Linggo, Hulyo 18, 2021

Kung manalasa muli ang unos

KUNG MANALASA MULI ANG UNOS

titigan mo ang langit, animo'y bagong umaga
ang kariktan ng paligid ay kahali-halina
puti ang mga ulap, ang panahon ay kayganda
ngunit maya-maya'y nangitim, handang manalasa

nagbabadya ang unos, matalim ang mga titig
ng langit, animo'y luluha, ramdam mo sa pintig
kung sakaling magbaha, tiyak ang pangangaligkig
kaya dapat maging alerto sa lagim at lamig

dapat lang paghandaan ang paparating na bagyo
baka ihahatid nito'y ang lagim ng delubyo
para bang digma, sa bagyo'y mapapalaban tayo
kaya pamilya'y unahing sagipin sa ganito

taon-taon na lang may nakakasagupang unos
na madalas na dinudulot ay kalunos-lunos
ang ngitngit ng kalikasan pag tuluyang nang-ulos
mga nasalanta'y parang kandilang nauupos

kaya paghandaan natin ang panibagong digma
maging malinaw ang isip, huwag matutulala
at kung kinakailangan, magtulungan ang madla
pinakamatatag na payo'y dapat maging handa

- gregoriovbituinjr.

Samutsaring balita

SAMUTSARING BALITA

samutsaring balita
ang pahatid sa madla
datapwat ano pa nga
minsan di makahuma

binabasa ang ulat
na kung saan nagbuhat
marami nga raw kalat
sa ating sapat't dagat

trapong nakipagtalo
sa kapwa pulitiko
baka kakandidato
kung ano'y binabato

mga balitang COVID
na ipinababatid
lunas ba'y ihahatid
na di dapat malingid

mga kwentong artista
at nagseseksihan pa
senador, kongresista
may nagawang batas ba

apektado ang madla
sa maraming balita
huwag lang matulala
kung sa ulat magitla

ang trapong laging palso
ay huwag nang iboto
kung maupo sa pwesto
kawawa ang bayan ko

balita'y nararapat
tunay ang isiwalat
na kumbaga sa sugat
may lunas na pang-ampat

- gregoriovbituinjr.

Martes, Hulyo 13, 2021

Bawal magyosi

BAWAL MAGYOSI

"No Smoking" ang nakasabit doong karatula
na alagaan ang kalusugan ang paalala
o huwag itapon doon ang upos na basura
dahil mga dahon ay baka magliyab talaga

mapagliliyab ba ang dahon ng may sinding upos
marahil kung malakas ang apoy na lumalagos
sa bawat dahong tila tanda ng paghihikahos
lalo't nalagas sa punong pinanahanang lubos

"Bawal manigarilyo!" o kaya'y "Huwag magyosi!"
na sa kalaunan ay upang di tayo magsisi
sinong malusog, sinong may kanser, sinong may tibi
marahil makasasagot lang ay ang mga saksi

naglagay ng karatula'y may dahilang malalim
bukod sa magandang lugar na may punong malilim
baka sa tingin niya, yosi'y karima-rimarim
na nagdudulot lang sa kanya ng abang panimdim

may nagyoyosi, may hindi, tayo'y magrespetuhan
lalo't malinis na hangin ay ating karapatan
sa iba, ang yosi'y sandigan ng kaliwanagan
ng isip kaya ito'y isang pangangailangan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pook niyang napuntahan

Pagkalunod

PAGKALUNOD

minsan, sabik na sabik tayong maligo sa dagat
dahil maalinsangan, dadamhin ang tubig-alat
habang iniiwasang umatake ang pulikat
at dikya na nasa isip pa rin ang pag-iingat

dahil marami nang nadisgrasya sa pag-iisa
iba'y nangungulila sa kawalan ng hustisya
iba'y di na natantya ang pag-iwas sa sakuna
at nadadale ng minsanan, minsanang disgrasya

minsan, di lang sa tubig tayo nalulunod man din
kundi sa dami ng nagsulputang alalahanin
minsan, nalulunod tayo sa daming suliranin
na dapat lang pagtulungan upang ito'y lutasin

minsan sa pagsisid may kaharap palang panganib
di na napapansing ginagawa'y sariling yungib
sa masukal na kabundukan o malayong liblib
habang pinipilit itong kayanin niring dibdib

kayganda man doon sa laot na sinisisid mo
dahil may oksiheno'y nakukunan ng litrato
ngunit kung maubusan ng oksiheno'y paano
sakaling malunod nawa'y dumating ang saklolo

- gregoriovbituinjr.

* litrato ng balita mula sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, Hulyo 13, 2021, pahina 9

Lunes, Hulyo 12, 2021

Pagbubukod ng basura

PAGBUBUKOD NG BASURA

isinama na naman ang plastik na di mabulok
sa mga nalagas na dahong madaling mabulok
yaong nagtapon ng boteng plastik ba'y isang bugok
o walang pakialam kahit may laman ang tuktok

itinuro namang tiyak sa mga paaralan
ang paghihiwalay ng basura sa basurahan
ngunit paano kung itinapon na lang kung saan
sino bang sa basurang ito'y may pananagutan

kawawa ang tagalinis na alam ang pagbukod
ng basura habang patuloy siyang kumakayod
batid ang batas ngunit marami'y di sumusunod
boteng plastik kahalo ng dahon, nakakapagod

kaya pakiusap, ibukod natin ang basura
huwag paghaluin, baka magkasakit ang masa
aralin muli ang mga napag-aralan mo na
tungkol sa kalikasan, kapaligiran at kapwa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang lugar niyang napuntahan

Patuloy na paggawa ng ekobrik

PATULOY NA PAGGAWA NG EKOBRIK

naggugupit-gupit pa rin ng sangkaterbang plastik
angking misyon habang ilog at sapa'y humihibik
sa naglulutangang basurang plastik na tumirik
sa kanilang kaluluwang animo'y nakatitik

ginagawa ko iyon nang walang kakurap-kurap
walang patumpik-tumpik na talagang nagsisikap
tingni ang paligid, kalikasa'y sisinghap-singhap
na kinakain na'y basurang di katanggap-tanggap

may bikig na sa lalamunan ang laot kumbaga
kaya paggawa ng ekobrik ay munti kong larga
nagbabakasakaling ako'y may naambag pala
upang kalikasan ay mailigtas sa disgrasya

tingni, walang lamang boteng plastik ay may espasyo
kaya ginupit na plastik ay ipapasok dito
patitigasing parang brick, purong plastik lang ito
hanggang maging matigas na ekobrik ang gawa mo

minsan, sa paggupit-gupit, ramdam mo'y nangingimay
napapagod din iyang mga daliri sa kamay
mahalaga'y nagagawa ang niyakap na pakay
upang kalikasan ay mapangalagaang tunay

- gregoriovbituinjr.
07.12.2021

Pagtatanim sa paso

PAGTATANIM SA PASO

nakakatuwang masdan ang luntiang kalunsuran
kung paanong tayo animo'y nasa kagubatan
mapuno, mahangin, maraming tanim na halaman
na sa pakiramdam ay talagang nakagagaan

kaya magtanim-tanim kahit sa mumunting paso
diligan araw at gabi nang may buong pagsuyo
alagaan ang mga tanim nang walang pagsuko
bakasakaling mamunga pag ito'y napalago

kung di man mamunga ang halaman ay pwede na rin
kung makakasagap ka naman ng sariwang hangin
kung polusyon sa paligid ay maiwasan natin
kung kaaya-aya rin ito sa ating paningin

tunay ngang ang kalikasan ay kadikit ng pusod
magandang halimbawa ang lunting nakalulugod
kaya urban farming sa bawat isa'y itaguyod
halina't magtanim-tanim din kahit nasa lungsod

- gregoriovbituinjr.
07.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng Bantayog ng mga Bayani sa Lungsod Quezon

Biyernes, Hulyo 9, 2021

Halaan

HALAAN

muli akong nag-ulam ng paboritong halaan
binibili namin ni Itay noong kabataan
matapos mag-jogging sa Manila Bay, pagpawisan
lalo't araw ng Linggo't nagrerelaks-relaks naman

may nagtitinda kasi ng halaan sa aplaya
ng Maynila o Manila Bay, kaysarap talaga
ng halaan, anila'y pampatibay ng tuhod pa
makakaiwas daw sa megaloblastic anemia

marami itong benepisyo, ayon sa eksperto
bukod sa binibigay sa inang nagpapasuso
sa sakit sa puso'y makakaiwas pa raw tayo
dahil may omega-3 fatty acids nga raw ito

hinigop ko ang sabaw ng halaan dahil na rin
upang maibsan ang aking nararanasang migraine
panlaban sa fatty liver disease dahil sa choline
para sa malusog na isip ay may riboflavin

aba'y sa palengke'y natsambahan ko lamang ito
at agad akong bumili ng kalahating kilo
nang tikman muli ang halaan ng kabataan ko
naiwasan na ang thyroid, pampalusog pa ito

- gregoriovbituinjr.
* litratong kuha ng makatang gala

Pinaghalawan ng ilang datos: 
https://ph.theasianparent.com/halaan-soup    

Miyerkules, Hulyo 7, 2021

Sa ikatlong anibersaryo ng aming kasal

gaano man karami ang problemang dinaanan
at gaano man katindi ang bawat karanasan
naririto pa rin tayong matatag ang samahan
magkalayo man, magkalapit ang puso't isipan

pagpupugay sa ating ikatlong anibersaryo
kahit na dumaan pa ang samutsaring delubyo
magkatalingpuso sa mga usapin at isyu
lalo na sa kalikasang dapat ay protektado

sinusulong nang magkatuwang yaring adhikain
para sa buti ng kapwa't marangal na layunin
tulong-tulong upang kinabukasa'y paunlarin
walang iwanan, puso'y patuloy na bibigkisin

daghang salamat sa aking diwata, tanging mutya
at patuloy nating gagawin ang ating panata

- gregoriovbituinjr.
07.07.2021

Martes, Hulyo 6, 2021

Sa pagtatanim ng mabuting binhi

SA PAGTATANIM NG MABUTING BINHI

itanim din natin ang makabubuti sa budhi
habang pagpapakatao ay pinapanatili
itatanim natin ay pulos mabubuting binhi
upang mawakasan ang panahon ng mga imbi

at bubungkalin natin ang lupa ng kawalan
upang itanim ay pawang binhi ng kabuluhan
araw-gabing didiligan kung kinakailangan
upang magkasanga't magkaroon ng katuturan

mga sanga'y hahaba, tutubo ang mga dahon
magiging bunga ba'y mapakla o masarap iyon
marahil, depende sa mga ginagawang aksyon
kung maganda ang patutunguhan ng nilalayon

hanggang dumating na ang panahon ng pamimitas
dito na malalaman kung tama ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Hulyo 1, 2021

Sa ikalimang taon ng pagpaslang kay Gloria Capitan

SA IKALIMANG TAON NG PAGPASLANG KAY GLORIA CAPITAN

ah, limang taon na pala yaong nakararaan
nang pinaslang ang magiting na si Gloria Capitan
na kampanyador laban sa coal mining sa Bataan
tunay na human rights defender nitong sambayanan

sa lugar niya sa Bataan, sa nayong Lucanin
nang binaril ng dalawang di-kilalang salarin
ito'y mensahe upang mamamayan ay takutin
lalo't lumalaban sa mapaminsalang coal mining

sa unang araw ng pag-upo ng Ama ng Tokhang
ay naging madugo't si Ka Gloria ay tumimbuwang
siya ang una sa sunod-sunod na pamamaslang
due process o wastong proseso'y di na iginalang

kalikasan ay nararapat nating ipagtanggol
upang mabuting hangin ay di natin hinahabol
hustisya kay Gloria Capitan! kasamang tumutol
laban sa coal mining, coal stockpiles, mga plantang coal

taaskamaong pagsaludo ang tangi kong handog
tangan niyang prinsipyo'y akin ding iniluluhog
tama na ang mga coal plants, bayan na'y lumulubog
epekto nito sa kalusuga'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
07.01.2021
* mga litrato mula sa google

Mga pinaghalawan:
https://www.frontlinedefenders.org/en/case/case-history-gloria-capitan
https://www.greenpeace.org/philippines/press/1057/greenpeace-statement-on-the-murder-of-gloria-capitan-anti-coal-activist-in-bataan/
https://www.fidh.org/en/issues/human-rights-defenders/the-philippines-assassination-of-ms-gloria-capitan
https://www.euronews.com/green/2021/02/22/killed-for-campaigning-meet-the-women-fighting-the-coal-giants