Martes, Enero 31, 2023

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

samutsari ang nakikita sa paligid
karetelang hila't babaeng tumatawid
ang nagliliparang ibon sa himpapawid
mensaherong may mga sobreng ihahatid

kagagaling ko lang noon sa isang rali
nang sa paglalakad ay may napagmumuni
nasa isip ang bayan imbes na sarili
kaya patuloy ang pagkilos araw-gabi

may isang metrong inilaan sa bangketa
upang ang tao'y may malakaran talaga
may sangmetro ring inilaan sa kalsada
para naman sa mga nagbibisikleta

nakapinta sa pader ay kaygandang mural
at sa pinanggalingan ko'y kayraming aral
pakikibakang masidhi't ano't kaytagal
dapat tanikala'y lagutin na ng punyal

kayraming paksa sa aking harap at likod
mga nagalugad ay may lungkot at lugod
may unat at baluktot, tuwid at pilantod
na nais kong ipinta sa mga taludtod

- gregoriovbituinjr.
01.31.2023

Miyerkules, Enero 25, 2023

Ang hanap

ANG HANAP

hinahanap ko kung saan ba may silbi sa bayan
sa kapwa dukha, uring manggagawa, mamamayan
ngunit di hanap ang pansariling kaligayahan
na kakain lang, tutulog lang, pulos pahinga lang

pagkat di ako tamad, anong sipag kong totoo
isang araw isang tula ay masaya na ako
tumangan ng bandera o plakard sa parlyamento
ng lansangan o magsulat ng pahayag sa isyu

di ko maisip bakit ang mata'y pinapupungay
kung saan matapos ang gawain ay laging tagay
mas nais ko pang sa aklatan o bukstor tumambay
bakasakaling may matututunang maging gabay

ah, napakapayak lamang ng aking hinahanap
na lipunang makatao'y maitayo nang ganap
mapuno man iyon ng mga sakripisyo't hirap
masaya nang makapagsilbing walang pagpapanggap

- gregoriovbituinjr.
01.25.2023

Martes, Enero 24, 2023

Alaga

ALAGA

nakatulog na ang aming alaga
na dalawang kuting at inang pusa
matapos nilang manghuli ng daga
at nabusog sa twalya'y nagsihiga

nakatitig lang akong di mainip
sa kanilang anong sarap ng idlip
ano kayang kanilang panaginip
o kaya'y ang mga nasasaisip

matutulog na rin ako't antok na
sa panaginip kaya'y magkikita
silang tanging bigay ko'y mga tira
aba'y babalitaan na lang kita

- gregoriovbituinjr.
01.24.2023

Linggo, Enero 22, 2023

Basurahan sa dyip

BASURAHAN SA DYIP

Zero Waste Month ngayong Enero
uy, may buwan palang ganito
nakakatuwa pagsakay ko
ng dyip sa madla'y may abiso

"Throw your trash here" ang nakasulat
uy, itapon mo raw ang kalat
sa basurahan doong sukat
abisong unawa ng lahat

ay, salamat sa mga tsuper
sa kalinisan, kayo'y eager
tungkulin din pala ng drayber
na kalikasa'y di ma-murder

- gregoriovbituinjr.
01.22.2023

Huwebes, Enero 19, 2023

Libo-libong hakbang man

LIBO-LIBONG HAKBANG MAN

kailangan ko bang lakarin ang sanlibong hakbang
upang umani ng kaing ng manggang manibalang
upang marating ang bundok at tagtuyot na parang
upang di maligaw sa pasikot-sikot na ilang

kahit libo-libong hakbang pa'y aking lalakarin
limampunglibo, sandaang libo, sang-angaw man din
kung tungong tagumpay ng nakasalang na usapin
kung iyan ang paraan upang kamtin ang mithiin

upang malutas lang ang mga sigalot at sigwa
lalakarin milyong hakbang man na may paniwala
mananaig tayo sa kabila ng dusa't luha
ang daan man patungo roon ay kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023

Kalikasan

KALIKASAN

lubhang matarik ang mga bangin
na dulot ng bawat kong panimdim
na ninais ko pa ring akyatin
huwag lamang abutin ng dilim

anong sarap damhin ng amihan
sa nilalakaran kong putikan
ngunit kalbo na ang kabundukan
wala nang hayop sa kagubatan

winawasak na ng pagmimina
ang katutubong lupain nila
kalikasa'y di na makahinga
sa kaytitinding usok sa planta

mga basura'y lulutang-lutang
sa matinding klima'y nadadarang
natutuyot na ang mga parang
nakatiwangwang ang lupang tigang

O, Kalikasan, anong ganda mo
ngunit sinisira ka ng tao
pinagtutubuan kang totoo
at kung gumanti ka'y todo-todo

Ikaw, Kalikasan, pag nagngitngit
ay ramdam namin ang pagngangalit
ulan ay kaytinding ilang saglit
lulubugin kaming anong lupit

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023

Martes, Enero 17, 2023

Ang larawan

ANG LARAWAN

animo'y painting ang larawan
nang makunan sa dapithapon
anong ganda ng paraluman
sa iwing puso'y naglimayon

para bang sadyang iginuhit
ng isang mapagpalang kamay
ang litratong kaakit-akit
sa mata kong tigib ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
01.17.2023

Paghahanap

PAGHAHANAP

nakatunganga lang sa kawalan
may dinadalumat na anuman
animo'y lawin sa kalawakan
kapag lumilipad ang isipan

may madadagit bang bagong paksa
tila baga laging nanghuhula
at naroroong nakatulala
hinihintay humupa ang sigwa

madalas ganyan ang pakiramdam
tila may usaping di maparam
kung bakit laging may pagkabalam
siya lamang ang nakakaalam

bakit ba mundo'y puno ng ganid?
baluktot pa ba'y maitutuwid?
bakit maging sa pagsulat umid?
ano bang dapat nating mabatid?

kayraming katanungan sa mundo
kung di masagot, nasisiphayo;
nang susing salita'y di mahango
ay unti-unti siyang naglaho

- gregoriovbituinjr.
01.17.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Rizal Park sa Maynila, 12.30.2022

Lunes, Enero 16, 2023

Tarang magtanim ng sibuyas

 

TARANG MAGTANIM NG SIBUYAS

buti pa'y magtanim ng sibuyas
kaysa bumili na lamang nito
baka ito na ang tamang landas
nang di hirap sa taas ng presyo

animo ang bulsa na'y nabutas
nandaya ba ang mangangalakal?
sibuyas na'y ginawang alahas
ang dating mura'y ano't nagmahal?

talagang nais ko nang magmura
ang sibuyas na nagpresyong ginto
paano malutas ang problema
upang di naman tayo manlumo

ah, mabuti pang tayo'y magtanim
ng sibuyas, di man magsasaka
upang malutas na ang panimdim
at baka ito na'y mapamura

- gregoriovbituinjr.
01.16.2023

Mag-iinang pusa

MAG-IINANG PUSA

masdan mo ang mag-iinang pusa
sarap na sarap sa tirang isda
na sa kanila'y biyayang sadya
mula sa isang mapagkalinga

hayop man sila'y parang tao rin
na naghahanap ng makakain
madalas pang sa iyo'y titingin
kung may pagkain para sa kuting

pusang galang tambay sa bakuran
mag-iinang walang hiwalayan
kumakain sila'y pinagmasdan
sa ganoong tagpo'y binidyuhan

- gregoriovbituinjr.
01.16.2023

* mapapanood ang bidyo sa:

Linggo, Enero 15, 2023

Nais ko nang umuwi

NAIS KO NANG UMUWI

nais ko nang umuwi sa bayan kong tinubuan
na kaytagal na panahon ding di ko nagigisnan
upang madalaw ang mga kapatid ko't magulang
kumustahin sila't kina ina'y magbigay-galang

kaytagal kong asam ang muli naming pagkikita
lalo ang pagpapalitang-kuro namin ni ama
kapwa retiradong empleyado sila ni ina
habang ako'y isang mapagpalayang aktibista

nahasa ako noon sa mga sermon ni inay
at sa pangaral ni itay na aking naging gabay
bilin nilang kung anong gusto ko'y magpakahusay
dahil ako ang pipili nitong ikabubuhay

pinili kong magpakahusay bilang manunulat
maging makata't sa maraming isyu'y nag-uulat
maging aktibistang sa mga api'y nagmumulat
nang lipunang makatao'y itayo nilang sukat

nais kong umuwi, tulad ni Rizal sa Calamba
tulad ni Bonifacio, na pinaslang ng kuhila
nais kong umuwing kasama'y manggagawa't dukha
nais ko nang umuwi sa kamay na mapagpala

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Pagmumuni

 

PAGMUMUNI

di ko hintay na magnaknak ang sugat ng salita
habang iniinda ang sariling galos at iwa
di ko hintay magdugo muna ang noo ko't diwa
upang mapiga't kumatas ang asam na kataga

di tahimik gayong ang hanap ko'y katahimikan
sa kapaligirang punong-puno ng sigalutan
di payapa gayong ang hanap ko'y kapayapaan
ng puso't diwang umaasam ng kaginhawahan

ninanais kong madalumat ang ibig sabihin
ng karanasan sa mga madawag na landasin
ng karahasan sa mundong ginagalawan natin
ng karaingan ng maraming naghihirap pa rin

anong kawastuhan sa gawang pagsasamantala?
upang bumundat pang lalo ang tiyan nila't bulsa
ang mga api ba'y may aasahang santo't bida?
gayong may magagawa kung sila'y magsama-sama

nadarama rin ba natin ang sugat ng daigdig?
dahil tila ba ito'y halos mawalan ng pintig?
sapat ba ang salita sa tula upang mang-usig?
o mga api'y magsikilos na't magkapitbisig?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Sabado, Enero 14, 2023

Si Muning

SI MUNING

tila siya di mapakali
at animo'y may sinasabi
ano raw gawa ko kagabi
habang may dilag na katabi

at ibinalik ko ang tanong
kumusta ang bigay kong labong
tila siya'y bubulong-bulong
buti pa ang isda at tutong

sa gayong punto ng usapan
ay agad nagkaunawaan
ibigay ko ang kahilingan
siya'y hahaplusin ko naman

kayganda ng mga pangarap
na bawat isa'y nililingap
patuloy lang tayong mag-usap
at nang magkatulungang ganap

- gregoriovbituinjr.
01.14.2023

Huwebes, Enero 12, 2023

Tara, mag-zero waste na

TARA, MAG-ZERO WASTE NA

zero waste month pala ang Enero
na nagpapaalalang totoo
lumalala ang lagay ng mundo
dahil sa kagagawan ng tao

tapon ng tapon dito at doon
kung saan-saan lang nagtatapon
anong dapat nating maging tugon
kung sa basura'y di makaahon

masdan ang daigdig at magnilay
magsuri tayo't magbulay-bulay
at ang maaksayang pamumuhay
ay dapat na ngang baguhing tunay

huwag hayaang pulos basura,
upos at plastik ay maglipana
mundo'y bahay mo't tahanan nila
kaya huwag hayaang dumhan pa

ecobag, di plastic bag, ang gamit
linisin palagi ang paligid
upang tayo'y di magkakasakit
zero waste ay dapat nating batid

simulan nating gawing panata
zero waste lifestyle ay isadiwa
gawin natin kahit tayo'y dukha
para sa bukas ng mundo't madla

- gregoriovbituinjr.
01.12.2023

Sabado, Enero 7, 2023

Kape


KAPE

maginaw na umaga'y
salubunging kayganda
at agad magtitimpla
nitong kape sa tasa

pagkakape na'y ritwal
bago pa mag-almusal
nang sa gawa'y tumagal
at di babagal-bagal

kailangang bumangon
kikilos pang maghapon
tarang magkape ngayon
bago gawin ang layon

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

Biyernes, Enero 6, 2023

Sa Luneta


SA LUNETA

tarang mamasyal sa Luneta
kahit na tayo'y walang pera
ang wika nga sa isang kanta
pambansang liwasan talaga

halina sa isang upuan
sa Rizal Park, dating tambayan
upang kita'y magkumustahan
kumain at magkakwentuhan

lalo't paligid ay kayhangin
habang may saliw na awitin
kayraming namamasyal man din
na Bagumbayan din sa atin

tara, doon tayo'y mamasyal
kung saan binitay si Rizal
upang pagkahapo'y matanggal
at damhin yaring pagmamahal

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta, Araw ni Rizal, 12.30.2022

Paglalakbay


PAGLALAKBAY

patuloy na naglalakbay yaring diwa
upang masalubong ang sintang diwata
nais kong ngumiti kahit lumuluha
magbakasakaling makita ang mutya

kinatha ko'y di man tirintas ng sugat
tumigis na dugo'y kaya pang maampat
pluma'y tangan habang dama'y inaalat
bawat hikbi't daing ay nagiging pilat

sa mga lansangan, basura'y umapaw
naglipana'y plastik, doo'y nilalangaw
at yaong pusali'y umaalingasaw
kaya kalikasan, ngayo'y namamanglaw

gagawin ko pa rin ang kinahiligan
yaong pakikinig ng mga kundiman
pagbasa ng tula, dula't kwentong bayan
habang naglalakbay pa rin sa kawalan

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

Huwebes, Enero 5, 2023

Sibuyas


SIBUYAS

tila baga alahas
ang presyo ng sibuyas
sino kayang nagbasbas
sa presyong lampas-lampas
talagang lumalabas
na di sila parehas
gaano ba katigas
iyang mukha ng hudas
ito ba'y bagong landas
sa lupang dinarahas
aba'y di ito patas
sa madlang dusa'y wagas
di ba nila nawatas
baka masa'y mag-aklas

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

* litrato't ulat mula sa Abante, 12.28.2022, p.2

Miyerkules, Enero 4, 2023

Puno sa lungsod

PUNO SA LUNGSOD

anong sarap ng simoy ng hangin sa lungsod
sapagkat may mga puno, nakalulugod
tila baga hinahaplos ang aking likod
ng palad ng mutya, nakakawalang pagod

kung pupunuin ng puno ang kalunsuran
ay bubuti ang lagay ng kapaligiran
animo'y walang polusyong mararamdaman
dama'y ginhawa sa gitna ng kainitan

O, pagmasdan ang maaliwalas na langit
dahil mapuno, katamtaman lang ang init
walang mga duming sa kutis dumidikit
dahil sa puno, katawa'y di nanlalagkit

isang araw iyong dama mo'y inspirasyon
kaya magtanim ng puno'y isa nang misyon
di man masilayang tumubo ito ngayon
ito'y para sa susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta noong Araw ni Rizal, 12.30.2022

Martes, Enero 3, 2023

Ugat

UGAT

di lang mula sa nagnaknak kong sugat namulaklak
ang mga tulang sa nagdugong puso'y nagsipatak
mas pa'y mula sa paglaban ng mga hinahamak
upang dignidad bilang tao'y kilalaning tiyak

kadalasang nag-ugat diyan yaring iwa't katha
na kung gumaling man ay balantukan pa ring sadya
bakit karapatan ay laging binabalewala?
habang may inaapi, sugat ay nananariwa

at pag narinig ko yaong mga impit at hibik
ng pinagsasamantalahan ng kuhila't lintik
ay agad sasaklolo gamit ang angking panitik
upang ilantad ang kanilang sugat na dinikdik

sa katampalasanan karaniwang nag-uugat
kaya nakakakatha't layon ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Nilay

NILAY

napagbulay-bulay
ang maraming bagay
habang nagninilay
ay di mapalagay

dinamdam ang lumbay
ng walang karamay
dinaan sa tagay
at mata'y pumungay

wika'y malumanay
nang biglang dumighay
pilapil, binaybay
tinawid ang tulay

walang nakasabay
nang malangong tunay
naghikab, humimlay
sa daan lupasay

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Lunes, Enero 2, 2023

Ligaw na Bala, New Year 2023

LIGAW NA BALA, NEW YEAR 2023

may natamaan muli ng ligaw na bala
ngayong New Year ay may mga bagong biktima
para bang kating-kati ang daliri nila
na kumalabit ng gatilyo't sayang-saya

sinabayan ang putukan ng Bagong Taon
upang mamaril sinuman ang mga iyon
sila kaya'y sino, mayayabang bang maton?
na naglalaway, animo'y gutom na leyon!

minsan, nakakapanginig ang mga ulat
kung batid mong may batang natamaang sukat
noon at ngayon, di ka pa ba mamumulat
kayraming napatay, ang iba'y nagkasugat

kailan ba kulturang ito'y mapipigil?
pag mahal sa buhay na nila ang nakitil?
ng mga ligaw na balang talagang taksil
na kagagawan ng mga palalo't sutil

hustisya sa natamaan ng stray bullet
na di na magmumulat, permanenteng pikit
lalo na't ang mga natamaan pa'y paslit
na yaong buhay ay kay-agang kinalawit

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023

* May ulat mula sa:
GMA News Online: Stray bullets injue two people in Abra New Year revelry
Manila Bulletin: Woman wounded by stray bullet in Iloilo City
Phil News Agency: 2 indiscriminate firing incidents 'mar' New Year revelries
The Star: 13-year old boy from Maramag, Bukidnon was wounded by a stray bullet on Christmas Eve    

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

may nagbago ba sa Bagong Taon
o petsa lang ang nabago roon
na kung dati'y nasa barungbarong
ay nakatira ka na sa mansyon

kung naturingan kang hampaslupa
kaya ka palaging tinutuya
ngayon ika'y nagkakawanggawa
at tumutulong sa maralita

kung dati'y manggagawang kontraktwal
ngayon ay obrero kang regular
kung dati sa lakad napapagal
ngayon may awtong pinaaandar

kung dati, Bagong Taon mo'y tuyo
na umaasa lang sa pangako
ng mga pulitikong hunyango
ngayon, sa hirap mo na'y nahango

kung dati, sa isyu'y walang alam
ngayon, nais mo nang pag-usapan
kung walang paki sa kalikasan
ngayon ito'y inaalagaan

kung sa iyo'y may nagsamantala
ay dahil luma pa ang sistema
ang nagbago lang naman ay petsa
kaya tuloy ang pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023

Linggo, Enero 1, 2023

Sa pagsalubong sa Bagong Taon

SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON

7 X 289 = 2023
17 X 119 = 2023

ngayong Bagong Taon ay magnilay
ano na ang susunod na pakay
paano susundin ang patnubay
upang umayos ang pamumuhay

panghawakan pa rin ang prinsipyo
patungo sa pangarap sa mundo
na mahalagang kamting totoo
itayo'y lipunang makatao

sana'y walang mga naputukan
sa mga kamay o natamaan
ng ligaw na bala, ah, na naman?
na sanhi ng biglang kamatayan

bati ko'y Manigong Bagong Taon
patuloy tayo sa ating misyon
kung saan man tayo pumaroon
ay maging matagumpay sa layon

- gregoriovbituinjr.
01.01.2023