Sabado, Hulyo 25, 2020

Tatlong boteng walang laman para i-ekobrik

tatlong bote ng Cobrang walang laman muna ngayon
pupunuin ng mga ginupit na plastik iyon
bubunuin ko ang gawaing iyon sa maghapon
na baka nga abutin pa ng isang linggo roon

ah, tatlong bote lang muna, kalaban ay mahina
mabuting may ginagawa kaysa nakatunganga
para sa kalikasan, at ako'y may napapala
habang nageekobrik ay naglalaro ang diwa

samutsaring paksa ang dumadaloy sa isipan
hinahabi ang mga akdang sa diwa'y naiwan
ang mga taludtod at saknong nga'y sinasalansan
pinagsasalita rin ang anino sa kawalan

nagtatapos at nagtatapos ang pageekobrik
habang sa isip, may nakatha habang nagsisiksik
sa mga bote ng pinaggupit-gupit na plastik
at pag nagpahinga, nasa diwa'y isasatitik

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 23, 2020

Patuloy na pagkatha

patuloy pa rin ang gawaing kumatha ng tula
anuman ang pag-usapan ay kakatha't kakatha
animo'y di napapagod, walang kasawa-sawa
minsan, ang paksa'y hinahagilap pa sa gunita

buhay ng dalita, buhay ng karaniwang tao,
buhay ng kabataan, kababaihan, obrero
mga pagsusuri sa lipunang kapitalismo
pakikibaka't sakripisyo, buhay-aktibismo

prinsipyong tinanganan at pantaong karapatan
maitayo ang adhikang makataong lipunan
taludtod ng dakilang Kartilya ng Katipunan
laman ng manipestong sa manggagawa'y huwaran

bilang propagandista'y aking itinataguyod
ang kagalingan ng uring obrero bilang lingkod
inaalam anumang isyu't problemang matisod
upang malaman ng madla'y susulating may lugod

katha ng katha habang pinagtatanggol ang dukha
magsulat lang ng magsulat doon sa aking lungga
mag-aakda ng kwento, sanaysay, tula't balita
buhay na'y inalay sa pagkatha para sa madla

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 21, 2020

Patuloy na pageekobrik

tanong sa akin, hindi pa ba matatapos iyan?
hinggil sa ekobrik na gawa ko paminsan-minsan
sabi ko lang, gawaing ito'y walang katapusan
hangga'y kayrami pang plastik sa ating basurahan

oo, wala pang katapusan ang gawaing ito
hangga't wala pang makitang ibang solusyon dito
hangga' may bumabarang plastik sa mga estero
hangga't wala pa ring disiplina ang mga tao

pumumpuno ng plastik ang ilog at karagatan
mabingwit mo, kung di isda'y plastik ang karamihan
tapon dito, tapon doon, mundo na'y basurahan
ekobrik ay pagsagip din sa ating kalikasan

patuloy akong mageekobrik hangga't may plastik
gugupitin itong maliliit at isisiksik
sa boteng plastik, na patitigasin ngang tila brick
hangga'y may plastik, gagawa't gagawa ng ekobrik

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 19, 2020

Pagluluto ng kampanilyang sili

namimigay ng libreng bell pepper sa nadaanan
kaya nang aming makita'y nanghingi ng iilan
namigay na iyon ay aming pinasalamatan
at pagdating ng bahay ay agad kong hinugasan

ang kampanilyang sili'y ginayat ko ng pahaba
at doon sa kawali'y ginisa ko sa mantika
pinalutong, aba'y anong sarap ng naihanda
sa tanghalian, linamnam nito'y nakamamangha

marahil sa kalusugan, ito'y makaganda rin
may bitamina't mineral din itong makakain
marahil, gawing pulutan sa inyong totomain
at mga buto nito'y mabuting iyong itanim

tikman mo rin itong ginisang kampanilyang sili
tiyak sa sarap nito'y di ka mag-aatubili
baka mapatula ka pa't maraming masasabi
ingat, baka sa busog mo'y makatulog sa tabi

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 18, 2020

Sinigang na bangus at adobong sitaw

sinigang na bangus at adobong sitaw ang ulam
karne'y iniwasan na ng sikmurang kumakalam
lalo't malusog na pangangatawan itong asam
kumain daw lagi ng pampalakas, anang paham

kaya pagkain ng laman ay iniwasan ko na
bagay na marahil sa iba'y nakapagtataka
kumain ng paborito kong porkchop na'y bihira
ang pag-iwas sa karne'y mas lalong nakakagana

pagiging vegetarian nga'y naging panuntunan ko
maggulay lagi, sitaw, talong, okra, talbos, upo
sa pagiging budgetarian ay matagal na ako
di bibilhin ang mahal, laging mura ang hanap ko

pag nagkita tayo, huwag nang maghanda ng karne
kamatis at bagoong lang, ayos na ako dine
kung may gulay mang ihahanda, aba'y mas maigi
salamat, inunawa mo ang aking sinasabi

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 7, 2020

Ang musa ng ekobrik

Ang musa ng ekobrik

paano ba gugupitin ang magandang larawan
upang isama sa ekobrik ang imaheng iyan
imbes sambahin ang mutyang inspirasyon din naman
ay gupitin ang larawan sa plastik, kainaman

anong katuturan kung larawang ito'y itago
baka pag tinago mo'y may iba pang manibugho
mabuti pang gupitin siyang di mo masusuyo
at isiksik sa ekobrik upang siya'y maglaho

inspirasyon din ang larawang ang mukha'y kayganda
lalo na ang ngiting tunay na nakakahalina
kahit di nito malutas ang kalam ng sikmura
na pag tinitigan, nakabubusog din sa mata

kunwari, siya si Maganda, ako si Malakas
mula alamat ng bayan ay ginawang palabas
siya'y ipagtatanggol ko laban sa mararahas
siya ang kagandahang sasambahin mo ng wagas

gugupitin ko ba ito o hindi? gugupitin!
tiyak na marami pang ganitong may gandang angkin
isasama ko siya sa ekobrik kong gagawin
siya ang musa ng ekobrik sa mga titingin

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 5, 2020

Pamumulot ng nagkalat na plastik

mamumulot akong muli ng nagkalat na plastik
tapon dito, tapon doon, minsan di makaimik
di na inisip kung saan plastik ay sumisiksik
kawalang disiplina sa basura'y hinahasik

ayokong pagmasdan ang maruming kapaligiran
kaya pupulutin ang basura sa kadawagan
bakit ang mga lupa'y ginagawang  basurahan
imbes na tamnan ito ng mapapakinabangan

walang magawa kundi pulutin ang mga plastik
labhan, banlawan, patuyuin, gagawing ekobrik
pag tuyo na ito'y gugupitin at isisiksik
sa boteng plastik, patitigasing katulad ng brick

plastik na'y naglipana sa lupa, gubat, at laot
sa nangyayaring ito'y sino ang dapat managot
kundi tayo ring sa gawang ito'y nagpahintulot
anong gagawin upang ito'y tuluyang malagot?

- gregbituinjr.


Sabado, Hulyo 4, 2020

Disenyo ko ng tshirt

ako'y nagdisenyo ng tshirt na magandang masdan
ang sulat: "I'm a vegetarian and a budgetarian"
na susuutin ko sa mga piging o handaan
upang ang sarili na rin ay paalalahanan

lalo't pinipigilan ko nang kumain ng laman
o karne ng manok, baboy, kambing, o anupaman
bagamat paminsan-minsan ay di rin mapigilan
ang kumain ng paboritong pork chop sa restawran

maging vegetarian, pulos gulay ang kakainin
bagamat para sa protina'y mag-iisda pa rin
upang lumusog ang pamilya'y ginawang tungkulin
kalusugan ng bawat isa'y laging iisipin

maging budgetarian, di lang dahil sa kwarantina
magtipid-tipid na rin lalo't mahirap kumita
sa ngayon tanging sa sariling diskarte aasa
ang tatak sa tshirt na ito'y laging paalala

- gregbituinjr.

Paggupit ng naipong plastik

muli na namang maggugupit ng naipong plastik
upang sa mga boteng plastik ay agad isiksik
patitigasing parang hollow block, ie-ekobrik
maggugupit-gupit pa ring walang patumpik-tumpik

sino bang mag-aakalang ako'y makakarami
na ito'y ginawa nang walang pag-aatubili
naggugupit habang nagninilay, di mapakali
gayunpaman, ang gawaing ito'y nakawiwili

basta maraming naipong plastik, gagawin agad
habang sariling ekonomya'y di pa umuusad
habang sa isip, kung anu-anong ginagalugad
habang naninilay na mundo'y nagiging baligtad

naggugupit, nagninilay, pagkat walang magawa
mahirap namang sa lockdown ay walang ginagawa
naggugupit, nagninilay, huwag lang matulala
gupit ng gupit, nilay ng nilay, tula ng tula

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 3, 2020

Pangunguha ng panggatong

mag-isa akong nanguha ng panggatong sa gubat
nang magamit sa pagluluto kung gasul na'y salat
animo'y puno ng elena ang kahoy sa bigat
sinibak ang mahahaba ng buong pag-iingat

pagsisibak ng kahoy ang nakita kong gagawin
nang hinawan ang gilid ng natatabingang saging
kung hahawanin ang gubat sa dawag nitong angkin
lalagyan ko ng dampa't paligid ay tatamnan din

habang nasa lockdown, may bagong mapaglilibangan
maghahawan at tatamnan ang munting kagubatan
isa pa itong hakbang para sa kinabukasan
at magsusulat sa gagawing dampang pahingahan

magsibak at magtanim sa panahong kwarantina
habang binabasa ang kaunting aklat na dala
tila paraisong malayo sa mga problema
na animo ako'y matagal nang namamahinga

- gregbituinjr.



Pagtatanim ng alugbati

sa munting plastik na basong itinapon na lamang
ay napiling iyon ang sa alugbati'y pagtamnan
upang basong plastik ay di maging basura't sayang
pag alugbati'y lumago, may pang-ulam na naman

sarili'y abalahin upang buryong ay maparam
upang sa lockdown na ito'y di laging nagdaramdam
kahit sa pagtatanim, dapat mayroon kang alam
magsisipag pa rin, inspirasyon ang mga langgam

ilaga mo ang alugbati't ito'y pampalusog
gagaan ang pakiramdam ng katawang nabugbog
dahil sa trabaho't alalahaning makadurog
ng puso't ng kalamnang tila nagkalasug-lasog

lalago ring magaganda ang mga alugbati
ilaga ito't pampatibay ng tuhod at binti
kaya sasalubungin tayo ng magandang ngiti
pag alugbati'y nagsirami, maligayang bati

- gregbituinjr.


Miyerkules, Hulyo 1, 2020

Sa unang buwan ng labing-isang sisiw

sa labing-isang sisiw, maligayang isang buwan
buo pa ring kayong labing-isa, mabuti naman
nawa'y manatiling malusog ang inyong katawan
at magsama-sama pa rin kayo, walang iwanan

unang araw ng Hunyo nang sa mundo'y bumulaga
isang buwang nilimliman hanggang kayo'y napisa
kaya kaming narito sa inyo'y mag-aalaga
at magbibigay sa tuwina ng mga patuka

pinalalabas na sa kulungan tuwing umaga
upang salubungin ang bagong araw na kayganda
kasama'y inahin, sa gabi kayo'y uuwi na
pagkat ligtas sa kulungang tahanan magpahinga

muli, sa inyong isang buwan, ako'y bumabati
di man kayo tao, kayo'y nakapagpapangiti
habang kami'y napagninilay ng tuwa't lunggati
upang pabula'y maakda ko kahit ito'y munti

- gregbituinjr.
07.01.2020