Martes, Disyembre 24, 2019

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka
sa mahabang ilog
itatanghal ang diwa
hanggang sa tugatog

alagaan natin
ang kapaligiran
ating aayusin
pag kinailangan

sa bangin ng buhay
gawin ang mabuti
minsan ay magnilay
sa dilim ng gabi

bayan ay iligtas
sa mga kurakot
lalo na't dumanas
ng mga hilakbot

umasang liwanag
ay mahalukipkip
lalo na't magdamag
tayong nanaginip

magkapitbisig na
ang mga obrero
at gawing maganda
ang bayan at mundo

mahaling mabuti
kung ina'y kapiling
huwag magsisisi
kung gawa'y magaling

- gregbituinjr.
* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20

Lunes, Disyembre 23, 2019

Tanimang Bota

TANIMANG BOTA

maaari palang pagtamnan
ang bota ng gulay, halaman
halina't atin ding subukan
at baka mapagkakitaan

di magamit na lumang bota
dahil ang swelas ay butas na
subukang pagtamnan tuwina
ito'y malaking tulong pala

dapat ding maging malikhain
at magsuri ng tamang gawin
lumang bota'y pagtamnan na rin
balang araw, may pipitasin

ang tinanim mong okra't sitaw
patola, kamatis at bataw
magbubunga rin balang araw
at ngiti sa labi'y lilitaw

- gregbituinjr.

* nakunan ng larawan ang isang taniman sa loob ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet, Disyembre 21, 2019, nang bumisita roon ang makata, kasama ang kanyang asawa

Lunes, Disyembre 16, 2019

Buhay ng boteng plastik sa sahig ng bus

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

- gregbituinjr.