Lunes, Abril 29, 2024

Indian missile, nasa Pinas na

INDIAN MISSILE, NASA PINAS NA

BhraMos supersonic cruise missile na mula sa India
ang dumating sa bansa para raw armas sa gera
mahal man ito, bansa'y naghahanda na talaga
nang sa mundo'y ipakitang tayo'y may pandepensa

upang ipakitang bansa'y di basta makawawa
at di basta makagalaw ang nagbabantang bansa
missile upang ipagtanggol ang tinubuang lupa
habang kapitalista ng armas ay tuwang-tuwa

ang bansa'y nagiging magnet o balani ng sindak
ginawang base ng U.S. na EDCA ang inanak
siyam na base ng Kano sa bansa sinalaksak
habang Pinoy pag nagkadigma'y gagapang sa lusak

missile na iyan ay di naman sa atin tutubos
kundi mangwawasak lang ng mga buhay na kapos
dinadamay lang tayo sa digmaan, inuulos
ng U.S. at Tsinang bawat isa'y nais mapulbos

aralin natin ang kasaysayan ng rebong Ruso
masa'y di sinuportahan ang Tsar sa gera nito
kundi inorganisa nina Lenin ang obrero
upang mapalitan ang sistema nang magkagulo

tungkulin ng manggagawang itayo ang lipunan
nila, di ipagtanggol ang burgesya't mayayaman
dapat labanan ang tuso't elitistang gahaman
na pawang nagsibundatan at pahirap sa bayan

- gregoriovbituinjr.
04.29.2024

* Ulat mula sa pahayagang Abante, Abril 22, 2024, kasabay ng paggunita sa Earth Day

Linggo, Abril 28, 2024

Panghilod

PANGHILOD

gamit ni misis sa aking likod
ang mahiwagang batong panghilod
hiniluran ko naman ang tuhod
binti, sakong, hanggang sa mapagod

natanggal ang isang kilong libag
nang mahiluran ay nangalaglag
para bang aking puso'y binihag
ng magandang diwatang lagalag

nang makaligo, ramdam na'y presko
libag pa'y nabawasang totoo
napatitig ako sa kuwago
at sa parot na maraming kwento

kaygaling ng panghilod ni misis
isang kilong libag ko'y napalis

- gregoriovbituinjr.
04.28.2024

Sabado, Abril 27, 2024

Pagdungaw ni Muning

PAGDUNGAW NI MUNING

nabigla ako't akala'y daga
ang naroong dumungaw na sadya
iyon pala'y ang aming alaga
si Muning, ang buntis naming pusa

mga bubuwit ang kanyang hanap
kahit tulog ako't nangangarap
minsan, lumundag ang pusang yakap
at sinagpang ang daga ng iglap

kaytapang ng mga dagang iyan
na nakikita ko sa tahanan
daga pa'y nakikipagtitigan
sa akin hanggang magbulabugan

ang mga daga'y nakakapraning
mabuti't naririyan si Muning
at mag-utol na Lambong at Lambing
at nakakatulog nang mahimbing

- gregoriovbituinjr.
04.27.2024

Biyernes, Abril 26, 2024

Oda sa sinta

ODA SA SINTA

may kwento habang natutulog
ako raw ay nagkukumahog
sa paghabol sa sintang irog
pag-ibig ang iniluluhog

ang pasya ko'y di na sungkitin
sa kalangitan ang bituin
at buwang iyong kukwitasin
tungong pag-iibigan natin

di kita bibigyan ng rosas
handog ko'y isang sakong bigas
upang sa gutom makaiwas
para sa maligayang bukas

oda sa iyo'y aking alay
habang patuloy sa pagnilay
ang iyong OO'y hinihintay
tanda ng pag-ibig na tunay

- gregoriovbituinjr.
04.26.2024

Lunes, Abril 22, 2024

Kalikasan

KALIKASAN

sino pang magtutulong
kung tayo'y ginagatong
ng klimang urong-sulong
na dulot ay linggatong

sistemang capitalist
bayan na'y tinitikis
isigaw: Climate Justice
wakasan ang Just-Tiis

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Ngayong Earth Day

NGAYONG EARTH DAY

halina't tayo'y magsikilos
para sa kalikasang lubos
at nang masa'y makahulugpos
sa sistemang mapambusabos

kapitalismo'y mapangyurak
dignidad ng tao'y hinamak
dukha'y pinagapang sa lusak
ang kalikasan pa'y winasak

ngayong Earth Day ay magkaisa
upang baguhin ang sistema
dignidad ay bigyang halaga
kapitalismo'y palitan na

protektahan ang sambayanan
hanggang maitayo ng bayan
yaong makataong lipunan
at maayos na daigdigan

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Linggo, Abril 21, 2024

Pandesal muli ang almusal

PANDESAL MULI ANG ALMUSAL

pandesal muli ang almusal
habang naritong nagtatsaa
almusal muli ay pandesal
tulad ng karaniwang masa

tara na't mag-agahan tayo
kailangan nating kumain
upang sumigla ring totoo
itong katawan pagkagising

kaysaya't kasalo si misis
na sabay laging mag-agahan
nang iwing gutom ay maalis
lumakas naman ang katawan

pandesal sa agaha'y sikat
hanap ng masa pag nagmulat

- gregoriovbituinjr.
04.21.2024

Sabado, Abril 20, 2024

Salusalo sa pasiyam

SALUSALO SA PASIYAM

matapos ang dasal ay nagsasalusalo
ang magkakamag-anak at kakain dito
tulad ng inihandang pansit at adobo
habang namayapa'y inalayan din nito

tuyong kalamyas at sinaing na tulingan
sa lamay at pasiyam ay muling natikman
inuulam ko pag napunta ng Balayan
sa tuyong kalamyas sila'y inuunahan

di na ako mahilig sa pansit at karne
bagamat may luto namang adobo rine
gulay at isda na lang ang aking putahe
o kaya'y magta-tsaa o barakong kape

may dasal sa umaga, sunod ay sa hapon
tutungong sementeryo bago dapithapon
pagka apatnapung araw pa ay mayroon
babangluksa naman sa susunod na taon

- gregoriovbituinjr.
04.20.2024

Tibaw

TIBAW

ngayon ang ikasiyam na araw
mayroon pang pasiyam o tibaw
bilang alaala sa namatay
at ipagbunyi ang kanyang buhay

nagsasama-sama ang kaanak
at kaibigan, ipagdarasal
ang namayapa bilang respeto
habang narito pa raw sa mundo

tradisyon na ang tibaw sa bansa
tayo'y tigib mang lumbay at luha
isang salusalong ginagawa't
ginugunita ang namayapa't 

ang masasaya nilang kahapon
babangluksa'y sa sunod pang taon

- gregoriovbituinjr.
04.20.2024

tibaw - sinaunang salusalong ginagawa sa ikatlo o sa ikasiyam na araw ng kamatayan ng isang tao; nagsasama-sama ang mga kaanak at kaibigan ng namatay upang ipagdasal ito, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino
* namatay si Dad ng Abril 12, kaya sa bilang na siyam na araw ay kasama ang petsa 12, kaya Abril 20 - Abril 11 = 9 na araw

Huwebes, Abril 18, 2024

Huling gabi ng lamay

HULING GABI NG LAMAY

marami pa ring kamag-anakan
ang naroroong nagdaratingan
tulad ng tiyahi't magpipinsan
iba'y kaylayong pinanggalingan

di makatulog sa huling gabi
kaya nagbantay na lamang dine
sa pagninilay ipinipirmi
ang paksang itutula ko sabi

ang umalis sa sariling bayan
ay bumalik din sa pinagmulan
ang ipinanganak sa Balayan
sa bayang iyon uuwi naman

naritong pulos kape't salabat
nang sa huling lamay ay magluwat
patuloy na nagtutugma't sukat
buong araw tiyak ako'y puyat

- gregoriovbituinjr.
04.18.2024

Miyerkules, Abril 17, 2024

Tubig, kape at salabat

TUBIG, KAPE AT SALABAT

kayrami kong nainom sa lamay
di alak dahil doon ay bawal
walang sugal at walang pagtagay
kundi tubig, kape at salabat

may meryendang tinapay sa plastik
may mani at iba pang kutkutin
may butong pakwan, biskwit at kornik
habang nagsusulat, di antukin

inihanda sa mga bisita
at kamag-anak na naroroon
na kwento naman ang baon nila
pawang talakayan ng kahapon

ako sa kanila'y nakikinig
nakilala'y ibang kamag-anak
habang nagsasalabat o tubig
nabatid ko'y lalamnin ng pitak

- gregoriovbituinjr.
04.17.2024

Martes, Abril 16, 2024

Hikab sa lamay

HIKAB SA LAMAY

ramdam ko na ang antok, naghikab 
ngunit di pa oras magpahinga 
dapat pang asikasuhing ganap 
ang kamag-anakan at bisita 

nakadalawang hikab na ako
ay, dapat nang magpahingang tunay
sa tula ako nagpasaklolo
na siyang sa akin umalalay

pag mga bisita'y nag-uwian
maglilinis muna ng paligid
ipasok ang pinggan, kanin, ulam
saka bintana't pinto'y ipinid

at sa mahabang bangko'y humiga
mga mata'y marahang ipikit
habang sa mahal nangungulila
ay matutulog ng ilang saglit

- gregoriovbituinjr.
04.16.2024

Lunes, Abril 15, 2024

Pangarap

PANGARAP

pinagsisikapan kong marating
ang lipunang asam ng magiting
tulad ngayon, kahit bagong gising
at ang maybahay ko'y naglalambing

paanong ginhawa'y malalasap
ng pinaglalabang mahihirap
paanong layon ay maging ganap
nang kamtin ang lipunang pangarap

tuloy ang laban ng aktibista
giya ang mga isyu ng masa
patuloy kaming nakikibaka
para sa karapata't hustisya

babaguhin itong nakagisnang
bayan ng tiwali't kabulukan
itayo'y makataong lipunang
sa masa'y dapat may kabuluhan

- gregoriovbituinjr.
04.15.2024    

Sabado, Abril 13, 2024

Takipsilim

TAKIPSILIM

sumilang ang araw sa bansa, bayan at kanugnog
sa daigdig ay sisikat ng pagkatayog-tayog
habang ilang oras lamang ito na'y papalubog
at bukas ay sisikat muli ng buong pag-irog

tulad din ng buhay, may pagsikat at takipsilim
tulad din ng pagkawala ng buhay na taimtim
tulad kong isang bubuyog na sa rosal sumimsim
sa bawat umaga't tanghali, sasapit ang dilim

ang paglubog ng araw ay matalinghaga minsan
pagkat nauugnay bilang tanda ng kamatayan
ngunit paano tatanggapin ang katotohanan
na mahal mo'y lumubog na ang araw nang tuluyan

nadarama ko pa rin ang kabutihan ni Ama
sa aming magkakapatid na inaruga niya
ang pagsapit ng takipsilim ay may ibinunga
na magkakapatid, pinakita'y pagkakaisa

- gregoriovbituinjr.
04.13.2024

Bukangliwayway

BUKANGLIWAYWAY

ang pagkasilang ay kapara ng bukangliwayway
ating magulang ay kaysaya't isang bagong araw
pag-uha ng sanggol ay tanda ng pag-asa't buhay
pag narinig ng iba'y palakpak at di palahaw

magsasaka'y gising na bago magbukangliwayway
paparoon na sa bukid kasama ng kalabaw
mag-aararo at magtatanim ng gintong palay
hanggang mag-uhay, pati gulay, okra, bataw, sitaw

manggagawa'y gising na sa pagbubukangliwayway
papasok sa trabaho, may panggabi, may pang-araw
sa pabrika'y binenta ang lakas-paggawang tunay
sa karampot na sahod ang metal ay tinutunaw

O, bukangliwayway, sa bawat aking pagninilay
matapos ang takipsilim, ikaw nama'y lilitaw
upang sambayanan ay gabayan, tula ko'y tulay
sa masa, tanda ng pag-asa't hustisya ay ikaw

- gregoriovbituinjr.
04.13.2024

Biyernes, Abril 12, 2024

Kati sa paa

KATI SA PAA

minsan, aralin ding kati ay di kamutin
upang di naman magsugat ang balat natin
kaya ang kati ay talagang titiisin
kaysa ginagawa ikaw pa'y abalahin

lalo't nakasapatos, paa mo'y makati
nakatayo ka pa't siksikan sa LRT
tiis-tiis lang, malayo pa ang biyahe
katabi mo pa'y kaibigang binibini

diyaheng maghubad kung merong alipunga
huwag hubarin ang medyas, sa LRT pa
baka umalingasaw ang amoy ng paa
o kaya'y lumala na ang iyong eksema

minsan nga, kakagatin kang bigla ng langgam
ay babalewalain ang sagpang ng guyam
iyang kati pang tiyak namang mapaparam
kaya huwag mo na itong ipagdaramdam

- gregoriovbituinjr.
04.12.2024

Paalala sa kubeta

PAALALA SA KUBETA

paalala'y kaytagal na
sa pinasok na kubeta
sa opisina, kantina,
retawran at kung saan pa

kubeta'y huwag iiwang
marumi't makalat naman
ang inidoro'y buhusan
huwag burara sa ganyan

may susunod pang gagamit
kaya huwag nang makulit
iwan mo iyong malinis
upang sila'y di mainis

kung sumunod ka, salamat
tao kang talagang mulat

- gregoriovbituinjr.
04.12.2024

Martes, Abril 9, 2024

Kape muna sa umaga

KAPE MUNA SA UMAGA

nagkape muna pagkagising sa umaga
habang naririto pa ring nagninilay pa
ng samutsaring paksang walang isang bida
kundi kolektibong pagkilos nitong masa

walang Superman kundi uring manggagawa
na siyang tagapagtanggol ng aping madla
walang Batman kundi ang kolektibong dukha
na pinapagkaisa ang laksang dalita

bagamat may Doberman na burgesyang bulok
na rabis nila'y dahilan ng trapong bugok
lipunang makatao itong naaarok
subukan nating dukha'y ilagay sa tuktok

iyan ang nasa isip habang nagkakape
paano ko ba ibibigay ang mensahe
para-paraan lang at magandang diskarte
kahit maglakad dahil walang pamasahe

magkape muna, tara munang mag-almusal
magpainit ng tiyan wala mang pandesal
mabuting may kinain kaysa hinihingal
upang sa paghakbang ay di agad mapagal

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

Lunes, Abril 8, 2024

Sa ruta ng paglalakbay

SA RUTA NG PAGLALAKBAY

sa pagpasok sa trabaho't pag-uwi araw-araw
ay kabisado ko na ang ruta ng paglalakbay
kahit nagninilay, pag yaong kanto na'y natanaw
o nakapikit man, ang pagliko'y ramdam kong tunay

subalit paano kung may bago kang pupuntahan
na di mo pa kabisado ang mga daraanan
dapat marunong kang magtanong o may mapa naman
upang maiwasang maligaw sa patutunguhan

dyip man, bus, taksi't tren, na sasakyang pampasahero
o papunta ng ibang isla, lululan ng barko
o mangingibang-bansa, sasakay ng eroplano
dapat ruta mo ng paglalakbay ay mabatid mo

ako'y maglalakbay, sa ibang lugar patutungo
kaya dapat maging listo lalo't malayong dako
baka di makabalik kung doon ay mabalaho
kung batid mo ang ruta, may plano kang mabubuo

- gregoriovbituinjr.
04.08.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Linggo, Abril 7, 2024

Sa paglubog ng araw

SA PAGLUBOG NG ARAW

kung sakaling palubog na ang aking araw
sana tagumpay ng masa't uri'y matanaw
kung sakaling araw ko'y pawang dusa't lumbay
ako'y magkagiya sa aking paglalakbay

lalo't tatahakin ko'y malayong-malayo
na di sa dulo ng bahaghari o mundo
kundi paparoon sa masayang hingalo
titigan mo ako hanggang ako'y maglaho

may araw pa't mamaya'y magtatakipsilim
na inaalagata ang bawat panimdim
basta marangal ang nilandas na layunin
ating papel ay di liliparin ng hangin

sa araw na palubog dadako ang lahat
tiyakin lamang na ating nadadalumat
ang kabuluhan ng danas, aral at ugat
sa bawat paglubog, may araw ding sisikat

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala malapit sa pinagdausan ng reyunyon, Abril 6, 2024

Ulam na isda

ULAM NA ISDA

ang makata'y napaghahalata
mahilig ko raw ulam ay isda
may tsaa na, mayroon pag tula
bakit gayon? kami'y may alaga
tira sa isda'y para sa pusa

minsan, isda'y aking ipiprito
o kaya luto nama'y adobo
may toyo, suka't paminta ito
sibuyas at bawang pa'y lahok ko
kain ay kaysarap na totoo

pusang alaga'y laging katapon 
na sa bahay, amin nang inampon
natira'y bigay sa mga iyon
nang mabusog pag sila'y lumamon
alam n'yo na bakit ako'y gayon

ika nga, dapat magmalasakit
pusa man ay atin ding kapatid
kahit sila sa bahay ay sampid
may tuwa namang sa amin hatid
pag nawala, luha'y mangingilid

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Plastik sa aplaya

PLASTIK SA APLAYA

reyunyon ng angkan malapit sa aplaya
upang salinlahi'y magkakila-kilala
kami'y nagdatinga't kumain ng umaga
hanggang magsimula na ang handang programa

hapon matapos ang programa't mga ulat
ay nagliguan na ang mag-angkan sa dagat
malinis ang buhangin, walang maisumbat
ngunit may natanaw pa ring plastik na kalat

wala namang nakitang coke na boteng plastik
liban sa pulang takip, tatlo ang nahagip
ganito nga marahil sa lugar na liblib
di gaya sa Manila Bay sa plastik hitik

tinipon na lang ang ilang plastik na ito
sa basurahan inilagak na totoo
saanman may kalikasan, kumilos tayo
pamana sa sunod na salinlahi't mundo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dalampasigan, Abtil 6, 2024

Sabado, Abril 6, 2024

Ako si Taraw

AKO SI TARAW

ako si Taraw, asawa ni Lanyag
mula Maynila, puso ko'y nabihag
ng asawa ngayong kaygandang dilag
ugnayang nananatiling matatag

tingni, sa aking t-shirt ay naka-print
ngalang Taraw, kahuluga'y bituin
ito ang ngalang Linias sa akin
na hanggang kamatayan ay dadalhin

maraming salamat sa ngalang ito
kahit di taga-Mountain Province ako
mahalaga, mag-asawa'y narito
para sa isang makataong mundo

salamat sa buhay ko't iniibig
patuloy mang nagbibilang ng pantig
wala mang hinandang puto't pinipig
tangan pa rin ang tindig at pag-ibig

- gregoriovbituinjr.
04.06.2024

* kuha sa reyunyon ng clan, 04.06.2024
* Linias - salita mula sa tribung I-Lias ng Barlig, Mountain Province

Huwebes, Abril 4, 2024

Pagkatha sa madaling araw

PAGKATHA SA MADALING ARAW

ikaapat ng madaling araw na'y nagigising
sapagkat iihi sa kabila ng mga dingding
o kaya'y sa kasilyas ngunit di na makahimbing
habang asawa'y humihilik pa ng anong lambing

pagkabukas ng ilaw, agad makikita'y papel
o kwaderno't haharap doon matapos dyuminggel
kakathain ang tunggalian ng demonyo't anghel
demonyo'y naghaharing uri't anghel na di taksil

o marahil naman tititig muli sa kisame
bakit patuloy na nakikibaka ang babae
paano dinala ng kalapati ang mensahe
bakit may tiki-tiki para sa mga bulate

malinaw pa ba ang bungang-tulog o panaginip
na isang manggagawa ang sa nalunod sumagip
na isang magsasaka ang sa palay ay tumahip
na isang makata ang may kung anong nalilirip

- gregoriovbituinjr.
04.04.2024

Miyerkules, Abril 3, 2024

O, kay-init ngayon ng panahon

O, KAY-INIT NGAYON NG PANAHON

O, kay-init ngayon ng panahon
tila katawan ko'y namimitig
para bang nasa loob ng kahon
mainit din kaya ang pag-ibig

konti pa lang ang aking naipon
sana'y di pa sa akin manlamig
ang aking diwatang naroroon
sa lugar na palaging malamig

magpatuloy lamang sa pagsuyo
kahit panahon ng kainitan
baka kung pag-ibig ay maglaho
pagsintang kaylamig ang dahilan

panahon man ay napakainit
patuloy pa rin tayong magmahal
kahit sa pawis na'y nanlalagkit
pag-ibig natin sana'y magtagal

- gregoriovbituinjr.
04.03.2024

Martes, Abril 2, 2024

Inadobong isda

INADOBONG ISDA

daing at galunggong
bawang at sibuyas
may toyo pa't suka
lutong inadobo

dapat lang magluto
pag may iluluto
lalo't nagugutom
at nasisiphayo

nang may maiulam
sa kinagabihan
upang mga anak
ay di malipasan

inadobong isda
sa toyo at suka
nang dama'y ginhawa't
mabusog na sadya

aking ihahain
sa hapag-kainan
itong inadobong
kaysarap na ulam

katoto't kumpare
tara nang kumain
lalo't gumagabi
at nang di gutumin

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

Lunes, Abril 1, 2024

Pagbabasa

PAGBABASA

di lamang kabataan ang dapat magbasa
upang mabatid ang lagay ng bansa't masa
di lamang estudyante ang dapat magbasa
upang sa pagsusulit sila'y makapasa

kahit kami mang nasa panahong tigulang
ang pagbabasa na'y bisyo't naging libangan
uugod-ugod man o nasa hustong gulang
ang pagbabasa'y pandagdag sa kaalaman

sa umaga'y bibili na agad ng dyaryo
upang mabatid ang napapanahong isyu
sa hapon nama'y magbabasa na ng libro
kahit takipsilim pa ang abutin nito

hihintayin ko pa ba ang mga bubuyog
na dumapo sa rosas upang makapupog
o magbabasa hanggang araw ko'y lumubog
kapara'y nobelang sa puso'y makadurog

pagbabasa marahil ang bisyo kong tunay
kaysa manigarilyo o kaya'y tumagay
sa pagbabasa man ay nakapaglalakbay
nagagalugad ang lugar na makukulay

- gregoriovbituinjr.
04.01.2024