ay ang bansang binahaginan. Ang teknolohiya ng mga inhinyero sa Netherlands ay dapat matutunan ng mga Pilipino upang magawan ng paraan ang baha, halimbawa, sa laging binabahang Dagat-Dagatan sa Navotas.

Sa lahat ng mga proyektong ito'y nangangailangan ng pinansya upang matiyak na ito'y matustusan at maisagawa. Halimbawa, kailangan ng bansa ng People's Survival Fund, at matiyak na ang pondong nakalaan dito'y para talaga sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng buhay, at tiyaking mapondohan ang mga plano at proyekto sa adaptasyon at mitigasyon.

6. Ang ating mga tungkulin

a. Pag-aralan ang kalikasan. Suriing mabuti kung bakit nagbabago ang klima. Pag-aralan ang mga syentipikong paliwanag hinggil sa isyung ito, at iwasan ang pamahiin at iba pang paniwalang hindi kayang ipaliwanag ng syentipiko at may batayan.

b. Pag-aralan ang lipunan. Ano ang dahilan kung bakit bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Paano ito nagsimula? Suriin ang kasaysayan mula pa noong panahon ng primitibo komunal hanggang sa panahon ngayon ng lipunang kapitalismo. Bakit hindi na uubra ang kapitalismo sa panahong ito, at bakit dapat itong palitan, upang matiyak na ang susunod na henerasyong ibubunga ng bagong sistema'y may daratnang maayos na kalikasan, at magiging handa na kung anong klaseng kalamidad ang kanilang susuungin sa hinaharap.

c. Magbigay ng pag-aaral. Hindi lamang sa klasrum ang pag-aaral. Ang simpleng pakikipag-usap sa katabi at pakikipagtalastasan sa kapwa hinggil sa mga isyu ng kalikasan ay isang anyo na rin ng pagbibigay ng pag-aaral. Gawin natin ang iba't ibang porma, tulad ng tula, awit, paggawa ng nobela, pinta, facebook, email, rali, at iba pa. Magsulat at mamahagi ng polyeto, komiks, at iba pang babasahin. Magsalita sa mga programa sa radyo. Magsagawa ng mga dula sa lansangan (street plays). Isalin sa wikang nauunawaan ng masa ang mga isyu hinggil sa klima. Ipasok ang mga pag-aaral na ito sa mga batayang aralin ng iba't ibang organisasyon at sektor.

d. Mag-organisa. Hindi lamang kaunting tao ang dapat kumilos, ipaunawa natin ang mga isyung ito sa madla, lalo na sa iba’t ibang sektor. Mag-organisa tayo ng mga talakayan at mga eksibit, ng mga mobilisasyon. Magtayo ng mga tsapter ng PMCJ o iba pang samahang pangkalikasan sa iba't ibang lugar.

e. Makipag-ugnayan sa nararapat na ahensya at maging aktibong tagapagtaguyod at kritiko nito. Ang mga ahensyang ito ang nasa posisyon sa ngayon upang maipatupad ang mga nararapat na patakaran hinggil sa mga isyung pangkalikasan, kaya nararapat na nakikipag-ugnayan tayo sa mga ito, kasabay ng pagiging mahigpit na kritiko nito sa mga patakarang labis na nakakaapekto sa madla.

Walang komento: