Huwebes, Nobyembre 9, 2023

Muling nilay matapos ang lakad

MULING NILAY MATAPOS ANG LAKAD

naroon lang daw ako sa loob ng tula
na nakapiit sa saknong, sukat at tugma
ako ba'y laya na pag binasa ng madla
o sa kawalan pa rin ay nakatulala

ngunit naglakad kami mula kalunsuran
mula Maynila hanggang pusod ng Tacloban
at itinula ang mga nadaraanan
itinudla ang mga isyu't panawagan

nailarawan ba ang sangkaterbang luha
ng nangalunod at nakaligtas sa sigwa
dahil sa ngitngit ni Yolandang rumagasa
tula nga ba'y tulay tungo sa pag-unawa

ah, nakapanginginig ng mga kalamnan
ang samutsaring kwento't mga karanasan
masisingil pa ba ang bansang mayayaman
na sa nagbabagong klima'y may kagagawan

- gregoriovbituinjr.
Tacloban City, 11.09.2023

* Climate Walk 2023

Martes, Nobyembre 7, 2023

Pahinga muna, aking talampakan

PAHINGA MUNA, AKING TALAMPAKAN

pahinga muna, aking talampakan
at narating na natin ang Tacloban
nagpaltos man sa lakad na sambuwan
ay nagpatuloy pa rin sa lakaran

tuwing gabi lang tayo nagpahinga
lakad muli pagdating ng umaga
na kasama ang ibang mga paa
sa Climate Walkers, salamat talaga

- gregoriovbituinjr.
Tacloban City, 11.07.2023

* Climate Walk 2023

Linggo, Nobyembre 5, 2023

Mahalaga'y naririto pa tayo

MAHALAGA'Y NARIRITO PA TAYO

mahalaga'y naririto pa tayo
patuloy ang lakad kahit malayo
tahakin man ay kilo-kilometro
ngunit isa man ay di sumusuko

nagkapaltos man yaring mga paa
nagkalintog man yaring talampakan
nagkalipak man, mayroong pag-asa
tayong natatanaw sa bawat hakbang

ilang araw pa't ating mararating
ang pusod ng Tacloban, nang matatag
ang tuhod, paa, diwa't puso natin
na naglalakad nang buong pagliyag

- gregoriovbituinjr.
kinatha ng umaga ng 11.05.2023
Calbiga, Samar

* Climate Walk 2023 

Huwebes, Nobyembre 2, 2023

Tugon sa pagbigkas sa aking tula

TUGON SA PAGBIGKAS NG AKING TULA

maraming salamat, mga kaPAAtid
sa inyong pagbigkas ng tulang nalikha
upang sa marami'y ating ipabatid
isyung ito'y dapat pag-usapang sadya

huwag nang umabot sa one point five degrees
ang pag-iinit pa nitong ating mundo
kaya panawagan nating Climate Justice
nawa'y maunawa ng masa't gobyerno

mahaba-haba pa yaring lalandasin
maiaalay ko'y tapik sa balikat
ang binigkas ninyo'y tagos sa damdamin
tanging masasabi'y salamat, Salamat!

- gregoriovbituinjr.
11.02.2023

* ang pinagbatayang tula ay kinatha noong Oktubre 11, 2023 na may pamagat na "Pagninilay sa Climate Walk 2023"; binigkas isa-isa ng mga kaPAAtid sa Climate Walk ang bawat taludtod ng tula

* ang bidyo ng pagbigkas ng tula ay nasa pahina ng Greenpeace Southeast Asia, at makikita sa kawing na:https://fb.watch/omJl961Sel/