Huwebes, Agosto 30, 2012

Ang Maralitang Lungsod sa Green SONA 2012

ANG MARALITANG LUNGSOD SA GREEN SONA 2012
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga naimbitahan upang maging tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) nitong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Ito ang taun-taong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. 

Batay sa programa, ang palatuntunan ay magsisimula ng ikawalo ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Tulad ng iba pang mga palatuntunang nakagisnan ko, isang oras ang rehistrasyon, at magsisimula ito sa ganap na ikasiyam ng umaga. Tama naman ito, lalo na't sa atin, laging huli ang mga Pinoy sa mga tipanan, kaya naging palasak ang katawagang Filipino time, o huli lagi sa usapan. Gayunpaman, nagsimula ang palatuntunan ng tama sa oras. 

Nakarating ako sa ESI bandang ikawalo ng umaga. Marami-rami na ring tao doon, pumirma sa attendance sheet, naghanap ng mauupuan, paghahanda ng mga weyter, inayos ang LCD projector para sa powerpoint presentation, anupa't tama lamang ang isang oras na rehistrasyon at ang imbitasyong dumating ng ikawalo ng umaga. Pinamahagi rin ang tatlong pahinang palatuntunan, kung saan nakalagay ang oras at sino ang magsasalita para sa araw na iyon. Sa unang bahagi ng Green SONA 2012 na pinamagatang Sectoral Assessment from the Grassroots, limang sektor ang magsasalita, mula sa magsasaka, mula sa mangingisda, mula sa lumad o katutubo, mula sa maralita, at mula sa kababaihan. Naroon ang pangalan ko para magsalita hinggil sa urban poor, bagamat hindi nakalagay ang organisasyon ko ng maralita, kundi ang samahang pangkalikasang kinaaaniban ko. Iyon marahil ay dahil hindi ko nasabi ng maaga sa kanila ang organisasyon ko ng maralita. Sa ilalim ng aking pangalan ay nakasulat ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan 
(SALIKA), at ipinadagdag ko sa emcee ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), na pareho niyang sinabi ng ako'y kanyang tinawag. (Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, at kailan lamang napalitan ito ng Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan.) Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Sinulat ko ang aking sasabihin bago pa maganap ang bagyong Gener ng Agosto 3 at ang Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan" na habang ako'y naroon bago magsalita ay ineedit ko at dinadagdagan. Ang orihinal kasing pang-Agosto 7 ang aking nadala at hindi ko nadagdagan kaya pinilit kong idagdag ang mga nararapat. Narito ang aking talumpati:

"Isang makakalikasang araw po sa ating lahat.

Ang mga maralita ng lungsod ang isa sa pangunahing tinatamaan ng malalang epekto ng pagbabago ng klima at laging sinisisi sa mga pagbaha. Winasak ng iba't ibang kalamidad, tulad ng pagbagyo at pagbaha, ang buhay at tahanan ng mga maralita. Nariyan ang labing-isang (11) evacuation centers sa Navotas, na mga dating basketball court, na idinulot ng bagyong Pedring nuong Setyembre 2011. Mag-iisang taon na sila doon, at tila hindi nagagawan ng lokal na pamahalaang lungsod na masolusyunan ang problemang ito. At nadagdagan pa ang mga nasalanta sa paghagupit naman ng bagyong Gener, at nitong Habagat. Lumubog ang maraming lugar ng maralita, tulad sa Baseco at R10 sa Maynila, Santolan sa Pasig, Banaba sa San Mateo, Potrero sa Malabon, Muntinlupa, at iba pa. (Sa mga lugar na nabanggit ay maraming kasapian ng KPML.)

Matapos ang Habagat, may banta sa maralita na pasasabugin ang mga bahay nito upang umalis sa danger zone. (Ayon sa Phil. Star, 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012, p.6) Saan ililipat? Sa death zone? Ang sapilitang pagpapaalis sa maralita ay terorismo, kung paanong ang demolisyon ay terorismo. At para sa maralita, ang terorismo'y dapat labanan. Uulan bang muli ng mga bato? Ayaw namin ng demolisyon, nais namin ay maayos at ligtas na pabahay, na malapit sa hanapbuhay at maayos na serbisyong panlipunan. Hindi tumatanggi ang maralita na mailipat sa tamang lugar, ngunit dapat ay hindi sapilitan, kundi sa makataong paraan at merong sapat na hanapbuhay at serbisyo sa paglilipatan.

Ang kalikasan at ang pabahay ng maralita ay dapat mahigpit na magkaugnay. Hindi dapat nakatira sa mga danger zones ang mga maralita. Gayundin naman, hindi sila dapat itapon sa death zone, kung saan itinataboy silang parang mga daga sa malalayong lugar na malayo sa kanilang hanapbuhay. Dapat sa bawat usapin ng maralita sa pabahay, ay dapat pag-usapan lagi ang tatlong usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo, dahil isa lang sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Karaniwan, ang mga maralita'y tinatanggal mula sa danger zone patungong death zone, kung saan ang mga relokasyon ay yaong mga binabaha, nasa pagitan ng mga bundok, at mga relokasyong mistulang catch basin.

Alam na ng maraming maralita na hindi dapat magsunog ng basura dahil ito'y nagdudulot ng sakit. Alam na rin ng maraming maralita kung paano pagbukudin ang nabubulok at di nabubulok. Ngunit dapat pang matutunan ng maralita, sa tulong ng iba't ibang organisasyong makakalikasan, ang hinggil sa mitigasyon (pagbabawas) at adaptasyon (pag-aangkop) sa usaping climate change, ano ang climate justice, paano ang tamang disenyo ng pabahay na abot-kaya ng maralita at ligtas sa kanilang pamumuhay. Dapat patatagin pa ang pagtangan sa karapatan sa paninirahan ng bawat tao. Dapat ito'y ligtas, may ligal na seguridad sa paninirahan, at abot-kaya ng maralita. Mungkahi naman ay batay sa kakayanan ng maralita, at hindi sa market value. Kung maaari ay 10% ng kanilang kinikita bawat buwan sa loob ng isang takdang panahon. 

Hinggil sa pagkalubog ng Marikina, dapat ding suriin ang pagsusuri ng maraming maralita na sa pagkakatayo ng SM Marikina ay lumiit ang waterways o espasyo o daanan ng tubig sa ilog. Kung noon ay maraming tubig ang kaya ng ilog, dahil kumipot na ito, ang tubig ay napupunta na sa mga kabahayan na nagpapalubog sa lungsod ng Marikina. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa SM ni Henry Sy? Ang maralita ang kayang sisihin, at sinisising lagi, ngunit ang SM ni Henry Sy ay hindi.

Panghuli, matagal na ang tatlong buwan para sa evacuation centers, ngunit sa kaso ng mga labing-isang evacuation center sa Navotas, mag-iisang taon na sila doon. Dapat nang mabigyan ng nararapat na relokasyon ang mga maralitang naroon sa lalong madaling panahon, para sa kaligtasan at kinabukasan ng kanilang pamilya at mga anak. 

Muli, mula sa SALIKA at sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) - National Capital Region-Rizal (NCRR) Chapter, patuloy po tayong mag-ugnayan, magtulungan at magkaisa para sa kapakanan ng ating kalikasan at karapatang pantao. Mabuhay po tayong lahat."

Bago ang palatuntunan, may kumausap sa aking ang isa ay mula sa PAKISAMA, na isang samahan ng magsasaka. Sampung taon na raw siyang wala sa urban poor, at dati siyang nasa UPA (Urban Poor Alliance). Nag-usap kami. Hanggang sa magsimula ang palatuntunan. Habang nagsasalita ang ibang sektor, kinalabit ako ng isa pang mula sa urban poor, na taga-UPA din, at hiniling niyang maipalabas ang kanilang video. Ayos, sabi ko. Kaya sinabi ko sa emcee na nais nilang magpalabas ng video, ngunit hindi pumayag ang emcee dahil gagahulin daw sa oras. Hindi sila nakapagsalita. Nag-usap na lang kami matapos ang palatuntunan.

Sa talumpati ng mga reactor, idiniin ng taga-DENR (Department of Environment and Natural Resources) na tama ang sinabi ng tagapagsalita ng urban poor (ako iyon) na dapat hindi sapilitan, kundi dapat talagang mag-usap at ayusin ang maraming bagay, lalo na ang ipinagdiinan kong dapat dapat laging magkakasama sa anumang negosasyon at plano ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Inulit din niya ito sa malayang talakayan (open forum) nang magtanong ang marami sa pamamagitan ng sulat. Lahat kasi ng mga tanong ay pinasulat na ng emcee at siya na ang nagbasa ng mga iyon.

Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Ang natanggap ko'y isang librong marahil ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence. Ang aklat, na may 322 pahina, ay pinamagatang Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay marami. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Marahil masusundan na ang tula ko hinggil sa bunga ng kalumpit na lagi kong hinahanap sa aking mga pinsan. Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng librong ito, na kung di ako nakadalo doon ay isang malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap.

Anupa't isang magandang karanasan ang pagpunta ko ng araw na iyon sa Green SONA 2012, dahil marami akong natutunan, at naiparating ko sa isang kinatawan ng pamahalaan na hindi dapat pwersahin ang mga maralitang umalis basta sa danger zone para ilipat sa death zone. Ang pag-ulit niyang hindi dapat sapilitan ay malinaw na kahit papaano'y maaaring hindi na muling umulan ng bato sa demolisyon, dahil nagkaroon ng maayos na pag-uusap ang mga maralita at ang pamahalaan. Bagamat di ito dapat asahan ng maralita, kundi patuloy silang maging mapagmatyag at maghanda pa rin sa anumang mangyayari.

sa tanggapan ng KPML, Lungsod ng Navotas
Agosto 29, 2012

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Pag-aangkop (Adaptasyon)


BURADOR (DRAFT)

PAG-AANGKOP (ADAPTASYON) SA NAGAGANAP NA PAGBABAGO NG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
inihanda para sa Komite sa Adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Dahil sa pagbabago ng klima, naganap ang maraming delubyong hindi inaasahan ng taumbayan. Lumubog sa tubig ang mga kalunsuran, ang mga kanayunan, at maging ang kabundukan.

Nanariwa sa akin ang sinabi ng isang kasama na mismong ang Lungsod ng Baguio ay nilubog sa baha. Napakataas ng Baguio para bahain. Ngunit binaha ito dahil sa mga basurang bumara sa mga kanal. 

Maraming konsepto ng adaptasyon o kung paano tayo aangkop sa ganitong nagaganap na kalamidad. Napakaraming aghamanon (syentista) at mga propesyunal ang nagbigay ng iba't ibang kahulugan o depinisyon kung ano nga ba ang adaptasyon. Tingnan natin ang bawat isa.

a. Adaptation - Adjustment in natural or human systems in response to actual or expected climatic stimuli or their effects, which moderates harm or exploits beneficial opportunities. Various types of adaptation can be distinguished, including anticipatory and reactive adaptation, private and public adaptation, and autonomous and planned adaptation (IPCC TAR, 2001 a)
b. Adaptation - Practical steps to protect countries and communities from the likely disruption and damage that will result from effects of climate change. For example, flood walls should be built and in numerous cases it is probably advisable to move human settlements out of flood plains and other low-lying areas…” (Website of the UNFCCC Secretariat)
c. Adaptation - Is a process by which strategies to moderate, cope with and take advantage of the consequences of climatic events are enhanced, developed, and implemented. (UNDP, 2005)
d. Adaptation - The process or outcome of a process that leads to a reduction in harm or risk of harm, or realisation of benefits associated with climate variability and climate change. (UK Climate Impact Programme (UKCIP, 2003)

Kung ibubuod ang mga kahulugang ito, ang adaptasyon ang mga hakbang upang umangkop sa mga nagaganap na pagbabago sa kapaligiran nang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng buhay at mapababa ang panganib ng sakuna.

Sa karaniwang masa, napakakumplikado ng mga terminong ito ng agham, ngunit madali naman nila itong mauunawaan kung ipapaliwanag sa kanila ito sa mga payak na salita.

Simple lamang naman kung ano ang adaptasyon - umangkop ka sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali.

Halimbawa, laging binabaha sa Dagat-Dagatan, ang ginawa ng mga tao ay tinaasan ang kanilang bahay para pag bumaha ay hindi aabot sa kanilang sahig. Dumating din ang panahong tinambakan na ang mababang lupa at ginawang sementado sa pamamagitan ng pamahalaang lokal.

Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan.

Noong 2009, nilikha ang Climate Change Commission (CCC) ng Pilipinas sa pamamagitan ng Batas Republika 9729 (Climate Change Act of 2009). Ito ay binubuo ng 23 ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at kinatawan ng akademya, sektor ng negosyo at mga NGOs. Ang Komisyong ito ang may mandatong magsagawa ng opisyal na National Framework Strategy on Climate Change (NFSCC) at ang National Climate Change Action Plan (NCCAP). Ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang namumuno sa Komisyong ito.

Ang NCCAP ay nilikha upang isulong ang abotkayang programa ng pagkilos para matugunan ang adaptasyon at mitigasyon sa isyu ng nagbabagong klima. Ang pitong istratehikong dapat pangunahing tugunan nito ay ang isyu ng mga sumusunod:
1. Seguridad sa pagkain (food security)
2. Kasapatan sa tubig (water sufficiency)
3. Pangkapaligiran at pang-ekolohiyang katatagan (environmental and ecological stability)
4. Kaligtasan sa tao (human security)
5. Kapana-panatiling enerhiya (sustainable energy)
6. Mapag-angkop sa Klimang Industriya at Serbisyo (Climate-Smart Industries and Services)
7. Pagpapaunlad ng Kaalaman at Kakayahan (Knowledge and Capacity Development)

Mandato rin ng CCC na magbigay-tulong sa mga pamahalaang lokal sa paglikha ng mga ito ng LCCAP (local climate change action plan).

Ano ang ating papel bilang organisasyon? 

Una, ang komite sa adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang tumatayong kinatawan ng mga progresibong organisasyon upang tiyaking ang mga patakaran ng pamahalaan kaugnay sa isyu ng adaptasyon at nagbabagong klima ay maayos na naisasakatuparan. 

Ikalawa, maging kritikal at mapanuri, na ang ginagawa ng pamahalaan ay hindi sapat hangga't hindi nasisingil ang mga mayayamang bansa sa kanilang mga pananagutan. 

Ikatlo, ang nagaganap na pagbabago ng klima ay dahil sa isang sistemang hindi inuuna ang kapakanan ng sambayanan kundi tubo para sa iilan, iilang bansa, iilang sektor (business sector), iilang tao (mayayaman), sistemang walang pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng higit na nakararami.

Ikaapat, pagsusulat at pagpapaabot sa pamamagitan ng mass media ng paninindigan at pagsusuri ng PMCJ sa mga nagaganap, tulad ng bantang pasasabugin (blasting) ng mga kabahayan sa danger zones para ilipat ang mga tao sa death zone. 

Ikalima, makipag-ugnayan at maging bahagi ang PMCJ sa mga NCCAP at LCCAP, o kaya'y sumubaybay (monitoring) ng mga ginagawa ng pamahalaan.

Martes, Agosto 28, 2012

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)


BURADOR (DRAFT)

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)
Inihanda ni Greg Bituin Jr. ng KPML-NCRR para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

1. Ano ang pagbabago ng klima o climate change?
Mula sa nakagisnang siklo ng panahon, tulad ng tag-init na buwan ng Mayo, tag-ulan na buwan ng Agosto, taglamig na Disyembre, nasira na ang padron at siklo nito. Umuulan sa Mayo, habagat sa Agosto, unos sa Setyembre, mas malamig na ang Pebrero kaysa Disyembre. Apektado ang mga magsasaka kung paano magtatanim, at ang mga estudyante’y laging walang pasok. Mas tumitindi ang klima at di na bumabalik sa dati. Sa naganap na bagyong Ondoy, ang ulan na dati'y umaabot ng ilang araw upang bahain ang kalunsuran, ngayon ay nagpalubog sa lungsod sa loob lamang ng maikling panahon, anim na oras. Pinalubog ng Sendong ang dating di binabagyong bahagi ng Mindanao. Hinabagat ang maraming lungsod. Sala sa init. Sala sa lamig.

2. Ano ang mga dahilan ng pagbabagong ito sa klima?

Tinitingnan lang noon ng mga aghamanon (syentista) na ang pagbabago sa klima ay bahagi lamang ng likas na siklo ng panahon, may tag-araw, may tag-ulan, sa mga bansa sa tropiko, habang may taglamig (winter), tagsibol (spring), tag-init (summer), at taglagas (fall). Ngunit ngayon, hindi na ganito ang kanilang pagtingin, dahil nawasak na ang siklo nito.

Ang pagbabago ng klima ay dahil sa epekto ng GHG o greenhouse gases. Ito ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

3. Ano ang epekto ng pagbabagong ito ng klima?

Dahil sa pag-iinit ng mundo, natutunaw ng mabilis ang mga yelo sa malalamig na lugar, tulad sa Antartica, na nagsisilbing dahilan upang tumaas ang tubig sa dagat, na maaaring ikalubog ng maraming mga pulo at makaapekto ng malaki sa tahanan ng mga mamamayang nakatira dito.

Sa ating bansa, ang mga lugar na hindi dati binabaha at binabagyo ay nakaranas na ng bagyo at pagbaha, tulad sa Mindanao sa kasagsagan ng bagyong Sendong noong 2011. Lumiit ang daluyan ng tubig sa ilog nang maitayo ang SM Marikina na naging dahilan ng mabagal na paglabas ng tubig patungong dagat, at pag-apaw nito patungong mga kabahayan. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa tulad ni Henry Sy, kundi ang mga maralita ang laging sinisisi. (Phil. Star news, Aug. 14, 2012 – 195,000 families in danger zones face relocation – upang ilipat sa mga death zone na relokasyon, mga relokasyong catch basin at nasa pagitan ng mga bundok.)

4. Sino ang dapat sisihin sa mga ito?

Bagamat maaari nating tukuyin na ang dahilan nito’y ang mga kaugaliang sobrang pag-aaksaya, tulad ng paggamit ng sasakyan para bumili sa kanto, pwede namang maglakad, ito’y maliit na bagay lamang pagkat may sistemang siyang dahilan ng  labis na pagkasirang ito. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon ng mga mayayamang bansa, isinakripisyo ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

5. Anong mga dapat gawin?

May apat na pangunahing hakbang na dapat isagawa: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).  

Ang adaptasyon ay pag-angkop sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali. Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan.

Ang mitigasyon ay pagbabawas, unti-unti man o mabilisan, ng pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagbabawas sa paggamit ng langis para sa sasakyan, na kung malapit lamang ang pupuntahan ay lakarin na lamang, pagbawas sa napuputol na puno, at muling magtanim upang ang mga nawalang puno ay mapalitan, pagbabawal ng plastik dahil sa ito'y hindi naaagnas o nareresiklo, pagbawas sa mga plastik na nagpapabara sa mga kanal, itigil ang pagminina. Ibig sabihin, kailangan ng bagong oryentasyon ng pamumuhay o bagong lifestyle. Bawasan ang carbon footprints. Maaari namang di na umangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa ibang bansa na meron naman sa atin, upang makatipid sa mga langis o gasolinang ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto.

Ang technology transfer naman ay pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang organisasyon tungo sa isang organisasyon, o sa pagitan ng dalawa o mahigit pang bansa.  Napakahalaga nito dahil ang mga kaalaman sa ibang bansa ay maaaring magamit natin. Halimbawa, ang bansang Netherlands ay mababa pa kaysa lebel ng dagat, ngunit dahil sa mga itinayo nilang dike at magaling na engineering ay nagpatuloy ang matiwasay na pamumuhay sa kanila. Dapat matutunan kung paano ang tamang  paglalapat ng siyentipikong kaalaman sa mga disenyo, pagbubuo at pagpapatakbo sa mga makinarya, kagamitan at mga pamamaraan sa paraang matipid at epektibo, na ang makikinabang ay ang bansang binahaginan. Ang teknolohiya ng mga inhinyero sa Netherlands ay dapat matutunan ng mga Pilipino upang magawan ng paraan ang baha, halimbawa, sa laging binabahang Dagat-Dagatan sa Navotas.

Sa lahat ng mga proyektong ito'y nangangailangan ng pinansya upang matiyak na ito'y matustusan at maisagawa. Halimbawa, kailangan ng bansa ng People's Survival Fund, at matiyak na ang pondong nakalaan dito'y para talaga sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng buhay, at tiyaking mapondohan ang mga plano at proyekto sa adaptasyon at mitigasyon.

6. Ang ating mga tungkulin

a. Pag-aralan ang kalikasan. Suriing mabuti kung bakit nagbabago ang klima. Pag-aralan ang mga syentipikong paliwanag hinggil sa isyung ito, at iwasan ang pamahiin at iba pang paniwalang hindi kayang ipaliwanag ng syentipiko at may batayan.

b. Pag-aralan ang lipunan. Ano ang dahilan kung bakit bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Paano ito nagsimula? Suriin ang kasaysayan mula pa noong panahon ng primitibo komunal hanggang sa panahon ngayon ng lipunang kapitalismo. Bakit hindi na uubra ang kapitalismo sa panahong ito, at bakit dapat itong palitan, upang matiyak na ang susunod na henerasyong ibubunga ng bagong sistema'y may daratnang maayos na kalikasan, at magiging handa na kung anong klaseng kalamidad ang kanilang susuungin sa hinaharap.

c. Magbigay ng pag-aaral. Hindi lamang sa klasrum ang pag-aaral. Ang simpleng pakikipag-usap sa katabi at pakikipagtalastasan sa kapwa hinggil sa mga isyu ng kalikasan ay isang anyo na rin ng pagbibigay ng pag-aaral. Gawin natin ang iba't ibang porma, tulad ng tula, awit, paggawa ng nobela, pinta, facebook, email, rali, at iba pa. Magsulat at mamahagi ng polyeto, komiks, at iba pang babasahin. Magsalita sa mga programa sa radyo. Magsagawa ng mga dula sa lansangan (street plays). Isalin sa wikang nauunawaan ng masa ang mga isyu hinggil sa klima. Ipasok ang mga pag-aaral na ito sa mga batayang aralin ng iba't ibang organisasyon at sektor.

d. Mag-organisa. Hindi lamang kaunting tao ang dapat kumilos, ipaunawa natin ang mga isyung ito sa madla, lalo na sa iba’t ibang sektor. Mag-organisa tayo ng mga talakayan at mga eksibit, ng mga mobilisasyon. Magtayo ng mga tsapter ng PMCJ o iba pang samahang pangkalikasan sa iba't ibang lugar.

e. Makipag-ugnayan sa nararapat na ahensya at maging aktibong tagapagtaguyod at kritiko nito. Ang mga ahensyang ito ang nasa posisyon sa ngayon upang maipatupad ang mga nararapat na patakaran hinggil sa mga isyung pangkalikasan, kaya nararapat na nakikipag-ugnayan tayo sa mga ito, kasabay ng pagiging mahigpit na kritiko nito sa mga patakarang labis na nakakaapekto sa madla.