Linggo, Hulyo 31, 2022

Upos sa paso

UPOS SA PASO

sa palengke'y nagtungo ni misis
nabili'y isang tumpok na isda
okra, itlog, sangkilong kamatis
nang may makitang ikinabigla

ang paso'y ginawang basurahan!
halamanang nilagyan ng upos
matapos magyosi'y gayon lamang
matapos sa hitit nakaraos

tanong ko lang, upos ba'y pataba?
o di mabulok tulad ng plastik?
gawain itong kahiya-hiya
na upos sa paso pinipitik

basura'y saan wastong ilagak?
ay, di mapalagay yaring isip
tila ba sugat ko'y nag-aantak
kalikasa'y paano masagip?

- gregoriovbituinjr.
07.31.2022

Martes, Hulyo 26, 2022

Kepler 186f


KEPLER 186F

may nakitang planetang kapara raw ng daigdig
anang mga astronomo sa kanilang saliksik
natagpuan ang planetang Kepler, mayroong tubig
na marahil may nabubuhay ding ating kawangis

"There is no planet B!" sigaw ng mga aktibista
walang makapapalit sa mundong nilakhan nila
kayâ kung may natagpuang mundong sa atin gaya 
dapat pang suriin kung may nabubuhay talaga

bakit mundo'y sinisira't naghahanap ng bago
pinabilis ang pagbabago ng klima ng mundo
pulos coal plant, pagmimina, bundok ay kinakalbo
kalsada't dagat ay pinagtatapunang totoo

ngayong may panibagong planeta silang nahanap
bubuo ba tayo roon ng lipunang pangarap?
o kaya'y sistemang walang mayaman at mahirap?
o alagaan ang tanging mundo't tahanang ganap?

- gregoriovbituinjr.
07.26.2022

Martes, Hulyo 19, 2022

Ipipinta ko

IPIPINTA KO

kung tutularan ko si Da Vinci
aking gagawing kawili-wili
ang mga tula kong hinahabi
upang ihandog sa kinakasi

kung tutulara'y si Van Gogh naman
ilalarawan ko ang lipunan
ng laksang dukha't mayamang ilan
patungo sa pagbabagong asam

ako'y ipinanganak ni Inay
nang si Marcel Duchamp ay namatay
pintor siyang kaygaling ng kamay
Oktubre Dos, kami'y nagkasabay
siya'y nawala, ako'y nabuhay

aking ipipinta sa salita
ang asam ng uring manggagawa
aking ipipinta sa kataga
ang kalikasan, gubat at sigwa

ipipinta'y adhika't pangarap
pawis at amoy na nalalanghap
ipipinta sa kapwa mahirap
ang ginhawang dapat nalalasap

- gregoriovbituinjr.
07.19.2022

Lunes, Hulyo 18, 2022

Upos

UPOS

parang kandila pag sinindihan
upang hititin ng nagninilay
mamaya'y liliit ng tuluyan
ang yosing may kasiyahang bigay

ang natirang ipit ng daliri'y
sa kung saan na lang ipinitik
sa daan, pasilyo, di mawari't
ginawa ng buong pagkasabik

ah, matapos sunugin ang baga't
paliparin ang usok sa hangin
at itaktak ang titis sa lupa
ginhawa'y panandalian man din

ikinalat na upos sa daan
ay salamin ng ating lipunan

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Tsiismis ay alimuom

TSISMIS AY ALIMUOM

tsismis ay alimuom, anang Rio Alma
sa isang sanaysay niyang aking nabasa
na iniulat naman ni Ambeth Ocampo
na sa ngayon ay binabanatan nang todo

mas matindi pa raw sa pakpak ng balita
yaong alimuom, sabi pa ng makata
singaw galing sa lupa matapos ang ambon
o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon

historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz
tila ba turo sa paaralan ay kapos
dapat sa historya'y may fact check at batayan
di basta narinig, iyon na'y kasaysayan

ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin
di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin
maraming dapat gawin kung ganyan ang batid
ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Talasalitaan:
alimuom - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34
tsismis - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Linggo, Hulyo 17, 2022

Lanta

LANTA

kung ako'y dahon nang nalalanta
matatanggal na ako sa sanga
katandaan ay narating ko na
matatapos na yaring pagbaka

sinubukan noon ng amihang
ako'y tanggalin sa kinalagyan
kaytibay ko sa pinagkapitang
sanga't talaga ngang nanindigan 

kay Inang Kalikasan ay dahong
nakipagtagalan sa panahon 
ako'y dahong nakibaka noon
na pagkalanta'y inabot ngayon

hintay na lang matanggal sa tangkay
upang sa lupa na'y humingalay
pagkalanta ko'y 'wag ikalumbay
at may uusbong ding bagong buhay

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Miyerkules, Hulyo 13, 2022

Tanaga sa upos

TANAGA SA UPOS

ang nagkalat na upos
sa paligid na'y ulos!
solusyon bang papatos
ay sangkaterbang kutos?

- gregoriovbituinjr.
07.13.2022

tanaga - taal na tulang may pitong pantig bawat taludtod

Pagkatha

PAGKATHA

di ako tumutula / para sa sarili lang
at kung pangsarili lang / ay di ako tutula
at kung di makatula, / bakit ba diwa'y lutang
sa langit ng kawalan, / loob ko'y di payapa

bakit sa aking budhi'y / mayroong sumisilang
na samutsaring paksang / minsa'y di matingkala
tila ba mga luhang / sa dibdib naninimbang
paano pipigilin / kung di ko masawata

may tumutubong damo / maging sa lupang tigang
tinutula ko'y buhay / ng madla't kapwa dukha
may tumutubong palay / sa bukid na nalinang
adhika ng pesante't / obrero'y tinutula

ang binhi niring wika'y / sa loob nakaumang
na pag naglaho'y tila / baga mangungulila
pawang buntong hininga / lalo't may pagkukulang
na di dalumat hanggang / ako'y naglahong bula

- gregoriovbituinjr.
07.13.2022

Miyerkules, Hulyo 6, 2022

Upos

UPOS

nauupos akong di mawari
sa nagkalat na paunti-unti
hanggang tumambak na ng tumambak
na kalikasan na'y nag-aantak
sa sugat na ating ginagawa
pagkasira niya'y nagbabanta
nagkalat na sa mga lansangan
at sa ating mga katubigan
sa mga isda'y naging pagkain
mga tao isda'y kakainin
paano tayo makakaraos
sa nagkalat na nakakaupos

- gregoriovbituinjr.
07.06.2022

Martes, Hulyo 5, 2022

Bagtas

BAGTAS

isang tanghali'y naglakad-lakad
sa isang lungsod na tila gubat
sa kainitan ay nabibilad
mabuti't di muling namulikat

maglakad ba'y magandang diskarte
naiisip na di mapakali
o gawa ng walang pamasahe
yaong binubulong sa sarili

sa basag-ulo'y muntik malumpo
kaya ngayo'y nag-eehersisyo
katawa't binti'y naeensayo
aba'y pampalakas pa ng buto

napili nang tahakin ang landas
na payapa't bihirang mabagtas
mabuti ang puno, walang dahas
matipuno, may dahong di lagas

- gregoriovbituinjr.
07.05.2022

Sabado, Hulyo 2, 2022

Upos

UPOS

may namumuti sa aspaltadong 
kalsadang animo'y mga pekas
na di man lang pansinin ng tao
na sa kalikasa'y umuutas

taktak dito't doon, ay, magmuni
saan nga ba ang wastong tapunan
pinitik lang matapos magyosi
lansanga'y ginawang basurahan

sa balita, pangatlo ang upos
sa basurang naglutang sa laot
kung makina'y maimbentong lubos
na sa ganyang problema'y sasagot

baka sa upos, may magawa pa
lalo na't binubuo ng hibla
barong ay mula hibla ng pinya
lubid ay sa hibla ng abaka

pag-isipan anong tamang solusyon
hibla ng upos, gawing sinturon?
sapatos, bag, ito sana'y tugon
upang laot di ito malulon

- gregoriovbituinjr.
07.02.2022