Huwebes, Setyembre 13, 2012

Hindi Maralita ang Sanhi ng Baha, kundi Climate Change!


HINDI MARALITA ANG SANHI NG BAHA,
KUNDI CLIMATE CHANGE!

Nakababahala ang anunsyo ng pamahalaang Aquino na idemolis ang mga kabahayan ng maralitang nakatira sa danger zone matapos ang Habagat. (Philippine Star news - 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012). Nakababahala dahil maralita na naman ang sinisisi sa mga naganap na pagbaha, at hindi ang mga nagtatayugang gusali, hindi ang mga malls at iba pang istrukturang nagpaliit ng daluyan ng tubig, kundi lagi na lang sinisisi ay maralita. Maralita ang sinisisi. Maralita ang laging may kasalanan. Ayon pa sa balita, pag hindi sumunod, pupwersahin silang paalisin, kundi'y pasasabugin ang kanilang mga bahay upang di na sila makabalik.

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo, nakakita ang gobyerno ng kumbinyenteng palusot upang walisin lahat ng mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. Dahil dito'y idineklara ng pamahalaang Aquino na pwersahang pagdemolis sa 195,000 pamilya sa Metro Manila na tatangging umalis sa mga danger zones, tulad ng tulay, estero, tabing ilog, at tabing dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meters easement sa mga tabing ilog at creek na madaragdag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tahanan.

Saan itataboy ang maralita? Mula sa danger zone patungo sa death zone? Pinatunayan na ng mga karanasan na hindi tamang ilagay sa death zone ang mga maralita dahil wala doong kabuhayan kundi gutom. 

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagkakalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming. 

Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinakamapanganib na lugar. Kung susuriin, marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas. 

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan. 

CLIMATE CHANGE ANG DAHILAN

Maralita ba ang dahilan nang maganap ang Ondoy noong 2009? Ang isang buwang ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras na nagpalubog sa maraming lugar. Maralita ba ang dahilan niyan?

Naganap ang Pedring, Quiel, Sendong, Gener, at nitong huli'y ang Habagat na nagpalubog muli sa maraming lugar, maralita ba ang dahilan niyan? Ngitngit ng kalikasan! Ang Mindanao na hindi dating binabaha ay dinelubyo ng Sendong. Marami ang nasawi. Maralita ba ang dahilan niyan?

Ayaw aminin ng gobyerno na nagbabago na ang klima, na climate change ang dahilan ng ganitong mga kalamidad. Kahit ang tila walang pag-asang PAGASA'y di man lamang masabing climate change ang dahilan ng mga pagbaha. Bakit?

Hindi sapat na sisihing ang mga maralita kasi ay nakakabara sa mga daluyan ng tubig, dahil sino ba namang nais tumira sa daluyan ng tubig kung may sapat silang kabuhayan para magkaroon ng tahanan, o makaupa ng matitirahan? Dapat nating suriin ang ugat ng pagbabagong ito ng klima.

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. 

Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

SINONG DAPAT SISIHIN?

May dapat managot. Ngunit hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka, na hindi kayang bumuga ng usok ng pabrika at coal plant, maliban sa kanilang paisa-isang sigarilyo. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo  ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

Sa madaling salita, sa pagsulpot ng sistemang kapitalismo, unti-unti nang nawasak ang ating kalikasan, ang klima ng mundo. Dapat baguhin ang sistemang ito.

MARALITA, MAGKAISA

Hindi tayong mga maralita ang dapat magdusa sa mga nagaganap na pagbabago ng klima. Hindi tayo dapat itaboy na parang mga daga sa ating mga tahanan. Hindi tayo dapat alisin na lamang basta sa mga danger zones para itapon sa death zone. Hindi tayo tatangging mapunta sa ligtas na lugar. Sino ba ang aayaw? Ngunit nasaan ang kabuhayan, ang ilalaman sa aming tiyan kung ilalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay, kung itataboy kami sa mga relocation site na gutom ang aming kagigisnan. 

Ilang beses na bang nagsibalikan ang mga maralita mula sa mga relokasyong pinagdalhan sa kanila? Napakarami na. Dahil hindi solusyon ang pabahay lamang. Dahil nakakaligtaan ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, trabaho at serbisyo, na isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Ang kailangan ng maralita'y di lang simpleng pang-unawa, kundi totoong programang magkasama ang pabahay, hanapbuhay at serbisyo, at hindi negosyong pabahay at matataas na bayarin. Ang munting usaping ito'y hindi kalabisan, kundi ito'y makatarungan lamang para sa mga maralitang tao rin tulad ng mga nasa pamahalaan.

Ang dapat asikasuhin ng pamahalaan ay singilin ang mga bansang malaki ang naiambag sa pagbabago ng klima. Dapat magbayad ang mga ito sa mga mahihirap na bansa. Gayunman, hindi ito ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan. Dapat magkaugnayan, magtulungan at magkaisa ang buong sambayanan upang singilin ang mga mayayamang bansa, at baguhin na ang kapitalistang sistemang mapangwasak sa kalikasan na ang pangunahin lagi ay akumulasyon ng tubo imbes na pangalagaan ang kalikasan at ang mamamayan.

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
Setyembre 12, 2012

Miyerkules, Setyembre 5, 2012

Hustisya sa Klima o Hustisyang Pangklima?


HUSTISYA SA KLIMA O HUSTISYANG PANGKLIMA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong una kong isinalin ang salitang climate justice ay naging tampok sa akin kung ano nga ba ang tamang salin nito sa wikang Filipino. Mas ginamit ko ang hustisya sa klima kaysa hustisyang pangklima. Ginamit ko ito sa mga artikulo ko sa dalawang isyu ng magasing Ang Masa, na nalathala noong Oktubre at Disyembre 2011, at sa ilang dokumentong ipinasalin sa akin.

Mahalaga ang tamang pagkakasalin nito lalo na't nais ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na mas maunawaan pa ng higit na nakararaming masa ang panawagang climate justice. Bakit hustisya sa klima? Ang klima ay hindi tao na nangangailangan ng hustisya. Marahil dapat ay hustisyang pangklima, ngunit ang salitang pangklima'y eksklusibo lamang sa klima, at hindi sa pangkalahatan.

Sa ganitong dalawang nagtutunggaliang pagsasalin ay dapat itong maipaliwanag ng husto. Ano nga ba ang tama, at ano nga ba ang dapat?

Marami tayong maeengkwentrong mga salita't parirala sa talastasang bayan ang hindi natin agad napapansin, ngunit mahalagang pansinin, upang hindi maligaw ang babasa. Sa ginawa kong tula noon tungkol sa pag-ibig, para lamang tumama sa tugmaan ay isinulat ko ang dalawang salitang mukhang maamo kaysa maamong mukha. Sa biglang tingin, magkapareho ito, mukhang maamo at maamong mukha, binaligtad lamang. Ngunit agad ko ring pinalitan ang taludtod dahil tila mali ang pagkakagamit ko ng mukhang maamo. Ang maamong mukha'y naglalarawan ng matimyas na paghanga sa kagandahan ng dilag, na taliwas sa mukhang maamo na may bahid ng pagdududa dahil sa likod ng kaamuhang iyon marahil ay may natatagong hindi maganda o kaya'y ugaling sukaban.

Kahit ang pagkakasalin ng World War II, sa palagay ko ay mali. Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang palasak na pagkakasalin, imbes na Ikalawang Daigdigang Digmaan. Dumaan pa ito sa matinding debate noon sa internet sa pagitan ng ilang mga blogger, ngunit hindi ako natinag sa aking pasubali. Isinulat ko: "Ang tamang salin ng World War II ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang 'pandaigdig' ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. At dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling isalin na Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang nyutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." 

Sa palagay ko, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pilit na salin ng mga pahayagan noon. Kailangang isalin sa wikang Pilipino ang mga sulating Ingles nang daglian para sa arawang pahayagan para sa mambabasang Pilipino. Hanggang sa ito'y lumaganap bilang siyang salin. Mahalaga ang nyutralidad sa bagay na tinutukoy, at ang pandaigdig ay di nyutral sa pagtukoy sa digmaan, na kaiba sa gamit sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan at Pandaigdigang Pahayag ng Karapatan ng Tao. Sa kasaysayan ay napakalakas ng oposisyon sa maraming naganap na digmaan, habang wala naman sa araw ng kababaihan at pahayag ng karapatan.

Paano nga ba ginagamit ang unlaping "pang"? Para lamang ba maglarawan o mag-angkin ng mga bagay na tinutukoy? Ang bra ay pambabae, ang brief ay panlalaki, ang tabo ay pangsalok ng tubig, at iba pa. Ang "pang", "pam" at "pan" ay pareho lang ng gamit, depende sa unang katinig na karugtong para mas madulas sa dila ang pagbigkas. Ang pangbabae ay ginawang pambabae, ang panglalaki ay panlalaki, ang pangsalok ay panalok, at iba pa.

Ngayon, hustisya sa klima ba ang tamang salin ng climate justice, o hustisyang pangklima? Ang klima ay hindi tao, kaya bakit nangangailangan ng hustisya? Marahil, hustisyang pangklima nga ang tama. Totoo naman ang sinasabi ng iba na pag nabigyan ng hustisya ang klima, lahat ng maaapektuhan nito'y maaapektuhan din. Ngunit hindi ito ang punto, kundi paano ang halaga sa gamit ng salita.

Mamaya na mula ang debate. Pag sinabi nating hustisya sa manggagawa at hustisyang pangmanggagawa, pareho ba ito? Ano ang kaibahan nila? Pag sinabi nating hustisya sa babae at hustisyang pambabae, pareho ba ito? Ano ang pagkakaiba nila? Sa pagkakagamit ng unlaping "pang", narito ang pagkakaiba.

Ang hustisya sa manggagawa ay maaaring gamitin sa isang manggagawa o sa buong manggagawa, at marahil kahit hindi manggagawa ay pwede niyang magamit ang hustisyang ito. Ang hustisyang pangmanggagawa naman ay para lang sa manggagawa, at hindi maaari sa magsasaka, mangingisda at maging sa maralita. Mayroon bang hustisyang pambabae? Ibig bang sabihin nito, hindi ito pwedeng gamitin ninuman maliban sa babae? Halimbawa, ang babae'y ginahasa at pinatay, hustisyang pambabae ba pag ikinulong ang nagkasala? Hindi ba't ang karaniwang nakasulat sa ganitong kaso ay hindi naman biktima versus suspek, hindi naman pangalan ng babae versus pangalan ng suspek, kundi People of the Philippines versus pangalan ng suspek?

Pagkat ang hustisya'y pangkalahatan, sa mga ugnayan, sa mga relasyon nito sa iba't iba. Dito pumapasok ang aking mga kadahilanan kung bakit hustisya sa klima. Ang hustisya ba ay para lang sa klima kaya hustisyang pangklima? O mas angkop ang hustisya sa klima? Dahil ang hustisya sa klima'y tumatagos sa lahat ng naaapektuhan nito, maging ito man ay manggagawa o kapitalista, magsasaka o asendero, mahirap o mayaman, palaboy o burgis, maging anuman ang kasarian.

Walang makakaangkin sa hustisya. Ang hustisya ay para sa lahat.

Huwebes, Agosto 30, 2012

Ang Maralitang Lungsod sa Green SONA 2012

ANG MARALITANG LUNGSOD SA GREEN SONA 2012
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga naimbitahan upang maging tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) nitong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Ito ang taun-taong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. 

Batay sa programa, ang palatuntunan ay magsisimula ng ikawalo ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Tulad ng iba pang mga palatuntunang nakagisnan ko, isang oras ang rehistrasyon, at magsisimula ito sa ganap na ikasiyam ng umaga. Tama naman ito, lalo na't sa atin, laging huli ang mga Pinoy sa mga tipanan, kaya naging palasak ang katawagang Filipino time, o huli lagi sa usapan. Gayunpaman, nagsimula ang palatuntunan ng tama sa oras. 

Nakarating ako sa ESI bandang ikawalo ng umaga. Marami-rami na ring tao doon, pumirma sa attendance sheet, naghanap ng mauupuan, paghahanda ng mga weyter, inayos ang LCD projector para sa powerpoint presentation, anupa't tama lamang ang isang oras na rehistrasyon at ang imbitasyong dumating ng ikawalo ng umaga. Pinamahagi rin ang tatlong pahinang palatuntunan, kung saan nakalagay ang oras at sino ang magsasalita para sa araw na iyon. Sa unang bahagi ng Green SONA 2012 na pinamagatang Sectoral Assessment from the Grassroots, limang sektor ang magsasalita, mula sa magsasaka, mula sa mangingisda, mula sa lumad o katutubo, mula sa maralita, at mula sa kababaihan. Naroon ang pangalan ko para magsalita hinggil sa urban poor, bagamat hindi nakalagay ang organisasyon ko ng maralita, kundi ang samahang pangkalikasang kinaaaniban ko. Iyon marahil ay dahil hindi ko nasabi ng maaga sa kanila ang organisasyon ko ng maralita. Sa ilalim ng aking pangalan ay nakasulat ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan 
(SALIKA), at ipinadagdag ko sa emcee ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), na pareho niyang sinabi ng ako'y kanyang tinawag. (Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, at kailan lamang napalitan ito ng Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan.) Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Sinulat ko ang aking sasabihin bago pa maganap ang bagyong Gener ng Agosto 3 at ang Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan" na habang ako'y naroon bago magsalita ay ineedit ko at dinadagdagan. Ang orihinal kasing pang-Agosto 7 ang aking nadala at hindi ko nadagdagan kaya pinilit kong idagdag ang mga nararapat. Narito ang aking talumpati:

"Isang makakalikasang araw po sa ating lahat.

Ang mga maralita ng lungsod ang isa sa pangunahing tinatamaan ng malalang epekto ng pagbabago ng klima at laging sinisisi sa mga pagbaha. Winasak ng iba't ibang kalamidad, tulad ng pagbagyo at pagbaha, ang buhay at tahanan ng mga maralita. Nariyan ang labing-isang (11) evacuation centers sa Navotas, na mga dating basketball court, na idinulot ng bagyong Pedring nuong Setyembre 2011. Mag-iisang taon na sila doon, at tila hindi nagagawan ng lokal na pamahalaang lungsod na masolusyunan ang problemang ito. At nadagdagan pa ang mga nasalanta sa paghagupit naman ng bagyong Gener, at nitong Habagat. Lumubog ang maraming lugar ng maralita, tulad sa Baseco at R10 sa Maynila, Santolan sa Pasig, Banaba sa San Mateo, Potrero sa Malabon, Muntinlupa, at iba pa. (Sa mga lugar na nabanggit ay maraming kasapian ng KPML.)

Matapos ang Habagat, may banta sa maralita na pasasabugin ang mga bahay nito upang umalis sa danger zone. (Ayon sa Phil. Star, 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012, p.6) Saan ililipat? Sa death zone? Ang sapilitang pagpapaalis sa maralita ay terorismo, kung paanong ang demolisyon ay terorismo. At para sa maralita, ang terorismo'y dapat labanan. Uulan bang muli ng mga bato? Ayaw namin ng demolisyon, nais namin ay maayos at ligtas na pabahay, na malapit sa hanapbuhay at maayos na serbisyong panlipunan. Hindi tumatanggi ang maralita na mailipat sa tamang lugar, ngunit dapat ay hindi sapilitan, kundi sa makataong paraan at merong sapat na hanapbuhay at serbisyo sa paglilipatan.

Ang kalikasan at ang pabahay ng maralita ay dapat mahigpit na magkaugnay. Hindi dapat nakatira sa mga danger zones ang mga maralita. Gayundin naman, hindi sila dapat itapon sa death zone, kung saan itinataboy silang parang mga daga sa malalayong lugar na malayo sa kanilang hanapbuhay. Dapat sa bawat usapin ng maralita sa pabahay, ay dapat pag-usapan lagi ang tatlong usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo, dahil isa lang sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Karaniwan, ang mga maralita'y tinatanggal mula sa danger zone patungong death zone, kung saan ang mga relokasyon ay yaong mga binabaha, nasa pagitan ng mga bundok, at mga relokasyong mistulang catch basin.

Alam na ng maraming maralita na hindi dapat magsunog ng basura dahil ito'y nagdudulot ng sakit. Alam na rin ng maraming maralita kung paano pagbukudin ang nabubulok at di nabubulok. Ngunit dapat pang matutunan ng maralita, sa tulong ng iba't ibang organisasyong makakalikasan, ang hinggil sa mitigasyon (pagbabawas) at adaptasyon (pag-aangkop) sa usaping climate change, ano ang climate justice, paano ang tamang disenyo ng pabahay na abot-kaya ng maralita at ligtas sa kanilang pamumuhay. Dapat patatagin pa ang pagtangan sa karapatan sa paninirahan ng bawat tao. Dapat ito'y ligtas, may ligal na seguridad sa paninirahan, at abot-kaya ng maralita. Mungkahi naman ay batay sa kakayanan ng maralita, at hindi sa market value. Kung maaari ay 10% ng kanilang kinikita bawat buwan sa loob ng isang takdang panahon. 

Hinggil sa pagkalubog ng Marikina, dapat ding suriin ang pagsusuri ng maraming maralita na sa pagkakatayo ng SM Marikina ay lumiit ang waterways o espasyo o daanan ng tubig sa ilog. Kung noon ay maraming tubig ang kaya ng ilog, dahil kumipot na ito, ang tubig ay napupunta na sa mga kabahayan na nagpapalubog sa lungsod ng Marikina. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa SM ni Henry Sy? Ang maralita ang kayang sisihin, at sinisising lagi, ngunit ang SM ni Henry Sy ay hindi.

Panghuli, matagal na ang tatlong buwan para sa evacuation centers, ngunit sa kaso ng mga labing-isang evacuation center sa Navotas, mag-iisang taon na sila doon. Dapat nang mabigyan ng nararapat na relokasyon ang mga maralitang naroon sa lalong madaling panahon, para sa kaligtasan at kinabukasan ng kanilang pamilya at mga anak. 

Muli, mula sa SALIKA at sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) - National Capital Region-Rizal (NCRR) Chapter, patuloy po tayong mag-ugnayan, magtulungan at magkaisa para sa kapakanan ng ating kalikasan at karapatang pantao. Mabuhay po tayong lahat."

Bago ang palatuntunan, may kumausap sa aking ang isa ay mula sa PAKISAMA, na isang samahan ng magsasaka. Sampung taon na raw siyang wala sa urban poor, at dati siyang nasa UPA (Urban Poor Alliance). Nag-usap kami. Hanggang sa magsimula ang palatuntunan. Habang nagsasalita ang ibang sektor, kinalabit ako ng isa pang mula sa urban poor, na taga-UPA din, at hiniling niyang maipalabas ang kanilang video. Ayos, sabi ko. Kaya sinabi ko sa emcee na nais nilang magpalabas ng video, ngunit hindi pumayag ang emcee dahil gagahulin daw sa oras. Hindi sila nakapagsalita. Nag-usap na lang kami matapos ang palatuntunan.

Sa talumpati ng mga reactor, idiniin ng taga-DENR (Department of Environment and Natural Resources) na tama ang sinabi ng tagapagsalita ng urban poor (ako iyon) na dapat hindi sapilitan, kundi dapat talagang mag-usap at ayusin ang maraming bagay, lalo na ang ipinagdiinan kong dapat dapat laging magkakasama sa anumang negosasyon at plano ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Inulit din niya ito sa malayang talakayan (open forum) nang magtanong ang marami sa pamamagitan ng sulat. Lahat kasi ng mga tanong ay pinasulat na ng emcee at siya na ang nagbasa ng mga iyon.

Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Ang natanggap ko'y isang librong marahil ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence. Ang aklat, na may 322 pahina, ay pinamagatang Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay marami. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Marahil masusundan na ang tula ko hinggil sa bunga ng kalumpit na lagi kong hinahanap sa aking mga pinsan. Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng librong ito, na kung di ako nakadalo doon ay isang malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap.

Anupa't isang magandang karanasan ang pagpunta ko ng araw na iyon sa Green SONA 2012, dahil marami akong natutunan, at naiparating ko sa isang kinatawan ng pamahalaan na hindi dapat pwersahin ang mga maralitang umalis basta sa danger zone para ilipat sa death zone. Ang pag-ulit niyang hindi dapat sapilitan ay malinaw na kahit papaano'y maaaring hindi na muling umulan ng bato sa demolisyon, dahil nagkaroon ng maayos na pag-uusap ang mga maralita at ang pamahalaan. Bagamat di ito dapat asahan ng maralita, kundi patuloy silang maging mapagmatyag at maghanda pa rin sa anumang mangyayari.

sa tanggapan ng KPML, Lungsod ng Navotas
Agosto 29, 2012

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Pag-aangkop (Adaptasyon)


BURADOR (DRAFT)

PAG-AANGKOP (ADAPTASYON) SA NAGAGANAP NA PAGBABAGO NG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
inihanda para sa Komite sa Adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Dahil sa pagbabago ng klima, naganap ang maraming delubyong hindi inaasahan ng taumbayan. Lumubog sa tubig ang mga kalunsuran, ang mga kanayunan, at maging ang kabundukan.

Nanariwa sa akin ang sinabi ng isang kasama na mismong ang Lungsod ng Baguio ay nilubog sa baha. Napakataas ng Baguio para bahain. Ngunit binaha ito dahil sa mga basurang bumara sa mga kanal. 

Maraming konsepto ng adaptasyon o kung paano tayo aangkop sa ganitong nagaganap na kalamidad. Napakaraming aghamanon (syentista) at mga propesyunal ang nagbigay ng iba't ibang kahulugan o depinisyon kung ano nga ba ang adaptasyon. Tingnan natin ang bawat isa.

a. Adaptation - Adjustment in natural or human systems in response to actual or expected climatic stimuli or their effects, which moderates harm or exploits beneficial opportunities. Various types of adaptation can be distinguished, including anticipatory and reactive adaptation, private and public adaptation, and autonomous and planned adaptation (IPCC TAR, 2001 a)
b. Adaptation - Practical steps to protect countries and communities from the likely disruption and damage that will result from effects of climate change. For example, flood walls should be built and in numerous cases it is probably advisable to move human settlements out of flood plains and other low-lying areas…” (Website of the UNFCCC Secretariat)
c. Adaptation - Is a process by which strategies to moderate, cope with and take advantage of the consequences of climatic events are enhanced, developed, and implemented. (UNDP, 2005)
d. Adaptation - The process or outcome of a process that leads to a reduction in harm or risk of harm, or realisation of benefits associated with climate variability and climate change. (UK Climate Impact Programme (UKCIP, 2003)

Kung ibubuod ang mga kahulugang ito, ang adaptasyon ang mga hakbang upang umangkop sa mga nagaganap na pagbabago sa kapaligiran nang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng buhay at mapababa ang panganib ng sakuna.

Sa karaniwang masa, napakakumplikado ng mga terminong ito ng agham, ngunit madali naman nila itong mauunawaan kung ipapaliwanag sa kanila ito sa mga payak na salita.

Simple lamang naman kung ano ang adaptasyon - umangkop ka sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali.

Halimbawa, laging binabaha sa Dagat-Dagatan, ang ginawa ng mga tao ay tinaasan ang kanilang bahay para pag bumaha ay hindi aabot sa kanilang sahig. Dumating din ang panahong tinambakan na ang mababang lupa at ginawang sementado sa pamamagitan ng pamahalaang lokal.

Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan.

Noong 2009, nilikha ang Climate Change Commission (CCC) ng Pilipinas sa pamamagitan ng Batas Republika 9729 (Climate Change Act of 2009). Ito ay binubuo ng 23 ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at kinatawan ng akademya, sektor ng negosyo at mga NGOs. Ang Komisyong ito ang may mandatong magsagawa ng opisyal na National Framework Strategy on Climate Change (NFSCC) at ang National Climate Change Action Plan (NCCAP). Ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang namumuno sa Komisyong ito.

Ang NCCAP ay nilikha upang isulong ang abotkayang programa ng pagkilos para matugunan ang adaptasyon at mitigasyon sa isyu ng nagbabagong klima. Ang pitong istratehikong dapat pangunahing tugunan nito ay ang isyu ng mga sumusunod:
1. Seguridad sa pagkain (food security)
2. Kasapatan sa tubig (water sufficiency)
3. Pangkapaligiran at pang-ekolohiyang katatagan (environmental and ecological stability)
4. Kaligtasan sa tao (human security)
5. Kapana-panatiling enerhiya (sustainable energy)
6. Mapag-angkop sa Klimang Industriya at Serbisyo (Climate-Smart Industries and Services)
7. Pagpapaunlad ng Kaalaman at Kakayahan (Knowledge and Capacity Development)

Mandato rin ng CCC na magbigay-tulong sa mga pamahalaang lokal sa paglikha ng mga ito ng LCCAP (local climate change action plan).

Ano ang ating papel bilang organisasyon? 

Una, ang komite sa adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang tumatayong kinatawan ng mga progresibong organisasyon upang tiyaking ang mga patakaran ng pamahalaan kaugnay sa isyu ng adaptasyon at nagbabagong klima ay maayos na naisasakatuparan. 

Ikalawa, maging kritikal at mapanuri, na ang ginagawa ng pamahalaan ay hindi sapat hangga't hindi nasisingil ang mga mayayamang bansa sa kanilang mga pananagutan. 

Ikatlo, ang nagaganap na pagbabago ng klima ay dahil sa isang sistemang hindi inuuna ang kapakanan ng sambayanan kundi tubo para sa iilan, iilang bansa, iilang sektor (business sector), iilang tao (mayayaman), sistemang walang pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng higit na nakararami.

Ikaapat, pagsusulat at pagpapaabot sa pamamagitan ng mass media ng paninindigan at pagsusuri ng PMCJ sa mga nagaganap, tulad ng bantang pasasabugin (blasting) ng mga kabahayan sa danger zones para ilipat ang mga tao sa death zone. 

Ikalima, makipag-ugnayan at maging bahagi ang PMCJ sa mga NCCAP at LCCAP, o kaya'y sumubaybay (monitoring) ng mga ginagawa ng pamahalaan.

Martes, Agosto 28, 2012

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)


BURADOR (DRAFT)

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)
Inihanda ni Greg Bituin Jr. ng KPML-NCRR para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

1. Ano ang pagbabago ng klima o climate change?
Mula sa nakagisnang siklo ng panahon, tulad ng tag-init na buwan ng Mayo, tag-ulan na buwan ng Agosto, taglamig na Disyembre, nasira na ang padron at siklo nito. Umuulan sa Mayo, habagat sa Agosto, unos sa Setyembre, mas malamig na ang Pebrero kaysa Disyembre. Apektado ang mga magsasaka kung paano magtatanim, at ang mga estudyante’y laging walang pasok. Mas tumitindi ang klima at di na bumabalik sa dati. Sa naganap na bagyong Ondoy, ang ulan na dati'y umaabot ng ilang araw upang bahain ang kalunsuran, ngayon ay nagpalubog sa lungsod sa loob lamang ng maikling panahon, anim na oras. Pinalubog ng Sendong ang dating di binabagyong bahagi ng Mindanao. Hinabagat ang maraming lungsod. Sala sa init. Sala sa lamig.

2. Ano ang mga dahilan ng pagbabagong ito sa klima?

Tinitingnan lang noon ng mga aghamanon (syentista) na ang pagbabago sa klima ay bahagi lamang ng likas na siklo ng panahon, may tag-araw, may tag-ulan, sa mga bansa sa tropiko, habang may taglamig (winter), tagsibol (spring), tag-init (summer), at taglagas (fall). Ngunit ngayon, hindi na ganito ang kanilang pagtingin, dahil nawasak na ang siklo nito.

Ang pagbabago ng klima ay dahil sa epekto ng GHG o greenhouse gases. Ito ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

3. Ano ang epekto ng pagbabagong ito ng klima?

Dahil sa pag-iinit ng mundo, natutunaw ng mabilis ang mga yelo sa malalamig na lugar, tulad sa Antartica, na nagsisilbing dahilan upang tumaas ang tubig sa dagat, na maaaring ikalubog ng maraming mga pulo at makaapekto ng malaki sa tahanan ng mga mamamayang nakatira dito.

Sa ating bansa, ang mga lugar na hindi dati binabaha at binabagyo ay nakaranas na ng bagyo at pagbaha, tulad sa Mindanao sa kasagsagan ng bagyong Sendong noong 2011. Lumiit ang daluyan ng tubig sa ilog nang maitayo ang SM Marikina na naging dahilan ng mabagal na paglabas ng tubig patungong dagat, at pag-apaw nito patungong mga kabahayan. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa tulad ni Henry Sy, kundi ang mga maralita ang laging sinisisi. (Phil. Star news, Aug. 14, 2012 – 195,000 families in danger zones face relocation – upang ilipat sa mga death zone na relokasyon, mga relokasyong catch basin at nasa pagitan ng mga bundok.)

4. Sino ang dapat sisihin sa mga ito?

Bagamat maaari nating tukuyin na ang dahilan nito’y ang mga kaugaliang sobrang pag-aaksaya, tulad ng paggamit ng sasakyan para bumili sa kanto, pwede namang maglakad, ito’y maliit na bagay lamang pagkat may sistemang siyang dahilan ng  labis na pagkasirang ito. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon ng mga mayayamang bansa, isinakripisyo ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

5. Anong mga dapat gawin?

May apat na pangunahing hakbang na dapat isagawa: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).  

Ang adaptasyon ay pag-angkop sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali. Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan.

Ang mitigasyon ay pagbabawas, unti-unti man o mabilisan, ng pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagbabawas sa paggamit ng langis para sa sasakyan, na kung malapit lamang ang pupuntahan ay lakarin na lamang, pagbawas sa napuputol na puno, at muling magtanim upang ang mga nawalang puno ay mapalitan, pagbabawal ng plastik dahil sa ito'y hindi naaagnas o nareresiklo, pagbawas sa mga plastik na nagpapabara sa mga kanal, itigil ang pagminina. Ibig sabihin, kailangan ng bagong oryentasyon ng pamumuhay o bagong lifestyle. Bawasan ang carbon footprints. Maaari namang di na umangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa ibang bansa na meron naman sa atin, upang makatipid sa mga langis o gasolinang ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto.

Ang technology transfer naman ay pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang organisasyon tungo sa isang organisasyon, o sa pagitan ng dalawa o mahigit pang bansa.  Napakahalaga nito dahil ang mga kaalaman sa ibang bansa ay maaaring magamit natin. Halimbawa, ang bansang Netherlands ay mababa pa kaysa lebel ng dagat, ngunit dahil sa mga itinayo nilang dike at magaling na engineering ay nagpatuloy ang matiwasay na pamumuhay sa kanila. Dapat matutunan kung paano ang tamang  paglalapat ng siyentipikong kaalaman sa mga disenyo, pagbubuo at pagpapatakbo sa mga makinarya, kagamitan at mga pamamaraan sa paraang matipid at epektibo, na ang makikinabang ay ang bansang binahaginan. Ang teknolohiya ng mga inhinyero sa Netherlands ay dapat matutunan ng mga Pilipino upang magawan ng paraan ang baha, halimbawa, sa laging binabahang Dagat-Dagatan sa Navotas.

Sa lahat ng mga proyektong ito'y nangangailangan ng pinansya upang matiyak na ito'y matustusan at maisagawa. Halimbawa, kailangan ng bansa ng People's Survival Fund, at matiyak na ang pondong nakalaan dito'y para talaga sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng buhay, at tiyaking mapondohan ang mga plano at proyekto sa adaptasyon at mitigasyon.

6. Ang ating mga tungkulin

a. Pag-aralan ang kalikasan. Suriing mabuti kung bakit nagbabago ang klima. Pag-aralan ang mga syentipikong paliwanag hinggil sa isyung ito, at iwasan ang pamahiin at iba pang paniwalang hindi kayang ipaliwanag ng syentipiko at may batayan.

b. Pag-aralan ang lipunan. Ano ang dahilan kung bakit bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Paano ito nagsimula? Suriin ang kasaysayan mula pa noong panahon ng primitibo komunal hanggang sa panahon ngayon ng lipunang kapitalismo. Bakit hindi na uubra ang kapitalismo sa panahong ito, at bakit dapat itong palitan, upang matiyak na ang susunod na henerasyong ibubunga ng bagong sistema'y may daratnang maayos na kalikasan, at magiging handa na kung anong klaseng kalamidad ang kanilang susuungin sa hinaharap.

c. Magbigay ng pag-aaral. Hindi lamang sa klasrum ang pag-aaral. Ang simpleng pakikipag-usap sa katabi at pakikipagtalastasan sa kapwa hinggil sa mga isyu ng kalikasan ay isang anyo na rin ng pagbibigay ng pag-aaral. Gawin natin ang iba't ibang porma, tulad ng tula, awit, paggawa ng nobela, pinta, facebook, email, rali, at iba pa. Magsulat at mamahagi ng polyeto, komiks, at iba pang babasahin. Magsalita sa mga programa sa radyo. Magsagawa ng mga dula sa lansangan (street plays). Isalin sa wikang nauunawaan ng masa ang mga isyu hinggil sa klima. Ipasok ang mga pag-aaral na ito sa mga batayang aralin ng iba't ibang organisasyon at sektor.

d. Mag-organisa. Hindi lamang kaunting tao ang dapat kumilos, ipaunawa natin ang mga isyung ito sa madla, lalo na sa iba’t ibang sektor. Mag-organisa tayo ng mga talakayan at mga eksibit, ng mga mobilisasyon. Magtayo ng mga tsapter ng PMCJ o iba pang samahang pangkalikasan sa iba't ibang lugar.

e. Makipag-ugnayan sa nararapat na ahensya at maging aktibong tagapagtaguyod at kritiko nito. Ang mga ahensyang ito ang nasa posisyon sa ngayon upang maipatupad ang mga nararapat na patakaran hinggil sa mga isyung pangkalikasan, kaya nararapat na nakikipag-ugnayan tayo sa mga ito, kasabay ng pagiging mahigpit na kritiko nito sa mga patakarang labis na nakakaapekto sa madla.

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Lulutang-Lutang ang mga Plastik sa Dagat

LULUTANG-LUTANG ANG MGA PLASTIK SA DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lulutang-lutang ang mga plastik sa dagat
sa Manila Bay pa lang, kita ito agad
kaylawak nitong basurahang tubig-alat
paano kung dagat na'y mapuno't masagad

lulutang-lutang ang mga balat ng kendi
kasamang lumulutang ang balot ng tae
gobyerno'y anong ginagawa't sinasabi
sa plastik sa dagat na iba't ibang klase

sa dagat ng basura ba'y naligo ka na
tulad ng isang trapong kung umasta'y dukhâ
kayrami ng plastik sa dagat ng basura
plastik na lumulutang akala mo'y dikyâ

tila ba ang mundo'y wala nang pakiramdam
isda, pagong, pating, kinakain na'y plastik
sa nangyari'y meron ba tayong pakialam
dagat ng plastik nga'y sa atin din babalik

araw-gabi'y nadaragdagan ang basura
kaya paisa-isang linis, di solusyon
paggamit ng plastik dapat ipagbawal na
buong bayan dapat ay gawin ito ngayon

susunod na salinlahi'y isalba natin
kaya ating sagipin itong karagatan
basura nito'y dapat lang nating tanggalin
at bawat buhay dito'y ating alagaan

Martes, Hunyo 12, 2012

Ang Kampanyang Anti-GMO ng CRSF

ANG KAMPANYANG ANTI-GMO NG CRSF
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masarap sa pakiramdam na nakadalo ako ng dalawang araw na pulong ng mga anti-GMO advocates na CRSF (Consumer Rights for Safe Food) noong Hunyo 7 at 9, 2012 sa Miriam College sa Katipunan Avenue, Quezon City. 

Sa pagtatapos ng matagumpay na talakayan sa Kamayan Edsa noong Mayo 18, 2012, inanyayahan ng grupong Green Convergence ang mga dumalo roon na daluhan ang pulong-talakayan ng CRSF hinggil sa GMO (genetically modified organisms) sa darating na Hunyo 7, 2012, araw ng Huwebes sa ganap na ikalawa hanggang ikaapat at kalahati ng hapon sa Miriam College. Sa pangalan pa lang ng CRSF ay atin nang mababatid kung ano ang layunin ng samahang ito - ang ipagtanggol ang karapatan ng bawat tao para sa ligtas na pagkain. Tuwing unang Huwebes ng bawat buwan umano'y may talakayan ang CRSF sa lugar na iyon.

Hunyo 7, 2012

Isa ako sa mga nakadalo sa patawag na iyon. Gayunman, nahuli ako ng dating. Nakapagsimula na sila, ngunit naabutan ko pa rin ang presentasyon sa powerpoint ni Dr. Nina Galang, isang guro sa Miriam at pangulo ng Green Convergence.

Nagtala rin ako ng ilang detalye hinggil sa paksa, tulad ng mga sumusunod:
- excessive use of herbicides have resulted in superweeds
- threats to trade: produces, such as papaya, may be rejected by countries which have strict laws on GMO
- because of IPR agreements, 4-5 multinational companies will control the food of the world
- most widely planted GMOs: soya, mais, canola
- in US - 55 million hectares
- in Argentina - 18 million hectares
- in Brazil - million hectares
- in Canada - million hectares
- how do GMOs get into our food: (a) processed food; (b) imported raw products, e.g. soya seeds, extracted flour, oil or syrup; (c) seeds for planting; (d) chicken, pigs and cows are fed GMOs; (e) genetic modification of our own corn crops
- and now Bt talong! - for direct human consumption if the proponents succeed

Ito ang isa sa pinakamatingkad na isyu:
- until now, there's no popular / active anti-GMO campaign group

Napag-alaman ko rin na ang mismong gumagawa ng mga GE crops (o mga binhi't tanim na may GMO, o genetically engineered) ang siya ring gumagawa ng mga kemikal. Ibig sabihin, kopo na nila ang kalakalan - tagagawa na ng GE crops, tagagawa pa ng mga kemikal na gagamitin sa GE crops, kaya tubong-tubo sila sa kanilang pinuhunan.

May isang nagtanong: Paano daw tayo nakakasigurado na hindi ligtas ang GMO. Ang sagot ni Dr. Galang: In case of water, if one scientist say it is safe and other scientist said it is not safe, will you drink it?

At isinulat ko sa aking kwaderno ang ilang mahahalagang punto:
- precautionary principle - if one product is not safe, then don't promote it as safe
- "tap water is safe", "tap water is not safe", "bottled water is safe" - saan nanggagaling ang mga scientist
- there's money for research in papaya, tomato, GMO, but there's no research on organic fruits
- it depends who funds the research
- those who say safe are from industries
- those who say not safe are formerly from industry but get out of it because they cannot stomach it
- there's a biosafety law

Ayon pa sa mga kasama ko sa pulong na iyon, dapat mag-file ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema upang mapigil ang eksperimentasyon ng Bt talong. At sabi pa ng isang kasama roon, "Consumers of the Philippines, of the world, unite!" Idinagdag pa nila, "Let us demand: 
- Transparency
- Access to information on scientific studies
- Our right to choose
- Safe food"

May mga bansa at probinsya na ring tinanggihan ang pagtatanim ng GM crops, tulad ng England, Germany, Italy, Austria, Liechenstein, at Japan. At sa mga probinsya naman ay nasa Pilipinas: ang Negros, Bohol, Mindoro, Ifugao. Magandang patampukin ang pagtanggi ng kanila mismong lugar sa GMO, at ipakita sa taumbayan ang mga dokumento at kampanyang ginawa nila bilang pag-ayaw sa GMO at nang mas makapagbigay inspirasyon ito sa mga dumarami pang mamamayang ayaw sa GMO.

Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ko sa GMO ay ito. Nais nang kontrolin ng mga korporasyon ang pinanggagalingan ng pagkain ng tao. Bawat binhi ay may patent na, at sa mga korporasyong ito lamang dapat bumili. Bawal mag-ipon ang mga magsasaka ng mga binhing may GMO dahil makukulong sila. May IPR (intellectual property rights) na kasi ang mga binhing may GMO. Ang prinsipyong kung sino ang kumokontrol sa pinagkukunan ng pagkain ang siyang kumokontrol sa mundo ang siyang prinsipyong taglay ng mga korporasyong ito. Wala nang kalayaan ang mga magsasaka sa kanilang mga binhi, at wala na rin tayong kalayaang piliin ang mga pagkaing ligtas para sa atin at sa ating pamilya. Nais nang kontrolin ng mga korporasyong ito ang pinagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan.

Dito pa lang ay makikita na natin ang pagkaganid ng mga promotor ng GMO. Kung talagang maganda ang layunin nila, bakit kailangan nilang lagyan ng patent o IPR ang mga binhi? Bakit hindi hayaan ang magsasaka na magtanim at mag-alaga ng sarili nitong binhi? Bakit kailangang bilhin sa mga korporasyon ang mga binhi? Sa layunin pa lang nila, hindi na maganda. Bakit ang "65% of the seeds of the world" ay kontrolado ng tatlong kumpanya, na ayon sa isang dumalo, ay ang Monsanto, Bayer, at Syngenta.

Sa isa pang paksa, ang "Orientation to Organic Food", tinalakay na ang mga organikong pagkain ay yaong mga gumagamit ng organikong pamamaraan sa pagsasaka, walang mga synthetic inputs at wala ring GMO. Nabanggit din ang RA 1068 o Organic Agriculture Act of 2010. Sa kasaysayan, nito lamang ikalawang hati ng ika-20 siglo nang maipakilala sa ating suplay ng pagkain ang mga bagong synthetic materials. Ang organic farming ay nagsimula bilang tugon sa industriyalisasyon ng agrikultura o yaong tinatawag na Green Revolution. Ayon pa sa talakayan, ang pataba ay ginagamit sa lupa at hindi sa tanim.

May nagmungkahing tingnan din namin sa YouTube yaong mga grocery store wars. May nagkomento rin na dahil sa matinding patalastas ng mga malalaking kumpanya ng pagkain, ayaw nang kumain ng gulay ng mga kabataan ngayon, dahil itinuturing itong provincial food. Mababa ang tingin umano ng mga kabataan ngayon sa mga kumakain ng gulay. Mali ito, pagkat sa mga gulay nakukuha ang karamihan ng mga bitamina at mineral na kailangan ng tao upang manatiling malakas ang kanilang pangangatawan.

Natatandaan ko, ilang taon na ang nakararaan ay nilikha ko ang isang tula hinggil sa GMO. "Dyenosidyo ng mga Binhi (Genocide of the Seeds)" ang pinamagat ko dito. Ilang beses ko na rin itong binasa sa Kamayan forum, at nalathala na rin ito sa isang aklat. At hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang paninindigan ko laban sa GMO.

Bago mag-uwian, pinatalastas din na mayroong pulong ang mga kasapi na ng CRSF para magplano ng mga hakbangin nito sa kampanya, at upang mas maipatagos pa sa taumbayan ang iba't ibang isyu kung bakit kailangan nating pangalagaan ang ating kinakain. Ito'y gaganapin sa lugar ding iyon sa Hunyo 9, 2012, araw ng Sabado, sa ganap na ikalawa hanggang ikalima ng hapon.

Nagpasiya akong dadalo sa araw na iyon. Ngunit bago iyon, nagdibuho ako sa kompyuter ng dalawang uri ng islogan para itatak sa t-shirt. Mga panawagan ito laban sa GMO at nakalagay ang pangalan ng CRSF sa ibaba. Sa unang disenyo ng t-shirt nakasulat sa bandang itaas ang "Ayoko sa GMO!" at sa ibaba naman ang buong pangalan ng CRSF at ang daglat nitong nakapanaklong. Sa gitna'y may malaking letrang GMO na nasa loob ng bilog, may linyang nakapahilis sa diyametro ng bilog na nakapaibabaw sa mga letrang GMO bilang tanda ng pagkaayaw sa GMO. Sa ikalawang disenyo ng t-shirt naman, nakasulat ang mga salitang "Fight for our right to safe food!" sa bandang itaas. At tulad ng naunang disenyo ng t-shirt ay ganuon din ang nakalagay sa gitna at sa ibaba. Kulay lunti ang nasa itaas, at kulay bughaw ang pangalan ng samahan. Magkaiba naman ng kulay ang nasa gitna ng t-shirt.

Hunyo 9, 2012

Dumating ako ng maaga sa lugar. Bandang ikalawa ng hapon ay naroon na ako. On-time, ika nga. Hanggang sa unti-unti na ring nagdatingan ang mga dadalo sa pulong. 

Nagsimula ang pulong bandang ikalawa't kalahati ng hapon. Nagpakilanlanan muna ang bawat isa. Ipinakilala rin ang pamunuan ng CRSF. Halos tatlong taon na rin pala ang CRSF mula nang ito'y itinatag noong 2009.  Inilatag din ang mga layunin ng CRSF:
- educate the consumer about health food
- provide the consumer with healthy food choices
- encourage organic farming
- lobby with the government to protect the consumers with laws specially labelling or banning GMOs.

Nagtanong ang tagapagdaloy (moderator) sa amin. Aniya, "Do the food we eat really matter?" na sinagot namin ng "Yes!" At ipinaliwanag ng tagapagdaloy na "food also affects behaviour", kung may cholesterol, ang epekto nito ay heart disease, kung sugar naman ay diabetes. Apektado tayo sa ating mga kinakain, lalo na yung may mga chemical additives, mga processed foods, at iba pa. Sa tanong na iyon, naalala ko tuloy ang mga alamat ng pagkain, tulad ng pinya na nagkaroon ng maraming mata dahil sa katamaran ni Pina. Magiging tamad nga ba ang kumakain ng pinya. Sa alamat naman ng ampalaya, ang isang maganda ngunit mapanlait na dalaga ay pinarusahan at naging kulubot at mapait na ampalaya. Ang mga alamat nga naman, pawang parusa ang pinanggalingan ng ating mga pagkain. May isinulat nga ako noon na artikulo hinggil sa mga alamat ng pagkain, na sinimulan ko sa palasak na kasabihang "You are what you eat."

Inilatag din ang CRSF activities para sa 2012-2013:
- Happy Food Projects
- GMO Food labeling and banning law
- Urban gardening / going vegetarian
- Promoting consumption of organic food
- Continuing education of members
- Networking with other groups
- Social media
- Fund raising
- Research and development of training and educational materials

May inilabas na rin palang Administrative Order ang Department of Education na "no to junk food".

May inihahanda ring isang Urban Gardening Book na Going Vegetarian. Ang mga nilalaman umano nito ay mga pananaliksik hinggil sa mga recipe, gamit pangmedikal, pangangalaga ng halaman, at mga isyu hinggil sa paano maging vegetarian, ang mga impact nito sa kapaligiran, at iba pa. Kailangang isulat ang mga ito sa paraan ng sanaysay (essay), i-layout, proofreading, at iba pa, upang maging ganap itong aklat.

Sa pagsasagawa naman ng tuluy-tuloy na pagbibigay ng edukasyon, may buwanang seminar hinggil sa GMOs at sa ligtas ng pagkain, may bi-annual membership safe food seminar, may mga field trip at farm visit din, at pamamahagi ng mga impormasyon sa email at facebook.

Nakikipag-ugnayan din ang CRSF sa iba't ibang grupo tulad ng No2GMO, Green Convergence, Organic Farmers, sa grupong internasyunal na Madge, at marami pang iba.

Naglatag ng manila paper sa dingding kung saan nakasulat sa bawat manila paper ang mga CRSF activities. Nagsulat ng mga mungkahi, pati na pangalan ng nag-volunteer na sasama't magiging aktibo sa proyektong iyon. Ang bawat isa'y nagsulat sa manila paper.

Sa aking bahagi, isinulat kong dapat magkaroon ng malaking aktibidad tuwing Oktubre 16 ng bawat taon, na siyang World Food Day, halimbawa'y forum at paglalabas ng CRSF ng press statements at letter-to-the-editors para sa araw na ito. Inihapag ko rin ang dinisenyo kong anti-GMO t-shirt bilang bahagi ng kampanya, at pagsasalin sa wikang Filipino ng anumang hinggil sa kampanyang anti-GMO, na nais kong gampanan ng husay.

Natapos ang pulong ng bandang ikalima ng hapon. Umuwi akong naglakad lamang at nag-iisip hinggil sa kampanyang dapat gawin, kasama ko man ang CRSF, o sa sarili kong pamamaraan. Ang mahalaga, ang kinakain natin ay dapat galing sa mabuti, at walang dapat kumontrol sa pinagkukunan natin ng pagkain. Wala akong personal na ganansya sa kampanyang ito, maliban sa masarap na pakiramdam na nakakatulong ako sa aking kapwa, gayunman alam kong higit na makikinabang sa kampanyang ito'y ang mga susunod na henerasyon. Ang munti mang tulong namin ngayon ay para sa susunod na henerasyon. 

Alam kong sinumang maging bahagi ng CRSF ay nasa mabuting kamay at nasa mabuting layunin para sa sangkatauhan. Ang kailangan lamang nila ay matulungan silang mapalakas ang adbokasyang ito para sa kapakinabangan ng higit na nakararami sa lipunan.

Miyerkules, Hunyo 6, 2012

Linggo, Hunyo 3, 2012

Ang Banlik ng Panatag


ANG BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

pilit inaagaw ng oso sa kalabaw
ang pinangalanang Panatag na kaybabaw
kaya kababayan ngayon ay sumisigaw
ang Panatag ay atin, di sa osong bangaw

bakit inaagaw ang Panatag sa bansa
ng katabing bansang nag-aastang kuhila
dahil ba bayan nila'y lubhang dambuhala
at tayo'y dilis lamang, kayliit na isda

ngunit nais pa natin ng tamang usapan
bago pa ito maging madugong digmaan
dapat maging mahinahon, O, kababayan,
tulad ng Panatag na ating pinangalan

negosasyon ang pangunahing mahalaga
hindi sa digmaan agad ang ating punta
tingnan natin ang sinasabi nilang mapa
baka pag-aari nila'y ang buong Asya

mga bansang sa kanila'y nakapaligid
tulad ng Burma, Laos, Thailand, at Japan
Vietnam, India, Taiwan, Afghanistan
sa lumang mapa'y nakamapa nga ba  iyan?

baka buong Asya'y pag-aari ng Tsina
ngunit noon iyon sa luma nilang mapa
ang Banlik ng Panatag ba'y sadyang kanila
aba'y lumang mapa'y dapat lang ibasura

higit isang siglo na ang nakalilipas
pinatalsik ang mananakop na marahas
naghimagsik itong bayan at nagbalangkas
na maitatag itong bansang Pilipinas

sa nakaraang siglo'y kayraming lumaya
at itinatag ang kani-kanilang bansa
kaya mga lumang mapa'y wala na't wala
mga bagong mapa'y mapa ng paglaya

kaya nang Pilipinas ay maitatag na
sakop ng bansa'y may dalawang daang milya
mula sa pampang ng dagat at mga isla
Banlik ng Panatag ay kasama sa mapa

Tsina'y malaki, sa digma'y dehado tayo
Panatag nga'y pinaulanan na ng barko
maliit mang bansa, tayo ba'y patatalo
huwag, bayan ng bayani ang bansang ito

Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal



Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT
KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Huwebes, Marso 15, 2012

Ang Iwate Noon at ang Iwate Ngayon


ANG IWATE NOON AT ANG IWATE NGAYON
ni Greg Bituin Jr.

Irashaimase.

Nitong Marso 11, 2012 ang unang anibersaryo ng trahedyang tumama sa Japan - ang tsunami at lindol na nagdulot ng pagkasira ng nuclear reactor sa Fukushima.

Nang pinatalastas sa GMA 7 ang dokumentaryo ni Kara David hinggil dito, kasama ang Iwate TV, agad akong nagkainteres kaya inabangan ko ito upang panoorin. Hindi lang dahil sa trahedya kundi dahil sa patalastas na Iwate TV ang kasama ni Kara sa kanyang dokumentasyong pinamagatang "Pagsibol ng Pag-asa: Japan Tsunami 1st Anniversary Special". Nanggaling kasi ako noon sa lalawigan ng Iwate, sa lungsod ng Hanamaki, mahigit nang dalawang dekada ang nakararaan.

Nagtungo ako, kasama ang apat pang Pilipino, sa Hanamaki-cho, Iwate-Ken, bilang student scholar (on-the-job training) sa isang kumpanya ng electronics, at namalagi kami roon ng anim na buwan. Mula Hulyo 1988 hanggang Enero 1989, nasa Hanamaki City ako na ang layo sa Tokyo ay kapara ng Maynila at Ilokos Norte. Pinadala ako ng isang technical school habang kumukuha ng 6-na-buwang radio-TV technician course. Tatlong buwan pa lang ako sa school na iyon nang pumunta akong Japan upang mag-aral ng aktwal ng electronics. Dalawa kami mula sa aming klase ng 40 ang pinadala. May nakasabay pa kaming tatlo pa na iba naman ang pinanggalingan. Pagdating namin sa Hanamaki, marami kaming nadatnang Pilipino roong nauna sa amin. Pagbalik ko dito sa bansa, agad kaming kinuha ng isang Filipino-Japanese company bilang pioneer na manggagawa. Tatlong taon akong machine operator sa kumpanyang gumagawa ng pyesa ng computer.

Sa aking pananaliksik, sa Iwate Prefecture (lalawigan ng Iwate) pa lang, may labing-isang lungsod na, at isa rito ang Hanamaki City. Noong naroroon pa kami, meron nang shinkansen (bullet train). Naikot din namin ng aming mga kasama ang mga onsen o yaong mga otel na may swimming pool na parang sauna dito sa ating bansa. Pati na mga club na maraming Pinay ay pinupuntahan namin. At syempre, lagi kaming may dalang kamera, at ito ang una kong binili sa Japan. Naabutan ko sa Hanamaki City ang snow, lalo na pag umaga ay kinakayod na ito ng mga bulldozer. Marami din kaming naging kaibigang Hapon at Haponesa dito. Nakasama pa nga ako sa pamimitas ng mga mansanas sa isang tanimang pag-aari ng Haponesang kasama namin sa kumpanya. Doon ko natikman ang Sapporo na katumbas ng San Miguel Beer, at saki na katumbas ng lambanog. Doon ko napanood sa telebisyon ang nagaganap noong Seoul Olympics. Naroon ako nang mabalitang namatay na si Emperor Hirohito.

Maganda ang Hanamaki City, kaya nang mapanood ko ang dokumentasyon ng hinahangaan kong si Kara David hinggil sa Iwate, napapaisip ako kung ano na kayang itsura ng Hanamaki ngayon? Naroon pa kaya ang kumpanyang pinuntahan ko, ang bahay na tinirahan namin ng anim na buwan, ang aming mga naging kaibigan? Kumusta na kaya sila?

May ilang binanggit na lugar si Kara, ngunit wala ang Hanamaki City. Marahil di na kaya nina Kara David na ikutin pa ang lahat ng lugar na tinamaan ng trahedya, kundi nagtuon na lamang sa ilang lugar na talagang grabeng inubos ng tsunami. At marahil din, di na gaanong tinamaan ng tsunami ang Hanamaki City. Ngunit isang probinsya lang ang layo ng Iwate Prefecture sa Fukushima. Napapagitnaan ng Iwate at Fukushima ang Miyagi Prefecture, kung saan naroon ang Sendai, na unang napabalitang lumubog sa tsunami. Sa mapa, malayo ang Hanamaki City sa dalampasigan, kaya marahil ay di na ito naabot ng tubig. Ngunit di pa rin dapat maging kampante, dahil paano naman ang radyasyon ng nukleyar sa Fukushima, kaya itong ilipad ng hangin.

Ang alaala ng Hanamaki City, ang balita ng tsunami, lindol at pagkasira ng plantang nukleyar sa Fukushima, ang pagkakaisa ng mga Hapones noong Enero 2012 upang ideklara ang Yokohama Declaration for a Nuclear-Free World, mga gunita at isyu itong di dapat balewalain. Dapat nating ikampanya ang isang mundong walang nukleyar, at maghanda sa mga panahong dumating ang mga kalamidad. Bagamat sanay na ako sa kalamidad, na mula pa pagkabata ay lagi nang dinadalaw ng baha ang aming lugar sa Balic-Balic, ang huli ay ang naganap na Ondoy na umabot ng tuhod, di pa rin dapat tingnan na karaniwan lang ang ganitong mga kalamidad. Dahil bukod sa mga nasisirang kasangkapan, may nagbubuwis ng buhay.

Bihira akong umuwi ng bahay dahil sa opisina na ako natutulog. Ngunit nang mangyari ang Ondoy noong Setyembre 26, 2009, agad akong tumungo sa aming bahay sa Sampaloc, at ikinuwento na lang ng aking ama kung hanggang saan ang baha. Paalis na sila noon ng mahal kong ina upang magtungo ng Tondo para magpagamot, kaya tinanong ako kung baha pa ba sa España St., at ang sabi ko'y baha pa. Ngunit mababa na ang tubig sa bandang Vicente Cruz St. Kaya sakay ang owner, nag-iba na lang sila ng direksyon. Kahit ang opisinang tinutuluyan ko ay inabot din ng abot-tuhod na tubig ni Ondoy, buti na lang at wala ako roon nang mangyari, dahil baka kasamang nabasa ang aking passport. Dalawang araw matapos ang trahedyang dulot ni Ondoy, muli akong nangibang bansa, patungong Bangkok, Thailand upang daluhan ang walong araw na kumperensya hinggil sa climate change, at katawanin ang aming organisasyon.

Pumatak ng araw ng Linggo ang Marso 11, 2012, simpleng pagtitirik ng kandila para sa mga biktima ng trahedya sa Japan. Kinabukasan, araw ng Lunes, nakaiskedyul ang rali (solidarity action) namin sa Japanese Embassy upang ipakita ang aming pakikiramay sa mga Hapong biktima ng naganap na trahedya. Sumama ako sa raling iyon at isa sa nanawagang huwag nang buksan pa ang plantang nukleyar. Katunayan, sa isang plakard na ginawa ko ay nakasulat: "Nuclear is Unclear! No to Nukes!"

Ondoy, Pedring, Quiel, Sendong, Fukushima, Sendai, Iwate, nukleyar, tsunami, lindol, climate change - lahat ng ito ay usapin ng kalikasan at kapaligiran (nature and environment). Mga seryosong isyung di dapat balewalain, o basta ipagkibit-balikat na lamang. Kaya kung may pagkakataon, sumasali ako sa mga aktibidad hinggil sa usaping pangkalikasan, lalo na sa usaping climate justice, at kung paano ang ating mga dapat gawin at ikampanya. Bilang karaniwang tao at bilang mamamayan ng mundong ito, paano tayo magkakatulungan? Sa harap ng mga kalamidad na di maiiwasan, paano natin ito haharapin, at anong mga dapat nating gawin bago at matapos itong maganap? Paano tayo mag-a-adapt at magmi-mitigate upang matiyak ang kaligtasan ng mundo? Mga katanungang naghahanap ng katugunan.

Salamat, Kara David, sa iyong ulat. Salamat, Hanamaki, sa karanasan. Salamat, ama't ina, sa taglay kong katatagan. Nagbabalik ang alaala, nagpapaalala. Sa kinakaharap na mga alalahanin sa isyung pangkalikasan at usapin ng kaligtasan ng mundo, dapat na magkatulungan ang bawat bansa at bawat tao upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Dapat tayong maging handa.

Arigato gozaimashita.