Martes, Abril 26, 2022

Kalat ng istiker

KALAT NG ISTIKER

mga tinanggal na papel
mula sa laksang istiker
kalat matapos magpaskil
sa mga poste at pader

mga basurang tinipon
na di sa daan tinapon
kung tutuusin, repleksyon
nitong kandidato ngayon

mabuting pamamahala
ay tatak ng manggagawa
na may magandang adhika
sa kalikasan at madla

pulos papel sa halalan
kalat ng pinagdikitan
ang bag muna'y basurahan
responsable ako riyan

habang tuloy sa pagdikit
istiker ay pinapagkit
nang madla'y makitang pilit
kandidato nating giit

pag basurahan nakita
saka sa bag tanggalin na
ang natipon kong basura
ganyan, munti kong sistema

- gregoriovbituinjr.
04.26.2022

Sabado, Abril 16, 2022

Yosibrick

YOSIBRICK

patuloy pa ring nagyo-yosibrick
laban sa mga upos at plastik
ginagawa itong matalisik
sa problema'y di patumpik-tumpik

nag-ecobrick na, nag-yosibrick pa
upos sa laot naglutangan na
dapat nang malutas ang problema
sa upos at plastik na basura

yosibrick ang isang ambag namin
masolusyonan ang suliranin
sa mga basurang likha natin
may magawa tayo ang layunin

di ako nagyoyosi, ikaw ba?
simpleng bagay laban sa basura
nagtitipon ng kalat ng iba
tulong paglutas sa upos nila

tara, tayo nama'y mag-yosibrick
gawin laban sa upos at plastik
mata nati'y di naman titirik
di man maubos, upos at plastik

- gregoriovbituinjr.
04.16.2022

Miyerkules, Abril 13, 2022

Huwag magpabudol sa mandarambong

HUWAG MAGPABUDOL SA MANDARAMBONG

huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang kinabukasan ng ating mga anak
pakatandaan natin kung nais isulong
ang magandang bukas ng ating mga anak

Budol-Budol Muli? aba'y maawa kayo
sa kakarampot na ayudang ibibigay
limang kilong bigas o limang daang piso
boto n'yo'y sa mandarambong pa iaalay

pera'y tanggapin ngunit iboto ang tama
para sa kaaya-ayang kinabukasan
huwag padala sa pangako ng kuhila
na paulit-ulit lamang tuwing halalan

ang pagboto sa trapo'y punong walang lilim
kahirapan ng bayan ay di nilulutas
pagboto sa mandarambong, kapara'y lagim
huwag magpabudol sa mga talipandas

tama na, sobra na ang mga trapong salot
huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang bukas ng mga anak, nakakatakot
kung mabubudol muli ng mga ulupong

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

Sabado, Abril 9, 2022

Mahal na tubig

MAHAL NA TUBIG

nagmamahal na ang tubig ngayon
dahil na rin sa pribatisasyon
anong ating dapat maging aksyon
upang taas ng presyo'y may tugon

nais ng ating mga pambato
sa halalan kung sila'y manalo
tanggalin sa kamay ng pribado
iyang serbisyong para sa tao

pamurahin ang presyo ng tubig
upang masa'y di naman mabikig
sa presyong sa madla'y mapanglupig
kita ng kapitalista'y liglig

kitang siksik, liglig, umaapaw
masa'y tinarakan ng balaraw
kaymahal ng tubig araw-araw
mga negosyante'y tubong lugaw

tapusin na iyang kamahalan
at paglingkuran naman ang bayan
iboto, Ka Leody de Guzman
bilang Pangulo, ating sandigan

buong line-up nila'y ipagwagi
ipanalo sila'y ating mithi
upang sistemang bulok ay hindi
na mamayagpag o manatili

- gregoriovbituinjr.
04.09.2022

Biyernes, Abril 8, 2022

Kuryenteng mahal

KURYENTENG MAHAL

presyo ng kuryente sa bansa'y talagang kaytaas
sa Asya, pangalawa'y Japan, una'y Pilipinas
paano ba natin ito agarang malulutas
yumayaman lang ang kapitalistang balasubas

masa'y kawawa sa mahal na presyo ng kuryente
anong ginawa ng gobyernong parang walang silbi
di ba nila ramdam? ang bayan na'y sinasalbahe
negosyante ng kuryente pa ang kinukunsinti

kumikita ba ang gobyerno sa kuryenteng mahal
kaya walang magawa, masa man ay umatungal
labis-labis na ang kamahalang nakasasakal
para bang dibdib ng masa'y tinarakan ng punyal

tama na, sobra na, presyo ng kuryente'y ibaba
upang di masyadong mabigatan ang maralita
kung magpapatuloy ang ganito, kawawang bansa
pagkat ang gobyerno palang ito'y walang magawa

dapat na magsilbi kang tunay, O, pamahalaan
pamurahin ang kuryenteng gamit ng sambayanan
kaming mga konsyumer dapat ninyong protektahan
price control sa kuryente'y inyong ipatupad naman

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022
* binasa't binigkas ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng tanggapan ng ERC (Energy Regulatory Commission)

Huwebes, Abril 7, 2022

Pagpuna

PAGPUNA

"Huwag silang magkamali, tutulaan ko sila!"
tila ba sa buhay na ito'y naging polisiya
nitong makata sa makitang sala't inhustisya
upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema

tila tinularan si Batute sa kolum nito
noon sa diyaryo pagdating sa pangmasang isyu
pinuna nga noon ang bastos na Amerikano
pinuna rin ang sistema't tiwali sa gobyerno

di makakaligtas sa pluma ko ang mandarambong
sa kaban ng bayan, trapo, tarantado, ulupong
na pawang perwisyo sa bayan ang isinusulong
upang sila'y madakip, maparusahan, makulong

salot na kontraktwalisasyon ay di masawata
pati di wastong pagbabayad ng lakas-paggawa
patakaran sa klima, mundong sinisira, digma
pamamayagpag sa tuktok nitong trapong kuhila

pagpaslang sa kawawa't inosente'y pupunahin
pagyurak sa karapatang pantao'y bibirahin
sistemang bulok, tuso't gahaman, di sasantuhin
kalikasang winasak, pluma'y walang sisinuhin

tungkulin na ng makata sa bayang iniirog
na mga mali'y punahin at magkadurog-durog
upang hustisyang panlipunan yaong maihandog
sa masang nasa'y makitang bayan ay di lumubog

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022

Miyerkules, Abril 6, 2022

Sa Daang Maganda

SA DAANG MAGANDA

maluray-luray ako sa kaiisip sa kanya
hanggang nilakad ang mga eskinita't kalsada
nagninilay nang mapadako sa Daang Maganda
napanatag ang kalooban ko't dama'y sumaya

doon pa lang sa kalsadang ngalan ay natititik
tumigil sumandali, nagnilay nang walang imik
pakiramdam ko animo'y nabunutan ng tinik
sa lalamunan at balikat ay tinapik-tapik

ah, kaysarap ng simoy ng umagang mapayapa
ano't sa Daang Maganda, agad akong sumigla
ang aking pagkaluray kanina'y nabuong bigla
sa aking guniguni'y dumalaw ang sinta't mutya

kaya nag-selfie sa karatulang Maganda Street
na tandang nasa lansangan ako ng maririkit
panibagong pag-asa ang sa diwa'y nabibitbit
tila sa puso ko'y may kung sinong kumakalabit

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Martes, Abril 5, 2022

Sa langit

SA LANGIT

ayokong sayangin ang panahon sa pagtunganga
kung wala namang naninilay o tinitingala
maliban kung may lumitaw na magandang diwata
o kaya'y Musa ng Panitik kaya napapatda

wala nang pumansin sa akin mula magkasakit
masalubong man ako, mata nila'y tila pikit
parang ako'y multo o tila kanilang kagalit;
sa panahong ito, magkasakit nga'y anong lupit

subalit heto, sa pagkatha'y nagpatuloy pa rin
kung may mabentang tula, may pambili ng pagkain
nagsisipag kumatha bakasakaling palarin
ang makatang pulos luha, na katha'y didibdibin

minsan, di ko na makuhang tumingala sa langit
baka mapala'y hagupit ng sigwang nagngangalit
at yaong mata ng bagyo'y didilat at pipikit
di malaman anong mangyayari sa ilang saglit

banggitin mo ang pangalan ko sa mga Bathala
habang pinarurusahan itong abang makata
dahil di ko mapuri ang pagtudla sa kawawa
na para sa kanila'y laruan lang na manika

patuloy sa pagkuyom ang matigas kong kamao
na tutol sa pagyurak sa karapatang pantao
habang nagninilay at nakatambay lang sa kanto
hinihintay ang diwang sisirit sa aking ulo

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Balagtas crater

BALAGTAS CRATER

isa sa hukay o crater sa planetang Mercury
ay ipinangalan kay Balagtas, aba'y kaybuti
International Astronomical Union nagsabi
karangalan itong sa ating bansa'y nagsisilbi

may diyametrong siyamnapu't walong kilometro
katabi'y Kenko crater, mula kay Yoshida Kenko
manunulat na Hapon, at ang Dario crater dito
ay nagmula sa Nicaraguan na si Ruben Dario

ayon sa I.A.U., crater ay ipangalan dapat
sa mga artista, kompositor at manunulat
aba'y kahanga-hanga ito't nakahihikayat
na sadyang sa mga tulad ko'y nakapagmumulat

upang makata't mangangatha'y sadyang pagbutihin
ang katha't sining, ngunit apelyido ko'y Bituin
na di bagay sa crater kundi sa talang maningning
gayunman, kayganda ng kanilang mithi't layunin

ang Balagtas crater na'y isang pambansang sagisag
di lang sa manunulat kundi ang bansa'y tumanyag
lalo na sa sambayanang ang wika'y anong rilag
na walang kamatayang akda sa puso'y bumihag

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

* litrato mula sa fb
* salamat sa Trivia and Facts Philippines fb page

Biyernes, Abril 1, 2022

Ang kalsada kong tinatahak

ANG KALSADA KONG TINATAHAK

kalsadang nilandas ko'y bihira nilang matahak
bagamat iyon ang aking ginagapangang lusak
napagpasyahang landasin kahit na hinahamak
kahit iba'y natatawa lang, napapahalakhak

gayong magkaiba tayo ng landas na pinili
sa matinik na daan ako nagbakasakali
inayawan ang mapagpanggap at mapagkunwari
lalo't magpayaman nang sa bayan makapaghari

ang kalsada kong tinahak ay sa Katipunero
tulad ng mga makabayang rebolusyonaryo
napagpasyahang tahakin ang buhay-aktibismo
gabay ang Kartilya ng Katipunan hanggang dulo

iyan ang aking kalsadang pinili kong matahak
kapara'y madawag na gubat, pawang lubak-lubak
palitan ang bulok na sistemang dapat ibagsak
upang patagin ang landas ng ating mga anak

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022