Lunes, Pebrero 28, 2022

Klima at maralita

KLIMA AT MARALITA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Artikulo II, Pahayag ng mga Prinsipyo, Seksyon 7, ng Saligang Batas ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ganito ang nakasulat: "Kinikilala ng KPML ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan."

Kaya mahalaga para sa mga lider at kasapian ng KPML ang isyu ng kalikasan (nature) at kapaligiran (environment) dahil dito tayo nabubuhay. Sapagkat dalawa lamang ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng tao, ang Kalikasan at ang Paggawa.

Ibig sabihin, ang materyal na galing sa kalikasan at ang paggawang galing sa tao ang bumubuo sa lahat ng kalakal sa daigdig. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang halaga sa pera. Ang ikalawa ay may bayad at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.

Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang lakas-paggawa ng mangingisda. Ang tubig ay libre subalit may bayad na pag nilagay sa boteng plastik.

Sa usaping basura, nagkalat ang plastik na di nabubulok at upos ng yosi na nagkalat sa lansangan at naglutangan sa dagat. Dapat ikampanya ang zero waste lifestyle kung saan wala nang ginagamit na plastik o anumang bagay na matapos gamitin ay ibinabasura na tulad ng styrofoam at single used plastics.

Sa usaping klima, naranasan ng maralita ang Ondoy kung saan bumagsak ang ulan ng isang buwan sa loob lang ng anim na oras. Mas matindi ang bagyong Yolanda at Ulysses na nagwasak ng maraming bahay at buhay.

Nagbabago na ang klima, at sa mga pandaigdigang usapan, hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri ang pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng fossil fuel,  coal plants, at iba pa, na ayon sa mga siyentipiko, kung titindi pa ito sa 2030, aabot tayo sa "point of no return" kung saan mas titindi ang pag-iinit ng mundo na magdudulot ng pagkatunaw ng yelo sa Antarctica, pagtaas ng tubig, paglubog ng maraming isla, at sa paglikas ng maraming tao ay magbabago ang kanilang buhay. Paano na ang mga maralita sa mabababang lugar tulad ng Malabon at Navotas? Hanggang ngayon, hindi pa nakukumpletong magawa ang planong pabahay para sa mga nawalan ng bahay dulot ng Yolanda sa Samar at Leyte.

Kaya sa usaping kapaligiran at kalikasan, lalo na sa isyu ng klima, ay dapat kumilos ang maralita, na siyang pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan. Kailangang kumilos para sa kinabukasan ng tao, ng kanilang mga anak at apo, at ng mga susunod na henerasyon. Ito ang esensya kung bakit noon pa man ay inilagay na ng KPML sa kanilang Saligang Batas ang tungkuling pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran.

Linggo, Pebrero 27, 2022

Punong mangga

PUNONG MANGGA

ah, may punong mangga sa lungsod
na tanawing kalugod-lugod
sa dukhang mababa ang sahod
bagamat paligid ay bakod

malago na ang punong mangga
pagmasdan mo't kayraming bunga
aani'y tiyak na masaya
lalo kung ito'y mabebenta

halina't ating ipagdiwang
ang mga manggang manibalang
nang sa piging ng mga manang
na buntis ay may pakinabang

ngunit paano aanihin
upang buntis ay pasayahin
mga bunga'y ating sungkitin
kung may tulay man ay tawirin

mangga'y talupang unti-unti
nang di sumugat sa daliri
manggang hilaw pala ang susi
sa manang nating naglilihi

- gregoriovbituinjr.
02.27.2022
litratong kuha ng makatang gala habang bumababa sa hagdanan ng MRT

Huwebes, Pebrero 24, 2022

Misyon ni Earthwalker

DI PA TAPOS ANG MISYON NI EARTHWALKER

di man niya hinahangaan si Luke Skywalker
o sinuman sa mga Jedi, maging si Darth Vader
sumusunod naman sa batas, di naging Jaywalker
ay naritong patuloy ang lunggati ni EarthWalker

dahil sa programang pangkalikasang pinasukan
facebook page na EarthWalker ay agad nilikha naman
upang sanaysay at tula hinggil sa kalikasan
ay sa EarthWalker mailathala, maging lagakan

ngunit sa programang iyon ako na'y maaalis
dahil lumiban ng tatlong buwan nang magkasakit
nagka-Covid, T.B., diabetes pa'y tinitiis
subalit EarthWalker ay nilalamnan pa ring pilit

konsepto'y nagmula nang mag-Climate Walk ang makata
kasama ng iba'y naglakad at nagtapos mula
Luneta hanggang Tacloban, lakaring anong haba
at muling naglakad sa isang malamig na bansa

patuloy ang pagkatha ng tula sa kalikasan
panawagang Climate Justice ay laging lakip naman
sa tula't sanaysay ang masa'y mapaliwanagan
pati na samutsaring paksang pangkapaligiran

hanggang ngayon, di pa tapos si EarthWalker sa misyon
hangga't may hininga, magpapatuloy pa rin iyon
sa gawaing pagtula't pagmumulat niyang layon
bilang handog sa mga susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022

Sabado, Pebrero 19, 2022

Sa abangan ng dyip

SA ABANGAN NG DYIP

anong init yaong paglalakad
sa tanghaling tapat nakababad
sa banas, buti't di naghuhubad
subalit ano nang nakalahad

sa abangan ng dyip ay papara
tumigil muna't aking nabasa
ang nakasulat sa karatula
na talaga namang kakaiba

sapagkat doon ay may dinugtong
na ibang iba ang nilalayon
paano kaya makakabangon
kung karne'y titigilang malamon

kayganda niyon pag naunawa
tugon daw iyon sa klima't sigwa
tulong sa kalikasan at bansa
aba'y anong gandang halimbawa

may kalaliman kung intindihin
ngunit esensya'y ating kapain
na may iba tayong iisipin
na kalikasa'y alagaan din

tigilan ang pagkain ng laman
ng hayop at maging vegetarian
gulay at isda'y sapat din naman
upang mapalakas ang katawan

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Luntiang lungsod

LUNTIANG LUNGSOD

asam ko'y luntiang kalunsuran
mapuno at masarap tirahan
may maayos na kapaligiran
maraming tanim ang kalikasan

kulay-lunti ang buong paligid
payapa ang kasama't kapatid
walang sa dilim ay binubulid
kapanatagan sa diwa'y hatid

mamamayan doo'y mahinahon
ang mga batas ay naaayon
hanging kaysarap, walang polusyon
basura'y sa tama tinatapon

lunti't walang pagsasamantala
ng tao sa tao, anong ganda
ng buhay ng mga magsasaka,
ng dukha't obrero, at iba pa

sa ganyang lungsod, sinong aayaw
kung di maalinsangaw ang araw
kung payapang mamuhay, gumalaw
kung paligid, malinis, malinaw

lipunang lunti at makatao
na ipinaglalabang totoo
sana'y makatahan sa ganito
sa lungsod na pinapangarap ko

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Martes, Pebrero 15, 2022

Tungkulin para sa kinabukasan

TUNGKULIN PARA SA KINABUKASAN

patuloy nating pangalagaan ang kalikasan
na mahalagang tungkulin ng bawat mamamayan
sapagkat isa lang ang daigdig nating tahanan
kaya kinabukasan nito'y ating paglaanan

ang pangangalaga sa mundo'y huwag ipagkait
sa susunod na henerasyong mabuhay nang sulit
di tayo kailangan ng kalikasan subalit
kailangan natin ang kalikasan, aba'y bakit?

isa iyang katotohanang tumagos sa puso
ng mga katotong sa klima nga'y nasisiphayo
dahil sa climate change, maraming isla'y maglalaho
balintuna, tataas ang tubig, lupa'y natuyo

walang makain kahit nagtanim na magsasaka
lalo't tumindi ang bagyo't kayraming nasalanta
pagsunog ng fossil fuel at coal ay tigilan na
sagipin ang masa mula sa nagbabagong klima

halina't ating pangalagaan ang kalikasan
huwag gawing basurahan ang dagat at lansangan
kapitalismong sanhi nito'y dapat nang palitan
at magandang bukas para sa masa'y ipaglaban

- gregoriovbituinjr.
02.15.2022

Sabado, Pebrero 12, 2022

Sa pagkalagas ng pakpak

SA PAGKALAGAS NG PAKPAK

saan susuling kung ako'y nalagasan ng pakpak
at di na mabatid bakit sa putikan nasadlak
tiningnan ko ang lipunan, bakit may hinahamak
bakit dukhang kaysipag ay gumagapang sa lusak

di naman katamaran ang sanhi ng luha't dusa
bakit mahirap ang masisipag na magsasaka
na madaling araw pa nga'y nasa kabukiran na
upang tingnan ang tanim nilang alaga tuwina

walong oras sa pagtatrabaho ang manggagawa
madalas pang mag-overtime, sahod kasi'y kaybaba
ngunit bakit naghihirap ang kawal ng paggawa
binabarat kasi ang sahod nilang kaysipag nga

kapalaran nga ba iyang sanhi ng paghihirap?
ika nga ng pastor, mapapalad ang naghihirap!
populasyon ba ang sa hirap ay nagpalaganap?
mangmang ba ang dukha kaya di sila nililingap?

payo ng isang guro, pag-aralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap at may ilang mayaman
ah, bakit nga ba may iskwater sa sariling bayan
pribadong pag-aari nga'y ugat ng kahirapan

magsasaka'y walang masarap na kaning masandok
dalagang bukid ay sa pagpuputa inaalok
bakit ba kayraming taong sa hirap nakalugmok
ika nga, panahon nang baligtarin ang tatsulok

lagas man ang aking pakpak, dapat pa ring kumilos
upang baguhin ang kalagayang kalunos-lunos
ngunit wala tayong maaasahang manunubos
kundi sama-samang pagkilos ng mga hikahos

sa gayon ay mapapanumbalik ang mga pakpak
muli tayong babangon mula sa pagkapahamak
upang makalipad sa himpapawid na malawak
at ang bulok na sistema'y tuluyang maibagsak

- gregoriovbituinjr.
02.12.2022

Biyernes, Pebrero 11, 2022

Sagipin ang daigdig

SAGIPIN ANG DAIGDIG

nasaan na ang tinig
ng panggabing kuliglig
di na sila marinig
sa aba kong daigdig

kalbo ang kabundukan
sanhi raw ay minahan
puno sa kagubatan
pinutol nang tuluyan

kaya maitatanong
ano bang nilalayon
anong isinusulong
kung masa'y nilalamon

kaygandang daigdigan
ay ginawang gatasan
bakit ba kalikasan
ay nilalapastangan

na sa ngalan ng tubo
nitong poong hunyango
wawasakin ang mundo
para sa pera't luho

dapat daw pagtubuan
ang mga kagubatan
buhay ng kalikasan
ay pagkakaperahan

hangga't kapitalismo
ang sistema sa mundo
ay lalamunin tayo
hanggang sa mga apo

pakinggan n'yo ang tinig
tayo'y magkapitbisig
sagipin ang daigdig
na puno ng pag-ibig

- gregoriovbituinjr.
02.11.2022

Sabado, Pebrero 5, 2022

Naiibang paso

NAIIBANG PASO

balutan ng sauce ng ispagheti'y nagamit naman
nilagyan ng lupa, binhi'y binaon, pinagtamnan
ang munggong aking itinanim ay nagsilaguan
nagamit din ang plastik, ngunit di sa basurahan

minsan, dapat ding mag-inisyatiba ng ganito
lalo't nagkalat ang plastik na binasura ninyo
lalo't naglipana na ang microplastic sa mundo
lalo't naglutangan ang upos sa dagat, ay naku!

dahil nasa sementadong lungsod ako naroon
ang mga plastik na bote't lalagyan ay tinipon
bumili ng lupa't inilagay sa plastik iyon
binhi'y binaon, diniligan, lumago paglaon

wala mang lupa sa lungsod, nais naming magtanim
upang makapagpalago ng aming makakain
ito'y isang pamamaraan din ng urban farming
natutunan nang pandemya'y nanalasa sa atin

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

* itinanim ng makatang gala sa opisina ng mga manggagawa sa Lungsod ng Pasig

Sabi ng lola

SABI NG LOLA

sabi ng lola, pangalagaan ang kalikasan
dahil binibigay nito'y buhay sa santinakpan
tulad ng paglitaw ng ulan, ng araw at buwan
tulad ng hamog at ng simoy ng hanging amihan

sabi ng lola, sa paligid ay huwag pabaya
malaking bagay ang punong pananggalang sa baha
kaya kung puputulin ito'y daranas ng sigwa
tara, magtanim ng puno nang tayo'y may mapala

sabi pa ng lola, pabago-bago na ang klima
adaptasyon, mitigasyon, unawain, gawin na
paghandaan ang bagyong matindi kung manalasa
tulungan ang kapwa tao lalo na't nasalanta

sabi ng lola, huwag iwang basura'y nagkalat
nabubulok, di nabubulok, pagbukluring sukat
ang plastik at upos nga'y nagpapadumi sa dagat
ang ganitong pangyayari'y kanino isusumbat

sabi pa ng lola, tagapangalaga ang tao
ng kalikasan, ng nag-iisang tahanang mundo
huwag nating hayaang magisnan ng mga apo
ang pangit na daigdig dahil nagpabaya tayo

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

Huwebes, Pebrero 3, 2022

Ligaw na halaman

LIGAW NA HALAMAN

tumutubo rin kahit saan
ang mga ligaw na halaman
di lang sa mga kagubatan
kahit sa sementadong daan

nasa kanal pa nga ang isa
sa nadaanan kong kalsada
minasdan ko't kinodakan pa
talagang nakahahalina

siya man ay halamang ligaw
nabuhay siya't di pumanaw
binhi'y lumalago't may araw
alay ay magandang pananaw

sa atin, ibig ipabatid
na talagang di nalilingid
na siya'y nabuhay, kapatid
at sa dilim ay di nabulid

kaya ngayon ay naninilay
sa mundong may mabuting pakay
sementadong lungsod mang tunay
solo man ay kayang mabuhay

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022

Miyerkules, Pebrero 2, 2022

Basura

BASURA

nasaan ang trak ng basura, ang matatanong mo
pag sa mayor na lansangan, basura'y bulto-bulto
ano bang oras daraan upang hakutin ito
wala lang, nadaanan lang, nagtatanong lang ako

sadya ngang masakit na tunay sa mata ng madla
ang mga basurang nakatambak, saan man mula
buti't di nangangamoy at balot na balot pa nga
habang nangangalkal ng basura'y naroong sadya

naghahanap ng maibebenta nang may makain
bote, lata, anumang pag binenta'y salapi rin
sa hirap ng buhay, gutom ba'y kaya pang tiisin
pag pagpag natsambahan ay agad bang kakainin

kung sakaling dumating na yaong trak ng basura
sa takdang oras, aba'y malinis na ang bangketa
iyon ba'y sapat na't makadarama na ng saya
sana'y palaging gayon, walang kalat sa kalsada

sa basurang plastik ang daigdig na'y nalulunod
mga batas sa kalikasan pa ba'y nasusunod
isipin ang basura't mundo, kayod man ng kayod
pagkat malinis na paligid ay nakalulugod

- gregoriovbituinjr.
02.02.2022