Miyerkules, Marso 31, 2021

Ang solong halaman sa semento

ANG SOLONG HALAMAN SA SEMENTO

tumutubo rin kahit sa semento ang halaman
na tanging nagdilig at nag-alaga'y kalikasan
nagsosolo lang sa ilang, kaya aking kinunan
katulad niya'y tubo rin ako sa kalunsuran

na di katulad ng ibang lumaki sa probinsya
may bukid, may dagat, kaya kabataa'y kaysaya
kinagisnan ko naman ay aspaltadong kalsada
sa daming sasakyan, nakikipagpatintero pa

mabuti't dalawang beses lang akong nadisgrasya
nabundol ng dyip ng Balic-Balic sa edad lima
sa edad sampu'y nabangga naman ng bisikleta
at tumilapon akong walang malay sa kalsada

kalikutan ng kabataan, solong dumiskarte
nabarkada'y mga haragan at kapwa salbahe
naging aktibista, nagbago, ganyan ang paglaki
ngayon ay nakikibaka't sa bayan nagsisilbi

gaya ng solong halamang tumubo sa semento
na naging matatag sa mga dumaang delubyo
ako'y naging matatag sa bawat problema't isyu
kaya pinaglalaban ay lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Martes, Marso 30, 2021

Pagtapon ng basura

PAGTAPON NG BASURA

ang ating mga basura'y paano ba itatapon?
tulad ng basurang sa kalooban ko naipon
ilagak lang sa tamang lalagyan ang mga iyon?
subalit iyan nga ba ang wastong sagot o tugon?

itatapon lang sa kung saan, basta di makita?
anong patunay sa wasto tinapon ang basura?
tinapon nga ba sa landfill o baka sa aplaya?
kaya basura'y sa dalampasigan naglipana?

sino ba ang uusig sa mga may kasalanan?
na sarili nating bansa'y ginawang basurahan
di ba't daigdig at paligid ay ating tahanan?
kaya di dapat masikmura ang kapabayaan

tayo man ay dukhang isang tuka sa bawat kahig
tayong narito ang lilinis sa ating daigdig
na bawat mamamayan sana ang kakapitbisig
nawa ang panawagang ito'y talagang marinig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa kung saan-saan

Linggo, Marso 28, 2021

Pagpupugay sa mga tagawalis sa lansangan

PAGPUPUGAY SA MGA TAGAWALIS SA LANSANGAN

maraming salamat sa inyong mga tagawalis
sapagkat ang ating mga lansangan ay luminis
mga basura't layak na nangaglipana'y amis
na sa mga may hika'y talagang nakaiinis

tapon na lamang dito't tapon doon ang sinuman
gayong maaari naman silang pakiusapan
na sarili'y disiplinahin bilang mamamayan
ito'y laking tulong na sa sarili nilang bayan

na kung tinuturing nilang tahanan ang daigdig
basura'y di nila itatapon saanmang panig
naglipanang basura'y nagdudulot ng ligalig
sa puso't isip ng bayang dapat magkapitbisig

salamat sa tagawalis, mababa man ang sahod
bilang manggagawa, puspusan silang naglilingkod
tungkuli'y ginagampanan kahit nakakapagod
nang lansangan sa mata ng madla'y nakalulugod

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan    

Ang tagawalis sa madawag na kalunsuran

ANG TAGAWALIS SA MADAWAG NA KALUNSURAN

madawag na kalunsuran ay gubat kung pansinin
tagawalis ng kalsada'y tunay na magigiting
maagang gigising upang gampanan ang gawain
at maagang papasok upang basura'y walisin

tila ba mga basura'y sugat na nagnanaknak
na dapat gamutin, ito ma'y gaano kapayak
dala ang karitong lagayan ng basura't layak
upang nalagas na dahon ay dito mailagak

maraming salamat sa tagalinis ng lansangan
tungkulin nila'y mahusay nilang ginagampanan
di man sapat ang sahod, danas man ay kagutuman
nariyan lagi silang nagsisilbi ng lubusan

pagpupugay sa mga nagwawalis sa kalsada
iyang pagpapakapagod ninyo sana'y magbunga
madawag na lungsod ngayon nga'y nakakahalina
dahil sa mata ng madla'y malinis na't maganda

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Kambal na talong

KAMBAL NA TALONG

apat na suloy, lima ang bunga, aba'y may kambal
tinitigan ko ang talong subalit di matagal
pangitain ba ito, tila ako'y natigagal
tulad ng saging, sa talong ay mayroon ding kambal

kasabihan bang pag kumain ng kambal na ito
kambal din ang anak, paano makasisiguro
sige lang, kambal na bunga'y kainin ngang totoo 
baka tsumamba't kambal ang lumabas sa misis ko

sige, bakasakaling magkatotoo ang tsismis
kambal pala pag lumaki nga ang tiyan ni misis
kainin ang kambal na talong, baka magkapares
ang isisilang ng proletaryo ngunit di burgis

aba, kambal na talong ko'y talagang anong tigas
upang likhain ang kambal na magagandang bulas
sa diyalektiko'y isang karanasang madanas
na kung totoo, kambal na bunga'y dapat mapitas

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala mula sa mga gulay na padala ni misis

Sabado, Marso 27, 2021

Tula sa munggo 2


TULA SA MUNGGO 2

kanina nga'y tuyot na munggo ang aking napansin
na dahil tuyot na'y tuluyan sanang tatanggalin
subalit namunga pala't nakapagpatubo rin
ngunit ngayon, luntiang bunga ang nakita man din

naisip kong magtanim-tanim dahil sa pandemya
kamatis, sili, bawang, sibuyas, munggo't iba pa
sa plastik na paso't dinidiligan ko tuwina
patunay na kung magsikap, ibubunga'y maganda

ang tulad ko'y lumaki man sa aspaltadong lungsod
di sa bukid kundi sa highway na nakakapagod
di sa pilapil kundi sa bato natatalisod
naging magsasaka sa lungsod na nakalulugod

unang beses ko itong magtanim sa pasong plastik
dito sa lungsod na pawang mga semento't putik
bagong aral, bagong karanasang nakasasabik
na kung magsikap magtanim, may mamumungang hitik

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa bakuran ng kanilang opisina

#magsasakasalungsod
#magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila
#tanimsaopisinasapasig


Tula sa munggo 1


TULA SA MUNGGO 1

natuyot na ang dahon at matigas na ang sanga
akala ko'y patay na nang mapansin kong namunga
na pala ang munggong tinanim ko ilang buwan na
kaya ko palang magpatubo, ramdam ko'y kaysaya

unang beses na namunga itong itinanim ko
sa plastik na paso, na inalagaan kong husto
bago sumikat ang araw, didiligan na ito
bago magtakipsilim, didiligan uli ito

nakapagpatubo rin ang magsasaka sa lungsod
lalo't vegetaryanismo'y aking tinataguyod
pagtatanim sa paso nga'y sadyang nakalulugod
may binunga rin ang anumang pagpapakapagod

may suloy na rin pati tanim kong sili't kamatis
sana, ilang buwan pa'y mamunga ang pagtitiis

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa bakuran ng kanilang opisina

#magsasakasalungsod
#magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila
#tanimsaopisinasapasig

Biyernes, Marso 19, 2021

Sa ika-31 taon ng Kamayan Forum

 Inihanda at ibinidyo ng inyong lingkod para sa zoom meeting ng Kamayan Forum,  sa hapon ng Marso 19, 2021. Naka-upload ang video sa facebook.


Magandang hapon po sa ating lahat, ako po'y magbabasa ng tula para sa ika-31 taon ng Kamayan Forum na nagsimula noong March 1990.

Sa ika-31 taon ng Kamayan Forum

maalab na pagbati ang aking pinaaabot
sa Kamayan Forum sa kabutihang idinulot
sa kalikasan kaya marami ngayong naabot
at tumugon sa mga isyu't ngayon nakisangkot

ikalimang taon nito'y akin nang dinaluhan
na ang grupong CLEAR ang una nitong pangasiwaan
nakilala ko ang pangulo nitong si Vic Milan
ang bise'y si Butch Nava na nakita ko lang minsan

sekretaryo heneral ay si Ed Aurelio Reyes
o Sir Ding para sa marami, nakikipagtagis
ng talino sa sinumang ang opinyon ay labis;
siya'y magalang, sa talakayan man ay mabangis

wala na silang nagsimula nitong talakayan
dahil sa gintong adhika'y nagpatuloy pa naman
tatlong dekada'y nagdaan, forum pa ri'y nariyan
lalo na't ang Green Convergence ang bagong pamunuan

maraming samahang nabuo sa Kamayan Forum
tulad ng SALIKA na naririyan pa rin ngayon
salamat si Triple V, dumadalo'y di nagutom
Triple V na nag-isponsor ng mahabang panahon

sa bumubuo po ng Kamayan Forum, Mabuhay!
sa inyong lahat, taas noo kaming nagpupugay
sa inyong sa kalikasan ay nagsisilbing tunay
nawa'y magpatuloy pa tayong magkaugnay-ugnay

- gregoriovbituinjr.
03.19.21

Linggo, Marso 14, 2021

Maikling Kwento - May isang puno


MAY ISANG PUNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

May matandang salaysay na ikinukwento ng aking mga nuno na halos di ko na matandaan subalit parang ganito: Sa isang ilang na pook ay may isang namumungang puno, kung saan sinumang mapadaan doong manlalakbay ay nakakakain at nabubusog sa bunga nito. 

Anang nuno, "Basta kunin mo lang ang kaya mong kainin habang ikaw ay napaparaan doon patungo sa iyong pupuntahan. Madali kasing mabulok ang bunga pag hindi agad kinain." Maraming manlalakbay ang napapadaan sa ilang na pook na iyon at namimitas ng masarap na bunga sa nag-iisang puno, lalo na't kainitan ng araw ay doon na rin sila sumisilong at kumakain. Hanggang magpatuloy sila sa paglalakbay.

Kaya kilala ang punong iyon na nagbibigay ng ginhawa sa mga manlalakbay. Patuloy iyong namumunga sa anumang bahagi ng taon. Ibinibigay ng kalikasan sa sinumang tao ang pagkaing nakakatugon sa kanilang gutom.

Marami rin mangangaral ang naringgan ko ng matalinghagang kwentong ito noong kabataan ko. Hanggang mapag-isip ko, paano kaya kung  mayroong  mag-angkin ng iisang punong ito? Kaya naman dinugtungan ko ang kanilang kwento.

Isang araw, naisipan ng isang ganid at tusong manlalakbay na nakakabatid ng ginhawang dulot ng puno sa sinumang maparaan doon na angkinin ito at bakuran. At sinumang manguha ng bunga ng puno ay kailangang magbayad, kundi man bilhin ito sa kanya.

Samakatwid, inangkin niya't ginawang negosyo ang bunga ng punong sinasabi ng mga tao'y di nawawalan ng bunga.

Kaya ang nangyari, bawat manlalakbay na magdaan sa pook na iyon, na sa layo ng nilalakbay ay nagugutom at nais kumain ng libreng bungang bigay ng kalikasan, ay napipilitan nang bumili ng pagkaing bunga sa tusong manlalakbay upang maibsan ang kanilang gutom.

Yaong mga may di sapat na salapi ay hindi makabili ng bunga kaya nagpapatuloy na lang sa paglalakbay sa kabila ng nadaramang gutom. 

Yaong mga maralitang napapadaan lang ay di na rin makapitas ng bunga ng puno upang maipakain sana sa kanilang anak na nagugutom. 

Hanggang napagpasyahan ng mga manlalakbay na nakakaunawa sa kabaitan ng kalikasan sa kanila na sila'y makapag-usap-usap. 

Anang isang manlalakbay, "Dati ay nakakakain tayo ng bigay ng kalikasan, subalit ngayon ay inangkin iyon ng isang ganid para sa kanyang sariling kapakinabangan. Bigay iyon ng kalikasan sa bawat manlalakbay, subalit bakit niya iyon inangkin? Ah, pinaiiral niya ang sistemang walang dangal, ang magkamal ng limpak na salapi, at pagtubuan ang kalikasan."

Anang isa pa, "Ginawa niyang pribadong pag-aari ang kalikasan upang siya lang ang makinabang. Dapat tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring dapat ay para sa taumbayan upang lahat ay makinabang."

Nagsipag-aklas ang mga manlalakbay at binuwag ang bakod sa puno at dinakip ang tusong nangamkam ng puno at pinalayas ito. Napakabait pa nila't pinalayas lang ang sakim at hindi pinaslang.

Nang mabuwag na ang bakod, ang bawat manlalakbay na dumaan sa punong iyon ay nakakapitas na ng bunga, nabubusog at nakadarama ng ginhawa. Natatamasa nila ang libreng bungang bigay ng kalikasan.

Makalipas pa ang maraming taon, nagkaisa ang mga mamamayan sa pook na iyon na alagaan ang puno at protektahan iyon laban sa mga pusong ganid na nais ditong umangkin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2021, pahina 18-19.