Sabado, Agosto 26, 2023

Ilog

ILOG

kailan tayo mauuntog?
upang alagaan ang ilog
at mga lugar pang kanugnog
pag araw na nati'y lumubog?

kailan pa magkukumahog?
upang alagaan ang ilog
pag tuhod na'y aalog-alog?
at mga kalamnan na'y lamog?

kahit ilog man ay di bantog
pangarap man ay di matayog
ito man lang ay maihandog
sa kinabukasan at irog

- gregoriovbituinjr.
08.26.2023

* alay na tula bilang tugon sa Right of Nature (RoN) page sa fb, sa inilabas nilang "Ang Ilog ay Buhay" na matatagpuan sa kawing na:

Biyernes, Agosto 25, 2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"


MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition, sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016.

Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa.

Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan ang bagoong Balayan.

Sa talata ng Batangas, ito ang nakasulat: Batangas adds adobong dilaw, bulalo, maliputo, sinigang na tulingan, and tawilis.

Sa talata ng Quezon ay ito naman: Quezon brings bagoong Balayan, barako coffee, lambanog, pansit habhab, patupad rice cake, paksiw na bituka ng kalabaw, hand-size oval tamales, and sinaing na tulingan.

Sa Batangas ay kilala rin ang barako coffee at sinaing na tulingan. Subalit hindi sa Quezon mula ang bagoong Balayan, kundi sa Balayan, Batangas.

Marahil, ininebenta rin ang produktong bagoong Balayan sa ilang bayan sa Quezon at patok ito roon. Kaya ipinagpalagay ng awtor na ang bagoong Balayan ay mula sa lalawigan ng Quezon, subalit kung nagsaliksik lamang siya, at marahil ang nag-edit ng kanyang aklat, makikitang mali ang entri na iyon sa aklat. Na ang bagoong Balayan pala ay produktong galing sa Balayan, Batangas.

Marahil sa Ikatlong Edisyon ng nasabing aklat ay maiwasto na ang maling entri.

Ginawan ko ng tula ang usaping ito:

KAMALIAN SA LIBRONG "FILIPINO FOOD"

sa aklat na Filipino Food ay may kamalian
mula raw sa Quezon province ang bagoong Balayan
mali po ito't dapat itama, batid ko iyan
pagkat ama ko'y Balayan, Batangas ang minulan

aklat itong nagbibigay ng maling impormasyon
sa mga batang baka nagbabasa nito ngayon
ano bang dapat gawin upang maitama iyon
sikat na Adarna House pa ang naglathala niyon

marahil nang minsang nagpa-Quezon ang manunulat
ay doon nga natikman ang bagoong na maalat
habang kumakain at nagsasaliksik ngang sukat
sa kwadernong dala'y agad niya iyong sinulat

subalit dapat nilaliman ang pananaliksik
lalo't sa impormasyon ang libro'y siksik at hitik
di napansin ng editor? o di na lang umimik?
aba, ito po'y iwasto nang walang tumpik-tumpik

08.25.2023

Huwebes, Agosto 24, 2023

Kalabasa't noodles

KALABASA'T NOODLES

pampatalas daw kasi ng mata
iyang kalabasa, sabi nila
naisip ipaghalong talaga
yaong noodles at ang kalabasa

sa kalabasa'y gumayat ako
ng mumunti lamang, kapiraso
nilagay ko muna sa kaldero
at pinakuluan ngang totoo

saka nilagay ang isang plastik
ng noodles, tila ba ako'y sabik
tinikman ko't kaysarap ng lintik!
parang sa sarap mata'y titirik

masyado namang paglalarawan
ay, tugon kasi sa kagutuman
talaga akong pinagpawisan
at nalamnan ang kalam ng tiyan

- gregoriovbituinjr.
08.24.2023

Linggo, Agosto 13, 2023

I-repeal ang Oil Deregulation Law! Oil Regulation Act, Isabatas!

I-REPEAL ANG OIL DEREGULATION LAW!
OIL REGULATION ACT, ISABATAS!

pagkukunwari lang ba ang lahat?
kunwa'y isip-isip ng paraan
laban sa patuloy na oil price hike

batas ang Oil Deregulation Law
kaya di mapigil ng gobyerno
ang pagsirit pataas ng presyo

liban kung batas na ito'y i-repeal
ang pagtaas ng presyo'y mapipigil
pati kapitalistang mapaniil

Oil Regulation Act na'y isabatas!
iyan ang talagang paraang patas
at sa masa'y masasabing parehas
negosyante man ay may maipintas

ang tanong: magagawa kaya nila?
kung tatamaan ang kapitalista
baka mawalan sila ng suporta
sa ambisyon nilang pampulitika

- gregoriovbituinjr.
08.13.2023

* tugon ng makatang gala sa editoryal ng pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2023

Sabado, Agosto 12, 2023

Parian

PARIAN

tanong: PALENGKE sa una, pahalang
buti't ang tugon dito'y natandaan
kaya ang sagot ko agad: PARIAN
tulad sa Calamba na isang lunan

marahil di PARI ang pinagmulan
na binebenta'y pawang pansimbahan
kundi mula sa salitang PARIYAN
tulad ng PARITO't PAROON iyan

lumang salita iyon sa PALENGKE
na ibinabalik pagkat may silbi
kung saan madla'y doon namimili
ng kailangan sa araw at gabi

madalas ngang PUMARIYAN ang masa
gagala, bibili ng nais nila
PUMAPAROON din ako tuwina
upang tumingin ng mga paninda

- gregoriovbituinjr.
08.12.2023

* parian - [Sinaunang Tagalog] - plasa o pook na ginagamit na pamilihan, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 939

Huwebes, Agosto 10, 2023

Imbes plastik na balutan, ibalik ang garapa!

IMBES PLASTIK NA BALUTAN, IBALIK ANG GARAPA!

madalas akong bumili ng bitaminang iyon
na nakalagay sa bote, ngunit wala na ngayon
at sasabihin ng tindera, "Walang istak niyon
eto na lang na nakabalot, at iyan ang meron!"

tadtad na ng basurang plastik ang kapaligiran
ginagawa ng kumpanya'y tila kabaligtaran
sa botika'y wala nang mga garapang lalagyan
pulos nakaplastik na ang bibilhin mong tuluyan

bukod sa magastos na't mas mahal ang binibili
bawat tableta'y sa plastik siniksik, anong paki
nga ba nila kung sa basurang plastik mahirati
ganitong puna sana'y huwag namang isantabi

anong gagawin kung kumpanya mismo ang may gawa
pinararami ang basura nilang nililikha
mabuti pang nasa bote ang bitaminang sadya
upang mabawasan ang basurang plastik na likha

mungkahi ko'y ibalik ang garapa sa botika
upang paglagyan ng tableta, lalo't bitamina
ikampanya natin nang mabawasan ang basura
imbes na plastik na balutan, ibalik ang garapa!

- gregoriovbituinjr.
08.10.2023

Huwebes, Agosto 3, 2023

Ang Wika ng Buwan sa Buwan ng Wika

ANG WIKA NG BUWAN SA BUWAN NG WIKA

nakatingala ako sa buwan nang magsalita
ito sa akin tungkol sa kanyang nasasadiwa
anya: "Agosto'y Buwan ng Kasaysayan at Wika
sa buwan bang ito'y anong inyong balak magawa?"

ang tugon ko: "Oo, Buwan ngayon ng kasaysayan
dahil buwan ito nang mag-alsa ang Katipunan
kasabay din nito'y Buwan ng Wika nitong bayan
pagpupugay kay Quezon sa kanyang kapanganakan"

anang Buwan: "sa paggunita'y pagbati sa madla
pagtuunan ninyo ang kasaysayan ng nitong bansa
subalit ang wika, paunlarin ninyo ang wika
nang sunod na salinlahi, historya'y maunawa"

anya pa: "wika ba'y bakya dahil gamit ng bayan?
habang nag-iingles ang trapo, burgesya't iilan?
hindi, hindi, ang wika ninyo'y dakila't uliran!
gamit ng ninuno nang tayo'y magkaunawaan"

"sariling wika'y gamit ng manggagawa't dalita
lalo na upang bakahin ang banyaga't kuhila
upang ang bayan sa mapagsamantala'y lumaya
kaya ang inyong wika'y paunlarin ninyong kusa"

tugon ko: "O, Buwan, maraming salamat sa payo
ang munting bilin ninyo'y sasabihin ko sa guro,
sa manggagawa, magsasaka, at iba pang dako
wikang bibigkis laban sa mapang-api't hunyango"

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023