Lunes, Setyembre 30, 2024

Magkakulay ay pagdugtungin

MAGKAKULAY AY PAGDUGTUNGIN

makukulay na bilog ay pakatitigan
at magkaparehong kulay ay pagdugtungin
animo'y napakapayak ng panuntunan
laro ng lohika kung pakaiisipin

ito ngayon ang kinagigiliwang laro
matapos magtrabaho nitong abang lingkod
pinakapahinga na kapag hapong hapo
sa maghapong tila kalabaw kung kumayod

pag tumunganga sa kisame'y magninilay
dudurugin ang utak sa maraming paksa
paano nga ba bawat tula'y maging tulay
upang dinggin ng pamahalaan ang dukha

kayhusay mo kapag kulay ay napagdugtong
na tandang mapanuri ka, listo't marunong

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

* mula sa app game na Dot Line

Pagsusunog ng kilay

PAGSUSUNOG NG KILAY

"The first duty of a revolutionary is to be educated." ~ Che Guevara

nagsusunog pa rin nitong kilay
upang pagsusuri ko'y humusay
maraming inaaral na tunay
samutsaring paksang naninilay

di lang sa eskwela makukuha
ang mga natutunan ng masa
ang dunong at pag-aanalisa
ay sa paligid din makikita

tayo'y magbasa ng dyaryo't aklat
kayraming isyung mahahalungkat
na makatutulong din ng sukat
upang mahasa't makapagmulat

ika nga, una nating tungkulin
ay matuto ng laksang aralin
lalo't sistema'y nais baguhin
nang lipunang makatao'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Kaylakas ng ulan sa madaling araw

KAYLAKAS NG ULAN SA MADALING ARAW

gising pa rin ako kahit madaling araw
dahil ulan sa yero'y nakabubulahaw
nagtalukbong ng kumot habang giniginaw
nais umidlip ngunit tulog ko'y kaybabaw

paligid ay nilagyan ko ng mga balde
dahil tumutulo na ang yerong kisame
mahirap humimbing, baka magbaha dine
sa loob ng bahay, ay, kaytinding bagahe

minsan, titila at agad muling papatak
ang ulan, talagang mabibigat ang bagsak
animo buong tahanan na'y pinipisak
tila bubong at puso ko na'y winawasak

di na simpleng ulan, kundi unos na, unos
buti kung sakahan ang didiligang lubos
paano pag binaha'y lungsod ng hikahos?
ang magagawang tulong pa rin ba ay kapos?

madaling araw, tuloy ang pagsusulat ko
kayraming paksa: baha, unos, anod, bagyo
mitigasyon, adaptasyon, klimang nagbago
pati lagay ng paslit na nagdidiliryo

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Linggo, Setyembre 29, 2024

Diwa't salita

DIWA'T SALITA

"Thoughts are the gun. Words are the bullets." ~ tatak mula sa isang tshirt

sa pagkatha ng kwento o tula
dapat malay sa diwa't salita
ugnayan ng dalawang adhika'y
paano ginagamit ng tama

mula sa kasabihang masiste
kaisipan ang tangan mong riple
salita naman ang punglo dine
ang diwa't salita ang mensahe

sa pag-akda ng tula o kwento
nobela, o sanaysay man ito
diwa't salita'y gamiting wasto
nang may kapayapaan sa mundo

ang bumuo ng sibilisasyon
ay diwa't salita ng kahapon
na nagagamit pa hanggang ngayon
at mga sunod pang henerasyon

- gregoriovbituinjr.
09.29.2024

Sabado, Setyembre 28, 2024

Paalala sa pintuan

PAALALA SA PINTUAN

naroon ang paalala sa pinto
kung hihilahin ba o itutulak
Ingles muna, sunod ay Filipino
Hapon o Tsino't Koreanong sulat

isa'y "Pull the Door" kung nais pumasok
isa'y "Push the Door" kung nais lumabas
iinom doon ng kapeng mausok
o kung nais mo'y masarap na gatas

sa isang mall sa Cubao ko nakita
kaya kinodakan ko ito agad
upang maitula ko kapagdaka
nahalina sa simbolo't panulat

kulang ng panulat Baybayin natin
na magandang dito'y isamang sadya
dapat ay may katutubong Baybayin
subalit sinong magpapasimula?

- gregoriovbituinjr.
09.28.2024

Biyernes, Setyembre 27, 2024

Tapat na dyanitor

TAPAT NA DYANITOR

dyanitor siyang tunay na kahanga-hanga
pagkat sinoli niya'y pitakang nawala
at di lamang isa kundi dalawang beses
na masasabi mong kalooba'y kaylinis

apat na buwan pa lang na nagtatrabaho
bilang dyanitor ang tapat na mamang ito
ang kanyang pangalan ay Vicente Boy Dalut
nagsoli ng wallet, di naging mapag-imbot

malinis ang iskul, malinis pa ang budhi
katapatan niya'y maipagkakapuri
ayon kay Kagawad Pulido, nararapat
lamang parangalan ang mga taong tapat

nagpapasalamat ang mga estudyante
sa kanilang iskul sa Rosario, Cavite
katapatan niya'y isa nang inspirasyon
sa bayan at institusyon ng edukasyon

sa taong tapat, kami rito'y nagpupugay
mabuhay ka, Vicente Boy Dalut, Mabuhay!
sa anumang larangang iyo pang tahakin
nawa ginawa mo'y sa tagumpay ka dalhin

- gregoriovbituinjr.
09.27.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 27, 2024, pahina 8

Huwebes, Setyembre 26, 2024

Mula sinapupunan hanggang hukay

MULA SINAPUPUNAN HANGGANG HUKAY

sa aking ugat ay nananalaytay
ang dugong bayani ngunit may lumbay
dapat na mayroong pagkakapantay
mula sinapupunan hanggang hukay

kaya patuloy kaming nangangarap
ng isang sistemang di mapagpanggap
kundi lipunang walang naghihirap
pagkat ginhawa na'y danas nang ganap

kaibigan, maaari ba nating
sabay-sabay na ito'y pangarapin
ang pagsasamantala'y gagapiin
at lipunang may hustisya'y kakamtin

kaya ipaglaban nating totoo
maitayo'y lipunang makatao
may pagkakapantay-pantay ang tao
at walang sinumang api sa mundo

- gregoriovbituinjr.
09.26.2024

Miyerkules, Setyembre 25, 2024

Magsing-irog

MAGSING-IROG

lagi tayong magkaugnay
sa gitna ng tuwa't lumbay
ay mag-iibigang tunay
di tayo maghihiwalay

sinasamba kita, sinta
mabago man ang sistema
makamit man ang hustisya
pakaiibigin kita

sa pagbabakasakali
pagsinta'y naipagwagi
di papayag maduhagi
ng sinumang mang-aglahi

tara na sa paraiso
na animo'y kalaboso
ikaw na sintang totoo'y
kukulungin sa bisig ko

- gregoriovbituinjr.
09.25.2024

* litrato mula sa google

Martes, Setyembre 24, 2024

Palasiwi

PALASIWI

palasiwi pala pag sinalin sa ating wika
ang upong cross-legged o nakasalampak sa lupa
at magkakurus ang paa sa harap, tingnan mo nga
yaong larawang ipinaliwanag ng patula

nabasa sa UP Diksiyonaryong Filipino
na may sarili pala tayong salitang ganito
na dapat ay gawin nating popular na totoo
upang bagong henerasyon ay magamit din ito

madalas palasiwi akong umupo sa bahay
imbes na sa silya, nakasalampak akong husay
sa sahig, habang sa dulang ay nagtitipang tunay
sa kompyuter habang patuloy pa ring nagninilay

sa mga pagtitipon sa labas na nadaluhan
minsan palasiwi kaming uupo sa damuhan
doon ay magbabahaginan ng nasa isipan
na madalas mauwi sa tawanan at kwentuhan

- gregoriovbituinjr.
09.24.2024

* palasiwi - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.891
* litrato ng palasiwi mula sa google

Lunes, Setyembre 23, 2024

Papogi lang ang mga trapo

PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO

ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan
na ibinotong mga artista'y papogi lamang
na di makapagserbisyo ng matino sa bayan
ika nga ng sambayanan, sila'y hanggang porma lang

marami nga raw namamatay sa akala, di ba?
akala ng masa, gaganda na ang buhay nila
dahil binoto'y idolo nilang bida't artista
ngayon, tanong niya: "Ba't puro papogi lang sila?"

pinakitang nagdarasal ang masa sa litrato
na sinisisi'y mga artistang kanyang idolo
sumagot naman ang langit sa mahirap na ito:
"Iyan ang napapala ng bobotanteng tulad mo!"

walang pinag-iba sa dinastiyang pulitikal
na ilang henerasyon nang naupo nang kaytagal
na lugar ay hinahawakan ng kamay na bakal
subalit pag-unlad ng buhay ng masa'y kaybagal

tama na ang pamumuno ng mga naghahari
palitan na ang bulok na sistema, hari't pari
dapat tayong magkaisa sa diwang makauri
ilagay sa posisyon ay atin namang kauri

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 4

Linggo, Setyembre 22, 2024

Tao ka ba?

TAO KA BA?

aba'y nagtatanong sa atin ang internet
o ang A.I. o artificial intelligence
beripikahin: "Are you human?", "Tao ka ba?"
upang mabatid na tao ka nga talaga

tinanong ba'y ang di kayang gawin ng A.I.?
o kung tao ka, dapat mayroong patunay?
may beripikasyon "to fight spam and abuse,
please verify you are human", gawin nang lubos

batid ba natin kung kompyuter ang kausap
o tao rin tulad natin yaong kaharap
na tulad sa messenger o pag nag-zoom meeting
gamit ang teknolohiyang dapat alamin

kailangan daw ang human verification
upang matuloy ang nakabinbin mong layon
tanong: "Tao ka ba?", walang paligoy-ligoy
sagutin mong "Yes" upang makapagpatuloy

- gregoriovbituinjr.
09.22.2024

* litrato mula sa isang app

Pusang kumakain ng halaman

PUSANG KUMAKAIN NG HALAMAN

nabidyuhan ni misis si alaga
naroong kumakain ng halaman
buti't nakunan niya iyong sadya
na di ko naman natitiyempuhan

iyon pala ang kanyang kinakain
pag gutom at wala kami sa bahay
pag nasa labas at di mapakain
ang pusa, nginangata yaong uhay

o tanim na tanglad o damong ligaw
na basta na lang tumubo sa paso
na para kay alaga'y nakatighaw
ng uhaw, gutom, sakit, o siphayo

ah, batid ng pusa ang kalikasan
at ang pagkain ng halamang gamot
na pag siya'y aming napabayaan
ay kanyang batid kung saan susuot

- gregoriovbituinjr.
09.22.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uLqc8i91ZM/ 

Sabado, Setyembre 21, 2024

Salin ng First Quarter Storm: Unang Sigwa ng Sangkapat o Sigwa ng Unang Sangkapat?

SALIN NG FIRST QUARTER STORM: UNANG SIGWA NG SANGKAPAT O SIGWA NG UNANG SANGKAPAT?
Munting pagninilay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar ay dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa araw na ito sa isang aktibidad sa Bantayog ng mga Bayani. May aktibidad sa awditoryum na puno ng maraming tao.

Mataman akong nakinig sa mga nagsalita. Narinig ko sa isang tagapagsalita ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" na siyang pagkakasalin o translasyon umano ng First Quarter Storm. Dalawang beses niya itong inulit, at isinulat ko agad ito sa munti kong kwaderno. Bakasakaling magamit ko sa sanaysay, tula at iba pang sulatin.

Subalit napaisip din ako. "Unang Sigwa ng Sangkapat" nga ba ang totoong salin ng First Quarter Storm? O baka naman Sigwa ng Unang Sangkapat, na siya kong palagay. Bakit kamo?

Sa "Unang Sigwa ng Sangkapat", ang noun o pangngalan ay Sangkapat o Quarter. Kung gayon, ang "Unang Sigwa" ang adjective o pang-uri.

Subalit pag ating sinuri ang pariralang First Quarter Storm, ang pangngalan o noun sa First Quarter Storm ay Storm, hindi Quarter. Kumbaga iyon ang pinakapaksa.

Anong klaseng storm iyon? First Quarter. Kaya ang First Quarter ang pang-uri o adjective ng Storm. Kaya dapat munang isalin ang First Quarter o Unang Sangkapat. 

Sa First Quarter naman, ang noun ay Quarter at ang adjective ay First.

Pag isinalin sa Ingles ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" ay First Storm of Quarter, dahil ang Unang Sigwa ay First Storm.

Pag isinalin sa Filipino ang First Quarter ay Unang Sangkapat. Samakatuwid, ang salin ng First Quarter Storm ay Sigwa ng Unang Sangkapat, kung pagbabatayan ang balarilang Filipino. Hindi Unang Sangkapat Sigwa, lalong hindi rin Unang Sigwa ng Sangkapat.

ANG SALIN NG FQS

Sigwa ng Unang Sangkapat ang tamang salin
ng First Quarter Storm, salin para sa akin
kaya nga hindi Unang Sigwa ng Sangkapat
dahil First Storm of Quarter ang masisipat

tingnan natin ang pagkakapwesto ng Storm
makikitang siya'y noun o pangngalan doon
habang First Quarter ay adjective o pang-uri
ng Storm, pag iyong sinipat at sinuri

kung may nagkamali man ay maitatama
lalo't salin ng First Storm ay Unang Sigwa
sa pwestuhan, adjective ang First, noun ang Quarter
at Unang Sangkapat ang salin ng First Quarter

tagapagsalita'y buong nirerespeto
subalit sana'y matanggap ang pagwawasto
paumanhin, sana'y di ako nakasakit
ng damdamin, ngunit wastong salin ay giit

09.21.2024

Linggo, Setyembre 15, 2024

Ayaw kumain sa plato

AYAW KUMAIN SA PLATO

nilagay ko na nga sa plato ang kanyang pagkain
ilalabas pa sa plato't sa sahig kakainin
kaya nga may plato upang doon siya kumain
subalit di sanay magplato ang alaga namin

ganyan din ang ibang pusang dumadalaw sa bahay
para bang sanay silang pagkain ay tinatangay
kaya ba ayaw nilang magplato, di sila sanay
dahil pagkain, hinahagis lang ng kapitbahay

buti't marunong manghingi itong aming alaga
ngiyaw lang ng ngiyaw at mangangalabit sa hita
babahaginan ko na siya ng tira sa isda

ganyan lamang ang pamumuhay namin sa tahanan
animo'y pasko, punong-puno ng pagbibigayan
ang mahalaga'y nakakaalpas sa kagutuman

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uCEBIcZtNm/ 

Sabado, Setyembre 14, 2024

Paggamit ng gitling

PAGGAMIT NG GITLING

sa Pahalang Dalawampu't Pito
katanungan doon ay "Nagsolo"
lumabas na sagot ko'y "NAGISA"
na kung ito'y may gitling: "NAG-ISA"

NAG-ISA'y wastong sagot sa tanong
di NAGISA ang nagsolong iyon
di masulat sa krosword ang gitling
ngunit halaga nito'y isipin

iba ang NAGISA sa NAG-ISA
pagkat kahuluga'y magkaiba
tulad ng MAYARI at MAY-ARI
gitling ay iisiping palagi

pagnilayan ang gamit ng gitling
pagkat salita'y nagbabago rin
lagyan ng gitling pag kailangan
upang umayos ang kahulugan

- gregoriovbituinjr.
09.14.2024

- krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 11, 2024, pahina 7

Biyernes, Setyembre 13, 2024

Pagbaka sa kaplastikan

PAGBAKA SA KAPLASTIKAN

tadtad ng plastik sa basurahan
sa kalupaan, sa karagatan
ngunit tadtad din ng kaplastikan
sa pulitika't pamahalaan

kinain ng isda'y microplastic
na sa tiyan nila'y sumisiksik
mata kaya natin ay tumirik
pag kinain ang isdang may plastik?

kayraming kaplastikan sa mundo
na di pa malutas ng gobyerno
kayraming plastik na trapo't tuso
plastik ba ang lilipol sa tao?

tara nang maghanap ng solusyon
sa kaplastikan ba'y anong tugon?

- gregoriovbituinjr.
09.13.2024

Huwebes, Setyembre 12, 2024

'Mambubudol'

'MAMBUBUDOL'

kaytindi ng sinabi / o ito na'y paratang?
'mambubudol' daw siya, / sabi ng mambabatas
na umano sa kapwa'y / talagang mapanlamang
ang mambubudol kasi / ay di pumaparehas

balbal iyong salita / sa gawang panloloko
o kapwa'y dinadaya / ng may tusong hangarin
parang budol-budol gang / na isang sindikato
kapwa'y pagkaperahan / ang kanilang layunin

iba ang budol-budol / doon sa akyat-bahay
dahil harap-harapan / ang panlilinlang nila
biktima'y walang tutol / na pera'y binibigay
sa mga nambobolang / di talaga kilala 

ngunit kung isang tao'y / tawaging 'mambubudol'
kahit sa pulitika, / dignidad na'y nasira
krimen iyong kumpara / sa hayop ay masahol
sariling pagkatao'y / sadyang kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
09.12.2024

* ulat at litrato mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang People's Journal Tonight, Setyembre 11, 2024

Martes, Setyembre 10, 2024

Nasaan na ang kabika?

NASAAN NA ANG KABIKA?

hinahanap ko ang kabika ng tsinelas
ngunit di mahagilap saan napapunta
binti ko na'y namimitig at naninigas
kabika ng tsinelas ay di pa makita

naalala ko tuloy ang kwento ni Rizal
nang kabika'y tinangay ng agos sa ilog
isa pa'y hinagis sa ilog nang magtagal
nang makakita'y may magkabikang masuot

hanap ang nawawalang kabika o partner
tulad ng asawa o sintang iniibig
pag nagkatampuhan, nasa kaninong poder?
tangan ang prinsipyo, kanino ba titindig?

madalas, hanap agad natin ang kabika
na kung saan-saan natin aapuhapin
parang pagsintang wagas, prinsipyong dakila
na ating kinakapa sa diwa't damdamin

- gregoriovbituinjr.
09.10.2024

Sabado, Setyembre 7, 2024

Pagbaka para sa alternatiba

PAGBAKA PARA SA ALTERNATIBA

tadtad na ng pagsasamantala
at laksang kaapihan ang masa
dahil din bulok na ang sistema
marapat lang may alternatiba

laksa-laksa ang nahihirapan
habang may bilyonaryong iilan
di lang ang kalaban ay dayuhan
kundi mga tusong kababayan

ugat ay pribadong pag-aari
kaya mapang-api'y nagwawagi
dapat ibagsak ang hari't pari
nang paghahari'y di manatili

dapat mayroong pagkakapantay
ng kalagayan ng ating buhay
walang mayaman o dukhang tunay
kundi nililingap tayong sabay

kaya sistema'y dapat baguhin
pagpapakatao'y pagyamanin
pakikipagkapwa'y pairalin
alternatibang sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Miyerkules, Setyembre 4, 2024

Tula, tuli, tulo

TULA, TULI, TULO

tula ang tulay ko sa sambayanan
upang sila'y aking mapaglingkuran
tula'y tulay ng puso ko't isipan
sa asam na makataong lipunan

magpapatuli ang aking pamangkin
tama lang at nagbibinata na rin
boses niya'y nag-iba na pag dinggin
tila makata rin pag pabigkasin

nagbagyo, atip ay maraming tulo
ang suportang kahoy na'y nagagato
buti't kisame'y di pa gumuguho
bumabaon sa dibdib ang siphayo

minsan, salita'y nilalarong pilit
buti't dila'y di nagkakapilipit

- gregoriovbituinjr.
09.04.2024

* litrato mula sa app game na Zen word level 308 at level 522

Martes, Setyembre 3, 2024

Paglalakad sa ulan

PAGLALAKAD SA ULAN

naglakad kaming mag-asawa
sa maulan, basang kalsada
sinariwa ang alaala
kung paano naging magsinta

siya'y nakilala sa forum
ng kalikasan at paglaon
ay sinagot, bagyo pa noon
na alaala ng kahapon

maalab ang pagtitinginan
hanggang kami'y magkatuluyan
ngayon, naglalakad na naman
matapos ang bagyong nagdaan

hakbang-hakbang, kanan, kaliwa
buti na lang, wala nang baha
gaano mang katinding sigwa
pagsasama'y matibay sadya

- gregoriovbituinjr.
09.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/umUpBZneQd/ 

Pananghaliang tira sa isda

PANANGHALIANG TIRA SA ISDA

pananghaliang tira sa isda
ang kinain ng aming alaga
tinik, buntot, ulo at hasang man
ang mahalaga siya'y nabigyan

alam niyang manghingi sa amin
ngingiyaw lamang at maglalambing
kaya pagkatapos kong kumain
siya naman ang pakakainin

ganyan sa alaga, kapamilya
di nagpapabaya sa tuwina
di kinukulong, malaya siya
magtungo sa bahay o kalsada

madalas ko rin siyang ibidyo
kaya sa kanya'y maraming kwento
na nasubaybayan kong totoo
baka buhay niya'y masulat ko

- gregoriovbituinjr.
09.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/umYxNJKA85/