Sabado, Pebrero 22, 2020

Atake sa Senado: Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana

Atake sa Senado
SINA KA EDDIE GUAZON AT FR. PETE MONTALLANA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa kilalang lider sila ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila may kaugnayan sa maralita. Pareho silang prinsipyado, determinado, palaban, kagalang-galang, magiting. Subalit pareho rin silang inatake habang nagsesesyon sa Senado habang ipinaglalaban ang mga maliliit at api sa lipunan. Ang isa'y tuluyang namatay at ang isa'y pinalad na nabuhay.

Si Ka Eddie Guazon ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naitayo tatlo't kalahating dekada na ang nakararaan. Namatay siya habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nagaganap na demolisyon. Doon sa Senado ay inatake siya ng cardiac arrest habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis. Dinala siya sa Philippine General Hospital subalit hindi na siya umabot ng buhay.

Si Fr. Pete Montallana ay aktibo sa Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNAI) at sa Stop Kaliwa Dam (SKD) campaign. Nitong nakaraan lang, nabalitaan kong dinala siya sa ospital habang nasa pagdinig sa Senado kaugnay sa proyektong Kaliwa Dam na mahigpit din niyang tinututulan. Dinala siya sa klinik at sa kalaunan ay sa ospital, at siya'y inoperahan. Sa ngayon, siya'y nagpapagaling.

Hindi ko na naabutan pang buhay si Ka Eddie Guazon pagkat 1989 siya namatay. Subalit inipon ko ang mga kasaysayan ng KPML na inilagay ko sa blog na aking binuo. Pati ang kanyang mga larawang nalathala sa isang magasin ng pagpupugay sa kanya at ang nag-iisang kwadro ng kanyang litratong nasa tanggapan ng KPML ay aking nilitratuhan upang mailagay sa blog. Kaya pag kailangan ng kasaysayan ng KPML, datos, pahayag, sa blog ng KPML ito makikita. Ako naman ay napunta sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang Mayo 2008. At muling nagbalik sa KPML bilang halal na sekretaryo heneral nito noong muling maglunsad ito ng kanyang pambansang kongreso noong Setyembre 16, 2018.

Una ko namang nakadaupang palad si Fr. Pete noong 2009 nang makasama ako sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009. Alam din ni Fr. Pete na ginawa ko ang Filipino translation ng Laudato Si mula Hunyo 24, 2015 hanggang sa ito'y matapos noong Setyembre 16, 2015. Isinalin ko ito sa kahilingan ng mga nakasama ko sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na sina Yeb Saño at Rodney Galicha.

Kilala ni Fr. Pete ang KPML kung saan ako ang kasalukuyang sekretaryo heneral. Nang malaman niyang KPML ako ay agad niya akong tinanong kung saang KPML ba ako. Isa kasi si Fr. Pete sa nagbuo ng grupong SILAI o Sikap-Laya, Inc., isang grupo ng maralita kung saan dito napunta ang ilang pamunuan ng KPML-National Capital Region and Rizal chapter (NCRR), nang ang mga lider nito'y nawala sa KPML-NCRR noong Setyembre 2012. Nasa Thailand ako noon nang mawala sila, at pagbalik ko sa Maynila'y nabalitaan ko na lang ang paghihiwalay. Nakita ko roon sa SSMNAI ang ilang dating lider ng KPML at Zone One Tondo Organization (ZOTO) na ngayon ay nasa SILAI.

Si Fr. Pete ay nakadaupang palad din ng aking asawang aktibo rin sa kilusang makakalikasan sa ilang pagtitipon. Kaya nabahala kami nang malaman namin ang nangyari sa kanya. Kung may pagkakataon ay dadalawin namin siya.

Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana ay mga batikang lider. Maka-maralita. Makamasa. Ipinaglalaban ang karapatan ng maliliit. Ayaw nilang naaapi, ayaw nilang napagsasamantalahan ang mga maralita, at ang mga katutubo. Kapwa sila nasa Senado nang maganap ang mga insidenteng ikinamatay ng isa, at halos ikamatay ng isa pa.

Ito ang nakasaad sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon sa artikulong may pamagat na Touched by his life: "On May 19, 1989, the urban poor lost a courageous and committed leader, Eduardo Guazon, Jr., who was then the national chairman of the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), the largest urban poor aggrupation, died during a Senate Committee hearing on a spate of violent demolition operations. The urban poor leader suffered a cardiac arrest while vehemently objecting to the distorted testimony of a policeman and was proclaimed dead on arrival at the Philippine General Hospital. Even until death, Tatay (father) Eddie, as he was fondly called by his fellow urban poor, fought for the interest and the rights of the poor and would not let anyone trifle with truth and justice."

Ito naman ang nakasaad sa isang email na pinadala ng isang kasama sa pakikibaka: "Last Monday, Feb. 17, 2020, Fr. Pete was rushed to the hospital, after his blood pressure shot up to 180.  He was attending a Senate hearing on the Kaliwa Dam project, when he felt ill and was taken to the clinic and eventually rushed to the hospital.  He suffered a rupture in his blood vessel, and underwent emergency brain surgery yesterday, Feb. 18, 2020, at around 3:30 AM, at Our Lady of Lourdes Hospital in Sta. Mesa, Manila."

Dagdag pa: "Fr. Pete is still at the ICU and recovering.  He is conscious and responsive.  He is able to have short conversations, and is accepting visitors between 11:00 AM – 1:00 PM and 5:00 – 8:00 PM.  His blood pressure is still erratic, as of today Feb. 19, 2020, and he has been advised to stay at the ICU between 3-5 days, after which he can be transferred to a regular room.  From thereon, his situation will be evaluated on a daily basis."

Nawa'y lumakas at gumaling na si Fr. Pete sa kanyang karamdaman, at patuloy pa namin siyang makasama sa pakikibaka para sa maayos na kalikasan at upang hindi matuloy ang proyektong Kaliwa Dam na talaga namang malaki ang epekto sa kalikasan, sa kapaligiran, sa mga katutubo, sa lupaing ninuno, at sa ating bansa. Magpagaling po kayo, Fr. Pete, at marami pa tayong laban na dapat ipagwagi!

02.22.2020

Mga pinaghalawan:
http://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html
email from Mr. Jaybee Garganera of Alyansa Tigil Mina (ATM) na pinadala sa e-group ng Green Thumb Coalition

Miyerkules, Pebrero 12, 2020

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
(taludturang 2-3-4-3-2)

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 9, 2020

Tila mga halimaw na ang naglipanang plastik

tila mga halimaw na ang naglipanang plastik
na saan mang panig ng mundo'y naglipanang lintik
na kinakain ng mga isdang di makahibik
ibon at ibang hayop man sa plastik natitinik

tinatapon ng mga taong akala mo'y tanga
kung saan-saan, sa sasakyan, sa dagat, kalsada
mabuti't may ibang ibinobote ang basura
upang di malunod sa plastik ang kanyang pamilya

isisiksik ang mga plastik sa boteng plastik din
bakasakaling solusyon itong kayang likhain
ngunit iilan lang ang may ganitong adhikain
upang kahit paano? kahit paano'y may gawin!

wala pa silang sanlibo, plastik ay bilyun-bilyon
kaunti lang sila kumpara sa laksang polusyon
ano nang gagawin sa plastik na naglilimayon
kung plastik sa bote'y temporaryo lang na solusyon

- gregbituinjr.

Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"

ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY"
Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00.

Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future."

Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 1995.

May tatlo itong bahagi, at labingtatlong kabanata. Narito ang tatlong bahagi:

Part 1: Old Imperatives, New Hopes
Part 2: International and Worldwide Perspectives
Part 3: A New Political Force

Hindi ko pa talaga nababasa ito ng buo, subalit magandang basahin, kahit na 1995 pa ito sinulat, tatlong taon matapos ang unang Earth Conference sa Rio de Janeiro noong 1992. 

Aktibo ako sa ilang mga grupong pangkalikasan, na nagdala sa akin sa iba't ibang lugar, tulad ng Thailand at France. Paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban. At marami pang lugar. Nais ko pang mag-ambag ng marami pa sa usaping kalikasan at hustiyang panlipunan. At nawa'y may maiambag sa akin ang nasabing aklat.

Bakasakaling marami rin akong matutunan at maidagdag sa mga isusulat ko pang sanaysay, kwento at tula. At ito nga, nagsulat ako ng munting tula na sarili kong pagtingin sa pamagat ng aklat.

LUNTIANG PAG-ASA 

ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?

para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant

ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?

upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin



Miyerkules, Pebrero 5, 2020

Wala na silang nabibingwit na isda, wala na

wala na silang nabibingwit na isda, wala na
at di na isda ang nabibingwit nila, plastik na
bakit ganito, ang mga isda'y naging basura
inaasam na pagkain ay wala na, wala na

wala nang isda silang nabibingwit kundi plastik
tinatanggal nila sa lambat ay plastik at putik
sa mga basura ang lawa na'y namumutiktik
sinong maysala, kanino mangingisda'y hihibik?

tila baga ito sa mangingisda'y isang sumpa
plastik na ba ang kapalit ng gutom nila't luha
tila sa buhay nila'y may matinding nagbabadya
mapalad silang makabingwit kahit konting isda

ano nang dapat gawin sa ganitong kaganapan
aba'y dapat malutas ito ng pamahalaan
kung hindi naman ay magkaisa ang mamamayan
nang isda't di plastik ang mabingwit sa katubigan

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 4, 2020

Alagaan ang mundo

Alagaan natin itong mundong tanging tahanan
Lalo't klima'y pabagu-bago na sa daigdigan
Ating labanan ang mapanira ng kalikasan
Gawaing pagprotesta'y tuloy laban sa minahan
At sa mga nakasusulasok na coal powerplant.
Ang kalikasan din ay may karapatang mabuhay
Ngunit patuloy na winawasak, tayo'y magnilay
Agad na pag-usapan ang bawat nating palagay
Na makabubuti sa lahat, uri, sektor, hanay
Gibain ang sistemang sadyang mapamuksang tunay.
Mundong ito'y alagaan, tanganan ang prinsipyo
Usigin ang walang budhi't mapanirang totoo
Nawa para sa kagalinga'y magkaisa tayo
Dapat patuloy nating pangalagaan ang mundo
O hayaan ito sa kapitalistang barbaro?
- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 30, 2020

Sabik na akong makita ang mga kalapati

sabik na akong makita ang mga kalapati
na dapat lumaya sa hawlang lungkot ang sakbibi
dapat ilipad ang pakpak sa araw man o gabi
pagkat sila'y di dapat sa hawla na'y nabibigti

kalapati'y sagisag ng isang malayang ibon
tulad din ng taong di dapat alipin sa mansyon
malayang gumawa't makahanap ng malalamon
malayang mag-isip, sa hawla'y di nagpapakahon

kalapati nawa'y makalipad sa himpapawid
at mga tali sa paa'y tuluyan nang mapatid
dapat ay malalaya na silang magkakapatid
pagkat sa kapayapaan sila ang tagahatid

o, mga kalapati, patuloy kayong lumipad
kung may natatanaw kayong sa digmaan sumadsad
dalhin sa tao ang kapayapaang hinahangad
at kasakiman sa puso'y durugin at ilantad

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 29, 2020

Ang ulan at araw sa awitin ng Bee Gees at Asin


ANG ULAN AT ARAW SA AWITIN NG BEE GEES AT ASIN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matalinghaga pag ginagamit sa awitin ang ulan at araw. Tulad ng pagtukoy sa ulan at araw sa awiting "How can you mend a broken heart" ng Bee Gees at sa awiting "Sayang ka" ng Asin. Hindi pangkalikasan ang paksa ng kanilang awitin, subalit ginamit nila ito upang magbigay ng kahulugan sa ating buhay. 

Ang nasabing awitin ng Bee Gees ay tumutukoy kung paano mo nga ba bubuuin ang isang pag-ibig na nalamatan na. May magagawa pa ba upang mabuo muli ang nadurog na damdamin? May pag-asa pa, lalo na't matapos ang matinding ulan ay sumisikat ang araw na nagbibigay ng panibagong buhay. Subalit nabanggit ng ulan at araw sa ilang bahagi ng awit.

Tinukoy naman sa awitin ng Asin na sayang tayo kung hindi natin ginagamit ang ating mga natutunan para sa ikabubuti ng ating sarili, ng ating kapwa, at ng sambayanan. Huwag nating sayangin ang mga talino nating angkin kundi gamitin natin ito upang makatulong at makapagbigay ng ngiti sa ating kapwa.

Kaya ang pagkakagamit ng ulat at araw sa kanilang mga awit ay nagpaganda lalo sa kanilang awit, at mapapaisip ka talaga. Kasama natin ang ulat at araw sa ating buhay, subalit hindi natin napapansin dahil marahil ang mga ito'y pangkaraniwan na lang nating nararanasan. Subalit nasa talinghaga ng ulan at araw natin mas lalong mauunawaan ang awit.

Halina't tingnan natin ang bahagi ng liriko ng dalawang awitin:

Bee Gees - How Can You Mend A Broken Heart 

And how can you mend a broken heart? 
How can you stop the rain from falling down? 
How can you stop the sun from shining? 
What makes the world go round?

Asin - Sayang ka 

Sayang ka kung wala kang nakita sa ulan
Kundi ang basa sa 'yong katawan
Sayang ka kung wala kang nakita sa araw
Kundi ang sunog sa 'yong balat

Maitatanong natin sa ating sarili: Ano ba ang kaugnayan ng ulan at araw sa ating buhay? Paano ba nila ginagamit na talinghaga ang ulan at araw?

Kung ating susuriin, ang ulan ay nagdudulot ng bagyo at pagbaha, na masasabi nating katulad din ng mga problemang ating nararanasan sa araw-araw. Kahirapan, kalungkutan, kawalan ng sapat na salapi upang ipambili ng pangangailangan, kamatayan, pagkabigo sa pag-ibig, nasalanta nang pumutok ang bulkan, at marami pang iba.

Matapos ang matinding kalamidad na dulot ng ulan ay sisikat ang araw sa silangan bilang tanda ng pagbibigay ng pag-asa, na sa kabila ng samutsaring problema, ito'y may kaakibat ding solusyon. Kung may problema sa salapi ay baka magkaroon ka ng trabahong magbibigay ng sapat na sahod upang buhayin ang pamilya. Bihira ang tumatama sa lotto subalit baka pag tumaya ka ay manalo ka ng isang milyong piso. Nabigo ka sa pag-ibig subalit may iba pa palang pag-ibig na nakalaan sa iyo. Namatayan ka subalit siya'y namahinga na at natapos na rin ang kirot ng karamdaman, at natanggap mo na ang kanyang pagkawala sa paglipas ng ilang panahon. Nakatapos ka rin ng pag-aaral at nakatanggap ng diploma.

Ang ulan at araw na mula sa kalikasan ay bahagi na rin ng ating buhay, kaya ang paggamit ng mga ito bilang talinghaga sa mga awitin ay mahalagang unawain. Sabi nga ng bandang Asin, sayang tayo kung wala tayong nakita sa ulan kundi ang basa sa ating katawan, at sayang din tayo kung ang nakita lang natin sa araw ay ang sunog sa ating balat.

Halina't namnamin natin ang kabuuan ng dalawang kanta:

Bee Gees - How Can You Mend A Broken Heart 

I can think of younger days when living for my life
Was everything a man could want to do
I could never see tomorrow, but I was never told about the sorrow

And how can you mend a broken heart?
How can you stop the rain from falling down?
How can you stop the sun from shining?
What makes the world go round?
How can you mend a this broken man?
How can a loser ever win?
Please help me mend my broken heart and let me live again

I can still feel the breeze that rustles through the trees
And misty memories of days gone by
We could never see tomorrow, no one said a word about the sorrow

And how can you mend a broken heart?
How can you stop the rain from falling down?
How can you stop the sun from shining?
What makes the world go round?
How can you mend this broken man?
How can a loser ever win?
Please help me mend my broken heart and let me live again

Source: LyricFind
Songwriters: Barry Gibb / Robin Gibb

Asin - Sayang ka 

Sayang ka, pare ko
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong talino
Sayang ka, aking kaibigan
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong isipan
Ang pag-aaral ay 'di nga masama
Ngunit ang lahat ng pinag-aralan mo'y matagal mo nang alam
Ang buto ay kailangan diligin lamang
Upang maging isang tunay na halaman

Pare ko, sayang ka
Kung ika'y musikerong walang magawang kanta
Sayang ka, kung ikaw...
Ay taong walang ginawa kundi ang gumaya

Ang lahat ng bagay ay may kaalaman
Sa lahat ng bagay sa kanyang kapaligiran
Idilat mo ang 'yong mata, ihakbang ang mga paa
Hanapin ang landas ng patutunguhan

'Pagkat ang taong mulat ang mata
Lahat ng bagay, napapansin n'ya
Bawat kilos niya'y may dahilan
Bawat hakbang may patutunguhan
Kilos na, sayang ka

Sayang ka, aking kaibigan
Kung 'di mo makita ang gamit ng kalikasan
Ang araw at ulan
Sila ay narito, iisa ang dahilan

Sayang ka kung wala kang nakita sa ulan
Kundi ang basa sa 'yong katawan
Sayang ka kung wala kang nakita sa araw
Kundi ang sunog sa 'yong balat

'Pagkat ang taong mulat ang mata
Lahat ng bagay, napapansin n'ya
Bawat kilos niya'y may dahilan
Bawat hakbang may patutunguhan
Kilos na, sayang ka

Ang Bee Gees ay kilalang grupo ng mang-aawit na nabuo ng magkakapatid na Barry, Robin, at Maurice Gibb noong 1958. Naging matagumpay sila at hinangaan sa kanilang awit noong huling bahagi ng 1960 at unang bahagi ng 1970s. Ang Asin naman ay bandang mula sa Pilipinas. Nagsimula sila bilang isang trio sa huling bahagi ng 1970s bago naging quartet, at orihinal na kilala bilang Salt of the Earth. Kilalang mang-aawit ng Asin ay sina Mike Pillora Jr., Lolita Carbon, Pendong Aban Jr., at ang pinaslang na si Cesar "Saro" Bañares Jr.

Klasiko na ang kanilang mga awitin at tiyak na makikipagtagalan pa sa panahon. Namnamin din natin ang iba pa nilang awitin na talaga namang magugustuhan ng iba pang henerasyon.

Martes, Enero 28, 2020

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL
Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr.

May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167).

Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564).

Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang disente at abotkayang pabahay sa maralita. Tinatayang nasa 6.8 milyon ang backlog sa housing sa taon 2022.

Dahil dito, nangangailangan pa rin ng pabahay ang maraming maralita. Kaya nagsulputan ang mga planong on-site, in-city at near-city na resettlement o relokasyon ng pabahay. Subalit sa kanilang mga panukala, kailangan itong pag-aralan pang mabuti dahil hindi sapat ang on-site, in-cty at near-city na pabahay kung binabaha ang lugar tulad sa Malabon at Navotas.

Dapat kahit ang mga panukalang batas sa pabahay ay maging climate resilient, batay sa adaptation at mitigasyon, na dahil may mga senaryo nang lulubog ang maraming lugar sa taon 2030 pag hindi naagapan ang climate change na nagaganap. Ayon sa mga siyentipiko, dapat na masawata ang lalo pang pag-iinit ng mundo, na huwag itong umabot sa 1.5 degri Centigrade, dahil kung hindi maraming lugar ang lulubog sa tubig. Basahin nyo at pag-aralan ang ulat ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change), at ng IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change), na noong Oktubre 2018 ay nagsabing may labingdalawang taon na lang tayo upang masawata ang 1.5 degri C. Dahil kung hindi, lulubog ang maraming lugar. Ibig sabihin, sa taon 2030 ay baka lumubog na ang maraming bansa sa tubig.

At pag nangyari ito, na lumubog halimbawa nang halos anim na talampakan ang mga lugar dulot ng 1.5 degri C na lalo pang pag-iinit ng mundo, ano pang esensya ng on-site at in-city relocation? Titira ka pa ba sa on-site relocation na ibinigay sa iyo kung alam mo namang lulubog ito?

Ang dapat pag-aralan, pagdebatihan, at isabatas ay ang isang Public Housing Act, kung saan ang pabahay ay hindi pribadong pag-aari kundi babayaran lang ang gamit nito, hindi upa.

Ang mga pag-aaral na ito hinggil sa klima at pabahay ay mula sa pakikipagtalakayan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga grupo tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). May mga mapa pang ipinakita kung ano ang mga lugar na lulubog sa ganitong taon pag hindi binago ng mga mayayamang bansa ang kanilang paggamit ng enerhiya. Pag patuloy pa sila sa paggamit ng coal-fired power plants at mga enerhiyang mula sa fossil, lalong mag-iinit ang mundo, at pag lumampas na tayo sa limit na 1.5 degri Centigrade, hindi na tayo makakabalik pa sa panahong mababa sa 1.5.

Kaya dapat maipasok din sa mga panukalang batas sa pabahay na mabago na rin ang ating sistema ng enerhiya, at huwag nang umasa pa sa fossil fuel kundi sa renewable energy.

Kailangang maging aktibo rin tayong maralita sa usapin ng klima, climate change at climate justice, at manawagan tayo sa mga mayayamang bansa na bawasan na ang paggamit ng coal plants at gumamit na tayo ng renewable energy.

Sa madaling salita, dapat nakabatay din sa usaping pangklima ang on-site, in-city, at near-city resettlement bill. Para kung sakaling lumubog na ang mga bahaing lugar, may opsyon ang mga maralita. Hindi na uubra ang on-site relocation sa lulubog na mga lugar. Baka hindi na rin umubra ang in-city at near-city relocation sa kalaunan. Dapat ay climate resilient na batas para sa pabahay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2020, pahina 8-9

Biyernes, Enero 17, 2020

Katanungan sa Kamayan Forum

Paano ba alagaan si Inang Kalikasan?
Dito sa Kamayan Forum ay aking katanungan
Nang daigdig ay di maging malaking basurahan
Nang di masira ang ating nag-iisang tahanan.

Nag-iba na ang panahon, nagbabago ang klima
Kinakalbo ang bundok, patuloy ang pagmimina
Kinakain ng isda ang plastik na naglipana
Nagtampisaw ka na rin ba sa dagat ng basura.

Di mo ba alam na puso ng mundo'y pumipintig
Tinapunan na ng plastik at upos ang daigdig
Hahayaan bang plastik ang sa bayan na'y lumupig
At wasak na kalikasan ang sa budhi'y umusig.

Sa problema ng kalikasan, anong dapat gawin?
Ugaling mapag-aksaya'y kailan babaguhin?
Si Inang Kalikasan ba'y paano mamahalin
Nang kinabukasan ng mundo'y tuluyang sagipin.

- gregbituinjr.

* nilikha at binigkas ng makata ang tula sa Kamayan para sa Kalikasan Forum, Enero 17, 2019, Kamayan Restaurant, West Avenue, Lungsod Quezon

Martes, Disyembre 24, 2019

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka
sa mahabang ilog
itatanghal ang diwa
hanggang sa tugatog

alagaan natin
ang kapaligiran
ating aayusin
pag kinailangan

sa bangin ng buhay
gawin ang mabuti
minsan ay magnilay
sa dilim ng gabi

bayan ay iligtas
sa mga kurakot
lalo na't dumanas
ng mga hilakbot

umasang liwanag
ay mahalukipkip
lalo na't magdamag
tayong nanaginip

magkapitbisig na
ang mga obrero
at gawing maganda
ang bayan at mundo

mahaling mabuti
kung ina'y kapiling
huwag magsisisi
kung gawa'y magaling

- gregbituinjr.
* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20

Lunes, Disyembre 23, 2019

Tanimang Bota

TANIMANG BOTA

maaari palang pagtamnan
ang bota ng gulay, halaman
halina't atin ding subukan
at baka mapagkakitaan

di magamit na lumang bota
dahil ang swelas ay butas na
subukang pagtamnan tuwina
ito'y malaking tulong pala

dapat ding maging malikhain
at magsuri ng tamang gawin
lumang bota'y pagtamnan na rin
balang araw, may pipitasin

ang tinanim mong okra't sitaw
patola, kamatis at bataw
magbubunga rin balang araw
at ngiti sa labi'y lilitaw

- gregbituinjr.

* nakunan ng larawan ang isang taniman sa loob ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet, Disyembre 21, 2019, nang bumisita roon ang makata, kasama ang kanyang asawa

Lunes, Disyembre 16, 2019

Buhay ng boteng plastik sa sahig ng bus

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Salagimsim sa Global Climate Strike

taas-noong pagpupugay sa lahat ng narito
at upang makatugon sa klimang pabagu-bago
lalo't kayrami na nating nararanasang bagyo
dagdag pa ang bulok na sistemang dahilan nito:
winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

sa pagtitipong ito ng raliyista't artista
na climate change ang isyung tinatalakay ng masa
na dahilan upang mag-usap at magsama-sama
na paano tayo makakatugon sa problema
na paano mababago ang bulok na sistema 

sa nagbabagong klima'y apektado na ang madla
ito rin ang isyu't problema ng maraming bansa
mga nag-uusap na bansa ba'y may magagawa
o dapat kumilos na rin ang uring manggagawa
upang baguhin ang sistemang dahilan ng sigwa

dapat nang kumilos ang manggagawa't sambayanan
suriin ang problema't lipunan ay pag-aralan
bakit nagka-krisis sa klima't ano ang dahilan
kumilos tayo't putulin ang pinag-uugatan
sistema man ito o lipunan nitong gahaman

itayo natin ang isang mundong walang pasakit
walang pribadong pag-aari't walang naiinggit
nangangalaga sa tao, kalikasan, may bait
habang buhay pa'y itayo ang lipunang marikit
na tao'y pantay na lipunan ang danas at sambit

- gregbituinjr. 
* sinulat sa pagkilos na tinawag na "Global Climate Strike" na ginanap sa Bantayog ni Lapulapu sa Luneta, Maynila, Nobyembre 29, 2019. Ang nasabing Global Climate Strike ay kasabay ng mga nagaganap ding ganuon sa iba pang panig ng daigdig.

* salagimsim – pag-iisip na hindi gaanong tumatagal o bagay na biglang naaalala (UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1077)








Huwebes, Nobyembre 21, 2019

Mga Tibok ng Diwa

MGA TIBOK NG DIWA

isipin mo ang mundo
at nagbabagong klima
anong pakiramdam mo
sa iyong nakikita

ang lupa'y iyong damhin
sa pintig ng alabok
mundo'y may tagubilin
kung anong tinitibok

payo'y pangalagaan
itong kapaligiran
huwag pababayaan
ang ating kalikasan

ilog ay umaagos
ang ulan ay tikatik
sa puso'y tumatagos
ang kaysarap na halik

lalabhan ko ang damit
ng diwata ng gubat
pawis na nanlalagkit
sa palad ay kaybigat

basurang nabubulok
ay iyong ihiwalay
sa hindi nabubulok
itapong hindi sabay

sahig ay lumangitngit
pagkat kayraming butas
narinig hanggang langit
ang pagaspas ng limbas

mawawala ang puno
pag laging nagpuputol
pag gubat ay naglaho
ang buhay ay sasahol

- gregbituinjr.

* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Nobyembre 2019, pahina 20

Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan
nang matipon doon ang titis at upos na iyan
dapat din nating alagaan ang kapaligiran
na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan

ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo
simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo
anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo
basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo

ginagawa kong titisan ay ibinabahagi
sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari
di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi
ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi

ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas
nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas
kaya munting payong ito'y aking pinangangahas
upang magandang kapaligiran ang namamalas

- gregbituinjr.

* titisan - salitang Batangas sa ash tray

Biyernes, Nobyembre 15, 2019

Paglalakad ng kilo-kilometro para sa isyu

makakapaglakad pa ba ang mga aktibista
ng kilo-kilometro para sa isyung pangmasa
naglakad nang itaguyod ang hustisya sa klima
at naglakad din para sa laban ng magsasaka

sumama noon mula Luneta hanggang Tacloban
mula Lyon hanggang Paris sumama sa lakaran
mula klima'y tinuloy sa pantaong karapatan
at mula C.H.R. hanggang Mendiola'y naglakaran

sumama sa laban ng mga katutubo noon
Lakad Laban sa Laiban Dam ang aming nilayon
magsasaka'y kasama mula Sariaya, Quezon
upang ipaglaban naman ang CLOA nila noon

paraan ng pagtindig sa isyu ang paglalakad
sa bawat madaanan ay aming inilalahad
ang mga isyung pangmasa't problemang matitingkad
nang mapag-usapa't baka malutas ito agad

ang paglalakad ay bahagi ng pakikibaka
maliliit at naaaping sektor ang kasama
kung naglalakad man kami'y upang maipakita
sa madlang nadaraanan ang isyung mahalaga

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

ang masa'y tigib pa rin ng panawagang hustisya
sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda
di pa rin nababalik sa dati ang buhay nila
at wala pa ring bahay ang maraming nasalanta

may mga ginagawa pa ba ang pamahalaan?
upang mapanumbalik ang buhay ng taumbayan
anong ginagawang tulong sa mga namatayan?
upang dinaranas ng kanilang puso'y maibsan

lilitaw pa rin sa silangan ang magandang bukas
ngunit sa mga nasalanta'y di ito mabakas
tanging paghanap ng katarungan ang binibigkas
at baka may hustisya sa tinatahak na landas

hibik ng mga nasalanta ni Yolanda'y dinggin
at matitinong programa sana ang maihain
huwag lamang pagtulong ay lagi lang bibigkasin
kundi tunay na pagkilos ang nararapat gawin

- gregbituinjr.

Bawal na raw ang plastik, anang pangulo

mga plastik daw ay ipagbabawal na ni Digong
sino pang makakausap niya sa kanyang kampon?
pagbabawal ba niyang ito'y isa lang patibong?
ang tumutuligsa sa kanya'y maging mahinahon?

ngunit sa paligid, kayraming naglipanang plastik
plastik na pulitiko ba'y kaya pang i-ekobrik
paano na siya pag pinagbawal na ang plastik?
ang aklat ng kasaysaya'y paano itititik?

ang pangulo na ba'y naging makakalikasan na?
lalo't napuno ang dagat ng plastik na basura?
patunayan niyang makakalikasan na siya
di lang plastik kundi Kaliwa Dam ay tigilan na!

sa isyung pangkalikasan, siya na'y nakialam
ngunit taumbayan ay dapat pa ring makiramdam
walang mga plastik, walang proyektong Kaliwa Dam
ngunit sa ngayon, mga ito'y pawang agam-agam

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 2, 2019

Plastik at dahon ay huwag pagsamahin sa basurahan

itinapon ang boteng plastik kung saan-saan lang
at isinama pa sa dahong nabubulok naman
tila hirap na hirap magtapon sa basurahan
tandang pag-uugali'y sagisag ng kabulukan

anong itinuro sa kanila ng mga guro?
kung itinuro man, di naunawaan, kaylabo
o kaya guro'y terror sa kanila't di kasundo
o kaya sila mismo sa buhay nila'y tuliro

dahil ba may basurang hawak, sila'y nahihiya?
dahil sa basurang tangan, sila'y naaasiwa?
nawalan ng laman ang bote, ito'y basura na?
habang nang may laman pa'y tangan pa itong masaya!

bakit hinalo ang plastik sa dahong nabubulok?
iyon ba'y wala lang sa kanila? sila ba'y bugok?
gayong ang mga plastik ay di naman nabubulok!
bakit may pinag-aralan pa ang nagiging ugok?

masisita ka ng titser mo sa maling pagtapon
kung sakaling nakita ka sa ginawa mo ngayon
payo ko, i-ekobrik iyang plastik mong natipon
at dahon ay huwag sunugin, sa lupa'y ibaon

- gregbituinjr.