Lunes, Enero 26, 2015

Resolusyon sa Kongreso ng BMP hinggil sa climate change

 RESOLUSYON HINGGIL SA PAGBABAGO SA KLIMA

Yayamang totoong may pagbabago sa klima: matibay ang kaisahan ng mga siyentipko na signipikanteng tumaas ang pangkaraniwang temperatura ng daigdig simula nang paglawak ng mga industriya. Ang pagtaas na ito ng temperatura ay hindi likas sa pag-inog ng daigdig kundi dulot ng aktibidad ng tao.

Binasa ni Herbert Docena ang resolusyon sa klima
Yayamang nagdudulot na ang pagbabago ng klima ng matinding pagdurusa sa sangkatauhan at sa mga nabubuhay na nilalang: dokumentado ang patunay na pag-init ng mundo ay nagdudulot ng papadalas at papalakas na mga bagyo, tagtuyot, at ibang mga sakuna, gayundin ang iba pang mga pagbabago sa kalikasan gaya ng pagtaas ng lebel ng mga karagatan, pagiging asido ng tubig alat, pagkalipol ng mga nilalang, at iba pang abnormalidad na nagiging banta sa produksyon ng pagkain, hanapbuhay, pangkalahatang kapakanan, at kaligtasan ng milyon-milyong tao at mga nilalang sa buong planeta.

Yayamang gaya ng naranasan noong bagyong Yolanda at iba pang sakuna, ang mga mahihirap na mga bansa gaya ng Pilipinas ang siyang madalas matamaan ng pinakamalalakas na sakuna dulot ng pagbabago sa klima.

Yayamang sa mga bansang ito, ang pinakamasasalanta ay ang mga manggagawa at iba pang aping sektor ng mamamayan gaya ng mga kababaihan, LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transgenders, o ang ngayo'y terminong pagkakakilanlan sa mga dati'y tawag na bakla o tomboy), at mga katutubo.

Yayamang mas magiging mapanupil ang pagbabago sa klima kung hindi makakamit ng sangkatauhan ang biglaan at apurahang pagbabawas sa pagbubuga ng mapanirang usok at hangin (greenhouse gas) upang pababain ang kasalukuyang temperatura ng mas mababa sa 1.5 digri sentigrado.

Yayamang upang makamit ang kinakailangang pagbabawas na ito, kinakailangan ng sukdulang pagbabago sa lahat ng aspekto ng produksyon at paggamit ng sangkatauhan sa kanilang mga pangangailangan.

Yayamang hindi makakamit ang mga pagbabagong ito kung mananatiling nasa kamay ng mga kapitalista ang lahat ng desisyon at patakaran sa produksyon at paggamit ng mga pangangailangan, ng isang sistema ng pribadong pagmamay-ari sa mga kasangkapan ng produksyon, at kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalista para sa walang hanggang pagkakamal ng yaman na ginagawa nila sa pamamagitan ng lubusang pananamantala sa paggawa at kalikasan at sa pagbibigay prayoridad sa tubo kaysa kapakanan ng tao at kalikasan.

Yayamang ang pagbabago sa klima ay hindi masasawata nang hindi nilalansag ang kapitalismo at kung hindi itatayo ang SOSYALISMO: isang sistema na hindi pinaaandar ng walang hanggang pagkamal ng yaman at hindi nakatakdang unahin ang tubo kaysa kapakanan ng tao at kalikasan.

Yayamang sa halip na lansagin ang kapitalismo at umusad mula rito, ang mga elitista ng daigdig, kasama yaong mga nasa Pilipinas, gayundin ang iilang aktibong bahagi ng lipunan, ay naghahangad na palawigin pa ang kapitalismo at hindi unahin ang kaligtasan at kapakanan ng sangkatauhan at planeta kaysa tubo.

Yayamang ipinapakita ng kawalang kakayahan na resolbahin ang krisis na ito ang kanilang kapalpakan, sa kabila ng dalawang dekadang negosasyon, na ipasa ang isang matibay at mabisang pandaigdigang kasunduan sa pagbabago ng klima na may kakayanang isakatuparan ang biglaan at malawakang pagbaba sa pagbuga ng masamang hangin, gayundin ang mga patakaran na maglaan ng materyal upang mapakinabangan at makaangkop ang mga bansang madalas tamaan ng mga sakuna.

Yayamang sa halip na magpalit ng landas, ang mga gobyerno ng mundo, kasama ang sa Pilipinas, ay sa halip tumutungo sa isa na namang mahina, palpak, at di patas na kasunduan hinggil sa pagbabago ng klima na nakatakdang lagdaan sa Paris sa darating na Disyembre 2015.

Yayamang ang mahina, palpak, at di patas na pandaigdigang kasunduang ito - kaakibat ng mahina, palpak at di patas na mga patakarang pangklima sa Pilipinas - ay isang banta upang tuluyang kundinahin ang mamamayan ng daigdig, lalo na ang mga manggagawa, sa isang mapangwasak at sinalbaheng kinabukasan.

Ngayo'y PAGKAISAHAN, na ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino ay:

- isaalang-alang ang laban kontra sa pagbabago sa klima at para sa kapakanan ng kalikasan bilang mahalagang salik ng pakikibaka, na hindi maaaring maihiwalay sa laban ng mga manggagawa at laban para sa sosyalismo.

si Kat Leuch ng Philippine Movement for Climate Justice
- magkakaroon ng nangungunang papel sa pagtataguyod ng isang malawak, sa lebel na pambansa at pandaigdigan, na kilusan na isinusulong ang pansistemang pagbabago na kinakailangan upang masawata ang pagbabago ng klima.

- maglulunsad ng isang istratehikong kampanya para paigtingin ang pagkaunawa ng mga manggagawa at ng malawak na hanay ng mamamayan hinggil sa isyu ng klima, ang kaugnayan nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pakikibaka, at ang pagkaugat nito sa kapitalismo, habang nakikilahok sa mga debate at diskusyon hinggil sa mga sistematikong solusyon at alternatiba.

- isasama ang isyu ng pagbabago sa klima at kalikasan sa pangkalahatan bilang bahagi ng programang pang-edukasyon nito sa mga manggagawa

- magiging aktibo sa mga kampanya at adbokasya hinggil sa kalikasan, gaya ng pagpapalakas ng paglahok nito sa Philippine Movement for Climate Justice at iba pang kahalintulad na alyansa at koalisyon.

- mangunguna at makikilahok sa mga pagkilos, protesta, edukasyon, at iba pang gawain sa paparating na 2015 UN Summit on Climate Change kung saan nakatakdang pirmahan ang isang bagong internasyunal na kasunduan hinggil sa pagbabago sa klima.

Pinagtibay ng mga delegado ng Ika-7 Pambansang  Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ngayong ika-25 ng Enero 2015 sa Skyrise Hotel, Lungsod ng Baguio.

Biyernes, Enero 16, 2015

Talakayan sa Kamayan - Renewable Energy (RE)

Talakayan hinggil sa Renewable Energy, Idinaos sa Kamayan Forum

Idinaos kaninang umaga hanggang tanghali ang isang talakayan hinggil sa Renewable Energy o RE, partikular na ang hinggil sa solar energy o enerhiya mula sa araw. Ang mga naging tagapagsalita ay sina Ms. Charry Venturina, kinatawan ng mga developer sa renewable energy at bise presidente ng Wind Development Association of the Philippines, at si Ms. Claire Lee, bise presidente ng Philippine Solar Power Alliance at kalihim ng Renewable Energy Development Association of the Philippines. Ang naging tagapagpadaloy naman ng talakayan ay si Gng. Nina Galang ng Green Convergence, at hindi nakadalo ang tagapagpadaloy na si Gng. Marie Marciano na maysakit, at Ginoong Rene Pineda na maysakit naman ang asawa.

Nasa tatlumpung katao ang dumalo. Karaniwan na, may tatlong bahagi ang talakayan. Ang unang bahagi ng talakayan ay ang presentasyon ng mga tagapagsalita hinggil sa paksa, ang ikalawang bahagi ay mga tanong at komento mula sa mga tagapakinig, at ang ikatlong bahagi ay ang pagsagot ng mga tagapagsalita hinggil sa mga tanong at komento.

Ayon kay Ms. Venturina, may wind farm na sa Pilipinas na ang anyo ay parang baliktad na bentilador. Mayroon na umano nito sa isla ng Guimaras. Tinalakay rin niya na ang Republic Act 9153 o Renewable Energy Act of 2008 ay nagdaan sa apat na kongreso bago naisabatas, na ibig sabihin, labingdalawang taon ang binuno nito. Tinalakay rin niya ang komposisyon ng NREB o National Renewable Energy Board, ang ERC o Energy Regulatory Commission, ang Renewable Portfolio Standard rule, ang net metering, at marami pang iba. Sa pagtalakay sa Green Energy Option, sinabi niyang sa Tokyo ay may mga tinatawag na green company, kung saan makakapamili ka kung anong nais mong kuryente - "I only want green power" - na ang kuryente ay pabor sa renewable energy.

Tinalakay naman ni Ms. Lee ang solar farm sa San Carlos sa Bacolod na may 13MW. Ayon pa sa kanya, mas mura ang solar kaysa fossil fuel. Kailangan din ng grid connection imbes na battery para mas mura. Kailangan din ng grid impact study. Sabi pa niya, naghahanap tayo sa ilalim ng lupa ng fossil fuel gayong maaari naman tayong tumingala at nariyan ang araw. Mababawasan din ng solar energy ang papataas nating bayarin sa kuryente. Tinapos niya ang kanyang pagtalakay sa pamamagitan ng mga katagang "It's more sun in the Philippines."

Sa open forum, marami ang nagtanong. Dito'y sinabi ni Ms. Venturina na ang based-load ng coal plant ay 30 years, at hindi dapat pinag-uusapan lang ay ang based-load na dapat 100%, kundi ang midrange na 60%. Ayon naman kay Ms. Lee, ang mga solar farms ay dapat konektado sa grid. May mini-grid at mayroon ding off-grid. At dapat din, ang regulator ng renewable energy ay dapat na proconsumer. Tinapos naman ni Ms. Venturina ang kanyang talakay sa pagsasabing "renewable energy is the fuel of the future."

Ang Kamayan para sa Kalikasan Forum ay idinaraos sa Kamayan Saisaki Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas, tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. 

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Enero 10, 2015

Kumperensya Laban sa Nukleyar, Idinaos


Kumperensya Laban sa Nukleyar, Idinaos

Mahigit dalawang katao, na karamihan ay mga estudyante, ang dumalo sa idinaos na 2015 Asian No Nukes Conference on Environment, Justice and Peace na ginanap sa STI Academic Center, sa Samson Road, Lungsod ng Caloocan, noong Enero 10, 2015, araw ng Sabado. Ang nasabing eskwelahan ay katabi lamang ng UE Caloocan.

Naging tagapagsalita sa kumperensyang ito ang mga dayuhan mula sa Japan, tulad nina Dr. Fujio Yamamoto ng Fukui University, Dr. Fujimiro Mori mula sa Fukushima, ang batang si Ayaka Hagiwara na nagtalakay ng children's situation, si Ms. Hagiwara Yukimi hinggil sa plaintiff compensation class action suit, at Ms. Yoko Unoda ng No Nukes Asia Forum Japan. Nagbigay din ng pahayag si Ms. Ikuko Kubuke ng AKAY Japan.

Naging tagapagsalita rin ang mga kababayang sina Prof. Roland Simbulan ng UP Manila, Commissioner Nederev "Yeb" Saño ng Climate Change Commission, Fr. Fernando Loreto ng Nuclear Free Bataan Movement, Engr. Obet Bersola, Cora Fabros ng Nuclear Free Pilipinas, at ang mang-aawit na si Paul Galang.

Naghandog naman ng makabagbag-damdaming awitin ang mga bata mula sa Abakada preschool, at nagbigay ng munting dula ang mga kabataan mula sa ZOTO (Zone One Tondo Organization).

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)

Binasa at ipinamahaging mga tula sa 2015 Asian No Nukes Conference.

Ikaapat at unang pahina
Ikalawa at Ikatlong pahina

* Ang mga sumusunod na tula ay ipinamahagi sa mga dumalo sa Asian No Nukes Conference on Environment, Justice and Peace, na ginanap sa STI Academic Center, Samson Road, Caloocan City, Enero 10, 2015. Nagpakopya ng 100 sipi ang may-akda na kanyang ipinamahagi.

Ang apat na tulang narito'y bahagi ng inihahandang aklat ng makata para sa ika-70 anibersaryo ng pagbomba sa Hiroshima at Nagazaki sa Agosto 2015. Ang aklat ay pansamantalang pinamagatang "Mula Hiroshima hanggang Fukushima".

Ang tulang "Bangungot ng Hibakusha" ay binasa ng makata sa "No to Nukes" Fellowship and Cultural Presentation matapos ang kumperensya.


BANGUNGOT NG HIBAKUSHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila sampung libong uling ang sumunog sa balat
tila lalamunan ay sinakal at nagkalamat
tila diwa't puso'y unti-unti nang nawawarat
tila katawan na'y naputol, sa daan nagkalat

ang nayon nila't daigdig ay bigla nang nag-iba
marahil tanong sa sarili'y nasaan na sila
nasa dagat na ba ng apoy, doon natutusta
patay na ba sila't sa Hades sila napapunta

di madalumat na ito'y epekto ng radyasyon
nang Amerikano'y nagbagsak ng bomba sa Hapon
libong buwitre'y pumuksa sa kanila't lumamon
sa mga biktima'y sadyang bangungot ng kahapon

anila, sinalubong sila ng kayputing langit
kayliwanag, animo'y bahagharing lumalapit
hanggang pumula, rumagasa'y apoy na kumapit
sa katawan, buong puso't diwa nila'y hinaplit

hanggang sila'y maratay sa banig ng karamdaman
higaan nila animo'y larangan ng digmaan
ramdam ay nag-iisa kahit may kasama naman
nais nilang mabuhay kaya pilit lumalaban

karaniwang taong saksi sa bomba atomika
na sadyang binagsak sa Nagazaki't Hiroshima
animo'y bangkay na ang tulad nilang Hibakusha
wala akong masabi kundi Hustisya! Hustisya!

* The surviving victims of the atomic bombings of Hiroshima and Nagasaki are called hibakusha, a Japanese word that literally translates as "explosion-affected people" and is used to refer to people who were exposed to radiation from the bombings. ~ Wikipedia



TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro

ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian

bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?

Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan

nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?

totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako 



ANG KILABOT NA LAWA KARACHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Lake Karachay, located in the southern Ural Mountains in eastern Russia, was a dumping ground for the Soviet Union's nuclear weapon facilities. It was also affected by a string of accidents and disasters causing the surrounding areas to be highly contaminated with radioactive waste. Washington, D.C.-based Worldwatch Institute has described it as the "most polluted spot on Earth." - From Wikipedia

nakakakilabot ang tubig sa Lawa Karachay
higit pa sa tapunan ng nabubulok na bangkay
radyoaktibo na ito't isda'y di mabubuhay
di ka makatatagal, amoy na'y nakamamatay

sa timog ng bundok Ural sa Rusya naroroon
basura ng nukleyar ang doon ay tinatapon
mula sa Mayak kaya kaytindi na ng polusyon
radyoaktibo ang lawa, puno, buong rehiyon

likas-yaman na'y nangasira, lahat apektado
di ka makatatagal doon kahit limang minuto
nang magkasakuna sa Lawa Karachay ng todo
tumagos sa kailaliman ang basurang ito

sakuna sa nukleyar ay dusa na't pawang hirap
wala kang maririnig, mata mo'y aandap-andap
nasa iba ka nang mundo, wala ka nang hinagap
doon sa Lawa Karachay ay bangkay ka nang ganap



ARMAS-NUKLEYAR, AYON SA UNHRC, 1984
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

U.N. na ang nagsasabing / krimen sa sangkatauhan
ang produksyon at paggawa, / pag-aari at paglulan
lalo'y paggamit ng armas / na nukleyar sa digmaan
kaya dapat lamang itong / ipagbawal nang tuluyan

pinakamalaki itong / banta sa buhay ng tao
lalo na sa karapatan / nating mabuhay sa mundo
armas-nukleyar ay banta't / pruweba ng mga tuso
na sa anumang digmaan, / tiyak silang mananalo

ngunit maraming sibilyan / ang totoong nadaramay
sa kasaysayan ng mundo'y / kayrami nilang namatay
sanlaksa ang naulila / sa mga mahal sa buhay
nagpakana'y walang paki / may pamilya mang malumbay

sa paggawa ng armas / kaylaki na ng gastos
imbes na sa kalusugan / o edukasyon itustos
mas nais pang mag-alipin, / ibang bansa'y mabusabos
pag nanalo'y pawang kabig / habang iba'y kinakapos

magkaisa bawat bansang / manawagan nang pawiin
lahat ng armas-nukleyar / pagkat ito'y sadyang krimen
sa buong sangkatauhan / na sinabi nga ng U.N.
nawa panawagang ito / ay kanila namang dinggin

halina't tayo'y kumilos / laban sa ganitong armas
makakamtan lamang natin / ang isang magandang bukas
kung walang armas-nukleyar / at may sistemang parehas
at iiral ang hustisya't / pag-ibig na sadyang wagas

* In 1984 the United Nations Human Rights Committee noted that "it's evident that the designing, testing, manufacture, possession and deployment of nuclear weapons are among the greatest threats to the right to life which confront mankind today" and concluded that "the production, testing, possession, deployment and use of nuclear weapon shold be prohibited and recognized as crimes against humanity." ~ from the article "The Effects of nuclear weapons" by www.motherearth.org