Martes, Nobyembre 18, 2008

Usapang Isda

USAPANG ISDA
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

Martes, Nobyembre 11, 2008

Puno at Bunga

PUNO AT BUNGA
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bunga'y ang iyong ginawa
At dahon lamang ang salita
Itong sanga yaong adhika
Habang ugat nama'y panata.
Ang buong puno'y siyang diwa
Kasama ng katas at dagta
Ng bungang nais mong mangata.

Diskriminasyon at Losyon

DISKRIMINASYON AT LOSYON
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaytindi ng diskriminasyon
Kahit sa patalastas doon
Sa dyaryo, radyo't telebisyon
Upang pumuti ka'y mag-losyon.
Maputi'y gumanda ang layon
At kayumanggi'y pangit doon.
Di ba't iya'y diskriminasyon?

Dayukdok sa Usok

DAYUKDOK SA USOK
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit sa bisyo ninyong usok
Ay tila kayo'y nadayukdok
Kapara nito'y hanging bulok
O tambutsong sumusulasok.
Kung tila titigil ang tibok
Ng puso't sumakit ang batok
Aba'y tigilan ang pausok.

Linggo, Nobyembre 2, 2008

Dyenosidyo ng mga Binhi

DYENOSIDYO NG MGA BINHI
(isang tula laban sa gentically-modified organism)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Ano bang nangyayari sa sandaigdigan
Bakit pati selula'y pinakialaman
Ginawa ba nila'y sagot sa kagutuman
O ito ba'y kagaguhan at kahangalan?

Bakit kailangang baguhin ang selula
Para bumilis daw ang paglago ng bunga
Nitong puno, halaman, hayop at iba pa
Upang matugunan daw ang gutom ng masa?

May nagsasabing sagot sa kalam ng tiyan
Ay retokehin na yaong pinagkukunan
Ng pagkain mula gubat at kabukiran
Nang di magkulang ang nasa hapag-kainan.

Ngunit wala naman itong kasiguruhan
Kung genes ng lamok ilalagay sa halaman
At wala na ring buto ang ibang dalandan
Kaya binhing pantanim ay mababawasan.

Ang paniniwala nila'y di ko mawari
Pagkat sila nga'y puno ng pagkukunwari
Kung sino raw ang may kontrol ng mga binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari.

At bayani raw silang dapat maturingan
Gawa daw nila'y sa ngalan ng kaunlaran
Binalewala na ang mga karapatan
Ng magsasakang bumubuhay sa lipunan

Kailangang bilhin na nitong magsasaka
Ang mga binhi sa kumpanyang nagbebenta
Pagtatanim ng binhi'y di na basta-basta
Pagkat binhi'y kontrolado na ng kumpanya.

Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi
Na pakana nitong mga kumpanyang imbi
Binhi'y inuubos na nilang unti-unti
Sa lupang sakahan ng iba't ibang lahi.

Tanging alam kong nag-uudyok sa ganito
Ay dahil ang sistema pa'y kapitalismo
Kung paano tutubo ang tanging motibo
Ng kapitalistang tulad nitong Monsanto.

Kapag pinayagan nating magpatuloy pa
Ang pinaggagawa ng ganitong kumpanya
Tiyak na ang tao'y sa kanila sasamba
Pagkain at sistema'y kontrolado nila.

Tandaang tinurang prinsipyo nilang imbi
Na kung sino raw ang may kontrol nitong binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari
Nagaganap na ang dyenosidyo ng binhi.

Halina't magpatuloy sa pakikibaka
Laban sa sistemang nagbunsod nitong dusa
Dyenosidyong ito'y dapat mapigilan pa
Tayo'y magkaisang baguhin ang sistema.

Huwebes, Oktubre 23, 2008

Patak sa Gripo

PATAK SA GRIPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Tik-tak-tik, iyo pa bang nababatid
Tubig ay ginto sa bawat kapatid
Tik-tak-tik, sahurin natin ang tubig
Pagkat kung ito'y tuluyang masaid
Tik-tak-tik, uhaw ay di mapapatid.

Pulitiko at Plastik

PULITIKO AT PLASTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Plastik ay sadyang kayrami na
At lagi na lang bumabara
Sa kanal ng mga kalsada
Pulitiko'y kanyang kagaya.
Minsanan lang ang gamit nila
At sa mundo sila'y tambak na
Huwag silang paramihin pa.

Linggo, Oktubre 19, 2008

Sa Bata Ba'y Isa Kang Halimbawa? - ni GBJ

SA BATA BA'Y ISA KANG HALIMBAWA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Bata pa tayo'y tinuruang
Huwag magtapon saan-saan
Paglaki'y naglahong tuluyan
Itong ating pinag-aralan.
Kung turong ito'y nalimutan
Ngayon nga'y ating pag-isipan:
Bata'y paano tuturuan?

Kayrumi na ng Karagatan - ni GBJ

KAYRUMI NA NG KARAGATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kayrumi na ng karagatan
Pagkat ginawang basurahan
Mga plastik ay naglutangan
At isda'y nagkakamatayan.
Tayo'y dapat nang magtulungan
Upang di dumuming tuluyan
Ang mahal nating karagatan.

Magdilig Lagi - ni GBJ

MAGDILIG LAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Diligan ang mga halaman
Lalo na kung hindi tag-ulan
Baka ito na'y matuyuan
At malanta na ng tuluyan.
Kung tayo'y maraming halaman
Ito'y ambag sa kalusugan
Kaya't ito'y laging diligan.

Ang Gamit ng Tubig - ni GBJ

ANG GAMIT NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ang tubig sa batis at gripo
Sa paggamit nama'y pareho
Inumin nitong bawat tao
Ngunit may kaibhan din ito:
Una'y di kalakal ng tao
At ang isa nama'y produkto
Pinagtutubuan ang gripo.

Kaytindi na ng Polusyon - ni GBJ

KAYTINDI NA NG POLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

O, kaytindi na ng polusyon
Ang hangin nati'y panay karbon
Nakasusulasok sa ilong
Nakakawawa itong nasyon.
Hanapan natin ng solusyon
Na hangi'y malinisan ngayon
Nang maibsan na ang polusyon.

Ang Pangkalikasang Edukasyon - ni Greg Bituin Jr.

ANG PANGKALIKASANG EDUKASYON
(Nilikha at binasa sa Kamayan Environment Forum, Oktubre 17, 2008, Biyernes, na ginanap sa Kamayan Edsa, malapit sa SEC, na ang paksa'y Edukasyon at Kalikasan, at dinaluhan ng 40 katao.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Kailangan ng edukasyon ng buong bayan
Ng mga isyu at usaping pangkalikasan
Sa gayo'y mamulat ang maraming mamamayan
Na ang kalikasan pala'y dapat alagaan.

Tayong mga dumadalo dito sa Kamayan
Iba't ibang kuru-kuro'y nagbabahaginan
Sa mga isyu'y marami tayong natutunan
Sa mga nagtalakay na makakalikasan.

Kaya nga't sa ating pag-uwi sa ating bahay
Ibahagi ito sa mga mahal sa buhay
Sa mga kumpare, kaibigan, kapitbahay
Ito sa kalikasan ay maganda nang alay.

Kaya't pakahusayan natin ang edukasyon
Hinggil sa kalikasan at gawin itong misyon
Upang maraming masa'y matuto sa paglaon
At malaki nang ambag ito para sa nasyon.

Tikatik Ng Ulan - ni Raul Funilas

Tikatik Ng Ulan
ni Raul Funilas

Kahit ako, hindi ko alam ang aking pinagmulan,
Sinasabing ako’y galing sa balong sintanda ng daigdig.

Pawis ng nagbabagang araw na maghapong napagod
Sa paniniya ng nagbahagharing kulay sa nagtungkong ulap.

Hamog na handog at kipkip-kalupkop ng buong magdamag,
Singaw ng bulkang nayayamot sa asupreng mainit na kinalong.

Tamod ng dagim na alapaap na kinakatalik ang suso ng kabundukan
At luha ng langit na laging nagluluksa sa paninigwada ng himpapawid.

Ang alam ko, noong ako’y isang tikatik na ampiyas;
Natutuwa ang tigang na lupa at nagsasaya ang mga ugat ng puno.

Hanggang ako’y pawalan ng selosang ulap na yakap ng habagat,
Nilunod ko ang kabundukang gumugulo sa tining at linaw ;
Patuloy na dumaloy sa bikilang dahilig upang lumatag sa dagat.

Ako’y walang sawang hinihiwa ng sari-saring bangkang malaki’t maliit
Na ang mga nakalulan dito’y walang sawang nagdadagan ng mga libag.
Hindi iisang buntunghininga ang hinugot at umilambo sa aking paghihirap,
Naglalamat na ang aking kristal nang bulungan ko ang alimpuyong bagyo.

Lambalan naming sinalasa ang kapaligiran upang ipadamang ako’y nagtatampo,
Subalit bingi ang lahat nang sa aki’y nakikinabang;
Patuloy silang kumakalawkaw sa naipon kong tubig:

Sa tabo,
Sartin,
Lumbo,
Timba,
Balde,
Kanal,
Sanaw,
Tapayan,
Dram,
Balon,
Sapa,
Batis,
Ilog,
Lawa,
At minsa’y sa dinasalang agua bendita.

Ginamit ako sa paghuhugas ng kasalanan
Samantalang ako’y hindi nila hinahango
Sa maruruming kanal ng kanilang pagkakasala.

Linaw Ng Tubig - ni Raul Funilas

Linaw Ng Tubig
ni Raul Funilas

Ang aking salita ay isang gulong
Ng along nakapinid na alaala
Na siyang nag-iingat sa dalampasigan
Ng ating mga nakalipas.

Ako ay lumapit sa iyo at ibinulong
Ang ginintuang pangako sa iyong pananalig,
Ikaw ay nagpaubaya ng kapangyarihan
At kaluwalhatian.

Kakapiraso pang pangako ang aking ginagap—
Subalit higit kang nagging mapagbigay
Sa aking matinding pagkauhaw.

Tunay na walang hihigit pang alay
Sa tulad ng iyong hangaring:
Ginagawang labing nauuhaw ang aking buhay
At dinadalisay mong maging isang bukal.

Ditto nakasalalay ang aking karangalan at ang gantimpala,
Na tuwinang paparoon ako sa bukal upang uminom;
Natatagpuan kong nauuhaw din ang malinaw na tubig—
Nilalagok niya ako at tinutungga ko naman siya.

Pangako Ng Lupa - ni Francisco Monteseña

Pangako Ng Lupa
ni Francisco Monteseña

I
Ikaw na kumikilala sa akin,
Asahan mong hindi ko buburahin
sa aking mukha ang iyong kalinga
Bawat pitak ko’y pilak sa himaymay
na pinagpala ng iyong mga kamay.
Ang bawat pananim na kumakaway
ay bunga ng iyong pag-agapay…salamat.
Ikaw na karaniwang tao
ay hindi karaniwan ang adhikang
mahalin ako ng may pakikibaka.
Nag-iisa ka lamang na nakikita
ang ganda ng aking kabuuan;
Na ang pagkilala sa akin
ay hindi putik lamang.

II
Sa aking pagyaman,
ikaw ay aking sasamahan.
Sa aking pagyabong,
ikaw ay hindi kalilimutan.
Hindi mo man ngayon anihin
ang lahat ng magiging supling
na iyong itinanim sa akin,
Iyo nang pakasiguruhin
Na ang pagpapala ko
Bukas ay kakamtin.

Hinaing Ng Punong Saging - ni Francisco Monteseña

Hinaing Ng Punong Saging
ni Francisco Monteseña

Wala na nga siguro, wala.
Walang maipagmamalaki
sa mga katulad ninyong malakas,
matayog, mayabong, mayabang;
ang tulad kong maliit, malambot, mahina.
Madalas ninyong ipakitang hindi kayo
natatakot sa lakas ng hangin,
sa bagyo mang darating. Matibay ang inyong
mga sangang hindi kayang hapayin ng ihip,
ng tikatik, ng anumang pagngangalit.
Kayo ang taal na likhang nakaugat sa lupa,
matatag, kaya abot langit ang tiwala
sa sarili. Nakalimutan ninyo lamang
na sa lahat ng punong likha,
ako lamang ang natatanging
may puso.

5/15/06

Sa Pook Na Ito - ni Francisco Monteseña

Sa Pook Na Ito
ni Francisco Monteseña

Sa pook na ito’y paliit nang paliit
ang sakop ng tanaw. Tunaw
ang landas ng agam-agam.
Sa gunam-gunam ay laro lamang
ang minsang pagdaiti
ng ating kapalaran.
Wala ka na sa pook na ito,
di ko na nadatnan.Di ka na
nakapaghintay sa sumpang tipanan.
Nagsawa na sa pamumulaklak
ng halakhak ang mga lambak
na pinadaus-usan ng ating kamusmusan.
Nakitil sa hilahil ang kaparangan
ng ating pangarap. Hanggang
ang pook na ito’y maging bilangguan
ng mga alaala. Kapos sa luwag
sa pagsisiksikan ng di mabilang
na pangakong sana ay magtatapos
sa aking pagbabalik at sa iyong
paghihintay. Ay! nakapanghihinayang.

7/13/06

Pamamaybay - ni Francisco Monteseña

Pamamaybay
ni Francisco Monteseña

Kung ako ay isang anod ng tubig
na layon ay sa iyo sumanib,
dadaloy ako nang tahimik. Ayaw kong
dumating nang paragasa na may batong
madudurog o may dahong makakasama
sa pag-anod. Darating ako sa iyong kabuuan
nang payapa, halos di mo alam.
Sasanib sa iyong karagatan, magiging malaya
sa kabuuan ng aking pagyakap.
Batid kong malayo pa ang paglalakbay;
May mga kababawan sa pagdaloy,
ngunit titiyaking makatwiran ang paglulunoy
at sa batisang dalisay mamamaybay.
Sa pagsanib sa iyo ay magwawakas
na ang lumbay. Kuyumin man ng hahadlang
ay tutulas ako at tutuklas ng butas;
Walang makakaharang sa pagwisik
ng tanging layuning ikaw ay gisingin
ng aking pagdating at ako ay salubungin
hanggang tayo ay tuluyang maging isa.

Laguna Lagoon - ni Francisco Monteseña

Laguna Lagoon
ni Francisco Monteseña

Hindi na pamilyar
ang mga daan pauwi. Sawi
ang matang hinahanap
ang mga ilog. Durog
na ang mga bakas. Wakas
ng pinaglunuyang look, pook
ng aking kabataan. Lagot na ang pusod
na nagdurugtong sa Inang lalawigan
at sa aking kabuuan. Ang lahat
ay salamisim na di na masalamin.
Nagbabalik akong walang lawang
sumalubong, sumbong ng hangin
sa di na kilalang panauhin: “Wasak na
ang batuhang iyong tinatalon.
Taluntunin mo man sa iyong pagbabalik
ang nasa isip na daan, ililigaw ka na ng nakaraan!”
Ayokong pumayag na naglaho na
ang mga look, siguro’y nasa tagong sulok
ng nagtatampong bayang di kinawilihang
pasyalan ng naghahanap na anak-anakan.

Alaala - ni Anthony Pabon

ALAALA
ni Anthony Pabon

Ibig kong balikan
Ang panahon ng aking kamusmusan
Ang paglaro sa dagat, paghuli
Ng maliliksing isda at
Pakikipaglambingan sa
Alon ng karagatan

Ngunit ito’y isang alaala
Na lamang na aking maituturing
Hindi dahil ako’y matanda na
At akin nang iniwan ang kamusmusan
Kundi dahil wala ng espasyo
Na pwede panglanguyan
Dahil sa tambak na basurang
Bumabalot sa tubig dagat at
Sa itim nitong kulay na
Nakaririmarim tingnan.

Sa May Pantalan - ni Anthony Pabon

SA MAY PANTALAN
ni Anthony Pabon

Masaya akong nakaupo
Sa tabi ng puno ng pantalan
Ninanamnam ang sariwang hangin
At pinagmamasdan ang maganda
At malinis na karagatan

Mga isda’y nagsisipaghabulan
Mga puno sa dagat ay masayang
Nakikipagpaligsahan sa bulong
Ng hanging amihan.

Habang mga alon naman ay
Yumayakap at nagtatampisaw
Sa katawan ng bangkang
Sa laot palutang-lutang

Sa aking pagkakaupo ayaw
Ko nang umalis at tumayo
Dahil away kong iwanan
Itong aking karanasan dito
Sa tabi ng pantalan
Kahit na ito’y isang malamig na
Alaala na lamang.

Hinanakit ni Nemo - ni Anthony Pabon

HINANAKIT NI NEMO
ni Anthony Pabon

Malinis na karagatan
Corales na nagsisilakihan
Isdang matataba
At halamang dagat ay sariwa
Ito ang lugar na aking
Nasilayan at kinagisnan

Subalit sa aking paglaki
Paraiso na aking kinamulatan
Ngayon ginawang basurahan
Ng mga nilalang na walang
Inisip kundi ang kanilang
pansariling kapakanan

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.

Biyernes, Agosto 15, 2008

Mina

MINA
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig


May dala nga bang kaunlaran
Ang pagminina sa lipunan
O ang dala nito sa bayan
Ay nasira nang kalikasan
At pagtaboy sa mamamayang
Doo’y nagsisipanirahan
Kaya’t kanilang karapatan
Ay nilalabag ng tuluyan.
Ano nga ba itong dahilan?
Pagkat kahit naman kailan
Ang mga tao’y di tinitingnang
Kasali rin sa kaunlaran.
Dapat ito’y para sa bayan
At di lang para sa iilan.
Minimina ang kalupaan
Lalo na itong kabundukan
Bamay rin pati kagubatan
Kawawa na ang kalikasan.
Kailan ito titigilan
Pag marami nang namatayan
At namatay na ng tuluyan
Dahil sa’ting kapabayaan?
Halina’t ating alagaan
Ang bayan nati’t kalikasan
Pagminina ngayo’y tigilan
Para na sa kinabukasan

Lunes, Hulyo 14, 2008

Litanya ng Puno - tula ni Pia Montalban

litanya ng puno

ni pia montalban


nanglilimahid na ako

kailan ninyo ba ako paliliguan?

iaasa ninyo na lang ba sa langit palagi?

na sana’y maawa siya’t lumuha sandali?


bigyan ninyo naman ng panahon

paligid ko’y inyong linisin

bigyan ninyo naman ng okasyon

paminsan ako ay kamustahin


pinatatalsik ninyo kami

sa lupang inugatan na namin

may relokasyon ba kayong laan

o panggatong ang aming kalalabasan?


sinasangkalan ninyong dahilan ang kaunlaran

subalit naiiwanan kami sa inyong batayan

maunlad ba ang bayang walang malasakit sa kalikasan?

maunlad ba ang bayang walang pakialam sa punong masasagasaan?


pinapatay ninyo kami

para ikalakal at ibenta

inuubos ninyo ang aming lahi

at ‘di kayo nagtatanim ng bagong binhi


mauubos kami at walang pumapalit

hindi ninyo naisip na ang apektado’y inyong paslit

wala na silang mapaglalaruang lilim sa aking mga sanga

hindi na rin nila matitikman itong aking mga bunga


hindi kami makasigaw, o makapagsalita

hindi kami posibleng maglakad, o magmartsa

kahit lagi nang nakataas ang nakakuyom naming dahon at sanga


pero paano namin ipaglalaban

ang aming mga karapatan?

sa salitang inyong mauunawaan?

sa pagkilos na inyong maiintindihan?


magtitiis kami sa inyong pangaalipusta

magtitiis kami sa inyong pagpapabaya

huwag lang mapigtal ang pisi ng pasensya

dahil maniningil kami ng marahas at walang awa


at walang pagkawagi sa giyerang

kayo ang matigas na nagpasimula

akala ninyo’y pinapatay ninyo kami

habang pinapatay ninyo pala’y


ang inyo ring sarili!

O, Inang Kalikasan - tula ni Anthony Barnedo

O, Inang Kalikasan
-Anthony Barnedo
Jan. 6, 2008


Ninais kong umakyat ng isang mataas na bundok
Umiiwas sa nakakaasiwang maitim na usok
Manatili sa paraiso't punan ang pagkasabik
Sa Inang Kalikasan na maaaring makahalik.


Ako'y tutungo sa isang napakadilim na daan
Lilisanin ang naghihikahos at mahal kong bayan
Maglalakbay para sa hinahangad kong katuparan
Marating ang magandang pisngi ni Inang Kalikasan.


At nakita ko ang liwanag sa isang hatinggabi
Tila alitaptap sa kabundukan ay humahabi
kamangha-mangha pagsalubong, ito'y di ko mawari
O, Inang Kalikasan, Paano nga ba ito nangyari?


Ako ay di mapangiti sa pagsapit ng liwanag
Itong aking natatanaw ay sadyang kahabag-habag
At sa gitna ng kabundukan, 'tong puso'y nabagabag
O, Inang Kalikasan, Ito ba ang iyong tugatog?


Kasuklam suklam na larawan itong pinagmamasdan
Ganito na ba ang tao sa kanyang sarili bayan
Naglalakihang istraktura't sangkaterbang tahanan
Nasaan na ang kagubatan, O, Inang Kalikasan.


(Sinumulan ko ang kathang ito sa pangalawang gabi namin sa Baguio...
pagkatapos naming gumawa ng magagandang bagay sa aming mga kasama.
Tinapos ko ang ilang letra sa aking magulong kuwarto.)


Si Anthony Barnedo ay opisyal ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML)-NCRR Chapter

Hindi Saging ang Bata sa Video - tula ni GBJ

HINDI SAGING ANG BATA SA VIDEO

ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sa miting ng grupong Convergence nitong Mayo sa Environmental Science Institute sa Miriam College sa Lunsod Quezon ay ipinalabas ni Ms. Lia Esquillo ang isang video hinggil sa isyung aerial spraying sa Davao. Sa Hulyo 28 nakatakdang ilabas ng Court of Appeals ang hatol sa usaping ito.)


Sa isang pinalabas na video

Ni Madam Lia na Davaoeño

Pinaulanan ng pestisidyo

Na binagsak mula eroplano

Ang mga saging at mga tao.


Rason ng namuhunan sa saging

Ang mga peste’y dapat patayin

Kaya gamit nila’y eryal isprey

Na tinamaa’y di lang pananim

Kundi pati tao sa paligid.


“Hindi ako saba o lakatan

Hindi ako saging na latundan

Bakit pati ako’y inambunan

Inispreyan ang aking katawan

Ng lason ng kumpanyang gahaman.”


Itong sabi ng bata sa video

Batang wala pang muwang sa mundo

Na biktima ng sakim sa tubo.

Nagkasakit na ang batang ito

Batang hindi saging, kundi tao.


Bukod sa kanya ay marami pa

Ang nagkasakit at nabiktima.

Lingkod-bayan ay agad nagpasa

Ng ginawa nilang ordinansa

Eryal isprey ay pinagbawal na.


Ngunit nakapalag ang kumpanya

Ito’y agad nakapag-apila

Kaya napigil ang ordinansa

Anim-na-buwang nagpatuloy pa

Ang eryal ispreying sa kanila.


Kaya ngayon ay inaabangan

Ang kahatulan nitong hukuman

Ang eryal isprey ba’y papayagan

O ito’y tuluyang pipigilan

Para sa kalusugan ng bayan?


At akin ding dito’y namamasdan

Kung ano ang dito’y nakasalang

Nakataya sa naglalabanan:

Dignidad ng mga lingkod bayan

Laban sa mga mamumuhunan.


Ang labanang ito’y kaytindi na

Tutubuin o ang ordinansa

Puhunan o kalusugan nila

Mga tao laban sa kumpanya

Lingkod-bayan o kapitalista.


Ang masasabi ko lang ay ito

Hindi saging ang bata sa video

Kaya sa Davao ma’y kaylayo ko

Panawaga’y sumuporta tayo

Sa laban ng mga Davaoeño.


Hulyo 12, 2008

Sampaloc, Maynila

JPEPA, Ibasura! - tula ni GBJ

JPEPA, IBASURA

ni Gregorio V. Bituin Jr.


May mga balita doon sa Senado

Dapat JPEPA raw iratipika na

Sa muling pagbubukas nitong Kongreso

Dapat pirmahan na raw itong JPEPA.


May side agreement daw, ang sabi ni Miriam

Na ilalagay pag niratipikahan

Ngunit si Pimentel, di sang-ayon naman

Pagkat di ito ang batas na naturan.


Dahil may side agreement isasabatas

Itong JPEPAng kayrami namang butas

Maling ang JPEPA’y agad bigyang basbas

Kung makasasama na sa Pilipinas.


Kaya, mga senador, kami’y pakinggan

Itong JPEPA’y ibasurang tuluyan!


Hulyo 6, 2008

Sampaloc, Maynila