Sabado, Agosto 31, 2024

Hating kapatid

HATING KAPATID 

hating kapatid ang mga alaga
sa natirang bangus, balat ng isda
at pinagmasdan ko silang may tuwa 
kaya may naihanda akong tula

pusang alaga sa bahay na ito
pagala-gala't natutulog dito
kaya napagpasyahan kong totoo 
katapon sila pag nagluto ako

bagamat minsan, sila'y nag-aaway
inaawat ko naman silang tunay
awayan nila'y ikinalulumbay
buti't sila'y nagiging mapagbigay

mabuti't alaga'y hating kapatid 
upang sa gutom sila'y di mabulid

- gregoriovbituinjr.
08.31.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uithLmOvd3/     

Lunes, Agosto 26, 2024

Di lang palay kundi talbos

DI LANG PALAY KUNDI TALBOS

di lang palay ang tinutuka kundi talbos
ng sayote, mabuti't nagagawang lubos
halimbawang sa patuka na'y kinakapos 
kayraming talbos na di agad mauubos

pag nasa lalawigan, manok ay malaya
subalit kinukulong pag nasa Maynila 
kaya dito sa bundok ay pagala-gala
sila na ang naghahanap ng matutuka

paggising sa umaga, hanap na'y bulate
isang kahig at isang tuka ang diskarte
pag walang matuka, babaling sa sayote 
na sa aming looban ay sadyang kayrami 

ganyan ang pamumuhay ng alagang tandang 
ngunit di upang isabak lang sa sabungan
kundi mga inahin ay buhayin naman
upang mangitlog, may bagong aalagaan

- gregoriovbituinjr.
08.26.2024

* mapapanood ang ilang segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uedWShIfQd/ 

Pagtuka ng bigas

PAGTUKA NG BIGAS

umaga, mga manok na'y patutukain
bibigyan sila ng bigas na mumurahin
habang malaya silang lupa'y galugarin
may alagang tandang at may ilang inahin

binidyo ko ang payak nilang pamumuhay
upang itula iyon habang nagninilay
ang buhay nila kung ilalarawang tunay
sangkahig, santuka, kahit mga inakay

tingni, animo sila'y abalang abala
sa paligid ay pagala-gala lang sila 
kakahig, tutuka, aba sila'y buhay na
di alam na panghanda sila sa piyesta

ganyan ang buhay ng mga alagang manok
isang kahig, isang tuka'y aking naarok
datapwat malaya naman sila sa bundok
na madalas ay itlog ang iniaalok

- gregoriovbituinjr.
08.26.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ucRFVHCQNZ/ 

Linggo, Agosto 25, 2024

Pattong

PATTONG

nakiisa ako sa pagtugtog ng gangsa 
o Pattong nang may pagdiriwang sa kanila
na kaysarap sa kalooban ko talaga
na ako'y kanilang kaisa at kasama

kamag-anakan ni misis sa Cordillera 
na nagpapatuloy ng nagisnang kultura
lalo't aking napangasawa'y Igorota
na kalinangan ay pinaliwanag niya

sa pagtangan ng gangsa ay nababaguhan
dahil laking Maynila, tagakapatagan
subalit madali rin namang matutunan
at sumabay rin sa mga nagsisayawan

puso'y nagalak, kalooban ko'y sinalat
mula nang ikasal ay nabatid kong sukat
at kay misis sa pagbidyo niya'y salamat
nababalikan ko kung ginawa ko'y sapat

- gregoriovbituinjr.
08.25.2024

* mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ueTTGZdC6E/ 

Kaylakas ng ulan sa bundok

KAYLAKAS NG ULAN SA BUNDOK

kaylakas ng ulan sa kabundukan 
ang mga bubong ay nagkalampagan
tubig sa dalisdis ay nagdaluyan
pusa't manok ay nagsipagtaguan

mabilis na niligpit ang sinampay
di na lumabas, doon lang sa bahay
ihip ng hangin ay napakaingay
na sa pisngi't balat ko'y lumalatay

ginawa na muna'y magmuni-muni
habang may ulan ay di mapakali
taludtod at saknong ang hinahabi
sa panulat man lang makapagsilbi

sana biyahe bukas ay maaraw
mula sa Benguet pauwi ng Cubao
ayos lang kahit biyahe'y maginaw
at si haring araw sana'y lumitaw

- gregoriovbituinjr.
08.25.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ueud3ZCtjh/ 

Sabado, Agosto 24, 2024

Sa kabundukan

SA KABUNDUKAN

muling dumatal sa kabundukan 
ang tagapatag na mamamayan
lumayo muna sa kalunsuran
kamag-anakan ay pinasyalan

ulap ay nasa rabaw ng bundok
na di ko pa naabot ang tuktok 
ngunit ingat lang sa mga lamok
baka dengue pa ang makatusok

animo'y piging ang naririnig
nagsasaya ang mga kuliglig
awitan nila'y nakakaantig
huni ba nila'y iyo ring dinig

munti man ang bidyo kong hinabi
kaysa wala, ito na'y mabuti
at dito'y muling nagmuni-muni
palagay ay sa tula sinabi

- gregoriovbituinjr.
08.24.2024

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uetS4p1vtl/ 

Pagtilaok ng tandang

PAGTILAOK NG TANDANG

pagtilaok ng alagang tandang
ay saglit ko namang binidyuhan
pakinggan mo ang tinig sa ilang
animo'y musika sa tahanan

isang matikas na mandirigma
na tinuka'y aking sinariwa
talbos, palay, natira sa isda
bituka't hasang ay tinutuka

bawat pagtilaok niya'y batid
na kasiyahan sa puso'y hatid
hayaang alpas, lumigid-ligid
doon sa labas, sa gilid-gilid

minsan, patuka'y di na bibilhin
bagamat alaga siyang turing
talbos at mumo nga'y kinakain
sa ganyan, nakakatipid na rin

- gregoriovbituinjr.
08.24.2024

* mapapanood ang pitong segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ueh2YSpZcg/ 

Biyernes, Agosto 23, 2024

Angep

ANGEP

kung kayganda ng araw kahapon
nang dumatal na ang dapithapon
kaytindi ng fog o angep ngayon
tila kabundukan nga'y nilamon

dama na ng katawan ko'y lamig
dapat nang magdyaket, nanginginig
animo ako'y nagpapalupig
sa ginaw, hamog at halumigmig

di ko na matanaw ang kaharap
na bundok sa kabila ng ulap
pagkat angep na ang yumayakap
sa nayon ng maraming pangarap

papasok muna ako ng bahay
umaambon na't di na palagay
at sa munting dampa'y magninilay
nang may tula muling maialay

- gregoriovbituinjr.
08.23.2024

* angep - salitang Ilokano sa fog

* mapapanood ang ilang segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uddMkNQbs7/ 

Sa paligid ng kabahayan

SA PALIGID NG KABAHAYAN

napakatahimik ng paligid
habang nagblakawt dito sa Benguet
dama ko ang amihang may hatid
na ginaw na sa pisngi'y humaplit

tinitigan ko ang mga tanim
na kay-aliwalas sa paningin
may paruparong bughaw at itim
na sa bulaklak ay naglalambing

muling sumikat ang haring araw
na di nalalambungan ng ulap
ang kariktan ng bundok ay tanaw
at tila sining ang alapaap

kayrami ng magugulay dito
sa pagkain ay tiyak ganado

- gregoriovbituinjr.
08.23.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ud2JbY4FfG/ 

Si Muning

SI MUNING

may Muning pala silang alaga
makulit at di nakakatuwa
sa lamesa'y sadyang nakaabang
pag nalingat, ulam na'y nadukwang

subalit mabuti nang may pusa
pagkat paligid ay maahas nga
dahil masukal ang kagubatan
pusa'y depensa mo sa tahanan

ahas ay lalabanan n'yang tiyak
upang pamilya'y di mapahamak
binidyo ko siyang kumakain
at siya'y sarap na sarap man din

hayaan lang siya sa paglamon
at siya'y pinanood lang doon
sa kawalan ay muling nagmuni
kaylakas din ng ulan kagabi

- gregoriovbituinjr.
08.23.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ud0kBtC2pJ/ 

Huwebes, Agosto 22, 2024

Dapithapon sa Alapang

DAPITHAPON SA ALAPANG

pagdating ng hapon, ako'y nag-abang
sa paglubog ng araw sa Alapang
ang birthday ni bayaw ay pinagdiwang
na ang handa'y pansit at pinikpikan

araw ay aking minasdang lumubog 
upang nilayin ang kanyang pag-inog
tila ba ang kanyang iniluluhog
ay kapayapaa't pag-asang handog

sasapit din ang ating dapithapon
o takipsilim sa dako pa roon
ngunit natupad ba ang ating misyon?
at napagbuti ba ang nilalayon?

dapithapon, nagbalik ang gunita
sa mga pagbaka't di pa nagawa
nawa'y kamtin ng bayan ang ginhawa
umaaraw din matapos ang sigwa

- gregoriovbituinjr.
08.22.2024

* kuha ng makatang gala sa Barangay Alapang, La Trinidad, Benguet
* mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na: https://fb.watch/udc_gavyaA/ 

Mula Alabang hanggang Alapang

MULA ALABANG HANGGANG ALAPANG

halos limang oras ang biyaheng kaybilis
tanaw na namin ang kanayunan at bundok
kaysarap bumalik sa bahay nina misis
kaylamig dito habang aking naaarok:

noong manggagawa pa ako sa pabrika
ay nag-opereyt ng makina sa Alabang
makalipas ang higit dalawang dekada
ang naging pamilya'y may bahay sa Alapang

sa una'y nagtrabaho akong manggagawa
sa pangalwa'y tahanang malayo sa lungsod
ang una'y nananatili na lang gunita
ang ikalawa'y kasalukuyan kong lugod

"Mula Alabang hanggang Alapang" sa isip
ko'y pamagat ng libro ng tula't sanaysay
subalit ito sa ngayon pa'y panaginip
kaya dapat lang aking pagsikapang tunay

- gregoriovbituinjr.
08.22.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/u6JJI5vXfc/ 

Lunes, Agosto 19, 2024

Ang barko sa Fiesta Carnival

ANG BARKO SA FIESTA CARNIVAL

para bagang babagsak ang barko
at dadaganan ang aking ulo
kung mapigtal ba iyon, paano
tiyak ang barko'y masasalo ko

ngunit Spartan ay di natinag
ipinakitang siya'y matatag
ang barko'y di naman bumalibag
nagpatuloy lang sa paglalayag

ang galaw ng barko'y binidyuhan
sabay sa alon ng karagatan
habang doon nakaupo lamang
sa nakitang pagpapahingahan

ang barko'y palaruan ng bata
sa karnibal na puno ng sigla
batang naroong nakatutuwa
na dapat may kasamang matanda

- gregoriovbituinjr.
08.19.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/u30J-czEHQ/ 

Batang edad 2, patay sa kalderong may kumukulong sabaw

BATANG EDAD 2, PATAY SA KALDERONG MAY KUMUKULONG SABAW

sadyang nakaluluha ang mapait na naganap
sa isang batang dalawang taon pa lang ang edad
di inakala ng inang mamamatay ang anak
sa kalderong may kumukulong sabaw mapahamak

nasabing ina'y abala noon sa pagluluto
sa malaking kaldero ng batsoy na kumukulo
katabi lamang niya ang anak na naglalaro
hanggang kanyang nilapag sa lupa ang niluluto

nilapag dahil sa ibang lulutuin tumutok
di namalayang anak ay aksidenteng napasok
sa kalderong may kumukulong sabaw, at nalapnos
ang buong katawan ng bata, ah, kalunos-lunos

naitakbo pa sa ospital ang nasabing bata
na halos buong katawan ay nag-fourth degree burn nga
lumipas ang ilang araw, pumanaw na't nawala
ang nasabing bata, ngayon, ang ina'y nagluluksa

- gregoriovbituinjr.
08.19.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 16, 2024, p.2

Linggo, Agosto 18, 2024

Salamat sa pagkilala

SALAMAT SA PAGKILALA

dapat kong pasalamatan
ang anumang pagkilala
tulad na lang ng lingguhang
engagement sa pesbuk pala

ah, mayroon palang ganyan
nasusubaybayan ako
sa aking nakaugnayan
sa sanlinggo ng Agosto

pawang sila'y nabubuklat 
o hinggil sa mga libro
na hilig ng manunulat
at abang makatang ito

Liwayway, Anvil Publishing,
limbagan ng Ateneo,
BiblioCave, Mt. Cloud Bookshop,
Savage Mind: Arts, Books, Cinema

kaya ako'y nawiwili
pesbuk page nila'y abangan
kung marapat ay bibili
ng aklat kung kailangan

muli, maraming salamat
sa ganitong pagkilala
maraming nadadalumat
at nagbibigay-pag-asa

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

Sabado, Agosto 17, 2024

Tokasi

TOKASI

muli, TOKASI - may TOyong KAmatis at SIbuyas
ang aking agahan upang katawan ay lumakas
habang pinanonood ko ang Alas Pilipinas
sina Jia, Sisi, Fifi, kung pumalo'y matikas

madaling araw natulog, at tirik na ang araw
nang magising, habang dinig ang mga pambubulyaw
ng kapitbahay, ang isa'y may asong binubugaw
habang may isa namang sa malayo nakatanaw

pagkakain ay baka pumunta munang palengke
o magtanggal muna ng mga agiw sa kisame
o labhan muna ang naipong labadang kaydami
habang mainit pa ang araw, ito ang diskarte

TOKASI ang agahan dahil iyan ang nariyan
pampakinis ng kutis, pampalakas ng katawan
paghahanda sa maraming trabaho sa tahanan
lalo na't Sabado, walang pasok sa pagawaan

parang "Ito kasi" tila paninisi sa akin
habang nilagang luya o salabat ang inumin
buting may laman ang tiyan sa dami ng gawain
pagkalaba saka na mag-isip ng uulamin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Payo ni Caloy

PAYO NI CALOY

magtiwala ka lang sa sarili
di man maniwala ang marami
gawin ang nararapat pa'y sabi
at tiyak na di ka magsisisi

iyan ang payo ni Carlos Yulo
sa nais mag-atletang totoo
susi sa tagumpay niyang ito
kaya Pilipino'y inspirado

magtiwala ka lang sa sarili
sa atin ay magandang mensahe
maniwala ka lang sa sarili
di ka luluha ng balde-balde

Carlos Yulo, ang pangalang iyan
ay naukit na sa kasaysayan
ng isports sa bunyi nating bayan
di ka mabibigo magsikap lang

Caloy Yulo, mabuhay! Mabuhay!
salamat ang tanging iaalay
taasnoo kaming nagpupugay
sa mga nakamit mong tagumpay

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Agosto 15, 2024, p.8

Si Bulaklak at si Bubuyog

SI BULAKLAK AT SI BUBUYOG

nang manligaw / kay Bulaklak / si Bubuyog
agad niyang / sinambit ay / "Aking irog!
Tanggapin mo / nawa yaring / niluluhog"
(parang manggang / manibalang, / di pa hinog)

"Aking hiling / ay sagutin / ako agad
at ikasal / agad tayo / yaring hangad!"
(sa lambanog / ay may pasas / akong babad
kung sa kasoy / ay prinsesang / nakalantad!)

ang Kampupot / ay nag-isip / namang saglit
"Narinig ko / anong iyong / sinasambit
ay, datapwat / ayoko nang / pinipilit
huwag munang / umasa kang / mapalapit"

"Ako nama'y / handa ngunit / di susuko
pagkat ikaw / lamang yaring / sinusuyo
sakali mang / ako'y sa'yo'y / mabibigo
ay talagang / nawarat na / yaring puso!"

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

* litrato mula sa google

Biyernes, Agosto 16, 2024

Nakasusugat din ang salita

NAKASUSUGAT DIN ANG SALITA

higit pa sa bala o punyal ang salita
sapagkat kayang sumugat ng puso't diwa
nakahihiwa ang masakit na kataga
kaya pag-ingatan ang lalabas sa dila

subukan mong magtungayaw sa isang tao
nang walang dahilan, ikaw ay siraulo
subalit ngumiti ka't sila'y purihin mo
ng taos, at sila'y matutuwa sa iyo

"ang salita'y panunumpa" anang Kartilya
ng Katipunan kaya huwag bara-bara
pag namutawi sa labi mo'y magaganda
sinumang makarinig ay tiyak sasaya

kung pagdurugo ng sugat ay di maampat
sa kalaunan ay balantukan ang pilat
masakit pa rin kahit naghilom ang balat
kaya bawat bitaw ng salita'y mag-ingat

- gregoriovbituinjr.
08.16.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Onyx sa San Andres Bukid, Maynila, Agosto 16, 2024

Noong isang araw

NOONG ISANG ARAW

nagdeyt na naman ang magsing-irog
bago pa ang araw ay lumubog
nagsama'y Bulaklak at Bubuyog
kumain muna't nagpakabusog

inulam sa karinderya'y sisig
panghimagas naman ay pinipig
ganyan sina Maganda't Makisig
na parang asukal pag umibig

maraming salamat, aking sinta
sa puto, kutsinta at bibingka
sa biko, suman at ensaymada
sa pagpupulotgata tuwina

sa isang salaminan nag-selfie
sa deyt ng Ginoo't Binibini
noong isang araw lang nangyari
habang sa ibang araw ay busy

- gregoriovbituinjr.
08.16.2024

Huwebes, Agosto 15, 2024

Pahinga muna sa Fiesta Carnival

PAHINGA MUNA SA FIESTA CARNIVAL

matapos magbenta ng Taliba ng Maralita
sa mga erya't organisasyon ng mga dukha
bumiyahe pauwing Cubao ang abang makata
sa Fiesta Carnival nagpahingang nanlalata

noong kabataan ko'y hilig kong tumambay doon
ngunit nawala iyon higit dalawampung taon
naiba na, naging pamilihan, Shopwise paglaon
nagbalik ang Fiesta Carnival, iba na ngayon

uminom muna ako ng kinse pesos na palamig
umupo sa bangko, malakas ang erkon, malamig
ngunit katamtaman lang, di naman ako nanginig
pahinga, nagnilay, habang sa musika'y nakinig

pinanood ang mga bata't inang nakasakay
sa barkong naglalayag habang ako'y nagninilay
may kalahating oras din ako roon tumambay
magsasaing pa, at ako'y umuwi na ng bahay

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* mapapanood ang 15 segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tZFb3sCKn6/ 

Sigaw ng Taumbayan: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!

SIGAW NG TAUMBAYAN: 
SWELDO NG MAMBABATAS, BAWASAN!

sa isang artikulong showbiz sa Bulgar na pahayagan
ay nakapukaw agad ng pansin ang pamagat pa lamang:
"Sigaw ng Madlang Pipol: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!"
showbiz ngunit pulitikal ang laman, aba'y kainaman

artista kasi ang asawa ng pinuno ng Senado
kaya nga pinupusuan na rin ng showbiz si Heart mismo
local holidays ay nais bawasan ni Chiz Escudero
kayrami raw holidays sa bansa, dapat bawasan ito

sagot ng madla: Ang bawasan n'yo'y sweldo ng mambabatas!
ang mababawas ay ilagay sa bawat kilo ng bigas
baka mapababa rin ang presyong pataas ng pataas
bumaba ang presyo ng kamatis, galunggong at sardinas 

iparehas ang sweldo ng mambabatas sa manggagawa
minimum wage plus seven hundred fifty pesos, ipasa nga!
mambabatas sana'y pakinggan ang panawagan ng madla
at ipakita nilang sila'y tunay na kumakalinga

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 14, 2024, p.7

Huwag mong basahin ang aking tula, kung...

HUWAG MONG BASAHIN ANG AKING TULA, KUNG...

huwag mong basahin ang aking tula
kung ikaw ay palamara't kuhila
kung pulitikong walang ginagawa
kundi magnakaw sa kaban ng bansa

ang aking tula'y huwag mong basahin
kung ikaw ay kapitalistang sakim
kung may krimen kang karima-rimarim
kung trapo kang may budhing anong itim

huwag mong babasahin ang tula ko
kung nagsasamantala sa obrero
kung mahihirap ay inaapi mo
kung serbisyo'y iyong ninenegosyo

dahil tiyak na uupakan kita
sa aking tula't baka masaktan ka
pag-uusig ko'y baka di mo kaya
at baka ako'y gagantihan mo na

ngunit ang tulad kong mananaludtod
sa kagaya mo'y di maninikluhod
hustisya'y lagi kong tinataguyod
kahit galamay mo pa'y magsisugod

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Yes sa wage increase!

YES SA WAGE INCREASE!

sa tanong nilang "Pabor ka ba sa wage increase?"
OO ang sagot ng obrerong mapagtiis
HINDI sa kapitalistang mapagmalabis
at HINDI rin sa negosyanteng mapantikis

anong klaseng tanong iyan? nakamumuhi!
pinakita lang nilang wala silang budhi
sa kayod-kalabaw na manggagawa kundi
ang mga tusong negosyante'y ipagwagi

kung obrero ka't nag-HINDI, aba'y gago ka!
tataasan ka na ng sahod, ayaw mo pa?!
kung kapitalista kang nag-OO, santo ka
lalamunin ka ng ibang kapitalista

tanga lang ang aayaw sa umentong iyon
kung obrero kang sa hirap at utang baon
kaya bakit Wage Board iyan ay itinanong
sila nga ba'y makakapitalista't buhong?

kapitalista'y palamunin ng obrero
kaya may tubo dahil sa nagtatrabaho
tengga ang pabrika kung wala ang obrero
panahon nang taasan ang kanilang sweldo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

Martes, Agosto 13, 2024

Dalawang sagot sa isang sudoku puzzle

DALAWANG SAGOT SA ISANG SUDOKU PUZZLE

ilang ulit ko nang nakasagupa ang ganito
dalawa ang sagot sa isang puzzle ng Sudoku
tulad ng naritong Sudoku na kinuhanan ko
upang mabatid mong ang sinasabi ko'y totoo

apat na blangkong kahon ay iyong pakatitigan
numero Dos at Tres na lang ang isasagot diyan
na kung tutuusin ay maaaring magsalitan
Dos sa taas, Tres sa baba, o kaya'y baligtaran

ang Sudoku ay kinagiliwan ko na talaga
na nilalaro pag sa trabaho'y pahinga muna
pahinga ang katawan at utak ang gumagana
na para lang tumutula sa tinatanging sinta

tara, subukan mong Sudoku ay iyong laruin
kahit minsan lang sapagkat masisiyahan ka rin

- gregoriovbituinjr.
08.13.2024

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, di na nakuha ang petsa, pahina 7

Sira na ang selpon ko

SIRA NA ANG SELPON KO

kung bakit bigla-biglang bumagsak
sa sahig ng banyo itong selpon
tila ba ako'y naging bulagsak
na kung saan lang iyon pinatong

ngayon, wala na akong magamit
sa text, zoom, pesbuk at maglitrato
akong parati nang nagigipit
ay naging pabaya sa gamit ko

tila nagsusungit na ang screen
LCD na nito ang problema
talagang ito'y dagok sa akin
selpon kong halos tatlong taon na

binidyo ko ang selpon kong sira
na gamit yaong selpon ni misis
kung titingnan ko'y kaawa-awa
ganyang sira pa ba'y matitistis

bibili na lang ako ng bago
baka mas mahal pag pinaayos
ngunit dapat mag-ipon ng todo
upang sa bago'y may igagastos

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tWZdtFR_0x/ 

Lunes, Agosto 12, 2024

Sa mga nagla-like sa post ko

SA MGA NAGLA-LIKE SA POST KO

nagsisilbi kayong ningas
upang ako'y magpatuloy
sa pagkatha ng parehas
at di ako tinataboy

asam na lipunang patas
ay nag-aalab na apoy
ang makata'y parang limbas
at di mistulang kaluoy

sa mga nag-like sa tula
batid n'yo kung sino kayo
kayong kapatid-sa-diwa
ako'y saludong totoo

tula ang obra kong likha
alay sa bayan at mundo
katha lang ako ng katha
hinggil sa maraming isyu

kaya ako'y natutuwa
pag may nagla-like sa post ko
dama ng puso ko't diwa
na kayrami kong katoto

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

Linggo, Agosto 11, 2024

Kalma lang

KALMA LANG

"Kalmado" ang tatak ng nabili kong sando
na isinuot ko ngayong araw ng Linggo
wala lang, nagustuhan lang isuot ito
lalo't pakiramdam ko ngayon ay "Kalmado"

tara, katoto ko, tayo muna'y magkape
saglit akong samahan habang nagmumuni
at iniisip ang mga wastong diskarte
kung paanong sa masa'y magsilbing mabuti

kumbaga sa chess player, dapat ay kalma lang
kongkretong magsuri sa bawat kalagayan
"every move maybe your last" ay dapat malaman
"blunders may kill" ayon sa isang kasabihan

kaya kalma ka lang sakaling nagagalit
huwag magpadalus-dalos kung nagigipit
gagawin mo'y pakaisiping ilang ulit
lalo't buhay o liyag ang maging kapalit

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

17 medalya sa Math, nakamit ng Pilipinas

17 MEDALYA SA MATH, NAKAMIT NG PILIPINAS

mga estudyanteng Pilipino'y nagtagumpay doon
sa India International Mathematics Competition
na yaong nagpaligsahan ay nasa tatlumpung nasyon
na mga lumahok ay animnaraang sipnayanon

tatlong silver, pitong bronze at pitong merit medal pala
ang natamo mula sa talino't pagsisikap nila
kahit walang dalawang ginto tulad ni Yulo sila
mga estudyanteng math genius ay petmalu talaga

may medalyang pilak ay tatlong Tsinoy ang apelyido
tatlong Kastilaloy, dalawang Tsinoy sa tanso mismo
sa merit, dalawang Kastilaloy, limang Tsinoy dito
aba, sa kanila'y walang katutubong Pilipino

mahihina ba ang mga katutubong Pinoy sa math
o di lamang sila nabibigyan ng oportunidad
panahon naman ngayong sa kanila tayo'y mamulat
at sa math, katutubong Pinoy ay dapat mapaunlad

sa mga nagkamit ng medalya, O, mabuhay kayo!
bagamat di man taal na katutubong Pilipino
mataas na pagpupugay itong paabot sa inyo!
salamat, bansang Pilipinas ay kinatawan ninyo!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Agosto 5, 2024, p.8

Biyernes, Agosto 9, 2024

Sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO
(International Day of the World's Indigenous Peoples)

sa pandaigdigang araw ng mga katutubo
pagpupugay ay pinaaabot nang taospuso
silang may karapatang dapat igalang ng buo
taong dapat kilanlin, saanmang panig ng mundo

salamat sa United Nations, may ganitong araw
katutubo sa bawat bansa'y igalang na tunay
lupang ninuno'y di ariin, di dapat magalaw
ng kapitalistang kamatayan namin ang pakay

ang katutubo'y nagpoprotekta sa kalikasan
na madalas mataboy dahil sa mga minahan
sinisira ng negosyo ang kanilang tahanan
inaagaw ng may kapital pati kalupaan

katutubo'y huwag ituring na uring kaybaba
sapagkat tao ring may malayang kultura't diwa
na pawang naghahangad ng daigdig na payapa
na dapat maprotektahan maging sa ating bansa

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

Nanghihingi si Muning

NANGHIHINGI SI MUNING

ako'y taong naritong natutuwa
sa mga inaalagaang pusa
pag ako'y nakita nilang dumating
agad silang sa akin ay dadaing

nais ng pagkain, nakikiamot
sila'y bibigyan ko't di nagdadamot
kung may maiabot lang sa kanila
sila'y mapapakain ko talaga

tulad ni Muning na aking kaharap
walang ibang sa kanila'y lumingap
bahala sila sa kanilang buhay
malalaki na sila, anang nanay

matutong daga'y kanilang mahuli
upang di gutumin sa bandang huli
habang ako naman ay nalulugod
na magbahagi ng munti kong kayod

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tRHbM9vyfh/ 

Huwebes, Agosto 8, 2024

Binidyong paggisa

BINIDYONG PAGGISA

binidyuhan ko pa
ang aking paggisa
nais kong makuha
kung gawa'y tama ba

magsuri'y ganito
minsan binibidyo
gawa ba'y paano
paggisa ba'y wasto

ganyan ang ginawa
ng abang makata
parang kumakatha
ng tula at dula

nagpapasalamat
ang katawang payat
sapagkat nabundat
sa tanghaling tapat

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/tQ2LaklAyy

Ginisang kangkong

GINISANG KANGKONG

may natirang kangkong / si misis kagabi
ang dulong bahagi'y / matigas daw kasi
ayokong sayangin / at pinarti-parte
yaong tangkay upang / gisahing maigi

ibabasura na't / di ko na natiis
plano kong paggisa'y / di naman nagmintis
ang sahog ko'y bawang, / sibuyas, kamatis
tanghalian nitong / katawang manipis

maaari namang / itanim kong binhi
ang dulo ng kangkong, / magbakasakali
subalit naiba / ang isip ko't mithi
ginisa kong tunay / doon sa kawali

tara nang kumain, / ako'y saluhan n'yo
sa pananghaliang / luto kong totoo
kung sakali namang / mabubusog kayo
maraming salamat, / pinasaya ako

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

3,000 ektarya ng WPS, naangkin na ng China

3,000 EKTARYA NG WPS, NAANGKIN NA NG CHINA

isa iyong matinding balitang ating nakalap
tatlong libong ektarya natin ay naangking ganap
ng China, anong salitang iyong maaapuhap
pag ganyang balita'y nabasa mo, iyo bang tanggap?

ganyan daw kalaki ang inaangking teritoryo
ng China sa West Philippine Sea, gera na ba ito?
subalit ano nang gagawin ng ating gobyerno?
magpapadala ba roon ng pulis at sundalo?

Panganiban Reef, Mabini Reef, Subi Reef, sakop na
at pinagtayuan ng base militar ng Tsina
tatlo lang iyan, siyam ang EDCA ng Amerika
Pinas ay pinag-aagawan ng Oso't Agila

may kasaysayan ang Vietnam na dapat aralin
nang Pransya at Amerika ay kanilang talunin
mamamayan nila ang may misyon at adhikain
nang walang tulong ng dayuhan, na dayo'y gapiin

ganyan sana, sama-sama ang mamamayan, madla
na talunin ang U.S. at Tsina sa ating bansa
talunin din ang kababayang burgesya't kuhila
at itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Miyerkules, Agosto 7, 2024

Miyerkules, Agosto 7, 2024

300 nagpakalbo, ihaharang ang buhok sa oil spill

300 NAGPAKALBO, IHAHARANG ANG BUHOK SA OIL SPILL

nais kong makiisa sa tatlong daang Spartan
o higit tatlong daang residente ng Bataan
na nagpakalbo upang buhok nila'y ipangharang
sa oil spill, langis na tumapon sa karagatan

sa labingsiyam na barangay kapitan po ninyo
at nagpakalbong taga-Bataan, saludo ako
nais kong tumulong at nais ko ring magpakalbo
ngunit paano madadala riyan ang buhok ko

kung may ganyang aktibidad din dito sa Maynila
agad akong pupunta't magboboluntaryo na nga
ibibigay ang buhok upang iharang na lubha
sa oil spill na sa laot ay nanalasang sadya

sa naunang nagpakalbo, sa inyo'y nagpupugay
sana sa misyon ninyo, ako'y makasamang tunay
higit pa sa ginawa ni Yulo ang inyong pakay
di man gintong medalya, gintong puso'y inyong taglay

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pang-Masa, Agosto 7, 2024

Dalandan

DALANDAN

kalahating kilong dalandan ang binili
ko kanina nang mapadaan sa palengke
sisenta pesos, limang laman, isa'y dose
aking panghimagas dahil bawal ang karne

nakaraan ay paboritong abukado
sinturis naman ngayon ang pinapapak ko
upang sa pagkain ako'y maging ganado
at lunas na rin sa damang sipon at ubo

nang makita kanina'y di na nakatiis
di nag-atubili't binili kong mabilis
itong dalanghita, dalandan o sinturis
na sabi ng iba'y pampakinis ng kutis

ganyan ang ginagawa ko, imbes tabletas
aba'y ang kakainin ko'y maraming prutas
pagkat kailangan ko'y natural na lunas
upang karamdaman ay di na mababakas

sa ganitong prutas ay tiyak na lulusog
baka naman katawang payat ko'y bumilog
tila sa kalusugan ko'y kaygandang handog
upang mamayang gabi'y sumarap ang tulog

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

Linggo, Agosto 4, 2024

Pansit bato

PANSIT BATO

ang ramdam ko'y batong-bato
sa panahong tulad nito

at nakita ko sandali
ang kanyang kaygandang ngiti

hanggang siya na'y lumapit
hinainan akong pilit

minasdan ko ang nilatag
di mawari't nasa hapag

ang tanong ko, "Ano ba 'to?"
sagot niya, "Pansit bato"

nagluto siya ng pansit
nang ulo ko'y di uminit

hain niyang pansit bato
ay tama lang sa tulad ko

- gregoriovbituinjr.
08.04.2024

Sabado, Agosto 3, 2024

Anong inaamoy ni alaga?

ANONG INAAMOY NI ALAGA?

nakita ko na naman si alaga
inaamoy-amoy ang aking gamit
sarado iyon, baka ba may daga?
baka ba nginatngat ang aking damit?

subalit agad siyang natigilan
nang aking tinig ay marinig niya
kung siya'y makapagsasalita lang
baka sabihin, "bag mo'y tingnan muna"

baka may naamoy na ulam doon
na nalimutang nasa loob ng bag
naiwan ko pala'y pritong galunggong
ilabas ko na't sa kanya'y ihapag

salamat, Lambing, sa paalala mo
baka nga daga'y sirain ang bag ko

- gregoriovbituinjr.
08.03.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tKPWM_1xff/ 

Turmeric juice

TURMERIC JUICE

nabili ko'y ilang piraso
ng luyang dilaw o turmeric
isang piraso'y ginayat ko
nilaga kong may pagkasabik

sa katawan ay pampalakas
panlaban daw sa diabetes
masustansya raw itong wagas
umano'y di magka-heart disease

pinakuluang luyang dilaw
sa umaga ko iinumin
dapwa't di naman araw-araw
kundi salitan lalagukin

tinatawag na turmeric juice
na iinumin pagkabangon
kayrami pang dapat matapos
kalusugan ko'y aking misyon

dapat mabuhay pang matagal
tungong edad pitumpu't pito
sa nobela pa'y nagpapagal
pag natapos ko'y ililibro

- gregoriovbituinjr.
08.03.2024

* ilang sanggunian:

Biyernes, Agosto 2, 2024

Pananghalian

PANANGHALIAN

sardinas na'y muli kong ginisa
at agad inihain sa mesa
pagkat gutom na itong nadama
di sapat ang kain sa umaga

sa gutom ay di na nakatiis
ang tiyan ko't katawang kaynipis
buti't may nabili na si misis
na delatang sa gutom papalis

kanina'y nakapagsaing na rin
kaya ulam lang ang lulutuin
matapos ang mahabang sulatin
ang gutom na'y dumalaw sa akin

kain agad nang ito'y maluto
puso ko'y sumigla sa pagsuyo
at mata ko'y di na lumalabo
gutom na'y unti-unting naglaho

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto kong muli ay ginisang sardinas
na sahog ay kamatis, bawang at sibuyas
umano'y pagkain ng mga nasalanta
bagamat nabili sa tindahan kanina
sardinas ay pagkain daw ng mahihirap
pantawid gutom bagamat di raw masarap
isipin mo na lang daw na malasa ito
na nakabubusog din kahit papaano
O, sardinas, sa lata'y piniit kang sadya
upang dukha'y may makain at guminhawa
may pagkain din ang nasalanta ng unos
upang bituka'y di parang nanggigipuspos
salamat, sardinas, ikaw ay naririyan
na aming kasangga, saanman, kailanman

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tI7vXy-LeF/ 

Bayaning aso't pusa

BAYANING ASO'T PUSA

buti't naagapan ang bahay ng matanda
na muntik-muntikan nang lamunin ng apoy
buti't nag-ingay ang alagang aso't pusa
kundi'y naagnas na ang bahay, ay, kaluoy

buti't may mga alaga siya sa bahay
na kapuso't kapamilya na kung ituring
buti't ang kanyang mga alaga'y nag-ingay
kaya naalimpungatan sa pagkahimbing

kaya sa ikalawang palapag nagpunta
bakit nag-iingay ang alaga'y nalantad
bahagi ng bahay ay nasusunog pala
kaya tinangka niyang apulain agad

subalit di kinaya, kaya nagpatulong
at bumbero'y agad inapulang mabuti
ang apoy na kabahayan na'y nilalamon
salamat, nag-ingay ang aso't pusang saksi

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, pahina 2

Huwebes, Agosto 1, 2024

Sandaang piso lahat

SANDAANG PISO LAHAT

kanina'y nagtungo akong palengke
pawang gulay ang aking pinamili
isang tali ng talbos ng kamote
sibuyas, kamatis at okra pati

kahit alam kong presyo'y nagmahalan
aba'y nakabibigla pa rin naman
presyo ng mga iyon ay sandaan
ngunit iyon na'y aking hinayaan

kamatis nga'y nagmahal na talaga
mantakin mo, isa'y sampu piso na
sampung pirasong okra, dos ang isa
sampu ang santali, laman ay lima

apat na sibuyas ay bente pesos
kapresyo rin ng santali ng talbos
kumpara sa karne, mura nang lubos
sapat lang para sa tulad kong kapos

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Nasalanta

NASALANTA

kumusta na ang nasalanta
ng kaytinding bagyong Carina
sana'y nasa ayos na sila
salubong ay bagong umaga

kaytindi ng mga balita
La Mesa Dam ay apaw daw nga
at lagpas-tao pa ang baha
dito sa Kalakhang Maynila

dapwa't laking Maynila ako
Sampaloc ang kinalakhan ko
lugar na kaybabang totoo
baha pag dinalaw ng bagyo

ingat po kayo, kababayan
sana tayo'y magkatulungan
nagbabagong klima'y nariyan
at di na natin maiwasan

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, p.3