Biyernes, Disyembre 13, 2013

Martes, Disyembre 10, 2013

Lunes, Disyembre 9, 2013

Paghihiwalay ng basura at basurahan

Kuha ni Greg Bituin Jr., sa Caritas, Manila noong Disyembre 1, 2013, bago sila tumungo sa Tanauan, Leyte para sa relief operation. Bumalik sila ng Maynila noong Disyembre 6, 2013 ng madaling araw.

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Linggo, Setyembre 1, 2013

Ang Pagbabawal sa Paggamit ng mga Plastic Bag

ANG PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang dumaan ang maraming bagyo sa bansa, tulad ng Roming, Milenyo, Ondoy, Pedring, Quiel, Sendong, Maring, at iba pa, naalarma ang marami sa malawakang pagbaha. Bata pa ako, ang kalsadang España sa Maynila ay binabaha na. Hanggang ngayon, binabaha pa rin. Kahit sa Lungsod ng Baguio, na naroon sa napakataas na bundok sa lalawigan ng Benguet, ay binaha noong Agosto 2012 ng bagyong Helen. Napakataas na lugar ngunit binaha. Bakit? Isa sa nakitang dahilan nito ang basurang plastik na siyang bumara sa mga kanal sa City Camp Lagoon sa Lungsod ng Baguio kaya hindi agad nawala ang tubig-baha.

Sa nangyaring pagkabara ng mga daan ng tubig sa iba't ibang lugar na binaha dulot ng malakas na ulan, nag-atas ang maraming lungsod at bayan na ipinagbabawal na ang itinuturing na dahilan ng pagbabara ng mga daanang tubig. Ito ang pagbabawal ng paggamit ng plastik sa kanilang mga lugar na nasasakupan. Nariyan ang Lungsod ng Makati at Quezon, ang bayan ng Calamba sa Laguna, sa Lungsod ng Cebu, at sa marami pang bahagi ng bansa. Gayunman, sa ulat ng GMA 7, may anim na lungsod ang hindi sang-ayon sa pagbabawal ng mga plastic bag, at ito'y ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, San Juan, Parañaque at Valenzuela. Sa anim na iyon, mapapayag man ang lima na ipagbawal ang plastik, hindi ito magagawa ng Lungsod ng Valenzuela dahil karamihan ng mga industriya ng plastik ay nasa lupaing nasasakop nila. Ayon sa mga datos ng City Planning and Development Office (CPDO) ng Valenzuela noong 2012, may 224 na kumpanya ng plastik at pagawaan ng goma sa lungsod. At ang mga kumpanyang ito ang mga malalaking nagbabayad ng buwis sa pamahalaang lungsod.

Gayunman, mas nakapokus ang kampanya laban sa mga bag na plastik, at hindi sa iba pang uri ng plastik. Ibig sabihin, ipinagbabawal na ang paggamit ng mga bag na plastik sa pamamalengke. Dapat mayroon nang dalang bayong o mga telang bag, kapalit ng plastic bag, ang mga mamimili.

Ayon sa grupong EcoWaste Coalition (Philippine Daily Inquirer, Hulyo 4, 2013), umaabot na sa siyamnapung (90) lungsod at bayan ang nagpasa ng ordinansa na nagbabawal o kaya'y nagsagawa na ng patakaran sa paggamit ng mga bag na plastik. Madaragdagan pa ang bilang na ito bago matapos ang taon, ayon pa sa Ecowaste. Noong Hulyo 3, 2013, pinangunahan ng EcoWaste ang mahigit limangdaang (500) katao, na kinabibilangan ng mga estudyante, opisyal ng paaralan, mga opisyal ng samahan ng magulang at guro, mga beauty queens at mga makakalikasan upang gunitain ang ikaapat na “International Plastic Bag-Free Day” o "Pandaigdigang Araw na Walang Bag na Plastik". Nanawagan din sila sa pambansang pamahalaan na magsagawa ng mga batas at patakarang nagbabawal sa mga bag na plastik sa buong bansa.

Nang magsimula ako sa kilusang makakalikasan, nakadaupang palad ko ang ilang mga taong naging bahagi ng pag-unlad ko sa gawaing makakalikasan. Isa ako sa naimbitahan noon sa bahay ni Odette Alcantara, noong nabubuhay pa siya, sa kanyang bahay sa Blue Ridge, kasama ang ilang dumadalo rin sa Kamayan Forum sa Edsa, at nakita ko kung paano ba pinagbubukod ang nabubulok sa hindi nabubulok. Ang mga nabubulok, tulad ng dahon, papel, at pagkain, ay ibinabaon nila sa lupa. Merong maliit na lote sa malapit sa kanila ang pinagbabaunan ng mga nabubulok. Iyon namang hindi nabubulok, tulad ng bote, lata, at plastik, ay ibinubukod at ibinebenta, ang lata ay pinipipi bago ibenta, at inihihiwalay ang plastik. Doon ko rin nalaman ang tungkol sa Linis Ganda, kung saan may mga kariton itong nangunguha ng mga hindi nabubulok upang magamit pang muli, o yaong tinatawag na resiklo.

Ngunit bakit nga ba sinisisi at itinuturong dahilan ang mga bag na plastik sa mga nangyayaring kalamidad, lalo na sa baha? Gayunman, pag nagbaha sa mga lungsod at bayan, hindi kaagad ang mga pagkakabara ng plastik ang sinisisi ng pamahalaan, kundi ang mga maralitang nakatira sa may tabing ilog, estero at ilalim ng tulay. Imbes na pagtuunan ang dahilan ng pagkabara ng mga daanang tubig na ito, agad sinisisi ang mga dukha at pinagbibintangang siyang nagtatapon ng mga basura, lalo na ng plastik, sa tubig. Kailangan nilang umalis sa lugar, kung hindi'y sapilitan silang idedemolis. Patunay dito ang planong paglilikas sa mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, mula sa apat na malalaking ilog at apat na estero, ito ay ang mga ilog ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway at mga esterong Maricaban, Tripa de Galina, Maypajo at Sunog Apog. Kung hindi kaya nakakababara ang plastik, sisisihin kaya ang maralita sa pagbaha? Sa bandang huli, plastik na ang sinisisi ng marami dahil binabarahan nito ang mga daluyan ng tubig. Gayunpaman, dapat hindi ito maging sagka sa karapatang pantao ng maralita. Hindi ito dapat magaya sa nangyari sa mga dukhang dating nakatira sa tabing-ilog sa Paco kung saan dinemolis ang kabahayan ng mga maralita, laluna yaong mga kasapi ng MADZA, dahil daw nakakabara sila sa ilog na tambak ng basurang plastik, at inilipat sila sa relokasyon sa Calauan, Laguna, kung saan lalong hirap at gutom ang naranasan nila sa mismong relokasyon. Napaganda ang ilog sa pamamagitan ng proyekto ng mga kapitalistang nangasiwa rito, pero naging masahol naman ang buhay ng dati nang hirap na maralita, dahil napalayo sila sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay.

Bakit plastik? Dahil hindi ito nabubulok. Kaya pag nagbara sa kanal, sasaluhin nito ang mga tubig at pipigilan. Hindi tulad ng mga nabubulok tulad ng papel, karton, at dahon, na sa pagdaan ng panahon ay mabubulok na pag humalo sa lupa, ang plastik ay hindi nagbabago. Maaaring ito'y masira ngunit hindi ito nabubulok. Ngunit hindi lang simpleng plastik ang napapag-initan dito, kundi ang bag na plastik. Ito'y dahil ito ang pang-araw-araw na gamit ng tao na madaling itapon pag nagamit na. Ayon nga sa pahayag ni Gng. Sonia Mendoza, na namumuno sa Task Force on Plastics ng EcoWaste Coalition: “Plastic bags are the embodiment of an antiquated, throw-away mentality that we need to urgently address." (Ang mga bag na plastik ang pinakadiwa ng isang pag-iisip na makaluma at ugaling tapon ng taon na kinakailangan nating tugunan agad.)

Throw-away mentality. Ugaling tapon ng tapon kahit saan. Ito ang dapat unawain at solusyunan. Tulad na lang ng simpleng pagtatapon ng balat ng kendi. Kukunin ang kendi, tatanggalin ang nakabalot na plastik sa kendi, isusubo, at itatapon na ang balat ng kendi kung saan-saan. Dahil marumi na raw iyon at basura na. Ngunit basura lang iyon pag naitapon, gayong pwede naman itong ibulsa muna. Bakit ibulsa? May dalawang bahagi ang biniling kendi. Ang laman at ang balat o ang balot na plastik. Hindi ito basura at hindi ito marumi. Bakit nang pinaghiwalay ang dalawa, isinubo ang laman, ay itinuring nang marumi ang balat kaya itinatapon na agad gayong nang may laman pa itong kendi ay hindi naman itinuturing na marumi? Dahil sa throw-away mentality. Yung wala nang pakinabang o wala nang silbi ay dapat nang itapon. Ang balat ng kendi, imbes na ibulsa muna dahil walang basurahang mapagtapunan, ay tinatapon na lang kung saan-saan dahil pinandidirihan na itong ibulsa. Pero ito'y sa usapin ng balat ng kendi pa lamang, at hindi pa sa plastic bag.

Sa mga malalaking tapunan ng basura, halimbawa, sa Payatas, kitang-kita ang napakaraming tambak ng basurang plastik. Sakali mang itapon ng wasto ang mga plastik, napakaraming taon ang bibilangin bago ito mabulok, kung mabubulok ito. Kung hindi naman ito maitatapon ng wasto, babara ang mga plastik na ito sa imburnal, kanal, at magpaparumi sa ilog, dagat, at iba pang daanan ng tubig, at nakakaapekto rin ng malaki sa tahanan ng mga hayop. Maaari ding akalaing pagkain ito ng mga hayop at isda sa dagat, na siyang ikamamatay ng mga ito. Ang matindi pa rito ay kung nagtatapon ng basurang nakabalot sa plastik, lalo na ng itim na garbage bags, sa dagat mula sa mga barko. Tiyak na apektado rito ang mga nabubuhay na mga isda't iba pang hayop sa karagatan. May mga balitang namatay ang isang balyena nang makakain ito ng isang plastik bag na puno ng basura. Dagdag pa rito, ang mga plastic bag ay nagmumukhang dikya o jelly fish na maaaring makain ng mga gutom na pagong at iba pang nabubuhay sa karagatan.

Ang mismong pagkakadeklara sa Hulyo 3 bilang “International Plastic Bag-Free Day” ay nagpapakitang matindi talaga ang negatibong epekto ng mga plastic bag sa ating kapaligiran. Kinakailangan pa ng deklaradong araw para lang sa kampanyang ito. Ibig sabihin, hindi isang trend o "in" lang sa ngayon ang panawagang ito, kundi isang seryosong kampanya upang solusyunan ang mga litaw na problema. Bakit pinag-initan ang bag na plastik at hindi ang iba pang klase ng plastik?

Alamin muna natin ang iba't ibang klase ng plastik. Batay sa pananaliksik, may pitong klase ng plastik. Noong 1988, nagsagawa ng sistema ng pagklasikipa ng plastik ang Society of Plastic Industries (SPI) upang malaman ng mga bibili at ng mga magreresiklo nito ang iba't ibang klase ng plastik. Ang mga kumpanyang gumagawa ng produktong plastik ay naglalagay ng kodang SPI, o numero, sa bawat produktong plastik, na karaniwang nakaukit sa ilalim ng produkto. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Polyethylene terephtalate, o PETE. Ito ang uri ng plastik na ginagamit sa mga inuming nakalalasing, lalagyan ng medisina, lubid, hibla ng karpet at pananamit. Karaniwang nareresiklo ang mga bagay na yari sa ganitong uri ng plastik.

2. High-density polyethylene, o HDPE. Ito naman ang uri ng plastik na ginagamit na lalagyan ng langis sa makina, shampoo at kondisyuner, bote ng sabon, detergent at bleach. Karaniwan ding nareresiklo ang mga bagay na yari sa plastik na ito. Gayunman, hindi ito ligtas na gamiting muli ang mga boteng yari sa HDPE na lalagyan ng pagkain o inuman kung sa orihinal ay hindi ito ang gamit noon.

3. Polyvinyl chloride, o PVC (V). Ito ang ginagamit sa plastik na tubo, plastik na credit cards, frame ng bintana at pinto, gutter, mga produktong synthetic leather. Paminsan-minsan ay nareresiklo ito, ngunit ang ganitong uri ng plastik ay hindi ginagamit sa pagkain, dahil maaaring makasama sa katawan.

4. Low-density polyethylene (LDPE). Ito ang ginagamit sa mga plastik bag na pang-groseri, o yaong pambalot ng mga karne, isda, at gulay sa palengke, at plastik na pambalot ng tinapay sa panaderya. Paminsan-minsan ay nareresiklo ang mga ganitong plastik.

5. Polypropylene (PP). Matibay ang ganitong uri ng plastik at kayang tumagal sa mas mataas na temperatura. Ginagamit ito sa paggawa ng baunan ng pagkain (lunch box), lalagyan ng margarina, bote ng medisina at syrup, boteng pandede ng bata, istro, at mga plastik na tansan. Kadalasang nireresiklo rin ito.

6. Polystyrene, o iyong styrofoam (PS). Ito naman yung ginagamit sa pagkain, tulad ng plato, kutsara't tinidor, at baso, plastik na lagayan ng itlog, mga tray sa fast foods. Karaniwan din itong nareresiklo, bagamat napakahirap.

7. At iba pang plastik (Other). Sa kategoryang ito pumapasok ang mga uri ng plastik na hindi nakapaloob sa naunang anim, at ito ang mga bagay na napapalamnan ng plastik na naimbento makaraan ang 1987. Sa kategoryang ito nakapaloob ang polycarbonate at polylactide. Kasama sa mga produkto nito ang mga sports equipment, mga gamit pang-medikal at dental, CD, DVD, at kahit na yaong mga iPods.

Sa mga klaseng ito, bagamat lahat ay maaaring makabara sa kanal, ang karaniwang itinatapon bilang basurang nakakabara sa kanal ay yaong plastik bag at mga pambalot ng bigas, karne, isda't gulay sa palengke. Ang plastik na ito ang pinakapopular sa halos lahat ng uri ng tao, bata't matanda, dukha'y mayaman, babae't lalaki. Nakita ko mismo ang dami ng plastik na ito na nagkalat mismo sa gitna ng dagat. Grabe.

Noong Agosto 16, 2006 ay nakasama ako sa isang aktibidad ng SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) at EcoWaste Coalition sa Roxas Blvd. sa Maynila, kung saan nagtanggal kami ng mga plastik na basura sa dagat, at pinaghiwa-hiwalay ang mga ito batay sa uri ng plastik. Pawang nakuha namin dito ay mga plastik na kabilang sa ikaapat na klase, o iyung LDPE (Low-density polyethylene). Pawang mga gamit sa pang-araw-araw ng tao. Bandang hapon ng araw ding iyon, sumakay kami sa nakahimpil na barko ng Greenpeace, ang MV Esperanza, sa daungan ng Maynila. Mula sa barko, nakita namin ang napakaraming basurang plastik na naglulutangan sa dagat. Naisip ko tuloy, napakaliit na bagay lang ang ginawa namin, ngunit kung laging gagawin araw-araw ay malaki na ang mababawas. Ngunit ang problema, patuloy namang nagtatapon ng basura at dumarami pa sa dagat, kaya paano ito mauubos? Habang nagbabawas ka ng paunti-unti, malaki naman ang nadaragdag na basurang plastik sa dagat.

Ipinagbawal din ang pagsusunog ng basura, dahil masama sa katawan ng tao ang amoy ng nasusunog na plastik. Sa mga bakuran o tarangkahan ng mga bahay-bahay, lalo na sa mga lalawigan, ay mahilig magsunog ng basura. Iipunin ang mga dahon-dahon at sisigaan sa tabi ng isang puno upang maalis umano ang mga peste at gumanda, lumago at mamunga ang puno. Ang problema ay kung may nasasamang plastik sa nasusunog na basura. Karamihan ng basura sa mga bahay-bahay ngayon ay napakaraming plastik at may mga papel na dumaan sa kemikal. Pag sinunog ito, nagiging polusyon ito sa hangin at madaling masinghot. Ang mga abo naman nito ay maaaring hanginin o kaya'y mahalo sa tubig sa ilalim ng lupa. May ibinubugang lason ang pagsusunog ng basura, lalo na't may plastik. Nariyan ang dioxin na nagdudulot ng kanser, at nagpapahina ng immune system, dahil na rin sa pagkasunog ng mga basurang may halong PVC.  Nariyan din ang nitrogen oxides at sulfur oxides na nagdudulot ng sakit sa baga, sa respirasyon, at sa central nervous system. Nilalason din nito ang mga lupa at tubig na dulot ng asidong ulan. Imbes magsunog ng basura, paghiwalayin ang nabubulok sa hindi nabubulok. Ibaon sa lupa ang mga nabubulok, at iresiklo ang mga hindi nabubulok.

Matagal na nating kasama ang plastic bag, ngunit paano ba ang dapat nating gawin? Bukod sa pagbabawal sa paggamit ng mga bag na plastik sa iba't ibang lungsod at bayan, ano pa ang ginagawang inisyatiba ng pamahalaan at ng ating mga kababayan?

Marami nang nangangampanya laban sa plastic bag sa iba't ibang panig ng mundo. Nariyan din ang "Ban the Bag! - A campaign to end single use plastic bags in Portland" sa facebook. Nariyan din ang Ban the Bag Alliance sa Australia, www.banthebag.com.au. Ayon sa pahayagang Jordan Times, "UNESCO launches campaign against plastic bags", ibig sabihin, kahit ang isang sangay ng United Nations, ay nangangampanya na rin laban sa paggamit ng mga plastik bag. Anupa't sadyang pandaigdigan ang kampanyang ito. Sa Jakarta Post naman, ibinalita nitong may 150 boluntaryo sa Aceh ang nangangampanya sa mga Indones na bawasan na ang paggamit ng mga plastic bag upang mabawasan ang mga basurang plastik, at isa sa kanilang mga aksyon ay ang pagpapalit ng sampung plastic bag kapalit ng isang telang grocery bag. Sa ating bansa naman ay nariyan ang EcoWaste Coalition, Green Convergence, at iba pang grupo na ayaw sa plastik. Kailangan nating magpakatotoo sa kampanyang ito, dahil kung hindi, matuturing lang tayong plastik.

Sa panig naman ng mga manggagawa, halimbawa yaong sinasabing may 224 na kumpanya ng plastik at pagawaan ng goma sa Lungsod ng Valenzuela, mawawalan sila ng trabaho kung magsasara na ang kumpanya ng plastik na pinagtatrabahuhan nila. Dapat magkaroon din sila ng alternatibong trabaho upang hindi sila magutom. Dapat maging mapanlikha. Hindi tayo dapat mabuslo sa usaping trabaho versus kaligtasan at kalusugan. Bagamat alam nating ang iba't ibang kumpanya ay magkakaribal ng produkto, at marahil ay naglalabanan na ang mga kapitalista ng plastik at mga kapitalistang gumagawa ng alternatibo sa plastik, at pulos tubo ang kanilang iniisip, ang mas tamang isipin natin ay ang kapakanan, kagalingan at kabutihan ng pangkalahatan, at hindi ng iilang sektor lamang.

Ano naman ang ipapalit sa plastic bag kung sakali man? Papel mula sa puno o kaya'y tela para maging bag. Ibig sabihin, napakaraming puno ang dapat sibakin upang maging papel. Ngunit ang usapin dito ay ang pagbabara ng mga kanal dahil sa mga plastic bag, lalo na yaong SPI bilang 4. Simpleng ugali lang ba ng tao ang mabago upang maging tama ang paggamit ng plastik? Kailan ba sa kasaysayan sabay-sabay na nagbago at nadisiplina ang tao? O dapat tanggalin ang plastic bags dahil hindi agad mababago ang ugali o madidisiplina ang tao? Ang papel ay nabubulok kaya hindi magbabara sa kanal, ngunit hindi nabubulok ang plastic bag. Uulitin natin, ang isyu ay ang pag-aalis ng plastic bag, at hindi pa yaong plastik.

May iba't ibang bansa na ang nagpasa ng batas na nagbabawal sa mga plastic bag. Nariyan ang The Punjab Plastic Bags Control Act sa bansang India. Sa bansang Tasmania ay nariyan ang "Plastic Shopping Bags Ban Bill 2013. Sa ating bansa, nariyan ang panukalang batas sa Senado, ang Senate Bill 2759, na pinamagatang "Total Plastic Bag Ban Act of 2011" o AN ACT PROHIBITING THE USE OF PLASTIC BAGS IN GROCERIES, RESTAURANTS, AND OTHER ESTABLISHMENTS, AND PROVIDING PENALTIES FOR VIOLATIONS THEREOF.

Mabubuod sa Seksyon 3 ang pangunahing nilalaman ng panukalang batas na ito: "Sec. 3. Prohibition. - Groceries, supermarkets, public markets, restaurants, fast food chains, department stores, retail stores and other similar establishments are hereby prohibited from using non-biodegradable plastic bags. All aforementioned establishments shall only provide recyclable paper bags and/ or biodegradable plastic bags to its customers."

Sa Mababang Kapulungan naman ng Kongreso, inaprubahan ng mga mambabatas ang House Bill 4840 o The Plastic Bag Regulation Act of 2011. Pinapatakaran ng nasabing panukalang batas ang wastong paggamit ng mga plastic bag, at paglikha ng isang "plastic bag recovery system". Ayon kay Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro), isa sa may-akda ng panukalang batas, “The State must ensure that contaminants to the environment, such as plastic and plastic bags, be prevented from being introduced into the ecosystem.” Inirerekomenda sa HB 4840 ang pag-alis (phase out) sa mga di-nabubulok na plastic bag sa loob ng tatlong taon matapos itong maisabatas.

Sabi naman ni Rep. Aurelio Gonzales (3rd District, Pampanga), na isa rin sa may-akda ng panukala, “The phase-out of plastic bags is a practical contribution to the collective efforts of solving the country’s environmental problems.” (Ang pag-alis sa mga bag na plastik ay isang praktikal na ambag sa kolektibong pagsisikap na maresolba ang mga problemang pangkapaligiran ng bansa.) Ayon naman sa prinsipal na may-akda ng panukala na si Rep. Oscar Malapitan (1st District, Caloocan City), “the recovery system will lead citizens to exert effort and give their due share in protecting the environment by bringing used plastic bags to stores and commercial establishments which in turn shall provide the logistics for recovery of these plastic shopping bags.”

Hindi pa mga ganap na batas ang mga ito. Kaya bilang simpleng mamamayan, paano tayo tutulong sa kampanyang ito? Unang-una na, sa pamamagitan ng leadership by example, dapat makita mismo sa atin na hindi na tayo gumagamit ng plastic bag, sanayin natin ang ating sarili at pamilya na sa araw at gabi ay walang mga plastic bag sa ating tahanan at pinagtatrabahuhan, at pawang mga biodegradable bag na lang ang ating gagamitin. Ibig sabihin, may mga bag na tela, papel o karton na maaari nating magamit.Hindi ito kagaya ng mga plastic bag na hindi naman natin nakasanayang iresiklo. Ikalawa, ikampanyang maisabatas na ang mga panukalang batas na nagbabawal ng plastik. Ikatlo, libutin natin ang mga eskwelahan at mga pagawaan upang magbigay ng edukasyon laban sa paggamit ng mga plastic bags. Ikaapat, nasasa inyo ang desisyon, mga kaibigan, upang makapag-ambag sa pagresolba ng malawakang problemang ito.

Marami pa tayong magagawa upang mabawasan ang paggamit ng mga plastic bag, at sa kalaunan ay tuluyan nang mawala ang mga ito. Mangyayari lang ito kung seryoso tayong kikilos upang maisakatuparan ang lahat ng mga adhikaing ito para sa kinabukasan natin at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:

http://www.gmanetwork.com/news/story/318144/news/specialreports/as-ban-on-plastic-bags-spreads-valenzuela-stubbornly-says-no
http://newsinfo.inquirer.net/454119/plastic-ban-saturday-ordinance-takes-effect-this-week
http://newsinfo.inquirer.net/438011/environmentalists-seek-nationwide-plastic-ban
http://plasticbagbanreport.com/phillipines-legarda-files-total-plastic-bag-ban-act/
http://plasticbagbanreport.com/philippines-house-of-representatives-vote-to-regulate-plastic-bags/
http://en.wikipedia.org/wiki/Plastic

Lunes, Hunyo 10, 2013

Pambungad sa aklat na ANG MUNDO SA KALAN

Pambungad
MULA EASC, KAMAYAN FORUM, SALIKA, PMCJ, ATBP.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lagaslas ng tubig, mga pilapil ng palay, luntiang bukirin, batis, matatayog na bundok, bahay kubo, naglipanang langkay-langkay na ibon, kumpay at kalabaw, huni ng pipit, kilyawan, at kuliglig, talaba at halaan, malalagong bakawan, nara, uwak at tagak, aplaya at laot...

Ganito kadalasang inilalarawan ang kalikasan (nature) at kapaligiran (environment), lalo na sa mga lumang panitikan. Ngunit kung susuriing maigi, ito'y karaniwang pumapatungkol sa buhay ng isang liblib na kanayunan. Sa lugar na hindi naabot ng pag-unlad. Hindi sa marangyang kalunsuran o nanlilimahid na lunsod.

Ngunit hindi pala ito lang ang kalikasan. Lumaki ako sa lungsod na nagpuputik sa taunang pagbaha, pulos aspaltado't sementadong daan, laganap ang polusyon, kaya ang ganda ng kanayunan ay isang pangarap. Gayunman, nagbago ang pagtinging ito nang makasalamuha ko at maging bahagi ng iba't ibang grupong nakatutok sa samutsaring isyu ng kalikasan. Iba pala ang buhay-probinsya sa pangkalikasang usapin. Ngunit paano nga ba ako napunta sa larangang ito?

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng mga tanim niyang halaman, tulad ng punong gumamela. Hanggang isang araw, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay. Mabuti't sinalo siya ng punong gumamela kaya hindi siya nahulog sa sementadong bangketa. Kaya ang pangyayaring iyon ang unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Nang magkolehiyo ako'y natuto sa ilang usaping pangkalikasan, tulad ng pagkapunta ko noon sa Basilan, nang sinabi ni retiradong obispo Querexeta na hindi dapat ipagdiwang ang Earth Day, bagkus ipagluksa. Hanggang sa mapasali ako noong kolehiyo sa pangrehiyonal (NCR) na pormasyong EASC (Environmental Advocacy Students Collective). Naimbitahan naman ako ni Roy Cabonegro sa grupong ito nang magtungo siya sa tanggapan ng NFSC (National Federation of Student Councils) sa Dapitan. Nagpupulong noon sa NFSC ang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) kung saan isa ako sa rehiyonal na opisyal. Nag-imbita siya kung sino ang maaaring dumalo sa pulong ng EASC. Sa aking mga kasama, ako lang ang tumugon, at nag-usap kami ni Roy hinggil sa isyung kalikasan at ang papel ng mag-aaral tulad ko sa usaping ito. Naghalalan noong Hunyo 1995 at nahalal ako bilang isa sa mga opisyal ng EASC. Dahil sa EASC, nakarating ako sa Kamayan para sa Kalikasan Forum. Mula noon, dumadalo na ako’t naging aktibo sa kilusang makakalikasan.

Nakilala ko si Sir Ed Aurelio “Ding” Reyes na tagapagpadaloy ng Kamayan Forum, at siyang nagyaya sa akin sa Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Mula dito ay marami na akong nakilala't nadaluhan, tulad ng Saniblakas Foundation, magasing Tambuli, Kampanyang Tangkilikan, at iba pa. Nalathala ang ilan kong sulatin sa Kamayan Journal, at naging associate editor ako ng Tambuli. Nilathala naman ng Kamalaysayan ang aklat kong Macario Sakay noong 2007.

Noong 1996, dumating ang barkong Rainbow Warrior ng Greenpeace, at isa ako sa naging staff sa sanlinggong pamamalagi noon dito. At doon ko rin nakilala ang Greenpeace Southeast Asia na pinamumunuan ni Athena Ronquillo at ang Nuclear Free Philippines Coalition ni Cora Fabros. Tinauhan ko rin noon ang environmental desk ng grupong Sanlakas. Sa isang pulong ng kabataan sa La Salle kaugnay ng Philippine Agenda 21, minungkahi ko ang pangalang Youth for Sustainable Development Assembly dahil sa daglat nitong YSDA na tunog isda, ito’y naaprubahan, at siyang pangalan ng grupong naitayo.

Naitayo ang SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) noong 2000. Noong Hunyo 2008 ay nahalal akong bise-presidente nito, at si George Dadivas ang pangulo, Marz Sape ang sekretaryo heneral, at Pia Montalban ang treasurer. Sa pagdaan ng panahon, nakilala ko ang EcoWaste Coalition nina Rei Panaligan, ang Green Convergence na pinamumunuan ni Dra. Nina Galang, ang Consumer Rights for Safe Food (CRSF), ang Haribon Foundation. Di ako kasali sa Lingkod Tao Kalikasan ni Sis. Aida Velasquez ngunit mayroon ako ng ilang isyu ng kanilang 8-pahinang pahayagang Tao Kalikasan. Maganda ang pananagalog sa pahayagang iyon at doon ko nakita ang salin sa wikang Filipino ng ilang salitang Ingles, tulad ng bahura na tagalog sa coral reef. Nagagamit ko ang mga ito sa pagtula.

Sa paanyaya ni Val Vibal ng AMA (Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura), nakasama ako sa core group ng Green Collective sa pulong sa tanggapan ng PLM (Partido Lakas ng Masa). Nasaksihan ko rin ang pagsasama ng kilusang paggawa at kilusang makakalikasan sa panawagang pagbasura sa JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Isa sa magandang oportunidad sa akin ay nang mapasama ako sa Bangkok, Thailand noong Setyembre-Oktubre 2009 bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok. Climex (ClimatExchange) ang pangalan ng grupo namin mula Pilipinas dito, at noong Hunyo 2010, sa pulong ng Climex ay pinalitan ito ng pangalang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Nitong Nobyembre 2009 naman ay nakasama ako sa mahabang lakaran mula lalawigan ng Quezon hanggang Maynila laban sa pagtatayo ng Laiban Dam.

Naging aktibo rin ako sa ilang aktibidad ng ATM (Alyansa Tigil Mina) at ng No to Mining in Palawan campaign ng AFI (ABS-CBN Foundation Inc.). Ilang ulit na rin akong nakasama sa mga rali sa harap ng DENR (Department of Environment and Natural Resources).

Sa ngayon, naglilingkod ako bilang manunulat at makata sa kilusang paggawa, partikular sa BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino) at sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod). Ang mga natutunan kong mga isyu't pagsusuri sa kilusang makakalikasan ay dinadala ko, sinusulat at ibinabahagi sa kilusang paggawa. Ito ang isa kong papel na mahalaga kong ginagampanan.

Naging aktibo ako sa kilusang makakalikasan, hindi para magpatay-oras lamang dahil walang magawa, kundi dahil interesado ako sa iba’t ibang isyu hinggil sa kalikasan. Ngunit paano ko ba maibabahagi ang mga napag-aralan ko sa kanila? Sinuri ko ang aking sarili. Paano ba ako makakatulong? Di ako magaling magsalita. Di ako speaker. Napunta ako noong 1995 sa kilusang makakalikasan sa panahong nasa publikasyong pangkampus ako. Bilang manunulat. Bilang makata. Bilang editor. Ito ang kakayahan ko. Tama. Ito ang gagamitin ko upang makatulong, upang maibahagi ang naibahagi sa aking kaalaman.

Sa pamamagitan ng pluma, lumikha ako ng mga sanaysay at tula upang makapagmulat at matuto rin ang iba sa mga napapanahon at di napapanahong isyu ng kalikasan. Hanggang sa ilunsad ko ang blog na Diwang Lunti sa internet na matatagpuan sa kawing na http://diwanglunti.blogspot.com/. Dito ko inilalagak ang ilang mahahalagang artikulong gawa ko at ng ilang kaibigan upang madaling makita at maipamahagi sa marami, at kung kinakailangan ay agad mahanap.

Napagtanto kong hindi maihihiwalay ang usaping pulitikal sa usaping kalikasan. Tunay ngang lahat ng bagay ay magkaugnay. Sa pangkalahatan, mula personal na pagtingin tungo sa pulitikal, patuloy tayong dapat kumilos at makibaka para sa ikagaganda ng tanging daigdig na tahanan ng mahigit pitong bilyong katao at iba pang nilalang.

Sa lakbaying ito, kasama ang iba’t ibang kilusang makakalikasan, ay kumatha ako ng mga sulatin at iba’t ibang tula. Ilan sa mga kathang ito’y aking tinipon at inilathala sa aklat na ito bilang handog ng pasasalamat sa mga nakasama at makakasama pa sa lakbaying ito, at sa iba pang hindi nakasama ngunit katulad ko’y nagtataguyod ng isang kalikasang malinis at maayos na maipapamana natin sa mga susunod na henerasyon. May limampu’t limang tula at labing-isang sanaysay na naririto. Sa labing-isang sanaysay, kasama na rito ang Pambungad, at ang dalawa kong sanaysay sa Ingles na naisulat ko sa kalagitnaan ng 1990s sa publikasyong The Featinean, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng FEATI University, na nasa bahaging likod ng aklat na ito.

Taos-pusong pasasalamat sa inyo, mga kasama’t kalakbay. Mahaba pa ang ating lalakbayin, kaya tuluy-tuloy tayong kumilos tungo sa pangarap nating kalikasang malusog, malinis at kaaya-aya at tungo sa pagtatayo ng isang lipunang may pagkakapantay para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon. Mabuhay kayo!

Sampaloc, Maynila
Hunyo 9, 2013