Martes, Enero 26, 2021

Mag-yosibrick at upos ay hanapan ng solusyon

MAG-YOSIBRICK AT UPOS AY HANAPAN NG SOLUSYON

Master, sa titisan ilagay ang titis at upos
halimbawang sinigarilyo'y tuluyan nang naubos
sana'y maging malusog ka pa't hindi kinakapos
ng hininga kahit sunog baga ka pa't hikahos

maging disiplinado sa upos mong tinatapon
huwag ikalat at pitikin lang kung saan ayon
upang sa laot di isda ang dito'y makalulon
mag-yosibrik tayo't baka makatulong paglaon

paggawa ng yosibrik ay upang ipropaganda
na dapat gawing produkto ang sa upos ay hibla
kumausap ng imbentor kung ating makakaya
o kaya'y siyentipiko, bakasakali baga

kaya nga upos ng yosi'y huwag basta itapon
baka paglaon ay may makagawa ng imbensyon
mula sa hibla ng yosi, mayari ay sinturon
o kaya'y bag, sapatos, tsinelas, ito ang layon

hindi ba't nagagawang barong ang hibla ng pinya
nagagawa namang lubid ang hibla ng abaka
sa hibla ng upos ng yosi'y may magagawa pa
aralin natin ito bakasakaling magbunga

ikaw, sa problema ng upos, anong iyong tugon?
tara, tulong-tulong tayong gumawa ng solusyon
lutasin na ang basurang upos at titis ngayon
at kung anuman ang iyong mungkahi'y turan iyon

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.

Lunes, Enero 25, 2021

Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

matinding panawagang huwag magpatumpik-tumpik
pagkat dagat at tao'y nalulunod na sa plastik
dahil din sa pandemya'y nagkalat na rin ang plastik
ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

halina't para sa kalikasan tayo'y lumahok
plastik ay gupitin ng maliliit at ipasok
doon sa loob ng boteng plastik ating isuksok
mga plastik naman ay basurang di nabubulok

hanggang maging tila brick na di madurog sa tigas
at gawin din natin ang yosibrik baka malutas
iyang problema ng upos na ating namamalas
na lulutang-lutang sa dagat, sadyang alingasngas

ngayong Zero Waste Month, lumahok tayo't magsikilos
sagipin ang bayan sa basurang plastik at upos
sa usaping ito'y may magagawa tayong lubos
sa kayraming basura'y halina't makipagtuos

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Ang paggawa ng yosibrik

nag-ipon muna ako ng delatang walang laman
saka ginawang ashtray, sa Tagalog ay titisan
upang mga upos at titis ay may paglalagyan
na noong una nga'y labis kong pinandidirihan

ngunit dapat may gawin sa mga upos ng yosi
pagkat sa laot naglulutangan itong kayrami
ang madla'y walang magawa sa basurang sakbibi
na nilalamon ng mga isda't di mapakali

tulad ng ekobrik ay naisip kong mag-yosibrik
kung ekobrik ay pagsiksik ng ginupit na plastik
sa yosibrik naman, pulos upos ang sinisiksik
gamit ang glab at sipit sinuot sa boteng plastik

anong dahilan? bakasakaling may paggamitan
ang hibla ng upos, baka may imbensyong anuman
upang magamit din ang hibla't maging kagamitan
halimbawa'y bag, sinturon, o anumang lagayan

ipapakita kong maraming nagawang yosibrik
upang makumbinsi ang syentipikong magsaliksik
upang upos ay di na maging basurang sumiksik
sa laot, sa lansangan, sa basurahan nga'y hitik

ngayong Enero, Zero Waste Month, tayo na'y lumikha
nitong yosibrik bilang tugon sa problemang sadya
huwag nating gawing basurahan ang ating bansa
iyan ang aking panawagan, kaya ba? sige nga!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Biyernes, Enero 8, 2021

Ang proyektong yosibrick

Ang proyektong yosibrick

iniipon ko ang mga upos ng sigarilyo
pagkat isa sa naglipanang basura sa mundo
gagawing parang ekobrick, yosibrick ang tawag ko
tinitipon bakasakaling may magawa rito

di lang ito pagsiksik ng upos sa boteng plastik
kundi mabatid sa basurang ito'y may umimik
may magagawa ba sa upos na nagsusumiksik
sa kanal, lansangan, sa laot nga'y basurang hitik

di ako nagyoyosi, ito'y akin lang tinipon
upang gawing yosibrick habang hanap ay solusyon
sa hibla nito'y baka may magawa pang imbensyon
baka mayari'y bag, sapatos, pitaka, sinturon

ang upos ng yosi'y binubuo ng mga hibla
nagagawang lubid ang mga hibla ng abaka
at nagagawang barong ang mga hibla ng pinya
sa hibla naman ng upos baka may magawa pa

panimula pa lang itong yosibrick na nabanggit
baka may maimbentong hibla nito'y magagamit
na sana'y may magawa pa ritong sulit na sulit
para sa kalikasan, ito ang munti kong hirit

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Enero 7, 2021

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

isang alalahanin yaong sadyang sumambulat
pagkat tayo ang tinamaan sa isiniwalat
ng ulat na kapaligiran nati'y nawawarat
dahil sa ating kagagawang di pala marapat

mga gamit na mantika'y huwag basta itapon
sa lababo, saan ba natin ibubuhos iyon?
itong sabi sa ulat, ano bang kanilang layon?
magsuring mabuti't anong ating maitutulong?

mantika'y maaaring dumaloy sa sapa't ilog
o sa karagatan o sa katubigang kanugnog
papatay sa mga isda, tanim ay malalamog
apektado pa'y ibang nilalang na madudurog

sasakalin ng gamit na mantika ang nilalang
pupuluputan ng sebo ang kanilang katawan
nakababahalang ulat na dapat lang malaman
nang ito'y malapatan ng angkop na kalutasan

- gregoriovbituinjr.

* ang ulat at litrato'y mula sa fb page ng kumpanyang RMC Oil Ecosolutions