Sabado, Pebrero 28, 2026

CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

pitong rambol na titik ang pinilit
kong buuin, lahat ng letra'y gamit
apat na salita'y nabuong saglit:
CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

nakatutuwang makita ang ganyan
tulad din ng BEDROOM at BOREDOM iyan
inip ka na ba sa iyong tulugan?
SILENT ay LISTENSILENCE ay LICENSE man

tara, minsan, maglaro ng Word Connect
nang sa BEDROOM ay di BOREDOM ang hibik
hulaan lang sa nirambol na titik
ang salitang buuin mong tahimik

ganyan, Word Connect pag nagpapahinga
nalilibang ang sariling may dusa
panahong wala mang kwento'y may kwenta
minsan sa lumbay ito'y tagasalba

- gregoriovbituinjr.
02.28.2026

Pagdalo sa "Hugyaw" sa pagtatapos ng Buwan ng Sining

PAGDALO SA "HUGYAW" SA PAGTATAPOS NG BUWAN NG SINING
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang panitikero at makatâ, dinaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ngayong Pebrero - ang Buwan ng Sining. Mula sa dalawang araw na Pasinayà 2026 mula Pebrero 7-8 hanggang Hugyaw ng Pebrero 27. Bukod sa Buwan ng Panitikan tuwing Abril ay binigyan kong halaga ang Buwan ng Sining.

Sapagkat ang mga makatâ ay hindi lang nasa panitikan kundi ang pagtulâ ay isang sining din mula pa noong unang panahon.

Mula sa isang pagkilos sa panawagang pagpapalaya sa dalawang kasamang dinakip ng mga pulis sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Edsa@40 at napiit sa Mandaluyong, ay nagtungo ako sa Metropolitan Theater upang panoorin ang Hugyaw ng ikaanim ng gabi.

Ang pamagat ng closing program ng Buwan ng Sining ay "Hugyaw: Ugnayan ng Galing, Katotohanan at Giting" na magsisimula ng ikaanim ng gabi, ayon sa programa, Open to the Public at Free Admission. Nakaabot ako roon, mabuti't nag-umpisa iyon ng 6:40 pm at natapos sa ganap na ikawalo ng gabi.

Ang hugyaw ay salitang Bisaya, na ibig sabihin ay "tagumpay sa labanan" (mula sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 324. Ito naman ang nakita ko sa google: "Hugyaw is a Cebuano and Hiligaynon (Visayan) word meaning a loud, joyous shout, cheer, or roar of excitement from a crowd. Often associated with festivals, it signifies merry-making, jubilation, and loud celebration. It is frequently used to describe the energetic, festive atmosphere of a parade or fiesta." (Ang Hugyaw ay  salitang Cebuano at Hiligaynon (Visayan) na nangangahulugang malakas, masayang hiyawan, palakpakaan, o dagundong ng pananabik mula sa mga nagsidalo. Madalas itong iniuugnay sa mga kapistahan, nagsasaad ito ng pagsasaya, kagalakan, at malakas na pagdiriwang. Madalas itong ginagamit upang ilarawan ang masigla at masayang kapaligiran ng isang parada o pista."

Binati ng tagapagpadaloy ang presensya ni National Artist for Literature Virgilio S. Almario. Kinilala rin ang gawa ng iba't ibang National Artist, tulad nina Nora Aunor at Fernando Poe Jr (sa Film), Francisco Manosa at Ildefonso Santos Jr. (sa Arkitektura), Ramon Obusan (sa Sayaw), Lucio San Pedro at Levi Celerio (sa musika), at marami pang iba. Doon ay nagtanghal ang iba't ibang grupo tulad ng Wincess Jem, Lucky G., JM Yesures, Shanne Gulle, ang University of Santo Tomas Singers, Bayanihan National Folk Dance Group, Ramon Obusan Folkloric Group, Quartet, Douglas Nierras Powerdance Philippines Foundation Inc., Ballet Philippines, atbp. Pinarangalan naman bilang Ani ng Sining ang UST Singers.

Isinayaw din ang mga katutubong sayaw, tulad ng sayaw ng mga Ifugao, Pandanggo sa Ilaw, Tinikling, Maglalatik (o sayaw gamit ang bao ng niyog), at marami pang iba. Ipinarada rin ng mga nagggagandahang dilag ang iba't ibang katutubong habi tulad ng Pis Yabit ng mga Tausug, T'nalak ng mga T'boli, Tenun ng mga Yakan, Wanno ng mga Ifugao, Batik ng Indonesia, at Thai Silk.

Sa mga tulad ko'y di ko pinalalampas o binabalewala ang ganitong pagdalo sa mga aktibidad bilang pagpapakita ng katapatan sa sining, bukod pa sa may maisusulat. Kahit maraming gawain, kahit laging nasa kalsada at may ipinaglalaban, ay isinisingit ang ganitong gawain. Pangarap ko ring makapaglunsad ng aklat ko ng mga tulâ sa MET, at makapagbigkas din ng tulâ sa bulwagan nito.

Sa Concert at the Park sa Luneta, ilang taon na ang nakararaan ay napakinggan ng namayapa kong misis ang aking pagbigkas ng tulâ sa harap ng maraming taong dumalo roon. Subalit kung makakapagbigkas ako ng tulâ, kung sakali lang, sa MET, hindi na niya iyon mapakikinggan.

Mahalaga ang Buwan ng Sining at ang Buwan ng Panitikan, kaya anumang aktibidad mayroon bilang pagpupugay sa sining at sa panitikan, asahan nang magtutungo ako roon. Basta't kaya ng biyahe, ng katawan, at ng oras (walang kasabay).

HUGYAW

mula sa isang pagkilos ng mga kasama
upang palayain sina Parducho't Odeña
kung saan tula'y binigkas para sa kanila
ay agad akong bumiyahe't sa MET pumunta

dumalo sa pagtatapos ng Buwan ng Sining
tawag ay Hugyaw: saya, artista, awit, giling
"Ugnayan ng Galing, Katotohanan at Giting"
libreng palabas, karaniwang tao'y kapiling

isang matandang sining ang pagkatha ng tulâ
tulad nina Balagtas at Batute, makatâ
sa pagdiriwang ng sining, dinaluhang sadyâ
wala man sa toreng garing kaming mangangathâ

maraming salamat sa sining, ako'y namulat
upang kumilos sa mundong kayraming nagkalat
na basura, kurakot, trapong ahas ang balat
upang pagbalikwasin ang bayang di pa dilat

02.28.2026

Talbos ng sibuyas

TALBOS NG SIBUYAS

bente pesos ang tatlong piraso
ng nabiling talbos ng sibuyas
mayaman sa Bitamina A, C,
K, at fiber o hibla, mabuti
at pampalakas ng immune system
nagpapabuti rin ng panunaw
at nagpapatibay rin ng buto

sagana rin daw sa antioxidant
tumutulong bumaba ang presyon
ng kolesterol, at mayroon ding
anti-inflammatory properties
na anong inam para sa puso
at pangkalahatang kalusugan

kaya itong talbos ng sibuyas
ay inuulam ko't pampalakas

- gregoriovbituinjr.
02.28.2026

* datos mula sa google

Napanaginipan ko'y relo

NAPANAGINIPAN KO'Y RELO

napanaginipan ko'y isang relo
kaybilis ng ikot ng kamay nito
anong tulin ng inog ng minuto
parang nasa "Back to the Future" ako

natandaan ko pa ang panaginip
anong kahulugan, di pa malirip
tagumpay ba ako sa naiisip
na nobelang di mo ikaiinip

isa kayang "Time Machine" ang orasan
muli bang pagtahak sa nakaraan
o lakbay tungò sa kinabukasan
o baka pagtungò sa kalawakan

bakit ikot ng kamay ay kaybilis
pinagmadali ba akong magbihis
nang puntahan ang lugar na tahimik
ingat lang baka malubog sa putik

- gregoriovbituinjr.
02.27.2026

* litrato mula sa google
* "Back to the Future" - isang pelikula noong 1985, na napanood noon ng makatâ sa sinehan
* "Time Machine" - isang science fiction novel ni H. G. Wells, na nalathala noong 1895

Biyernes, Pebrero 27, 2026

Sa 9th Black Friday Protest ng 2026

SA 9TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

sa harap ng istasyon ng pulis sa Mandaluyong
ginanap ang pangsiyam na Black Friday Protest ngayon
dalawang prinsipyadong tibak ang doon kinulong
imbes na yaong sa pondo ng bayan ay nandambong

dinakip sina Three Odeña at Edel Parducho
sa rali sa ikaapatnapung anibersaryo
ng Edsa, at kinasuhan ng gawa-gawang kaso
silang tagapagtanggol ng karapatang pantao

direct assault umano'y ikinaso sa kanila
sa payapang pagkilos, pulis ay ginulo sila
nanggulo'y pulis, nanggulo sa payapang protesta
nang ginunita nami'y Unang Pag-aalsang Edsa

ang aming sigaw: "P.N.P. Protektor ng Korap!"
trapong hunyangò at kurakot sa bayan pahirap
kurakot na lingkod bayan, ikulong, panagutin!
sina Three Odeña, Edel Parducho, palayain!

- gregoriovbituinjr.
02.27.2026

* litrato kuha sa nasabing pagkilos    

Kahapon

KAHAPON

di ko na sila naabutan
leyt ko na kasi nabatid
subalit aking sinubukan
ang pagmamadali'y di lingid

apat na sakay ang inabot
traysikel, bus, MRT, at dyip
buong sitihol ay inikot
wala na, ako'y napaisip

tanging hingi ko'y paumanhin
di na umabot sa pagkilos
sinubukan, pumunta pa rin
kahit sa pamasahe'y kapos

tungkulin pa rin ay ginawa
biyahe ma'y nakakapagod
nais kong tupdin ang adhika
kaya narito't sumusugod

- gregoriovbituinjr.
02.27.2026

Huwebes, Pebrero 26, 2026

Palayain sina Three Odeña at Edel Parducho!

PALAYAIN SINA THREE ODEÑA AT EDEL PARDUCHO!

di ba't ang diwa ng Edsa ay paglaya ng masa
mula sa kuko't pangil ng bangis ng diktadura
kaya apat na dekada ng Edsa'y inalala
diwa nito'y paglaya ng bayan mula sa dusa

panawagan din ito laban sa mga kurakot
sa kaban ng bayan, at managot lahat ng sangkot
wakasan na ang dinastiya't sistemang baluktot
na sanhi kaya nagbundatan ang mga balakyot

dapat managot sa bayan ang mga mandarambong
tulad ng mga kontrakTONG, TONGresman at senaTONG
silang mga pulitikong kawatan ang ikulong
di ang mga mapagpalayang tibak natin ngayon

mga nagmartsa tungong Edsa upang ipagdiwang
ang anibersaryo ng Edsa'y agad na hinarang
dalawang aktibista'y dinakip ng kapulisan
sila'y ikinulong, imbes mga trapong kawatan!

palayain sina Three Odeña't Edel Parducho!
na tanging kasalanan ay nanindigang totoo!
nanindigan sa Edsa, tumindig laban sa trapo!
nanindigan sila para sa masa, prinsipyado

- gregoriovbituinjr.
02.26.2026

* litrato mula sa fb

Buwaya

BUWAYA

buwaya ba'y naroroon lang sa mga zoo?
o nasa malalalim na ilog lang ito?
bakit buwaya'y turing sa nasa Kongreso?
sa Senado, o sa mga bundat na trapo?

buwaya - katawagan sa mga kurakot
sa pondo ng bayan, mga gawaing buktot
pahirap sa bayan silang mga balakyot
mga mandarambong silang dapat managot

anong petsa na? buwaya'y naglipana pa
sa mga bulwagan ng gobyerno't burgesya
nagpapasasâ sa yamang likhâ ng masa
nasanay mambola upang iboto sila

dapat manggagawa't dukha'y magkapitbisig
at mga kurakot ay kanilang mausig
hunyango't dinastiya'y tuluyang malupig
sistema'y baguhin, iyan ang aming tindig

- gregoriovbituinjr.
02.26.2026

* litrato kuha sa raii sa Edsa, 02.26.2026

02.26.2026

02.26.2026

rambulin ang numero ng taon
aba'y iyon din ang petsa ngayon
habang nilay ko ang nilalayon
sa búhay na may yakap na misyon

patuloy pa rin ang pagsusulat
ng isyung di akalaing sukat
ng mga usaping mapagmulat
ng mga pagpuri't panunumbat

katatapos ng rali sa Edsa
kahapon, doon ay nakiisa
pagkapagod man ang nadarama
sa akin ay may bagong pag-asa

ang mga obrerong kapitbisig
mga maralitang nakikinig
kurakot na dapat inuusig
dinastiyang dapat nilulupig

patuloy ang aking pagninilay
hanggang ngayon ay di mapalagay
masa'y muli bang magtatagumpay
sa sama-samang kilos na tunay?

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 25, 2026

World No. 31 na si Alex Eala sa WTA rankings

WORLD NO. 31 NA SI ALEX EALA SA WTA RANKINGS

pagpupugay sa iyo, O, Alex Eala!
sa buong mundo, pangtatlumpu't isa ka na
at pinakamataas na ranggong nakuha
ng isang Pinay, ng atletang Pilipina

umangat ka na ng labing-anim na baytang
doon sa inilabas na bagong listahan
ng Women's Tennis Asscociation, mabuhay!
mga kababayan mo'y sadyang nagpupugay!

agad ka mang napatalsik sa Qatar Open
bumawi sa quarterfinals ng Dubai Open
tinalo ang matataas na ranking player
nakaabot sa Final 8 ang ating player

mabuhay ka, O, Alex, sa iyong nakamit
sa larangan ng tennis, panalong kaytamis
saan mang panig ng daigdig ka maglarô
tuloy ang suporta namin, huwag susukò

- gregoriovbituinjr.
02.25.2026

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pang-Masa, Pebrero 24, 2026

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA

sakay ako / ng traysikel / nang makita
yaong paskil: / "barya lang po / sa umaga"
kahit sa dyip / may ganyan ding / paalala
pagkat walà / pang kita ang / namasada

barya muna / sa umaga'y / iniipon
dahil bagong / labas lamang / nila iyon
may panukli / na rin sila / bandang hapon
iyan ang sa / araw-araw / nila'y layon

ang barya ko'y / inihandâ / na kaagad
bago pa man / ang sinakyan / ko'y umusad
anong payak, / barya muna / yaong hangad
sa bulsa na'y / dudukutin / ang pambayad

silang tsuper / ay tuloy lang / sa pagkayod
habang tayong / mananakay / ay susunod
sa paskil na / paalala / kahit pagod
"barya lang po / sa umaga" / nang may lugod

- gregoriovbituinjr.
02.25.2026

* mapapanoood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1ArmgWgX1f/ 

Sa Edsa40

SA EDSA40

patuloy na maniningil ang mamamayan
sa mga kurakot sa pondo nitong bayan
tama lang magalit! singilin ang kawatan!
mandarambong sa kaban, dapat parusahan!

"Ikulong na 'yang mga kurakot!" ang hiyaw
ng sambayanan laban sa mga nagnakaw
sa buwis, pondo at kabang bayan, sumingaw
nilang baho'y sobrang nangamoy, nilalangaw

Edsa ay tandâ ng sama-samang pagkilos
ng mamamayang pinahihirapang lubos
noon ng diktadura; ngayon dahil sa ghost
projects, masa'y binabahâ wala mang unos

ang bayang kinorap ay naging basang sisiw
muli tang magkaisa, O, Bayang Magiliw
lalo't pag-ibig sa baya'y di magmamaliw
dapat trapong kurakot, managot, magbitiw!

- gregoriovbituinjr.
02.25.2026

Martes, Pebrero 24, 2026

Makatâ

MAKATÂ

kaming mga makatâ
mangangathâ ng tulâ
at samutsaring akdâ
kayraming parikalâ
at mga talinghagà
alay namin sa madlâ

sakaling di palagay
sa naganap sa búhay
ang tula'y aming tulay
sa kabilâ ng lumbay

sa tulâ binabaling
ang isyung tumitining
na sa diwa'y nagsupling
sa tulang aming sining

- gregoriovbituinjr
02.24.2026
(Pebrero ay Buwan ng Sining)

Paglalakad habang nagninilay

PAGLALAKAD HABANG NAGNINILAY

matapos panoorin ang pelikulang SAKADA
ay lumabas na ako doon sa Cine Adarna
at pinagninilayan ang nasabing pelikula
tilà sa aking pluma ito'y nagbigay-pag-asa

ikalimampung anibersaryo ng sineng iyon
kwento ito ng mga naaping sakada noon
na pinagsamantalahan at nagtayô ng unyon
at paglaya sa kaapihan ang kanilang layon

nangyayari pa ngayon ang kanilang kalagayan
dahil asyenda'y pag-aari pa rin ng iilan
nagpapatuloy pa ang makalumang kaayusan
at laksang kahirapan ay di pa nawawakasan

sa Edsa at 40, patuloy nating tuligsain
ang mga kurakot sa pondo nitong bayan natin
naninilay ko nga'y kayrami pang isyu't usapin
ng masa ang dapat dinggin, solusyunan, lutasin

- gregoriovbituinjr.
02.24.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1AEJoMyQGj/ 

Panonood ng pelikulang "Sakada" sa Cine Adarna

PANONOOD NG PELIKULANG "SAKADA" SA CINE ADARNA
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ala-una ang nakalagay na umpisa ng palabas na SAKADA sa Cine Adarna sa UP, Pebrero 24, 2026. Dumating ako ng ala-una y medya. Mabuti't di pa talaga nagsisimula  ang palabas. Nasa introduksyon pa lang ang emcee at tinalakay ang ilang detalye hinggil sa Sakada. Buti't  nakaabot pa ako't naumpisahan ang pelikula.

Ikalimampung taon na pala ngayong Pebrero 2026 ng pelikulang SAKADA. Una iyong ipinalabas noong Pebrero 1976, panahon ng martial law subalit ilang araw lang umano'y hinarang ng diktador.

Ganap na 1:40 ng hapon nang magsimula na kaming manood. Unang esksena pa lang ay matindi na pagkat pinagbabaril ng mga armadong tauhan ng asyenda ang lider ng unyon ng mga magtutubo. Ang mga nagsiganap (ayon sa natatandaan ko at kilalang artista) ay sina Robert Arevalo, Hilda Koronel, ​​Bembol Roco, Gloria Romero, Rosa Rosal, at Tony Santos Sr. Isinalarawan sa pelikula ang kalagayan ng di makataong pamamalakad at trato sa mga asyenda ng tubuhan.

Ang anak ni Tony Santos Sr., na napaslang sa unang bahagi ng pelikula, ang nagpatuloy bilang lider ng unyon ng mga sakada. Ginampanan iyon ni Robert Arevalo, na nakilala ko lang dahil sa mga pagkunot ng kanyang noo. Kapatid niya roon sina Hilda Koronel at Bembol Rocco.

Ilang linggo rin daw ipinalabas ang pelikulang ito sa mga sinehan bago inutos ni dating Pangulong Marcos Sr. ang pagtanggal ng nasabing pelikula sa mga sinehan at pag-aresto sa mga sangkot sa pelikula, tulad ni Direktor Behn Cervantes.

Masalimuot ang buhay ng mga sakada. Ipinakita roon ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa ilalim ng pyudal na sistema. Inaagaw at inaangkin ng mga asendero ang mga lupang sinasaka ng mga magbubukid habang niyuyurakan ang karapatan ng mga magsasaka. Ang pamilya ng mga sakada ang nagugutom gayong sila ang nagsasaka at nagtatanim ng mga tubo.

Gayunman, nais ng inang si Rosa Rosal na mapag-aral ang kanyang mga anak na sina Hilda Koronel at Bembol Roco, mula sa pitong libong pisong ibinigay ng asendero dahil sa pagbaril at pagkamatay ng kanyang asawa. Habang nakabili naman ng pampasaherong dyip si Robert Arevalo mula sa perang bigay ng ina.

Subalit naloko siya sa biniling dyip na nakaw pala. Si Hilda Koronel ay nagbenta ng katawan, habang pumasok na seminarista si Bembol Rocco dahil sa paring nakatalaga sa kanilang lugar. Ipinagpatuloy naman ni Robert Arevalo ang gawain bilang unyonista at pagpapaliwanag sa mga sakada ng kanilang kalagayan.

Naging kasintahan ni Hilda Koronel ang anak ng asendero. Subalit binigyan siya ng pera ng ina ng kanyang kasintahan, na ginagampanan ni Gloria Romero, upang layuan lang ni Hilda Koronel ang kanyang anak. Hanggang mapariwara si Hilda at nagbenta ng kanyang katawan. Nakausap naman ni Bembol Rocco ang paring nakatalaga sa kanilang bayan. Nakasama si Bembol sa seminaryo, subalit sa kalaunan ay umuwi siya sa kanilang nayon upang makilahok sa welga.

Sa pulong bago isagawa ang isang malawakang welga, ang eksenang nakapukaw sa akin ay nang tumindig na si Rosa Rosal at kinumbinsi ang mga sakada, lalo na ang mga kababaihan, na magtulong-tulong upang tagpasin ang tanikala ng kahirapan. Marami ang namatay sa kanilang isinagawang welga, pinagbabaril ng mga tauhan ng asyenda. Namatay din ang anak ng may-ari pagkat lumahok at nakiisa sa mga sakada.

Matapos ang palabas ay nagkaroon pa ng panayam sa mga nagsiganap.

Isa si Sir Reuel Aguila sa mga tagapagsalita matapos ang palabas. Kasama pala siya sa mga tumulong na magsulat ng iskrip ng nasabing pelikula. Naroon din si Amanda Echanis na limang taon ding ikinulong sa gawa-gawang kaso. Naroon din si Bembol Rocco at manunuring si Nilo Ocampo.

Nang magsibabaan na sila, sinalubong ko si Sir Reuel at binigyan ko siya ng tatlo kong libretong "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Noong Hunyo 2022 ay hinanap pa talaga niya ako upang makapasok sa Palihang Rogelio Sikat Writers Workshop Batch 15 sa UP Diliman. Wala pala akong inilagay na email at cellhone number sa aking aplikasyon, subalit naisulat ko pala ang pangalan ni misis. Kaya si misis ang kinontak upang sabihing kasama ako sa palihan. Maraming salamat, Sir Reuel.

Natapos iyon pasado alas-singko ng hapon. Paglabas ko, uminom muna ako ng tubig. Habang umiinom, lumabas na si Bembol Rocco. Malaking tao pala siya, at naka-single na motor. Kung wala lang akong hawak na tubig at biskwit, baka naisingit kong mag-selfie sa kanya.

Kumatha ako ng maikling tula hinggil sa panonood ko ng nasabing pelikula.

PAG-ABANG SA PELIKULANG "SAKADA"

sadyang inabangan ko ang sineng Sakada
nang makita ko sa pesbuk ang pelikula
libre lang ang palabas sa Cine Adarna
mula pulong ay pinuntahan ko talaga

doon ay inilarawan ang kalagayan
ng mga sakada sa Negros nilang bayan
danas nilang kagutuman at kaapihan
pati pagyurak sa kanilang karapatan

kayhuhusay ng mga artistang gumanap
bilang pamilyang sakadang batbat ng hirap
ang lagay sa pyudal na sistema'y nagagap
kaya buhay ng sakada'y aandap-andap

pelikulang ito'y nagpasigla sa buhay
upang lipunang makatao'y maging pakay
sa lahat ng sakada, ako'y nagpupugay!
nawa, sistemang pyudal na'y mapawing tunay!

02.24.2026

Higit 50 natabunan sa Rizal Landfill

HIGIT 50 NATABUNAN SA RIZAL LANDFILL

tilà naulit ang nangyari sa Payatas
higit dalawang dekada nang nakaraan
natabunan ng basura ang mamamayan
ngayon naman ay doon sa Rodriguez, Rizal

aba'y nagka-trashlide din nito lang Enero
doon naman sa Binaliw landfill sa Cebu
at ito'y tuluyang isinara umano
kayâ krisis sa basura'y lumalang todo

kayraming sa mga basura nabubuhay
mapakinabangan pa'y kinakalaykay
ng mga nangangalkal, pambiling tinapay
at pagkain ng anak nilang binubuhay

may mananagot ba sa ganyang aksidente?
sa naganap ba'y sinong ating masisisi?
gobyerno ba o naguhuang residente?
anong gagawin nang ito'y di na mangyari?

- gregoriovbituinjr.
02.24.2026

* headline sa pahayagang Abante at Bulgar, Pebrero 23, 2026

Lunes, Pebrero 23, 2026

Palayain lahat ng bilanggong pulitikal!

FREE ALL POLITICAL PRISONERS!

Free All Political Prisoners!
Free All Political Detainees!
mga bilanggong pulitikal
palayain! ang aming sigaw!

napakasimpleng panawagan
palayain silang tuluyan
nang tungkulin nila sa bayan
ay kanila nang magampanan

gawa-gawang kaso'y iwaksi
huwag sa kanila isisi
yaong krimen ng trapo't imbi
sila sa api ay kakampi

kung atin silang nasubaybay
sinakripisyo nilang tunay:
panahon, pawis, dugo't buhay
para sa bayan, pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
02.23.2026

Buti na lang, ako'y may tibuyô

BUTI NA LANG, AKO'Y MAY TIBUYÔ

kanina, kulang ako ng barya
upang magkapamasahe naman
kayâ nga, ako'y dumukot muna
sa tibuyô kong pinagtipunan

ng baryang sampû at bente pesos
mabuti nang tayo'y may naipon
bakasakali lang, may panggastos
may agad na mabubunot ngayon

halina't mag-ipon sa tibuyô
natirang barya'y doon isuot
at tiyak, di ka masisiphayò
pag kailangan, may madudukot

walang lamang bote ng alkohol
ang binutas ko't doon nilagak
ang mga sensilyong magugugol
sa kakailanganin kong tiyak

buti't nakapagbenta ng libro
sa pinuntahan kong pagtitipon
kaya tibuyo'y malalagyan ko
ng panibagong baryang naipon

- gregoriovbituinjr.
02.23.2026

* tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilyang alcancia

Mouses

MOUSES

sa nilalaro ko sa selpon na Word Connect
may isang sagot na tsamba't di ko maisip
pagkat sumulpot doon ang salitang MOUSES
gayong tamang plural ng MOUSE ay MICE, di MOUSES
parang plural ng HOUSE ay di HICE, kundi HOUSES

anong uring Ingles ang MOUSES makikita
o wala na ba talagang maisip sila
kayraming salitang pang-Word Connect talaga
ngunit ang isang ito'y nakapagtataka
di batid kung salitang ito'y ginamit na

ngunit patuloy pa rin akong naglalarô
ng Word Connect pag nagpapahinga o hapô
mabuti sa kalusugan ko't di siphayò
dahil nakagaganda sa isip ko't pusò

- gregoriovbituinjr.
02.23.2026

Linggo, Pebrero 22, 2026

Salamat sa t-shirt

SALAMAT SA T-SHIRT

iisang tshirt, magkaibang kulay sa litrato
ang pagitan ng pagpitik sa kamera'y segundo
pinalitan ko lamang naman ang hawak na libro
di ko naman iniba ang aking tayô o pwesto

marahil nagkaiba ang liwanag sa kamera
naging mapusyaw ang isa't matingkad ang isa pa
ang t-shirt nga't kisame'y di nagbago ang itsura
subalit iyong masdan, magkaiba ng resulta

gayunman, maraming salamat sa t-shirt na bigay
lalo na't magandang islogan pa ang nakalagay
talagang karapatan mo'y ipaglalabang tunay
kaysa kamkamin ng kurakot, di ka mapalagay

kasama sa pakikibaka ang nagbigay nito
maraming salamat, mga kasama ko't katoto
patuloy pa ang pagharap sa kayrami pang isyu
para sa masa, hustisya't karapatang pantao

- gregoriovbituinjr.
02.22.2026

* aklat sa unang litrato: Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon
* aklat sa ikalawang litrato: Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan

Tatlong libreto ng tulâ sa tatlong taon

3 LIBRETO NG TUL SA 3 TAON
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula 2006 ay nakapaglathala na ako ng mga aklat. Una na ang 60-pahinang "Ningas-Bao". At huli kong gawang nasaksihan ni misis na nalathala ay ang 24-pahinang libretong "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" noong Pebrero 2020. Siya ang nagdisenyo ng cover o pabalat ng aklat. Apat na taon pa ang nakalipas bago nakapaglabas muli ng aklat ang inyong lingkod. Ang tema'y hinggil sa mga napapanahong isyu o usapin sa lipunan.

Ang huli kong aklat na ginawa noong nabubuhay pa si misis ay ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino" kung saan ang pagsasalin ng tula sa aklat na ito'y sinimulan noong Oktubre 1, 2024, na sana’y tuloy-tuloy sa buong Oktubre, at abutin ng Nobyembre 29 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People. Bawat araw ay may isang tulang isinalin.

Subalit natigil ito noong Oktubre 23, 2024 dahil si misis ay isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Nakita na ang kanyang sakit ay venous thrombosis o blood clot. Sinasabi ng mga doktor na rare case daw ang kay misis dahil bihira raw ang kasong blood clot sa bituka. Kahit nasa ospital kami ni misis ay nakikiisa pa rin ako (o kami) sa laban ng mga Palestino upang lumaya sila sa kuko ng mga buhong na sumakop sa kanilang bansa.

Ito ang huling aklat na proyekto namin ni misis bago siya nawala nitong Hunyo 11, 2025. Kaya napaka-espesyal ng aklat na ito sa akin.

Subalit ang aklat na ito'y di nailunsad noong Nobyembre 29, 2024 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People, sapagkat nasa ospital pa kami noong panahong iyon. Nailunsad lang ang aklat sa rali sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Nobyembre 29, 2025 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People.

Sunod na libreto kong nalathala ay ang 40-pahinang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" na inihanda para sa Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day. Dahil sa matinding korapsyon sa ating bansa, kumatha rin ako ng mga tula laban sa mga kurakot. Inilathala ko ito at inilunsad naman sa Multimedia Room ng Commission on Human Rights noong Disyembre 9, 2025.

Sumunod na libretong inilabas ko'y ang 40-pahinang "Tula't Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan" para naman sa Pebrero 20 - World Day of Social Justice. Hinggil naman ito sa maraming isyung nananawagan ng katarungan.

Kaya mula 2024 ay taun-taon na akong naglalathala ng mga munti kong aklat ng mga tula.

Batid kong walang pera sa tula, bagamat kaysipag kong kumatha ng tula bawat araw. Kung ang isang tula ko'y P100 at nakakagawa ako ng dalawang tula o higit pa sa isang araw, 2 tula x P100 isang araw equals P200, P200 x 7 araw sa isang linggo equals P1,400, P1,400 sa apat na linggo sa isang buwan equals P5,600 sa isang buwan (28 araw) o P200 x 30 araw equals P6,000 kada buwan. Subalit sinong bibili ng tula sa isang araw? Maliban kung may koneksyon ka sa arawang pahayagang naglalathala ng iyong tula bawat araw. Subalit wala.

Kaya nagpasiya akong ilathala ang aking mga tula bilang munting libro o libreto upang kahit paano ay mapakinabangan ko ang mga tula sa pambili ko ng pang-araw-araw na pangangailangan, tulad ng bigas, isda, gulay, at pamasahe.

ANG MGA MUNTI KONG AKLAT NG MGA TULÂ

paano ba kikita ang biyudo
kundi maglabas ng sariling libro

ng mga tulâ, lalo't na't pultaym
na kumikilos para sa bayan

narito ang nalathala kong aklat
na panlipunan ang tema't pamagat:

"Malayang salin ng mga Tulâ
ng mga Makatang Palestino"

ang sumunod na nagawa ko ngayon
"Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

nariyan pa'y "Tula't Panawagan
para sa Hustisyang Panlipunan"

nawa ito'y tangkilikin ng madlâ
nang kumita rin ang abang makatâ

02.22.2026 

Sabado, Pebrero 21, 2026

Pagdalo sa Awit at Aksyon Kontra Korapsyon sa QC Circle

PAGDALO SA AWIT AT AKSYON KONTRA KORAPSYON SA QC CIRCLE
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakita ko ang patalastas ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon hinggil sa "People Power 40 sa QC: Awit at Aksyon Laban sa Korapsyon: EDSA@40 Kick Off Concert" ng Pebrero 21, 2026 sa ganap na ikaapat ng hapon.

Naisipan kong daluhan iyon dahil walang mapiga sa utak ko upang magsulat. Baka pag naroon ako'y may mga salitang pumukaw sa akin upang kumathâ. Kayâ nagpasya akong magtungo roon at makinig. Dumating ako sa ganap na ikaapat ng hapon. Nasa isang sulok lang ako. Umupo roon nang nag-iisa. Tahimik na nakinig sa konsyerto.

Mag-isa at nakiisa sa pag-alala sa Unang Pag-aalsang Edsa. Sa totoo lang, wala namang pinangako ang Edsa sa bawat isa. Walang isang taong nangako na pag sumama ka sa Edsa ay gaganda na ang búhay mo. Alam ko dahil naroon ako kasama ng mga kaibigan ng aking ama sa simbahan at namigay kami ng pandesal. Si ama'y kabilang sa Holy Name Society kung saan sila ang nagpapa-seminar ng tatlong araw sa Catholic Youth Movement na kinabilangan ko noong 1984.

Kayâ makasaysayan ang Unang Pag-aalsang Edsa pag naroon ka. Kung nagkamali man sa mga taong naluklok, 'yung tao ang nagkamali, hindi ang Edsa. Paano mo sasabihing mali ang pagpapatalsik sa isang diktador na nagpahirap sa nakararaming masang Pilipino? Pag sinabi mong mali ang Edsa, ibig sabihin, mali rin ang mga taong lumahok sa Edsa. Subalit sila ang nais ng pagbabago.

Kung may mali, iyon ay dahil nailagay sa isang paksyon ng elitista ang pagtangan sa pamahalaan. Kung may mali ay hindi ang Edsa, maliban kung maka-Macoy ka.

Walang nangako sa Edsa upang sumama ka. Naniwala lang tayo na may magbabago sa kalagayan natin pag napatalsik ang diktador kaya ang mga tao'y nagkaisa sa Edsa.

Napapanahon din ang tema ng konsyerto: "Awit at Aksyon Kontra Korapsyon" dahil korapsyon ang mayor na isyu ng bayan. Parang nananawagan ng People Power laban sa mga kawatan sa kaban ng bayan, sa mga mandarambong na TONGresman at senaTONG, laban sa mga korap!

Huwag nating kalimutang magalit!

Inawit ni Ice Seguerra ang klasikong "Bayan Ko" na sinulat noong 1928 ng makatang Jose Corazon de Jesus. Naroon din at nagsalitâ si Iza Calsado, na isa sa makabagbag-damdaming nagtalumpati sa rali laban sa korapsyon noong Setyembre 21, 2025. Kinanta naman ni Ebe Dancel ang paborito kong "Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig". Naalala ko tuloy si misis. Kinanta rin ng magkapatid na Elmo at Arkin Magalona ang awitin ng kanilang amang si Francis M na "Kaleidoscope World".

8:54 pm na kumanta ang Morobeats. Una nilang kinanta ang klasikong "Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!" May kanta sila sa West Philippine Sea na ngayon lang nila pinerform. Sila lang hinintay kong kumanta dahil gabi na. Matapos nilang kumanta, umuwi na ako. Nakauwi ako ng 9:49 pm.

PEOPLE POWER LABAN SA MGA KORAP

sa ikaapat na dekada
ng Unang Pag-aalsang Edsa
nagpupugay ako sa masa
ng sambayanang nakiisa

noon upang mapatalsik na
si Macoy at ang diktadura
ang masa'y nabigyang pag-asa
wala mang nangakong talaga

ngunit tayo'y nasa panahong
masahol dahil sa korapsyon
panibagong pagkakataon
upang kumilos pa rin ngayon

upang baguhin ang lipunan!
trapo't dinastiya'y labanan!
bulok na sistema'y wakasan!
ikulong ang mga kawatan!

02.21.2026