Biyernes, Oktubre 31, 2014

Bawal manigarilyo - ordinansa sa Calbayog City


Kuha ni Greg Bituin Jr., bilang bahagi ng Climate Walk.

Sabado, Setyembre 13, 2014

Basura at Pagreresiklo - ni Jhuly Panday

BASURA AT PAGRERESIKLO
ni Jhuly Panday

Basura

Walang halaga, madumi, mabaho o malansa, na maaaring magdulot ng sakit sa tao.

Itinatapon at kung minsan ay sinusunog upang hindi na humalo pa sa mga gamit na may halaga pa.

Itinuturing rin na "eye sore" o hindi magandang tingnan kaya't ginagawan ng paraan na ito ay maitago sa paningin ng tao.

Basurahan

Lalagyan ng mga basura na matatagpuan sa isang tabi o isang sulok.

May mga takip ang mga ilan dito upang hindi umalingasaw ang baho ng basurang nakalagay dito.

Nilagyan na rin ng "color coding" ang mga ito upang ihiwalay ang mga nabubulok sa mga hindi nabubulok.

Pagreresiklo

Paraan kung saan ang mga basura ay pinipili upang muling mapakinabangan.

Mula sa mga basura na itinapon na ay muling nakalilikha ng mga bagong bagay na maaaring mapakinabangan.

Dito mahalaga ang mga basurahang may "color coding" dahil alam ng mga tao kung saang basurahan dapat ilagay ang mga basurang maaaring irisiklo.

Eleksyon sa Pilipinas

Parang Basura at Pagreresiklo lang.

Basura ang mga kumakandidato.

Mga basurang kandidato na nakatago sa ibat-ibang kulay na basurahan na tinatawag nilang traditional political party (TRAPO Party).

Mga botante na napipilitang magresiklo na lang ng magresiklo ng mga walang kuwentang basura tuwing eleksyon.

Eleksyon 2016

Sa 2016 ibasura na ang mga Trapo at huwag na silang iresiklo pa!

Panahon na upang magluklok ng mga taong tunay na maglilingkod sa masa!

Mayroong alternatibo laban sa mga basura!

Ihalal natin ang magtataguyod ng Gobyerno ng Masa!

Lumikha ng isang partido na kabibilangan ng mga Lider ng Masa at Lider Manggagawa!

Biyernes, Agosto 15, 2014

Talakayan hinggil sa toxic waste, idinaos

TALAKAYAN HINGGIL SA TOXIC WASTE, IDINAOS

Agosto 15, 2014 - Muling idinaos ang Kamayan Environment Forum, sa pangunguna ng Green Convergence, sa Kamayan Saisaki Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC Ortigas sa Mandaluyong.

Ang mga naging tagapagsalita rito ay sina Ms. Abby ng Greenpeace at Ms. Marlene ng Ban Toxic. Kasama naman sa panauhin si Ms. Juliet ng DENR.

May niluluto umanong bagong panukalang batas (House Bill) na tila pag-amyenda o bagong batas na papalit sa Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990) upang punan ang kakulangan (loopholes) nito sa batas.

Ilang sa mga puntong lumabas ay ito:
- walang kapasidad na mamahala ang mga LGU sa municipal at hazardous waste
- pangangailangang maratipika ng Pilipinas ang Basel Ban Amendment
- hindi lahat ng cosmetics ay may mercury
- maraming toxic sa mga pabrika ng manufacturing, semiconductor, dyeing, bleaching
- ang grupong Ban Toxics ay nakipag-ugnayan sa DepEd upang makagawa ng mga materyales na ipamamahagi sa mga pampublikong eskwelahan
- para malaman ng taumbayan
- may proposed 5 bills
- sa hospital waste, ang DOH ang may mandato 
- ang LGU naman ang may mandato sa domestic waste
- TSD - treatment storage disposal
- kailangan ng bayan natin ay isang treatment system
- may 4 classified waste ang mga domestic waste
- hindi dapat isama sa hindi nabubulok ang mga special waste, tulad ng battery ng cellphone, radio, zonrox
- ang cellphone battery ay may lead content kaya hindi dapat isama sa nabubulok
- may bagong proposal, ipasok ang extended responsibility
- minamadali ang bill dahil "some congressmen want nuclear" at dapat maisabatas ang "disposal of radioactive waste"
- "extended producers responsibility"  should be added to the bill
- proposal na maitayo ang Environmental Protection Agency (EPA) dito sa Pilipinas

Ang solusyong ibinigay ng mga tagapagsalita ay "needs disclosure of information to compel industries to substitute cleaner technologies"

Ang Kamayan para sa Kalikasan Forum ay ginaganap tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Maraming salamat sa Triple V na siyang ilang taon nang sponsor ng talakayang ito.

Nakarating ako sa ikalawang bahagi na ng programa, dahil dumalo pa ako sa isang rali laban sa pagmimina sa Ortigas Center. Matapos iyon ay dumiretso na ako sa Kamayan Forum. Natapos ang forum sa ganap na ika-1:30 ng hapon.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Bawal manigarilyo! Multa - P500

BAWAL NANG MANIGARILYO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patakaran sa lansangan: bawal manigarilyo
kapag nahuli ka, multa mo'y limangdaang piso
huwag ka nang magyosi, para sa kalusugan mo
huwag magyosi, kundi'y kawawa ang katawan mo

kailangan pa bang ikaw ay paalalahanan
na sarili mong katawan ay dapat alagaan
na sarili mong baga ay iyo nang pangalagaan
paalala nama'y para sa iyong kaligtasan

usok, usok, nalalanghap na pati usok ng bus
paalala'y di lang para sa basura mong upos
malinis ang hangin, wala pang usok na tatapos
ng buhay, kaya paalala'y sundin mo ng taos

15 Agosto 2014
Kuha ang mga litrato sa tapat ng Robinsons Galleria sa Ortigas Center, EDSA, Mandaluyong, hapon ng Agosto 15, 2014, araw ng Biyernes.

Biyernes, Hulyo 18, 2014

Talakayan sa Kamayan: Basel Ban Amendment

TALAKAYAN SA KAMAYAN: BASEL BAN AMENDMENT

Hinggil sa kampanyang pagratipika sa Basel Ban Amendment ang paksa ng ika-281 sesyon ng Kamayan Environment Forum sa Kamayan Edsa nitong Hulyo 18, 2014. Ang nasa panel ay sina Dra. Nina Galang, pangulo ng Green Convergence, at Gng. Marie Marciano, tagapagpadaloy ng talakayan at ikalawang pangulo ng Green Convergence.

Ang naging tagapagsalita sa sesyong ito ay si Arvin A. Jo, JD, MDE Cand. ng Ateneo School of Government. Ang kanyang powerpoint presentation ay may pamagat na "Demistifying the impacts of the Basel Ban Amendment Ratification by the Philippines (Economic and Social Impacts).

Narito ang ilan sa kanyang mga tinalakay: Ang Basel Ban Amendment ay isang multilateral treaty na nangangailangan ng 2/3 lagda ng 180 bansang naunang pumirma rito. At sa ngayon ay kailangan pa ng 17 bansang lalagda para rito. Sa Asya, ang Pilipinas at Vietnam na lamang ang hindi nakapirma.

May nauna nang Basel Convention, na nalagdaan noong 1989, at sa Basel Ban Amendment, dapat maamyendahan ang mga eksempsyon, lalo na yaong e-waste ay para sa resiklo. Kailangan ay isang tahasang pagbabawal (absolute ban) sa paglilipat o pag-import-export ng bansa sa bansa (intercountry transfer) ng electronic waste.

May dalawang kategorya ang mga basurang toxic, at ito'y ang e-waste o electronic waste, at ang used-lead acid batteries. Ang mga industriyang pinanggagalingan nito o gumagawa nito ang siyang mariing tumututol sa Basel Ban Amendment, dahil umano malaki ang mawawala sa kanila, makakaapekto ng malaki at makasasama sa ekonomya, at mawawalan pa ng trabaho ang kanilang mga manggagawa. Ang mga tagaresiklo (recyclers) naman, bukod sa malaki ang kinikita, ay binabayaran pa.

Ang malaking pinanggagalingan ng e-waste ay ang call center, dahil sa mga kagamitan nitong computer, telepono, aircon, atbp., na tuwing tatlong taon ay nagpapalit ng malaking bilang ng mga kagamitan.

Ayon naman kay Gng. Marie Marciano, na siyang tagapagpadaloy ng programa, ang Basel Ban Amendment ay isang lunas sa mga butas ng Basel Ban. Sa Basel Ban, hindi maaaring magtambak ng basura ang mga mauunlad na bansa sa mga mahihirap na bansa. Ngunit may pasubali ito, maaari lamang makapasok ang mga basura sa anyo ng recycling. Ang pasubaling ito ang sinasabing loopholes.

Sinabi naman ni Ms. Angel, na assistant ng di nakarating na si Atty. Golda Benjamin ng Ban Toxics, malaki ang maitutulong ng amendment para sa bansa at sa kalusugan ng mamamayan. Dapat ding i-transmit ng gobyerno sa senado ang Basel Ban Amendment upang maratipika. Ayon pa kay Ms. Angel, para sa karagdagang impormasyon ay bisitahin ang kanilang website na www.bantoxics.org.

Dito'y inanunsyo na rin ni Dra. Galang ang gaganaping Green SONA (State of the Nature Assessment) sa Agosto 5, 2014 sa Miriam College simula ika-8 ng umaga. Ayon pa sa kanya, marami na tayong basura kaya bakit kailangan pa natin ng basura galing sa ibang bansa. Dagdag pa niya, dapat holistic ang pagtingin. Pag mahusay sa kapaligiran, mahusay din sa kalusugan at kabuhayan (health and livelihood). "For the good of our people and for the good of our environment. That is the essence of sustainable development," pagtatapos ni Dra. Galang.

Nagsimula ang programa sa ganap na ika-11 ng umaga at natapos bandang ika-1:30 ng hapon.

Ang Kamayan Environment Forum ay nagsimula noon pang Marso 1990 at ginaganap tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Hulyo 5, 2014

Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man


Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man
ni Victor Vargas

Ang isang puno ay nananatili at nagpapatuloy bilang tirahan o habitat ng mga ibon, insekto, halaman at iba pang mga bagay na nabubuhay, kahit pa matagal na itong bangkay o poste na lamang ng Meralco. Ganito ang kaso ng dalawang magkalapit na poste sa Junction sa Los Baños sa tapat ng Healthserve na pinamumugaran ng mga uwak.

Halos mag-iisang buwan na nang una kong napansin ang isang pares ng uwak na nakadapo sa linya ng kuryente malapit sa isang mababang poste na nagsisilbi nila ngayong tahanan. Sa kalapit pang mas mataas na poste ay may isang pares din ng uwak na kapwa talubata o juvenile.

Huwebes, Hulyo 3 nang huli akong pumunta sa Healthserve ay aking napansin na dumoble ang kanilang bilang. Maliban sa naunang dalawang pares ay meron pang bagong dalawang pares ng uwak na pawang mga talubata din. Doble gwardiyado ng naunang dalawang pares ang kanilang pugad at pilit tinataboy ang mga bagong salta.

Ano naman kaya ang meron dito sa Junction at dito nila piniling mamalagi at manirahan? Saang sulok o hangganan kaya ng Bundok Makiling sila dati nakatira?

Nito lamang buwan ng Marso ng taon ito ay kapansin-pansin na ang madalas na pagpaparamdam at pagpapakita ng mga ibong ito dito sa Los Baños. Ilang mga kaibigan ko na tubo mismo sa bayang ito ang nagsabing minsanan lamang sila noon nakakatiyempong makakita ng uwak.

Matalino daw ang ibong ito at napakagaling humanap ng pagkakataong lumapag sa lupa upang manginain. Dito sa likuran ng aming bahay ay madalas silang bumababa sa ilat na karugtong ng Anos-Malinta Creek, isang tributary ng Laguna de Bay. Madali ko silang napapansin dahil sa kakaibang ingay at pagpuputak ng mga manok ng kapitbahay kapag may uwak na lumalapag sa bambang.

Noong isang linggo naman ay nakatsamba akong makakita ng isang pares ng uwak sa isang malaking punong baobab habang ako’y naglalakad sa kahabaan ng bagong gawang kalsada (karugtong ng Caimito St.) sa gilid ng Maulawin Creek at IRRI Staff Housing sa bandang Pook ni Maria Makiling.

Napaka-maparaang tunay ng uwak at dito naman sa Junction ay nakahanap sila ng bagong tirahan matapos nila lisanin ang dati nilang tinitirhang dako. Eksakto naman at nakahanap sila ng posteng kahoy o puno na maluwag silang pinatuloy at kinalinga.

Nananatiling magiliw at malapit ang relasyon ng isang puno sa ibang kapwa niya nabubuhay sa kapaligiran – sa kabila man ng kanyang pagiging isang halaman na matagal nang patay. Patunay ito sa likas na katangian ng kalikasan na manatiling mapagbigay ng anumang kabutihang papakinabangan ng anumang nabubuhay sa kanyang nasasakupan. Ito ay sa kabila nang matagal na siyang nagupo o nasakop ng mga tao o napatay, sa kaso ng dalawang “patay” na punong ito.

Marami pang ganitong kaso ng mapanlikha at maparaang ugnayan ng mga nabubuhay na wildlife (hayop at halaman) at kanilang kapaligiran sa gilid-gilid o karatig ng kagubatan ng Makiling o yung tinatawag na buffer zones ng bundok.

Lunes, Hunyo 2, 2014

Rodne Galicha's 8 R's on how to protect the environment


Rodne Galicha (b. June 2, 1979) is a Filipino environmentalist and human rights activist currently involved in climate justice, biodiversity conservation and natural resources conflict management. ~ Wikipedia

Sabado, Mayo 31, 2014

Sabado, Mayo 17, 2014

Dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Luneta, May 17, 2014

Dalawang gabing ipinalabas nitong Mayo 2014 ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Park sa Luneta, Mayo 16 at 17, 2014, sa ganap na ikaanim hanggang ikapito ng gabi.

Sinimulan ang palabas sa pag-awit ng Lupang Hinirang, at paliwanag ng emcee ng palatuntunan na si Pia Marie Paulican. Inawit naman sa entablado ang awiting pangkalikasan ng bandang ASIN, ang "Masdan mo ang kapaligiran", na may ilang pagbabago sa liriko ng awit, lalo na hinggil sa ilog.

Napakapayak ng kwento, ngunit napakabisa ng mensahe. Sa dula'y nagkwento ang isang matanda sa kanyang apo na nakita niya noon ang isang magandang diwata ng tubig. Maganda pa noon ang kalikasan, may mga ibong nagliliparan at mga isdang naglalayungan sa malinis na ilog. Ngunit dahil sa pagtatapon ng mga basura sa ilog, ang diwata ng tubig ay naging halimaw. Ito ang nagpapakita sa batang si Rosa, at dahilan ng pagkakasakit ng maraming bata sa pamayanan.

Hindi maniwala ang taumbayan sa sinasabing nakitang halimaw ng bata, ngunit sa kalaunan ay nakita rin ito ng marami sa pamayanang iyon.

Nang mapagtanto ng taumbayan na ang halimaw na sinasabi ni Rosa ay ang mga basurang itinapon sa ilog, agad nilang nilinis ang ilog mula sa mga basurang pinamugaran na ng mga lamok at iba pang parasito.

Nang luminis ang ilog ay nagpakita sa kanila ang diwata ng tubig, at sinabi nitong siya ang halimaw. Ngunit hindi niya iyon kagustuhan. Bagkus ang dahilan ng kanyang pagiging halimaw ay ang mga taong nagtatapon ng basura sa kanyang ilog na tahanan.

Marapat na ipalabas sa mas maraming manonood ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" dahil sa napakagandang mensahe tungkol sa kapaligiran, lalo na sa kalinisan ng ating mga ilog na hindi dapat tinatapunan ng basura.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Simula ngayon, bawal itapon ang basura dito

Nakapaskel ito sa gilid ng tulay ng Quiapo sa Quezon Blvd. sa Maynila. Astig ang pagkakasulat, ano po? Simula ngayon, bawal nang magtapon ng basura sa lugar na iyon. Kuha ni Greg Bituin Jr., Mayo 17, 2014.

Buwan ng Karagatan ang bawat buwan ng Mayo

Kuha ni Greg Bituin Jr. ang larawang ito sa City Hall ng Maynila, Mayo 17, 2014.

Miyerkules, Mayo 7, 2014

Lecture on Flooding and Flood Control, Inilunsad sa UP Diliman

Mayo 7, 2014 - Matagumpay na inilunsad ang isang talakayan hinggil sa pagbaha at pagpigil nito, na pinamagatang "Lecture on Environmental Concern: Flooding and Flood Control", sa GT Toyota Cultural Center, sa UP Diliman, ngayong araw. Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Dr. Leonardo Q. Teongson, PhD, na pinakilala bilang academician ng National Academy of Science and Technology (NAST-Phl), at siya'y retiradong propesor sa Institute of Civil Engineering sa UP Diliman.

Ang tagapagpadaloy (emcee) ng programa ay si Gng. Bella Lucas, habang ang mga reactor o discussant naman ay sina Dr. Domingo, pangulo ng UP Geelogy Association, at Engr. Reynaldo Taculando ng DPWH at UP Alumni Association.

Sa pagbubukas ng palatuntunan ay inawit ang Lupang Hinirang at UP Naming Mahal, at isang pag-aalay-dasal kay Bathala sa pamamagitan ng sayaw ng isang makabagong babaylan. Humigit-kumulang 100 katao ang dumalo sa talakayang ito.

Sa talakayan ay nabanggit ang tagtuyot sa Cordillera, may subdibisyon na umano sa paligid ng Laguna Lake, ang Provident Village ay dating tumana na talagang binabaha noon ngunit tinayuan pa ng subdibisyon, ang Cherry Hill landslide sa Antipolo, naging basin ang Iloilo City dahil sa typhoon Frank, at iba pa. Sinasabing tayo mismong mga tao ang naglalagay sa atin sa flood-prone areas, tinakpan ang normal na daluyan ng tubig. Nabanggit din ang easement rights na dapat ay hindi maglagay ng anumang istruktura sa mga lagusan ng tubig. Magkaugnay ang solid waste management at flood control management. Sinabi rin dito na napakahalaga ng land use planning at zoning.

Nabanggit din na magandang halimbawa umano ang Paco easement na proyekto ng ABS-CBN Foundation, dahil maganda na ang daluyan ng tubig, ngunit hindi binanggit na ang mga maralitang dating nakatira rito ay tinapon mula sa danger zone patungong death zone. Itinapon sa relokasyon, partikular ang mga grupong Madza at Kasama-Ka, sa Calauan, Laguna, na malayo sa kanilang trabaho, kaya gutom ang inaabot doon ng maralitang pamilya. Na ayon pa sa mga ulat ay kailangan pang ipagpalit ang sex sa isang kilong bigas. Dapat pag-aralan din ang social impact sa mga tinatamaan ng ganitong proyekto at hindi lamang environmental impact sa lugar.

Para sa mga dagdag-kaalaman, may Committee on Geohazard umano ang UP, na makukunan ng modyul para sa mga barangay. Dapat lumikha ng mga catch basins para pag napuno ang mga dam ay hindi ito paaawasin sa mga pananim at tirahan ng mga tao. Nabanggit ding hindi dapat i-privatize ang tubig. At sa pagkakalikha ng NIA (National Irrigation Administration), dapat ay mas prayoridad umano ang suplay ng tubig sa tahanan kaysa irigasyon, dahil ito ang batas. At kung magtitipid tulad ng pagkaunti ng tubig ngayon sa Angat Dam, dapat na unahing tipirin ang patubig sa mga golf courses, swimming pool at car wash, na siyang pinagdiinan ni Prof. Leongson. Dapat din nating basahin at maunawaan ang nilalaman ng Water Code.

Narito ang ilang litrato hinggil sa naganap na lektura:

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.