Martes, Disyembre 24, 2019

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka
sa mahabang ilog
itatanghal ang diwa
hanggang sa tugatog

alagaan natin
ang kapaligiran
ating aayusin
pag kinailangan

sa bangin ng buhay
gawin ang mabuti
minsan ay magnilay
sa dilim ng gabi

bayan ay iligtas
sa mga kurakot
lalo na't dumanas
ng mga hilakbot

umasang liwanag
ay mahalukipkip
lalo na't magdamag
tayong nanaginip

magkapitbisig na
ang mga obrero
at gawing maganda
ang bayan at mundo

mahaling mabuti
kung ina'y kapiling
huwag magsisisi
kung gawa'y magaling

- gregbituinjr.
* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20

Lunes, Disyembre 23, 2019

Tanimang Bota

TANIMANG BOTA

maaari palang pagtamnan
ang bota ng gulay, halaman
halina't atin ding subukan
at baka mapagkakitaan

di magamit na lumang bota
dahil ang swelas ay butas na
subukang pagtamnan tuwina
ito'y malaking tulong pala

dapat ding maging malikhain
at magsuri ng tamang gawin
lumang bota'y pagtamnan na rin
balang araw, may pipitasin

ang tinanim mong okra't sitaw
patola, kamatis at bataw
magbubunga rin balang araw
at ngiti sa labi'y lilitaw

- gregbituinjr.

* nakunan ng larawan ang isang taniman sa loob ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet, Disyembre 21, 2019, nang bumisita roon ang makata, kasama ang kanyang asawa

Lunes, Disyembre 16, 2019

Buhay ng boteng plastik sa sahig ng bus

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Salagimsim sa Global Climate Strike

taas-noong pagpupugay sa lahat ng narito
at upang makatugon sa klimang pabagu-bago
lalo't kayrami na nating nararanasang bagyo
dagdag pa ang bulok na sistemang dahilan nito:
winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

sa pagtitipong ito ng raliyista't artista
na climate change ang isyung tinatalakay ng masa
na dahilan upang mag-usap at magsama-sama
na paano tayo makakatugon sa problema
na paano mababago ang bulok na sistema 

sa nagbabagong klima'y apektado na ang madla
ito rin ang isyu't problema ng maraming bansa
mga nag-uusap na bansa ba'y may magagawa
o dapat kumilos na rin ang uring manggagawa
upang baguhin ang sistemang dahilan ng sigwa

dapat nang kumilos ang manggagawa't sambayanan
suriin ang problema't lipunan ay pag-aralan
bakit nagka-krisis sa klima't ano ang dahilan
kumilos tayo't putulin ang pinag-uugatan
sistema man ito o lipunan nitong gahaman

itayo natin ang isang mundong walang pasakit
walang pribadong pag-aari't walang naiinggit
nangangalaga sa tao, kalikasan, may bait
habang buhay pa'y itayo ang lipunang marikit
na tao'y pantay na lipunan ang danas at sambit

- gregbituinjr. 
* sinulat sa pagkilos na tinawag na "Global Climate Strike" na ginanap sa Bantayog ni Lapulapu sa Luneta, Maynila, Nobyembre 29, 2019. Ang nasabing Global Climate Strike ay kasabay ng mga nagaganap ding ganuon sa iba pang panig ng daigdig.

* salagimsim – pag-iisip na hindi gaanong tumatagal o bagay na biglang naaalala (UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1077)








Huwebes, Nobyembre 21, 2019

Mga Tibok ng Diwa

MGA TIBOK NG DIWA

isipin mo ang mundo
at nagbabagong klima
anong pakiramdam mo
sa iyong nakikita

ang lupa'y iyong damhin
sa pintig ng alabok
mundo'y may tagubilin
kung anong tinitibok

payo'y pangalagaan
itong kapaligiran
huwag pababayaan
ang ating kalikasan

ilog ay umaagos
ang ulan ay tikatik
sa puso'y tumatagos
ang kaysarap na halik

lalabhan ko ang damit
ng diwata ng gubat
pawis na nanlalagkit
sa palad ay kaybigat

basurang nabubulok
ay iyong ihiwalay
sa hindi nabubulok
itapong hindi sabay

sahig ay lumangitngit
pagkat kayraming butas
narinig hanggang langit
ang pagaspas ng limbas

mawawala ang puno
pag laging nagpuputol
pag gubat ay naglaho
ang buhay ay sasahol

- gregbituinjr.

* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Nobyembre 2019, pahina 20

Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan
nang matipon doon ang titis at upos na iyan
dapat din nating alagaan ang kapaligiran
na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan

ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo
simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo
anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo
basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo

ginagawa kong titisan ay ibinabahagi
sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari
di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi
ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi

ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas
nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas
kaya munting payong ito'y aking pinangangahas
upang magandang kapaligiran ang namamalas

- gregbituinjr.

* titisan - salitang Batangas sa ash tray

Biyernes, Nobyembre 15, 2019

Paglalakad ng kilo-kilometro para sa isyu

makakapaglakad pa ba ang mga aktibista
ng kilo-kilometro para sa isyung pangmasa
naglakad nang itaguyod ang hustisya sa klima
at naglakad din para sa laban ng magsasaka

sumama noon mula Luneta hanggang Tacloban
mula Lyon hanggang Paris sumama sa lakaran
mula klima'y tinuloy sa pantaong karapatan
at mula C.H.R. hanggang Mendiola'y naglakaran

sumama sa laban ng mga katutubo noon
Lakad Laban sa Laiban Dam ang aming nilayon
magsasaka'y kasama mula Sariaya, Quezon
upang ipaglaban naman ang CLOA nila noon

paraan ng pagtindig sa isyu ang paglalakad
sa bawat madaanan ay aming inilalahad
ang mga isyung pangmasa't problemang matitingkad
nang mapag-usapa't baka malutas ito agad

ang paglalakad ay bahagi ng pakikibaka
maliliit at naaaping sektor ang kasama
kung naglalakad man kami'y upang maipakita
sa madlang nadaraanan ang isyung mahalaga

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

ang masa'y tigib pa rin ng panawagang hustisya
sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda
di pa rin nababalik sa dati ang buhay nila
at wala pa ring bahay ang maraming nasalanta

may mga ginagawa pa ba ang pamahalaan?
upang mapanumbalik ang buhay ng taumbayan
anong ginagawang tulong sa mga namatayan?
upang dinaranas ng kanilang puso'y maibsan

lilitaw pa rin sa silangan ang magandang bukas
ngunit sa mga nasalanta'y di ito mabakas
tanging paghanap ng katarungan ang binibigkas
at baka may hustisya sa tinatahak na landas

hibik ng mga nasalanta ni Yolanda'y dinggin
at matitinong programa sana ang maihain
huwag lamang pagtulong ay lagi lang bibigkasin
kundi tunay na pagkilos ang nararapat gawin

- gregbituinjr.

Bawal na raw ang plastik, anang pangulo

mga plastik daw ay ipagbabawal na ni Digong
sino pang makakausap niya sa kanyang kampon?
pagbabawal ba niyang ito'y isa lang patibong?
ang tumutuligsa sa kanya'y maging mahinahon?

ngunit sa paligid, kayraming naglipanang plastik
plastik na pulitiko ba'y kaya pang i-ekobrik
paano na siya pag pinagbawal na ang plastik?
ang aklat ng kasaysaya'y paano itititik?

ang pangulo na ba'y naging makakalikasan na?
lalo't napuno ang dagat ng plastik na basura?
patunayan niyang makakalikasan na siya
di lang plastik kundi Kaliwa Dam ay tigilan na!

sa isyung pangkalikasan, siya na'y nakialam
ngunit taumbayan ay dapat pa ring makiramdam
walang mga plastik, walang proyektong Kaliwa Dam
ngunit sa ngayon, mga ito'y pawang agam-agam

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 2, 2019

Plastik at dahon ay huwag pagsamahin sa basurahan

itinapon ang boteng plastik kung saan-saan lang
at isinama pa sa dahong nabubulok naman
tila hirap na hirap magtapon sa basurahan
tandang pag-uugali'y sagisag ng kabulukan

anong itinuro sa kanila ng mga guro?
kung itinuro man, di naunawaan, kaylabo
o kaya guro'y terror sa kanila't di kasundo
o kaya sila mismo sa buhay nila'y tuliro

dahil ba may basurang hawak, sila'y nahihiya?
dahil sa basurang tangan, sila'y naaasiwa?
nawalan ng laman ang bote, ito'y basura na?
habang nang may laman pa'y tangan pa itong masaya!

bakit hinalo ang plastik sa dahong nabubulok?
iyon ba'y wala lang sa kanila? sila ba'y bugok?
gayong ang mga plastik ay di naman nabubulok!
bakit may pinag-aralan pa ang nagiging ugok?

masisita ka ng titser mo sa maling pagtapon
kung sakaling nakita ka sa ginawa mo ngayon
payo ko, i-ekobrik iyang plastik mong natipon
at dahon ay huwag sunugin, sa lupa'y ibaon

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 26, 2019

Gawing ekobrik ang mga pulitikong plastik

di pwedeng gawing pataba sa lupa dahil toksik
iyang mga pulitikong dapat lang i-ekobrik
lalo ang mga tusong trapong gahaman at lintik
silang sanhi kaya buhay ng masa'y putik-putik
mga basurang trapong kapara'y single-use plactic

di sapat na ang mga pulitiko'y ibasura
pagkat baka makahawa pag sila'y naglipana
dapat i-ekobrik ang tulad nilang palamara
pagkat sila ang sanhi ng kahirapan ng masa
lalo't dignidad ng dukha'y kanilang dinudusta

tanong ko lang, may matitino pa bang pulitiko
lalo na't layunin nila'y pag-aaring pribado
na sanhi'y pagsasamantala ng tao sa tao
at ninenegosyo pati pampublikong serbisyo
i-ekobrik ang trapo upang sistema'y magbago

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 25, 2019

Subukan nating iligtas si Inang Kalikasan

subukan nating iligtas si Inang Kalikasan
mula sa paninira ng mapang-aping lipunan
na unti-unting nagwawasak sa kapaligiran
upang likasyaman ay kanilang mapagtubuan

sira ang kalikasan hangga't may kapitalismo
lupa, hangin, dagat, halos lahat ninenegosyo
nais kasing pagtubuan ang likasyamang ito
nang sila'y makapagpasarap sa buhay sa mundo

kawawang kalikasan, pagkat mapagsamantala
ang mga nananahan sa sinapupunan niya
basta pagkakaperahan, kahit may madisgrasya 
walang pakialam, kalikasan ma'y masira na

aba'y di dapat tumunganga ang may pakiramdam
lalo't isang maayos na kalikasan ang asam
kaya sa mga nangyayari'y dapat makialam
bago pa ang tahanang mundo'y tuluyang maparam

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 24, 2019

Unawain ang mensahe sa karatula

dalawang bagay: naglagay doon ng paalala
dahil doon palaging nagtatapon ng basura...
o nang-aasar, pagkat kung saan may karatula
aba'y doon pa nilalagay ang basura nila!

mapapaisip ka minsan sa ganitong ugali
ang naglalagay ba ng basura'y tanga o hindi?
kung nasaan ang karatula'y nagtatapon lagi
o hindi raw sila marunong magbasa, kunyari

mga dayo ba sila sa bansa't di maunawa?
ang simpleng paalala't mga payak na salita
anong disiplina mayroon sila't utak biya?
at nagtapon sa harap ng karatulang ginawa

katawa-tawang pangyayari o nakakainis
di malaman kung magagalit ka o bubungisngis
mensahe sa karatula'y igalang nang luminis
ang lugar na iyon, nang basura'y agad mapalis

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 20, 2019

Mga Pintig ng Diwa

MGA PINTIG NG DIWA

lumalabis ba ako
sa aking pagmamahal
sa mundo at sa iyo
ako’y tila ba hangal

ako ba’y nagkukulang
sa tamis ng pag-ibig
puno’t mga halaman
ay kulang ba sa dilig

pumipintig ang puso
sa buong katauhan
tumitibok ang mundo
pati na kalikasan

kayraming lumilipad
ibon sa papawirin
kayraming mga tamad
katuga sa paningin

itapon ang basura
sa wastong basurahan
mahalin ang kasama
sa pamilya’t tahanan

halina’t makialam
suriin ang paligid
pag itinayo ang dam
buhay nati’t tagilid

huwag tayong mahihiya
kung tayo’y nagprotesta
pagkat ginawa’y tama:
ipagtanggol ang masa

ibulong mo sa akin
kung anong nasa isip
akin iyang diringgin
kahit sa panaginip

- gregbituinjr.

* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Oktubre 2019, pahina 20

Miyerkules, Oktubre 16, 2019

Tula laban sa proyektong Kaliwa Dam

nagmamarka ang bangis ng mga nagkakanulo
upang katutubo'y itaboy sa lupang ninuno
upang proyektong Kaliwa Dam ay mabigyang-daan
upang magkaroon ng tubig ang Kamaynilaan
kahit na lulubog ang maraming nayon at bayan

proyektong Kaliwa Dam ay paano masusugpo
upang di mawasak ang tahanan ng katutubo
pigilan ang proyektong dahilan ng kasiraan
ng kalikasan, kapaligiran, at kalinangan
lupang ninuno'y kultura, buhay, dangal, tahanan

proyektong Kaliwa Dam dapat tuluyang maglaho
upang mga katutubo'y di siyang mabalaho
ang katutubo'y ating kapatid, may karangalan
kapatid ay di dapat pinagsasamantalahan
ng sinumang ganid at mayayaman sa lipunan

huwag nating hayaang tayo'y dinuduro-duro
ng mga taong mapagpanggap at mapagkanulo
di na dapat matuloy ang proyektong Kaliwa Dam
sa isyung ito'y makibaka tayo't makialam
upang mga sunod na salinlahi'y di magdamdam

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Oktubre 16, 2019, kasama ang iba't ibang grupong kabilang sa Stop Kaliwa Dam Network, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Freedom from Debt Coalition (FDC), Haribon Foundation, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), SKDN (grupo ng mga katutubo mula sa Daraitan), at marami pang iba.


Miyerkules, Oktubre 2, 2019

Sigaw ng mga hayop: "Mga Tao kayo!"

SIGAW NG MGA HAYOP: "MGA TAO KAYO!"

nag-usap ang iba't ibang uring hayop sa pulong
sa pagkasira ng kalikasan, kayraming sumbong:
sabi ng isa: " Di ba dapat progreso'y pasulong?"
tanong pa: "Bakit nangyayari sa mundo'y paurong?"
anila: "Matatalinong tao'y nahan ang dunong?"

kaya kinausap ng mga hayop itong Tao:
"Kayong tao'y mga nilalang na matatalino.
Nasa inyo ang tungkuling alagaan ang mundo.
Bakit n'yo winawasak ang daigdig nating ito?
Ginawang basurahan. Tapon doon, tapon dito!"

"Kinakain ng mga ibon ang inyong kinalat.
Kinakain ng mga isda ang plastik sa dagat.
Namatay yaong balyenang sa basura nabundat.
Sinisira n'yo pati na tahanan naming gubat.
Kung makapagmura kayong 'Hayop!', nagdudumilat!"

"Aba'y nananahimik kaming mga hayop dito.
Pag kayo'y nag-away, sigaw n'yo: 'Mga hayop kayo!'
Pag sinisisi ang kapwa n'yo: 'Mga hayop kayo!'
Di naman kami ang sumisira sa ating mundo!
Dapat sisihin dito'y kayo: 'Mga Tao kayo!"

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 30, 2019

Labanan ang mga taong plastik

tapon dito, tapon doon, naglutangan ang plastik
sa ilog at dagat nagtatapon ang taong plastik
sinabihan na silang huwag magtapon ng plastik
o-oo lang, magtatapon pa rin, talagang plastik

ilog at dagat ay dapat nating pangalagaan 
ingatan nating lagi ang ating kapaligiran
ang simpleng pagtatapon nga sa tamang basurahan
ay di pa magawa kahit ng may pinag-aralan

dapat nang ihiwalay ang basurang nabubulok
sa basurang nare-resiklo at di nabubulok
kaya natin itong gawin dahil di tayo bugok
kaya ibasura na natin ang sistemang bulok

kayraming isyu sa kalikasan, ilog at dagat
itatayo'y Kaliwa Dam, tubig daw ay di sapat
sa kaalaman ba't mga plano, sila ba'y salat
paninira sa kalikasan ay sadyang kaybigat

pangangalaga nito'y di sapat alam lang natin
dapat mayroong aktibong pagkilos tayong gawin
kalikasa'y depensahan, magandang simulain
ang nag-iisa nating mundo'y protektahan natin

- gregbituinjr.
* Kinatha sa pagtitipon ng grupong Green Convergence sa Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College. Setyembre 30, 2019

Biyernes, Setyembre 27, 2019

Sa mga nagbahagi ng karanasan sa Ondoy

hinggil sa nangyaring bagyong Ondoy, sila'y nagkwento
sa ikasampung anibersaryo ng bagyong ito
sinariwa ang daluyong ng nasabing delubyo
na sa maraming lugar ay lubhang nakaapekto

maraming salamat sa kanila't ibinahagi
yaong mga karanasang sadyang nakaduhagi
sa takbo ng buhay nila't talagang naglupagi
lalo"t nakaranas ay nalugmok at nangalugi

sa loob ng anim na oras, lubog ang Maynila
at mga karatig probinsya'y tuluyang binaha
kayraming nalubog sa delubyong kasumpa-sumpa
maraming gamit ang nabasa, buhay ay nawala

may aral tayong natutunan sa araw na iyon
tayo'y nagbayanihan, naglimas buong maghapon
habang ginugunita natin ang naganap noon
ay dapat paghandaan ang krisis sa klima ngayon

karanasan sa bagyong Ondoy ay kasaysayan na
dapat tayong maghanda sa bagong emerhensiya
sa pagtindi ng mga bagyo, tayo ba'y handa na
sa darating pang pagkilos, lumahok, makiisa

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tula matapos magbahagi ng karanasan sa bagyong Ondoy ang ilang nakaranas nito. Ginanap ang paggunita sa basketball court, Daang Tagupo, Barangay Tatalon, Lungsod Quezon, Setyembre 26, 2019. Nagsidalo roon ang mga mula sa Pasig, Marikina, San Mateo sa Rizal, Caloocan, Malabon, Navotas, Maynila at Lungsod Quezon.









Huwebes, Setyembre 26, 2019

Ang talumpati ni Greta Thunberg sa Kongreso ng Amerika

ANG TALUMPATI NI GRETA THUNBERG
SA KONGRESO NG AMERIKA
Setyembre 18, 2019
Malayang salin ni Greg Bituin Jr.

Ang pangalan ko ay Greta Thunberg. Ako'y labing-anim na taong gulang at mula sa Sweden. Nagpapasalamat ako't kasama ko kayo rito sa Amerika. Isang bansang para sa maraming tao'y bansa ng mga pangarap.

Mayroon din akong pangarap: na magagap ng mga pamahalaan, partido pulitikal at korporasyon ang pangangailangan ng agarang pagkilos hinggil sa krisis sa klima at ekolohiya at magsama-sama sa kabila ng kanilang pagkakaiba - tulad ng gagawin mo sa isang kagipitan - at gawin ang mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang mga kondisyon para sa buhay na may dignidad para sa lahat ng tao sa daigdig.

Nang sa gayon - kaming milyun-milyong nag-aaklas na kabataan mula sa paaralan - ay makabalik na sa paaralan.

May pangarap akong ang mga nasa kapangyarihan, pati na rin ang midya, ay simulang tratuhin ang krisis na ito tulad ng umiiral na emerhensiyang ito. Upang makauwi na ako sa aking kapatid na babae at mga alaga kong aso. 

Sa katunayan, marami akong pangarap. Subalit ito ang taon 2019. Hindi ito ang panahon at lugar para sa mga pangarap. Ngayon ang panahon ng paggising. Ito ang sandali ng kasaysayan kung saan dapat tayong lahat ay gising.

At oo, kailangan natin ng mga pangarap, hindi tayo mabubuhay ng walang pangarap. Subalit may panahon at lugar para sa lahat ng bagay. At hindi dapat pigilan ng mga pangarap ang pagsasabi tulad ng ganoon.

At gayunpaman, kahit saan ako pumunta ay parang napapaligiran ako ng mga alamat. Ang mga namumuno sa negosyo, mga halal na opisyal sa iba't ibang saray ng pulitika na nagbigay ng kanilang oras sa paglikha at pagtalakay ng mga kwentong pampatulog na nagpapaginhawa sa atin, na tayo'y babalik sa pagtulog.

Ito'y mga kwentong "pampabuti ng pakiramdam" tungkol sa kung paano natin aayusin ang lahat ng gusot. Gaano kaganda ang lahat ng bagay kung "malulutas" ang lahat. Ngunit ang problemang kinakaharap natin ay hindi ang kakulangan natin ng kakayahang mangarap, o isipin ang isang mas mahusay na mundo. Ang problema ngayon ay kailangan nating gumising. Panahon na upang harapin ang reyalidad, ang mga katotohanan, ang siyensya.

At ang pinag-uusapan ng siyensya ay di lamang ang "mga dakilang pagkakataon upang lumikha ng lipunang ninanais natin lagi". Tinatalakay nito ang hindi sinasabing pagdurusa ng tao, na lalala pa ng lalala habang naaantala tayo sa pagkilos - maliban kung kikilos na tayo ngayon. At oo, kasama sa isang sustenableng nagbabagong mundo ang maraming bagong benepisyo. Ngunit kailangan ninyong maunawaan. Hindi ito pagkakataon upang lumikha ng mga bagong luntiang trabaho, bagong mga negosyo o paglago ng luntiang ekonomiya. Higit sa lahat ito'y emerhensiya, at hindi lang ito tulad ng ibang emerhensiya. Ito ang pinakamalaking krisis na naranasan ng sangkatauhan.

At kailangan nating tratuhin ito nang naaayon upang maunawaan at magagap ng mga tao ang pangangailangan ng agarang aksyon. Dahil hindi mo malulutas ang isang krisis kung hindi mo ito tatratuhing isang krisis. Tigilan ang pagsasabi sa mga tao na ang lahat ay magiging maayos kung sa katunayan, tulad ng nakikita ngayon, hindi ito magiging maayos. Hindi ito isang bagay na maaari mong ibalot at ibenta o "i-like" sa social media.

Itigil ang pagpapanggap na ikaw, ang ideya mo sa negosyo, ang iyong partidong pampulitika o plano ang makakalutas sa lahat. Dapat mapagtanto nating wala pa tayo ng lahat ng mga solusyon. Malayo pa iyon. Maliban kung ang mga solusyong iyon ay nangangahulugang tumitigil lang tayo sa paggawa ng ilang mga bagay.

Hindi maituturing na pag-unlad ang pagbabago ng isang mapaminsalang mapagkukunan ng enerhiya para sa isang bagay na hindi gaanong mapaminsala. Ang pagdadala ng ating mga emisyon sa ibang bansa ay di nakakabawas ng ating emisyon. Hindi makakatulong sa atin ang malikhaing pagpapaliwanag. Sa katunayan, ito ang mismong puso ng problema.

Maaaring narinig na ng ilan sa inyo na mayroon na lang tayong labingdalawang taon mula noong Enero 1, 2018 upang putulin sa kalahati ang emisyon natin ng carbon dioxide. Ngunit sa palagay ko, iilan lang sa inyo ang narinig na mayroong limampung bahagdan (o singkwenta porsyento) na tsansa na manatiling mababa pa sa 1.5 degri Celsius ng pandaigdigang pagtaas ng temperatura sa ibabaw ng antas ng bago pa ang panahong industriyal. Limampung bahagdang pagkakataon (o singkwenta porsyentong tsansa).

At sa  kasalukuyang, pinakamahusay na magagamit na siyentipinong kalkulasyon, di kasama ang mga di kahanay na kritikal na dako pati na rin ang karamihan sa mga hindi inaasahang lundo ng pagbalik (feedback loop) tulad ng napakalakas na methane gas na tumakas mula sa mabilis na nalulusaw na arctic permafrost. O nakakandado na sa nakatagong pag-init ng nakakalasong polusyon ng hangin. O ang aspeto ng ekwidad; hustisya sa klima.

Kaya tiyak na di sapat ang isang 50 porsyentong tsansa - isang istatistikong kalansing ng barya – ay tiyak na di pa sapat. Imposible iyon upang moral na ipagtanggol. Mayroon bang sinuman sa inyong sasakay ng eroplano kung alam ninyong mayroon itong higit sa 50 porsyentong tsansa ng pagbagsak? Higit pa sa punto: pasasakayin ba ninyo ang inyong mga anak sa paglipad niyon?

At bakit napakahalagang manatili sa ibaba ng limitasyong 1.5 degri? Sapagkat iyon ang panawagan ng nagkakaisang siyensya, upang maiwasang masira ang klima, upang manatiling malinaw ang pagtatakda ng isang hindi maibabalik na tanikala ng reaksyong lampas sa kontrol ng tao. Kahit na sa isang degri ng pag-init ay nakikita natin ang hindi katanggap-tanggap na pagkawala ng buhay at kabuhayan.

Kaya saan tayo magsisimula? Iminumungkahi kong simulan nating tingnan ang kabanata 2, sa pahina 108 ng ulat ng IPCC na lumabas noong nakaraang taon. Sinasabi doon na kung mayroon tayong 67 porsyentong tsansa na malimitahan ang daigdigang pagtaas ng temperatura sa ibaba ng 1.5 degri Celsius, mayroon tayo sa 1 Enero 2018, ng aabot sa 420 Gtonnes ng CO2 na naiwan upang ibuga ang badyet na carbon dioxide. At syempre mas mababa na ngayon ang numerong iyon. Habang nagbubuga tayo ng halos 42 Gtonnes ng CO2 bawat taon, kung isasama mo ang paggamit ng lupa.

Sa mga antas ng kasalukuyang emisyon, nawala na ang natitirang badyet sa loob ng mas mababa sa walo at kalahating taon. Hindi ko opinyon ang mga numerong iyon. Hindi rin ito opinyon o pananaw sa pulitika ng sinuman. Ito ang kasalukuyang pinakamahusay na naabot ng siyensiya. Bagaman sinasabi ng mga siyentipiko na napaka-moderato ng pigurang ito, ito ang katanggap-tanggap sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng IPCC.

At mangyaring tandaan na ang mga pigurang ito'y pandaigdigan at samakatuwid ay walang sinasabi sa aspeto ng ekwidad, na malinaw na nakasaad sa buong Kasunduan ng Paris, na talagang kinakailangan upang gumana ito sa isang pandaigdigang sukatan. Nangangahulugan itong kailangang gawin ng mga mayayamang bansa ang kanilang patas na bahagi at bumaba ng mas mabilis ang emisyon sa zero, upang maaaring mapataas ng mga tao sa mas mahirap na mga bansa ang kanilang pamantayan ng pamumuhay, sa pamamagitan ng pagtatayo ng ilang mga imprastraktura na itinayo na natin. Tulad ng mga kalsada, ospital, paaralan, malinis na inuming tubig at kuryente.

Ang USA ang pinakamalaking carbon polluter o tagapagdumi ng karbon sa kasaysayan. Ito rin ang numero unong tagagawa ng langis ng mundo. At gayundin naman, ikaw din ang nag-iisang bansa sa mundo na nagbigay hudyat ng iyong malakas na balak na iwanan ang Kasunduan sa Paris. Dahil sa sinasabing "ito'y isang masamang pakikitungo para sa Amerika".

Apatnaraan at dalawampung Gt ng CO2 ang naiwan upang ibuga noong Enero 1, 2018 upang magkaroon ng isang 67 porsyentong tsansang manatili sa ibaba ng 1.5 degri ng pagtaas ng temperatura sa mundo. Ngayon ang pigurang iyon ay nasa mas mababa sa 360 Gt.

Nakaliligalig ang mga numerong ito. Subalit karapatan ng mga taong makaalam. At ang karamihan sa atin ay walang ideya na umiiral ang mga numerong ito. Sa katunayan kahit na ang mga mamamahayag na nakausap ko'y tila di rin alam na umiral ang mga iyon. Di pa natin nababanggit ang mga pulitiko. At tila mukhang tingin nila na ang kanilang pampulitikang plano ang makakalutas sa buong krisis.

Subalit paano ba natin malulutas ang problemang di natin lubusang nauunawaan? Paano ba natin maiiwanan ang buong larawan at ang kasalukuyang naririyang siyensya?

Naniniwala akong may malaking panganib na gawin ito. At gaano man kapulitikal ang paglalarawan sa krisis na ito, huwag nating hayaang magpatuloy ito bilang partisanong pulitikal na usapin. Ang krisis ekolohikal at klima ay lampas pa sa pulitikang pampartido. At ang pangunahing kaaway natin ngayon ay hindi ang ating mga kalaban sa politika. Ang pangunahing kaaway natin ngayon ay pisika. At hindi tayo "nakikipagkasundo" sa pisika.

Marami ang nagsasabing imposibleng magawa ang pagsasakripisyo ng marami para sa kaligtasan ng bisospero (o kabuuan ng ekosistema) at tiyakin ang kalagayan ng pamumuhay para sa hinaharap at kasalukuyang henerasyon.

Marami na ngang nagawang dakilang sakripisyo ang mga Amerikano upang malagpasan ang mga teribleng panganib noon.

Isipin ninyo ang matatapang na kawal na sumugod sa dalampasigan sa unang salpukan sa Omaha Beach noong D Day. Isipin ninyo si Martin Luther King at ang 600 iba pang mga pinuno ng karapatang sibil na itinaya ang lahat upang magmartsa mula Selma hanggang Montgomery. Isipin ninyo si Pangulong John F. Kennedy na inihayag noong 1962 na ang Amerika ay "pipiliin pang magtungo sa buwan sa dekadang ito at gawin ang iba pang mga bagay, hindi dahil iyon ay madali, ngunit dahil iyon ay mahirap..."

Marahil nga ay imposible. Ngunit sa pagtingin sa mga numerong iyon - ang pagtingin sa kasalukuyang pinakamahusay na siyensya na nilagdaan ng bawat bansa - sa palagay ko'y iyon ang kinakalaban natin.

Subalit di mo dapat aksayahin ang buong panahon mo sa pangangarap, o tingnan ito bilang ilang laban sa politika na dapat pagtagumpayan.

At hindi mo dapat isugal ang kinabukasan iyong mga anak sa isang kalansing ng barya.

Sa halip, dapat kayong makiisa sa siyensya.

Dapat kayong kumilos.

Dapat ninyong gawin ang imposible.

Dahil ang pagsuko ay di kailanman kasama sa pagpipilian.



https://www.independent.co.uk/voices/greta-thunberg-congress-speech-climate-change-crisis-dream-a9112151.html

Greta Thunberg speech in the US Congress
September 18, 2019

My name is Greta Thunberg. I am 16 years old and I’m from Sweden. I am grateful for being with you here in the USA. A nation that, to many people, is the country of dreams.

I also have a dream: that governments, political parties and corporations grasp the urgency of the climate and ecological crisis and come together despite their differences – as you would in an emergency – and take the measures required to safeguard the conditions for a dignified life for everybody on earth.

Because then – we millions of school striking youth – could go back to school.

I have a dream that the people in power, as well as the media, start treating this crisis like the existential emergency it is. So that I could go home to my sister and my dogs. Because I miss them.

In fact I have many dreams. But this is the year 2019. This is not the time and place for dreams. This is the time to wake up. This is the moment in history when we need to be wide awake.

And yes, we need dreams, we can not live without dreams. But there’s a time and place for everything. And dreams can not stand in the way of telling it like it is.

And yet, wherever I go I seem to be surrounded by fairy tales. Business leaders, elected officials all across the political spectrum spending their time making up and telling bedtime stories that soothe us, that make us go back to sleep.

These are “feel-good” stories about how we are going to fix everything. How wonderful everything is going to be when we have “solved” everything. But the problem we are facing is not that we lack the ability to dream, or to imagine a better world. The problem now is that we need to wake up. It’s time to face the reality, the facts, the science.

And the science doesn’t mainly speak of “great opportunities to create the society we always wanted”. It tells of unspoken human sufferings, which will get worse and worse the longer we delay action – unless we start to act now. And yes, of course a sustainable transformed world will include lots of new benefits. But you have to understand. This is not primarily an opportunity to create new green jobs, new businesses or green economic growth. This is above all an emergency, and not just any emergency. This is the biggest crisis humanity has ever faced.

And we need to treat it accordingly so that people can understand and grasp the urgency. Because you can not solve a crisis without treating it as one. Stop telling people that everything will be fine when in fact, as it looks now, it won’t be very fine. This is not something you can package and sell or ”like” on social media.

Stop pretending that you, your business idea, your political party or plan will solve everything. We must realise that we don’t have all the solutions yet. Far from it. Unless those solutions mean that we simply stop doing certain things.

Changing one disastrous energy source for a slightly less disastrous one is not progress. Exporting our emissions overseas is not reducing our emission. Creative accounting will not help us. In fact, it’s the very heart of the problem.

Some of you may have heard that we have 12 years as from 1 January 2018 to cut our emissions of carbon dioxide in half. But I guess that hardly any of you have heard that there is a 50 per cent chance of staying below a 1.5 degree Celsius of global temperature rise above pre-industrial levels. Fifty per cent chance.

And these current, best available scientific calculations do not include non linear tipping points as well as most unforeseen feedback loops like the extremely powerful methane gas escaping from rapidly thawing arctic permafrost. Or already locked in warming hidden by toxic air pollution. Or the aspect of equity; climate justice.

So a 50 per cent chance – a statistical flip of a coin – will most definitely not be enough. That would be impossible to morally defend. Would anyone of you step onto a plane if you knew it had more than a 50 per cent chance of crashing? More to the point: would you put your children on that flight?

And why is it so important to stay below the 1.5 degree limit? Because that is what the united science calls for, to avoid destabilising the climate, so that we stay clear of setting off an irreversible chain reaction beyond human control. Even at 1 degree of warming we are seeing an unacceptable loss of life and livelihoods.

So where do we begin? Well I would suggest that we start looking at chapter 2, on page 108 in the IPCC report that came out last year. Right there it says that if we are to have a 67 per cent chance of limiting the global temperature rise to below 1.5 degrees Celsius, we had, on 1 January 2018, about 420 Gtonnes of CO2 left to emit in that carbon dioxide budget. And of course that number is much lower today. As we emit about 42 Gtonnes of CO2 every year, if you include land use.

With today’s emissions levels, that remaining budget is gone within less than 8 and a half years. These numbers are not my opinions. They aren’t anyone’s opinions or political views. This is the current best available science. Though a great number of scientists suggest even these figures are too moderate, these are the ones that have been accepted by all nations through the IPCC.

And please note that these figures are global and therefore do not say anything about the aspect of equity, clearly stated throughout the Paris Agreement, which is absolutely necessary to make it work on a global scale. That means that richer countries need to do their fair share and get down to zero emissions much faster, so that people in poorer countries can heighten their standard of living, by building some of the infrastructure that we have already built. Such as roads, hospitals, schools, clean drinking water and electricity.

The USA is the biggest carbon polluter in history. It is also the world’s number one producer of oil. And yet, you are also the only nation in the world that has signalled your strong intention to leave the Paris Agreement. Because quote “it was a bad deal for the USA”.

Four-hundred and twenty Gt of CO2 left to emit on 1 January 2018 to have a 67 per cent chance of staying below a 1.5 degrees of global temperature rise. Now that figure is already down to less than 360 Gt.

These numbers are very uncomfortable. But people have the right to know. And the vast majority of us have no idea these numbers even exist. In fact not even the journalists that I meet seem to know that they even exist. Not to mention the politicians. And yet they all seem so certain that their political plan will solve the entire crisis.

But how can we solve a problem that we don’t even fully understand? How can we leave out the full picture and the current best available science?

I believe there is a huge danger in doing so. And no matter how political the background to this crisis may be, we must not allow this to continue to be a partisan political question. The climate and ecological crisis is beyond party politics. And our main enemy right now is not our political opponents. Our main enemy now is physics. And we can not make “deals” with physics.

Everybody says that making sacrifices for the survival of the biosphere – and to secure the living conditions for future and present generations – is an impossible thing to do.

Americans have indeed made great sacrifices to overcome terrible odds before.

Think of the brave soldiers that rushed ashore in that first wave on Omaha Beach on D Day. Think of Martin Luther King and the 600 other civil rights leaders who risked everything to march from Selma to Montgomery. Think of President John F. Kennedy announcing in 1962 that America would “choose to go to the moon in this decade and do the other things, not because they are easy, but because they are hard…”

Perhaps it is impossible. But looking at those numbers – looking at the current best available science signed by every nation – then I think that is precisely what we are up against.

But you must not spend all of your time dreaming, or see this as some political fight to win.

And you must not gamble your children’s future on the flip of a coin.

Instead, you must unite behind the science.

You must take action.

You must do the impossible.

Because giving up can never ever be an option.

Martes, Setyembre 24, 2019

Ang plantang coal ay bikig sa lalamunan

ang hinaing ng bayan ba'y di mo pa naririnig
na winawasak ng plantang coal ang ating daigdig
dahil dito'y di pa ba tayo magkakapitbisig
upang tutulan ang plantang coal na nakakabikig

dahil sa plantang coal ay nagmamahal ang kuryente
habang tuwang-tuwa naman ang mga negosyante
limpak-limpak ang tinutubo, sila'y sinuswerte
habang sa simpleng masa, ang plantang coal ay kayrumi

mag-renewable energy, tigilan ang plantang coal
aba'y dapat pakinggan ang matinding pagtutol
ng mamamayan, bago pa sa panahon magahol
sa kuryenteng kaymahal, masa'y kapos sa panggugol

dahil sa plantang coal, kalikasan ay nasisira
sa paghahanap ng panggatong, isla'y ginigiba
tulad sa Semirara na hinalukay ang lupa
nangitim din ang dagat sa Balayan at Calaca

sa climate change, ang plantang coal ang pangunahing sanhi
atmospera'y binutas, emisyon nito'y kaysidhi
kung sanhi'y plantang coal, paano ito mapapawi
sa malaking pagsira nito'y paano babawi

halina't magsama-sama upang ating pigilin
ang pananalasa ng plantang coal sa bansa natin
bikig natin sa lalamunan ay dapat tanggalin
gawin bago pa tayo nito tuluyang patayin

- gregbituinjr.
* Inihanda ng makata at binigkas sa harap ng mga raliyista sa Mendiola sa National Day of Protest Against Coal, Setyembre 24, 2019















Biyernes, Setyembre 20, 2019

Winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

winawasak ng kapitalismo ang ating mundo
sinisira nito ang ating buong pagkatao
nilalason ang sakahan sa pagmimina nito
kabundukan natin ay tuluyan nang kinakalbo

para sa higit na tubo'y wasak ang kalikasan
todo-todong pinipiga ang ating likasyaman
ginagawang subdibisyon ang maraming sakahan
ginawang troso ang mga puno sa kagubatan

dahil sa plantang coal, mundo'y patuloy sa pag-init
tataas ang sukat ng dagat, mundo'y nasa bingit
tipak ng yelo'y matutunaw, delubyo'y sasapit
kapitalista'y walang pakialam, anong lupit

di lamang sobrang pinipiga ang lakas-paggawâ
ng manggagawa, kundi kalikasa'y sinisirà
lupa'y hinukay sa ginto't pilak, at ang masamâ
katutubo pa'y napalayas sa sariling lupà

mula nang Rebolusyong Industriyal ay bumilis
ang sinasabing pag-unlad na sa tao'y tumiris
pati mga lupa'y pinaimpis nang pinaimpis
upang makuha lamang ang hilaw na materyales

likasyaman ay hinuthot nang gumanda ang buhay
maling pagtingin sa kaunlaran ang ating taglay
imbes umunlad ang tao'y pinaunlad ang bagay
bansa'y umasenso pag maraming gusali't tulay

ang mineral sa ilalim ng lupa'y nauubos
ngunit imbes umunlad, ang bayan pa'y kinakapos
dahil sa nangyayari'y dapat tayong magsikilos
pangwawasak ng kapitalismo'y dapat matapos

sa kabila nito, may pag-asa pang natatanaw
sa nalalabing oras, kumilos ng tamang galaw
mulatin ang sambayanan, kaya ating isigaw:
"Ibasura ang kapitalismo! Climate Justice Now!"

- gregbituinjr.
* nilikha at binasa ng makata sa harap ng maraming tao sa programa ng Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019.