Martes, Agosto 31, 2021

Ang pusa

ANG PUSA

kumusta ka na, Pusa, anong iyong kailangan?
tila baga muli kang kumakatok sa pintuan
marahil ay naamoy mong pritong isda ang ulam
sandali, hintay lang, at ikaw ay aking bibigyan

siya ang pusang madalas makitulog sa gabi
sa tabi ng bintana, taas ng eskaparate
minsan sa ginagawa ko'y tahimik siyang saksi
habang naglalamay ng kung anong akda't diskarte

madalas akong maunang gumising sa umaga
maya-maya, tanaw ko nang nag-iinat na siya
ah, mabuti nang may pusa dito sa opisina
may panakot sa malalaking daga sa kusina

minsan sa ilalim ng sasakyan siya tatambay
tila baga doon ang palaruan niyang tunay
minsan pag nananghalian ako, siya'y kasabay
at pag nagsusulat ay nakakawala ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
08.31.2021

Lunes, Agosto 30, 2021

Pagkan ng sala sa oras

PAGKAIN NG SALA SA ORAS

di ako ang taong pagdating
ng alas-dose ng tanghali
ay titigil upang kumain

ngayon ka lang kakain, tanong
nila sa akin noong minsan
nang kumain ako ng hapon

ay, ngayon lang ako nagutom
tinapos muna ang gawain
kaya kakain naman ngayon

di ako eyt-to-payb na tao
minsan, kakain ng alas-dos
ng alas tres o alas-kwatro

tuloy lang ako sa paggawa
pagkat alam naman ng tiyan
kung titigil na sa pagkatha

upang kumain, di sa oras
kundi pag wala nang mapiga
sa utak saka lang lalabas

upang kumain sa kantina
lalo na't di nakapagluto
o bumili sa karinderya

ganyan ang karaniwang buhay
ng tulad kong sulat ng sulat
gutom na'y patuloy sa nilay

ngunit dapat pa ring kumain
upang lumakas ang katawan
at upang makakatha pa rin

bagamat kahit ako'y gutom
minsan pagkatha'y uunahin
habang kamao'y nakakuyom

patuloy pa ring nag-iisip
kumakatha't sulat ng sulat
ng anumang paksang mahagip

di ako eyt-to-payb na tao
ngunit huwag magpakagutom
payo sa sarili'y totoo

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

Linggo, Agosto 29, 2021

Walis

WALIS

walis tambo't walis tingting ay ating nakagisnan
ginagamit upang linisan ang kapaligiran
walis tambo'y ginagamit sa loob ng tahanan
habang walis tingting naman sa labas ng bakuran

parehong walis, magkaiba ng gawa't disenyo
kapwa panlinis ng dumi't alikabok sa inyo
maaari ring gamiting pamalo o pambambo
ni nanay sa mga makukulit na kagaya ko

tambo'y matigas na damo o Phragmites vulgaria
dahon ay tuwid at magaspang at tumataas pa
ng metrong tatlo't kalahati, nasaliksik ko pa
na tingting naman yaong tadyang ng dahon ng palma

mula sa kalikasan ang walis na nagagamit
upang luminis ang paligid natin kahit saglit
panlinis ng basura't tuyong dahon sa paligid
sa anumang agiw sa bahay at diwa'y panlinis

gamit ng ninuno't naukit na sa kasaysayan
nakapaloob din sa samutsaring panitikan
walis tingting sa kwento'y sasakyan ng mangkukulam
walis tambo'y pambambo sa kwentong katatawanan

walis tingting sa kasabihan ay pagkakaisa
walis na gumagawa'y katutubo't magsasaka
matiyagang nilikha upang kanilang ibenta
ng mura basta makakain lamang ang pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Sabado, Agosto 28, 2021

Nagdidilim ang langit

NAGDIDILIM ANG LANGIT

wala ang haring araw ngayong kinaumagahan
sapagkat nagbabadya ang malakas na pag-ulan
tingni ang langit, maulap, di lamang ambon iyan
magsahod ng timba't may tubig na maipon naman

atip ay tingnan, ang yerong bubong, baka may butas
tapalan agad kung mayroon man hangga't may oras
itaas ang dapat itaas, ang sako ng bigas
tiyaking maghanda sa loob, maghanda sa labas

tanggalin ang plastik sa kanal sakaling magbaha
aba'y kayraming basurang lululunin ng sigwa
upos ng yosi, plastik, basahan, lalong malubha
kung babara lang ito, sapagkat tao'y kawawa

dapat paghandaan ang pagsusungit ng panahon
upang di magbalik ang alaala ng kahapon
Ondoy, Peping, Yolanda, Milenyo, ang mga iyon
matitinding bagyong kayraming buhay na nilamon

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Miyerkules, Agosto 25, 2021

Ang kalabasa

ANG KALABASA

iyang kalabasa raw ay pampalinaw ng mata
bakasakaling nanlalabong mata'y makakita
pampalinaw din kaya ng budhi ang kalabasa
lilinaw din kaya ang paghahanap sa hustisya

kalabasa, anang iba, sa mata'y pampatalas
upang makita ang mga pandaraya't padulas
ng mga trapong ang ugali'y kapara ng hudas
dinaan na sa lakas, dinadaan pa sa dahas

aba'y pag ginulay ang kalabasa'y anong sarap
bakit ba ito'y naging simbolo ng mapagpanggap
kalabasa'y dala sa pagkilos ng mahihirap
sa rali't sagisag na pinuno'y sero, kaysaklap

bakaw sa kapangyarihan kaya sero, butata
kayrami pang napaslang sa hanay ng maralita
walang due process of law, rule of law ay balewala
gayong dapat may konsensyang naglilingkod sa madla

ay, kalabasa, ikaw nga ba ang tamang simbolo
ng mga trapong sero sa karapatang pantao
kalabasang lunti, dilawang kalabasa'y ano
kalabasa'y pampalinaw ng mata ang totoo

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Ulam ko'y kamatis

ULAM KO'Y KAMATIS

ulam ko ngayon ay kamatis
na pampaganda raw ng kutis
kaya pala mukha'y makinis
walang tagyawat na matiris

sa tulong pala ng kamatis
ay napaibig ko si misis
mga tula ko'y walang mintis
kaya panay siya bungisngis

salamat sa iyo, kamatis
ang mukha ko'y naging malinis
lumakas pa ako't bumilis
sa hirap man ay nagtitiis

kumikilos tungo sa nais
na lipunang walang kaparis
lipunang walang bahid dungis
lipunang papawi sa burgis

bagamat bulok na kamatis
sa mukha ng trapo'y ihagis
tuloy sa pakikipagtagis
kahit na ulam ko'y kamatis

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021

Lunes, Agosto 23, 2021

Pananghalian sa opis

PANANGHALIAN SA OPIS

simpleng ulam na vegetarian sa opis kanina
pampahaba raw ng buhay ang talong, LONG talaga?
may sawsawang bagoong, gulay ang ulam tuwina
pati pampalusog ding sitaw, okra't kalabasa

marahil pampapayat din dahil wala nang karne
na pag nagkasakit, tititig na lang sa kisame
ang pasya kong maging vegetarian ay pasakalye
tungo sa kalusugan nang may mabuting diskarte

di naman ito salungat sa tutugpaing buhay
na malusog ang puso't diwa kahit nagninilay
habang ang diwa ng Kartilya'y isinasabuhay
at kasama ng obrerong nagkakaisang hanay

kumakain ng gulay at nakikibaka pa rin
vegetarian na'y budgetarian pa ang bulsa't turing
upang lumusog ang sinumang aktibistang gising
upang di sa sakit bumagsak, tuloy ang layunin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2021

Linggo, Agosto 22, 2021

Sahod-ulan

SAHOD-ULAN

umulan ng malakas kaninang bago maggabi
nagbaha na naman, may butas pa rin sa kisame
kahit inayos na ito ng isang anluwage
kailangan muling maglampaso sa tabi-tabi

subalit sa kusina'y nakapagsahod ng ulan;
anang isang manunulat na aking kaibigan
na namayapa na'y maling tawaging tubig-ulan
dahil tubig na ang ulan, siya'y naunawaan

heto, may naipong sahod-ulan sa palanggana
bagamat pag-ipon nito'y di ko sadyang talaga
naiwan lang ang palanggana matapos maglaba
napuno na pala ng tubig nang aking makita

salamat sa sahod-ulan, mayroong magagamit
di sa pagluto, kundi paglampaso't pagliligpit
ng maraming kasangkapang lilinisin kong saglit
tulad ng baso't pinggan, kubyertos, basahan, damit

ganyan na ang aking gagawin, akin nang sinadya
magsahod-ulan, mag-ipon na ng tubig sa timba
tulong na ito ng kalikasan sa manggagawa
kaya kalikasan ay alagaan nating pawa

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Biyernes, Agosto 20, 2021

Ginisang siling lara't santol

GINISANG SILING LARA'T SANTOL

kagabi, niluto ko'y ginisang siling lara't santol
iyon ang mayroon ako't diwa'y di na tumutol
nang makita ko agad ay walang kagatol-gatol
na hiniwang maninipis, tiyan na'y nagmamaktol

halos di kayanin ang anghang nang aking maluto
gayunman ay sarap pa rin ang aking nakatagpo
tama si misis, magluto ng may buong pagsuyo
kaya nabusog pa rin sa aking lutong pangako

pinaghalo ang siling larang kulay lunti't pula
green at red bell pepper ay maanghang man pag ginisa
sa kalaunan ay sumasarap din sa panlasa
lalo na't nagmamaktol ang bulate sa sikmura

maraming salamat dito't nabusog din kagabi
ngunit agad nagpuntang banyo, sinong masisisi

- gregoriovbituinjr.
08.20.21

Huwebes, Agosto 19, 2021

Si Miss Gina Lopez, Environmentalist

SI MISS GINA LOPEZ, ENVIRONMENTALIST

dalawang beses ko lang siyang nakita ng personal
una'y sa loob ng bulwagan ng D.E.N.R.
kung saan niralihan namin ang kanyang tanggapan
pinapasok kami't mga isyu'y pinag-usapan

ikalawa'y sa labas ng D.E.N.R., nang dumamay
sa mga taga-Greenpeace na iginapos ang kamay
nang si Miss Gina Lopez ay di na pinasang tunay
ng Commission of Apointments sa pwesto niyang taglay

at ngayong araw, siya'y naalala ko't ng tao
sapagkat ngayon ang ikalawang anibersaryo
ng kanyang pagkamatay, isang dakilang totoo
siyang naglingkod ng mahusay bilang sekretaryo

taospuso akong nagpupugay, Miss Gina Lopez
kaygaling mong pinuno ngunit nawalang kaybilis
inspirasyon sa henerasyong parating, paalis
maraming salamat sa paglilingkod sa bayang hapis

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

* litrato mula sa Greenpeace

Timba't tubig

TIMBA'T TUBIG

dapat mag-ipon, nawawalan ng tubig sa gabi
upang may maipambuhos sakaling mapatae
at may maibanlaw sa sinabunang kilikili
ma-ipon din ng tubig sakaling nais magkape

may ilang timba naman tayong mapapag-ipunan
kaya sa araw pa lang, punuin na ang lalagyan
at pag nagutom sa gabi'y magluluto sa kalan
dapat may tubig sa pagluluto't paghuhugasan

anupa't tubig ay buhay na kailangan natin
sa araw-araw nating pamumuhay at gawain
maliligo, maglalaba, magluluto, kakain
kaya gamitin ng husay at huwag aksayahin

mumunting timbang sana'y di butas, ating kasama
upang maging maalwan ang buhay, di man sagana
maraming salamat sa tubig, ang buhay ng masa
ang mawalan ka ng tubig ay tunay na disgrasya

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Martes, Agosto 17, 2021

Magboluntaryo para sa Ilog Pasig

MAGBOLUNTARYO PARA SA ILOG PASIG

kaytagal ko nang nais gawin ang isang mithiin
upang makatulong sa kalikasang nabibikig
sa dami ng basura, nawa'y ito'y magawa rin
magboluntaryo sa paglilinis ng Ilog Pasig

kahit na kalahating araw lang sa isang linggo
ay magboluntaryo sa organisasyon o grupo
halimbawa'y apat na oras lang tuwing Sabado

upang hindi lang sa teorya ako may magawa
kundi hands-on na aktwal na pagkilos ang malikha
na sa paglilinis ng ilog ay kasamang sadya

ang Ilog Pasig ang commitment ko sa World River Run
upang linisin ang ilog na ito't alagaan
salita'y sumpa, anang Kartilya ng Katipunan
kaya sinalita ko'y dapat bigyang katuparan

sertipiko'y aking natanggap sa partisipasyon
sa World River Run na nakapagbigay inspirasyon
upang magboluntaryo sa isang hamon at misyon

hindi ba't pagboboluntaryong ito'y anong ganda
na para sa kalikasan ay may magagawa ka
sa paglilinis ng ilog ay magiging kasama

kailangan ko ngayong gawin ay sila'y hanapin
at sabihin sa kanila ang aking adhikain
hindi man pultaym ay maging bahagi ng gawain
sa misyong ito sana ako'y kanilang tanggapin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* Ang World River Run ay isang pandaigdigang Virtual Running Event na naganap mula Hunyo 3-5, 2021. Natanggap naman ng makata ang kanyang sertipiko sa email noong Hunyo 9, 2021.

Lunes, Agosto 16, 2021

Brocolli

BROCOLLI

paninda't pasalubong ni misis iyang brocolli
galing pang lalawigan, tanim ng kanyang kumare
binebenta lang sa kakilala, di sa palengke
dahil sa lockdown, di ko rin mailako sa kalye

at dahil daw galing pa sa malamig na probinsya
dapat iluto na, dahil baka agad malanta 
agad kong iniluto't inihalo sa ginisa
tulad ng delatang sardinas o anumang tuna

lalo ngayong lockdown, brocolli'y panlaban sa gutom
mapagkukunan din ng hibla, protina, potasyum
pampalusog ng katawan, may selenyum, magnesyum
bitamina A, C, E, K, folic acid at kalsyum

ani misis, katamtamang luto, di lutong luto
subalit lutuin ito ng may buong pagsuyo
masarap na, pampalusog pa't di masisiphayo
kapara'y pagsintang pag nalasaha'y buong-buo

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Paalala't palala na ang kalikasan

PAALALA'T PALALA NA ANG KALIKASAN

magtanim ng puno, paalala ng kalikasan
pagkat umuunti na ang gubat sa ating bayan
tara nang magtanim, palala na ang kalikasan
kung laging mawawalan ng puno sa kagubatan

kayrami nang nagpuputol ng malalaking puno
upang gawing troso't maging limpak-limpak na tubo
ang pangangalaga sa kalikasan ba'y naglaho
kaya malalaking gubat na'y nakalbo't natuyo

paalala lamang ang nariritong babasahin
upang ating mundo'y alagaan at unawain
lalo na ang kagubatang bihirang bisitahin
kaya nangyayari rito'y di natin napapansin

hanggang pagbabasa na lang tayo, basa nang basa
wala ring magawa kahit na natutunghayan pa
anong gagawin upang tumugon sa paalala
kung malayo ka sa kagubatang di mo makita

kahit lungsod man, paalalang ito'y itaguyod
maano't baka minsan ay mapalayo sa lungsod
nayakag magtanim ng puno sa bundok, kaylugod
kaysa walang magawa sa problema't nakatanghod 

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Sunog na sinaing

SUNOG NA SINAING

naamoy ko na lamang ang nasunog na sinaing
kaya bigla akong balikwas sa pagkakahimbing
agad kong pinatay ang kalan, di man lang nainin
sunog ang gilid, sandaling idlip, buti't nagising

di ko naman nais pabayaan, napaidlip lang
mangyari'y napuyat kasi ng gabing nakaraan
napapikit lang saglit at humilig sa sandalan
marahil ang mali ko'y di hininaan ang kalan

aba'y kaysarap pa naman ng aking panaginip
pagkat kasama ko ang diwatang kaakit-akit
isa ako roong kabalyernong di makaidlip
hangga't natatanaw ko ang diwatang anong rikit

ganyan nga ang napapala ng antuking makata
kung di matutulog ng maaga'y puyat ngang bigla
isa itong karanasang di malimutang pawa
dahil pag naulit pa'y walang kaning ihahanda

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Linggo, Agosto 15, 2021

Biodegradable

BIODEGRADABLE

sa isang groseriyang binilhan ng makakain
sa pinambalot sa tinapay may tatak na angkin
malaking BIODEGRADABLE ang nasulat man din
sa mga bumibili'y bilin itong dapat gawin

paalala upang gamitin nati'y nabubulok
di na plastik ang gamitin habang may nilulunok
pagkat kung basurang plastik sa kanal nagsipasok
ay dama ng bayan pag bumaha'y talagang lugmok

lalo't naglulutangan na sa laot ang plastik
sa lansangan, ilog, sapa, plastik na'y sumisiksik
na kahit mga mangingisda't isda'y humihibik
katubigan na'y nilulunod ng tao sa plastik

di nabubulok ang plastik, non-biodegradable
kapaligirang malinis ang ating hinahabol
gamitin at itaguyod ang biodegradable
subalit magtanim pa rin ng puno, madlang pipol

sa pagtataguyod nito'y saludo akong sadya
abiso ng tindahang yao'y abutin ng madla
bilin araw-araw, huwag ipagwalangbahala
kung aangkining prinsipyo'y huwag mabalewala

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

Sabado, Agosto 14, 2021

Paghigop ng sabaw

PAGHIGOP NG SABAW

matapos kunan ng dugo'y bumili ng halaan
upang siya kong iluto't maging pananghalian
na sinahugan ng talbos, sibuyas, luya't bawang 
ayos na ang buto-buto, anong sarap ng ulam

dinamihan ng tubig at nagsabaw ng di labis
katamtaman lang, habang nilulutong walang mintis 
nilagyan man ng asin, sabaw ay manamis-namis
sapat lang sa kalusugan ng katawang manipis

tama lang pala ito matapos kunan ng dugo
kaya humigop muna ng sabaw bago sumubo
habang kumakain ng halaan ay napagtanto
na saanman ang labanan ay di dapat sumuko

parang nasa digmaan ang kanina'y paghahanda
nasa parang ng digmaang hinanda'y puso't diwa
matapos kunan ng dugo, sabaw yaong tinungga
tila medalya ng tagumpay ang natamong pala

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021

Biyernes, Agosto 13, 2021

Hindi biro ang nagbabagong klima

HINDI BIRO ANG NAGBABAGONG KLIMA

tatawa-tawa ka pa, di nagbibiro ang klima
aba'y di mo pa ba naranasan ang masalanta?
tingnan mo lang ang aral kina Ondoy at Yolanda
saka sabihing joke lang ang nangyari sa kanila

tila nagbabagong klima'y paglukob ng halimaw
na sa ating mga likod nagtarak ng balaraw
di mawari ang nasalanta, masa'y humihiyaw:
"Climate emergency is not a joke! Climate Justice Now!

palitan na ang bulok na sistemang mapaniil
tigilan na ang pagsunog ng mga fossil fuel
na pinagtutubuan ng kapitalismong taksil
unahin ang mga coal plants na dapat mapatigil

habang patuloy lang ang korporasyong malalaki
sa pagpondo sa ganyang planta'y di mapapakali
tingnan ang pamahalaan, kanino nagsisilbi
sa korporasyon o sa masang nasa tabi-tabi

kayraming nasalanta, namatay at nagtitiis
nasisirang kalikasan ba'y ito ang senyales?
dapat tayong mag-usap, ano ba ang Climate Justice?
ano nang kaisahan sa kasunduan sa Paris?

huwag magtawa pagkat buhay ang nakasalalay
noong mag-Yolanda sa Leyte'y nagkalat ang bangkay
"Climate emergency is not a joke!" tayo'y magnilay
klima'y di nagbibiro sa mensahe niyang taglay

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang ibig sabihin ng PMCJ na signatory sa plakard ay Philippine Movement for Climate Justice
* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Itigil na ang girian

ITIGIL NA ANG GIRIAN

ngayong Agosto'y may kasaysayang batid ng masa
anibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika
sa bansang Japan, sa Nagazaki at Hiroshima
at lumipol ng libo-libong mamamayan nila
habang patuloy sa dusa ang mga hibakusha

pitumpu't anim na taon na ang nakalilipas
ay nagbubuo pa rin ang mga bansang may angas
ng samutsaring mga nakamamatay na armas
na panakot sa bansang sa kanila'y di parehas
banta sa bansang tila di marunong maging patas

bomba atomika noon, armas nukleyar ngayon
kailan ba matitigil ang ganoong imbensyon
bakit patuloy ang paligsahan ng mga nasyon
susumbatan lang sila ng kasaysayan kahapon
kung depensa nila'y pandepensa lang nila iyon

ano bang konsepto nila ng lahi't kalayaan
bakit patuloy ang sistema ng mga gahaman
ah, itigil na ang mga girian at labanan
pagpapakatao ang dapat nating pagsikapan
at maitayo ang isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang aklat sa larawan ay nabili ng makata sa Book Sale, Farmers branch, 12.28.2020
* ayon sa kasaysayan, bumagsak ang bomba atomika sa Hiroshima noong Agosto 6, 1945, at sa Nagasaki tatlong araw makalipas.
* tinatayang nasa 135,00 ang total casualty sa Hiroshima, at 64,000 sa Nagasaki, ayon sa https://www.atomicarchive.com/resources/documents/med/med_chp10.html

Umaliwalas din ang panahon

UMALIWALAS DIN ANG PANAHON

ilang araw umulan, di na makapaglimayon
nasa lungga lang at lumilikha ng mithi't layon
ngunit ngayon ay umaliwalas din ang panahon
sana madama na'y ganito sa buong maghapon

kakatha na lang ng kung anu-ano ang makata
lalo na't di naman mahusay sa pagsasalita
animo'y tahimik na langay-langayan ang dila
na biglang lalayo na lamang dahil nahihiya

nais kong magpala ng semento't gawin ang hagdan
ngunit umaalma ang mga bulate sa tiyan
di malaman ang gagawin, nagugulumihanan
ah, mabuting magluto muna ng kanin sa kalan

panahong maaliwalas ang salubong sa masa
habang ngayong lockdown, kayraming gutom na pamilya
anong ibinabadya ng panahong anong ganda
na pagkatapos ng unos ay may bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

Indayog sa umagang kaylamig

INDAYOG SA UMAGANG KAYLAMIG

tinatakasan ko ang daigdig
upang sa musa'y makipagniig
kukulungin ko siya sa bisig
at kukwintasan ng mga titig

upang angkin kong iwing pag-ibig
ang sa kanyang puso'y makalupig
habang namumutawi sa bibig
ang tulang nais kong iparinig

sa kabilang banda'y naulinig
ang kung anu-anong pang-uusig
kapitalista'y hamig ng hamig
manggagawa'y wala nang makabig

sa isyung ito'y ano ang tindig
sa gawaan ng mga pinipig
bakit daw nilalako'y malamig
buti't mainit-init ang tupig

basta huwag lamang makabikig
sa lalamunan at abang tinig
ang tulang may anong pahiwatig
mga isyung pawang naulinig

makata'y nagpapakasigasig
sa umagang ano ba't kaylamig
kahit na siya'y nangangaligkig
inom lang ng bitamina't tubig

- gregoriovbituinjr.
08.13,2021

* INDAYOG - sinukat na daloy ng mga salita at parirala sa berso o prosa, mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, pahina 497

Huwebes, Agosto 12, 2021

Ulam ko'y mangga naman

ULAM KO'Y MANGGA NAMAN

nakakasawa nang ulamin ang mga delata
tila baga sikmura mo'y tuluyang napupurga
ang pinasok nga sa bibig ay iniluluwa na
na para ka nang naglilihi pagkat nasusuka

kaya nag-uulam din ng mangga paminsan-minsan
upang panlasa'y maiba naman sa karaniwan
may kanin pa ring palasak sa anumang kainan
malasa rin ang bagoong na sadyang kainaman

habang pinagninilayan ang sunod na gagawin
habang iniisip paano iyon tatapusin
habang nasa diwa ang pagtupad sa adhikain
habang sakit ng kalamnan ay pinisil-pisil din

aba'y manamis-namis pa ang manggang manibalang
sa sarap dama'y tila sa ere palutang-lutang
animo'y nananaginip, diwa'y umiilandang
anong wagas ng pagsinta sa natatanging hirang

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

Huwag nang pondohan ang fossil fuel

HUWAG NANG PONDOHAN ANG FOSSIL FUEL

teyoretikal at anong bigat ng panawagan
na "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
kung di mo aaralin ay di mauunawaan
upang isyu'y mas maintindihan ng taumbayan

susubukan kong ipaliwanag ang mga ito
sa iba'y maibahagi ang mahalagang isyu
nais kong pagaanin sa pamaraang alam ko
ipaliliwanag ko sa tula para sa tao

kumbaga sa usok na sadyang nakasusulasok
ginagastusan ng kapitalista'y pulos usok
kalikasa'y balewala basta tubo'y pumasok
magkadelubyo man sa kita pa rin nakatutok

kahit na nakasisira ng ating kalikasan
nagpapadumi sa hangin, polusyong nananahan
at kaylaki ng epekto sa ating kalusugan
greenhouse gases pa'y sa papawirin nagsalimbayan

fossil fuel ang tawag sa pinagsusunog nila
sapagkat galing sa fossil na nabuo noon pa
mula sa labi ng mga organismong wala na
tulad ng dinasor sa usaping geolohika

habang patuloy lang ang malalaking korporasyon
sa pagpondo ng mga enerhiyang ibinabaon
lang ang mundo sa kapariwaraan, ito'y hamon
sa mga gobyernong gawin na ang tamang solusyon

kaya tigilan na ang pagpondo sa fossil fuel
ng coal plants na pagbuga ng usok ay di mapigil
ng crude oil o ng petrolyong gasolina't diesel
ng natural gas na ang pagsunog ay di matigil

mas dapat pondohan ang pangangalaga sa klima
mas pondohan ang pagpigil sa pagbuga ng planta
ng coal at paggamit ng kerosina't gasolina
mas dapat pondohan ang kinabukasan ng masa

unahin naman ang kapakanan ng mamamayan
at kinabukasan ng nag-iisang daigdigan
ang "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
sa maikling tulang ito sana'y naunawaan

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Paalala sa nagyoyosi

PAALALA SA NAGYOYOSI

paskil na paalala'y huwag pong balewalain
dahil bawat dumi ninyo'y naglilinis ang Admin
aba'y napakasimple lang po ng kanilang bilin
yosi'y huwag itaktak sa sulok nang di mangitim

ang pakiusap nila'y "konting disiplina lang po"
kayo bang naninigarilyo'y di napapanuto?
ang inyong tinaktak sa dumi'y sila ang hahango
nang opisina'y gumanda't di mangamoy, bumaho

gumawa kayo ng sariling ashtray o titisan
kung saan ninyo itataktak ang upos na iyan
sa mga nagyoyosi disiplina'y kailangan
aba'y kailangan pa bang isaulo pa iyan?

sistemang bulok nga'y nais nating palitang sadya
iyan pa kayang upos ang di maitapong tama
sa simpleng pakiusap nila sana'y tumalima
baka ginawa ninyo'y ibalik sa inyong kusa

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa tanggapan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa Navotas

Martes, Agosto 10, 2021

Mangga't santol sa pananghalian

MANGGA'T SANTOL SA PANANGHALIAN

mangga, santol at bagoong ang minsan ay pang-ulam
na maganda't mayroon sa katabing tindahan lang
lalo ngayong may lockdown, walang basta makainan
buti't mayroong bungang nakabubusog din naman

ihanda ang pagkain bago sa mesa lumusob
kunin ang kutsilyong matalas, simulang magtalop
ng mangga't santol, at gayatin sa nais mong hubog
pinagbalatan ay ilagay sa lupa, pang-compost

ihalo na ang bagoong, simulan nang kumain
kaysarap pa nito sa mainit-init na kanin
paalala, buto ng santol ay huwag lunukin
mahirap na kung sa lalamunan mo'y makahirin

simpleng pagkain habang wala pang salaping sapat
upang makabili ng litsong, ah, nakabubundat
mabuti pa ang mangga't santol sa panahong salat
kaysa umasa sa ayuda't mamatay ng dilat

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021

Lunes, Agosto 9, 2021

Pagpupugay sa katutubo

PAGPUPUGAY SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO
(International Day of the World's Indigenous Peoples)

katutubo'y kilanlin
may kultura ding angkin
sila'y kapwa din natin
na dapat igalang din

sila'y hindi hiwalay
kundi kaisang tunay
may sariling palagay
sa bansa'y nabubuhay

nanggaling sa kanila
itong ating historya
bansang ito'y ano ba
sakaling wala sila

pinagkakautangan
sila ng ating bayan
niring buhay at yaman
at lupang tinubuan

ang mga katutubo'y
kapatid at kapuso,
kapamilya't kadugo
iisa ng ninuno

ang ating kalikasan
ay pinangalagaan
sila'y pahalagahan
katulad ng magulang

silang mapagkalinga
at nauna sa bansa
ninunong nangalaga
sa tinubuang lupa

katutubo't kaisa'y
ipagtanggol tuwina
at ngayong araw nila'y
binabating talaga

taos na pagpupugay
sa katutubong tunay
mula sa puso'y alay
mabuhay! O, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.09.2021

Miyerkules, Agosto 4, 2021

Di man pansinin sa pagyoyosibrik

DI MAN PANSININ SA PAGYOYOSIBRIK

pansin ko, walang pumapansin sa aking kampanya
laban sa upos ng yosi, dahil kakaiba ba?
bakit ako ang gumagawa, bakit di ang iba?
bakit ginagawa ko ito, para ba sa masa?

subalit kahit na ganoong walang pumapansin
patuloy pa rin ako sa niyakap na layunin
kaysa makitang bayan ay sa upos lulunurin
lalo na't isda sa laot, upos na'y kinakain

kailangang kumilos at magbigay halimbawa
isang pagbabakasakali tumulong din ang madla
na kalinisan din ng paligid ay maunawa
na di tapon dito, tapon doon ang ginagawa

baka sadyang mahina lang ako sa pagtaguyod
na upos sa kalikasan ay di nakalulugod
na baka isda sa laot sa upos na'y malunod
na walang kapupuntahan ay nagpapakapagod

hayaan n'yo na ako sa ginagawa kong ito
na sa bote'y magtipon ng upos ng sigarilyo
kapara ng ekobrik ay yosibrik ang gawa ko
adhikaing ito sa kapwa'y di naman perwisyo

- gregoriovbituinjr.
08.04.2021

Lunes, Agosto 2, 2021

Ang maging magsasaka sa lungsod

ANG MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD

mabuti't nakapagpapatubo na rin sa paso
ng mga tanim na halamang kitang lumalago
di naman magsasaka ngunit nakapagpatubo
ng tanim sa lungsod na di pansin ang pagkahapo

ganyan ang iwing buhay sa nanalasang pandemya
kahit nasa kalunsuran ay maging magsasaka
magtanim ng gulay sa paso, munggo, talong, okra
at iba pa't pagsikapang alagaan tuwina

kahit ako'y lumaki man sa aspaltadong lungsod
nadama kong ang gawaing ito'y nakalulugod
tamang pagtatanim ay inaral at sinusunod
at gawaing ito sa madla'y itinataguyod

sa labas lang ng bakuran naglagay ng pananim
sa mga paso lang na mula gusali ang lilim
wala mang lupang malawak, may lupa'y pwede na rin
mahalaga'y makapagpatubo't may aanihin

di man sadya'y naging magsasaka sa kalunsuran
kahit paano'y makatulong sa pamilya't bayan
sa pandemyang ito nga'y kayrami kong natutunan:
maging malikhain at pag-aralan ang lipunan

anumang natutunan ay ibahagi sa madla
na bansa'y binusog ng magsasaka't manggagawa
na sa pawis, dugo't pagsisikap, may mapapala
sa mga kabataan, tayo'y maging halimbawa

- gregoriovbituinjr.