PAHIRAM NG PANINDI NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
Ilan sa mga nakilala ko
Ay kayhilig na manigarilyo
Ngunit ugali ng mga ito
Ay ang panghihiram ng posporo
O anumang pwedeng ipansindi
Sa yosi nilang nasa daliri
Tila sila hindi mapakali
Pag hindi nakahitit ang labi.
Bahagi ba ng pakikisama
Kung sakaling pahiramin siya?
O ito’y isang pang-aabala
Doon sa mga katabi niya.
Nakakabili ng sigarilyo
Ngunit walang panindi sa bisyo
Wala ba siyang dalawang piso
Para makabili ng posporo?
Sundalong kanin ang tulad niya
May baril nga, ngunit walang bala.
At kung manunulat ang kapara
May bolpen nga, ngunit walang tinta.
O kaya’y tsuper na papasada
May dyip ngunit walang gasolina
Kung mahilig kang maghitit-buga
Aba, panindi mo’y bumili ka.
Sa buhay, dapat lagi kang handa
Kung nais mong ikaw’y may mapala
Magsusunog na nga lang ng baga
Sarili namang panindi’y wala.
Magkaminsan, ako’y nagtataka
Pagbibisyo nama’y kayang-kaya
O baka ang sigarilyo nila
Ang tawag ay “tatak-hingi” pala.
- 08/02/2008
AANHIN PA ANG YOSI KUNG MAYROON KANG TIBI?
aanhin pa ang yosi
kung mayroon kang tibi?
di ka ba mapakali
sa iyong pagka-busy?
di ka kaya magsisi
at baga’y winawaksi?
ano bang aking paki
sa mga nagyoyosi?
aba’y sige lang, sige
pagsisisi’y sa huli
- gregbituinjr.
2/29/16
TIGILAN NA ANG YOSI
aanhin pa ba iyang yosi
kung panindi'y di makabili
lagi nang yosi'y tatak-HINGI
hinirama'y di makahindi
tigil na't nakasusulasok
ano pa ba ang sinusubok
ang baga mo na'y binubukbok
ng di na masawatang usok
- gregbituinjr.
2/29/16
BINIBILI KO ANG USOK NA PARANG GINTO
binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso
sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok
tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil
isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro
- gregbituinjr.
11/8/18
AKO'Y NAUUPOS
ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?
ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos
nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?
sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin
- gregbituinjr.
4/4/19
KINALABOSONG UPOS
Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat
Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig
Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan
Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha
-gregbituinjr.
4/7/19
HALINA'T MAG-YOSIBRIK
di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos
sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK
kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura
madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat
- gregbituinjr.
4.3.19