Linggo, Marso 31, 2024

Pasasalamat (Grace Before Meals)

PASASALAMAT
(GRACE BEFORE MEALS)

tayo'y nasa harap nitong hapag-kainan
sabay nating bigkasin ang pasasalamat
sa mga naghanda ng pagkain ng bayan
sa mga nagtanim at nag-ani, salamat

salamat sa lahat ng mga magsasaka
mula binhi'y pinalago hanggang nag-uhay
silang sa lupang sakahan nakatali na
silang naglinang at nagpatubo ng palay

salamat sa lahat ng mga mangingisda
na nilalambat ang buhay sa karagatan
upang madala ang mga banyerang isda
sa pamilihan, at ating mabili naman

salamat sa lahat ng mga manggagawa
pagkain ay dinala sa bayan at lungsod
kay-agang gumising, kay-agang gumagawa
kayod ng kayod, kahit mababa ang sahod

salamat sa manggagawang tatay at nanay
na nagsikap upang pamilya'y mapakain
nang mga anak ay di magutom sa bahay
na para sa pamilya, lahat ay gagawin

salamat, binubuhay ninyo ang daigdig
uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
kaya marapat lang tayo'y magkapitbisig
nang bulok na sistema'y tuluyang mawala

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

* mga larawan mula sa google

Sabado, Marso 30, 2024

Palakasin ang pangangatawan

PALAKASIN ANG PANGANGATAWAN

palakasin ang pangangatawan
tangi itong kabilin-bilinan
ng aming matatanda sa bayan
pati na yaong nasa tubuhan

bawasan mo iyang matatamis
lalo na't katawan ay numipis
kanin ay huwag kumaing labis
magpalakas kahit na magtiis

di kailangan ang masasarap
kung katawan nama'y maghihirap
kung may sakit, paanong pangarap
na lipunang dahilan ng sikap

kung di susunod, mahahalata
sa katawan pag binalewala
ang payo ng mga matatanda
gayong tinutulungan ka na nga

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

Payak na hapunan

PAYAK NA HAPUNAN

bangus na inadobo sa toyo at suka
at ginayat na mga mumunting gulayin
kamatis, sibuyas, at dahon ng sibuyas 
na kaysarap ulamin kasama ng kanin

payak na hapunan ng tibak na Spartan
habang wala si misis sa aming tahanan
matapos magsulat ng akda'y naghapunan
kahit na nag-iisa lamang sa tahanan

bukod sa mumurahin, ito'y pampalusog
kain-bedyetaryan, kapara ko'y bubuyog
sa nektar ng bulaklak nagpapakabusog
upang maya-maya'y magpahinga't matulog

maraming salamat at muling nakadighay
habang naritong patuloy sa pagninilay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

Biyernes, Marso 29, 2024

Pag-ingatan ang sunog

PAG-INGATAN ANG SUNOG

minsan, nag-aapoy ang pandama
na para bagang nilalagnat ka
o kaya'y libog na libog ka na
init na init ka na talaga

huwag kang maglalaro ng apoy
bilin ni nanay nang ako'y totoy
lalo't kandila'y nangunguluntoy
tubig ay ihanda mong isaboy

karaniwan ang sunog sa atin
ulat nga'y di ka na gugulatin
balita sa dyaryo kung basahin
ay sadyang masakit sa damdamin

sa paligid mo'y maging matunog
alisto nang puso'y di madurog
huwag mong kayaang magkasunog
kundi baka araw mo'y lumubog

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Oubaitori at Obituary

OUBAITORI AT OBITUARY

anong kaibhan ng oubaitori at obituary
nang mapakinggan ko ito'y di ako mapakali
hinanap ko ang kahulugan ng mga nasabi
mabuti't nasaliksik kaya ako'y di nagsisi

ang oubaitori pala'y Hapones na kaisipan
tulad ng bulaklak, ang tao'y lalago rin naman
sa sarili nilang panahon at pamamaraan
tulad ng ibang ispesyi, ito ma'y karaniwan

ang obituary naman ay matagal ko nang batid
na talaan ng sa huling hantungan ihahatid
minsan sa indayog ng salita'y nasasalabid
oubaitori, obituary, huwag tayong maumid

maraming salitang pag narinig, magkakatugma
subalit iba pala ang kahulugan at dila
ang mahalaga palagi ang ito'y maunawa
upang di maligaw at baka sa daan mawala

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

Kayraming maka-Diyos ang di makatao

KAYRAMING MAKA-DIYOS ANG DI MAKATAO

mas nais kong magsulat kaysa sundin sila
sa tradisyon nila tuwing semana santa
tangi kong nagawa'y magsulat ng pabasa
para sa rali ng dalita sa Mendiola

kayraming maka-Diyos ang di makatao
kapitalistang inaapi ang obrero
elitistang palasimba subalit tuso
sa obrero'y walang paki, una'y negosyo

oo, di man lang nila itaas ang sahod
ng manggagawang araw-gabing kumakayod
tubo muna, obrero man ay manikluhod
pati batas ay kanilang pinipilantod

pang-ISF daw ang 4PH, bukambibig
ng gobyerno, na madalas nating marinig
ngunit etsapwera ka kung walang Pag-Ibig
pambobola nila'y dapat nating mausig

palasimba kahit pangulong maka-Diyos
na sa EJK umano'y siyang nag-utos
sa ChaCha, bansa'y binubuyangyang ng lubos
binebenta sa dayo ang bayang hikahos

sa kanila, ang semana santa'y bakasyon
silang nagtaguyod ng kontraktwalisasyon
kaya di ako lumalahok sa tradisyon
buti kung patungo iyan sa rebolusyon

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

* ISF - informal settler families, bagong tawag sa iskwater
* 4PH - Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program
* EJK - extrajudicial killings

Marso 29, sa kaarawan ng kapatid ko't pamangkin

MARSO 29, SA KAARAWAN NG KAPATID KO'T PAMANGKIN

sabay ang kaarawan ng kapatid ko't pamangkin
"Happy birthday!" sa dalawang mahal ko't magigiting
"Maligayang Kaarawan!" sa inyo'y bumabati
nawa'y wala kayong sakit at malusog palagi

tulad pa rin ng aking sinasabi karaniwan
palagi kayong mag-ingat lalo ang kalusugan
di ko man kayo madalaw sa malayong probinsya
taospuso yaring pagbati't pagpapahalaga

Happy birthday, Jojo, Twinkle, pagpupugay sa inyo
pagkat inyong pamilya'y inalagaang totoo
bawat problema'y may solusyon, at di laging tiis
kayo'y matatag, 'Happy birthday!" sabi rin ni misis

habang ako'y narito't kinakathang tula'y tulay
upang mapitas ang mangga at nagtubuang uhay
ako pa rin naman sa inyo'y di nakalilimot
basta ako'y narito lang, madali n'yong maabot

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

* litratong cake mula kay google

Sa tumatangkilik sa Taliba ng Maralita

SA TUMATANGKILIK SA TALIBA NG MARALITA

kami'y taospusong nagpapasalamat talaga
sa tumatangkilik sa Taliba ng Maralitâ,
ang publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa
ng Maralitang Lungsod, ang pahayagan ng dukhâ

sa loob ng dalawang linggo nakapaglalabas
ng isyu't balita hinggil sa laban nitong bayan
4PH, pabahay, sahod, ChaCha ng talipandas
kwento't mga tula, kolum ni Pangulong Kokoy Gan

patnugutan ay narito't tuloy sa pagsisilbi
sa maralita upang makamit ang ating layon
mulatin at pakilusin ang dukha, di lang rali
kundi matutong ipaglaban ang hustisyang misyon

ipabatid bakit dapat baguhin ang sistema
na siyang dahilan ng naranasang dusa't hirap
ang Taliba ng Maralita'y kanilang sandata
tungo sa pagtayo ng lipunan nilang pangarap

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

Huwebes, Marso 28, 2024

Sa pagitan ng tsaa't taludtod

SA PAGITAN NG TSAA'T TALUDTOD

sa pagitan ng tsaa't taludtod
ay nagagawa ko pang isahod
ang libog, dusa, lumbay, hilahod
kung di lang nadulas sa alulod

lilikhain ko pa rin ang langit
sa gitna ng nadaramang init
pagkakatha'y nais bumunghalit
damang may ngiti sa bawat saglit

di agad tanaw ang kabulukan
dahil sa ningning nila't kariktan
makintab sa labas pag tiningnan
ngunit uod ang kaibuturan

ganyan din iyang sistemang bulok
mapagsamantala'y nasa rurok
tiyan ng kapitalista'y umbok
mula burgesya ang nakaluklok

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Nakapikit

NAKAPIKIT

"Paano ka ba matulog?"  tanong sa akin minsan
"Nakapikit." ang payak kong tugon sa katanungan
wala lang, iyon ay basta natanong sa inuman
ang tanong pala'y kung ako'y magkukumot at unan

sa akin, saanman mapasandal, nakakaidlip
may banig o kama, may kumot o wala, pipikit
saanman mapunta, ganyang tanong ay di malirip
di naman paimportante, kung antok na'y pipikit

di ko na problema ang banig o magarbong kama
nakaupo, nakahiga, o nasa sasakyan pa
basta inantok, ako'y pipikit na lang talaga
liban kung nasa labas, seguridad ay taya na

may kasabihan nga tayo, "kung maigsi ang kumot
ay huwag munang mag-umunat, kundi bumaluktot"
pagtulog ay di problema, saanman mapasuot
pipikit na lang pag inantok o kaya'y nanlambot

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Gas hydrate, natuklasan sa Manila Trench

GAS HYDRATE, NATUKLASAN SA MANILA TRENCH

nadiskubre ng mga geolohista ng UP
doon sa Manila Trench ang posibleng deposito
ng gas hydrate bilang isang alternative energy
resource na sa paglaon magagamit na totoo

parang yelo raw ito sa sahig ng karagatan
na mababa pa sa freezing point ang temperatura
dami ng karbon nito'y dalawang beses ang laman
na "potentially viable power source" din daw pala

taga-College of Science silang sound waves ang ginamit
upang matukoy sa mapa ang seismic reflection
ng gas hydrate, mga nagsaliksik ito ang sambit,
na tinawag nilang bottom simulating reflectors

nasa mahigit labinlimang square kilometer
sinlaki ng isla ng Palawan ang naturang trench
na laman nga'y gas hydrate, ayon sa mga researcher
ay, kaylaking deposito nito sa Manila Trench

abot dalawandaan hanggang limangdaang metro
ang lalim ng seafloor, batay sa kanilang pagtaya
subalit nagbigay babala rin ang mga ito
dahil sa geological, environmental threat nga

ang natutunaw na gas hydrate ay baka magdulot
ng seafloor disturbance na maaaring magresulta
sa tsunami't underwater landslide, nakakatakot
pati rin daw carbon at methane ay apektado pa

nagsasagawa na ng dagdag pang imbestigasyon
sa ibang offshore sa ating bansa, anang balita
gayunman, natuklasan nila'y pag-aralan ngayon
upang sa hinaharap ay di tayo mabulaga

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* balita mula sa pahayagang Abante, Marso 15, 2024, p.8

Paglipol ang esensya ng ChaCha nila

PAGLIPOL ANG ESENSYA NG CHACHA NILA

sandaang porsyentong aariing sadya
ang kalupaan ng bansang dapat malaya
ang nais nila tayo'y mawalan ng mukha
manatiling iswater sa sariling bansa

nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
political dynasty ay tanggalin doon
nukleyar pa'y nagbabantang payagan ngayon
bukod pa sa pangarap nilang term extension

mag-aaring sandaang porsyento ang dayo
lupa, tubig, kuryente, serbisyo publiko
iskwater ay gagawing sandaang porsyento
sa ngalan ng dayo, nalilipol na tayo

dayuhang edukasyon ay papayagan na
ito'y gusto raw ng mga kapitalista
na susunod na manggagawa'y maeduka
upang sa dayo'y magpaalipin talaga

pinapirma para sa ayuda ang madla
na nasa likod pala'y ChaCha ng kuhila
balak ng ChaCha nila'y malipol ang dukha
na dignidad ng tao'y binabalewala

dapat pagkain sa mesa, hindi Charter Change
dapat disenteng pabahay, hindi Charter Change
dapat trabahong regular, hindi Charter Change
walang kontraktwalisasyon, hindi Charter Change

buwagin na ang lintang manpower agencies
na sa obrero'y sumipsip ng dugo't pawis
dapat ding tugunan muna ang climate crisis
hindi Charter Change ng mga mapagmalabis

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa UST bago magsimula ang Kalbaryo ng Maralita, Marso 26,2024

Miyerkules, Marso 27, 2024

Bulong sa hangin

BULONG SA HANGIN

sa hangin ako'y may ibinulong
habang nilalantakan ang tutong
na nilagay sa platong malukong
bakit ba ulam ko'y okra't talong
na isinawsaw ko sa bagoong

sa hangin ay aking ibinulong
habang nakatalungko sa silong
lipunang asam ay sinusulong
sistemang bulok nakabuburyong
kung sa kapitalismo hahantong

ang masa'y tinuturing na gunggong
sa kapitalismo ng ulupong!
masa ba'y kanino pa kakandong?
at kanino hihingi ng tulong?
sa bituka, may rebong karugtong!

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

Tarang magtsaa

TARANG MAGTSAA 

tarang magtsaa ng malunggay
habang naritong nagninilay
pampalusog at pampatibay
nitong katawan at ng hanay

minsan kailangan talaga
sa hapon, gabi o umaga
pampasarap ng ating lasa
animo'y salabat o luya

habang aking ikinukwento
bakit ba may aping obrero
bakit ba negosyante'y tuso
at sistema'y kapitalismo

sa Kalbaryo ng Maralita
bakit dukha'y kinakawawa
nitong sistema ng kuhila
dukha'y kailan giginhawa

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

Sa pwesto ni Lambing

SA PWESTO NI LAMBING

nakahanap ng pwesto ang pusang si Lambing
doon sa patungan ng paso sa may hardin
pahinga roon matapos kong pakainin
kasama ni Lambong na kapatid niya rin

mahilig silang tumambay doon sa bahay
mas nais nila ng isda imbes na gulay
pag naroon sila, ang loob ko'y palagay
pagkat mga daga'y nagsilayasang tunay

kaysarap masdan sa nakita niyang pwesto
kaysarap ding may alaga, pusa man ito
ang haplusin sila'y pinakapahinga ko
tula nga sa kanila'y nakathang totoo

maraming salamat sa inyo, Lambing, Lambong
at sa mga katha ko, kayo'y nakatulong

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

Oras - TIME, EMIT, ITEM

ORAS - TIME, EMIT, ITEM

anumang panahon / o anumang oras
bumuga ng usok / o anumang bagay
mahalaga lagi, / ito ba'y parehas
o sa masa'y patas / pag iyong nanilay?

kapara'y daigdig, / nagbabagong klima
sa internasyunal / pinag-uusapan
sugat ba ng mundo'y / mapaghihilom pa?
hustisyang pangklima / na'y pinanawagan

rambulin ang METI, / lalabas ba'y ano?
ang salitang EMIT, / ang TIME at ang ITEM
marahil merong MITE, / ngunit ano ito?
sa palaisipan / ay ating nasimsim

ang panahon nati'y / hinati sa walo
na siyentipiko: / oras ng pahinga
oras sa sarili, / oras ng trabaho
may laan ding oras / para sa pamilya

asawa'y malambing / pagkat may panahon
si mister sa kanya, / ang mutyang diwata
lalo't ang pag-ibig / ay di nakakahon
dama ang pagsinta, / at dama'y malaya

- gregoriovbituinjt.
03.27.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Martes, Marso 26, 2024

Kalbaryo ng Maralita

KALBARYO NG MARALITA

kanina, aming isinagawa
itong Kalbaryo ng Maralita
sa Mendiola kami patutungo
sa Morayta hinarangang buo

ng mga pulis ang maralita
sa Morayta na lang nagsalita
mga maralita'y di nasindak
kahit sangkaterba pa ang parak

isyu sana'y nais iparinig
sa Malakanyang at mga kabig
imbes Malakanyang, sa FEU
hinaing ay pinarinig dito

trabaho't pabahay, hindi ChaCha
ang 4PH ay hindi pangmasa
ang manpower agencies na linta
ay marapat nang buwaging sadya

tuloy ang pagtaas ng bilihin
at di mabayaran ang bayarin
sa lowcost housing at relokasyon
may banta pa rin ng demolisyon

dito'y aming mga panawagan
ChaCha ay ilantad at tutulan
ang krisis sa kabuhayan, klima
at karapatan ay wakasan na

4PH ay di pangmaralita
kaya isinusumpa ng dukha
4PH ay pangkapitalista
kaya dapat itong ibasura

di payag na sandaang porsyento
lupain ay ariin ng dayo
ang iskwater sa sariling bayan
ay di na dapat pang madagdagan

patuloy na nadaramang sadya
itong Kalbaryo ng Maralita
kailan ba giginhawa sila?
pag sistemang bulok, nabago na?

- gregoriovbituinjr.
03.26.2024

* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa Kalbaryo ng Maralita, sa tapat ng UST bago magmartsa patungong Mendiola, Marso 26, 2024

Lunes, Marso 25, 2024

Gabi na naman

GABI NA NAMAN

gabi na naman, nais kong matulog
matapos kumain ng pansit luglog
pagkat katawan ko'y parang nalamog
tila namamayat na't di malusog

ako'y isang matikas na bubuyog
na mapulang rosas ang pinupupog
habang nektar ay sinipsip, minumog
ngunit sa tinik nito'y nalalasog

ano kaya ang kaya kong ihandog
sa bulaklak na mutya't iniirog
subalit kanina ulo ko'y nauntog
mabuti't araw ko'y di pa palubog

gabi na at nais ko nang matulog
pag binangungot ay agad mayugyog

- gregoriovbituinjr.
03.25.2024

Linggo, Marso 24, 2024

Meryenda muna

MERYENDA MUNA

ako muna'y magmemeryenda
katatapos ko lang maglaba
pinigaan at sinampay na
at bukas naman magpaplantsa

tarang magkape't magtinapay
habang pahinga't nagninilay
tarang pagsaluhan ang monay
habang isip ay naglalakbay

tapos maglalampaso naman
bawat sahig ay pupunasan
pag linggo'y ganyan kadalasan
walang pahinga sa tahanan

simple lang ang meryenda ngayon
kape't monay lang ang nilamon
subalit di gaya kahapon
na nabitin sa pansit kanton

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

Pangarap

PANGARAP 

pangarap ko'y lipunang makatao
ay maitayo ng uring obrero
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, habang tangan ang prinsipyo

pangarap ko'y lipunang manggagawa
kung saan walang naapi't kawawa
lakas-paggawa'y binayarang tama
at di kontraktwal ang nasa paggawa

pangarap ko'y lipunang walang hari
walang tuso, kapitalista't pari
pangarap makapagtanim ng binhi
na ibubunga'y pantay, walang uri

pangarap ko'y makataong lipunan
na kung kikilos ay baka makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

Biyernes, Marso 22, 2024

Hustisya para kay Killua!

HUSTISYA PARA KAY KILLUA!

pinaslang ang asong si Killua
naluha ang ilan sa artista
extremely heartbreaking, ani Sarah
kaysakit nito, ani Janella

anang ulat, nang aso'y pinaslang
ay sa sako natagpuan na lang
sino kaya ang may kagagawan?
tila may galit sa asong iyan!

kung pinatay siya't isinako
di siya pulutan ng lasenggo
at di kinatay o inadobo
ngunit bakit kinitil ang aso?

dahil ba ngalang Killua'y may Kill?
kaya buhay ng aso'y kinitil?
katukayo niya'y isang hunter
sa palabas na Hunter x Hunter

aso man, hayop ay may buhay din
kapara ng taong may damdamin
kaya ako'y nananawagan din
ng katarungan na sana'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ni Sarah Geronimo mula sa pahayagang Bandera, ni Janella Salvador sa Abante, at aklat na Animal Scene, Volume 23, na nabili ng makatang gala

Nais kong magbigay-tinig

NAIS KONG MAGBIGAY-TINIG

bilang tibak, nais kong bigyang tinig
ang maralitang animo'y nabikig
ang mga api't winalan ng tinig
ang pinagsamantalaha't ligalig

nilalayon ko bilang maglulupa
ang sila'y aking makasalamuha
at sa isyu sila'y mapagsalita
nang karapata'y ipaglabang sadya

bilang makata, aking inaalay
ang aking mga tula't pagsasanay
upang tinig ng dukha'y bigyang buhay
pagkat bawat tula'y kanilang tulay

tungo sa isang bayang makatao
sa lipunang ang palakad ay wasto
sa bansang di sila inaabuso
sa sistemang patas at di magulo

sa ganyan, buhay ko'y nakalaan na
ang bigyang tinig ang kawawa't masa
hustisya'y kamtin at pakinggan sila
ang baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ay notbuk ng makatang gala    

Huwebes, Marso 21, 2024

Kapara mo'y isang tula

i.

kapara mo'y isang tula
na sa panitik ko'y mutya
ako'y tinanggap mong sadya
kahit dukha'y walang wala

sa puso ko'y ikaw lamang
ang laging pinaglalaban
diwa kitang tutulaan
tungong paglaya ng bayan

ii

ikaw ang aking tinta
sa buhay ko'y pag-asa
ako'y di na mag-isa
pagkat kita'y kasama

- gbj,03.21.2024
world poetry day

Tingnan ang dinaraanan

TINGNAN ANG DINARAANAN

tingnan ang dinaraanan
sa gubat ng kalunsuran
o lungsod sa kagubatan
baka may ahas na riyan

pag nakaapak ng tae
tiyak babaho na rine
ibig sabihin, salbahe
kang may kaibang mensahe

ingat, baka ka madulas
sa iyong paglabas-labas
saan mang gubat, may ahas
saan mang lungsod, may hudas

may kasabihan nga noon
dapat marunong lumingon
sa pinanggalingang iyon
may utang kang buhay doon

isang kasabihan pa rin
na dapat nating namnamin:
ang lumakad ng matulin
kung matinik ay malalim

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024 world poetry day

Alay sa World Poetry Day

ALAY SA WORLD POETRY DAY

matulain ang araw na kinakaharap
na puno ng awit sampu ng pinangarap
tila diwa'y nakalutang sa alapaap
bagamat tigib ng lumbay ang nasasagap

pinangarap ng makatang mundo'y masagip
sa unos ng luha't sa matang di masilip
laksang mga kataga'y di basta malirip
na mga talinghaga'y walang kahulilip

ipaglalaban ang makataong lipunan
nakakaumay man ang ganyang panawagan
subalit iyan ang adhikain sa bayan
pati tugma't sukat sa bawat panagimpan

sa mga manunula, ako'y nagpupugay
habang patuloy pa rin ditong nagninilay
lalo na't mga nakakathang tula'y tulay
sa pagitan ng madla't nagkaisang hanay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024

Bakit?

BAKIT?

bakit ba tuwang-tuwa silang ibukaka
sa mga dayuhan ang ating ekonomya?
bakit payag na gawing sandaang porsyento
na ariin ng dayuhan ang ating lupa?
kuryente, tubig, edukasyon, at masmidya?
bakit natutuwang iboto't makapasok?
yaong dayuhang mamumuhunan kapalit
ng lupaing Pinoy na mapasakanila?
bakit ba natutuwa silang pagtaksilan
ang mamamayan para sa dayong puhunan?
binoto ba nati'y wala nang karangalan?
bakit ba natutuwang ibenta ang bayan?
sa dayuhang kapital, ito'y kaliluhan!
tangi ko lang masasabi, tuloy ang laban!

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024 world poetry day

* litrato mula pahayagang Abante, 03.21.2024, p.3

Martes, Marso 19, 2024

Minsan, sa isang kainan

MINSAN, SA ISANG KAINAN

masarap ang lasa ng kinain
kahit di mo man iyon napansin
nabusog ako kahit patpatin
salamat sa pagkai't inumin

gayunman, ramdam ko ang ligaya
pag mutyang diwata ang kasama
na sa panitik ay aking musa
nang makatha ang nasang nobela

di naman ako isang bolero
na ang dila'y matamis na bao
ang pagsinta ko'y sadyang totoo
ay, baka naman langgamin tayo

sa pagkaing masarap nabusog
at ngayon ay nais kong matulog

- gregoriovbituinjr.
03.19.2024

Pag-ibig

PAG-IBIG

marami nang nagpatiwakal dahil sa pag-ibig
subalit sa ganitong kaso'y sino ang umusig
maraming nagkahiwalay matapos magkaniig
habang ang iba'y walang maipalamon sa bibig

binibigay ng lalaki ay tsokolate't rosas
na sa panahon daw ngayon ay talaga nang gasgas
dapat daw inihahandog na'y isang kabang bigas
na ipambubuhay sa magiging pamilya't bukas

subalit dalawang puso ang nagkaunawaan
di man bumigkas ng salita'y nagkaintindihan
mata sa mata, titig sa titig, nagkatitigan
habang si Kupido at Eros ay nakamasid lang

O, pag-ibig, ikaw nga ang sa mundo'y bumubuhay
nang itanim ang binhi hanggang tumubo ang palay
nang dahil sa iyo ay nagtangkang magpakamatay
buti't may isa pang pag-ibig na nagbigay-buhay

- gregoriovbituinjr.
03.19.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Tara sa rali sa a-Bente

TARA SA RALI SA A-BENTE

naghahanda na para sa rali
nang di tayo magsisi sa huli
dapat makibahagi't sumali
raling anti-ChaCha sa a-Bente

sa totoo lang, di ko mawari
na sandaang porsyentong mag-ari
ang dayuhan sa lupa ng lipi
kaya ang ChaCha'y tinutunggali

kung tatanghod ka na lamang dito
manonood, makikiusyoso
baka bulagain na lang tayo
lahat ng lupa'y ari ng dayo

ay, iskwater sa sariling bayan
ang porsyento'y magiging sandaan
ganito ba'y iyong papayagan?
o sumama ka't ating tutulan?

isa lang iyan sa isyu roon
pag binuksan na ang Konstitusyon
baka baguhin ang term extension
at nukleyar na'y payagan ngayon

sa a-Bente ng hapon tara na
sa Kongreso, tayo'y mangalsada
pagtutol ng masa'y ipakita't
isigaw: Ayaw namin sa ChaCha!

- gregoriovbituinjr.
03.19.2024

Lunes, Marso 18, 2024

Meryenda

MERYENDA

tubig at sky flakes ang meryenda
mula maghapong pangangalsada
kailangang may lakas tuwina
lalo na't nag-oorganisa ka

ng laban ng dukha't manggagawa
upang di ka laging nanghihina
di dapat gutom ang maglulupa
na adhikang baya'y guminhawa

tara munang magmeryenda rito
tubig man at sky flakes lang ito
libre kita, sagot mo ang kwento
habang sagot ko naman ay isyu

katulad ng isyung panlipunan
bakit ChaCha ay dapat tutulan
ChaCha iyan para sa iilan
di pangmasa kundi pandayuhan

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

"Ayoko sa sistemang bulok!" ~ Eugene V. Debs

"AYOKO SA SISTEMANG BULOK!" ~ EUGENE V. DEBS

"I am opposing a social order in which it is possible for one man who does absolutely nothing that is useful to amass a fortune of hundred of millions of dollars while millions of men and women who work all their lives secure barely enough for a wretched existence." ~ Eugene V. Debs, US Labor and Socialist Leader, Presidential Candidate, June 16, 1918

kaygandang sinabi ni Eugene V. Debs noon
na sa mga tulad ko'y isang inspirasyon
ayaw niya ng sistemang animo'y poon
ang isang tao na tangan ay milyon-milyong
dolyar habang milyong obrero'y hirap doon

habang pinapanginoon ang isang tao
dahil sa kanyang yaman at aring pribado
nagpapatuloy naman sa pagtatrabaho
ang milyong obrerong nagbabanat ng buto
upang pamilya'y buhayin sa mundong ito

inilarawan niya'y bulok na sistema
kung saan pinapanginoon ay burgesya
nais niyang lipunan ay sinabi niya
na lipunang walang panginoon talaga
walang poong maylupa at kapitalista

tulad ko, ang nais niya'y lipunang patas
na mga tao'y kumikilos ng parehas
walang mayaman, walang lamangan at hudas
walang pribadong pag-aari't balasubas
kundi pagpapakatao ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

* litrato mula sa google

Kay-ikli nitong tula

kay-ikli nitong tula
sa danas na kayhaba
kakaunting kataga
subalit masalita
sa mga isyu't paksa
ay tila kulang pa nga
laksa mang dusa't luha
ay di mo mahalata

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

Tugon sa tula ng kamakatang Glen Sales

TUGON SA TULA NG KAMAKATA

oo, tanda ko pa, kamakata
bata pa'y hilig nating tumula
sa gubat man ng panglaw at mangha
pag may tula'y di nangungulila

tula ng tula noon pang bata
na samutsari ang pinapaksa
balak, bulaklak, sinta, diwata
alay sa inang mahal na sadya

hanggang ngayong tayo'y tumatanda
pagtula nati'y sumasariwa
may umagos mang dugo at luha
tumutulang buong puso't diwa

salamat, kaibigang makata
kaharapin man ay dusa't sigwa
tula'y tulay sa langit at lupa
mabuhay ka at ang ating tula

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

Linggo, Marso 17, 2024

Wakasan ang OSAEC!

WAKASAN ANG OSAEC!

Nitong Pebrero 13, 2024 ay naglathala ng infographics ang Philippine Information Agency (PIA) hinggil sa Republic Act 11930, na kilala ring Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Naisabatas ito noong Hulyo 30, 2022, panahon na ni BBM subalit nakasulat sa batas ay si Pangulong Duterte. May kalakip itong pasubali: Approved: Lapsed into law on JUL 30 2022 without the signature of the President, in accordance with Article VI Section 27 (1) of the Constitution.

Matatagpuan ang nasabing batas sa kawing na: https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2022/ra_11930_2022.html at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, na umaabot ng 73 pahina at naka-pdf file, ay nasa kawing na:  https://www.doj.gov.ph/files/2023/ISSUANCES/RA%2011930%20IRR.pdf.

Sa infographics ng PIA, may apat itong kahon na may litrato at pagtalakay. Makikita ito sa kawing na: https://pia.gov.ph/infographics/2024/02/13/batas-laban-sa-digital-child-sexual-abuse.

Narito ang mga nakasulat:
Unang kahon - Mga dapat malaman ukol sa R.A.11930 
Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Chile Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Ikalawang kahon - Mga nakapaloob sa R.A.11930
- Koordinasyon sa internet service providers at telecommunications companies upang matanggal at mapigilan ang pagkalat ng CSAEM sa internet.
- Responsibilidad ng mga may-ari ng internet cafe, hotspots, at kiosks na ipabatid sa publiko ang mahigpit na ipinagbabawal ng R.A.11930 ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata online at offline.
- Tungkulin ng mga may-ari, nagpapaupa, sub-lessors, operators, at tagapangasiwa ng mga hotel, motel, residential homes, condominiums, dormitories, apartments, transient dwellings, at iba pa, na ipaalam sa NCC-OSAEC-CSAEM ang anumang pangyayari ng OSAEC sa kanilang lugar.
- Offenders Registry - pagkakaroon ng talaan ng child sexul offenders.
- Pangangalaga ng mga lokal at nasyonal na ahensya sa mga kabataang naging biktima ng sekswal na pang-aabuso.

Ikatlong kahon - (Depinisyon)
OSAEC
- Tumutukoy sa paggamit ng Information and Communications technology (ICT) sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa mga bata
- Kabilang dito ang mga sitwasyon kung saan bahagi ng offline na pang-aabuso at/o pananamantalang sekswal ay isinagawa online
- Saklaw nito ang produksyon, pagpapakalat, at pag-aari ng CSAEM mayroon man o walang pahintulot ng biktima

CSAEM
- Tumutukoy sa mga materyal na naglalarawan sa isang bata na kasali o nakikibahagi sa sekswal na aktibidad, maging tunay man ito o kunwari lamang
- Kasama rito ang mga materyal na nagpapakita sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa isang bata, naglalarawan sa bata bilang isang sekswal na bagay, o nagpapakita ng mga pribadong pag-ri ng katawan ng isang bata
- Ang mga materyal na ito ay maaaring ginawa offline o sa pamamagitan ng ICT

Ikaapat na kahon - Paano makakaiwas sa OSAEC?
- Huwag magbahagi ng personal na impormsyon, litrato, at video sa mga taong nakilala lamang sa internet.
- Para sa mga magulang, siguraduhing gabayan at i-monitor ang mga kausap at gawain ng inyong mga anak sa social media
- Kung maaari, panatilihing pribado lamang sa inyong pamilya at kaibigan ang mga litrato at video ng inyong mga anak.
- Ipagbigay-alam agad sa kinauukulan kung makaranas ng kahit anong paraan ng pang-aabuso.


Strengthen online safety of children with RA 11930 or the Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, or more commonly known as the Anti-OSAEC and CSAEM Act!

While the internet opens doors to possibilities, it also exposes children to dangers, including sexual abuse and exploitation. The Anti-OSAEC and CSAEM Act substantially reduces such danger by, among others, establishing the National Coordination Center against OSAEC and CSAEM, enhancing coordination and reporting mechanisms, and further firming up the duties and obligations of concerned actors, especially internet intermediaries.

Together, let's shape a safer digital world for our children!

Ang usaping ito'y ginawan ko ng tula bilang ambag sa pagtataguyod ng proteksyon sa mga bata:

WAKASAN ANG OSAEC!

halina't ang OSAEC ay ating labanan
na pag-abusong sekswal ang pinatungkulan
lalo sa online na biktima'y kabataan
ganitong krimen ay huwag nating hayaan

ay, iba na talaga ang panahon ngayon
may pag-abusong sekswal na gamit ang selpon
may pornograpiya o anupaman iyon
mga sexual maniac ay diyan nagugumon

kaya bantayan po natin ang mga anak
dapat kaligtasan nila'y ating matiyak
baka nang dahil diyan, sila'y mapahamak
makilala pa nila'y manloloko't manyak

kaya aralin natin ano ang OSAEC
paanong di mabiktima ng mga switik
paano iiwasan ang mga limatik
na baka sa iyong anak ay nasasabik

iwasan ang materyal na pornograpiya
at online na sekswal na pananamantala
dapat sa nagkasala'y matinding parusa
pagkat bata sa online ang binibiktima

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

* litratong silhouette mula sa google

Ipipinta sa mga salita

IPIPINTA SA MGA SALITA

ipipinta sa mga salita
at ilalarawan sa kataga
ang laksa-laksang isyu ng madla
patungo sa lipunang adhika

ngunit paano ba ilarawan
yaong mga konseptong pambayan
tulad ng hustisyang panlipunan
at mga karapatan ng tanan

ang makata'y mag-iimbestiga
minsan siya'y mamumulitika
upang mga detalye'y makuha
at pangyayari'y mabatid niya

saka niya iyon nanamnamin
kung kinakailangan, kudkurin
nakatagong laman ay katasin
at ang mga bagaso'y tanggalin

saka unti-unting isusulat
mga detalye'y isisiwalat
matamis, mapakla o makunat
ipababatid iyon sa lahat

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

Isang madaling araw

ISANG MADALING ARAW

bakit kaya di ko malirip
ang aking nasa't panaginip
bungang tulog na di maisip
sa madaling araw ng inip

bigla akong napamulagat
bumangon agad at nagmulat
pagkat binti'y namumulikat
namimitig hanggang balikat

tila baga ako'y kinuyog
ng sanlibo't isang bubuyog
buong katawan ko'y nabugbog
araw ko na ba'y papalubog?

nadama iyon ng sandali
kaya napangiwi ang labi
nais kong makatulog muli't
di managinip ng pighati

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

Sabado, Marso 16, 2024

Pangangalsada

PANGANGALSADA

ako'y maglulupa / at nangangalsada
nagtatanim-tanim / kausap ang masa
inaalam pati / ano ang problema
nang binhing ipunla'y / wasto sa kanila

ang gawaing masa'y / yakap na tungkulin
upang iparating / itong adhikain
dukha't manggagawa / ay organisahin
at nang sambayanan / ay mapakilos din

sa pangangalsada / ako'y nakatutok
adhika'y baguhin / ang sistemang bulok
misyong baligtarin / ang imbing tatsulok
upang mga dukha'y / mamuno sa tuktok

nangangalsada man / sa araw at gabi
tuloy ang pagbaka't / kaisa sa rali
isyu'y nilalantad / sa nakararami
sa laban ng masa'y / kasangga't kakampi

tibak na Spartan, / tangan ang prinsipyo
na naninindigan / sa sistemang wasto
asam ay lipunang / sadyang makatao
palakad ay patas / sa bayan at mundo 

- gregoriovbituinjr.
03.16.2024

China, 'di raw inaangkin ang buong WPS

CHINA, 'DI RAW INAANGKIN ANG BUONG WPS

Pinabulaanan ng Chinese Foreign Ministry na pag-aari ng kanilang bansa ang buong South China Sea at lahat ng karagatang nasa "dotted line" bilang kanilang teritoryo.

Ayon kay Wang Wenbin, spokesperson ng ahensya, hindi kailanman inihayag ng China na pag-aari nila ang buong South China Sea. ~ ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 16, 2024, pahina 2

aba'y nagsalita na ang Chinese Foreign Ministry
di raw inaangkin ng China ang West Philippine Sea
mismong si Wang Wenbin, spokesperson nito'y nagsabi
anya, "China never claimed that the whole of South China Sea
belongs to China," sana sa sinabi'y di magsisi

mga sinabi niya'y nairekord nga bang sadya?
upang di balewalain ang banggit na salita
gayong hinaharang papuntang ating isla pa nga
iba ang sinasabi sa kanilang ginagawa
huwag tayong palilinlang sa sanga-sangang dila

dapat lang ipaglaban ang sakop na karagatan
para sa ating mga mangingisda't mamamayan
balita iyong mabuting ating paniwalaan
kung di diversionary tactic at kabulaanan

- gregoriovbituinjr.
03.16.2024

Tarang maglakbay

TARANG MAGLAKBAY

ako'y naglalakbay / sa paroroonan
habang binabasa'y / libro sa aklatan
ginagalugad ko / ang mga lansangan
upang matagpuan / yaong karunungan

nagbakasakali / namang sa paglaon
ay matagpuan ko'y / yaman ng kahapon
di ginto't salapi, / pilak o medalyon
kundi rebolusyon / at pagberso noon

tara, tayo namang / dalawa'y maglakbay
tungo sa sakahang / puno pa ng palay
tungong karagatang / kayrami pang sigay
tungong himpapawid / na lawin ang pakay

O, ako diyata'y / isang manunula
isang manunulay / sa tulay ng tula
galugad ang loob / niring puso't diwa
sa mga panahong / tula'y di matudla

- gregoriovbituinjr.
03.16.2024

Biyernes, Marso 15, 2024

Nais kong kumatha ng tula

NAIS KONG KUMATHA NG TULA

nais kong kumatha ng tula
samutsari ang pinapaksa
kung saan ba tayo nagmula
bakit ba manggagawa'y dukha

liliparin ang alapaap
o kaya'y sasakyan ang ulap
paano natin malilingap
ang laksa-laksang mahihirap

bakit may basura sa daan
at maraming batang lansangan
ano bang dapat pag-usapan
bukod sa prinsipyo't lipunan

paninindigan at pag-ibig
habang diwata ang kaniig
ang pagsinta'y di padadaig
kahit sa sinong manlulupig

nais kong tula ay isulat
habang ako'y pinupulikat
ang aking pluma'y di maawat
habang paa'y sa lupa lapat

halina't itayo ang mundo
isang hardin ng paruparo
na pulos nektar ang produkto
sa digmang rosas na aktibo

- gregoriovbituinjr.
03.15.2024

Huwebes, Marso 14, 2024

P60 na ulam

P60 NA ULAM

sa panahon ngayon, presyo'y nagtaasan talaga
tulad ng presyo ng ulam na binili kanina
trenta pesos ang pritong isda, gayon din ang torta
habang sa bahay naman, ako'y nakapagsaing na

sa ibang lugar nga ay mura pa raw itong lubos
may order ng gulay na halaga'y singkwenta pesos
at may isda namang ang halaga'y sisenta pesos
habang ang isang order ng karne'y sitenta pesos

sa buhay na ito'y tipid, tiyaga't pagtitiis
kung walang tiyak na pera'y huwag magbuhay-burgis
minsan, ulam ko'y hilaw - bawang, sibuyas, kamatis
pampalusog na ay pampakinis pa raw ng kutis

subalit masaya na rin ako't may ganyang ulam
pagkakain, iinom ng tubig na maligamgam
mabuti't magkarne ay nakayanan kong iwasan
lalo't nagbuhay-begetaryan na at badyetaryan

- gregoriovbituinjr.
03.14.2024

Miyerkules, Marso 13, 2024

Sapat, Sapit, Sapot

SAPAT, SAPIT, SAPOT

maraming salitang isasagot
tulad ng SAPATSAPIT SAPOT
huwag ka lamang magbabantulot
kung katanungan ay di mo abot

buti't sa Ikasiyam Pababa
naroon ang tanong na nagbadya
kaya sinagot mong nakahanda
ang krosword ng buong puso't sigla

palaisipan ay sadyang ganyan
ang salita'y pinaglalaruan
maging handa ka lang sa anuman
pagkat hinahasa ang isipan

dumi ng gagamba'y SAPOT pala
nang sa sagot ay nakaSAPIT ka
bagamat di pa SAPAT ang saya
upang manglibre ka ng meryenda

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024    

Pagkamatulain

PAGKAMATULAIN

isyu't pangyayari'y sinasariwa
dinaraan sa pagitan ng mangha
habang mga isda'y nakatingala
sa langit na lubos ng talinghaga

may saloobin kahit karaniwan
may saya't lumbay sa nadaraanan
sariwain ang mga nakaraan
baka may talinghagang matuklasan

akyatin man ang matarik na bundok
at bandila'y ititirik sa tuktok
tatanganan ng makata ang gulok
at baka may talinghagang maarok

langit ay tinitigang parang tuod
at diwa'y sa laot nagpatianod
kabundukan ay talagang sinuyod
upang mailarawan sa taludtod

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Martes, Marso 12, 2024

Pagkatha

PAGKATHA

“Poetry lifts the veil from the hidden beauty of the world, and makes familiar objects be as if they were not familiar.” ~ ayon sa makatang Percy Bysshe Shelley

maraming paksang karaniwan
na binabalewala lamang
di pansin bakit naririyan
ang plastik na palutang-lutang

ano bang meron sa tinidor
kung wala ang ka-partner nito
anong wala sa forever more
sa Raven ni Edgar Allan Poe

anong meron sa bulsang butas
kundi gunita ng kahapon
bakit lagi kang lumalampas
sa bahay mong yari sa karton

bakit ka ba nakikibaka
dahil ba mayroong pangarap
na lipunan para sa masa
nang maibsan ang dusa't hirap

taasnoo tayong titindig
at haharapin ang panganib
tutulain ang nakabikig
upang guminhawa ang dibdib

- gregoriovbituinjr.
03.12.2024