Sabado, Mayo 31, 2014

Sabado, Mayo 17, 2014

Dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Luneta, May 17, 2014

Dalawang gabing ipinalabas nitong Mayo 2014 ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" sa Open-Air Auditorium sa Park sa Luneta, Mayo 16 at 17, 2014, sa ganap na ikaanim hanggang ikapito ng gabi.

Sinimulan ang palabas sa pag-awit ng Lupang Hinirang, at paliwanag ng emcee ng palatuntunan na si Pia Marie Paulican. Inawit naman sa entablado ang awiting pangkalikasan ng bandang ASIN, ang "Masdan mo ang kapaligiran", na may ilang pagbabago sa liriko ng awit, lalo na hinggil sa ilog.

Napakapayak ng kwento, ngunit napakabisa ng mensahe. Sa dula'y nagkwento ang isang matanda sa kanyang apo na nakita niya noon ang isang magandang diwata ng tubig. Maganda pa noon ang kalikasan, may mga ibong nagliliparan at mga isdang naglalayungan sa malinis na ilog. Ngunit dahil sa pagtatapon ng mga basura sa ilog, ang diwata ng tubig ay naging halimaw. Ito ang nagpapakita sa batang si Rosa, at dahilan ng pagkakasakit ng maraming bata sa pamayanan.

Hindi maniwala ang taumbayan sa sinasabing nakitang halimaw ng bata, ngunit sa kalaunan ay nakita rin ito ng marami sa pamayanang iyon.

Nang mapagtanto ng taumbayan na ang halimaw na sinasabi ni Rosa ay ang mga basurang itinapon sa ilog, agad nilang nilinis ang ilog mula sa mga basurang pinamugaran na ng mga lamok at iba pang parasito.

Nang luminis ang ilog ay nagpakita sa kanila ang diwata ng tubig, at sinabi nitong siya ang halimaw. Ngunit hindi niya iyon kagustuhan. Bagkus ang dahilan ng kanyang pagiging halimaw ay ang mga taong nagtatapon ng basura sa kanyang ilog na tahanan.

Marapat na ipalabas sa mas maraming manonood ang dulang "Ang Halimaw sa Tubig" dahil sa napakagandang mensahe tungkol sa kapaligiran, lalo na sa kalinisan ng ating mga ilog na hindi dapat tinatapunan ng basura.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Simula ngayon, bawal itapon ang basura dito

Nakapaskel ito sa gilid ng tulay ng Quiapo sa Quezon Blvd. sa Maynila. Astig ang pagkakasulat, ano po? Simula ngayon, bawal nang magtapon ng basura sa lugar na iyon. Kuha ni Greg Bituin Jr., Mayo 17, 2014.

Buwan ng Karagatan ang bawat buwan ng Mayo

Kuha ni Greg Bituin Jr. ang larawang ito sa City Hall ng Maynila, Mayo 17, 2014.

Miyerkules, Mayo 7, 2014

Lecture on Flooding and Flood Control, Inilunsad sa UP Diliman

Mayo 7, 2014 - Matagumpay na inilunsad ang isang talakayan hinggil sa pagbaha at pagpigil nito, na pinamagatang "Lecture on Environmental Concern: Flooding and Flood Control", sa GT Toyota Cultural Center, sa UP Diliman, ngayong araw. Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Dr. Leonardo Q. Teongson, PhD, na pinakilala bilang academician ng National Academy of Science and Technology (NAST-Phl), at siya'y retiradong propesor sa Institute of Civil Engineering sa UP Diliman.

Ang tagapagpadaloy (emcee) ng programa ay si Gng. Bella Lucas, habang ang mga reactor o discussant naman ay sina Dr. Domingo, pangulo ng UP Geelogy Association, at Engr. Reynaldo Taculando ng DPWH at UP Alumni Association.

Sa pagbubukas ng palatuntunan ay inawit ang Lupang Hinirang at UP Naming Mahal, at isang pag-aalay-dasal kay Bathala sa pamamagitan ng sayaw ng isang makabagong babaylan. Humigit-kumulang 100 katao ang dumalo sa talakayang ito.

Sa talakayan ay nabanggit ang tagtuyot sa Cordillera, may subdibisyon na umano sa paligid ng Laguna Lake, ang Provident Village ay dating tumana na talagang binabaha noon ngunit tinayuan pa ng subdibisyon, ang Cherry Hill landslide sa Antipolo, naging basin ang Iloilo City dahil sa typhoon Frank, at iba pa. Sinasabing tayo mismong mga tao ang naglalagay sa atin sa flood-prone areas, tinakpan ang normal na daluyan ng tubig. Nabanggit din ang easement rights na dapat ay hindi maglagay ng anumang istruktura sa mga lagusan ng tubig. Magkaugnay ang solid waste management at flood control management. Sinabi rin dito na napakahalaga ng land use planning at zoning.

Nabanggit din na magandang halimbawa umano ang Paco easement na proyekto ng ABS-CBN Foundation, dahil maganda na ang daluyan ng tubig, ngunit hindi binanggit na ang mga maralitang dating nakatira rito ay tinapon mula sa danger zone patungong death zone. Itinapon sa relokasyon, partikular ang mga grupong Madza at Kasama-Ka, sa Calauan, Laguna, na malayo sa kanilang trabaho, kaya gutom ang inaabot doon ng maralitang pamilya. Na ayon pa sa mga ulat ay kailangan pang ipagpalit ang sex sa isang kilong bigas. Dapat pag-aralan din ang social impact sa mga tinatamaan ng ganitong proyekto at hindi lamang environmental impact sa lugar.

Para sa mga dagdag-kaalaman, may Committee on Geohazard umano ang UP, na makukunan ng modyul para sa mga barangay. Dapat lumikha ng mga catch basins para pag napuno ang mga dam ay hindi ito paaawasin sa mga pananim at tirahan ng mga tao. Nabanggit ding hindi dapat i-privatize ang tubig. At sa pagkakalikha ng NIA (National Irrigation Administration), dapat ay mas prayoridad umano ang suplay ng tubig sa tahanan kaysa irigasyon, dahil ito ang batas. At kung magtitipid tulad ng pagkaunti ng tubig ngayon sa Angat Dam, dapat na unahing tipirin ang patubig sa mga golf courses, swimming pool at car wash, na siyang pinagdiinan ni Prof. Leongson. Dapat din nating basahin at maunawaan ang nilalaman ng Water Code.

Narito ang ilang litrato hinggil sa naganap na lektura:

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Lunes, Mayo 5, 2014

Maayos na lagayan ng paso

Kuha ni Greg Bituin Jr. sa OMI, sa Mangga St., Fairview, QC, ika-4 ng Mayo, 2014.

Cigarette bin ng MMDA

Kuha ni Greg Bituin Jr., sa may Commonwealth Ave., sa tapat ng UP Ayala Technopark, ika-3 ng Mayo, 2014.

Linggo, Mayo 4, 2014

Pagdiriwang ng World Migratory Bird Day sa 10-11 ng Mayo, 2014

Ang tarpouline na ito'y nakunan ng litrato ni Greg Bituin Jr., sa gate ng Ninoy Aquino Park and Wildlife sa Quezon Avenue, Quezon City, May 4, 2014, at kanyang ipinapaabot din sa iba.


Huwebes, Mayo 1, 2014

Paalala mula sa Hotel Sogo sa Recto Avenue sa Maynila

Malinaw, madaling maunawaan, at magandang paalala sa atin ng isang hotel sa Maynila, na dapat nating panatilihing malinis ang ating lungsod, kaya ang munting basura natin, halimbawa ay balat ng kendi, ay ibulsa muna, hanggang sa makakita na tayo ng basurahan na dapat pagtapunan ng balat ng kendi. Ang mga basurahan ay dapat na magkakabukod, may para sa nabubulok, tulad ng balat ng prutas at papel, at para sa hindi nabubulok, tulad ng balat ng kendi, anumang plastik, at bote. Ang mga litrato ay kuha ni Greg Bituin Jr., habang naglalakad sa Recto Avenue sa Maynila, matapos ang isang malaking pagkilos ng mga manggagawa sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, Mayo Uno, 2014.


Darating din ang araw, wala ka nang ibubuga!

Ang mga litratong ito ay kuha sa opisina ng SUPER Federation sa Quezon Ave., QC.