Biyernes, Agosto 30, 2019

Tula hinggil sa tagapagpadaloy

TULA HINGGIL SA TAGAPAGPADALOY
ni Greg Bituin Jr.

1
tagapagpadaloy - tulad sa bangka, tagatimon
sa aktibidad upang umayos at naaayon
sa takdang adhika at layuning napapanahon
upang sa tukoy na problema'y agad makatugon
2
dapat din siyang kumilos bilang tagasuporta
sa gawain, maiayos ang daloy ng programa
naglalatag ng paniwala sa nakakasama
at mapalitaw ang mga malikhaing ideya
3
dapat umiral ang tiwala at pagiging bukas
nang mabuo ang istratehiyang magpapalakas
sa kanila't mayroon ding planong magpapagilas
upang makatugon sa mga problemang namalas
4
impormasyon hinggil sa puntiryang grupo'y malaman
upang likhain ang motibasyon at kamalayan
upang magkaroon din ng kumpiyansa ang tanan
upang tukoy na problema'y mabigyang katugunan
5
may kampanyang motibasyon ang tagapagpadaloy
alamin ang problemang magdadala sa kumunoy
kaya lutasin malutas ang mga problemang natukoy
at mga kalahok ay bigyang inspirasyon tuloy
6
mabuhay ang tagapagpadaloy sa papel nila
nang makatugon ang mga kalahok sa problema
mabuhay ang pagbibigay inspirasyon sa masa
nang mabuo ang tiwalang malutas ang problema

* Inihanda ng makata para sa Training of Trainers (ToT) ng programang Building Safe, Sustainable, Resilient Communities (BSSRC) ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Agosto 31, 2019

Biyernes, Agosto 23, 2019

Tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

maililigtas pa ba natin itong kalikasan
mula pagkasira dulot ng pabaya't gahaman
ang ilog at dagat ay ginagawang basurahan
pati polusyon sa hangin ay karaniwan na lang

para sa kapaligiran, kayraming dapat gawin
ang pangangalaga nito'y magandang simulain
ang mga naglipanang plastik ay ating tipunin
mga naipong tubig-ulan ay magagamit din

nakakapanikip ng dibdib ang hanging marumi
tila ba sa bawat paghinga'y makapagsisisi
nagbabagong klima'y naririto't nais pumirmi
sa hiyaw ng kalikasan, ikaw ba'y mabibingi

huwag hayaang upos ay lumulutang sa dagat
huwag hayaang sa basura, lupa'y bumubundat
halina, kaibigan, gawin ang nararapat
tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

- gregbituinjr.

Pagpupugay at pasasalamat kay Ms. Gina Lopez

Ms. Gina Lopez, sa 'yo'y taas-noong pagpupugay
sa usaping pangkalikasan, moog kang matibay
naging pinuno ng D.E.N.R., lider na tunay
sa pagiging sekretaryo'y namuno nang mahusay
ginawa ang nararapat sa adbokasyang taglay

ipinasara ang maraming minahan sa bansa
ipinagtanggol pati mga katutubo't dukha
itinuring na kapatid ang araw, hangin, lupa
isinaalang-alang ang kagalingan ng madla
kaysa sa interes ng negosyo, kahanga-hanga

iba man ang uring pinanggalingan, natatangi
kinalaban ang mapagsamantala't walang budhi
kaayusan ng kapaligiran ang nilunggati
ang kabutihan ng nakararami ang pinili
pinunong ipagmamalaki ng sinumang lahi

sa D.E.N.R. ay naging mahusay na pinuno
sa Bantay Bata'y nangasiwa nang bata'y mahango
mula sa kaapihan, upang di na masiphayo
mga ginawa'y kinilala sa maraming dako
tunay na halimbawa ng tapat na pamumuno

mabuhay ka, Ms. Gina Lopez, sa 'yong kontribusyon
maraming salamat sa matatapang mong desisyon
ginawa mo'y magniningning sa mahabang panahon
ambag mo'y tagos hanggang sa sunod pang henerasyon
ikaw, para sa marami'y tunay na inspirasyon

- gregbituinjr.
08/22/2019
* Nilikha ang tula matapos pumunta sa burol sa ABS-CBN, kasama si misis at ang ilang kasapi ng Zero Waste Philippines matapos ang kanilang aktibidad

Martes, Agosto 20, 2019

Pahimakas kay Ms. Gina Lopez

PAHIMAKAS KAY MS. GINA LOPEZ

Ms. Gina Lopez, marangal, palaban, maginoo
makakalikasan, aktibista para sa mundo
tagapagtaguyod din ng karapatang pantao
sa D.E.N.R. nga, pagsisilbi niya'y totoo

mga mamumutol ng puno ang sinagasaan
pati sumisira ng kagubata't karagatan
ang kapakanan ng katutubo'y ipinaglaban
nag-atas na ipasara ang maraming minahan

tulad ni Francisco ng Assisi'y kanya ring batid
araw, hangin, tubig, lupa'y kanyang mga kapatid
kinalaban ang mga mapagsamantala't ganid
kalabang pulos pera ang isip ay nauumid

siya ang malaking hipong sumalunga sa agos
siya ang dragong pumuntirya sa nambubusabos
siya ang agilang kalikasa'y pilit inayos
siya ang anghel sa mga kalupaang nilapnos

Ms. Gina, minero'y natuwa sa 'yong pagkawalay
ngunit kaming narito'y taas-noong nagpupugay
pamana mo'y mga halimbawa't prinsipyong taglay
sa buong bansa, ngalan mo'y nagniningning na tunay

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 12, 2019

Upos ng yosi'y gawing yosibrik

Kaya mo bang mag-ipon ng mga upos ng yosi?
Kahit di ka nagyoyosi, nais mo lang magsilbi.
Tapon dito, tapos doon kasi ang nangyayari
hanggang sa upos ay maglipana sa tabi-tabi.

Nagyoyosi'y  dapat organisadong nagtatapon
ng hinitit nilang yosi upang ito'y matipon.
Upos ng yosi'y mga basurang dapat mabaon
sa lupa, marahil kalutasang ito ang tugon.

Ang upos ay di dapat palutang-lutang sa dagat.
Gawin itong yosibrik nang tao'y ating mamulat
kaysa naman basurang upos ay pakalat-kalat.
Tayo'y mag-yosibrik, gawain mang ito'y kaybigat.

Sa boteng plastik, mga upos ng yosi'y isiksik
hanggang sa tumigas na parang bato ang yosibrik!

- gregbituinjr.

Lamparaw

LAMPARAW

kung walang kuryente'y gamitin natin ang lamparaw
o solar lamp sa Ingles, lamparang gamit ay araw
dapat paghandaan anumang sakunang dumalaw
harapin natin kahit ang nagbabagong pananaw

sa Asya, pangalawa tayong mahal ang kuryente
mabuting magpalit na't mag-renewable energy
alagaan ang kalikasan, sa bayan magsilbi
murang kuryente na ang hangad ng nakararami

isa lang itong lamparaw sa ating magagamit
na malaking maitutulong sa panahong gipit
may ilawan ka na sa gabing madilim ang langit
saanman magpunta'y madali mo itong mabitbit

magkaroon ng lamparaw ay ating pag-ipunan
nang sa oras ng kagipitan ay may kahandaan

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 10, 2019

Ang upos at kabulukan, ayon sa isang paham

ANG UPOS AT KABULUKAN, AYON SA ISANG PAHAM

paano ba tumira sa dagat ng upos?
tiyak ang pamumuhay mo'y kalunos-lunos
papatianod na lang ba tayo sa agos?
at mabubuhay sa mundong parang busabos?

pangatlo ang upos sa basura sa dagat
at sa upos, isda't balyena'y nabubundat
bakit basurang upos ay ikinakalat?
ng mga walang awang kung saan nagbuhat

minsan, dagat ng basura'y ating lingunin
kaya ba nating linisin ang dagat natin?
kung hindi'y paano ang wasto nating gawin?
upang isda, upos na ito'y di makain

noon, sa aplaya'y nakatitig ang paham
at kanyang nausal habang mata'y malamlam:
"Bulok ang mga taong walang pakialam.
Subalit mas bulok ang walang pakiramdam."

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

Kuha ang litrato mula sa facebook page ng Stop Kaliwa Dam Network

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, Save Sierra Madre Network Alliance, ALMA DAM, SUKATAN, SAGIBIN, PAKISAMA, ALAKAD, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), CEED, Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Piglas Kababaihan, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Haribon Foundation, atbp.

Miyerkules, Agosto 7, 2019

Halina't makibaka, huwag matakot sa ulan

umuulan na naman, habang sa rali'y papunta
mabuti na lang, may sumbrero't dyaket akong dala
dahil sa komitment at isyu'y kasama ng masa
kahit na umuulan, tuloy sa pakikibaka

sumuong man sa ulan, patuloy kami sa rali
upang dalhin sa kinauukulan ang mensahe
dapat pababain nila ang presyo ng kuryente
dapat maging polisiya'y renewable energy

may mahal na kuryente sa Asya'y pangalwa tayo
mula pa planta ng coal ang mga kuryenteng ito
napakaruming kuryente, kaytaas pa ng presyo
aba'y mag-renewable energy na dapat tayo

halina't makibaka, huwag matakot sa ulan
at patuloy nating paglingkuran ang sambayanan

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tulang ito habang papunta ng rali sa Department of Energy (DOE) sa Bonifacio Global City (BGC), Agosto 7, 2019. Kasama sa pagkilos na ito ang mga grupong Power for People Coalition (P4P), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Center for Ecology, Environment and Development (CEED), Piglas-Kababaihan, Oriang, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Sabado, Agosto 3, 2019

Pag-iinit ng mundo

PAG-IINIT NG MUNDO

sa climate change, anang dalawang tagapagsalita
ang kondisyong pag-iinit ng mundo'y lumalala
tumataas na ang sukat ng dagat, nagbabaha
nangyayari sa hinaharap ay di matingkala

anong ating gagawin kung mga isla'y lulubog?
may ahensya ba o bansang dapat tayong dumulog?
paglutas sa climate change ba'y kanino iluluhog?
may magandang mundo pa ba tayong maihahandog?

coal-fired power plants ba'y patuloy pa sa operasyon?
kumpetisyon pa rin ba imbes na kooperasyon?
ang problema ba'y kapitalistang globalisasyon?
na tubo ang una, kalikasan man ay mabaon

di lang isyung ekolohikal kundi pulitikal
ang kundisyon ng klima sa ating mundo'y marawal
kalunus-lunos, buhay ay tila di magtatagal
maaliwalas na umaga pa kaya'y daratal?

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

tag-ulan na naman, di ako agad makauwi
basang-basa sa ulan, tila ako'y ibong sawi
naglutangang dagat ng basura'y nakakadiri
naglalakad sa baha kahit ito'y hanggang binti

tumataas na ang sukat ng dagat sa aplaya
pati matataas na lugar ay binabaha na
dahil ba sa basura, imburnal ay nagbabara?
o ito'y dinulot na ng pagbabago ng klima?

saan na humahapon ang mga langay-langayan?
puno ba sa lungsod ay mawawala nang tuluyan?
agila pa ba'y nakalilipad sa kalawakan?
ang nagbabagong klima ba'y di na makakayanan?

aba'y ngingiti pa kaya ng maganda ang langit?
bakit ba ang panahon ay lagi nang nagsusungit?
anong mga polisiya ang dapat pang igiit?
nang nagbabagong klima'y hinay-hinay sa pagbirit

umuulan na, nais ko nang umuwi ng bahay
sa klimang nagbabago'y paano pa mapalagay?
sa darating na panahon, paano mabubuhay?
kung sa nagbabagong klima'y di tayo makasabay

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Martes, Hulyo 30, 2019

Emisyon

EMISYON

mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak
kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak
ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak
kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak

kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala
ang laksang suliranin ng bayang di maunawa
bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa
at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa

itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis
tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis
malulunasan pa ba ito't ating matitistis
upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis

mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon
na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon
suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon
at baka may mapanukala tayong lunas ngayon

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 14, 2019

Paghandaan ang pagtaas ng sukat ng dagat sa 2030

PAGHANDAAN ANG PAGTAAS NG SUKAT NG DAGAT SA 2030

kaming mga aktibistang Spartan
ay naghahanap din ng katarungan
di lang nagpapalaki ng katawan
o laging naghahanda sa digmaan
kami'y nagsusuri din sa lipunan
at iniisip ang wastong katwiran

kami'y di lamang mga mandirigma
handa rin sa paparating na sigwa
sa nagbabagong klima'y naghahanda
sa kalamidad at mapipinsala
sukat ng dagat tataas, babaha
ang klimang nagbabago'y nagbabanta

pag-isipan ang pagtaas ng dagat
upang sa madla ito'y isiwalat
paano kung ilang piye'y iangat
at mga isla'y lumubog ngang sukat
paghandaan ito't magtulungan ang lahat
bago pa tayo lamunin ng dagat

- gregbituinjr.

Linggo, Hunyo 2, 2019

Mga tanaga para sa kalikasan at kalusugan

MGA TANAGA PARA SA KALIKASAN AT KALUSUGAN

halina’t ipaglaban
si Inang Kalikasan!
mga tusong gahaman
ay dapat nang wakasan!

di biro ang magtanim
sa lupang anong lalim
kailangang malilim
basta huwag madilim

pandaigdigang araw
para sa kalikasan
ay ating ipagdiwang
o gunitain man lang

pangalagaang tunay
ang bawat saribuhay
dapat tayong magnilay
kumusta na ang buhay

gawing makabuluhan
ang layunin sa bayan
gawing may katuturan
ang misyon sa tahanan

kung mga bunga’y hinog
ay kaysarap mabusog
at sa ating pag-inog
pag-ingatan ang pantog

sadyang nakaaantig
kung puso’y may pag-ibig
tayo’y magkapitbisig
ingatan ang daigdig

- gregbituinjr.
* nalathala sa isyung Hunyo 2019 ng pahayagang Diwang Lunti

Biyernes, Mayo 31, 2019

Naglipanang upos


NAGLIPANANG UPOS
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

di ako nagyoyosi, ang ginagawa kong lubos
ay ang tipunin sa bote ang nagkalat na upos
ito ang sa kapaligiran ay ambag kong taos
bakasakali lang kahit upos ay di maubos.

ginagawa kong ash tray ang pangsardinas na lata
sa paligid nito'y nilalagyan ng karatula
"Dito ilagay ang upos, kaibigan, kasama"
at ibinabahagi sa pabrika't opisina.

naglipana ang upos sa kalsada't karagatan
talagang nakakaupos ang nangyayaring iyan
mga wawa ng ilog ay tila nabubusalan
naglulutangan ang upos sa mga katubigan.

mga isinaboteng upos sa lupa'y ibaon
tulad ng hollow blocks ay patigasin ito ngayon
gawin kaya natin itong proyekto sa konstruksyon?
baka may paggamitan ang upos kapag naglaon.

ngayong World No Tobacco Day, anong masasabi mo?
nagkalat ang upos sa ating paligid, katoto
may maitutulong ka ba't maipapayo rito?
upang malutas ang mga upos na dumelubyo?

- gregbituinjr.,05/31/2019

Ano baga?

ANO BAGA?
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

nosi ba lasi para magyosi't bugahan tayo
ng usok gayong di naman tayo nananabako
sa dyip, naaamoy mo ang yosi ng katabi mo
aba'y pasensya na't natapatan ka ng tambutso!

yosi ng yosi, hitit ng hitit, buga ng buga
nakakaalarma, kalusugan mo'y paano na?
di ka nga humihitit, nalalanghap mo'y sa iba
walang bisyo ngunit second-hand smoker ka pala

paano mo ba pagsasabihan ang mga sutil?
pananabako nila'y paano ba matitigil?
polusyon sa katawan mo'y sino kayang pipigil?
paano iiwas na unti-unti kang makitil?

ngayong World No Tobacco Day, ating alalahanin
huwag pabayaan ang baga't kalusugan natin!

- gregbituinjr.,05/31/2019

Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang Wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Lunes, Abril 15, 2019

Ka Leody De Guzman, our senate bet for Climate Justice

Ka Leody De Guzman is the chairman of the labor group 
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).