Miyerkules, Hunyo 30, 2021

Kaplastikan

KAPLASTIKAN

pulos kaplastikan na sa ating kapaligiran
pulos plastik at upos sa dagat naglulutangan
sadyang kalunos-lunos na ang ganyang kalagayan
at ngayon ay bansa ng plastik tayong naturingan

sa isang editoryal nga'y Plastic Nation ang tawag
sa ating bansang may ilan pang gubat na madawag
kayrami raw nating, oo, nating basurang ambag
na tila sa ulat na ito'y di tayo matinag

ang nabanggit bang editoryal ay nakakahiya
na dahil sa plastik, tila ba tayo'y isinumpa
anong gagawin ng bansa upang ito'y mawala
aba'y magtulungan at magbayanihan ang madla

kayrami mang nagawa, di sapat ang Ocean Cleanup
paano bang kalinisan ng ilog ay maganap
ang Ilog Pasig, tingnan mo anong kanyang nalasap
habang tayo'y abalang kamtin ang abang pangarap

pulos plastik, pulos kaplastikan na ang paligid
pulos microplastic sa dagat pag iyong sinisid
ano bang dapat nating gawin, turan mo, kapatid
bago pa kaplastikan sa dilim tayo ibulid

- gregoriovbituinjr.
06.30.2021
* litrato mula sa Editoryal ng pahayagang Inquirer, petsang Hunyo 20, 2021

Magulong kapaligiran

MAGULONG KAPALIGIRAN

parang gulong ang buhay sa samutsaring dinanas
paikot-ikot, pasikot-sikot, pare-parehas
ramdam mong masalimuot ang bawat nilalandas
nilulutas ang mga suliraning di malutas

mula sa puno'y naglalagasan ang mga dahon
nakabitiw sa mga sanga't di na makaahon
sadyang ganito ba ang kalakarang parang kahon
isinilang, naging tao, mamamatay paglaon

subalit sa pagitan ng buhay at kamatayan
ay makadarama ng pag-ibig at kabiguan
ng kasiyahan, ng kapaitan, ng kalungkutan
di matakasan ang magulong kapaligiran

sa patutunguhan mo nga'y dadalhin ka ng gulong
nakabisikleta man o nakaawto'y susuong
sa balak puntahan, pangarap, saanman humantong
basta matumbok ang dinulot ng sariling dunong

- gregoriovbituinjr.
06.30.2021
* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, Lungsod Quezon

Martes, Hunyo 29, 2021

Kontra-baha sa Provident Village

KONTRA-BAHA SA PROVIDENT VILLAGE

isang magandang balitang makabagbag-damdamin
na huli man at magaling sana'y magawa pa rin
higit sampung taon nang nakaraan nang bahain
ang Provident Village na talagang lumubog man din

nanalasa ang ngitngit ng Ondoy, kaytinding bagyo
lumubog sa baha ang buong subdibisyong ito
dalawampung talampakan, abot anim na metro
higit limampung tao umano'y namatay dito

at naganap ang bangungot sa ikalawang beses
nang manalasa ang mas matinding bagyong Ulysses
nitong nakaraang taon lang, bagyo'y naninikis
muling lumubog ang Provident, sadyang labis-labis

buti't may gagawin ang lokal na pamahalaan
nang di na maulit ang bahang di mo makayanan
higit isangdaang metrong bakod, ito'y lalagyan
kung bumagyo't umapaw ang ilog ay may haharang

kaytagal hinintay ang ganitong inisyatiba
salamat sa alkalde ng Lungsod ng Marikina
at sana'y matatag ang bakod na gagawin nila
upang di maulit ang mga bangungot at dusa

- gregoriovbituinjr.
06.29.2021

Mga pinaghalawan ng datos:
https://news.abs-cbn.com/nation/09/28/09/78-dead-devastated-marikina
https://newsinfo.inquirer.net/1360021/like-ondoy-all-over-again

Lunes, Hunyo 28, 2021

Linisin ang Ilog Pasig

LINISIN ANG ILOG PASIG

di ligtas at marumi ang tubig sa Ilog Pasig
iyan ang sinambit ng marami't nakatutulig
pag naligo rito'y di lang basta mangangaligkig
pag nagkasakit ka pa'y sarili mo ang uusig

aba'y para kang naligo sa dagat ng basura
tulad ng trapong sa maraming lupa'y nanalasa
ang paglinis sa Ilog Pasig ba'y magagawa pa
marahil, kung magtulong tayong ito'y mapaganda

pulos basura, di naman basurahan ang ilog
kung anu-ano ang nakalutang at nakalubog
sa karumihan nga sa mundo ito'y napabantog
tayo'y walang magawa, sa puso'y nakadudurog

ngunit kailan pa ito malilinis, kailan
di lang basura kundi langis din ay naglutangan
mula pabrika't sasakyang pantubig na dumaan
di ito malilinis kung di ito sisimulan

halina't kumilos, bakasakaling may magawa
Ilog Pasig ay simbolo ng kultura ng bansa
walang malasakit sa ilog, sa tao pa kaya
ah, nais kong magboluntaryo't tumulong ng kusa

- gregoriovbituinjr.

Dito sa kagubatan

DITO SA KAGUBATAN

kayraming puno sa kagubatan
na bunga'y pipitasin na lamang
mga hayop ay nagmamahalan
at bawat isa'y nagbibigayan

oo, di sila tulad ng tao
na kabig doon at kabig dito
serbisyo'y ginagawang negosyo
ginto ang nasa puso ng tuso

naglalaguan ang mga puno
sana mga ito'y di maglaho
ngunit kung puputlin ng maluho
ay mabebenta saanmang dako

gubat ma'y kunin ng manunulsol
upang gawing silya o ataul
lalabanan ang gintong palakol
kagubata'y dapat ipagtanggol

buhay man iwi yaong kapalit
tahanan itong dapat igiit
bahay ng hayop, ibon mang pipit
huwag hayaang sila'y magipit

ah, mabuti pa rito sa gubat
kasamang hayop ay matatapat
na bawat bunga'y para sa lahat
at walang basta nangungulimbat

mamitas lamang ng bungangkahoy
habang nagsasaya pati unggoy
na sa baging ay uugoy-ugoy
pagong ay sa sapa naglulunoy

mga pagkain dito'y sariwa
luntiang gubat na pinipita
mga hayop na sadyang malaya
ay nabubuhay nang mapayapa

- gregoriovbituinjr.
06.28.2021

Linggo, Hunyo 13, 2021

Wala mang kasangga

WALA MANG KASANGGA

sino sa inyo'y kakampi ko sa pag-eekobrik
pati na rin sa ginagawang proyektong yosibrik
wala bang kakampi sa kalikasang humihibik
dahil sino ba ako't upang kayo'y mapaimik

baka tingin kasi'y isa akong dakilang gago
mag-ekobrik ay gawain lang daw ng isang gago
namumulot daw ng plastik at upos ang tulad ko
subalit sa kalikasan ay may tungkulin tayo

kahit ako'y pinagtatawanan ng mga matsing
akong kaytagal na ring sinipa sa toreng garing
kahit nanlalait sila't pulos na lang pasaring
ang aking ginagawa'y tatapusin kong magaling

di pa rin ako sumusuko, wala mang kasangga
sa akin man ay nandidiri't nanliliit sila
dahil tinututukan ko'y pawang mga basura
na Inang Kalikasan ay mailigtas pa sana

marahil sa pangangampanya nito, ako'y palpak
kaya pinagtatawanan ng mga hinayupak
lalo't ginagawa'y proyektong walang kitang pilak
proyektong di nila pagkakakitaan ng limpak

mag-isa man, aking itutuloy ang adhikain
baka maunawaan lamang ang aking gawain
pag bagyo'y muling nanalasa, at tayo'y bahain
o maintindihan lang pag ako'y namatay na rin

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Hunyo 10, 2021

Pag may suloy na ang itinanim

PAG MAY SULOY NA ANG ITINANIM

patuloy pa rin akong nagtatanim ng pag-asa
lalo sa panahong ito'y apektado ang masa
sa lupit ng pandemyang dinulot ay pagdurusa
sa marami't di matingkalang pag-asa'y wala na

sa panahon ng pandemya'y natuto nang magtanim
sa mga walang lamang boteng plastik na nakimkim
sa puso't diwang ang kawalan ay di na maatim
naging magsasaka sa lungsod, huwag lang manimdim

buti't may mga suloy na ang mga tanim kong halaman
na tanda ng tiyaga at pag-asang inaasam
sana'y patuloy silang makarating sa tagpuan
hanggang biyayang mula sa tiyaga'y masumpungan

tara, tayo rin ay maging magsasaka sa lungsod
magtanim-tanim at urban farming ay itaguyod
tinitiyak kong ang inyong pamilya'y malulugod
lalo na't mamunga ang inyong pagpapakapagod

- gregoriovbituinjr.
06.10.2021
National Ballpoint Pen Day

Martes, Hunyo 8, 2021

Patuloy ang paggawa ng yosibrick

PATULOY ANG PAGGAWA NG YOSIBRICK

ngayong World Oceans Day, patuloy na nagyo-yosibrick
ang inyong lingkod dahil karagata'y humihibik
pagkat siya'y nalulunod na sa upos at plastik
kayraming basurang sa dagat na'y nagpapatirik

masdan mo kung anong nabibingwit ng mangingisda
pulos basura ang nalalambat imbes na isda
di ba't ganito'y kalunos-lunos, kaawa-awa
basura'y pumulupot na sa tangrib at bahura

kaya sa munting gawa'y di na nagpatumpik-tumpik
wala mang makapansin sa gawa't di umiimik
na marami nang tao sa mundo'y nag-eekobrik
at ngayon, pulos upos naman sa yosibrick project

masdan mo ang mga pantalan, liblib na aplaya
hinahampas-hampas ng alon ang laksang basura
habang wala tayong magawa sa ating nakita
marahil dahil di alam na may magagawa pa

plastik at upos ay isisiksik sa boteng plastik
pulos plastik, walang halo, ang gawaing ekobrik
upos ng yosi'y tinitipon naman sa yosibrik
baka may magawa upang dagat ay di tumitik

paulit-ulit na problema'y paano malutas
laksa-laksang basura'y talagang nakakabanas
ekobrik at yosibrik na pansamantalang lunas
ay pagbabakasakali't ambag kong nilalandas

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021
World Oceans Day

Halina't tayo'y mag-ecobrick

HALINA'T TAYO'Y MAG-ECOBRICK

pulos single-use plastic ang mga pinagbalutan
ng maraming pagkaing naggaling sa pamilihan
itatapon na lang matapos mawala ang laman
ipinroseso sa pabrika't isang gamitan lang

aba'y ganyan lang ba ang silbi ng single-use plastic
di maresiklo, isang beses lang gamiting plastik
na nagpatambak sa laksang basura ng daigdig
ano bang lohika nito, sinong dapat mausig?

bakit gawa ng gawa ng plastik para sa madla
kung sa kapaligiran ito'y sumasalaula
baka may kalutasan ang problemang dambuhala
pagbabakasakali ang ecobrick na nagawa

patuloy pa rin tayong maghanap ng kalutasan
pagkat ecobrick ay pansamantalang kasagutan
habang walang ibang lunas, ito'y gawain naman
upang ating mapangalagaan ang kalikasan

isuksok ang ginupit na plastik sa boteng plastik
at patitigasin natin itong kapara ng brick
gawing istrukturang mesa o silya ang ecobrick
ginawa mang tahimik, ito ang aking pag-imik

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021
World Oceans Day

Itapon ng tama ang mga gamit na facemask

ITAPON NG TAMA ANG MGA GAMIT NA FACEMASK

magtatag-ulan na raw muli, ayon sa balita
at sila'y nagpapaalala sa mga burara
mga basura'y babara sa kanal, magbabaha
bukod sa plastik, pati facemask ay malaking banta

di mo ba batid na palutang-lutang na sa laot
ang mga upos at plastik na nakabuburaot
baka madagdag pa ang facemask, lalong nakatatakot
sa basura'y maituturing na tayong balakyot

baka facemask ay nasa dagat na sa isang kisap
tao nga'y burara't pabaya pag ito'y naganap
napakapayak lang naman ng aming pakiusap
facemask ay wastong itapon nang walang pagpapanggap

sinong sisisihin sa facemask na naging basura
at kung saan-saan na lang ito nangaglipana
pag nagbaha't tumila ang unos, anong nakita
sa mga baradong kanal, pulos facemask na pala

baka pa makahawa ang facemask na itinapon
pag naglipana ang facemask, dagdag pa sa polusyon
mabuti pa'y ibigay sa city garbage collection
batid nila kung saan wastong itatapon iyon

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021.
World Oceans Day

Tula sa World Oceans Day 2021

TULA SA WORLD OCEANS DAY 2021

karagatan na'y nalulunod sa upos at plastik
mga ito'y unti-unting nagiging microplastic
na kinakain na ng mga isdang matitinik
halina't dinggin mo ang dagat sa kanyang paghibik

nagsiksikan na ang basura sa bahura't tangrib
basura'y kayrami sa mga aplayang liblib
tila baga dambuhala itong naninibasib
sa daigdig nating  tahanang masakit sa dibdib

nilulunod natin ang karagatan sa basura
oo, nilulunod ng tao, may magagawa ba
kung magtutulungan pa ang tao't may disiplina
may magagawa pa upang dagat ay makahinga

sa ganang akin, ako'y nakiisa sa Ecobrick
na pandaigdigang liga ng mga nag-ekobrik
sa upos nga'y sinimulan din ang yosibrick project
nagsisiksik ng upos at plastik sa boteng plastik

kaya ngayong World Oceans Day, tayo'y muling magnilay
paanong sa susunod na henerasyon tutulay
ah, umpisahan muna sa panahon nating taglay
para sa kinabukasan ay kumilos nang sabay

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021.
World Oceans Day

Lunes, Hunyo 7, 2021

Kumain ng sapat at magpalakas

KUMAIN NG SAPAT AT MAGPALAKAS

Ayos bang pabigat ng pabigat ang iyong timbang?
Basta ba huwag kang maging pabigat sa tahanan?
Nagsisikap ka pa rin para sa kinabukasan
At ang mahal mong pamilya'y pinangangalagaan

Ngunit katawan mo'y alagaan mo ring mabuti
Baka pabigat ng pabigat ka'y di mapakali
At baka di ka na makalakad sa bandang huli
Tandaan mong ang pagsisisi'y laging nasa huli

Maya-maya lang ay pipitas na ng igugulay
Aba'y nagbunga rin ang malaon mong paghihintay
Tunay ngang nagbubunga rin ang bawat pagsisikhay
Upang sa pamilya'y di maging pabigat na tunay

Isda'y piprituhin, gulay ay isapaw sa kanin
Maya-maya pamilya'y salu-salo sa pagkain
Marami mang nakahain, sapat lang ang kainin
Upang di bumigat ang timbang na di kakayanin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

Linggo, Hunyo 6, 2021

Kalatas sa aking mga apo, Liham 2

KALATAS SA AKING MGA APO, LIHAM 2

apo, Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran
tuwing ikalima ng Hunyo, inyo ngang tandaan 
ito'y paalalang dapat din kayong makialam
upang alagaan ang daigdig nating tahanan

tingan ninyo, basura'y palutang-lutang sa laot
tulad ng mga plastik at upos na nagsisuot
sa mga bahura't tangrib, basura'y pumulupot
sa ngayon, mundong ito'y ganito ang inaabot

marami namang ginawa ang aming henerasyon
ngunit sadya yatang di sapat ang nagawa't misyon
mga isda nga'y microplastic na ang nilalamon
tao'y kakainin naman ang mga isdang iyon

nabubulok at di nabubulok, pinaghiwalay
habang sa pabrika, plastik pa'y nililikhang tunay
sa plastik na di mabulok, produkto'y nilalagay
hanggang ngayon nga sa nangyayari'y di mapalagay

henerasyon nami'y may ginawa para sa inyo
subalit tawad ay hingi pa rin naming totoo
dahil sa problemang iniiwan namin sa inyo
ngunit ipinaglaban din namin ang mundong ito 

nabigo kaming baguhin ang bulok na sistema
na sanhi ng kahirapan, pagdurusa, basura
tinapon sa mga ilog ang galing sa pabrika
lupaing ninuno'y sinisira ng pagmimina

sana sa inyong henerasyon ay may magbabago
pakiusap ko lang, sana'y may magagawa kayo
upang pangalagaan ang tahanan nating mundo
para naman sa henerasyong susunod sa inyo

- mula kay Tata Goryo Bituin
06.06.2036

Sabado, Hunyo 5, 2021

May kontrata tayo sa daigdig

MAY KONTRATA TAYO SA DAIGDIG

may kontrata tayo sa daigdig nating tahanan
habang nasasaisip natin ang kinabukasan
ng ating bayan, ng lipunan, at kapaligiran
habang mga ibon ay nariyang nag-aawitan

may kontrata tayong pangalagaan ang paligid
upang sa basura'y di mangalunod at mabulid
alagaan ang kalikasan, huwag maging manhid
para sa kinabukasan ng lahat ng kapatid

may kontratang huwag gawing basurahan ang mundo
nagbarang plastik sa kanal ang sanhi ng delubyo
ang masamang ugaling tapon doon, tapon dito
o baka masisi pa'y populasyong lumolobo

may kontrata tayong dapat ayusin ang sistema
kundi man baguhin ito ng manggagawa't masa
mga ilog ang pinagtatapunan ng pabrika
na matagal nang ginagawa ng kapitalista

sa usaping climate justice, may Paris Agreement na
sa batas, may Clean Air Act tayo, may Clean Water Act pa
sa matitinding unos, nagiging handa ang masa
dapat nang itigil ang mapanirang pagmimina

may kontrata sa daigdig na di man natititik
ay huwag hayaang magkalat ang upos at plastik
alagaan natin ang kalikasang humihibik
at sa ekolohiya'y huwag magpatumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021.World Environment Day

Isa pang tula ngayong World Environment Day

ISA PANG TULA NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY

ngayong World Environment Day, taospusong pagbati!
sa kumikilos para sa pangkalikasang mithi
upang tahanang daigdig ay di namimighati...
laban para sa kapaligira'y maipagwagi

pagbati sa mga Climate Walker kong nakasama
pati rin sa Green Convergence, Alyansa Tigil Mina,
sa Ecowaste Coalition, Greenpeace, at Aksyon Klima, 
Kamayan Forum, at Climate Reality Project pa

sa World Wide Fund for Nature at sa Mother Earth Foundation,
sa Earth Island Institute, Save Philippine Seas, Haribon,
Waves for Water, Green Collective, at Green Thumb Coalition,
sa Green Research, Sagip-Gubat Network, kayrami niyon

sa Philippine Movement for Climate Justice na ang mithi
ay masaayos ang klima't isyu'y maipagwagi
kay misis, sa munti naming diyaryong Diwang Lunti,
ilan lang ang mga iyang sa labi'y namutawi

sa grupo o kaya'y partidong Makakalikasan,
Philippine Ethical Treatment of Animals din naman,
sa Ecobrick, sa Yosibrick project kong sinimulan,
paumanhin po kung may di nabanggit na samahan

ngayong World Environment Day, pagpupugay pong muli
magpatuloy tayo sa makakalikasang mithi
para sa kinabukasan natin, iba pang lahi
para sa kapaligiran, sa inyo'y bumabati

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021.World Environment Day

* litratong kuha sa 3rd Philippine Environment Summit na ginanap sa Cagayan de Oro noong Pebrero 2020

Patuloy akong kakatha

PATULOY AKONG KAKATHA

patuloy akong gagawa
ng mula sa puso'y tula
magninilay at kakatha
bagamat minsan tulala

at nakalutang sa hangin
kahit ano'y babanggitin
anumang paksa't damdamin
anumang haka't hangarin

basta't magpatuloy lamang
sa paghahanda ng dulang
upang manggang manibalang
ay akin nang matalupan

para sa tangi kong misis
paksa man ay climate justice
o dalitang nagtitiis
sa gutom, hapdi at hapis

sa suporta nyo'y salamat
habambuhay magsusulat
sige lang sa pagmumulat
upang masa'y magdumilat

sa mga katotohanang
nasisira'y kalikasan,
wasak ang kapaligirang
dapat nating alagaan

kaya dapat nagsusuri
nagninilay, naglilimi
na habang namumutawi
sa labi ang bawat mithi

patuloy akong kakatha
ng mula sa puso'y akda
magninilay at tutula
ng pangkalikasang diwa

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021
World Environment Day

Tulang handog ngayong World Environment Day

TULANG HANDOG NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY

pagmulat nga'y naalala ang petsa't araw ngayon
nag-inat, papungas-pungas, saka biglang bumangon
kumusta ba ang lansangan, ang dagat sa pag-alon?
lulutang-lutang pa rin ba ang upos ng linggatong?

umuusbong ang mga pananim sa pasong plastik
na pinagtiyagaang itanim dahil pandemik
habang patuloy pa rin ang gawaing mag-ekobrik
na ginupit na plastik sa boteng plastik isiksik

anong dapat gawin upang di magbara ang kanal
dahil sa mga basurang itinapon ng hangal
sa kapaligiran man, may matututunang aral
na dapat ding magpakatao'y may magandang asal

mga edukado pa ba ang walang disiplina?
sapagkat tapon dito, tapon doon sa kalsada
kayrami nang lupaing sinira ng pagmimina
ilog pa'y pinagtatapunan ng kapitalista

ayaw nating malunod sa basura ang daigdig
na tahanan ng ninuno, kalaban, kapanalig
sa paglinis ng paligid, tayo'y magkapitbisig
at mga asal-burara ay dapat lang mausig

kayraming batas-pangkalikasan nang pinagtibay
na dapat aralin, basahin, mapagnilay-nilay
at ngayong World Environment Day, halina't magpugay
sa mga sa kalikasan nangangalagang tunay

- gregoriovbituinjr.06.05.2021

Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sa kaarawan ni Kasamang Des

SA KAARAWAN NI KASAMANG DES

nakilala ko si kasamang Des sa bansang Pransya
doon sa Climate Pilgrimage nga'y aming nakasama
di mula sa Pilipinas nang makasabay siya
kundi mula sa ibang bansa at nag-aaral pa

gaano man kalayo ay kaytatag sa lakaran
mula Roma hanggang Paris ay kasamang humakbang
upang ikampanyang ang klima'y pansining tuluyan
ng maraming bansa't iba't ibang pamahalaan

tumitindi na ang klima, ang mundo'y umiinit
climate change ay pag-usapan at matugunang pilit
huwag tumaas ang lebel ng tubig kahit saglit
maraming islang lulubog pag patuloy ang init

hanggang Paris Agreement ay tuluyang mapagtibay
saksi kaming naroon sa Paris, may ngiting taglay
sa iyong kaarawan, kasamang Des, pagpupugay
magpatuloy ka sa mabuting adhika, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.04.2021

* Si Desiree Llanos Dee ng Greenpeace ay nasa dulong kaliwa ng litrato katabi ni dating Commissioner Yeb Saño ng Climate Change Commission, habang ako naman ay nasa ikalawa mula sa kanan.

Martes, Hunyo 1, 2021

Walang kalat sa unang araw ng buwan?

WALANG KALAT SA UNANG ARAW NG BUWAN?

tara, simulan natin ang unang araw ng buwan
nang walang kalat, nangangalaga sa kalikasan
ilang araw na lang at Araw ng Kapaligiran
salubungin natin ito ng may kahinahunan

walang kalat na mga basurang upos at plastik
at kung kinakailangan, tayo na'y mag-ecobrick
kabawasan din sa basura ang pagyo-yosibrick
plastik at upos ay isisiksik sa boteng plastik

alam nyo bang World Bicycle Day sa Hunyo ikatlo
World Environment Day na sa ikalima ng Hunyo
at World Food Safety Day naman sa Hunyo ikapito
dagdag pa ang World Oceans Day sa Hunyo ikawalo

unang araw ng buwan ay salubunging maayos
kung saan malinis ang paligid kahit hikahos
sa karagatan ay walang lumulutang na upos
tahanang daigdig ay inaalagaang lubos

- gregoriovbituinjr.
06.01.2021