Biyernes, Hulyo 18, 2014

Talakayan sa Kamayan: Basel Ban Amendment

TALAKAYAN SA KAMAYAN: BASEL BAN AMENDMENT

Hinggil sa kampanyang pagratipika sa Basel Ban Amendment ang paksa ng ika-281 sesyon ng Kamayan Environment Forum sa Kamayan Edsa nitong Hulyo 18, 2014. Ang nasa panel ay sina Dra. Nina Galang, pangulo ng Green Convergence, at Gng. Marie Marciano, tagapagpadaloy ng talakayan at ikalawang pangulo ng Green Convergence.

Ang naging tagapagsalita sa sesyong ito ay si Arvin A. Jo, JD, MDE Cand. ng Ateneo School of Government. Ang kanyang powerpoint presentation ay may pamagat na "Demistifying the impacts of the Basel Ban Amendment Ratification by the Philippines (Economic and Social Impacts).

Narito ang ilan sa kanyang mga tinalakay: Ang Basel Ban Amendment ay isang multilateral treaty na nangangailangan ng 2/3 lagda ng 180 bansang naunang pumirma rito. At sa ngayon ay kailangan pa ng 17 bansang lalagda para rito. Sa Asya, ang Pilipinas at Vietnam na lamang ang hindi nakapirma.

May nauna nang Basel Convention, na nalagdaan noong 1989, at sa Basel Ban Amendment, dapat maamyendahan ang mga eksempsyon, lalo na yaong e-waste ay para sa resiklo. Kailangan ay isang tahasang pagbabawal (absolute ban) sa paglilipat o pag-import-export ng bansa sa bansa (intercountry transfer) ng electronic waste.

May dalawang kategorya ang mga basurang toxic, at ito'y ang e-waste o electronic waste, at ang used-lead acid batteries. Ang mga industriyang pinanggagalingan nito o gumagawa nito ang siyang mariing tumututol sa Basel Ban Amendment, dahil umano malaki ang mawawala sa kanila, makakaapekto ng malaki at makasasama sa ekonomya, at mawawalan pa ng trabaho ang kanilang mga manggagawa. Ang mga tagaresiklo (recyclers) naman, bukod sa malaki ang kinikita, ay binabayaran pa.

Ang malaking pinanggagalingan ng e-waste ay ang call center, dahil sa mga kagamitan nitong computer, telepono, aircon, atbp., na tuwing tatlong taon ay nagpapalit ng malaking bilang ng mga kagamitan.

Ayon naman kay Gng. Marie Marciano, na siyang tagapagpadaloy ng programa, ang Basel Ban Amendment ay isang lunas sa mga butas ng Basel Ban. Sa Basel Ban, hindi maaaring magtambak ng basura ang mga mauunlad na bansa sa mga mahihirap na bansa. Ngunit may pasubali ito, maaari lamang makapasok ang mga basura sa anyo ng recycling. Ang pasubaling ito ang sinasabing loopholes.

Sinabi naman ni Ms. Angel, na assistant ng di nakarating na si Atty. Golda Benjamin ng Ban Toxics, malaki ang maitutulong ng amendment para sa bansa at sa kalusugan ng mamamayan. Dapat ding i-transmit ng gobyerno sa senado ang Basel Ban Amendment upang maratipika. Ayon pa kay Ms. Angel, para sa karagdagang impormasyon ay bisitahin ang kanilang website na www.bantoxics.org.

Dito'y inanunsyo na rin ni Dra. Galang ang gaganaping Green SONA (State of the Nature Assessment) sa Agosto 5, 2014 sa Miriam College simula ika-8 ng umaga. Ayon pa sa kanya, marami na tayong basura kaya bakit kailangan pa natin ng basura galing sa ibang bansa. Dagdag pa niya, dapat holistic ang pagtingin. Pag mahusay sa kapaligiran, mahusay din sa kalusugan at kabuhayan (health and livelihood). "For the good of our people and for the good of our environment. That is the essence of sustainable development," pagtatapos ni Dra. Galang.

Nagsimula ang programa sa ganap na ika-11 ng umaga at natapos bandang ika-1:30 ng hapon.

Ang Kamayan Environment Forum ay nagsimula noon pang Marso 1990 at ginaganap tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Hulyo 5, 2014

Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man


Ang Bawat Isang Puno ay Tirahan o Habitat.....Sa Buhay o Kamatayan Man
ni Victor Vargas

Ang isang puno ay nananatili at nagpapatuloy bilang tirahan o habitat ng mga ibon, insekto, halaman at iba pang mga bagay na nabubuhay, kahit pa matagal na itong bangkay o poste na lamang ng Meralco. Ganito ang kaso ng dalawang magkalapit na poste sa Junction sa Los Baños sa tapat ng Healthserve na pinamumugaran ng mga uwak.

Halos mag-iisang buwan na nang una kong napansin ang isang pares ng uwak na nakadapo sa linya ng kuryente malapit sa isang mababang poste na nagsisilbi nila ngayong tahanan. Sa kalapit pang mas mataas na poste ay may isang pares din ng uwak na kapwa talubata o juvenile.

Huwebes, Hulyo 3 nang huli akong pumunta sa Healthserve ay aking napansin na dumoble ang kanilang bilang. Maliban sa naunang dalawang pares ay meron pang bagong dalawang pares ng uwak na pawang mga talubata din. Doble gwardiyado ng naunang dalawang pares ang kanilang pugad at pilit tinataboy ang mga bagong salta.

Ano naman kaya ang meron dito sa Junction at dito nila piniling mamalagi at manirahan? Saang sulok o hangganan kaya ng Bundok Makiling sila dati nakatira?

Nito lamang buwan ng Marso ng taon ito ay kapansin-pansin na ang madalas na pagpaparamdam at pagpapakita ng mga ibong ito dito sa Los Baños. Ilang mga kaibigan ko na tubo mismo sa bayang ito ang nagsabing minsanan lamang sila noon nakakatiyempong makakita ng uwak.

Matalino daw ang ibong ito at napakagaling humanap ng pagkakataong lumapag sa lupa upang manginain. Dito sa likuran ng aming bahay ay madalas silang bumababa sa ilat na karugtong ng Anos-Malinta Creek, isang tributary ng Laguna de Bay. Madali ko silang napapansin dahil sa kakaibang ingay at pagpuputak ng mga manok ng kapitbahay kapag may uwak na lumalapag sa bambang.

Noong isang linggo naman ay nakatsamba akong makakita ng isang pares ng uwak sa isang malaking punong baobab habang ako’y naglalakad sa kahabaan ng bagong gawang kalsada (karugtong ng Caimito St.) sa gilid ng Maulawin Creek at IRRI Staff Housing sa bandang Pook ni Maria Makiling.

Napaka-maparaang tunay ng uwak at dito naman sa Junction ay nakahanap sila ng bagong tirahan matapos nila lisanin ang dati nilang tinitirhang dako. Eksakto naman at nakahanap sila ng posteng kahoy o puno na maluwag silang pinatuloy at kinalinga.

Nananatiling magiliw at malapit ang relasyon ng isang puno sa ibang kapwa niya nabubuhay sa kapaligiran – sa kabila man ng kanyang pagiging isang halaman na matagal nang patay. Patunay ito sa likas na katangian ng kalikasan na manatiling mapagbigay ng anumang kabutihang papakinabangan ng anumang nabubuhay sa kanyang nasasakupan. Ito ay sa kabila nang matagal na siyang nagupo o nasakop ng mga tao o napatay, sa kaso ng dalawang “patay” na punong ito.

Marami pang ganitong kaso ng mapanlikha at maparaang ugnayan ng mga nabubuhay na wildlife (hayop at halaman) at kanilang kapaligiran sa gilid-gilid o karatig ng kagubatan ng Makiling o yung tinatawag na buffer zones ng bundok.