Biyernes, Marso 31, 2023

Magkarugtong din pala ang bituka't puso

MAGKARUGTONG DIN PALA ANG BITUKA'T PUSO

magkarugtong nga kaya ang bituka't puso?
kaya pag lagi raw busog ang sinusuyo
pag-ibig daw kailanma'y di maglalaho...

kaya ang magkasama'y di lang puso't isip
na karaniwang batid nati't nalilirip
kundi may mas malalim pang dapat mahagip

sa panliligaw pa lang, dapat nang mawatas
na di sapat magbigay ka ng tatlong rosas
kung wala ka raw namang pambili ng bigas!

nakakakilig marinig ngunit kaylalim
nakakagutom kung rosas lang ang masimsim
at baka magdulot pa ito ng panimdim

subalit kung may pasalubong na masarap
dalawang magkasuyo'y gaganahang ganap
magsasamang maluwat, di aandap-andap

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

* litrato mula sa google

Rinorea niccolifera

RINOREA NICCOLIFERA

Rinorea niccolifera, kaygandang itanim
pagkat halaman itong metal pala ang pagkain
salamat, kaalamang ito'y naibahagi rin
upang malutas naman ang maraming suliranin

lalo sa mga lupang kinalbo ng pagmimina
na dapat tamnan ng rinorea niccolifera
kung mamarapatin, sa pagtatanim ay sasama
ambag sa pagbuti ng kalikasang nasira na

ayon sa pananaliksik, ang matindi pa roon:
makikita lang ito sa ating bansa, sa Luzon
halamang nakakapag-alis ng nakalalason
na antas ng nickel sa lupain, kontaminasyon

mahalaga ang ganitong mga pananaliksik
baka lupang sinira ng mina'y mapanumbalik
sa gawaing ganito'y di dapat patumpik-tumpik
buti't may kasagutan na sa lupang humihibik

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

Mga pinaghalawan ng ulat at litrato:
https://www.facebook.com/EsquirePH/photos/a.241192562598048/6308385339212043/
https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/rinorea-niccolifera-metal-eating-plant-a00293-20230330?ref=home_aside_popular

Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa Rights of Nature ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa Dignity and Rights for ALL noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang Rights of Nature General Assembly (RoN GA) noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face. 

Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo.

Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahensya ng gobyerno na mungkahi ko'y maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng mga batas ng bansa na nakasulat kadalasan sa wikang Ingles. Dahil naloloko ang mga katutubo dahil lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Halimbawa ng dapat isalin ay ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) upang mas maunawaan pa ng mga katutubo, ang Safety Spaces Act para sa mga kababaihan, at ang UDHA (Urban Development and Housing Act) para sa mga maralita. Gumawa ng sariling salin ng UDHA noon ang KPML upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. 

Bukod sa mga batas na nauna na nating naipahayag sa isang artikulo, dapat pati mga IRR o  Implementing Rules and Regulations ng bawat batas ay isalin din sa wikang Filipino, pati na sa wika ng mga rehiyon, tulad ng Ilokano, Igorot, Kapampangan, Ilonggo, Cebuano, Meranao, at iba pa. At ang ahensyang opisyal na tagasalin dapat ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.  At  bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Isa pa, saan mang  pagtitipon, gaya ng RoN GA, ay hindi naman sa wikang Filipino nakasulat ang mga dokumento, kundi laging nasa Ingles. Ito kasi ang nakagisnan nating wika ng akademya, wika ng umano'y may pinag-aralan, ng elitista, ng makapangyarihan sa lipunan, habang ang wikang Filipino ang wika ng karaniwang tao, tulad ng maralita, manggagawa, mahihirap sa iskwater, atsay, pulubi, o marahil ay walang pinag-aralan. Paano pa ang mga katutubo na may sariling kultura at pinag-aralan, ngunit hindi wikang Ingles ang gamit kundi sariling wika? 

Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ibig sabihin, ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Simulan natin ito sa mismong hanay natin. Pagdating sa mga batas ng bansa, dapat ang KWF ang maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino. Habang sa mga POs (people’s organizations) at NGOs (non-government organizations), dapat pag-usapan din ang pagsasalin sa sariling wika ng mga dokumentong ating ipinababasa sa madla. Hindi lang sa wikang Filipino kundi sa wika rin ng mga rehiyon, na nabanggit na natin sa unahan. Paano ang mekanismo upang nagkakaisa tayo sa pagsasalin ng mga dokumento sa wikang nauunawaan ng mas higit na nakararami? Huwag nating hayaang ituring na bakya ang ating wika, ang wikang Filipino. Bagkus ay paunlarin pa natin ito, di lang sa pasalita kundi maging sa mga dokumento, kahit  thesis pa iyan sa pamantasan.

Maraming salamat sa katutubong Dumagat-Remontado na dumalo sa RoN at naihayag niya ang usaping wika. Dahil may batayan na ang tulad kong makata upang payabungin at itaguyod ang pagsasalin at pagsusulat sa sariling wika para sa at kagalingan ng higit na nakararami.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 14-15

Huwebes, Marso 30, 2023

Salinggogon

SALINGGOGON

kapara'y cherry blossom ng Japan ang salinggogon
na sa Masungi Georeserve makikita roon
aba'y Philippine native tree pala ang mga iyon
na huwag pabayaan kundi protektahan ngayon

sa Masungi at sa Upper Marikina Watershed
ito matatagpuan na may sayang ihahatid
di ito tutubo roon kung may mga balakid
tulad ng sabi'y development na unregulated

at mga gawaing ilegal na dapat labanan
mga lugar iyong nararapat maprotektahan
upang makinabang ang bayan at ang kalikasan
laban sa mapagsamantalang kupal at gahaman

wala pa sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ang salitang salinggogon nang agad tiningnan ko
sa susunod na edisyon sana'y isama ito
bilang malayang ambag sa ating salita rito

O, Salinggogon, ikaw ang cherry blossom ng bansa
na dapat naming ipagmalaki't di makawawa
dapat kang protektahan laban sa tuso, kuhila,
at kapitalistang pagtutubuan ka lang sadya

- gregoriovbituinjr.
03.30.2023

* ang unang litrato'y mula sa Philippine Star fb page, ang ikalawa'y mula sa Inquirer twitter, at ang ikatlo'y sa Masungi Georeserve fb page

Martes, Marso 28, 2023

Panagimpan

PANAGIMPAN

minsan dapat mo pang mapanaginipan ang paksa
na bigla na lang magigising ng madaling araw
upang isulat agad ang ibinulong ng mutya
hinggil sa usaping lalapatan mo ng pananaw

isusulat ito ng pasalaysay o pakwento
o kaya'y patula na kinagigiliwang gawin
babangon sa banig, kukunin ang pluma't kwaderno
ang paksa'y agad pagmumunihan at nanamnamin

ang bunga ba'y masarap o ang danas ay mapait
ang mangga ba'y manibalang o matamis ang duhat
hinog na ba ang sinigwelas, kasoy at kalumpit
mag-ingat sa talahib, baka matibo ang balat

madaling araw pa lang, araw ay di pa masilip
papikit-pikit sa gitna ng gaserang ilawan
patuloy lang sa pagkatha ng nasa panaginip
maya-maya'y matatapos din ang napagnilayan

- gregoriovbituinjr.
03.28.2023    

Biyernes, Marso 24, 2023

Panambitan

PANAMBITAN

dinggin n'yo yaring tinig, O, madla
na araw-gabi pintuho'y mutya
ng panitik upang makakatha
ng di mamatay-matay na tula

mula sa lunggang kinasadlakan
na animo'y yungib sa karimlan
liwanag ay nais kong mamasdan
pati bituin sa kalawakan

habang narito'y namimintuho
sa mga salitang anong layo
na di sana tuluyang maglaho
na pinagsisikapang mahango

mga katha'y nais kong ihandog
sa madlang nananahan sa nugnog
na lalawigang puno ng niyog
na talagang maalam umirog

may talinghaga bang matatanaw
bakit sa likod ko'y may balaraw
salitang asam sana'y lumitaw
sa landas na kayraming naligaw

- gregoriovbituinjr.
03.24.2023

Huwebes, Marso 23, 2023

Aliwalas

ALIWALAS

kay-aliwalas ng umaga pag iyong pagmasdan
anong ganda ng daigdig na ating kinagisnan
sadyang mapapahanga ka sa kanyang kagandahan
tila ba walang polusyon sa ating kalunsuran

kaya napapatula, wala man sa toreng garing
kundi lapat sa lupa kasama ng magigiting
na mga makakalikasang kay-agang gumising
na di payag mundo'y pagsamantalahan ng sakim

anong ganda ng umagang animo'y di babagyo
habang binabantayan ng haring araw ang mundo
habang climate emergency'y panawagang totoo
habang Rights of Nature ay pinag-uusapan dito

kay-aliwalas ng kalangitan, mapapatula
at kayganda rin ng daigdig, mapapatulala
kalikasan ay huwag nating hayaang masira
ng kaunlarang para sa iilan, di sa madla

- gregoriovbituinjr.
03.23.2023

* kinatha sa ikatlong araw ng pagdalo sa Rights of Nature General Assembly, Marso 21-23, 2023

Miyerkules, Marso 22, 2023

Sa narinig kong tumulang katutubo

SA NARINIG KONG TUMULANG KATUTUBO

nadama ko ang kaygandang tula
dini sa puso'y nakahihiwa
upang laban nila'y maunawa
sana'y marami pang ganyang katha

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

* ang tulang ito'y ibinahagi ko sa comment box at binasa ng moderator ng Rights of Nature General Assembly

Tarang mananghalian

TARANG MANANGHALIAN

mga 'igan, tarang / mananghali dine
kamatis, sardinas, / talbos ng kamote
pam-vegetarian daw, / ito yaong sabi
dama ko'y lumakas / at biglang lumiksi

pagkat pampalusog / ang ulam na gulay
kamatis at talbos / na nakadidighay
at humihinahon / sa maraming bagay
kaya nagagawa / ang taglay na pakay

maraming salamat / sa nalutong ulam
ininom na tubig / nama'y maligamgam
saluhan n'yo ako / sa hapagkainan
at damhin ang sarap / ng pananghalian

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Pahalagahan ang tubig

PAHALAGAHAN ANG TUBIG
(Marso 22 - World Water Day)

pinagsamang hydrogen at oxygen
ang karaniwang iniinom natin
at napuno rin ng tubig ang ating
katawan kaya tayo'y malakas din

kung walang tubig, saan patutungo
tiyak di tayo makakapaligo
at di rin tayo makakapagluto
baka wala tayo rito't naglaho

kaytindi ng oil spill sa Mindoro
saribuhay at tao'y apektado
karagatan ay nasirang totoo
may dapat talagang managot dito

di sagot ang proyektong Kaliwa Dam
para sa tubig ng Kamaynilaan
dahil mawawasak ang kabundukan
pati na lupang kanunu-nunuan

huwag gawing basurahan ang ilog,
sapa, lawa't katubigang kanugnog
dahil tubig ay búhay, umiinog
tubig ay buháy, sa atin ay handog

dinggin natin ang lagaslas ng tubig
damhin mo ang pagluha niya't tinig
palahaw niya't atin bang narinig
siya'y dinumhan, siya'y nabibikig

sa World Water Day ay ipanawagan
tubig ay dapat nating ipaglaban
huwag dumihan, huwag pagtapunan
at huwag gamitin sa kasakiman

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Madaling araw

MADALING ARAW

madalas akong nagigising ng madaling araw
pagkat musa ng panitik ang laging dumadalaw
at may paksang binubulong kundi man sinisigaw
sa kwaderno'y isusulat ang nasa balintataw

anong lamig ng panahon habang pabiling-biling
nang ikaapat ng madaling araw na'y gigising
animo yaong tinig ng musa'y tumataginting
kaya agad babangon mula sa pagkakahimbing

upang isulat ang masasalimuot na paksa
tulad nitong nakaambang demolisyon sa dukha
ang salot na kontraktwalisasyon sa manggagawa
ang dinanas na baha't luha matapos ang sigwa

anupa't ang madaling araw ko'y tigib ng buhay
pagkat kakathang may saya, libog, luha, o lumbay

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Lunes, Marso 20, 2023

Pagdalo sa Rights of Nature General Assembly

PAGDALO SA RIGHTS OF NATURE GENERAL ASSEMBLY

dadaluhan ko'y Rights of Nature General Assembly
nang mabatid ito'y di na ako nag-atubili
kinontak sila't ako'y talagang agad nagsabi
dahil kahalagahan ng isyu'y aking namuni

dalawa't kalahating araw itong talakayan
mga tagapagsalita'y pakikinggang mataman
lalo sa usaping karapatan ng kalikasan
na noon pa'y nadama ko nang dapat pag-usapan

ang mga ilog nga'y di lang bagay pagkat may buhay
dumihan mo ito't maraming isdang mamamatay
tulad ng Ilog Pasig na basura'y nahalukay
at wala nang mga isdang doon ay nabubuhay

ang karagatan ay tinadtad ng basurang plastik
na napagkakamalang pagkain at sumisiksik
sa tiyan ng lamang dagat at isdang matitinik
di ba't ang kalikasan ay marunong ding humibik?

nariyan din ang bundok tulad ng Sierra Madre
na may karapatang manatili sa ating tabi
sumasangga sa kaylakas na unos, nagsisilbi
sa atin bilang kalasag sa bagyong matitindi

tapunan ba ng upos ng yosi ang mga sapa
ang mga katubigan ba'y tapunan ng basura
kinalbo ang mga bundok dahil sa pagmimina
hanggang kapaligiran nito'y tuluyang nagdusa

kaya sa pagtanggap sa akin, maraming salamat 
makakadalo rito't sa iba'y makapagmulat
Rights of Nature ay karapatang dapat madalumat
upang kalikasan ay mapangalagaang sukat

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

* Ang Rights of Nature General Assembly (RoN) ay gaganapin mula Marso 21 hanggang 23, 2023. Pinangungunahan ito ng Global Alliance for the Rights of Nature (GARN), NASSA/Caritas Philippines, Philippine Misereor Partnership, Inc. (PMPI), at Rights of Nature PH

Sampiyad

SAMPIYAD

ang kahulugan pala ng sampiyad ay "pagpunta
sa isang lugar nang walang tiyak na layunin", ah
ayon sa Salit-Salitaan, diksyunaryong kilala
sa internet, taguyod ang ating wika sa masa

at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino naman
ay "lagalag" na nag-iisa nitong kahulugan
na kung susuriin, pareho ba o iba iyan?
pagtungo sa lugar, walang layon o katiyakan?

di ko masabi na minsan, ako'y isang sampiyad
dahil may adhikain ako saanman mapadpad
bagamat ako'y lagalag, laging palakad-lakad
kung saan-saan, habang isip ay lilipad-lipad

litrato'y tingnan, "for World Nomads" ang nasulat doon
na mga lagalag ang inilalarawan niyon
tumutungo sa lugar nang walang tiyak na layon?
o may sariling layon? di na natin sakop iyon

may lagalag tulad kong may layon dahil makata
na lumilipad man ang isip ay nakakatula
subalit di ako sampiyad na walang adhika
madalas mang tulala't sa langit nakatingala

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

sampiyad (pangngalan): Pagpunta sa isang lugar na walang tiyak na layunin, mula sa kwfdiksiyonaryo.ph
sampiyad (pang-uri): lagalag, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1094

Huwebes, Marso 16, 2023

Dahon ng sibuyas at kamatis

DAHON NG SIBUYAS AT KAMATIS

nagmura na ang isang tali ng sibuyas
kaya kamatis at dahon nito'y almusal
inulam ito sa kanin, di panghimagas
pampalakas, sa takbo'y di basta hihingal

ginayat kong malilit ang mga dahon
ng sibuyas, pati nag-iisang kamatis
bagamat nag-iisa lang sa bahay ngayon
nag-agahan ng masarap bago umalis

kaytagal ko nang iniwasan iyang karne
kaya madalas, ulam na'y isda at gulay
upang makapagpatuloy sa pagsisilbi
sa bayan, sa masa, kina nanay at tatay

payak na pamumuhay, puspusang pagbaka
di pansarili, layon ay pangkalahatan
iyan ang buhay ng makatang makamasa
nasa'y itayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.16.2023

Linggo, Marso 12, 2023

Para kanino nga ba ang pag-unlad?

PARA KANINO NGA BA ANG PAG-UNLAD?

"Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan"
- mula sa walang kamatayang awiting Masdan Mo Ang Kapaligiran ng bandang ASIN

patuloy ang kaunlaran ng ating kabihasnan
mga gusali't kondominyum ay nagtatayugan
mga bagong tulay na ginawa'y naghahabaan
habang pinapatag naman ang mga kabundukan

ginamit ang fossil fuel para raw sa pag-unlad
sangkaterbang coal plants pa ang itinayo't hinangad
kinalbong bundok at gubat ay talagang nalantad
habang buhay ng tao'y patuloy na sumasadsad

sinemento ang mga bakong lansangan sa lungsod
pati mga daan upang maging farm-to-market road
ang mga tiwangwang na lupa'y nilagyan ng bakod
bumundat ang kapitalistang nambarat sa sahod!

lumikha ng mga eroplano't barkong pandigma
nagpataasan ng ihi ang iba't ibang bansa
sinugod pa ng Rusya ang Ukraine, nakakabigla
sa isyung klima, Annex 1 countries ang nagpalala

di raw masama ang pag-unlad, lagi nilang sambit
kung di sisira sa kalikasan, dagdag ng awit
pag-unlad ba'y para kanino? tanong na malimit
para sa iilan? di kasama ang maliliit?

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

kaysarap magsulat sa lilim ng puno ng duhat
lalo't dinibdib ang kwento't paksang nadadalumat
tilad-tilarin ang usaping nakakapagmulat
natipong akda balang araw ay maisaaklat

nakakatula sa lilim ng puno ng kalumpit
napagninilay ang kalagayan ng mga paslit
nailalarawan ang buhay ng dukhang ginipit
ng mga imbi't tiwali na talagang kaylupit

may naaakda sa lilim ng puno ng apitong
bakasakaling may maibahagi sa pagsulong
ng bayan habang nasa gitna ng mga paglusong
upang mahuli ang alimangong pakitong-kitong

kaygandang kumatha sa lilim ng puno ng nara
kung bakit inaasam ang panlipunang hustisya
kung paano daw ba pagkakaisahin ang masa
upang matamo ang nasang tunay na demokrasya

nakakapagkwento sa lilim ng puno ng niyog
hinggil sa bayan-bayan at lalawigang kanugnog
paano ba ginagawa ang alak na lambanog
at anong pagkain ng diwa ang nakabubusog

kwentong kaligtasan sa lilim ng puno ng dita
nang dumaluyong ang Ondoy, buhay ay nangawala
iba'y nangunyapit sa dita't naligtas sa sigwa
kayraming lumuha ng buong bayan na'y binaha

naakda'y sanaysay sa lilim ng puno ng dapdap
kung paano ba kamtin ang asam nila't pangarap
kung paano ba isatitik ang mga hinagap
ano ang simuno't panaguri sa pangungusap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Ngiti

NGITI

kayganda ng umaga
animo'y sumisinta
may ngiti't anong saya
batid mong may pag-asa

sana'y ganyan palagi
nang makamit ang mithi
punong-puno ng ngiti
sa ating mga labi

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa pinta sa pader ng ZOTO DayCare Center sa Towerville, SFDM, Bulacan

Ina, anak, ama

INA, ANAK, AMA

noong bata pa'y akay ako nina ina't ama
upang maglakad-lakad at mamasyal sa Luneta
pinakain, pinaaral, at inaruga nila
sa ating paglaki, magulang ang gabay tuwina

ngayong matanda na sila'y ako namang aakay
hanggang huling sandali ng kanilang pamumuhay
anumang kailangan, basta mayroon, ibigay
tulad noong ako'y bata pa't sila ang patnubay

dahil inugit iyon ng tungkulin at pag-ibig
inalagaan kang mabuti't kinarga sa bisig
umunlad ang isip, narinig ang tinig mo't tindig
ang kinabukasan mo'y inihanda sa daigdig

inasikaso kang tunay mula ika'y isilang
hanggang lumaki ka na't magtapos sa pamantasan
nagtrabaho, sumahod, bukas ay pinag-ipunan
tatakbo ang panahon, sasapit ang katandaan

huwag kalimutan silang nag-aruga sa atin
anak man tayo ng bayan at di nila maangkin
pagpapakatao't kabutihan ang pairalin
ganyan ang siklo ng buhay kung pakakaisipin

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa google

Sabado, Marso 11, 2023

Tinik

TINIK

"Ang lumakad ng marahan, kung matinik ay mababaw. 
Ang lumakad ng matulin, kung matinik ay malalim."
~ salawikaing Pilipino

madalas, kapag tayo'y natinik
wala nang ingat, wala pang imik
nawala ang pagiging matinik
o maging listong kapara'y lintik

sa gubat ay dapat na mamalas
ang kasukalan mong nilalandas
mag-ingat ka sa tinik at ahas
baka may kasamang manghuhudas

tandaan mong doon sa masukal
na gubat, maglakad ng mabagal
at ingatan ding huwag mapigtal
ang tsinelas upang makatagal

dahan-dahan, matinik ang isda
baka bikig ang iyong mapala
may halamang matinik, madagta
tulad ng rosas sa minumutya

sakaling matinik ng malalim
yaong dugo'y agad na ampatin
katawan muna'y pagpahingahin
gamutin agad kung kakayanin

- gregoriovbituinjr.
03.11.2023

Biyernes, Marso 10, 2023

Sa pag-ugit ng kinabukasan

SA PAG-UGIT NG KINABUKASAN

mula sa pangangarap ng landas
ay inuugit natin ang bukas

kung nais kong maging manananggol
sa edukasyon ay gumugugol

kung nais ko namang maging doktor
pagsisikap ko ang siyang motor

kung nais kong medalya'y mabingwit
ay sadyang pagbubutihing pilit

kahit na nagtitimon ng bangka
anak man ako ng mangingisda

uugitin ang kinabukasan
tungong pinapangarap sa bayan

tutulungan ng mahal na nanay
at ni tatay na aking patnubay

ako ang uugit nitong buhay
at bukas ko hanggang magtagumpay

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Bunga

BUNGA

sadyang binabato ang punong namumunga
bakasakaling malaglag ito't makuha
upang may maipansalubong sa pamilya
lalo na't sila'y kakain ng sama-sama

binabato rin yaong mga mahuhusay
na sa bayan ay nakakatulong na tunay
pilit binabagsak, pababang tinatangay
subalit nagpapatuloy, di bumibigay

buti't namunga ang tinanim nang kaytagal
at nagbunga rin ang kanilang pagpapagal
ngunit pag nakita ito ng mga hangal
ay tiyak kukuhanin upang ikalakal

barya-barya ang bayad sa mga nagtanim,
naglinang, nagpalago, at nag-alaga rin
habang mura lamang sa kanilang bibilhin
ng nagnenegosyong isip ay tutubuin

iyan lang ba ang bunga ng pinagpaguran
ng mga magsasakang kaysisipag naman
nauto ng negosyanteng namumuhunan
sistema'y di makatao, bakit ba ganyan?

basta sa pera'y walang nagpapakatao
upang makapanlamang sa pagnenegosyo
dudurugin ng tuso ang karibal nito
nang sila'y manguna't makopo ang merkado

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Dahongpalay

DAHONGPALAY

"Saanmang gubat ay may ahas." ~ salawikaing Pilipino

"Kung ang isalubong sa iyong pagdating.
Ay masayang mukha’t may pakitang giliw,
Lalong pag-ingata’t kaaway na lihim,
Siyang isaisip na kakabakahin."
~ Taludtod 246 ng Florante at Laura

ngiti man yaong isalubong ni Konde Adolfo
kay Florante'y dapat siyang mag-ingat na totoo
silang magkaeskwela, na animo'y magkatoto
na kaeskwela rin ng magiting na si Menandro

may kasabihan ngang "saanmang gubat ay may ahas"
kaya dapat alisto sa tinatahak na landas
kahit sa magkatoto, minsan ay may naghuhudas
kaytagal mong kasama, ikaw pala'y idarahas

sa mga pananim gumagapang ang dahongpalay
di agad mapansin pagkat luntian din ang kulay
akala mo'y pananim ding naroroon sa uhay
nadama mong natuklaw ka pag ikaw na'y umaray

kung pinagpalit ka sa tatlumpung pirasong pilak
di siya katoto pagkat ikaw ay pinahamak
anong klaseng ninong iyan ng iyong mga anak
kung matagal na katoto'y sa likod nananaksak

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Kalikasan

KALIKASAN

huwag sirain ang kalikasan
huwag dumhan ang kapaligiran
nang bata pa't kabilin-bilinan
at tinuro pa sa paaralan

mauunawaan naman ito
dahil nasa sariling wika mo
ngunit kung wala sa puso't ulo
wala ring pakialam sa mundo

tapon na dito, tapon pa roon
basura dito, basura roon
sa ganito tao'y nagugumon
para bang sila'y mga patapon

mabuti pang maging magsasaka
na nag-aararo sa tuwina
upang may makakain ang masa
pag nag-ani ng palay at bunga

halina't damhin mo ang daigdig
ramdam mo rin ba ang kanyang pintig
sinumang manira't manligalig
sa kanya'y mausig at malupig

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Huwebes, Marso 9, 2023

Dahil di sumuko si misis

DAHIL DI SUMUKO SA MISIS

salamat kay misis sa lahat ng kanyang nagawa
kung wala siya'y wala sa aking mag-aaruga
noong ako'y nagkasakit, talagang putlang-putla
noong kaytindi ng covid at maraming nawala

dalawa kong pinsan at tiya'y namatay sa covid
sambuwan lang ang pagitan, luha'y muling nangilid
nang biyenan ko't hipag ay nawala rin sa covid
ngunit si misis, inasikaso ako sa silid

di siya sumuko sa kabila ng nangyayari
pati na pagkain namin, siya ang umintindi
samantalang ako'y may covid, parang walang silbi
nasa silid, walang labasan, doon nakapirmi

makalipas ang isang buwan, ako'y nagpahangin
di lumalayo, sa labas lang ng tahanan namin
habang si misis ang nag-aasikaso sa amin
pati na sa nagkasakit ding dalawang pamangkin

maraming salamat kay misis, di siya sumuko
at unti-unting lumakas, di kami iginupo
ng covid na yaong kayrami nang taong sinundo
salamat kay misis at buhay nami'y di naglaho

- gregoriovbituinjr.
03.09.2023

Martes, Marso 7, 2023

Alasuwas

ALASUWAS

nararamdaman na natin ang alasuwas
pagkat panahon ay di na maaliwalas
pabago-bago ang klima, di na parehas
ng dati, ramdam mo talagang nababanas

pinapawisan nga tayo sa sobrang init
ngunit grabe ang pawis, tayo'y nanlalagkit
tapos ay biglang uulan ng anong lupit
baha na sa lansangan ay biglang iinit

di ka makatulog pagkat klima na'y grabe
lalo't nadama ang alasuwas kagabi
sa nagbabagong klima'y ating masasabi
dapat manawagan ng climate emergency

pagkat di na karaniwan ang ganyang klima
biglang iinit, biglang uulan, ano na?
tayong naririto'y may magagawa pa ba?
klima'y nangangailangan din ng hustisya

coal at fossil fuel ang sanhing lumilitaw
kaya climate emergency na'y lumilinaw
di sapat ang sumigaw ng "Climate Justice Now!"
dapat na tayong magkaisa't magsigalaw

- gregoriovbituinjr.
03.07.2023

alasuwas - (1) napakainit na panahon; (2) bagay na maalinsangan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 30

Paano binibilang ang araw sa nakatakdang petsa?

PAANO BINIBILANG ANG ARAW SA NAKATAKDANG PETSA?
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam na araw ang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, mula Pebrero 15-23, 2023. Iyan ang nakasulat sa mga press release at tarpouline.

Sumama ako sa mahabang lakad na iyon mula General Nakar hanggang Malacañang, hanggang mag-uwian mula sa tinuluyan sa Paco noong Pebrero 24. Nang nasa tinuluyang covered court na kami sa Antipolo, nakita kong may inilabas ang ilang support group na tarpouline hinggil sa nasabing alay-lakad na ang petsa ay Pebrero 15-24, 2023. Marahil, tulad ko, ay may magtatanong, bakit iba ang petsa nila?

May ilang sumagi sa aking isipan. Baka dahil siyam na araw ang lakad na nagsimula ng Pebrero 15, idinagdag nila sa petsa 15 ang numero nuwebe, kaya 15 + 9 = 24. Kaya akala nila at pinagawa sa tarp ay Pebrero 15-24, 2023. Lumalabas na sampung araw ang lakaran.

Marahil naisip nilang di pa naman tapos sa Pebrero 23 ang Alay-Lakad dahil tumuloy pa kami sa Paco Catholic School hanggang Pebrero 24, na petsa naman na kami'y nag-uwian. Kaya nga may Welcome na nakasulat. Gayunman, maraming salamat sa kanilang pagsuporta sa laban ng mga katutubo.

Gayunman, pag binilang talaga natin, hindi nila isinama ang petsa 15 sa bilang kung siyam na araw talaga. Datapwat kung isinama nila ang petsa 15 sa siyam na araw, na ang 15 ang unang araw, papatak na 23 ang ikasiyam na araw. Subukan mo, bilangin mo sa daliri. (1) Feb 15; (2) Feb 16; (3) Feb 17; (4) Feb 18; (5) Feb 19; (6) Feb 20; (7) Feb 21; (8) Feb 22; (9) Feb 23; at pangsampung araw ang Feb 24.

Hindi ko isinulat ang sanaysay na ito upang manlibak o mamuna ng pagkakamali, kundi makagawa ng pormula sa matematika pag nakasalubong muli natin ang ganitong pangyayari.

Napaisip ako. Anong pormula sa matematika upang sa bilang ay naisasama nila ang unang araw, at hindi basta mina-maynus lang o ina-add lang ang bilang ng araw sa petsa? Tulad ng petsa 15 plus siyam na araw kaya naging 24. Na pag binilang mo sa daliri, mali. Dahil sa pormulang iyon ay hindi nila isinama ang unang araw. Paano kung mahabang lakaran na tulad ng sinamahan ko noong Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Ilang araw talaga iyon?

Balikan natin ang ating paksa:
Petsa 15 + 9 na araw = Petsa 24
Petsa 24 - 9 na araw = Petsa 15.

Sa pagtingin ko, pag nagbibilang ng araw sa isang nakatakdang bilang ng petsa, dapat ay ganito ang pormula:

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Feb 15 + (9 - 1) = C
Feb 15 + 8 = C
Feb 15 + 8 = Feb 23

Iyung minus 1 ay upang maisama ang unang araw. Kaya maaaring ganito rin ang formula.

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Feb 15 - 1) + 9 = C
Feb 14 + 9 = C
Feb 14 + 9 = Feb 23

Subukan naman natin ang pormulang ito sa siyam na araw na Lakad Laban sa Laiban Dam noong Nobyembre 4-12, 2009 na nilahukan ko rin noon.

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Nov 4 + (9 - 1) = C
Nov 4 + 8 = C
Nov 4 + 8 = Nov 12

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Nov 4 - 1) + 9 = C
Nov 3 + 9 = C
Nov 3 + 9 = Nov 12

Paano naman pag ginamit ang pormulang iyan sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Una, dahil dalawang magkaibang buwan ang nabanggit, paghiwalayin muna natin.

Formula 3: para sa Oktubre
(C - A) + 1 = B
(Okt 31 - Okt 2) + 1 = B
(31 - 2) + 1 = B
29 + 1 = 30 days

Formula 3: para sa Nobyembre
(C - A) + 1 = B
(Nov 8 - Nov 1) + 1 = B
(8 - 1) + 1 = B
7 + 1 = 8

30 days + 8 days = 38 days

Kaya 38 days ang nilakad naming Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban. Ang Nobyembre 8, 2014 ang unang anibersaryo ng superbagyong Yolanda.

Maraming salamat sa munting pagkakamaling iyon na nabanggit sa unahan ng sanaysay na ito, at nakaisip ako ng pormula na maaari ring pagnilayan ng iba. At nagawan ko pa ito ng tula.

HUWAG KALIMUTAN ANG UNANG ARAW SA BILANG

pagkakamali sa petsa'y napagnilayan
at nakagawa ng pormula sa sipnayan
o matematika kaya puso'y gumaan
at nagamit pa ang mga napag-aralan

mabuti't napuna ko ang pagkakamali
pinagnilayan ito't maiging sinuri
gamit ang sugkisan sa paglilimi-limi
pormula'y nagawa upang di magkamali

ang unang araw ay di dapat malimutan
tandaang laging kasama iyon sa bilang
bilangin man ng daliri'y nagtutugmaan
buti't nagawa'y pormula o panuntunan

nagawang pormula'y ambag na sa pagsulong
ng sipnayan, at nawa ito'y makatulong

sipnayan - matematika
sugkisan - geometry

Nakatitig sa lupa

NAKATITIG SA LUPA

nakatitig sa lupa
naglalabas ng luha
nagtatanggal ng muta
gumagana ang diwa

patuloy lang sa gawa
kahit na walang-wala
kamoteng inilaga
ang inagahang sadya

may naglalarong pusa
may asong nakawala
may batang gumagala
may nagwawalang siga

natapos na ang digma
sa isip ng makata
at ngayon naghahanda
sa parating na sigwa

- gregoriovbituinjr.
03.07.2023

Lunes, Marso 6, 2023

Salilig

SALILIG

paano kung utol ko ang biktimang si Salilig?
ang poot sa loob ko'y paano isasatinig?
paano kung ako ang kanyang amang naligalig?
na namatay siya sa hazing, sinong mauusig?

di ba't hinggil sa kapatiran iyang fraternity?
namatay o pinatay? nakakapanggalaiti!
pinalo sa inisasyon, likod ng hita'y gulpi?
di na kinaya, namatay, ito ba'y aksidente?

dalawang araw lang ang tanda ko sa frat na iyon
tulad ng mapagpalayang grupong kaedad ngayon
ang kapatiran ay pagiging kapatid mo roon
kaysakit kung utol o anak ko'y namatay doon

tiyak pamilya ni Salilig ay di mapalagay
nang ang biktima'y di umuwi sa kanilang bahay
sana'y magkaroon ng katarungan ang namatay
at makakuha ng saksi't ebidensyang matibay

"Itigil ang karahasan dulot ng fraternity"
na sa editoryal ng isang dyaryo'y sinasabi
may batas na laban sa hazing, ito ba'y may silbi?
bangkay pa'y tinago, buti't may lumutang na saksi

- gregoriovbituinjr.
03.02.2023

* litrato mula sa editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 5, 2023, p. 4

Linggo, Marso 5, 2023

Sa paglalakad


SA PAGLALAKAD

patuloy ang paglalakad ko't paglalakbay
di upang hanapin ang pagyaman sa buhay
sayang ang buhay ko kung iyan lang ang pakay
habang iba'y nagugutom at namamatay

kung sakaling sa lakbayin ay mapatigil
di dahil nagsawa na kayâ napahimpil
may dapat nang gawin laban sa mga sutil
na sa laksang mamamayan ay naniniil

saanmang wala ang panlipunang hustisya
asahan mong nandyan kami't nakikibaka
upang kalabanin ang mga palamara,
kuhila, mapangmata't mapagsamantala

lalo't winawasak nila ang kalikasan
sa ngalan ng tubo, luho, at kaunlaran
kung sinisira ang bundok at kagubatan
ng mga korporasyong tuso at gahaman

wasto lamang bakahin ang mapang-abuso
na pera't tutubuin lang ang nasa ulo
binabalewala ang katutubo't mundo
walang pakiramdam, di nagpapakatao

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Bukas

BUKAS

kinabukasan ang tinatanim
nang balang araw ay may makain
upang mawala ang paninimdim
upang buhay ay mapaunlad din

isang kaunlarang di wawasak
sa kalikasan, bayan, pinitak
sa ating kapwa'y di nanghahamak
ginagawa'y kung ano ang tumpak

pagpapakatao ang palasak
nakatira man sa abang amak
kahit may sugat na nagnanaknak
nakikipagkapwang buong galak

paghandaan ang bukas ng anak
huwag unahin ang yosi't laklak
magtanim, mag-ipon at mag-imbak
nasa lungsod man, bukid o lambak

pangarap ay sistemang parehas
pagkakapantay ang nilalandas
nabubuhay sa lipunang patas
patungo sa maginhawang bukas

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Sabado, Marso 4, 2023

Kay-agang lumitaw ng buwan

KAY-AGANG LUMITAW NG BUWAN

maaga pa lamang ay lumitaw na yaong buwan
tila nagsasabing ngayon ay di muna uulan
ikalima't kalahati ng hapon nang makunan
nitong selpon habang iba ang pinagninilayan

wala pang natanaw na bituin sa himpapawid
lalo na't maliwanag pa itong buong paligid
ang aking diwata kaya'y anong mensaheng hatid
habang naritong nakapiit pa sa aking silid

- gregoriovbituinjr.
03.04.2023

Bayas

BAYAS

bukambibig sa midya ang "walang kinikilingan"
walang pinoprotektahan, serbisyong totoo lang
ibig nilang sabihin, "bias" sa katotohanan
datapwat walang "bias" at walang pinapanigan

iba naman ang "bayas" na salitang Cordillera
sa Igorot ay alak na basi at kasalan pa
sa Bontok, ito'y dawak o sa kasalan ay pista
ang "bias" ng Ingles ay sintunog nito't karima

nasa Tagaytay ako'y nakita ang kalye Bayas
nang ang Daila Farm hanggang Olivares ay nilandas
ngalan ng kalye'y nilitratuhan ko't mababakas
sa aking mukha ang kasiyahang maaliwalas

bakit kaya "Bayas" ang ngalan ng nasabing kalye
hapon iyon, walang mapagtanungan, di na bale
nagsaliksik ako, at ang tangi kong masasabi
baka may kasalan lagi doon, alak ay basi

ngunit ito'y di sa Cordillera, nasa Tagaytay
baka di salitang Tagalog, sinong magsasaysay?
baka may mga Igorot pa ngang dito nabuhay
madalas ditong may kasal, basi ang tinatagay

- gregoriovbituinjr.
03.04.2023

bayas (Igorot) - 1. basi, 2. kasalan, 3. (Bontok) dawak, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p. 156
* dawak (Bontok) - pista ng kasal, p. 269
* litratong kuha ng makatang gala sa Lungsod ng Tagaytay

Biyernes, Marso 3, 2023

Pag-alala sa Buhay-Ilahas (World Wildlife Day)

PAG-ALALA SA BUHAY-ILAHAS

ikatlo ng Marso, World Wildlife Day, alalahanin
ang mga espesye at ilahas sa bayan atin
flora at fauna, halaman at hayop ay alamin
upang ang kaunlaran ay huwag itong sirain

pag patuloy ang mina't kinalbo ang kabundukan
ang mga ilahas ay mawawalan ng tahanan
tulad ng Sierra Madre na tatayuan ng dam
na sisira sa bundok, katubigan, kagubatan

ang stink badger o pantot, lokal na tawag doon
porcupine landak, pati tamaraw nating iyon
ang pangoline na kilala sa tawag na balintong
ang tarsier mago mawumag, pati dugong

ah, kayrami pang matutukoy na buhay-ilahas
huwag ipagkanulo sa kapitalismo't hudas
silang ang puso'y sa pera lang, di pumaparehas
nawa ang sistemang kapitalismo na'y magwakas

kaya ngayong World Wildlife Day, magsama-sama tayo
upang protektahan ang kalikasan at ang mundo
at huwag hayaang ang kaunlaran nilang gusto
ay wawasak sa daigdigan at tahanang ito

- gregoriovbituinjr.
03.03.2023
* ilahas - wild
* buhay-ilahas, buhay-ilang - wildlife
- sinaliksik sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 485

Maling clue sa puzzle

MALING CLUE SA PUZZLE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 24, 2023 pa ang puzzle na ito sa tabloid na Pilipino Star Ngayon, pahina 10, at ngayong Marso 3, 2023 ko lang nasagutan. Hindi ko ma-decipher noon nang una kong subukang sagutin ito batay sa inilatag na clue.

Ang panuntunan sa Quotes in the Puzzle ay ito: Buuin ang English quotation sa ibaba. Ang bawat numero sa kahon ay may katumbas na letra. Para matulungan kang mabuo ito, narito ang ilang clue: 3=M, 8=R, 17=Y.

Sinundan ko ang clue, nahirapan akong sagutan iyon. Hanggang sa iniligpit ko na ang dyaryo. Isang buwan din ang nakaraan, at muli kong nahalungkat ito kanina, at sinubukan muling sagutin. Hindi ko pa rin makuha ang sagot. Hanggang sa mapagtanto kong baka mali ang clue nilang ibinigay. Ah, inililigaw nila tayo sa kagubatan. Ingat, baka may leyon doong nakaabang at silain tayo.

Tinitigan ko ang ikasampung salita na may apostrophe o kudlit matapos ang ikatlong letra. Mukhang _ _ _'RE ito, at tiyak hindi _ _ _'LL. Hindi tumatama ang clue na R sa numero 8.

Kaya ang nangyari, hindi ko na sinunod ang clue. Baka nagkamali ang gumawa ng puzzle (o baka sinadya upang iligaw tayo o kaya'y pinaglalaruan ng mga kutong lupa). Kaya ginawa ko ang dati kong ginagawa. Hindi ko na pinansin ang ibinigay na clue, kundi sinubukan ang iba pang letrang maaaring sumakto. Nakuha rin. Ang tamang clue ay 3=A, 8=Y, 17=P.

Tingnan mo ang litrato ng puzzle. Tumama na ang sagot, at nabasa na natin kung ano ang quote ni Bill Murray: Whatever you do, always give one hundred percent, unless you're donating blood.

Anong aral mayroon sa karanasang ito? Huwag laging sundan ang ibinigay na clue, dahil minsan, iminamali ka nila upang hindi mo masagutan ang puzzle, upang maligaw ka ng landas, upang hindi ka magpatuloy sa pagresolba sa suliraning kinakaharap, kundi ang lumayo.

Tulad din sa buhay, maraming may karanasan na subalit sablay ang mga payo nila. Ang karanasan nila noon ay maaaring hindi na umubra sa panahon ngayon. Nagbabago ang panahon. Noon, pag wala kang telepono, tatawag ka sa tindahan, at magbabayad ka sa bawat tawag mo. Ngayon, may selpon ka na, hindi mo na kailangang pumunta ng tindahan upang tumawag. May chat na rin sa socmed.

Napaniwala nila tayo na iyon nga ang clue. Subalit sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ay napagtanto nating hindi iyon ang tamang clue. 

Nabigyan ka man ng maling clue, hindi iyon dahilan upang sumuko ka na lang. Hindi iyon dahilan upang hindi ka magpatuloy.

Huwag mong sundan ang kanilang clue, at baka inililigaw ka lang nila. Baligtarin mo kaya ang suot mong damit o kamiseta at baka paikot-ikot ka na lang diyan sa kasukalan ay wala kang napapala. Masukal ang kagubatan kung paanong masukal din ang kalooban ng lungsod.

Maghagilap ka ng sarili mong clue upang mahanap mo ang tamang kasagutan. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan upang hindi ka sumablay sa iyong pagtunton sa nararapat na kalutasan sa mga kinakaharap na suliranin.

MALING CLUE SA PUZZLE

mali ang clue sa palaisipan
anong letrang itatapat diyan
sa numerong nasasa kahunan
nang pangungusap ay mahulaan

nahirapan dahil mali ang clue
at nagpasyang huwag sundan ito
kundi sadyang hanaping totoo
ang letrang katumbas ng numero

ginawa'y kongkretong pagsusuri
sa kalagayang di dali-dali
natukoy ang sinabog na binhi
hanggang makamtan ang minimithi

kaya pangungusap ay nabuo
nagsuri't di nagmula sa buho
pag ginawa ng buong pagsuyo
ang sagot ay iyong mahuhulo

03.03.2023

Huwebes, Marso 2, 2023

Nakatitig muli sa langit

NAKATITIG MULI SA LANGIT

kung hindi man daw sa kisame
nakatitig muli sa langit
kanila iyang sinasabi
palad ko ba'y ganyan ginuhit?

nakatunganga sa kawalan
tila raw natuka ng ahas
ano kayang binabantayan?
may swerte kayang namamalas?

sarili'y dedepensahan ko
laban sa akusasyon nila
isipan ko'y nagtatrabaho
sa paksang para sa hustisya

langit ay pilit inaabot
ng kamay kong sanga ng puno
itatala nang di malimot
ang paksang di dapat maglaho

maya-maya lang itutula
ang anumang nadadalumat
madalas mang nakatulala
sa diwata kong kasapakat

oo, ang musa ng panitik
ang bumibigkis ng paksain
mamaya'y aking itititik
ang sa diwa ko'y uusalin

- gregoriovbituinjr.
03.02.2023

Miyerkules, Marso 1, 2023

Sardinas man ang ulam ko

SARDINAS MAN ANG ULAM KO

ulam ay dapat masarap
kahit dama'y naghihirap
maaabot ang pangarap
kung talagang magsisikap

pagsikapang mawala na
iyang bulok na sistema
pati pagsasamantala
at pang-aapi sa masa

kahit sardinas ang ulam
at tubig na maligamgam
aba, ito na'y mainam
upang gutom ay maparam

payak man ang pamumuhay
basta't payapa't palagay
mahalaga'y nabubuhay
nang di naaaping tunay

mahalaga'y may prinsipyo
at sa kapwa'y may respeto
laging nagpapakatao
sardinas man ang ulam ko

- gregoriovbituinjr.
03.01.2023