Miyerkules, Mayo 31, 2023

Paglipad sa ere (Sa eroplano, Bidyo 2)

PAGLIPAD SA ERE
(SA EROPLANO, BIDYO 2)

anong lapad din ng runway ng paliparan
maya-maya lang, eroplano'y umandar na
pinagmasdan ko ang buong kapaligiran
pag-usad namin ay binidyuhang talaga

wow, natiyempuhan ko ang mismong paglipad
hanggang kalupaa'y lumiit sa paningin
sa tabi ng bintana'y naupong kaypalad
habang naririnig ang pagaspas ng hangin

iyon ang aking unang pagbidyo sa ere
nakabibingi ang katahimikan doon
bigla'y makaririnig na di ko masabi
baka sa hangin kaya nangyayari iyon

buti't hangin ay di gaanong nagngangalit
lalo't may balitang may parating na bagyo
at ninamnam ko na lamang ang bawat saglit
nakapagbidyo rin ng dalawang minuto

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/l0chDSp8Sd/

Paglalagay ng gamit (Sa eroplano, Bidyo 1)

PAGLALAGAY NG GAMIT
(SA EROPLANO, BIDYO 1)

noong makalampas na ang katanghalian
nakapasok na rin kami sa eroplano
animan ang upuan sa bawat hilera
habang nadarama sa puso'y pananabik

minasdan ko ang tanawin sa paliparan
buti't sa tabi ng bintana nakapwesto
tiyak, maya-maya lang kami'y lilipad na
kaya nakita sa kwaderno'y sinatitik

iginala ang mata sa kapaligiran
may naglalagay ng gamit ng pasahero
binidyuhan ang pagsalansan ng maleta
sa kumbeyor na sa ilalim isiniksik

ay, isang tagpo iyon ng pagtutulungan
upang bagahe'y mapag-ingatang totoo
marahil ay sapat-sapat ang sahod nila
nang pamilya nila'y di sa gutom tumitik

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/k-XRqJBcjl/ 

Pasalubong

PASALUBONG

alas-singko pa lang, kami'y nasa airport na
para sa flight ng alas-syete ng umaga
subalit anong tagal kong maghihintay pa
flight ay nalipat ng alas-dose y medya

nasa loob na't ayoko na ring lumabas
ramdam ko pa'y antok, minuto'y pinalipas
sa upuan nakatulog, dama ang puyat
ngunit gising ang diwa, di dapat malingat

maya-maya pa'y naglibot, nakakagutom
bumili ng makakain at pasalubong
ah, pantawid-gutom din ang biskwit na iyon
buti't may tubig akong nadala rin doon

ako'y pumasok na rin bandang alas-onse
dala kong tubig ay na-detect, at sinabi
ng gwardya, iwan ko raw ang tubig sa tabi
tubig ko'y ininom at iniwan ang bote

buti't may Jollibee, makakakain na rin
kaya di na lang biskwit, may ulam na't kanin
di dapat magutom, ito ang laging bilin
sa sarili't baka tiyan ay pilipitin

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

Pagtungo sa airport

PAGTUNGO SA AIRPORT

kay-agang gumising upang maglakbay na pauwi
nag-ayos, naligo, nagbihis, sadyang nagmadali
mabuting maagap upang pag-alala'y mapawi
pagkasabik ba o lungkot ang sa puso'y naghari

doon nga sa kwarto'y talaga akong tinawagan
alas-kwatro ng madaling araw, gising na naman
nasa hulatanan o lobby naghihintay ang van
upang sumundo sa amin patungong paliparan

tatlo kaming umalis na kasamang nagsidalo
sa tatlong araw na asembliyang ginanap dito
sa Mactan, Cebu, sa lalawigan ni Lapulapu
hinggil sa paksang hustisya't karapatang pantao

madaling araw yaong iskedyul naming nauna
kaya kagabi pa lang ay talagang kumain na
habang mamaya pa magsisialisan ang iba
na bago lumisan ay may almusal o meryenda

uuwi kaming dala ang nangyaring pag-uusap
upang dalhin sa kanya-kanyang lugar ang naganap
na sa paglaon itayo ang lipunang pangarap
na walang nagsasamantala at nagpapahirap

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* kuha ang bidyo ng madaling araw ng 05.31.2023
* may mapapanood na munting bidyo sa: https://fb.watch/kXnE2YUsA7/

Martes, Mayo 30, 2023

Danggit

DANGGIT

inalmusal ko'y danggit, kaysarap
ng pagkapritong aking nalasap
na para bang ako'y nangangarap

lalo't sikat nga ito sa Cebu
at ngayon ay nakarating dito
kaya hinanap itong totoo

pagtungo sa Cebu'y ikalawa
matapos ang Climate Walk ang una
siyam na taon ang lumipas na

sa airport lamang nagtungo roon
at pa-Maynila na kami noon
di man lamang nakapaglimayon

ngayon sa Cebu nakapagdanggit
sana sa asngal ay di sumabit
salamat sa sarap na kaylupit

- gregoriovbituinjr.
05.30.2023

* asngal - ngalangala
* ang makatang gala ay dumalo sa isang asembliya ng karapatang pantao sa Mactan, Cebu mula Mayo 28-30,2023

Lunes, Mayo 29, 2023

Bente pesos na bigas, trenta pesos na kanin

BENTE PESOS NA BIGAS, TRENTA PESOS NA KANIN

bente pesos na bigas / ang pangako sa atin
pangako sa eleksyon / ay di na ba kakamtin?
boladas lang ba iyon / na pang-uto sa atin?
habang trenta pesos na / ang isang tasang kanin

ito ba'y isang aral / sa dukhang mamamayan?
mga trapo'y nangako / sa turing na basahan?
upang manalo lamang / sa nangyaring halalan
nabulag sa pangako / ng trapo't mayayaman?

ay, ano nang nangyari? / nagpabola't nabola?
matagal nang pag-iral / ng trapong pulitika?
kung dati limangdaang / piso raw bawat isa
ngayon naman ay naging / libo na, totoo ba?

trenta pesos ang kanin, / bente pesos na bigas
ang pangako sa masa, / pangako ba ng hudas?
na sadyang ipinako? / kamay kaya'y maghugas?
masabunan pa kaya? / at sa puwet ipunas?

- gregoriovbituinjr.
05.29.2023

Linggo, Mayo 28, 2023

Ang mga awitin ng Sining Dilaab

ANG MGA AWITIN NG SINING DILAAB

ang mga awitin / ng Sining Dilaab
ay talagang dama / at talab na talab
sa puso't diwa ko'y / sadyang nagpaalab
awiting para bang / dyamante't dagitab

magpatuloy tayo / sa pakikibaka
para sa human rights, / para sa hustisya
maraming salamat / sa alay n'yong kanta
para sa obrero, / sa dukha, sa masa

taas-kamao pong / ako'y nagpupugay
sa Sining Dilaab / sa kantang kayhusay
tapik sa balikat / sa di mapalagay
tanging masasabi'y / mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* ang Sining Dilaab ay grupo ng mang-aawit na nakabase sa Cebu
* ang dilaab ay Cebuano sa liyab, lagablab    

Chorizo de Cebu

CHORIZO DE CEBU

inalmusal ko'y Chorizo de Cebu
pagkat ispesyal na putahe ito
kaya agad na ito'y tinikman ko
lalo't pangalwang beses ko lang dito

agad ngang nakahalina sa akin
ang pangalan pa lang nitong pagkain
soriso, ah, mukhang masarap man din
at piniling ito'y matikman ko rin

kinunan muna ito ng litrato
na nakasulat: Chorizo de Cebu
minsan lang kasing mapapunta rito
kaya aking ninamnam ang soriso

aba'y malasa kaysa karaniwan
at tamang-tama pa sa lalamunan
nadama kong nabusog din ang tiyan
pagkat anong sarap, talaga naman

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* sinulat ng makatang gala sa ikalawa niyang punta sa Cebu

Pagdatal sa Mactan

PAGDATAL SA MACTAN

at nakarating din sa Mactan tangan ang bagahe
buti'y di Japan na kailangan ng pasaporte
dadalo sa asembliya, dapat may masasabi
hinggil sa mga isyung ang dama'y di mapakali

narating ko na rin ang lupain ni Lapulapu
kung saan si Fernando Magallanes ay natalo
ito ang aking ikalawang pagpunta ng Cebu
una'y noong Climate Walk nang pauwi nang totoo

upang daluhan ang malaking asemliya roon
ng mga prinsipyadong karapatan yaong misyon
na pinag-uusapan ang isyung napapanahon
at panawagang hustisya ng namatayan noon

mga isyu ng mga nawalan ng katarungan
at usaping dapat pag-isipan at pag-usapan
na sistema'y babaguhin kung kinakailangan
at hustisyang panlipunan ay ipinaglalaban

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* litratong kuha ng makatang gala, 05.27.2023

Sabado, Mayo 27, 2023

Paalala sa kalinisan

PAALALA SA KALINISAN

madaling unawain kung uunawain nila
ang paalala sa mga sa opis bumisita:
"Huwag mag-iwan ng anumang uri ng basura,"
at saka, "dumi at kalat sa ating opisina"

magwalis
mag-imis
maglinis
mag-isis

kailangan pa talaga ng paalalang iyon
upang opisina'y iwanang malinis paglaon
habang nakikibaka't tinutupad yaong misyon
ang kalinisan din ng ginagalawan ay layon

- gregoriovbituinjr.
05.27.2023

Biyernes, Mayo 26, 2023

Ang kuting na ayaw pasusuhin

ANG KUTING NA AYAW PASUSUHIN

nakauna na ang ibang kapatid
pinalipat ang may batik na itim
palipat-lipat, di mapatid-patid
di na makasuso ang isang kuting

tila tulog na ang inahing pusa
o nakapikit lang habang abala
na pasusuhin ang mga anak nga
na agawan sa pagsuso talaga

inaalis ng kapatid ang ulo
ng isang kuting na di makadede
lumipat naman sa kabila ito
ganoon din, di pa rin makadede

ibang kapatid niya't anong kulit
na gustong ang makasuso'y sila lang
hanggang kanyang sarili'y ipinilit
ayaw rin niyang siya'y maisahan

sige, karapatan mo'y igiit mo
kapatid ka namang dapat dumede
ipagtagumpay mo rin ang pagsuso
kaysa magutom ka't mauhaw dine

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kMvUNFH10U/

Paggising sa umaga

PAGGISING SA UMAGA

paggising sa umaga'y nag-inat
inimis ang inunan kong aklat
kagabi'y umulan at mahamog
buti't tuhod ay di nangangatog
mumog, hilamos, handa'y almusal
barakong mainit at pandesal
karaniwang tagpo pagkagising
mag-eehersisyo, magdi-dyaging
ihahanda ang buong sarili
para sa gawain hanggang gabi
mangangalap ng mga balita
at isyu ng dukha't manggagawa
magsusulat ng mga sanaysay
sinong bibigyan ng pagpupugay
mga kuting ay kukumustahin
pakakainin, paiinumin
at maglalakad muli sa lubak
nanamnamin ang paksa sa utak
na isusulat agad sa papel
titipain naman sa kompyuter

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

Huwebes, Mayo 25, 2023

Ragasang tubig sa biglang pag-ulan

a
RAGASANG TUBIG SA BIGLANG PAG-ULAN

tumigil ako sa isang lansangan
kung saan tao'y may masisilungan
lalo't bigla ang pagbagsak ng ulan
nakisilong sa isang paaralan

magpapasa sana ako ng akda
sa isang manunulat na dakila
di na natuloy ang inaadhika
lampas-oras, baka siya na'y wala

oras nga'y pinagsikapang habulin
lalo na'y kayhaba ng lalakarin
biglang umulan, di na kakayanin
tila ba ako'y nasa isang bangin

pinagmasdan ko na lamang ang kanal
ragasa ang tubig tungong imburnal
walang payong kaya natitigagal
ako'y basang sisiw at nangangatal

- gregoriovbituinjr.
05.25.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kL85cDnujH/

Wrestling ng mga kuting

WRESTLING NG MGA KUTING

naglalaro muli ang mga kuting
animo sila'y mga nagre-wrestling
balibag dito at doon, ang galing
o baka naman nagla-loving-loving

sa galaw ng kanilang buntot pa lang
alam mong sila'y nagkakatuwaan
masaya lang silang naghaharutan
palibhasa'y mga bata pa naman

akala mo ba, kaya mo ako, ha?
aba'y sabi ng isa sa kanila
palakasan, sinong agad tutumba
sige nga, ang sagot naman ng isa

baka naman sila'y nag-eensayo
na pagbabalibag daw ba'y paano
baka raw may dagang malaki, naku
sa pagdepensa'y dapat nang matuto

nagkatuwaan ang mga alaga
habang sa kanila'y nakatunganga
sa panonood pa lang ay may tuwa
sa puso, bagamat di mo halata

- gregoriovbituinjr.
05.25.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kK-uulwtIh/

Miyerkules, Mayo 24, 2023

Ulan

ULAN

dinig ang nag-uumpugang hangin
habang tikatik ay lumalakas
naglalabanan sa papawirin
sa bawat nilang pagwawasiwas

habang ako'y naroong napatda
at nakatitig lang sa kawalan
hinihintay ang kanyang pagtila
upang makalusong na sa daan

aking diwata'y biglang tumawag
magkita kami sa ganyang pook
agad tumalima, lakad, sagsag
baha na, habang may inaarok

ay, sa mutya'y hindi makahindi
ang ulan naman ay titila rin
siyang tagapagdala ng binhi
na sinasabi'y dapat kong dinggin

- gregoriovbituinjr.
05.24.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kJTFjcu4dG/

Awit at gitara

AWIT AT GITARA

nais kong umawit, tumugtog ng gitara
kumatha ng tulang gagawin nating kanta
karaniwang pangarap ngunit naiiba
na pinapaksa'y pagbabago ng sistema

serbisyo ay huwag namang gawing negosyo
pasensya muna kung di maganda ang tono
ang mahalaga, inaawit ay totoo
awiting may malasakit sa kapwa tao

gigitarahin ko'y pangkaraniwang paksa
dapat bayarang tama ang lakas-paggawa
dapat may pampublikong pabahay sa dukha
i-regular, di kontraktwal, ang manggagawa

itayo natin ang makataong lipunan
gawing para sa tao ang bawat awitan
ang ating kalikasan ay pangalagaan
huwag negosyohin ang pagsilbi sa bayan

- gregoriovbituinjr.
05.24.2023

Bawal tumawid

BAWAL TUMAWID

paano ka tatawid sa daan
kung may tulay nga, kaylayo naman
nais mong kumabilang lansangan
subalit di maaari iyan

may nakalagay: Bawal Tumawid
aba'y maliwanag ang pabatid
at baka pagmultahin kang pilit
kung alam mo nang sala'y naggiit

tulay ay tiyagaing lakarin
kapara ng panliligaw mo rin
sa dilag na nais asawahin
hanggang oo niya'y iyong kamtin

tawirin mo ang daan ng buhay
na ang pakiramdam ay palagay
tumawid sa naririyang tulay
nang kabila'y marating mong tunay

- gregoriovbituinjr.
05.24.2023

Martes, Mayo 23, 2023

Kalamansi dyus

KALAMANSI DYUS

sampung pisong balot ng kalamansi
ang binili ko habang nililimi
ang kalusugan upang mairaos
kaya nagtimpla ng kalamansi dyus
hindi ko na nilagyan ng asukal
basta ininom lang nang magminindal
dahil nais kong lumakas talaga
nang sa sakit ay mayroong depensa
kalamansi dyus ay laging timplahin
bagamat hindi aaraw-arawin
pampalusog pa ito't pampalakas
nang sa mga sakit ay makaiwas
ah, salamat sa akin ay nagpayo
baka sakit ko'y tuluyang maglaho

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Patalastas ng LPG

PATALASTAS NG L.P.G.

maraming paskil ng binebentang L.P.G.
gawa ng tagapaskil nga'y pinagbubuti
kaliwa't kanan, ingat, huwag lang salisi
basta may pinto't geyt, paskil agad, ang sabi

tingni, iba't iba ang kumpanyang nagpaskil
sa pagpapaligsaha'y tila nanggigigil
liquified petroleum gas ba ang napipisil?
upang sa pagluluto'y wala nang hilahil?

ganyan ang kapitalismo at kumpetisyon
nais nilang ang katunggali ay malamon
habang kami'y paano makakain ngayon
magluluto upang pamilya'y di magutom

gas istob na three burner ang gamit na kalan
tangke ng L.P.G. basta walang kalawang
iyan ang gamit sa mas maraming tahanan
kahit dukhang nais ng buhay na maalwan

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Nilalarong buntot

NILALARONG BUNTOT

nilalaro ng kuting ang buntot ng ina
at ang ina'y ginalaw-galaw pang talaga
nililibang-libang niya ang anak niya
na kung panonoorin mo'y kasiya-siya

minsan lang makita ang ganyang paglalaro
binidyo ko nang larawan ay di maglaho
upang maibahagi ang ganitong tagpo
upang mapanood ninyo ang kuhang buo

isang buwang higit pa lang ang mga kuting
hayaan muna silang maglaro't maglambing
pagkatapos kumain sila'y nahihimbing
at pag nagutom lamang muling gumigising

panoorin natin ang nilalarong buntot
baka may aral silang dito mahuhugot
bilis ng pagdakma at bilis ng pagkalmot
baka nga gayon, di na ako nagbantulot

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kHVCTHk1_1/    

Lunes, Mayo 22, 2023

Yantok

YANTOK

binebenta ang matigas na yantok sa palengke
iniisip kong kahit dalawa nito'y bumili
at magpraktis muli ng arnis sa araw at gabi
pag-eensayo'y pampalakas ng katawan, sabi

sa istoryang Mulawin, gamit ito ng may bagwis
laban sa mga Ravena, gagamiting mabilis
kay Sangre Danaya na magaling naman sa arnis
sa Engkantadya, ang tawag nila rito'y balangis

arnis ay lokal na martial art o sining panlaban
na itinuturo sa pampublikong paaralan
kahit tanod ng barangay, ito'y pinag-aralan
bilang pandepensa sa mga gago at haragan

bagamat di ko naitanong magkano ang yantok
maganda nang mayroon nito, ang aking naarok
kung magkabiglaan, may kukunin kang nakasuksok
sa bahay upang makadepensa kung may pagsubok

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

Bilin ng inang pusa sa panganay

BILIN NG INANG PUSA SA PANGANAY

bilin ng inang pusa'y agad pinabatid
sa panganay, mahalagang mensahe'y hatid:
"Huwag mong pabayaan ang magkakapatid!
Huwag hayaang sila't kung saan mabulid!"

ang bilin ng ina'y talagang tinandaan
ng panganay upang kanyang pangalagaan
ang natitirang mga kuting sa bakuran
lalo na't madalas maglaro sa lansangan

(inang pusa'y umalis habang binibidyo
sa kanila raw bakit ako nag-usyoso)

sa akin bilang ikalawa sa panganay
sa apat pang batang kapatid ay nagbantay
hanggang sa tahanan ako na'y napawalay
upang tupdin ang ibang tungkulin ng husay

sa tao't sa pusa man, ang payo ng ina
ay sadyang para sa kabutihan talaga
payo ng ina'y bigyang pagpapahalaga
batid na tayo'y laging nasa puso niya

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kGAkzm01gT/

Ang tula

ANG TULA

"Poetry is not only what I do, it’s who I am." ~ Anonymous

nakagisnan ko't kinagiliwan
ang pagbabasa ng panitikan
lalo na ang mga kathang tula
na nanunuot sa puso't diwa
noon pa ay Florante at Laura
ngayon ay Orozman at Zafira
kay Batute'y Sa Dakong Silangan
Ang Mga Anak-Dalita'y nandyan
kay Shakespeare, mga likhang soneto
tulang Raven ni Edgar Allan Poe
tula'y di lang gawain kong tunay
kundi ako rin ang tula't tulay
sa mga alon ng karagatan
at mga luha ng kalumbayan

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

Linggo, Mayo 21, 2023

Pagdede ng dalawang kuting

PAGDEDE NG DALAWANG KUTING

nakaupo roon ang inahin
nang maabutan ng isang kuting
tila sa gatas ay gutom man din
kaya dumede na sa inahin

isang kuting pa'y biglang dumatal
na ano't tila ba humihingal
dumede rin siya, di nagtagal
habang ina'y tila natigagal

ganyan madalas ang buhay nila
pag walang huling daga ang ina
na sila'y padede-dede muna
sabagay, sila nama'y bata pa

mga kuting, kayo'y magpalakas
at sa ina'y uminom ng gatas
habang akin namang nawawatas
pag-ibig ng ina'y sadyang wagas

- gregoriovbituinjr.
05.21.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kFvN8wzsWV/    

Sabado, Mayo 20, 2023

Inadobong kangkong

INADOBONG KANGKONG

binili ko'y santaling kangkong, bente pesos
pag-uwi'y pinitas muna ang mga talbos
pinili yaong mga sangang maninipis
at akin itong ginayat ng maliliit

bawang at sibuyas ay ginisa ko muna
pati munting sanga ng kangkong ay sinama
nang sumarap ang amoy, saka inihalo
ang handang isang tasang tubig, suka't toyo

murang gulay, pampalakas pa ng katawan
bagamat niluluto lang paminsan-minsan
kanina'y pananghalian namin ni misis
mura man, basta sa gutom ay di magtiis

adobong kangkong, kaysarap na lutong bahay
buti't pagluluto'y akin ding napaghusay
nang makakain, nagpahinga na't nabusog
sa inulam naming talagang pampalusog

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kErMKW--Vj/

Si Mingming, anak ni Muning

SI MINGMING, ANAK NI MUNING

isa siya sa dalawang naunang anak
ni Muning, bukod sa anim pang bunsong anak
kaya nga walo na silang magkakapatid
na ilan ay di ko na makita, di batid

ang anim ay naging lima, ngayon na'y apat
ngunit sa tabi-tabi lang sila nagkalat
marahil 'yung iba'y may ibang natambayan
at doon nakahanap ng makakainan

ito namang si Mingming, may batik na itim
tambay lang sa tapat kahit gabing madilim
mas malaki na siya kaysa kanyang ina
isa sa bunso pa'y halos kamukha niya

maraming tula hinggil sa kanila'y pakay
at mailarawan din sila sa sanaysay
may litrato na, may bidyo pa, at may kwento
ano bang buhay nilang aking napagtanto

minsan, pag may ulam na isda't di naubos
pasalubong na ang ulo't balat ng bangus
buti't di nila kinakalmot ang tulad ko
baka gusto rin nilang haplusin sa ulo

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kEprdW5U6g/    

Biyernes, Mayo 19, 2023

Sa bawat pag-usad ng pluma

SA BAWAT PAG-USAD NG PLUMA

saan nga ba patungo ang bawat pag-usad
niring plumang mga kwento ng kapwa'y hangad
pagkalbo ba sa kabundukan ay pag-unlad?
pagmimina'y nakabuti nga ba sa lumad?

samutsari ang sangkaterbang mga isyu
nais pa ng ilan na magnukleyar tayo
aral ba ng Fukushima'y di nila tanto?
o bulsa lang nila'y patatabaing husto?

umunlad daw tayo habang kayraming dukha
umasenso raw ang bansa ng maralita
lakas-paggawa'y di pa mabayarang tama
ang krisis pa sa klima'y sadyang lumulubha

ginagalugad nila ang ibang planeta
kung tulad ng Daigdig mabubuhay sila
gayong sariling planeta'y sinisira pa
pulos digmaan, puno ng plastik, basura

nasaan na nga ba ang pagpapakatao?
at ang pakikipagkapwa nating totoo?
na habilin sa atin ng henyong Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim makukuro

plumang tangan sa ngayon ay nagpapatuloy
laging nagtatanong, problema'y tinutukoy:
bakit nagpapasasa ang iilang playboy?
habang nagdurusa ang kayraming palaboy?

- gregoriovbituinjr.
05.19.2023

Huwebes, Mayo 18, 2023

Pagkatha ng kwento't nobela

PAGKATHA NG KWENTO'T NOBELA

pinangarap kong maging isang nobelista
kaya sa maiikling kwento nag-umpisa
ang katha ng ibang awtor ay binabasa
upang mapaghusay ang pagkatha tuwina

ang maiikling kwento ko'y nailathala
sa pahayagang Taliba ng Maralita
na publikasyon ng isang samahang dukha
kaypalad ko't nilathala nila ang akda

itong nobela'y pinagtagpi-tagping kwento
unang kabanata, ikalawa, ikatlo
anong banghay, saang lugar, anong titulo
bakit walang isang bayani ang kwento ko

bayani'y kolektibo, walang isang bida
walang Superman, Batman, Lastikman, o Darna
kundi sa bawat kwento, bayani'y ang masa
sa mapang-api't mapagsamantala'y kontra

nawa unang nobela'y aking masimulan
upang nasasaloob ay may malabasan
bida'y obrero, magsasaka, kalikasan
mithi'y matayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
05.18.2023

* ang pahayagang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng
samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Miyerkules, Mayo 17, 2023

Sa unang buwan ng mga kuting

SA UNANG BUWAN NG MGA KUTING

isinilang sila Abril Disi-Siyete
sa aming tirahan na sila nagsilaki
naglalaro, kumakain, at tumatae
sambuwan na ngayong Mayo Disi-Siyete

nilabas ko na sila sa aming tahanan
at pinatira muna doon sa bakuran
(oo, sa bakuran lang, di sa basurahan)
nang bahay ay di mangamoy at malinisan

pinagmamasdan ko sila sa paglalaro
nakadarama ng saya nang walang luho
bagamat sila naman ay nagkakasundo
maganda kung magkakapatid silang buo

nawala ang isa, at lima na lang sila
kinuha ng kapitbahay, di na nakita
gayunpaman, pag sila'y lumaki-laki pa
nawawalang kapatid ay makita sana

kaya sa unang buwan nilang mga kuting
maligayang isang buwan ang bati namin
isda man ang handa, ang tangi naming hiling
mga dagang mapanira'y inyong sagpangin

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

Muslak pala ang salin ng naive

MUSLAK PALA ANG SALIN NG NAIVE 

ang kanyang katangian ay payak
kung umasta't mag-isip ay muslak
nakatayong uhay sa pinitak
na di dapat gumapang sa lusak

nakita ko rin ang wastong salin
ng NAIVE na dapat kong gamitin
na dagdag-kaalaman sa atin
at maganda nang palaganapin

noon, sa pagkaunawa ko lang
ang salin ko'y walang pakialam
kahulugan pala'y walang muwang
mabuti't salita'y natagpuan

ang MUSLAK pa'y inosente't musmos
salin itong gagamiting lubos
ngayon ako na'y makararaos
upang sinasalin ay matapos

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.803

Martes, Mayo 16, 2023

Pagtitig sa kalangitan

PAGTITIG SA KALANGITAN

nais ko pa ring pagmasdan ang kalangitan
pag gabi na'y ang mga bituin at buwan
ulap sa kanyang pag-usad pag araw naman
o kaya'y ang mga ibong nagliliparan

ah, nais kong abutin ang mga bituin
upang itirintas sa iniibig man din
o sa ulap isakay siya't liliparin
namin ang buong daigdig at lilibutin

kadalasang inaabangan ko ang gabi
nasaan kaya roon ang Alpha Centauri?
astronomiya'y aralin, nahan ang Milky
Way o Balatas, pati ang Tatlong Babae?

alin doon ang Super Nova o ang black hole?
mga bituin ba'y nagkakabuhol-buhol?
sa teleskopyo'y magkano ang magugugol?
upang sa langit ang panahon ko'y iukol

nasaan ang Pleiades na konstelasyon?
ng pitong bituin, saan nakaposisyon
yaong pitong babaeng anak ni Apolon?
sa gabi'y hanap ko rin pati ang Orion!

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Pagpapak sa ulo ng isda

PAGPAPAK SA ULO NG ISDA

binidyo ko iyon ngunit bakit nawala
na baka na-delete nang di ko sinasadya
pinapapak ng kuting ang ulo ng isda
na pag pinagmamasdan ko'y nakatutuwa

para bang sa isda siya'y gigil na gigil
baka talagang gutom na di mo mapigil
na pag naubos lang niya saka titigil
larawang iyon sa diwa'y umuukilkil

anong sarap din namang may alagang kuting
basta huwag lang sa bahay patitirahin
o kung sa bahay man, lagi mong lilinisin
ang tirahan nila nang di mangamoy man din

ibang kapatid niya'y aking napiktyuran
ang mga iyon ay may ibang kwento naman
ang kuting munang ito ang ating tulaan
sige lang, kuting, kumain ka muna riyan

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Nagsosolong langgam

NAGSOSOLONG LANGGAM

ang musika'y kaysarap pakinggan
di man magkandatuto ang langgam
sa paghanap ng masisilungan
walang kasama, tila iniwan

bihirang langgam ang nagsosolo
pagkat kilos nila'y kolektibo
anong nangyari sa isang ito?
sa sinta ba'y nabigong totoo?

"hanap ko ang sintang nawawala
kaya ngayon ako'y lumuluha";
"ang hanap ko'y kapwa manggagawa
upang magpatuloy sa paggawa"

nagkudeta raw laban sa reyna
na talagang nilabanan sila
at nawalay sa mga kasama
iba'y tumakas, iba'y patay na

mga bagong akdang masusulat
paksa'y langgam na puso'y may sugat
langgam na di batid saan buhat
kaya nawalay sa kanyang pangkat

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* kuha ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay, Pebrero 12, 2023
* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kyIdQKIpkY/

Linggo, Mayo 14, 2023

Sa inahing pusa ngayong Mother's Day

SA INAHING PUSA NGAYONG MOTHER'S DAY

ang Mother's Day ay di lang sa tao
pati sa inahing pusang ito
dati'y anim yaong anak nito
ngayon, lima na lang ang narito

isa'y kinuha ng kapitbahay
lima'y inaalagaang tunay
ina siyang laging mapagbantay
sa limang kuting nakasubaybay

naghahagilap lagi ng isda
para sa kanyang limang anak nga
wala pang sambuwan ang alaga
talagang mga sanggol pa't bata

alagaan mo silang mabuti
na sambuwan na sa Disi-Syete
pakakainin ko rin parati
ang limang alagang kuting dine

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

* may bidyo nito na mapapanood sa: https://fb.watch/kv_XKZYKWO/

Happy Mother's Day sa lahat ng nanay

HAPPY MOTHER'S DAY SA LAHAT NG NANAY

Happy Mother's Day sa lahat ng nanay
sa inyo'y taospusong pagpupugay
kayong sa amin nagpalaking tunay
kami'y binigyan ng mabuting gabay

dinala kami sa sinapupunan
sa loob ng singkad siyam na buwan
hanggang sa kami'y inyong isinilang
liwanag ng araw na'y nasilayan

binihisan n'yo kami't pinag-aral
at pinagluluto pa ng almusal
pinababaunan pa ng minindal
tiniyak lumaki kaming may dangal

pasalamat namin ay labis-labis
nariyan kayong di kami tiniis
hanggang mag-asawa kami't umalis
ay tiniyak kami'y di malilihis

gayunman, kung may nagawa mang sala
sa anumang parusa'y nakahanda
kapatawaran po'y hangad na sadya
huwag po lamang kaming isusumpa

silangan, kanluran, ilaya't hulo
kami'y pinatnubayan n'yong totoo
nawa'y manatiling malusog kayo
Happy Mother's Day pong muli sa inyo

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Happy Mother's Day po, Inay!

 

HAPPY MOTHER'S DAY PO, INAY!

Happy Mother's Day po, aking Inay
ikaw na sa akin ay gumabay
sa magkakapatid pumatnubay
O, Inay, mabuhay ka! MABUHAY!

maraming salamat po sa inyo
at napalaki akong totoo
sana'y magaling nang inhinyero
lalo't kinahiliga'y numero

subalit di naman nakatapos
dahil nagpasya akong kumilos
sa uri't bayan magsilbing lubos
tulad ng pagmamahal mong taos

wala akong materyal na handog
kundi pasalamat sa paghubog
upang maging matatag, di hambog
nawa, Inay, lagi kang malusog

iba man ang landas kong pinili
kumilos upang kamtin ang mithi
ang pagsinta mo'y nananatili
O, Inay, Happy Mother's Day muli

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Sabado, Mayo 13, 2023

Tahong

TAHONG

kaysarap naman ng kanyang tahong
na niluto, napakalinamnam
tagos sa puso, wala nang tanong
kung paano nilutong kay-inam

tiyak ako'y mabubusog muli
sa nilatag sa hapag-kainan
masarap na naman ang tanghali
at kami rito'y magkakainan

wala akong masabi sa luto
na tanging makakapagsalita
ay gutom na tiyang nasiphayo
at itong lalamunan at dila

salamat talaga sa tahong mo
sadyang malasa nang kinain ko

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Microplastics sa Metro Manila

MICROPLASTICS SA METRO MANILA

meron na raw microplastics sa hangin
sa Metro Manila, anong gagawin
batay iyan sa ginawang aralin
na di natin dapat balewalain

ang ganyang balita'y kahindik-hindik
ang buhay na natin ay patiwarik
napalibutan na ng microplastic
baka sa ating mata'y magpatirik

may dapat gawin, di lang ang gobyerno
dapat may partisipasyon ang tao
upang malutas ang problemang ito
di madamay ang anak mo't apo ko

ang dulot nito'y panganib talaga
lalo na sa mga nasa kalsada
nagwawalis, ang vendor, motorista
pasahero, nagtatrapik, ang masa

sinong problema kung tanunging bakit
suliranin muna'y lutasing pilit
isa ang facemask sa dapat magamit
nang di na lumala pa't magkasakit

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Ang mga kuting

ANG MGA KUTING

kaysarap masdan ng mga kuting
balahibo pa'y haplus-haplusin
hayaan muna silang maglaro
subukan kaya nilang maligo

subalit baka naman sipunin
at sila'y magalit lang sa akin
ah, hayaan na silang maglaro
at matutulog din pag nahapo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Biyernes, Mayo 12, 2023

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

anong meron sa ginisang sardinas
upang dapat nila itong mamalas
liban sa kamatis, bawang, sibuyas
may kaiba bang lasang makakatas

ay, karaniwang ulam lamang ito
walang espesyal sa pagkaluto ko
marahil, nais kitang makasalo
habang nagkukwentuhan naman tayo

ganito'y bihira sa karinderya
pagkat ito'y lutong bahay talaga
sa binagyo man madalas makita
ay hindi naman tayo nasalanta

ah, bakit binidyo pa ng abang makata
kung hindi naman espesyal ang gawa
ulam ba'y may patak ng dusa't luha
at pagkain lamang ng mga dukha

ay, wala akong ganyang sinasabi
nais ko lang makasalo ka rine
eto ang pinggan, tikman mo na ire
tiyak na mabubusog ka rin dine

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ktGFNHVanm/

Huwag abutin ng dose oras

HUWAG ABUTIN NG DOSE ORAS

naritong dilaw na bigas mais
ay hinalo ko sa puting bigas
niluto kagabing alas-sais
nang mainin ay medyo matigas

di gaanong masarap ang lasa
baka ako'y nababaguhan lang
purong bigas mais din ay iba
subalit dapat nating subukan

ito raw kasi ay pampalusog
at panlaban sa anumang sakit
masarap pa rin naman ang tulog
bagamat nagigising malimit

alas-siyete nang mag-almusal
parang di na maganda ang kanin
tila mamasa-masa na naman
ngunit sayang, akin ding kinain

napagtanto ko sa mais bigas
upang di mapanisang totoo
di paabutin ng dose oras
ang bigas mais na niluto ko

o kaya'y kainin na kaagad
huwag maraming saing sa gabi
dahil magdamag na mabababad
ang kaning baka mapanis dine

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

Nagkakalantugang yantok

NAGKAKALANTUGANG YANTOK

kaysarap masdan ng yantok na nagkakalantugan
na talagang dinisenyo sa kanilang bakuran
sa tindi ng ihip ng hangin ay nagsasayawan
tila baga sila'y nagta-chacha sa kakahuyan

o kaya naman ay may nag-eensayo ng arnis
dahil sa nagkalantugang yantok na maninipis
na kung pagmasdan mo'y talagang pinagbigkis-bigkis
na disenyo'y pantay, magkahilera, walang mintis

tunog din ay marakas sa nangangaroling noon
marahil para rin maitaboy ang mga ibon
dahil sa maraming tanim na halamang naroon
tulad ng bambanti o scarecrow na tawag doon

O, iyong damhin ang kaygandang indayog at himig
ng mga yantok na kalantog ay dinig na dinig
sabay sa ihip ng hangin at huni ng kuligkig
sa mga nerbyoso marahil ay nakatutulig

kaya nagkalantugang yantok ay aking binidyo
nang madama't mapakinggan mo rin ang mga ito
ramdam mo ang kapayapaan sa mundong magulo
at nanaising magpahinga sa katabing kubo

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* kinunan ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay nang minsang magawi roon, Pebrero 12, 2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ktiGxuVsB6/

Huwebes, Mayo 11, 2023

Alin ang mas mahal?

ALIN ANG MAS MAHAL?

alin ang mas mahal dito sa dalawa?
dami ba o bigat ang mas mahalaga?
itong kapeng 4-in-1 na 15 grams ba?
o ang kapeng 3-in-1 na 20 grams na?

mabigat na timbang o maraming laman?
binili ni misis, presyo'y di ko alam
20 grams ba na limang gramo ang lamang?
o ang 4-in-1 na mas lamang sa bilang?

ang 4-in-1, apat na klase ang meron
ngunit magaan kaya mas mura iyon
ang 3-in-1 ay tatlong klase man yaon
ay mas mabigat kaya mas mahal iyon

iyan ay teorya ko lang, di pa presyo
mabigat na timbang ang mas mahal dito
kung masasabi ni misis kung magkano
saka sabihing teorya ko'y totoo

buting ito'y batid upang sa susunod
ay alam na ang bibilhin pag sumahod
ang pag-usapan ito'y nakalulugod
lalo sa obrerong madalas ang kayod

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023