Sabado, Mayo 17, 2014

Dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Luneta, May 17, 2014

Dalawang gabing ipinalabas nitong Mayo 2014 ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Park sa Luneta, Mayo 16 at 17, 2014, sa ganap na ikaanim hanggang ikapito ng gabi.

Sinimulan ang palabas sa pag-awit ng Lupang Hinirang, at paliwanag ng emcee ng palatuntunan na si Pia Marie Paulican. Inawit naman sa entablado ang awiting pangkalikasan ng bandang ASIN, ang "Masdan mo ang kapaligiran", na may ilang pagbabago sa liriko ng awit, lalo na hinggil sa ilog.

Napakapayak ng kwento, ngunit napakabisa ng mensahe. Sa dula'y nagkwento ang isang matanda sa kanyang apo na nakita niya noon ang isang magandang diwata ng tubig. Maganda pa noon ang kalikasan, may mga ibong nagliliparan at mga isdang naglalayungan sa malinis na ilog. Ngunit dahil sa pagtatapon ng mga basura sa ilog, ang diwata ng tubig ay naging halimaw. Ito ang nagpapakita sa batang si Rosa, at dahilan ng pagkakasakit ng maraming bata sa pamayanan.

Hindi maniwala ang taumbayan sa sinasabing nakitang halimaw ng bata, ngunit sa kalaunan ay nakita rin ito ng marami sa pamayanang iyon.

Nang mapagtanto ng taumbayan na ang halimaw na sinasabi ni Rosa ay ang mga basurang itinapon sa ilog, agad nilang nilinis ang ilog mula sa mga basurang pinamugaran na ng mga lamok at iba pang parasito.

Nang luminis ang ilog ay nagpakita sa kanila ang diwata ng tubig, at sinabi nitong siya ang halimaw. Ngunit hindi niya iyon kagustuhan. Bagkus ang dahilan ng kanyang pagiging halimaw ay ang mga taong nagtatapon ng basura sa kanyang ilog na tahanan.

Marapat na ipalabas sa mas maraming manonood ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" dahil sa napakagandang mensahe tungkol sa kapaligiran, lalo na sa kalinisan ng ating mga ilog na hindi dapat tinatapunan ng basura.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Simula ngayon, bawal itapon ang basura dito

Nakapaskel ito sa gilid ng tulay ng Quiapo sa Quezon Blvd. sa Maynila. Astig ang pagkakasulat, ano po? Simula ngayon, bawal nang magtapon ng basura sa lugar na iyon. Kuha ni Greg Bituin Jr., Mayo 17, 2014.

Buwan ng Karagatan ang bawat buwan ng Mayo

Kuha ni Greg Bituin Jr. ang larawang ito sa City Hall ng Maynila, Mayo 17, 2014.

Miyerkules, Mayo 7, 2014

Lecture on Flooding and Flood Control, Inilunsad sa UP Diliman

Mayo 7, 2014 - Matagumpay na inilunsad ang isang talakayan hinggil sa pagbaha at pagpigil nito, na pinamagatang "Lecture on Environmental Concern: Flooding and Flood Control", sa GT Toyota Cultural Center, sa UP Diliman, ngayong araw. Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Dr. Leonardo Q. Teongson, PhD, na pinakilala bilang academician ng National Academy of Science and Technology (NAST-Phl), at siya'y retiradong propesor sa Institute of Civil Engineering sa UP Diliman.

Ang tagapagpadaloy (emcee) ng programa ay si Gng. Bella Lucas, habang ang mga reactor o discussant naman ay sina Dr. Domingo, pangulo ng UP Geelogy Association, at Engr. Reynaldo Taculando ng DPWH at UP Alumni Association.

Sa pagbubukas ng palatuntunan ay inawit ang Lupang Hinirang at UP Naming Mahal, at isang pag-aalay-dasal kay Bathala sa pamamagitan ng sayaw ng isang makabagong babaylan. Humigit-kumulang 100 katao ang dumalo sa talakayang ito.

Sa talakayan ay nabanggit ang tagtuyot sa Cordillera, may subdibisyon na umano sa paligid ng Laguna Lake, ang Provident Village ay dating tumana na talagang binabaha noon ngunit tinayuan pa ng subdibisyon, ang Cherry Hill landslide sa Antipolo, naging basin ang Iloilo City dahil sa typhoon Frank, at iba pa. Sinasabing tayo mismong mga tao ang naglalagay sa atin sa flood-prone areas, tinakpan ang normal na daluyan ng tubig. Nabanggit din ang easement rights na dapat ay hindi maglagay ng anumang istruktura sa mga lagusan ng tubig. Magkaugnay ang solid waste management at flood control management. Sinabi rin dito na napakahalaga ng land use planning at zoning.

Nabanggit din na magandang halimbawa umano ang Paco easement na proyekto ng ABS-CBN Foundation, dahil maganda na ang daluyan ng tubig, ngunit hindi binanggit na ang mga maralitang dating nakatira rito ay tinapon mula sa danger zone patungong death zone. Itinapon sa relokasyon, partikular ang mga grupong Madza at Kasama-Ka, sa Calauan, Laguna, na malayo sa kanilang trabaho, kaya gutom ang inaabot doon ng maralitang pamilya. Na ayon pa sa mga ulat ay kailangan pang ipagpalit ang sex sa isang kilong bigas. Dapat pag-aralan din ang social impact sa mga tinatamaan ng ganitong proyekto at hindi lamang environmental impact sa lugar.

Para sa mga dagdag-kaalaman, may Committee on Geohazard umano ang UP, na makukunan ng modyul para sa mga barangay. Dapat lumikha ng mga catch basins para pag napuno ang mga dam ay hindi ito paaawasin sa mga pananim at tirahan ng mga tao. Nabanggit ding hindi dapat i-privatize ang tubig. At sa pagkakalikha ng NIA (National Irrigation Administration), dapat ay mas prayoridad umano ang suplay ng tubig sa tahanan kaysa irigasyon, dahil ito ang batas. At kung magtitipid tulad ng pagkaunti ng tubig ngayon sa Angat Dam, dapat na unahing tipirin ang patubig sa mga golf courses, swimming pool at car wash, na siyang pinagdiinan ni Prof. Leongson. Dapat din nating basahin at maunawaan ang nilalaman ng Water Code.

Narito ang ilang litrato hinggil sa naganap na lektura:

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Lunes, Mayo 5, 2014

Maayos na lagayan ng paso

Kuha ni Greg Bituin Jr. sa OMI, sa Mangga St., Fairview, QC, ika-4 ng Mayo, 2014.

Cigarette bin ng MMDA

Kuha ni Greg Bituin Jr., sa may Commonwealth Ave., sa tapat ng UP Ayala Technopark, ika-3 ng Mayo, 2014.

Linggo, Mayo 4, 2014

Pagdiriwang ng World Migratory Bird Day sa 10-11 ng Mayo, 2014

Ang tarpouline na ito'y nakunan ng litrato ni Greg Bituin Jr., sa gate ng Ninoy Aquino Park and Wildlife sa Quezon Avenue, Quezon City, May 4, 2014, at kanyang ipinapaabot din sa iba.


Huwebes, Mayo 1, 2014

Paalala mula sa Hotel Sogo sa Recto Avenue sa Maynila

Malinaw, madaling maunawaan, at magandang paalala sa atin ng isang hotel sa Maynila, na dapat nating panatilihing malinis ang ating lungsod, kaya ang munting basura natin, halimbawa ay balat ng kendi, ay ibulsa muna, hanggang sa makakita na tayo ng basurahan na dapat pagtapunan ng balat ng kendi. Ang mga basurahan ay dapat na magkakabukod, may para sa nabubulok, tulad ng balat ng prutas at papel, at para sa hindi nabubulok, tulad ng balat ng kendi, anumang plastik, at bote. Ang mga litrato ay kuha ni Greg Bituin Jr., habang naglalakad sa Recto Avenue sa Maynila, matapos ang isang malaking pagkilos ng mga manggagawa sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, Mayo Uno, 2014.


Darating din ang araw, wala ka nang ibubuga!

Ang mga litratong ito ay kuha sa opisina ng SUPER Federation sa Quezon Ave., QC.

Lunes, Abril 28, 2014

Paalala mula sa Brgy. 458, Zone 45, Dist. 4, Manila

Kuha ang litratong ito sa Sulucan Street, sa Sampaloc, Maynila. Isang paalala mula sa Brgy. 458, Zone 45, Distrito 4 ng Maynila.  Kuha ni Greg Bituin Jr. noong Abril 27, 2014.

Paalala mula sa Brgy. 303. Zone 29, Dist. 3, Manila

Kuha ang litratong ito sa isang gusali malapit sa McArthur Bridge, katapat ng Plaza Fair sa Sta. Cruz, Maynila. Isang paalala mula sa Brgy. 303, Zone 29, Distrito 3 ng Maynila. Kuha ni Greg Bituin Jr. noong Abril 27, 2014.

Biyernes, Abril 25, 2014

Takbo!!! - tula ni Victor Vargas

Takbo!!!
Tula ni Victor Vargas

Tatlong daang piso lang ang registration
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
May libre pang pang-jogging na sando
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Bottomless ang health drink for more energy, libre
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Mga artista, pulitiko, celebrity kasali
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Kailangan na daw sagipin ang ilog
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Iligtas ang mga lawa at isalba ang mga kalbong bundok
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Sa mga tarpulin, pahayagan at sa internet naka-anunsyo
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Isang takbuhan lang makapagtatayo na tayo ng isang foundation o NGO
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Tirik ang sinag ng araw wala nang masilungan
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Nagkakandamatay ang mga puno sa bundok
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Binubuldoser ang mga burol at kabundukan
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Tinatabunan, winawasak ang karagatan
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Ilang araw nang walang tigil ang ulan
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Landslide, mudslide, baha lagpas-tao
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Nagko-collapse ang mga dike, dam at tabing-ilog
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Bagyo at hanging habagat nagpapatintero
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Heavy metalikong lason sa lahat ng dako at lupalop
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Sa mga lawa, ilog, bukal, sa tubig nakahalo
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Gulay, prutas, hayop, isda ay kargado
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Tubig na inumin nating lahat ay kontaminado
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Tingga sa mga abubot at plastik na produkto
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Pampaputing cream at lotion may arseniko
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Asoge at cadmium sa mga laruan ng anak mo
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Sa langis ng makina at usok ng tambutso
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Ayan na ang higanteng alon, tsunami
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Mga dambuhalang bagyo dala-dala’y storm surge
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Mga bahay, pabrika, pananim, plantang nukleyar inanod
Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Dagat at isda ay nalason ngayo’y radyoaktibo
Takbo para sa Kalikasan, takbo!

Takbo para sa Kalikasan, takbo!
Para sa Kalikasan, takbo!
Para sa Kalikasan, takbo!

[Wed. Apr.9-10,2014 sa Kalye Zafiro, San Andres at kahabaan ng SLEX - Wed. Apr. 23 sa Lecheria,Calamba]

Miyerkules, Abril 23, 2014

ATM Statement for Earth Day

ATM Statement for Earth Day: Filipinos should assert their right in protecting the environment
April 22, 2014

‘Ganansya ng iilan, disgrasya ng mamamayan’— As the world celebrates Earth Day, Alyansa Tigil Mina (ATM) a coalition of more than a hundred environmental and anti-mining groups continues its cry for a more sustainable future, not just for the environment but for the people of the Philippines.

“When it comes to environmental issues, there are just so many things to deal with. There is deforestation, destruction of biodiversity and of course destructive and irresponsible mining, among others. The issue even extends to human rights violations and the abuse of rights of our Indigenous Peoples” said Jaybee Garganera, ATM National Coordinator.

“But these issues are not hopeless. International and local groups from different sectors are doing their best to resolve these problems. The question however, is how willing are we to open our minds and assert our rights for a clean and safe environment. As long as we let the dysfunctional system and the culprits behind these environmental atrocities do what they do, we can continue to fight for 50 years or more and not even make a dent to save the Earth.” Garganera added.

ATM and other environmental organizations and sectors urge the public to take part in preserving the environment. Filipinos must use their right as a power against the environmental offenders especially now that climate change is threatening to intensify ‘disgrasya ng mamamayan’.

“We do not have to look so far behind our history to recount instances when our vulnerability as a nation was intensified by mining, coal plants operations, deforestation and other acts and operations that are clear desecration of our environment. 19 years ago, the Mining Act of 1995 was enacted and it has brought an imbalanced development but inconsiderate extraction of our national resources, destruction of our environment, health risk to the people and a long list of mining disasters that have left irreversible consequences to the affected communities. Just 5 months ago, Yolanda struck us and look how deforestation and mining contributed to the devastation it brought” Garganera stressed. Truly, the social, environmental and political costs of mining far outweigh its supposed economic benefits.

According to the most recent climate change report released by the United Nations last march 30, the intensifying global warming will gravely affect  countries that rely on agriculture and fishery, and linking it to the booming population that is estimated to become 9.7 billion by 2050, worldwide hunger has been foreseen.

The Philippines, which mostly depends on agriculture and fishery as livelihood resources is bound to suffer more as climate change aggravates. The effects of mining and other activities that are considered detrimental to environmental services – such as vast deforestation and coal plant operations – do not help in averting the climate crisis that we are facing. The contradicting policies on addressing climate change and mining and other development projects are going to lead us nowhere. For this, ATM is calling upon citizens of our country to stand up against these environmental atrocities because ‘Ganansiya ng iilan’ has to stop, otherwise, hope falls short for the rest of the Filipino people.

“Environmental organizations, other concerned sectors even the government, can only do so much if we do not fight against these environmental aggressors. Moreover, let us fight the biggest aggressor, which is the apathy that we have when it comes to environmental concerns. Protecting our environment starts in our homes, the way we think, the way we act. Let us make Earth Day not a one day event, let us celebrate it every day of our lives. ” Garganera concluded.
————
Alyansa Tigil Mina is an alliance of mining-affected communities and their support groups of NGOs/POs and other civil society organizations who are opposing the aggressive promotion of large-scale mining in the Philippines. The alliance is currently pushing for a moratorium on mining, revocation of Executive Order 270-A, repeal of the Mining Act of 1995 and passage of the AMMB.

For more information:
Jaybee Garganera, ATM National Coordinator, (0917) 549.82.18, nc@alyansatigilmina.net
Check Zabala, ATM Media and Communications Officer, (0927) 623.50.66 checkzab@gmail.com

Miyerkules, Abril 16, 2014

Bawal magtapon ng basura kung saan-saan lang

Mga kuha ni Greg Bituin Jr. habang naglalakad kasabay ng Kalbaryo ng Maralita 2014, na inilunsad ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) nitong Abril 15, 2014, mula Santo Domingo Church sa QC, sa Holy Trinity sa Balic-Balic, Sampaloc, San Roque de Sampaloc Parish, Our Lady of Loreto Parish, at nagtapos sa tulay ng Mendiola.

Iisa lang ang mensahe ng mga ito: Itapon ang inyong basura sa tamang basurahan, at paghiwalayin ang mga nabubulok na basura sa hindi nabubulok na basura. Simpleng mga paalalang madali namang maunawaan.


 
 

Miyerkules, Marso 26, 2014

Ginagahasa ang Makiling - ni Diego Vargas

Ginagahasa ang Makiling
ni Diego Vargas

Ginagahasa ang Makiling
ang mga tao ay nahihimbing
mga punong bulak na sagabal
dali-daling binubuwal
pagtangis ni Makiling
umaalingawngaw mula sa matatarik
ang mga tao'y kaylalakas magsipaghilik
pagkat gawa na ang hotel
na magara at masarap tulugan
bilis-bilisan ang kalsada
patungo doon ay luwangan
Hoy sabog ka lang!
mga tao'y huwag bulabugin
at baka magulantang
sila'y nananaginip sa pagdating
ng kanilang ika-400 kaarawan.

3/25/2014
16:32:39


Lunes, Pebrero 24, 2014

Ang kilabot na Lawa Karachay

ANG KILABOT NA LAWA KARACHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakakakilabot ang tubig sa Lawa Karachay
higit pa sa tapunan ng nabubulok na bangkay
radyoaktibo na ito't isda'y di mabubuhay
di ka makatatagal, amoy na'y nakamamatay

sa timog ng bundok Ural sa Rusya naroroon
basura ng nukleyar ang doon ay tinatapon
mula sa Mayak kaya kaytindi na ng polusyon
radyoaktibo ang lawa, puno, buong rehiyon

likas-yaman na'y nangasira, lahat apektado
di ka makatatagal doon kahit limang minuto
nang magkasakuna sa Lawa Karachay ng todo
tumagos sa kailaliman ang basurang ito

sakuna sa nukleyar ay dusa na't pawang hirap
wala kang maririnig, mata mo'y aandap-andap
nasa iba ka nang mundo, wala ka nang hinagap
doon sa Lawa Karachay ay bangkay ka nang ganap

* Lake Karachay, located in the southern Ural Mountains in eastern Russia, was a dumping ground for the Soviet Union's nuclear weapon facilities. It was also affected by a string of accidents and disasters causing the surrounding areas to be highly contaminated with radioactive waste. Washington, D.C.-based Worldwatch Institute has described it as the "most polluted spot on Earth." - From Wikipedia

Trahedya ng Pasong Bungo

TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro

ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian

bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?

Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan

nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?

totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Basurang niresiklo

BASURANG NIRESIKLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa litrato ang ginawa kong ashtray mula sa lata ng sardinas na di na kailangan ng abrelata kundi hihilahin na lang, ready to open, kaya eksakto ang gilid ng tinanggal na takip, hindi makakasugat. Kailangan pang balutan ng marka ng yosi bilang tanda na ashtray na ang dating lata ng sardinas.

Hindi ako naninigarilyo, ngunit nais kong huwag kumalat ang upos ng sigarilyo dahil kung saan-saan lang itinatapon ng nagyoyosi ang upos, lalo na sa loob ng opisina. Nakakatuwa dahil ang dapat binasurang lata ng sardinas ay nagamit pang muli.




Biyernes, Disyembre 13, 2013

Martes, Disyembre 10, 2013

Lunes, Disyembre 9, 2013

Paghihiwalay ng basura at basurahan

Kuha ni Greg Bituin Jr., sa Caritas, Manila noong Disyembre 1, 2013, bago sila tumungo sa Tanauan, Leyte para sa relief operation. Bumalik sila ng Maynila noong Disyembre 6, 2013 ng madaling araw.

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo