Sabado, Pebrero 14, 2015

Ang Paglalathala ng Pahayagang Diwang Lunti


Editoryal ng isyung Pebrero 2015 ng Diwang Lunti

ANG PAGLALATHALA NG 
PAHAYAGANG DIWANG LUNTI

Napakaraming balita, napakaraming natatagong pangyayaring dapat isiwalat sa madla. Napakaraming nararanasang delubyo. Napakaraming nasasalanta at nasasawi dahil sa ngitngit ng kalikasan.

Napakaraming isyung dapat pagdebatihan, dapat bigyang-pansin, dapat sang-ayunan, at dapat tanggihan. Napakaraming tanong na bakit ang dapat sagutin. Bakit maraming namatay sa landslide sa Ormoc, Leyte, at sa lalawigan ng Quezon? Bakit binaha ang lungsod ng Baguio nang minsang bumagyo rito gayong kaytaas namang lugar nito? Bakit ang isang buwan na pag-ulan ay naganap ng anim na oras lamang na nagpabaha sa maraming panig dulot ng bagyong Ondoy? Bakit libu-libong tao ang namatay nang manalanta ang bagyong Yolanda sa Tacloban? Bakit umiyak ang ating Climate Change negotiator sa United Nations at nanawagan ng matinding aksyon laban sa climate change?

Kapansin-pansing wala talagang pahayagang masasabing nakatuon lamang sa isyu ng kalikasan at kapaligiran, kundi naisisingit lamang ang mag balita sa mga pahayagan at telebisyon kapag may mga nasalanta na.

Kailangang magpasya. Marami tayong nakikita ngunit hindi napag-uusapan, dahil walang nagbibigay-pansin. Kung bigyang-pansin man ay sa mga maliitang pag-uusap lamang na hindi nauuwi sa mga positibo't kongkretong aksyon upang magawan ng tamang solusyon.

Ito ang papel ng Diwang Lunti: Ang mag-ulat at magmulat hinggil sa kalagayan ng ating daigdig, at pagtalakay hinggil sa mga napapanahong isyung pangkalikasan (nature) at pangkapaligiran (environment). Pagkat magiging dugtong ang pahayagang ito upang magkabalitaan ang iba't ibang environmental groups at magkatulungan.

Sa pamamagitan ng mga ulat mula sa iba’t ibang environmental groups ay makapagbabalitaan tayo ng mga isyung dapat talagang bigyang pansin agad ng mga kinauukulan at ng mamamayan. 

Binibigyang-pansin din ng Diwang Lunti ang panitikan, pagkat napakaraming mga sanaysay, kwento, tula, at awit ng ating mga kababayan hinggil sa kalikasan ang hindi nalalathala. Bukas ang Diwang Lunti upang ilathala ang mga ito.

Sana’y hindi mabigo ang Diwang Lunti sa paghahatid ng mga ulat at pagtalakay sa mga isyung hindi karaniwang nabibigyan ng espasyo sa mga malalaking midya, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon. 

Nawa’y lagi po tayong magtulungan upang magtagumpay ang ating layunin para sa sambayanan, sa pamayanan, sa lipunan, at higit sa lahat, kay Inang Kalikasan. Mabuhay kayo!

- Gregorio V. Bituin Jr., patnugot ng Diwang Lunti